CHAPTER 9- NAKATAKDANG PAGKAKALAYO.
Sa kuta ay si Leo rin ang pinag-uusapan nina Garuda at Mostafa. “Paano kung walang binanggit si Marcaida tungkol kay Turla.?“ tanong ng una.
“Siya nga si Ladoza.! Pero, bakit bumunot siya ng baril sa ganoong paraan.?“ tanong din ng huli.
“Sa dahilang hindi raw niya alam na siya si Leo Ladoza.!“ sagot ni Garuda. Tumitindi ang pag-aalinlangan at nabanggit pa ang nakaraan. “Ngayon ko lang naalala nang tanungin ko si Perenya kung Ladoza ang apelyido ng tarantado.
Matagal siyang ‘di nakasagot. Pagnagkataon, maigaganti ko rin si Turla.!“
“Para mapatunayan, subukan mo siyang muli sa baril.!“ payo ni Mostafa.
“Tiyak na makikialam si Marcaida at ipapangahas na naman ni Kenji ang kanyang kapangyarihan. At hindi lang ‘yon, baka magpakamatay pa si Lumin kung magiging totohanan ang barilan naming ni Leo.!“
“Bakit ganoon.?“ sabi ni Mostafa. “Gusto ni Lumen si Leo kaysa sa’yo. Samatalang nakakahigit ka naman sa kakisigan.!“
“Tarantado.! Hindi totoo ang sinasabi mo sa akin. Mas naniniwala ako sa salamin kaysa sa’yo. Ang alam ko, nakakalamang pa rin sa akin si Leo ng isang paligo, hindi hilamos na sabi mo.! Paano kayang mawawala siya rito sa Busuangga.?“
“May naisip akong paraan, Garuda. Ako’ng bahala. Hintayin nating makapasok sa kuta ang dalawang kontra bida sa buhay mo.“
“May utak ka rin ba, Mostafa.?“ nakatawang tanong . Umaalog ang baba.
“Aba, oo Garuda. Tulad mo rin. Pagnagsama ang utak natin, puwede na tayong mamuno rito sa Busuangga.!“ kumikindat pang sabi sa pagtawa.
“Sige nga, subukan natin ang utak mo.!“ amuki ni Garuda.
Ilang sandali pa. Makikitang sakay ng kabayo ang dalawang indones. Palihim silang lumayo sa kuta at sinadya namang magpakita kay Leo.
“Hinay lang , Garuda. Tiyak na susunod ang ulol kung siya nga si Leo Ladoza.
“Tama ang sinabi mo. Nasa likuran natin ang tarantado.!“ nasisiyahang wika at lantaran pang ipinakita ang dala nilang tuwalya upang mag-anyong maliligo sila sa batis.
Madaling natunton ni Leo ang dalawang kilabot. Nakita niyang nagsasabuyan pa ng tubig.
Nangangaligkig sa ginaw si Garuda. Parang pusang takot sa tubig at panay ang mura kay Mostafa upang masawata sa pagsaboy ng tubig.
Nakita ni Leo ang mga hinubad na damit at sinturon ng dalawang kilabot. Nakapatong sa isang malaking bato na animo’y sinadyang ipakita sa balana. Marahang lumapit ang binata at dinampot ang gustong kunin. Ang sinturon na may baril.
Kunwa’y galit pang napalingon ang dalawang nasa tubig nang makitang ikinakama ni Leo sa kanyang baywang ang isang sinturon. Mabilis silang umahon sa tubig . Naka putot lamang.
“Kung ikaw si Leo Ladoza. Papatayin mo ba ako sa ganitong kalagayan.?“ tumatawang tanong ni Garuda.
“Dapat lang sana pagkat masama kang tao.!“ mariing sigaw ni Leo at sinaklit ng paa ang isa pang sinturon na may baril at pasipang inihagis sa kalaban.
“Tama ang kutob ko, Mostafa.! Wala bang sagabal.?“ natutuwang sabi ni Garuda habang isinusuot sa kanyang baywang ang nasabing sandata.
“Wala, Garuda.!“ aniya matapos pagalain ang paningin.
“Magaling.!“ ang sabi saka siya bumaling. “Handa na ako, Ladoza.!“
Dalawang dipa lang ang agwat ng dalawang maglalaban. Sumusulak ang dugo ni Leo. Samantalang si Garuda ay nakatawa at parang takam na takam sa labanang iyon.
“Natatandaan ko ang banta mo noon. Sabi mo’y bala ang ipampipitik mo sa aking ilong. Gawin mo at ako nama’y sa iyong noo. Lamang ka sa labanang ito pagkat mababa lang ang patatamaan mo.! Bunot.!“ ang sigaw.
Mabilis namang kumilos si Leo. Kailangang itapat sa ilong ni Garuda ang kanyang baril, ngunit nakita rin niyang lumagpas sa pagtaas ang baril ni Garuda at huminto sa tapat ng noo.
“ Huli ka, Ladoza.!“ mabilis na sigaw ni Garuda. Narinig din niya ang lagitik ng baril ni Leo. Kinalabit kahit sa bibig pa lang niya nakatutok at kulang pa sa taas.
“Walang bala.!“ galit na sigaw ni Leo, matapos panayin ang pagkalabit sa baril. Naisip din niyang nalinlang siya ng kalaban matapos suriin ang kanyang pahayag.
“Kahit may bala ang baril mo. Patay ka rin.!“ nakangising sambit ni Garuda at marahang hinigit ang gatilyo ng kanyang baril.
Lalong nanlisik ang mga mata ng binatang siyudad pagkat mamamatay siyang walang laban.
“Bang.!“ sigaw ni Garuda at sinabayan pa ng biglang pagtawa at bigla ring pagtigil nang magsalita. “Matapang ka, Ladoza ngunit hindi kita dinaya. Wala ring bala ang baril ko.!“
“Kung gayon, may laban pa ako.!“ sigaw ni Leo at akmang dadaluhong .
“Huwag.!“ sansala ni Garuda. Bahagyang umurong kasabay ang napakabilis na pagsuksok ng hawak niyang baril at ang pagbunot naman ng isa pang baril mula sa kanyang likuran. “Kargado ito, Ladoza. Baka dito pa lang ay mayari ka na.!“ banta pa ng nakatawang kilabot.
“Huwag, Garuda,!“ awat ni Mostafa.“ Kahit paano, may dugong makikita si Marcaida. Maririnig pa ang putok upang tayo ang pagbintangan. Ipatapon mo na lang siya sa kabilang pulo.!“ mungkahi pa ng alalay habang kinukuha ang baril na hawak ni Leo.
Tinanggap ni Garuda ang payo ni Mostafa. Hindi na itinuloy ang balak niyang patayin si Leo sa pook na iyon. Sampalataya siya sa ginawang pamamaraan ng kanyang alalay na ang sabi, pareho silang matalino.
“Iangkas mo siya sa iyong kabayo. Magtutungo tayo sa ating barko.!“ sabi pa ni Garuda habang minamadali ang pagbibihis.
Makalipas pa ang ilang sandali, patungo na ang tatlong lalake sa Baryo Wawa. Sa kagubatan sila nagdaan at sinadyang iwasan ang baryo upang ‘di sila maging punahin at medaling marating ang patutunguhan. Nakagapos ng baging ang mga kamay ni Leo at umaasa na lang sa isang magandang pagkakataon upang makaligtas.
“Mga bata.! Igapos sa ating barko ang taong ito.!“ bungad ni Mostafa nang marating nila ang pakay at makababa sila ni Leo sa kabayo.
“Tamang-tama ang dating ninyo, Garuda. Isang tapayang tuba ang tutunggain natin.!“ salubong ng mga tauhang indones .
“Sa ibang araw na lang. Kailangang makabalik kami sa bayan bago mahalata ni Marcaida ang pagkawala ng taong ito.!“ sabi ni Garuda habang minamasdan ang pagtatali kay Leo sa barandilya ng kubyerta.
“Bakit, Garuda.? Sino ba ‘yan.?“ tanong ng punong pangkat.
“Bata ‘yan ni Marcaida at malaking sagabal sa aking layunin. Dalhin siya sa laot at barilin bago ipakain sa pating.! Ayokong may makakita sa kanyang bangkay. Maliwanag.!“ sigaw pa ni Garuda at agad na sumakay sa kabayo.
Umigting ang kalam’nan ni Leo ngunit wala siyang magawa sa mahigpit na pagkakatali.
“Ngayon mo sabihing napaglalangan ka namin, Ladoza. Ito na ang talagang totoo.!“ tumatawang sabi ni Mostafa bago bumaling sa mga tauahan. “Mga bata.! Sa gabi ang labas ng barko at huwag kayong magbubukas ng ilaw. Balitang may naliligaw ding patrol boat dito.” paalala pa niya bago sinundan ang nagmamadaling si Garuda.
“Paano mga kasama.! Tunggaan muna bago ang lalaking iyan.!“ anang punong pangkat nang ‘di na nila matanaw ang papalayong mga pinuno.
“Tama.! Habang hinihintay natin ang pagdilim.!“ sagot ng isa pang sugapa sa alak at agad na tumabo sa tapayan upang ipagpatuloy ang naudlot nilang tunggaan.
Sa kabilang dako. Parang nangalay ang kamay ni Lumin sa paghihinguto kay Aling Moreng na kasalukuyang namamahinga sa papag. Tumindig siya at dumako sa durungawan, ngunit agad ring nagbalik sa kabahayan. Ibinalitang wala si Leo sa likod-bahay.
“ Baka nagbanda na naman sa kuta.“ nag-aalalang sabi ni AlIng Moreng. Karakang bumangon. Lumabas at nagmasid.
Sumunod rin si Lumin. Nakitanaw, subalit talagang wala ang binata. Si Marcaida ang nakita niya at agad siyang sumalubong. Sinabi ang kanilang hinahanap
Saglit na nag-isip si Marcaida. Kumunot ang noo at gustong mag-abot ang kilay. Kapagkuwa’y nagsalita. “Nasa kuta naman si Garuda at… teka, bagong paligo nga pala sila ni Mostafa. H-m-m p.! Malayong mangyari ang ganoon kung walang dahilan. Mag-iimbistiga ako sa rio.”
“Sasama ako, Senyora, Marcaida.!“ habol ni Lumin.
Halos tumakbo ang dalawang babae sa patutunguhan. Hindi naman nagtagal, narating nila ang ilog.
“Wala rin siya rito.!“ ani Lumin. Palinga-linga.
“Wala rin kahit marca lang ng paglalaban.!“ sabi naman ni Marcaida na may pag-aalinlangan. Di kawasa’y napalingon siya sa likuran.
Papalapit sina Garuda at Mostafa. Sumunod nang makitang nagmamadali sa paglakad ang dalawang babae. Nag-aalala rin si Garuda sa pag-aakalang baka tumakas si Lumin. Sininghalan sila ni Marcaida.
“Hindi razon sa inyo ang kayo’y mabaho.! Bakit kayo naligo.!“
Si Garuda ang tinamaan. Napauklo ang ulo at marahang nilinga si Mostafa. Nakatawa sa kanya. Bigla rin siyang bumaling kay Marcaida at kunwa’y maang na nagtanong. “Ano’ng ibig mong sabihin.?“
“Saan ninyo dinala si Leo.?“ tuwirang tanong din ni Marcaida. Nanlilisik ang mga mata.
“Kung magtanong ka, para kang nakakatiyak.! Wala akong nalalaman.!“ asik ni Garuda.
“Pues.! Bakit kayo naririto.? Nagbabakasakali ka bang maliligo kami upang silipan.? O, nag-aalala kang baka may madiscubre akong bakas sa ginawa ninyo kay Leo.?“ sunud-sunod na tanong ni Marcaida. Nakapamaywang.
Walang malamang sagot si Garuda, kundi ang suminghal. “Pwe.! Tayo na, Mostafa. Tingnan ko lang kung makakita ng katibayan ang babaing iyan upang tayo’y usugin.!“ sabay talikod ni Garuda. Patuloy ang pagbulong ngunit ang pakiramdam ay hindi nawawalay kay Lumin. Bahala na ang kanyang mga tauhan upang sumubaybay sa dalaga.
Laganap na ang dilim nang matapos ang tunggaan ng mga kilabot sa wawa ng ilog. Kahit mga lasing, maliwanag sa utak nila ang utos ni Mostafa, at ngayon ay patungo na sila sa laot ng dagat.
Hindi makaalpas si Leo sa mahigpit na pagkakatali sa barandilya ng sasakyan. Nakamasid lang siya sa kilos ng mga kilabot.
“Madilim.! Paano nating makikita ang lugar ng mga pating.?“ tanong ng isang tauhan na siyang umuugit sa timon ng sasakyan.
“Bilin ni Mostafa, huwag tayong magbubukas ng ilaw. Pumalot lang tayo.!“ sagot ng pinunong panay ang sinok bago bumaling kay Leo. “Makatarungan kung magparusa si Garuda. Gusto niya. Barilin ka muna upang di mo maramdaman ang sagpang ng pating. Pero, bibigyan kita ng pagkakataong mamili. Ang bala o ang pating.!“
Hindi sumagot si Leo. Pinagala ang malinaw niyang paningin sa kadiliman. Tumingala siya. Walang makitang liwanag mula sa langit pagkat hatinggabi na kung sumilay ang buwan. Wala ring bituin na kasalukuyang natatakpan ng ulap.
“May natitira pa tayong tuba.!“ pasinok pang sabi ng isang kilabot. Hila-hila ang tapayan.
“Tuloy ang inuman.!“ sagot ng pinuno at muli nilang pinagharapan ang tunggaan. Para silang inuugoy sa alon ng dagat. Naroong mapahiga sila sa katuwaan pagkat nakakahilo at nakakaantok ang kadiliman.
“Tiyak.! Nasa laot na tayo.!“ sinisinok ding wika ng pinuno. Halata ang labis na kalasingan at pakapang inapuhap ang kanyang Thompson submachine gun habang nakalupasay sa lapag at muling nagsalita. “Gusto mo bang magbaon ng bala bago ka lamunin ng pating.?“ dugtong pang tanong at iniumang kay Leo ang ikinasang baril.
“Bigyan mo ako ng pagkakataong lumaban ng parehas.!“ ani Leo, naghahamon.
“kalagan mo ako.!“ sabi pa niya.
Napahalakhak ang pinuno. Sumasabog ang tuba sa bunganga nang magsalita.
“Hindi naman mabigat ang atraso mo sa amin. Maaaring ikaw ang nagustuhan ni Marcaida, dahil guwapo ka at pangit si Garuda. Kalagan siya at bigyan ng balaraw.!“ utos pa niya.
“Heto, bagong hasa at matalim.!“ sabi ng isang tauhan.
Kinuha ni Leo ang balaraw na inihagis sa kanya. Humanda siya sa pakikiaglaban, bagamat alam niyang hindi sapat ang hawak niyang patalim upang salasain ang mga kilabot.
“Ngayon.!“ sigaw ng pinuno. “Lalaban ka ng parehas sa mga pating. Talon.!“
Sigaw uli ng pinuno pagkat ayaw niyang dumanak ang dugo sa kanilang sasakyan at suliranin pa ang paglilinis.
Naudlot ang tangkang pananalakay ni Leo. Nagbago ang kanyang pakiramdam. Agad siyang tumalon at nawala sa kadiliman
Magkahalong tawa at sinok ang ginawa ng pinuno habang nakadunghal sa kubyerta. Pasigaw pa ang salita. “Pinili pa niya ang mamatay sa pating. Sige.! Ibalik na ang bapor.! Inaantok na ako.!“ sabay hilata sa tabi ng barandilya at ‘di na pinansin kung ano man ang nangyari kay Leo.
Agad namang umikot ang sasakyan upang taluntunin ang apoy ng dapog na nilikha ng mga naiwang tanod sa wawa ng ilog
Muling napatunayan ang kawikaan ni Garuda. Kahit lasing ang kanyang mga tauhan, kayang gampanan ang kanilang tungkulin. Hindi rin totoong maraming pating sa lugar na iyon, kundi lumba-lumba na kawangis lang ng pating ang palikpik sa likod. Hindi kumakain ng tao, bagkos ay tumutulong pa sa nalulunod upang itulak sa dalampasigan.
Matapos ang mahabang pagsisid ni Leo, lumitaw siya at marahang lumangoy patungo sa natatanaw niyang baybayin. Malayo man ay nakuha pa rin niyang marating sa tulong ng isang lumba-lumba na likas niyang alam ang kaugalian.
Matagal na namahinga si Leo sa buhanginan. Nakadapa at wari’y binabawi ang tumapong lakas sa paglangoy, hanggang sa manaig ang malagim na alaalang sinapit nila sa pulong iyon.
Bumangon si Leo at nagmamadaling nilandas ang paanan ng burol sa tulong ng bahagyang liwanag ng buwan. Nakita niya ang isang malaking puntod na may kurus na sanga ng kahoy. Nagsalita siyang tila may bulon sa lalamunan. “Perenya. O, aking Perenya.! “
Sa nakakaawang anyo ni Leo, lumipas ang maraming oras. Sumungaw ang silahis ng araw. Umaga na ngunit naroroon pa rin siya sa tabi ng puntod. Nakadapang nakayakap sa nakaumbok na lupang kinaroroonan ng kanyang minamahal.
Doon na niya ginugol ang paggunita sa masayang nakaraan nila ni Perenya. Ang malambing na pangungurot ng dalaga kapag natatawa sa biruan at tudyuan nila.
“Perenya, isinusumpa ko sa ibabaw ng iyong puntod, kailan ma’y hindi na ako iibig sa ibang babae. Patawarin ninyo ako. Hindi ko kayo naipagtanggol.!“ hinaing pa niyang nakadakot sa lupa ng puntod ang isa niyang kamay at gustong pigain sa masidhing hinagpis sa alaalang doon din nakalibing sina Mang Baste at aling Gelang.
Masakit din sa gunita ni Leo ang pangyayaring natupad ang hinagap ni Perenya na siya’y mamamatay kapag humalik sa ibang babae si Leo. “Hindi ko sinasadya.!
Hindi ko sinasadya.!“ paulit na panaghoy ng binata at buong pait na sumubsob sa puntod hanggang sa lumaganap ang sikat ng araw.
Mabigat ang katawang tumindig si Leo. Tinungo ang kubong batbat ng alaala sa nakaraan nila ni Perenya. Parang sasabog ang kanyang dibdib. Nanlalamlam ang mga mata niyang itinitig sa malaking larawan ni Perenya sa dingding ng bahay. Matagal. Sumasalit sa kanyang gunita kung paanong nabuo ang larawang iyon. Panakaw niyang kinunan ng litrato ang dalaga habang nagtatampo. Ganoon kaganda ang kanyang kasintahan kahit naninibugho.
Di kawasa’y napabulong si Leo. “Hindi ako matatahimik hangga’t hindi kita naipaghihiganti.!“ ang bantang ‘di na inalintana kung gaano karami ang kanyang kalaban at higit pang mabilis si Garuda sa pananandata.
Matamlay na nagbaba ng paningin si Leo mula sa larawang nakasabit sa dingding. Bumaling siya at napamulagat nang magsalita. “Ang maleta.! Bakit napunta sa ilalim ng papag.?“ kinakabahang bulong pagkat mula sa kabahayan ay natanaw niya ang nasabing bagay sa pinto ng silid. Agad siyang lumapit at binuksan ang maleta matapos matiyak na hindi nagbago ang kandadong de nomero. Inilabas niya ang kumikinang na baril kasabay ang muling pag-iisip.
“Marahil, sinadya ng tadhanang ‘di ka mawalay sa akin upang magamit kita sa aking paniningil.” sabi pang ‘di na pinansin ang mga alahas niyang nakalagay din sa lihim na taguan ng maleta.
Mula rin sa ilalim ng papag ay inilabas ni Leo ang isang sinturon na may suksukan ng baril, kasama ang isang maliit na kahon na puno ng punglo. Wala rin sa loob na iniugpong niya sa dulo ng baril ang isang tubo na galling din sa loob ng maleta. Kulay itim at gamit upang maging malayo ang marating ng punglo. Ikinama rin niya sa ibabaw ng baril ang isang maliit na teleskopyo. Kulay itim din at mabisa sa pangmalayuang tanaw. Anim na punglo ang isinuksok niya sa bola ng baril. Pinaikot at sinipat mula sa nakabukas na durungawan ang kahabaan ng pantalan. Nakita niya sa teleskopyo ang isang gumagapang na talangka sa pinakadulong pader ng pantalan. Pinaputukan. Sabog ang talangka at butas ang pader na sadyang makapal. Di kawasa’y muling nagbago ang pakiramdam ni Leo, nang bigyan pansin ang mga nagkalat na damit sa sahig. Ang mga saplot na ikinalat nina Garuda at Mostafa dahil sa paghahalughog. Sininop niya at inilagay sa aparador.
Muling lumabas ng kubo si Leo at nagtungo sa likod-bahay. Isa-isang pinigtal ang tinggang pabigat sa lambat ni Mang Baste. Ginatungan sa isang lata upang tunawin. Iyon ang gagamitin niya sa pagsasanay.
Matagal din bago nakabalik si Leo sa puntod ni Perenya. Nilinis niya at pinagyaman ang paligid. Sinindihan ang isang tinghoy upang gawing pananglaw sa kurus na tanging simbulo ng tatlong nasawi. Mapapansin din sa magkabila niyang pulso ang tingga na matapos lusawin ay hinulmang palapad at parang sinturong ipinulupot sa kanyang mga kamay. Ang layunin ay upang masanay ang kanyang katawan sa timbang na bigat ng tingga.
Naging puspusan ang pagsasanay ni Leo. Sa simula ay mabagal ang kanyang kamay sa pagbunot ng baril, ngunit sa taong may lunggati, matutupad ang mithiin lalo na nga’t dati na siyang sanay sa ganoong kilos kahit may pabigat ang kamay.
Noon nama’y naging matamlayin si Lumin nang mawala sa kanyang paningin si Leo. Palihim kung siya’y lumuha.
“Baka magkasakit ka, anak.?“ amo ni Aling Moreng. ”Kahit kaunti, kumain ka.“
“Mamaya na lang po, Inang.“ anang dalagang ‘di man lang tuminag sa panunungaw.
“Nakasandok na, anak. Halika na.” aya ng matanda at marahang hinila sa kamay ang dalaga.
Ngumiti si Lumin at nayag na sumunod sa inale. Magkasalo silang kumain pagkat wala si Marcaida at kanina pa kumain.
“Sino ba ang inaalala mo.? Si Garuda ba o si Leo.?“ tanong ng matanda.
“Pareho po sila, Inang.” sagot ng dalaga.
“Nauunawaan kita, anak. Ngayon ka lang umibig. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Magkikita rin kayo ni Leo. At tungkol naman kay Garuda. Una sa panginoon, nananalig akong hindi ka pababayaan ni Senyora Marcaida.“
“Sana nga po, Inang.“ parang nanghihinang sabi ng dalaga, kasabay ang tamilmil na pagsubo. Pumatak ang luha sa kanyang dibdib.
Bandang hapon nang magbalik si Marcaida. May dalang balita. “Dinoble ni Garuda ang mga tauhang nagmamatyag dito. Huwag kayong magtatangkang tumakas. Mapapahamak lang kayo. Mas gusto pa ni Garuda ang makita kang bangkay, Binibining dela Cruz kung hindi ka rin lang niya pakikinabangan.
Nagpasalamat ang mag-ale kay Marcaida at sabay pang nangalumbay ang mukha. Tumungo si Lumin at tumingala naman si Aling Moreng sa pananalangin. Dandam nila’y nasa tabi lang ang panganib.
Sa kabilang dako. Sa baryo Tala na siyang pamayanan ni Binibining dela Paz na mas kilala sa pangalang Bidang, ay nag-ugat sa mga taga roon ang isang damdaming mapaghimagsik. Gusto nilang humiyaw sa galit, ngunit wala silang magawa sa nakakabiglang kapangyarihan ng mga dayuhan.
Si Aling Sinang na ina ni Bidang ay parang pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi makatagal sa pagtayo at ganoon din sa pag-upo. Labas masok sa silid ng anak at manhik-manaog sa hagdan. Hindi malaman kung saan paroroon at kung sino ang lalapitan upang hingan ng tulong.
Mula nang dumating si Bidang buhat sa nakarang pistang bayan, lagi na siyang malungkot. Hindi makitang ngumingiti. Pasuling-suling ang mata kapag natitingnan. Bahagya nang magsalita at tila nangangambang tingnan ang sariling mukha sa salamin. Kung minsan para siyang bata na kung anu-ano ang tinatanong. “Inang, napupunta po ba sa impiyerno ang mga nagpapakamatay.?“
“Oo, anak.!“ hinagpis na sagot ni Aling Sinang. “Kasalanan sa Diyos ang ganoon at kagustuhan naman ng demonyo. Kukunin ka niya at dadalhin sa pook na pawang apoy ang paligid. Masusunog ka, anak.!“ may luhang wika ng matanda pagkat alam niyang may binabalak si Bidang kaya dinagdagan pa niya ang pagsasalarawan ng impiyerno na para bang siya ay galing na roon. “Kung buhay lang ang Tatang mo, hindi ka niya matitiis sa ganyang kalagayan. O, anak ko. Huwag kang mag-iisip ng masama. Magdasal ka at humingi ng awa sa Diyos.!“ samo pa ng matanda at niyakap ang anak.
Wari’y napahinuhod naman si Bidang at nagwika. “Inang, samahan mo po ako sa bisitas. Gusto kong mahugasan ang narumihan kong katawan dahil sa pangkat ni Garuda.“
“Oo, anak. Mag-ayos ka at malapit na ang orasyon.!“ natutuwang sabi ng matanda.
Agaw dilim na nang lumabas sa lansangan ang mag-ina. Halata ang pamumutla ni Bidang. Laging sa ibaba ang nakatingin. Natatakot siyang itaas ang mga mata, akala niya’y siya ang tinitingnan ng lahat at itinuturo sa naging karanasan.
Natahimik lang ang kalooban ni Bidang nang sila’y nasa loob na ng bisitas. Sumawak siya ng agua bendita sa lagayan at pahilamos na nagkurus. Para bang gusto niyang mahugasan ang inaakala niyang dumi sa kanyang mukha.
Ang matanda nama’y tumulo ang luha habang nagdarasal. Sumasamong kaawaan ng Panginoon ang kanyang anak. Huwag tulutang pagdimlan ng isip at maging maaliwalas ang hinaharap.
Ganap na ang dilim nang magyayang umuwi si Bidang. Nasalubong nila ang ilang kabataang lalake at babae.
Galing sa paggapas ang mga kabataang iyon. May kilik na sipok ng palay at may nakasuksok pang lilik sa baywang.
“Mano po, Inang Sinang.” Isa-isang wika ng mga manggagapas.
“Kaawaan kayo ng Diyos mga anak. Bakit inabot kayo ng orasyon sa daan.?“
“Tinapos lang po namin ang huling pinitak at doon na rin po kami nagdasal.” sagot ng isang babae na siyang pinakamatanda sa kanila, pagkat totoong ang baryo nila ang nahuhuli sa gapasan.
“Magandang gabi po, Binibining dela Paz.“ baling pa nila sa Guro, ngunit walang kasagutan silang narinig.
Nangatal ang buong katawan ni Bidang. Wari’y hindi na niya matanggap na tawagin siyang Binibini. Muli siyang napatulala at walang imik na nagpaunang umuwi. Kinakagat ang kuko ng daliri.
Sa ganoon nagdaan ang mga araw ni Bidang. Tila hindi naging taimtim ang kanyang pagdarasal. Nagtutungayaw na siya sa harap ng altar. Humihingi ng kamatayan.
“Anak ko.! Maawa ka sa akin.! Huwag mo ‘kong iwan.!“ umiiyak na samo ng matandang lipos ng sindak, kasabay ang pagyakap.
“Inang.! Kung hindi pa po ako kukunin ng Diyos. Gusto kong maghiganti kay Garuda. Inapi nila ako.! O, Inang.! Tulungan mo po ako.!“ ang hiyaw at napahikbi pang yumakap sa ina.
“Oo, anak.! Tutulungan kita, huwag ka lang magpapakamatay, ngunit paano.?“
“Ewan ko po, Inang. Ewan ko.!“ ani Bidang at kinagat na lamang ang kanyang labi pagkat siya’y likas na dalagang silangan.
Umusad pa ang ilang nakababagot na araw para sa mga manggagawang nagdaranas ng hirap sa ibabaw ng burol. Nasa kaganapan na ang kayarian ng kuta. Nakapaligid na ang bakod at nakatunghay na rin sa ibaba ang apat na bantayan. Ang munisipyo ay tapos na at pinatitibay na lamang ang mahihinang bahagi sa paligid.
Naroon pa rin ang tatlong naging alalay ng nasirang Alkalde. Nagtatrabahong bakas sa mukha ang sama ng loob. Lumapit sa kanila si Kenji
“Ayon kay, Sultan Kalagara, magaling daw kayo sa karate. Totoo ba ito.?“ tanong pa niya sa isang nagpapala ng lupa.
Agad umunat sa pagkakayuko ang tinanong at karakang sumagot. “Mahirap ang magsalita, mas madali sa gawa. Tinitiyak ko sa’yong kaya naming ubusin ang mga tauhan mo sa paraang mano-mano lamang.“
“Magaling.!“ ani Kenji. “Pero, nakakatiyak ka ba.?“
Umismid ang tinanong. Itinukod sa lupa ang hawak niyang pala bago sumagot.
“Sa iyong kaalaman. Kaming tatlo ay galling sa purong lahi ng mga singkit sa pinakamalawak na lupain ng asya. Dito na kami isinilang ngunit hinangad din naming marating ang bayan ng mga karatista. Doon ay bantog ang okinawan style na pinakamagaling sa buong daigdig na aming minaster. Kaming tatlo ay magkakaibigan na nagbakasyon dito sa silangan. Ako si Ming Fei, na may hawak na 8 dan black belter ng okinawan.“ pakilala pa niya at hinudyatan ang dalawa niyang kasama upang magpakilala.
“Ako si Waki Chan. Pare-pareho ang kategorya naming sa karate.”
“ Ako naman si Brus Lee. Kahit baka ay kaya kong patayin sa pamamagitan lang ng karate chop sa ulo.“ at saka iniliyad ang maskulado niyang katawan na pinakamalaki sa kanilang tatlo.
“Gawin mo kaming alalay at tayo ang maghahari dito sa Busuangga.” kumikindat pang amuki ni Ming.
“Hindi na kailangan.! Marami na akong tauhan at kung gusto ninyo, magsubukan tayo sa karate upang magkaroon ng panoorin ang mga taga rito.!“ tila yamot na sabi ni Kenji.
“Maganda ang alok mo, ngunit natitiyak kong mapapahiya ka lang sa ating subukan, pagkat higit na magaling ang okinawan kaysa sa kamekase karate ng bansang pinanggalingan mo.!“ halata ang galit sa tinuran ni Ming.
“Subukan natin.” Inis na hamon ni Kenji.
“Upang lalong gumanda ang panoorin, gawin nating totohanan ang karate. Patay kung patay.! Payag ka,?“ hamon ni Ming.
“Payag ako, ngunit hindi pa ngayon.! Pagkatapos na lang ng trabaho dito sa kuta.!“ mariing sabi ni Kenji at karakang humakbang na palayo.
“Baliw ang taong iyon. Handang lumaban kahit hindi niya alam ang bagsik natin sa karate.!“ pahabol naming sabi ni Brus habang tumatawa.
Hindi na pinansin ni Kenji ang katagang pangungutya. Nakita niyang papalapit si Marcaida.
“Buenas tardes Señor Kenji. Mukhang mainit ang ulo mo.?“
“Hindi naman, Marcaida. Magandang hapon din sa iyo. Halika sa itaas ng bakod para makita mo kung tama ang ginawa roon.“
Umakyat sa hagdan ang dalawa at namaybay sa nakapaligid na tuntungang nakasungaw sa labas ng bakod. Nakita nila ang ilang tauhan na abala sa pag-uumang ng de makinang baril na may limampung kalibre sa bawat bantayan.
“Parang may pinaghahadaan kang guera.?“ tanong ni Marcaida.
“Si Garuda ang dahilan. Marami siyang pinatay at pinagsamantalahang babae. Hindi malayong maging mitsa ito upang maghimagsik ang mga mamamayan.!“ sagot ni Kenji.
“Talagang abuso ang taong iyon, Kenji. Isa siyang masamang ehemplo sa ating organisacion. Dapat sa kanya’y makastigo.!“
“Totoo ang sinabi mo, Marcaida. Pinag-aralan ko ang bagay na iyan. Pag ‘di siya nagbago, malamang na may mangyari sa kanya.!“
“Mabuti nga Kenji, para magkaleccion siya at madestiero sa kanyang pinanggalingan.!“
“Ang totoo, Marcaida. Ang kutang ito ay gagamitin lang nating panakot kung sakaling magkatotoo ang kutob ko.”
“Maganda ang puestong ito, kenji. Mula rito, bistado natin ang paligid.”
“Oo, Marcaida, lalo na sa tore.” sabay turo sa bantayan na kasalukuyan ding kinakabitan ng de makinang baril.
“Kahanga-hanga ang paghahanda mo, Kenji. Pero isang bagay ang ‘di mo naaasikaso.“
“Ano ‘yon, Marcaida.?“ ang tanong habang umiikot sila sa malapad na tuntungang nakapaloob sa bakod.
“Hindi mo ba napapansing kapos tayo sa pagkaing dagat.? Bakit ‘di mo pinalalabas ang mga magdaragat.?“
“Nangangamba ako, Marcaida. Baka maisipan nilang tumawid sa dagat at magsuplong sa kanilang pamahalaan. Iyon na ang talagang gera.“
“Malayong mangyari ‘yon, Kenji. May solucion. Alalahanin mong primerang sangkap sa kapangyarihan ang pagkain. Ganito ang gawin natin. Palabasin lahat ang mga cualipicadong Pescadores. Bantaan silang mapapahamak ang kanilang Familia sa sandaling hindi sila makabalik sa umaga, mula sa gabi nilang pangingisda.!“
“Maganda ang panukala mo, Marcaida. Malayo nga ang Isla Busuangga at ‘di kayang bangkain sa buong araw at gabi ang kanilang pupuntahan.”
“Ngayon na ang pagkakataon, Kenji. Mientras naririto pa ang mga trabajadores, iabiso mo sa kanila ang gagawin mong utos.“
Umakyat sa terasa ng munisipyo sina Kenji at Marcaida. Pinalapit ang mga manggagawa sa pamamagitan lamang ng hudyat. Nagmamadali.
“Mga mamamayan ng Busuangga.!“ bungad ni Kenji sa malakas na tinig. Ako’y nagpapasalamat sa pakikibahagi ninyo sa kutang ito. Ngunit tandaan ninyo.! Ang kutang ito ay hindi gagamitin sa pagmamalabis. Mayroon lang kaming iniingatang bagay na hindi dapat mapunta sa ibang kamay. Tapos na ang inyong gawain dito. Maaari na kayong kumilos sa sarili ninyong kagustuhan.!“
Saglit na nagbulungan ang mga mamamayan. Tutok ang kanilang paningin kay Kenji at naghintay sila sa lalo pang kaliwanagan.
“Maipagpapatuloy na ninyo ang dating hanap buhay, liban sa mga magdaragat na kailangan munang makipagkasundo sa akin.“ saglit na tumigil sa pagsasalita si Kenji. Nilinga muna ang mga mamamayann bakas sa mukha ang pagtataka at nagliwanag lang nang mahayag ang panukala ni Marcaida.
“Bilang panghuli.” patuloy na salita ni Kenji. “Bukas ng umaga. Inaanyayaan ko kayong lahat sa liwasang bayan upang mapanood ang natatanging palabas na maaaring ngayon lang ninyo masasaksihan. Ang Alkalde ninyo ay may tatlong alalay na balitang magaling sa karate. Ang gusto nilang labanan ay totohanan hanggang sa magkamatayan. Kami ni Nau ang sasagupa sa kanila.! Inuulit ko, maraming salamat sa inyong lahat at makakauwi na kayo.!“
Biglang kumunot ang noo ni Marcaida. Napatingin siya kay Kenji, ngunit hindi nagsalita. Isinaloob na lamang ang gustong itanong kung bakit hindi parehas ang labanan.
“Bago lumisan ang mga tao, nilinga nila ang mga tinukoy na alalay. Anyong nagmamagilas at nagtatawanan ang kanilang nakita. Hindi na rin nila pinansin ang bagay na iniingatan ng kuta, pagkat likas sa kanilang ugali ang ‘di makialam sa ari ng iba.
Kumalat ang balitang pagtatanghal sa liwasang bayan. Naging usap-usapan ng mga tao. Nasasabik silang lahat at dumadalanging sanay manalo ang tatlong sa akala nila ay tunay nilang kababayan
Kabilang sa ganoong damdamin ang pangkat ni Imong Butangero. Malaki ang pinagbago mula nang sakupin ni Kenji ang bayan.
“Galing pala sa ibang bansa ang mga taong umukupa sa munisipyo.” anang matandang lalake na kaumpok sa pondahan ni Inyang.
“Iyan nga ang balita sa bayan. Igaganti raw ni Garuda ang kapatid niyang nagpakamatay dahil tinalo ng ating kampeon na si Leo Ladoza.” sabad ni Imo sa usapan.
“Sino kaya si Leo Ladoza.? Saan kaya siya naroroon.?“ parang nangangarap na tanong ni Inyang. Lumilinga at naghahanap ng kasagutan.
“Taga siyudad iyon, pero ayon sa balitang kuwentuhan sa kuta, naririto siya upang sugpuin ang mga dayuhang nasa kuta.!“ sagot ni Imo.
“Tama.! May palagay din ang marami na ang mga dayuhang iyon ay kontrabandista ng baril at iyon naman ang iniingatan nila sa ginawang kuta.“ sabi naman ng isang kaumpok habang umiinom ng tuba.
“Ngayon masusubok ang galing ng dalawang dayuhang singkit.” anang isa sa tatlong alalay ni Imo. “Balita sa siyudad ang galing ng mga makakalaban nila.!” dugtong pang umaasam sa tagumpay ng kanilang inaasahan.
Biglang kinabahan si Lumin. Natakot siya sa balitang kagalingan ng tatlong makakalaban ni Kenji. Para siyang nasupil na baka mapahamak ang kanyang minamahal. Ayaw na niyang magsalita at baka lang mahalatang kampi siya sa mga dayuhang kamekase.
“Kinabukasan. Dagsa na ang mga malalakas ang loob upang panoorin natatanging palabas ni Kenji. Handa na ang parisukat na lupang may kaluwangan at nababakuran ng nakapahalang na kawayan.
Bawat punong kahoy sa paligid ay may nakaakyat na mga bata at matanda. Halata ang kanilang kasabikan habang pinanonood sa loob ng bakuran ang tatlong okinawan master na kasalukuyang nagpapamalas ng kata o sayaw ng karate.
Ang kilos ng tatlong nagpapakitang gilas sa anyo ng karate ay lalong gumanda sa tingin. Ang biglang pag-ikot at pagbaling na kasunod ang paa sa pagsipa ay sapat upang maging masigabo ang palakpakan ng mga tao at puntong lahat nang manonood ay umaasa sa kanilang panalo.
Dagling naparam ang kaingayan sa pagdating ng dalawang kareta na puno ng mga kilabot. Nagbubunyi ang mga tauhang singkit sa pangangalandakang magaling ang kanilang pinuno na si Kenji.
Tahimik lang ang pangkat ni Garuda sa kabilang kareta. Parang kasalungat nila ang pangkat ng mga puting singkit. Mas kampi sila sa kabilang panig pagkat gusto nilang si Garuda ang papalit kay Kenji.
Ang mga taong nasa loob ng parisukat na tanghalan ay nagtalunang palabas sa bakod, kabilang ang pangkat ni Imo.
Nangunguna ang kareta nina Kenji, Nau, Marcaida at ang pitong tauhan sa pagpasok sa bakuran.
Kasunod naman ang kareta nina Garuda, Mostafa, Buryas at ilang pili ring tauhan na indones.
Si Sultan Kalagara ang naiwan sa kuta upang magbantay at si Datu Budjik naman sa pantalan.
Matapos mailabas ang mga kareta at makapuwesto sa paligid ng bakod ang mga tauhan, naupo sa luklukang kawayan ang mga pinuno.
Pangisi-ngisi lang ang tatlong sasagupa at agad na nagtanong si Ming. “Ginoong Kenji.! Makakaasa ba kaming makakalabas ng buhay sa bakurang ito pagkatapos nating maglaban.?“
Bahagyang natigilan si Kenji bago sumagot.” Kapag kayo ang nagwagi, ibig sabihin, patay na ako. Ngayon pa lang, si Garuda ang papalit sa akin at iniuutos kong huwag kayong salingin.!“
Ngumiting sakdal pait si Garuda at uuga-uga ang ulong kumaway sa tatlong kalaban na para bang sinasabing ligtas kayo sa akin.
Kumaway din kay Garuda ang tatlong karatista at muling nagsalita si Ming.
“Simulan na ang labanan. Naiinip na ang mga tao.!“
Kumunot ang noo ni Kenji, bago nagsalita. “Si Nau ang unang makikipaglaban.! Sino naman sa inyo.?“
Naging halata sa tatlo ang pag-aagawang mauna. Nag-aangkinan ng karapatang makapagpamalas ng galing sa mga manonood. Ayaw magbigayan hanggang daanin nila sa palabunutan ng tingting.
Si Waki Chan ang nakabunot ng pinkamahaba. Tuwang-tuwa at patakbong pumagitna sa bakuran.
Sumalubong si Nau. Mabagal ang hakbang at ngayon pa lang babanatin ang kanyang kasu-kasuan.
Saglit pa’y nagkaharap ang dalawang maglalaban. Nanlilisik ang kanilang mga mata. Kuyom ang mga kamay at sa hudyat ni Kenji, yumukod ang dalawa bilang paggalang sa kalaban.
Agad nagpakita ng galing si Waki. Parang humahalukay sa hangin ang nangangalit niyang daliri. Malikot din ang kanyang paa na animo’y sasalasa, kasunod ng urung-sulong na ugoy ng katawan
Panatag lang si Nau, ngunit hindi nawawalay ang pakiramdam sa bawat kilos ng kalaban. Matatag ang tayo at halatang nag-aabang lang ng magandang pagkakataon.
Biglang sumugod si Waki. Bumirang sunud-sunod. Walang tantan. Suntok at sipang pabalik-balik ang nagpatuliro sa kanyang kalaban. Panay ang tawa sa pag-asang saglit lang, mangingisay si Nau.
Isang panagang palad sa leeg ang naiwasan ni Nau, ngunit hindi ang kasunod na tikwas ng tila martilyong kamao ni Waki. Para siyang pinalo sa noo at paikot na bumagsak sa lupa.
Ang gayon ay sinamantala ni Waki. “Tapos ka na.!“ sigaw pa niya at parang ibong lumipad na paitaas upang bagsakan ng paa ang leeg ng nakatihayang kalaban.
Subalit sa nagwawating na paningin ni Nau, nagawa pa niyang umigtad at pasirkong sumipa.
Nahagip ang baba ni Waki at mistulang pagulong na gumulong sa kinatatayuan ng dalawa niyng kasama.
Nag-init si Ming sa nakitang paggulong ni Waki. Paragasa niyang sinugod si Nau.
Sumisiyok ang hangin sa bawat igkas ng kanyang paa at kamay.
Lalong nahirapan si Nau sa pagsangga. Tunay ngang tila kidlat sa bilis ang mga patama sa kanya. Isa pang nag-uumigting na sipa ang nagpayanig sa tadyang ni Nau. Bumalandra siya sa bakod at namimilipt sa pagtayo.
Lihim na nagbunyi ang mga manonood. Pigil ang tuwa sa takot na balingan sila ng mga armadong kilabot kapag nahalatang kampi sila sa kalaban.
Para namang gutom na sinugod ni Waki si Nau sa kinatatayuan. Inararo niya ng suntok at sipa upang pagtakpan ang paggulong niya sa lupa at ‘di anhin na lang ang gumanti agad at pakisayin ang kalaban.
Nahalata ang panghihina ni Nau sa pagsalag. Kabi-kabila ang iniilagan at para siyang bola na pinagpapasahan nina Waki at Ming.
Hindi nakatiis si Kenji sa kanyang nakikita. Bigla siyang tumindig mula sa kinauupuang kawayan. Parang tipaklong na sumikad sa lupa at saka bumagsk sa gitna ng tatlong naglalabasn. Kisap-mata lamang ay bumaligtad si Waki. Nangingisay at karakang nalagutan ng hininga, putok ang noo.
Nasidak ang mga mamamayan sa ipinakitang bangis ni Kenji. Ang iba’y napayuko at ‘di nakayanang ang duguang bangkay ni Waki.
Saglit na naghari ang katahimikan. Maging ang mga huni ng ibon sa punong kahoy ay tumigil. Para bang kasama sila sa madlang awa ng mga silanganin, ngunit dagli ring nagliparan sa narinig nilang malakas na sigaw.
Parang huramentado na si Ming sa pagsigaw. Dinaluhong niya si Kenji. Mistulang ipo-ipo ang kamay at paa sa walang patid na pananalasa. Datap’wat ang kilos niyang tila kidlat ay hindi sumapat sa bilis ng kalaban. Hindi niya mahagip at wari’y dagitab din kung siya ay ilagan.
Gumanda sa paningin ng mga mamamayan ang labanang iyon. Nawala ang kanilang takot at nabakas sa mukha ang paghanga sa dalawang naglalaban.
Si Nau naman ay paupong sumandal sa bakod upang maibsan ang dinanas na hirap. Tanggap niya at inamin sa kilos na talagang hindi niya kaya ang dalawang tulad nina Waki at Ming.
Lalong bumangis si Ming sa pag-urong ni Kenji. Pinag-ibayo ang pananalakay at hindi na binigyan ng pagkakataong makaganti ang kalaban.
Tuwang-tuwa ang barkada ni Imo. Nadadala sila ng simbuyo. “Sige.! Ming.! Yariin mo na.! Bira.! Tapusin mo na.!“ paimpit nilang sigaw habang ang mga kamay ay umaasta rin ng suntok.
Isang matandang lalake ang nanaway. “Mga amang. Huwag kayong maingay. Baka mapahamak kayo.“ at saka ito luminga sa pangambang may katabi silang kilabot.
Lagi namang nakatawa si Garuda. Nakikita niya ang kalamangan ni Ming sa pananalasa. Kailangang siya na ang pumalit kay Kenji.
Ngunit iba si Marcaida. Napatindig sa pag-aalala. Nakita niya ang galing ni Ming sa larangan ng kareta. Parang mahirap talunin pagkat magaling umiwas sa kalaban. Sinigawan niya si Kenji. “Gamitan mo ng combinaciong combat judo karate.!“
Panay pa rin ang ilag ni Kenji sa mga suntok ni Ming. Wari’y gusto niyang pagurin ang kalaban bago siya manalasa. Gayon ma’y sinunod niya ang hiyaw ni Marcaida. Sinalo niya ang kamay ni Ming at papilipit na binaliti. Tatlong lagutok ang sunud-sunod na narinig. Bali ang tatlong sudlungan ng kamay ni Ming sa maarteng dekorasyon ng combat judo karate.
Halos lumuwa ang mga mata ni Ming sa pag-atungal. Biglaan ang naramdaman niyang sakit sa kanang kamay. Umusli ang buto niya sa balikat, sa siko at sa may pulso. Nagtatalon siya sa pagsigaw habang hawak ang nakalaylay niyang kamay.
Saka lang tumigil sa pagsigaw si Ming nang humagibis sa kanyang bunganga ang sipa ni Kenji. Umilandang siyang lagas ang ngipin sa harapan at sa gawi pa ni Nau bumagsak.
Sa pagkakataong iyon, gumanti si Nau kay Ming. Nagpamalas siya ng kalupitan. Dinakma niya sa leeg ang ang lalaking nakahandusay sa kanyang harapan at saka piniga ang lagukan.
Labas ang dilang napalungayngay si Ming. Bumalong ang dugo sa bibig at nangapos ang hininga.
Muling nasindak ang mga mamamayan sa kamatayan ni Ming. Ang iba’y nagsilayo at naiwan ang may lakas ng loob. Kabilang ang nanlulumomg pangkat ni Imo. Nakita rin nilang nag-uumalpas ang nalalabi pang kalaban sa tanghalan.
Panay ang hiyaw ni Brus Lee. Sumisigaw na tila kulog ang lakas. Dumadagundong ang tinig, kanina pa siyang nagsusumakit na makapasok sa labanan, danga’t hinahadlangan siya ng mga armadomg singkit na tauhan.
“Paraanin ang taong iyan.!“ sigaw ni Kenji. Ang utos ay dagling nasunod. Agad na dumaluhong ang maskuladong okinawan master ng karate. Ang bawat hakbang niya ay kasunod ang pag-ungol na tila nauulol.
Naunang sumalubong si Nau. Agad nagpamalas ng matitinding sipa at suntok, ngunit ito’y tumatalbog lamang sa katawan ng kanyang kalaban.
Gumanti si Brus, isang sipang pamatay ang dumaplis sa balikat ni Nau. Balak pa sanang sundan kung hindi malayo ang kinabarandalan ng kanyang kasalasa.
Lumukso naman si Kenji at nagbigay ng dalawang paang pagsipa. Tama ang puntirya. Ang maalsang dibdib ni Brus ay kumalabog lamang at bahagyang natinag sa kinatatayuan. Hindi tumalab ang lakas ng pinunong singkit.
“Ulol.! Ako ang papatay sa’yo.” anito pang dumadagundong ang boses, kasunod ang ganting pahalibas na sipa.
Doon nagkamali si Kenji. Sinalag niya ang sipa ng kalaban. Parang hinampas ng isang punong kahoy ang kanyang bisig at umilandang din siya sa gawi ni Nau.
Sabay pang tumindig ang magkasanggang singkit. Pigil ni Kenji ang nasaktan niyang kamay at sumugod naman si Nau sa kalaban. Pinanay ang suntok.
Sa tingin ay mapapansing hindi sumasalag si Brus. Nasa kanyang kilos ang hangaring maitama ang pamatay niyang panagang palad.
Nag-aalala si Kenji sa kapakanan ni Nau. Nakikita niya ang balak ni Brus. Maliksi siyang nagbigay ng lumilipad na pagsipang dalawang paa sa mukha ng kalaban, ngunit wala ring nangyari. Pumaling lang ang ulo ng kanyang sinipa.
Agad gumanti ang mala-higanteng karatista. Bahagyang tumalon at magkasunod na sumipa ang dalawang paa.
Dahil sa hirap ng katawan, hindi sumapat ang pag-ilag ng dalawang singkit. Nahagip din sila at gumulong sa malayo.
Biglang nagkasahan ng baril ang mga tauhang singkit at tangkang barilin ang nakalalamang na kalaban.
Napatindig si Garuda at nanaway. “Huwag.! Parehas lang ang labanan.! Hindi magugustuhan ng inyong amo ang manalo sa ganyang paraan.! Hayaan sila.!“ pasigaw pang bulyaw na may basbas ng kapangyarihan kung sakaling mapatay si Kenji.
Nakaalpas si Brus sa mga nakaumang na baril. Pasugod na lumapit sa kalaban upang tapusin na ang labanan. Parang gutom sa pagtawang inunang nilapitan ang walang malay na si Nau. Ang pinakamalapit sa kanya upang gawin ang kanyang hangarin. “Igaganti ko si Ming. Pipigain ko rin ang lalamunan mo.” sigaw pa nito at pasabunot na itinaas ang ulo ni Nau.
Kulang na ang lakas ni Kenji upang saklolohan si Nau. Mabagal na ang kanyang kilos sa pagbangon. Hindi na kayang abutan ang mga sandali ni Nau. Mamamatay na wala sa panahon. Ayaw naman niyang humingi ng tulong na manggagaling sa baril. Ang salita niya’y kamayan lamang at wala nang iba pa. Sumbat din sa kanyang budhi ang paggamit ng judo. Ang usapan ay karate lamang ang gagamitin sa labanan. Dapat siyang maging maginoo sa larangan ng martial art at tanggapin ang kamatayan ni Nau, maging ang kanya ring kamatayan.
Subalit hind mahahadlangan si Marcaida sa ganoong pagkakataon. Parang ibong bagwis na lumipad sa kanyang kinauupuan at dalawang paang sinikaran ang mga mata ni Brus. Ililigtas niya si Nau sa kapakanan ni Kenji.
Napilitang bitawan ni Brus si Nau upang haplusin ang napuwing at nasaktan niyang mga mata, pinalis ang nakapaligid na puwing at sinipat ang babaing sa tingin niya ay isa ring puwing.
“Marcaida.! “ sigaw ni Kenji. “Hindi ka kasama sa labanang ito.! Umiwas ka.!“ dugtong pa niya nang makitang sumusugod si Brus upang dakmain ang babae.
“Tatlo sila.! Tatlo rin tayo.! Parehas lang ang labanan, ‘di ba.?“ apurang sigaw ni Marcaida at gusto man niyang umiwas, hindi na magagawa. Nasa panulukan siya ng bakod dahil sa pag-urong. Napasandal siya at wari’y mahirap makalusot sa nakadipang kamay ni Brus. Kailangan niya ang mautak na paraan. Gagamitin niya ang bigat ng kalaban. Maliksi siyang sumugod na pasalubong at bigay buwelong hinawakan ang braso ng tila higanteng kalaban at saka hinilang kasama ang bigat ni Brus sa pagsugod.
Napasubsob ang maskuladong karatista nang mapatid sa biglang pag-upo ni Marcaida at umangat ang kanyang paa sa biglang pagtayo ng babae.
Gumamit ng judo si Marcaida. Inihampas niya si Brus sa bakod. Nahutok ang harang na kawayan.
Huli na nang makalapit si Kenji. Hinarangan niya si Marcaida at siya ang humarap sa kalaban.
Para namang baliw na bumangon si Brus. Ang galit ay nailipat kay Kenji. “Ikaw ang papatayin ko.!“ sigaw pa niya at pinilit ang pagsalasa kahit masakit ang kanyang balakang.
Umurong si Kenji. Sinamantala ang kabagalan ng malaking tao upang mailagay sa wastong katayuan ang nadarama niyang kapansanan. Nag-ipon siya ng lakas.
Nangangalit naman ang mga mata ni Garuda, habang tinatanaw ang papaupong si Maracaida. Paraang kumukulo ang kanyang dugo sa ginawang pakikialam ng babae para sa kaligtasan ni Nau. Gayon man, hindi siya nagsalita at bumaling na lang sa naglalaban.
Isang mabilis na sipang pahalibas ang pinawalan ni Kenji.
Nahagip sa mukha si Brus. Napapikit siya at hinaplos ng mga matang naliligid ng puwing na likha ni Marcaida. Isa pang sipa ang tinanggap niya kay Kenji. Muli siyang napapikit at tila baliw na sa pagsugod.
Napansin ni Kenji ang tila lumabong paningin ni Brus, pagkat wala na sa tamang patunguhan ang pagbaling. Hindi siya mahagilap, kaya doon na niya ibinuhos ang nalalabi pang lakas. Umikot siya na parang elise, kasunod ang dalawang paa na palit-palitang sumisipa sa mukha ng malaking tao.
Unti-unting natagtag si Brus, ngunit patuloy pa rin ang pagsugod. Humahalibas ang kamao sa pag-asang makakatama rin kahit nakapikit, hanggang sa dumaloy ang dugo sa kanyang ilong, ngunit hindi pa rin niya mahagip ang maliksing paa ni Kenji.
Patuloy ang walang sawang pag-ikot ni Kenji. Walang taros ang pagsalasa at tumitilamsik na sa kanyang katawan ang dugo ng kalaban.
Kalauna’y napaluhod si Brus. Itinakip ang isang kamay sa kanyang mga mata, habang ang isang kamay ay patuloy pa rin ang panunukwang.
Panghuli, tumalon nang mataas si Kenji at sa pagbagsak, sinakyod niya ng siko ang ulo ng kalaban.
Tuluyang bumagsak si Brus at karaka pang nasundan ng isang pamatay na panagang palad sa lalamunan. Kumilig pa si Brus bago nalagutan ng hininga.
Sa huling labanang iyon, may kanya-kanyang kaanyuan ang naganap sa mga nanood. Napatindig si Marcaida sa kasiyahan. Maasim naman ang dating maasim na mukha ni Garuda sa kabiguang maging pinuno ng buong pangkat. Ang mga mamamayan naman ay nakatulala at balana’y tila nag-iisip.
Nagsalita si Kenji. “ uwag kayong manghinayang sa tatlong ito.! Handa nila kayong ipagkanulo kung sila’y tatanggapin ko bilang mga tauhan. Galit ako sa mga taong taksil sa sinilangang bayan.!“ malakas pa niyang sigaw. Halata ang paghingal habang itinuturo sa mga mamamayan ang tatlong bangkay na sa tingin niya ay pawang tisurang bato na walang halaga. “Karagdagan pang malaman ninyo.! Ang mga taong ito ay hindi ninyo kadugo.! Sila’y purong tsino.!“ dugtong pa niyang may sumbat sa sariling budhi pagkat kalahati ng kanyang dugo ay galing din sa silangan.
Lumisan sa panghihinayang at pag-alinlangan ang mga mamamayan. Ni gaputok ay walang nagsalita. Naghiwa-hiwalay silang nagmumuni.
“Bravo, Señor Kenji.! Magnifico at fantastico ang ipinakita mong martial art. Bilib ako sa mga tactica mo.!“ nakatawang bati ni Marcaida sa paglapit.
“Nagpapasalamat naman ako sa’yo.!“ sagot ni Kenji.“ Kung ‘di dahil sa iyo, patay na kami ni Nau.!“ sudlong pang sabi at nilinga si Nau na kasalukuyang iniuutos ang pag-aasikaso sa tatlong bangkay.
Naghiyawan din ang mga tauhang singkit. Tumanaw sila ng utang na loob kay Marcaida. Kahit hindi nila kalahi, tanggap nilang maging kapatid o kaibigan dahil sa pagkakaligtas ng dalawang pinuno.
Kinabukasan, maagang gumising si Kenji. Umakyat sa tore. Nilanghap ang sariwang hangin na nagmumula sa dagat at nasisiyahang minasdan ang magandang kapaligiran.
“Kenji.! Gusto kang makausp ni Don Q.!“ sigaw ng singkit na taga pangasiwa sa radio.
Dali-daling bumaba ang pinuno at nagtungo sa sadyang panawagan.
Nakita ni Marcaida ang nagdudumaling si Kenji. Kasalukuyang siyang papalabas sa bago nilang silid-tulugan sa loob ng kuta nang marinig niya ang panawagan sa pinunong singkit. Gusto niyang malaman ang kalalabasan ng usapan. Ang makibalita kay Don Q. Gayo man, naghintay na lang siya sa labas at pabalik-balik na lumakad.
Gising na rin sina Lumin at Aling Moreng. Lalong naging malungkutin ang dalaga. Nasa loob na sila ng kuta at mahirap mangyaring magkita pa sila ni Leo. Siya man ay malabo na ring makatakas pagkat lalong malapit sa kanya si Garuda at laging nakabantay sa ‘di kalayuan.
“Sino’ng hinihintay mo, Marcaida.?“ tanongni Garuda.
“Ang pagbagsak ng cuadrang lagi mong binabantayan.“ sagot ng babae.
“Ano.? Gusto mo bang mabagsakan ako.?“ nakatawa si Garuda. “Kamusta’ng bata ko, gising na ba.?“ sudlong pang tanong.
Hindi sumagot si Marcaida, nakita niyang papalapit si Kenji. “Ano’ng balita.?“ salubong niya.
“Ayon kay Don Q, suliranin niya ang maraming armas na bagong dating. Wala daw siyang mapag-iimbakan ligtas na bodega. Sinabi ko ang kalagayan natin dito. Matatag at ligtas ang mga kargamento. Natuwa siya at ipinasiyang dito na rin ipadala ang mga armas hangga’t nakikipagnegosasyon siya sa mga bansang nangangailangan ng baril.
“Magaling.!“ sabad ni Garuda. “Lalong lalakas ang ating tanggulan pagkat madaragdagan din ang ating tauhan.!“
“Gusto kong makatiyak, Garuda. Kailangang tayo lang ang may baril sa bayang ito. Ayokong magkaroon ng kalaban.!“
“Madali lang, Kenji.! Ako’ng bahala.!“ pagyayabang ni Garuda at ngumisi pang kumikindat kay Marcaida.
Nang araw ding iyon. Sa malayo at kabila ng bundok ay may isang rantso na ‘di naman kalakihan na pag-aari ng namayapang Alkalde. Doon nagtuloy si Wana, matapos pagsamantalahan nina Garuda at Mostafa. Dumating siya roon na sakay ng karomata at halos walang malay. Inaapoy ng lagnat at ilang araw ding naratay at pagkakatulala bago nakausap nang masinsinan.
“Ano’ng pakiramdam mo ngayon, Wana.?“ tanong ng isang matandang babae.
“Mabuti na po, Nana Sepa. Ayusan ninyo ako. Gusto kong gumanda sa paningin ng tao.” ang sabi habang nakaupo sa bingit ng papag na kawayan at kausap ang asawa ng kanilang namayapang katiwala.
“Kamusta’ng Papang mo, Wana.? Bakit nag-iisa ka lang at may karamdaman pa.?”
Hindi agad nakasagot ang dalaga. Nabakas sa kanyang mukha ang galit bago nagwika. “Patay na si Papang.!“
“Ano.? Diyos ko.! Bakit.?“ maang na tanong ng matandang bigla ang pangangatal. Tumigil sa panunuklay kay Wana.
“Hindi po ba ninyo nabalitaan ang nangyari sa bayan.? Wala po bang nakipamista sa inyo.?“ nagtatakang tanong ng dalaga.
“Wa-Wala kaming nalalaman. Ano ba’ng nangyari doon.?“
“Pinasok ng mga dayuhan ang bayan at pinatay nila si Papang.!“
“Mahabaging langit.!“ gimbal na sambit ng matanda at napaantanda pa sa pagluha. “Kung hindi naging abala si Alpon sa paghehero ng baka, nakaluwas sana siya sa bayan.” paliwanag pa ng matanda, habang pinamumunas ng luha ang manggas ng kanyang kimono.
“Nasaan po si Alpon.?“
“Naroon sa lilim ng punong mangga.” pahikbing sagot ng matanda.
Saglit na napatulala si Wana. Naalala niya ang punong mangga na kung saan ay doon sila nagkukuwentuhan ni Alpon, kapag siya’y nagbabakasyon sa rantso.
“Isa pang dahilan kung bakit hindi nakapunta sa bayan si Alpon. Nahihiyang magpakita sa iyo mula nang sulatan ka niya ng pag-ibig. Alangan daw siya sa iyo. May pinag-aralan ka at mayaman. Samatalang siya’y walang maipagmamalaki sa iyo. Pero ang ‘di mo alam, hindi na siya nahihiyang bantayan kang lagi.” sabi ng matanda sa katahimikan ng dalaga.
“Nana Sepa. Pakitawag lang po si Alpon. Gusto kong marinig niya ang nangyari sa akin.” naluluhang sabi ni Wana at marahang iwinaksi ang kamay ng matanda sa ginagawang paghimay-may sa kanyang buhok.
Hindi naman nagtagal, urung-sulong si Alpon sa pagpasok. “Ka-kamusta ka, Wana. Magaling ka na ba.?“ ‘di malamang bungad niya sa pintuan. Halata sa matikas niyang anyo ang pag-aalala.
Hindi nakasagot ang dalaga. Matagal siyang napatitig sa binata. Ang anak ng kanilang katiwala na pinagsimpanan niya ng lihim na pag-ibig at hinangaan sa pagiging batak ang katawan sa ano mang gawain.
“Gusto mong sunduin kong muli si Tata Ambong albularyo.?“ tanong pa ng binata. Naaawa.
“Magaling na ako, Alpon. Makinig ka na lang at mahalagang malaman mo ang nangyari sa akin.“ matamlay na sagot ng dalaga. Napayuko siya. Matagal bago isinalaysay ang buong pangyayari. Wala siyang inilihim hanggang sa matapos siyang umiiyak at hindi makatingin kay Alpon.
Matagal ding hindi nakapangusap ang binata. Nangangalit ang bagang nang magwika. “Ipaghihiganti ko ang iyong kaapihan.“ pangako niya sa dalaga.
“Huwag kang padalus-dalos, Alponso.!“ paalala ng matanda sa kanyang anak. Lumalagaslas ang luha. Awang-awa siya kay Wana, pagkat ‘di man sabihin, itinuring na niyang anak.
“Bubuo ako ng pangkat na uusig sa kanila.!“
“Hindi, Alpon.! Ako ang papatay kina Garuda at Mostafa.!“ agaw ni Wana sa mga pangalang narinig niya habang siya ay pinagsasamantalahan.
“Bakit hindi natin ipaubaya sa batas ang lahat.?“ payo pa ng matanda.
“Sila na po ngayon ang batas dito. Maging ang mga pulis na bantay sa bahay at ang katiwala ay hindi na namin inabutan.” anang dalaga.
“Sino’ng naglibing sa Papang mo.?“ tanong pa ng matanda.
“Lumapit ang ilang taong nakarinig ng putok. Inako nila ang tungkuling iyon.“ patuloy ang pagluha ng dalaga.
“Mabuti naman.” pabuntong hiningang sabi ng matanda at patalilis na lumayo upang magkasarilinan ang dalawang tigib ng siphayo.
“Alpon, alalayan mo ako. Gusto kong lumanghap ng sariwang hangin sa lilim ng punong mangga.“ hiling ni Wana, kasabay ang pagtindig.
Sa unang pagkakataon, ngayon lang nahawakan ni Alpon ang kamay ng dalaga. Malamig, ang sa kanya ay mainit.
Hindi naman nagluwat, sinapit nila ang nakahandusay na punong mangga sa dulong bahagi ng bakuran.
Muling namalisbis sa pisngi ng dalaga ang mabukal na pagluha. Naalala ang huling bakasyon niya roon. Kung gaano kalinis at kasariwa ang hanging dumarampi sa kanyang katawan ay siya ring linis niya noon. Ngunit ngayon, hindi na kayang hipan ng hangin ang dumi sa kanyang katawan.
Nahalata ni Alpon ang damdamin ng dalaga. Sinuyo niya. “Ano man ang naging karanasan mo, hindi pa rin ako nagbabago. Mahal pa rin kita.“ anito habang nakaupo sila sa malabay na sanga ng puno.
“Alpon, Kalimutan muna natin ang bagay na iyan. Para sa akin, ang pagkaing nilawayan na ng dalawang hayop, hindi na karapat-dapat na ialok sa bibig ng aking minamahal.“
“Hindi, Wana. Para sa akin. Handa kong ipaputol ang aking dila upang ‘di ko malasahan ang dila ng kahayupang ginawa nila sa iyo.!“
“Huwag, Alpon. Unahin muna natin ang hangarin kong makapaghiganti. Saka na lang ang pag-ibig.”
“Handa akong maghintay, Wana. Hindi ako maghahalukipkip ng kamay sa pangyayaring iyon. Kasama mo ako sa iyong layunin.!“
“Salamat, Alpon.” natutuwang sabi ng dalaga at para bang gumaan ang kanyang pinapasan.
Ilang gabi pa ang lumipas. Lalong naging maligalig si Lumin pagkat sa kinabukasan ay ika-sampung araw na iyon ng taning sa kanya ni Garuda upang angkinin. Paano pa siyang makakatakas kung ilang oras na lang ay umaga na.? Wala nang paraan kundi ang paulit-ulit na dalangin sa Panginoong Diyos ang mamatay muna siya bago maangkin ni Garuda. Magdamag siyang lumuluha at bahagya lang naidlip sa kawalang pag-asa. Maging sa panaginip ay si Garuda pa rin ng kanyang kinatatakuan. Bumangon siya upang humanap ng daan sa pagtakas, ngunit sa kanyang daraanan ay nakaharang si Garuda at bigla siyang niyakap.
“Hindi ka makakatakas sa akin.!“ nanggigigil na bulong ni Garuda habang pinupupog ng halik ang leeg ni Lumin.
“Huwag.! Bitawan mo ‘ko. Maawa ka sa akin.!“ panikluhod ng dalaga at pilit na nag-uumalpas sa pag-iwas pagkat gumagapang ang labi ni Garuda sa kanyang bibig na sadyang kay Leo lamang niya inilalaan.
“Kapag hindi ka pumayag, ipapapatay ko si Leo.!“ pabulong pang banta ni Garuda habang sinisibasib ng halik ang pisngi ng dalaga.
Sa malaking takot at pag-aalala kay Leo, napatulala siyang ‘di makapalag at iyon ang sinamantala sa kanya ni Garuda. Naramdaman na lang niya ang mainit na labi ng kilabot na umuulaol sa kanyang bibig kasunod ang paghiga nila sa lapag at doon siya kinubabaw ni Garuda. Saka lang siya nakasigaw. “Huwag.!“
Biglang bumangon si Aling Moreng at niyugyog si Lumin. “Anak,! Gising.!“ bulalas pang paulit-ulit ang pagyugyog sa pamngkin bago ito nagising.
“Salamat po, Diyos ko at panaginip lang pala.” ani Lumin nang mahimasmasan.
Nag-antanda pa siya, kasunod ang pagdarasal.
“Lumin, madaling araw pa lang, umidlip ka muna.“ alok ni Aling Moreng kahit alam niyang tulad niya’y hindi ring ganap na makatulog.
Gising din si Marcaida kahit nakahiga. Nakatingin lang sa kabilang papag na himlayan ng mag-ale. Naawa siya kay Lumin na laging may luha ang mga mata.
Makaraan pa ang ilang sandali, minulat ni Lumin ang namumugto niyang mga mata kahit madilim pa ang paligid. Marahan siyang bumangon sa pag-asang makakita ng paraan sa pagtakas. Subalit sa pagsungaw niya sa labas ng pinto, mukha ni Garuda ang una niyang nabuglawan.
Nakangiting sakdal pait si Garuda nang magsalita. “Magandang umaga sa’yo, Lumin. Tulad ko, hindi ka rin yata nakatulog.? Huwag kang mag-alala. Wala nang pakialam sa atin si Marcaida. Halika na.” aya pang nakalahad ang kamay.
Hindi makaimik si Lumin sa tuluy-tuloy na panambitan ni Garuda. Gusto na niyang lumayo dahil sa paglapit ng kanyang pinanginginigan.
“Halika na, mahal ko. Sumama ka na sa akin. May sarili tayong silid sa loob ng munisipyo, solung-solo natin ang daigdig.“ aya pang handa ng akbayan ang nasusukol na dalaga.
Subalit biglang humadlang ang tadhana. “Ano ba kayo.? Kay aga-agang ligawan.” sigaw ni Marcaida na anyong bagong gising. “Binibining dela Cruz. Pakiligpit lang ang kalat sa ating cuarto.!“ sudlong pang utos.
Agad namang tumalima si Lumin at lihim na nagpasalamat.
“Marcaida.! Baka nalilimutan mong ika-sampung araw na ngayon ng ating kasunduan.!“
“Alam ko, Garuda. Huwag kang apurado. Nang kunin ko sa iyo si Binibining dela Cruz ay hindi umaga. Maghintay ka hanggang mamayang gabi.! Intiende.?“
“Gabi nga nang kunin mo siya sa akin, ngunit saklaw nitong maghapon ang ika-sampung araw.!“ matigas na salungat ni Garuda.
“Marami ka pang abla.! Kung hindi ka contento sa sinabi ko, ahora mismo.! Magduelo tayo.!“ asik ni Marcaida at mabilis na pumasok sa kanilng silid-tulugan upang sa paglabas, suot na ang sinturong may baril.
Wala na si Garuda. Lumayo siyang bumubulong at pinilit maniwalang tama si Marcaida.
Pagkatapos nilang mag-agahan, nagtanong si marcaida. “Binibining dela Cruz, marunong ka bang rumenda ng kalabaw.?“
Tumango lang ang tinanong pagkat para siyang nawawala sa sarili.
“Magaling.! Suerte mo at makakalabas tayo ngayon.“ anang espanyola.
“Saan po tayo pupunta.?“ tanong ni Lumin at bahagyang sumigla.
Hindi sumagot si Marcaida. Nakita niyang papalapit si Kenji. Sumalubong siya at nag-usap sa ilang bagay bago ito nagpaalam.
Palabas na sa kuta ang karetang sinasakyang ng dalawang babae nang humarang si Garuda. Nakadipa ang dalawang kamay.
“Saan kayo pupunta.?“ abot ang kilay na tanong ng indones.
“Wala kang pakialam.! Ako lang ang nakakaalam kung saan kami pupunta at may permiso ako kay Kenji.!“
“Sasama ako para mapangalagaan ko si Lumin.!“
“No-no-no-no-no.! Hindi puede.! Hindi ko kailangan ang lalake sa aming paliligo.!“ anang babaing babaing panay ang iling ng ulo.
“Nakakapagtaka naman.! Bakit nakakareta pa kayo.? Malayo ba ang pagpapaliguan ninyo.?“ usig pa ng kilabot.
“Oo, Garuda.! Pagkat nangangamoy kambing ang dating pinagpapaliguan namin.!“
“Ano’ng ibig mong sabihin, Marcaida.?“
“Ayokong may ibang naliligo sa ilog na kung saan ay doon kami naliligo.!“ sigaw pa ng babae.
“Parang kami ni Mostafa ang pinatatamaan mo. Pero, hindi bale.! Mas mahalaga si Lumin. Susundan ko na lang kayo.!“
“Sabi nang hindi.! Ayokong maulit ang pangyayaring kami ay sinilipan sa paliligo.! Gagamitin ko ang machine gun sa carreta kapag nakita kitang sumusunod.! Sige, Binibining dela Cruz, patakbuhin mo na ang kalabaw.!“
Agad namang tumalima si Lumin. Kanina pa nangangapos ang kanyang hininga sa naririnig niyang usapan, habang palipat-lipat ang tingin sa dalawang nagtatalo.
Naiwang nagngingitngit si Garuda. Wala siyang magawa kundi ang tanawin na lamang ang papalayong kareta. Nakaharap sa kanya ang de makinang baril na hawak ni Marcaida sa gawing likuran ng sasakyan.
Nasa labas na sila ng bayan nang magtanong si Marcaida. “Binibining dela Cruz. Saan lugar ang inyong nayon.?” at saka lang siya naupo sa tabi ni Lumin.
“Sa bandang unahan po ay may sangandaan. Gawing kanan ang patungo sa amin. Teka po, sabi ninyo’y maliligo tayo.?“ nagtatakang tanong ni Lumin pagkat wala silang dalang damit na pamalit, liban sa malaking tuwalya.
Nakatawa si Marcaida nang magslita.“ Sana, bago tayo magkahiwalay, marinig kong hindi ka na namumupo sa akin. Puede.?“
Sa simula’y tumango lang si Lumin. Parang nahihiya pagkat likas siyang magalangin. Nauutal. “Ku-Kung maliligo tayo, dito na lang sa batisan.“ aniyang wala nang pamumupo.
“No-no, Binibining dela Cruz. Derecho lang sa inyong nayon.“
“Ba-bakit.?“ nagtatakang tanong ni Lumin na may kaba. “Sa-sana rin tawagin mo n lang ako sa palayaw.“
“No.! Binibining dela Cruz. Educada ka. Kailangang irespeto kita.I“
Napabaling na lang ang paningin ni Lumin. Bahagyang pinitik ang lubid ng kalabaw at nagtanong.“ Gusto mo bang maligo sa aming nayon.?“ muling tumawa si Marcaida bago sumagot. “Magtago ka roon,“
“Ha.! Totoo ba, Senyora Marcaida.?“ nabiglang tanong ni Lumin.
Nakatawa pa ring tumango ang tinanong bago muling nagsalita. “Alisin mo na rin ang pagtawag sa akin ng Señora. Parang hindi bagay. Bata pa naman ako, ‘di ba.?“
Tumango rin si Lumin, kasunod ang sagot na tila kinakapos ang hininga. “Oo, Marcaida. Habambuhay kong tatanawing utang na loob ng pagtulong mo sa akin, maraming salamat.“ sabay yakap sa katabi at tumulo ang kanyang luha sa labis na kaligayahan.
“Kahit puro matdor sa karahasan ang mga kasama ko, may conciencia ako at may pusong maawain sa tulad mong mabait. Hindi ko tutulutang sirain ka ni Garuda.“ anitong kasunod ang paglinga sa likuran. Ayaw niyang makita si Garuda.
“At alam mo, Binibining dela Cruz.“ dugtong pa niya. “May pinsan akong taga Mexico. Paris mo ring mabait at mahinhin pagkat may dugo rin siyang silanganin. Para kaming kambal. Magkamukha kami, liban sa aming ugali. Concervativa siyang tulad mo. Balang araw, makakarating siya rito. Siya si Marguerita.”
“Sana nga, Marcaida. Gusto ko rin siyang makilala bilang ikaw, dahil kamukha mo siya.” ang sabing tila namamalikmata sa kausap.
“Nakakatawa ka, Binibining dela Cruz. Kung sabagay, kapag ako’y namatay, muli akong mabubuhay sa katauhan ni Marguerita.”
“Huwag kang magsalita nang ganyan, Marcaida. Wala sanang mangyaring masama sa iyo. Wala sana.” malungkot na kataga ni Lumin at bahagyang hinigit ang lubid ng kalabaw upang magmarahan sa malubak na lansangan.
“Talagang mabait ka, Binibining dela Cruz. Dapat mo ring malamam, baka makarating dito ang Padre at hermano ni Marguerita. Sila’y sina Don Q, at Vijandre. Parehong salvaje at sadista. Pero por favor, naging hija adoptive nila ako mula nang mamatay ang aking padre at madre. Una, kamukha ko kasi si Marguerita.”
“Kawawa ka nman. Ulila ka na pala.” ani Lumin na may habag, ngunit sa kaibuturan ng kanyang kalooban, natandaan niya ang dalawa pang nabanggit na pangalan.
“Seguro, hanggang dito na lang ang kapalaran ko.“ ani Marcaida kasunod ang muling paglingon sa likuran upang tiyaking wala si Garuda.
“Sana’y masumpungan mo ang tunay na landas at mabuhay ka sa katahimikan.
“Mahirap mangyari, Binibining dela Cruz. Napasubo na ako sa ganitong buhay, dahil mababa lang ang pinag-aralan ko.” aniyang bakas sa mukha ang lungkot.
Iniba ni Lumin ang paksa. “Ito ang landas na patungo sa amin. Ang Nayong Dalisdis. Sa ilang sandal pa, naroon na tayo.” sabay turo ng dalaga sa maluntiang dahon ng mga punong kahoy sa tagaytay ng kabundukan.
“Mababait ba ang mga binatang nayon.?“ masayang tanong ni Marcaida, habang palinga-linga sa magandang tanawin.
“Iyan ang maipagmamalaki ko sa iyo. Mababait sila, lalo na sa panauhin.“ may ngiting tugon ni Lumin.
Lumawig pa ang kanilang usapan hanggang sa makapasok sila sa bukana ng nayon na nasa pagitan ng dalawang bundok. Napakagandang pagmasdan ang maaliwalas na sikat ng araw na kasalukuyang nanonoot sa pagitan ng mga punong kahoy.
Inalis ni Marcaida ang sinturon niyang may baril at isinama sa de makinang baril upang takpan ng malaking tuwalya. Lumitaw ang likas niyang anyo. Isang dalaga na masasabing galing sa siyudad. Makabago ang kasootan. Pantalong maong na hanggang tuhod lamang ang haba at maraming himulmol ang laylayan. Ang pang-itaas naman ay maong din na walang manggas.
Kaiba naman ang kasootan ni Lumin. Bukod sa laging kupas ang kanyang pambahay, katabas pa ng pang matanda, ngunit malinis namang tingnan at talagang masasabing isang napakagandang huwaran ng dalagang silangan.
Naging pansinin sa mga tao ang pagdaraan ng karetang maysakay na babaing espanyola.
“Sino ba ‘yang kasama mo , Lumin.?“ tanong ng isang matandang babae na panay ang sipat sa dayuhan.
“Si Marcaida po impo. Isinama ko rito para mamasyal.”
“Aba.! Asikasuhin mong mabuti, Ineng nang ‘di madala. Teka nga pala. Padadalhan ko kayo ng minatamis kong halaya.“ sabi pa ng matandang ‘di maialis ang paningin sa panauhin.
Panay lang ang ngiti ni Marcaida sa kasiyahan at pagtango na may paggalang sa matanda. Nakita niya at nasumpungan ang pangyayaring nasa bungad pa lang sila ng nayon, agad na niyang naramdaman ang magandang pakikitungo ng lahing silangan.
Dumami ang taong sumalubong sa kareta. Karamihan ay mga batang tuwang tuwa sa pagsunod. Para silang nakakita ng ibang tanawin.
“Narito na tayo sa aming tahanang kubo.” nakaturong sabi ni Lumin.
Iginala ni Marcaida ang kanyang paningin, bago nagwika “Malaki ang binanggit mong kubo, Binibining dela Cruz. Di tulad sa kubong tinirhan natin sa bayan. Ito ay maganda at malaki ang solar.”
Tumawa naman si Lumin, bago rin nagsalita. “Talagang ganyang ang mga bahay dito. Pare-parehong pawid at kugon ang bubong.” paliwanag ni Lumin nang maitali ang kalabaw sa lilim ng puno.
“Iba ang clima rito at fresco ang hangin, dahil sa mga punong kahoy.“ sabi naman ni Marcaida habang lumilingang nakaupo pa rin sa kareta.
Sa ‘di kalayuan, nabigla at nasabik ang dalawang matanda sa tagiliran ng bahay. Iniwan ni Mang Nario ang inihahandang binhi ng palay at binitawan naman ni Aling Maling ang bilaong may bigas. Magkasunod silang sumalubong sa mga bagong dating.
“Tatang.! Inang.!“ anang dalagang halos matisod sa mabilis na paglakad.
“Dumating na ang anak ko.!“ natutuwang bigkas ng matandang babae sa pagsalubong sabay yakap sa dalaga.
“Ang Inang mo.! Laging nakaabang sa daraanan mo.!“ nakatawang sabi ni Mang Nario. Nakapatong ang palad sa balikat ng anak“ Hindi nman kita mapasyalan. Lagi akong abala sa gawaing bukid. Alam ko namang umuupa ka ng kareta kapag gusto mo ng umuwi.“ sudlong pa niya nang magmano si Lumin.
“Magandang umaga ho sa inyo.” sabad ni Marcaida nang inaakala niyang nasubhan na ang salubungan ng mag-anak.
“Naku.! May kasama ka nga pala, Lumin.!“ nabiglang sambit ni Mang Nario, saka inalalayan ang mestisang espanyola upng makababa sa kareta.
“Siya po si Marcaida. Ang lagi kong tagapagligtas.!“ pakilala ni Lumin.
“A-Ano’ng ibig mong sabihin, anak ko.?“ nagtatakang tanong ni Aling Maling, saka tinitigang lipos nang pagkamangha si Marcaida.
“Kung hindi po sa kanya, patay na ako, Inang bago mapasakamay ng taong iyon.”
“ Susmaryang bata ka.! Ba-Bakit ba.?“ kinakabahang tanong ng ina.
“ Mabuti pa, sa itaas na tayo mag-usap. Halikayo.” yaya ni Mang Nario.
Sumunod naman ang mga niyaya. Umakyat sila sa apat na baitang ng hagdang kawayan. Naraanan nila ang maluwang na balkonahe at nagtuloy sila sa mas maluwang na kabahayan.
Nakita ni Marcaida ang maaliwalas na panahanan. Ang sahig ay kawayan na ang buko ay nakaayon sa tamang ayos. Parang kawing-kawing na bulubunduking kumikisap sa kalinisan. Ang tabiki ay sawali at pinatungan sa loob ng nakatayong tinilad na kawayan. Dikit-dikit at halos walang siwang ang dingding na kinasasabitan ng iba-ibang palamuting yari din sa kawayan. Ganoon din ang sopang kumikisap sa sinag ng liwang na animo’y sinadyang gawin sa pangunahing balangkas ng kawayan. Makikita rin ang maninipis na kurtinang kulay lunti sa maluluwang na durungawan at talagang bumagay sa ganoong tahanan
Sa tanawing iyon. Natapos ang buong salaysay ni Lumin, tungkol sa pangyayaring naganap sa bayan, kasama na ang bawat pagsagip sa kanya ni Marcaida sa kamay ni Garuda.
“Diyos ko.! Marami pong salamat.!“ unang namutawi sa bibig ni Aling Moreng, habang magkatalukop ang mga kamay kasunod ang pagbaling sa dalagang mestisa. “Gayon din sa iyo, Marcaida. Hindi ka namin malilimot.” dugtong pa niya at hinawakan sa kamay ang naturang panauhin habang sila’y nakaupong harapan sa sopa.
“Huwag ho kayong magpasalamat sa akin. Miembro din ako ng mga extranghero na nasa pueblo.”
“Kahit na, Marcaida. Ang mahalaga, nailigtas mo ang aming anak.!“ sabi ni Mang Nario at ipinadama ang malugod na pasasalamat sa dalagang panauhin.
“Kawawa naman si Ateng Moreng.” sabi ni Aling Maling. “Baka siya naman ang balingan ni Garuda. Huwag naman po sana, Diyos ko.! “
“Huwag ho kayong mag-alala. Ako’ng bahala kay Garuda.” pangako ni Marcaida.
“Salamat, anak.” sagot ni Aling Maling sa itinuring na niyang anak na si Marcaida. “Naku.! Siyanga pala, ihahanda ko pa ang ating pananghalian.!“ natatarantang dugtong ni Aling Maling, bago nagtungo sa silid-lutuan.
“Baka gusto mong maligo, Marcaida.?“ alok ni Lumin. “May balon sa likod- bahay.”
“Totoo.? Sayang. Gusto ko pa namang maranasan ang maligo sa tubig-balon. Pero, sayang ang oras. Gusto ko, lagi tayong magkakaharap.!“
“Mabuti pa kaya, doon tayo sa duluhan, para makapili si Marcaida nang gusto niyang bungang kahoy.“ sabi ni Mang Nario.
Napakislot ang panauhin at nakatawang nagwika. ALam mo, Binibining dela Cruz. Mahilig ako sa sariwang fruta. Halika’t lusubin natin ang inyong huerta.!“ yaya ni Marcaida at nauna pang tumindig.
Napangiti naman ang mag-ama sa kasiyahan, pagkat palagay agad ang loob ng kanilang panauhin.
Sa batalan nagdaan ang tatlo sa pangunguna ni Mang Nario. Bumaba sa hagdan na apat din ang baitang at nagtuloy sa duluhan.
Nagmistulang bata si Marcaida. Tuwang-tuwa at kay sigla ng kilos sa tuwing makakasungkit si Lumin ng hinog at manibalang na bungang kahoy. Laging nangingibabaw ang kanyang halakhak at larawan siya ngayon ng isang dalagang ngayon pa lang namumukadkad.
Madaling kumalat sa nayon ang balitang dumating si Lumin na may kasamang mestisa. Dahil doon, nagsimulang umaligid ang ilang binatang supil ang buhok sa mumurahing pamada. Suot ang pinakabago nilang damit at parang paru-parong bukid na nagpasagilang bingit sa mga bulaklak.
“Lumin.!“ tawag ng isang binata.” Kami na ang mamimitas sa puno. Baka mapuwing lang kayo sa panunungkit.”
“Sige nga, Desto nang ‘di mangawit ang leeg naming sa katitingala. Siyanga pala. Ipinapakilala ko sa inyo si Marcaida. Kaibigan ko sa bayan.“ dugtong pang sabi ni Lumin.
Bahagya namang nagsiyukod ang mga binata nang banggitin ni Lumin ang kani-kanilang pangalang Desto, Pule at Omeng.
Napangiti si Marcaida sa nakitang pagkakimi ng mga binata. Siya na ang lumpit upang mawala ang pagkamahiyain ng mga iyon. Sa paraang nakakatawa. Ilang ulit na pinagkiskis ni Marcaida ang dalawa niyang palad at isa-isang kinamayan ang mga makikisig na lalake kasabay ang malakas ng pagtawa at pagbibiro.
Napayapa rin ang mga binata at naging palagay ang loob kay Marcaida. Hindi nakikimi at kumikilos na sa dating gawi. Ngunit likas naman sa kanila ang hindi mapag-usisa sa pagkatao ni Marcaida.
Natatawa ring lumayo si Mang Nario kay Marcaida. Tutulungan niya ang asawang nagkakatay ng manok sa batalan.
Naging masigla rin si Lumin. Nakatawang hiniyawan ang mga binatang nasa itaas ng punong kahoy. “Bawat puno ay pitasan ninyo ng bungang hinog. Magbaba rin kayo ng mura at magulang na niyog. Gagawa tayo ng kakaning luto sa kakang gata.!“
Nangingibabaw ang tawa ni Marcaida sa pagsalo ng mga bunga, lalo na kung iyon ay nabibiyak sa kahinugan. Lahat ay tinitikman at pinipili ang talagang masarap sa kanya.
Napapangiti lang si Lumin sa pagkakatingin kay Marcaida. Para sa kanya, isang mahalagang tao iyon na sing halaga rin ng kanyang buhay. Kapag kuwa’y bumaling siya at may tinawag. “Desto.! Sandali lang.!“
“Ano ‘yon, Lumin.?“ tanong ng binatang kabababa lang sa puno.
“Kasi, minsan ay nabanggit sa akin ni Marcaida na mahilig siya sa pagkaing may talukap. Mayroon ka ba sa iyong palaisdaan.?“ nahihiyang tanong ng dalaga.
“Aba, oo! May kural ako ng alimango at alimasag. Ilan ang gusto mong dalhin ko rito.?“
Nasinag ni Lumin ang katapatan sa sinabi ng kanyang kausap. “Kahit ilan lang,Desto. Nakakahiya man, amutan mo sana ako at mag-usap na lang tayo sa halaga.”
“Ikaw naman. Parang hindi tayo magkakanayon. Ang panauhin mo ay panauhin nating lahat.!“ anang Desto na punung-puno ng katapatan.
Napangiti si Lumin. Naliligayahan. Isa na namang ugali ng kanilang nayon ang naiparinig ni Desto kay Marcaida. Batid niyang may pagtatangi sa kanya ang binata, danga’t maigsi ang dila sa ngalan ng pag-ibig. Tinanaw na lang niya ang paglayo ng taong mayroong palaisdaan.
Patuloy ang kalibangan ni Marcaida. Tuwang-tuwa pagkat tambak na ang bungang kahoy na nakapatong sa isang hapagang kawayan sa malilim na kapaligiran. Bawat bunga ay pinipisil at pinipili ang babagay sa kanyang panlasa.
Hindi lumalayo si Lumin. Laging nasa tabi ni Marcaida at kahat sa pagtikim ng iba-ibang matatamis na likha ng kalikasan. Lagi silang may tawanan at lalo pa siyang nasisiyahan kapag humahalakhak ang babaing espanyola. Ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso, naroon pa rin ang lungkot at paghahanap kay Leo. Pakitang tao lang ang kanyang saya.
Hindi naman nagtagal, nagbalik si Desto. May pasang tiklis at buslo sa baywang.
“Desto naman.!“ manghang sambit ni Lumin. “Bakit napakarami nito.?“ dugtong pa niya nang makita ang laman ng tiklis at buslo.
“Magsasalu-salo tayo rito sa duluhan.” masayang sabi ni Desto.
Hantad sa balana ang umaapaw na lalagyan ng mga pagkaing dagat na lumaki sa palaisdaan ni Desto. Bahagyang bubuka-buka ang hasang ng mga bangus pagkat maikli lang ang kanilang buhay kapg nasa katihan, ngunit hindi ang mga hipong suwahe na nasa buslo at ga-daliri ang laki. Kahit maliit, higit namang mapisig kung sa sugpo lamang na nasa tiklis. Mayroon ding talukapang gumagapang.
Namimilog ang mga mata ni Marcada sa nakikita niyang pinakamasarap na ulam. Pumapalatak pa ang dila nang manawagan. “Binibining dela Cruz.! Tingnan mo itong alimango. Mamula-mula na ang sipit. Parang luto na, at ito namang alimasag, ang hahaba ng sipit.!“ humahagikgik pang sabi, kasabay ang kilig ng balikat.
Panay lang ang tango ni Lumin. Ngumingiti. Karamay siya sa kaligayahan ng babaing espanyola na para bang wala nang daratal na suliranin.
Pakaraan nama’y tulung-tulong sa pagkilos ang mga lalake, madali silang nakagawa ng kalanang bato at agad ring napakuluan ang mga may talukap, gamit ang malaking balanga.
Si Lumin ang nangasiwa sa pag-iihaw ng bangus na nakabalot sa tinuping saha ng saging at sagana sa maraming pampasarap na sangkap sa tiyan ng isda. Siya rin ang naghalabos ng sugpo at hipong suwahe.
Nakasalang na ang tinolang manok ni Aling Maling, at kumukulo na rin ang sinaing sa malaking palayok, mabango ang simoy ng kanin pagkat binuhangin ang maliliit na butil at may dahon pa ng pandan.
Si Mang Nario naman ang namahala sa pagbaba ng hapag-kainan at luklukan yari sa kawayan. Katulong niya ang dalawang binatang nayon na sina pule at Omeng.
Tama sa pagtirik ng araw, naganap sa lilim ng punong mangga ang isang kagana-ganang pananghalian. Maginhawa ang kanilang pakiramdam kahit mainit ang bagong lutong pagkain, pinapaypayan sila ng hanging panay-panay.
Si Lumin lang ang ‘di nakakaing mabuti. Ipinaghihimay niya ng ulam si Marcaida upang maging madali at hindi naaabala sa pagsubo ang kanyang panauhin.
Ang dalawang matanda ay nasisiyahan. Kung maaari lang, gusto nilang ituring na hindi iba ang dalagang mestisa at ipalit sa nawawala nilang kakambal ni Lumin.
Dumidighay na tumayo si Marcaida. Napahagikgik pa habang nakatakip sa bibig ang kanyang palad. Ibig sabihin, talagang nabusog siya sa harapang iyon.
Ngunit gustong makatiyak si Lumin. Nagtanong. “Nabusog ka ba.?“
“Naturalmente.!“ nagmamadaling sagot ni Marcaida. “Maging ang dulceras ay deliciosa. Ngayon lang ako nabusog nang ganito.” suglong pang nasarapan sa halayang ubi at iba pang kusilba.
“Nasisiyahan kami at napagdamutan mo ang munting nakayanan ng mga taga nayon.” anang matandang lalake kay Marcaida.
“Sobra pa nga ho ito, Tatang Nario. Ngayon ko lang na-experiencia ang maservicio ninyong pagtanggap sa akin, bilang bisita.”
“Kahit paano’y ganyan kaming talaga, Marcaida. Ayaw naming madala ang sino mang dumadalaw sa amin.” sagot naman ng matandang babae.
“Naku naman ho, Inang Maling. Ang babait ninyo.! Marami hong salamat sa inyong lahat.” malugod pang sabi ni Marcaida at inakbyan pa ang tinawag niyang Inang.
Nakangiti si Lumin kahit hindi siya nakakaing mabuti. Nabusog naman siya sa narinig niyang usapan. Maluwag ang kanyang paghinga nang magsalita. “Ay naku, Marcaida. Halika sa banda roon. May duyan doon na maaari mong pagpahingahan.“ ang yayang sabay hawak sa kamay ng panauhin.
“Ow no, Lumin. No siesta.!“ tanggi ni Marcaida. “Ang gusto ko’y mag-chisme na lang tayo.” ang biro sabay halakhak.
Bahagyang natawa si Lumin. Naunawaan niya ang gusto ni Marcaida, pagkat noon ay may subject na Spanish sa kolehiyo. Ang tsismis na maaaraing sa unawa niya ay karagdagang gustong malaman ng espanyola kung ano pa ang likas na ugali ng binatang nayon.
Maya-maya pa’y nanawagan si Aling Moreng. “Oy-y-y.! Mga bagong tao.! Tulungan ninyo ako sa paggiling ng galapong, para maihabol sa oras ng meryenda.!“
Dapit hapon na nang gumayak si Marcaida upang magbalik sa bayan. Nakasakay siya sa kareta. Hindi niya matanggap ang mga pagkaing pabaon sana sa kanya. Nag-aalala siyang baka iyon pa ang maging dahilan upang lalong lumalim ang hinala ni Garuda sa pag-uwi niyang nag-iisa. Matagal niyang pinagmasdan si Lumin, bago nagwika. “Magtago kang mabuti. Baka balang araw, marating ni Garuda ang nayong ito.?“
“Salamat sa paalala mo, Marcaida. Mag-ingat ka rin sa daan, lalo na sa pangangareta. Baka itakbo ka ng kalabaw.”
“Sanay akong mangabayo, Binibining dela Cruz. Kaya ko rin ang kalabaw at baka lalong maghinala si Garuda kung ako’y ihahatid nila.”
“Paano nga pala kung tanungin ka ni Garuda at ako ay hanapin.?“
“Ako na ang bahala roon, Binibining dela Cruz. Ang inaalala ko lang, baka hindi na tayo magkita. Pa-Paalam, Lumin.”
Parang nasaling ang damdamin ng dalagang nayon sa kanyang narinig. Matagal siyang napatitig kay Marcaida dahi sa kauna-unahang pagkakataon, tinawag siya sa una niyang pangalan. Gustong pumatak ang kanyang luha at muling yakapin ang dalagang nagligtas sa kanya, danga’t nakasakay na sa kareta ang mestisa.
Malungkot ang mga matang bumaling si Marcaida. Isa-isang tinanaw ang iba pang naroroon. Nangangamba. Ayaw na niyang isiping baka hindi na siya makabalik sa Nayong Dalisdis. Ang pook na na kung saan ay biglang napamahal sa kanya at karakang pinangarap na sana’y doon na siya manirahan, dahil sa magandang ipinadama ng mga taga roon. Kung diringgin ay paos na ang kanyang tinig nang magsalita. “Tata Nario, Inang Maling at mga binatang nayon. Maraming salamat sa inyong lahat. Hasta la vista.! “
“Marcaida, kami ang dapat magpasalamat. Habang buhay kaming tumatanaw ng utang na loob sa iyo. Magbalik ka uli. Hihintayi ka namin.!“ sabi ni Mang Nario.
“Lagi rin akong maghihintay sa iyo, Marcaida. Gusto kong magpatuloy ang turing ko sa iyong hindi na iba kundi bilang kapatid.“ sabi rin ni Lumin. Nakahawak sa upuan ng kareta.
“Kahit ano’ng mangyari. Tandaan mo. Lumin. Babalik ako kahit sa ibang katauhan.“ malungkot na sabi ni Marcaida, saka pinitik ang lubid ng kalabaw na hihila sa kareta.
Pumatak ang luha ni Lumin. Naisip niyang mangyayari ang sinabi ni Marcaida na tulad niya ay pumatak din ang luha.
Sibsib na ang araw nang sapitin ni Marcaida ang pinto ng kuta. Naroon pa rin si Garuda at nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya.
“Nasaan si Lumin.?“ paasik na bungad ng kilabot.
“Tumakas at ‘di ko na nakita.!“ pabulyaw ding sagot ng babae at saka tinuloy ang pagpasok sa kuta.
“Hindi na ako mag-uusisa, Marcaida pagkat ayokong makarinig ng kasinungalingan. Pero, tandaan mo.! Papatayin kita pag ako’y nabigo sa paghahanap kay Lumin.!“ banta ni Garuda. Sumasabog ang laway sa malaking galit pagkat naudlot ang kasabikan niya sa dalagang nayon. Ang kapalit, maaari niyang ilipat sa dalagang mestisa ang sukdulang pagnanasa. Gagawin niyang libangan si Marcaida habang siya ay nangungulila kay Lumin.
Nagkibit lamang ng balikat si Marcaida at paragasang iniwan si Garuda.
Sa ‘di kalayuan ay nakamasid lang si Kenji. Parang alam ang ginawang paraan ni Marcaida upang makatakas si Lumin. Tumalikod siyang tumatawa.
Sa kabilang pulo ay ‘di maiwasan ni Leo ang manimdim. Lalo na kapag nakikita niya sa laot ng dagat ang ilawan ng mga mangingisda. Naalala niyang iyon ang madalas ituro ni Perenya tuwing sila’y nag-uulayaw at nakaupo sa nakahandusay na punong mangga. Parang nadarama pa niya ang likod nang namayapang katipan habang nakasandal sa kanyang dibdib.
“Napakasakit nang ginawa mo Garauda.! Bawat patak ng dugong bumasa sa lupang ito ay humihingi ng katarungan.!“ bulong pa ni Leo. Nakatayong nakaharap sa laot ng dagat. Naghuhumiyaw sa kanyang damdamin ang makabalik sa bayan, ngunit nagdurumiin din sa kanyang puso ang makapiling muna ang puntod ni Perenya sa loob ng siyam na araw. Ang maihandog sa namayapang dalaga ang nalalabi pa niyang buhay. Ang ilawan niya at pangalagaan ang tatlong doon ay nakalibing bago man lang siyang makitalad kay Garuda. Buong tapang niyang haharapin pagkat hindi na mahalaga sa kanya ang sariling buhay dahil wala na siyang babalikang pag-ibig.
Ang hinagpis ni Leo ay ibig niyang isigaw sa katahimikan ng gabi. Tanging ang liwanag ng tinghoy na nagmumula sa puntod ni Perenya ang nagsisilbing tanglaw sa dilim. Nahahasa ang kanyang paningin sa pusikit na kapaligiran. Sa ganoong oras siya nagsasanay. Manakanakang sinusubok ang kanyang pagiging asintado.
Bawat pagaspas ng ilang paniki na sumisibad sa panginginain ng bungang kahoy ay kanyang pinapuputukan. Lahat ay sa ulo ang tama, ngunit kung minsan ay nakadarama din siya ng awa sa paniki pagkat alam niyang naginginain lang ang mga iyon pagsapit ng gabi. Sa oras ding iyon ay maamo ang ilang labuyong natutulog sa sanga ng punong kahoy. Gayon din ang pagkaing dagat na nahuhuli sa salakab ni Mang Baste, sapat upang hindi gutumin si Leo.
Kadalasan naman ay bigla na lamang nangangalit ang kamay ni Leo sa pagkuyom. Umiigting ang tinggang nakapulupot sa kanyangs pulso. Ang dahilan, matinding simbuyo ng galit kay Garuda. Sa ganoong pagkakataon, bigla na lang iigkas ang kanyang kamay sa pagbunot ng baril. Muling isusuksok at muli ring bubunutin. Paulit-ulit hanggang sa mangawit ang kamay niyang may pabigat.
Kapansin-pansin din ang balbas niyang ayaw nang ahitin dahil sa mga pangyayari. Lubusan nang pinabayaan ang kanyang kakisigan sa sanhing bakit pa kung wala na rin lang ang kanyang pinakamamahal.
Samantala. Sa bawat sandali ay may nagbabantang katuparan. Ilang araw ding minamanmanan ni Garuda ang kilos ni Aling Moreng. Halata niyang masigla iyon sa paglilingkod kay Marcaida. Ibig sabihin, may pangyayaring kasiya-siya sa matanda.
Tuwing hapon ay umuuwi si Aling Moreng sa kanyang tahanan. Malaking kabawasan sa kanyang suliranin ang pagkakatakas ni Lumin kay Garuda. Wala na siyang idadalangin pang kaligtasan dahil matanda na siya.
Ngunit iba ang suling ng mga mata ni Garuda. Laging nakamasid sa bawat kilos ni Aling Moreng. Umaasa siyang ‘di magtatagal, pupuntahan ng matanda si Lumin upang doon na rin magtago. Subalit lagi siyang bigo sa paghihintay. Hindi umaalis ng bahay ang kanyang minamatyagan.
Biglang tumawa si Garuda at bigla ring umikom ang bibig. Isang balak ang naisip niya. “Bukas, siguradong makikita na kita, Lumin.!“ bulong niya sa sarili, kasunod ang tungga ng tuba upang madali siyang makatulog.
Nang gabi ring iyon, handa na si Leo para sa kinabukasang pagbabalik sa bayan. Nag-antabay siya at madaling araw pa lang ay gumising na siya. Suot ang damit na ginamit niya noon sa paligsahang ginanap sa ibang bansa. Iyon ay tsaketa na animo’y kapote ang kawangis. Pantay-tuhod ang haba at nakabukas. Kita ang sinturon niyang puno ng bala at ang kumikinang na baril sa baina. Naka bota siya ng katad na ang taas ay pantay-tuhod rin at mapapansing doon nakasuksok ang balaraw at tubo na pang-ugpong sa baril. Nakasombrero siya na yari sa damit at halos tumakip sa kanyang mukha ang laylayan. Ang iba pang gamit ay nakasilid sa malaking bulsa ng tsaketa, tulad ng teleskopyo at mga punglong nasa kahon. Mapapansin din na ang lahat ng kanyang kasootan ay pawang kulay abo.
Anag-ag pa lamang ang liwanag ng tala sa umaga nang magpalam si Leo sa puntod ng mga nasawi, lalo na kay Perenya. Matapos ang ilang pagmumuni at paghingi ng tawad sa kanyang pag-alis, sinakyan ni Leo ang bangkang nakatali sa ilalim ng pantalan. Mabilis ang ginawa niyang pagsagwan upang matawid agad ang natatanaw na kabilang ibayo.
Ganap na ang liwanag sa wawa ng ilog nang sapitin ni Leo ang mababaw na dalampasigan. Tahimik at kalmada ang dagat tuwing umaga. Nasa kamay pa rin niya ang tinggang pabigat na kaya lang inalis nang masilip sa teleskopyo ang ‘di kalayuang bapor ng mga kilabot.
Marahan ang ginawang paglunsad ni Leo sa kubling kabakawan. Mailap ang kanyang paningin at bigla pang nanlisik nang makita ang limang singkit na kilabot, abala sa paglalaga ng kape sa pampang ng ilog. Luminga muna siya sa paligid bago hinarap ang mga tauhan ni Kenji.
Bahagyang nagulantang ng mga singkit nang makita ang naiibang anyubog ng taong nakatayo sa ‘di kalayuan. Marahan silang tumindig mula sa paghahanda ng kanilang agahan. Hawak ang kanilang baril at matamang sinuri ang nasabing kaharap.
“Ako ay kalaban. Magkasa kayo ng baril.!“ sabi ni Leo at saka ibinuka ang suot na tsaketa. Alam niyang hindi kalahi ni Garuda ang mga nasa pampang, kaya nabawasan ang kanyang galit.
“Sino ka.?“ tanong ng pinakapuno sa pangkat habang kinakasa ang hawak niyang thompson. Nakapataas.
Itinaas ni leo ang laylayan ng kanyang sombrero bago nagwika. “Ako ang taong ibinitin sa kabilang pulo. Saksi kayo sa ginawang paghabol ni Garuda kay Perenya at sa pagpapahirap sa akin.!“
“Ah.! Ganoon ba.? Ano ngayon ang gusto mong mangyari.?“ marahas na tanong ng pinuno at saka hinudyatan ang kanyang mga kasama.
“Kabilang din kayo sa buong pangkat na nagdulot ng lagim sa kabilang pulo.!“ sagot ni Leo at lubusang inihantad ang kumikinang na baril.
Nanlaki ang mata ng mga kilabot. Agad sumiksik sa kanilang utak ang pagkagahaman, lalo na ang pinunong mas sakim sa pag-angkin ng baril.
“Gawin mo.!” sigaw ni Leo.
Hindi na nagsalita ng pinuno. Maliksing itinutok ang kanyang baril upang iputok, ngunit dagli na lang nauka ang pagitan ng kanyang mga mata sa punglong nanggaling kay Leo. Tumilapon siya sa pagbagsak.
Nabigla ang apat pang kilabot sa ipinakitang bilis ni Leo. Walang nakakilos.
“Hindi ako pumapatay ng taong walang laban.!“ ani Leo at muling isinuksok ang kanyang baril. Mariing tinitigan ang mga kaharap.
“Baliw ka, lalake. Apat pa kami.!“ anang isang singkit at hinudyatan ang mga kasama upang sabay-sabay silang kumilos.
Pakiramdam ni Leo ay gumaan ang kanyang kamay. Nasa mukha pa lang ng apat ang pagkilos, agad na siyang nakapagpaputok. Sunud-sunod.
Tumilapong patihaya ang mga kilabot. Dumadanak ang dugo sa pagitan ng kanilang mga mata at pilit na nilalabanan ang kamatayan sa puwersang pagkisay.
Bahagyang naibsan ang pabigat sa dibdib ni Leo. Sa unang pagkakataon, natupad ang una niyang paniningil. Gustong maniguro. “Titiyakin kong hindi na kayo makakaalis ng buhay dito sa Isla Busuangga. Susunugin ko ang inyong sasakyan.!“ bulong pa niya matapos siyasating nag-iisa lang siya sa pook na iyon.
Makaraan ang ilang sandali, nilandas ni Leo ang daan na patungo sa kalagitnaan ng Baryo Wawa. Nakita niya ang maraming tao sa lansangan. Nakatingala at tinitingnan ang malaking usok na siya ang may likha.
Biglang nagtakbuhan ang mga tao nang makita si Leo. Nagsipasok sa kani-kanilang tahanan at nangagsara ng pintuan upang sa awang naman ng durungawan nangagsilip. Ang tanaw nila ay isang demonyo ang dumarating at maraming buhay na naman ang nalagas sa narinig nilang putukan. Naghihimagsik din ang kanilang kalooban pagkat maging ang kabuhayan nila ay nauubos sa mga dayuhan.
Makaraan pa ang ilang sandali, nasumpungan ni Leo ang pondahan ni Inyang. Naramdaman niyang hindi pa siya nag-aagahan. Lumapit siya at naupo sa harapan upang doon na lang kumain. Nanatiling nakalaylay ang kanyang sombrero.
Iniwan ni Inyang ang limang kumakain sa loob ng pondahan. Lumapit siya kay Leo at nagtanong. “Ano ang gusto mong agahan, Ginoong…Dayuhan.?“ bungad ni Inyang at pilit na kinikilala ang bagong dating.
Bahagyang nag-angat ng mukha si Leo. “Kahit ano’ng nakakabusog.” sagot niya at tanging ang baba niyang may balbas ang nahantad.
Hindi nakaila kay Inyang ang magandang hugis ng labi ni Leo at ang mapuputing ngipin. Lumayo siyang nagtatalo ang isip kung iyon ay tauhan ni Kenji o hindi.
Habang naghihintay, manaka-nakang lumilingon si Leo sa likuran at kapagkuwa’y napagtuunan niya ng pansin ang limang taong kumakain sa loob ng pondahan. Wala siyang nahalatang kagaspangan sa kilos ng mga iyon. Nakatalikod at ‘di siya pansin.
Nagbalik si Inyang. Bumubulong habang dala ang umaaso pang sinangag at piniritong itlog ng itik. “Bakit nag-iisa lang siya at tila hindi kilala ang mga nasa loob.? Ano kaya ang pakay niya rito.?“ tanong pa niya sa sarili nang mailapag ang naturang pagkain.
Halata ang kagutuman ni Leo sa pagsubo. Ngayon lang siya nakaramdam ng gana sa pagkain. Ilang araw din siyang tamilmil sa pulo sanhi ng kalungkutan.
Parang tukso namang napapangiti si Inyang sa ‘di mapigilang pagsulyap sa binata.
Naalala niya tuloy ang unang araw nina kenji at Nau. Mga gutom din. “Inyang, magkanong nakain naming.?“ ‘di kawasa’y tanong ng isa sa limang kumakain.
Napabaling ang dalaga upang mainis lamang. Batid niyang galing din sa kanilang baryo ang ibabayad ng mga iyon.
“Malakas ka lang kay Kenji, kaya kami nagbabayad.!“ nakangising sabi ng isang singkit na ang ugali ay pinagbago ng kapangyarihan. Ang limang lalaking iyon ay kalahati lamang ng mga nagbabantay sa wawa ng ilog at ngayo’y pabalik na sila roon dahil iba sa kanilang pandinig ang naganap na putukan.
Biglang umilap ang mga mata ni Leo sa narinig niyang salita. Nanlisik din nang makitang inilabas ng mga lalake ang kanilang baril mula sa ilalim ng hapagan.
“Mga singkit na dayuhan.!“ bulong pa ni Leo habang tinatanaw ang mga nagdudumaling lalake sa paglabas.
Agad tumindig si Leo at mabilis na dumukot sa lukbutan ng kanyang tsaketa. Mula sa bungkos ng salaping papel na galing pa sa Pulong Masle. Nag-iwan siya ng pambayad.
“Ang sukli mo, Ginoo.!“ habol ni Inyang ngunit hindi siya pinansin ng kanyang tinawag. Narinig na lang niyang nagsalita ang binata.
“Hanggang diyan na lang kayo.!“ sigaw ng Leo, habang hawak ang kumikisap na baril.
Natigilan ang mga singkit. Nakaramdam sila ng panganib. Lumingon ang isa ngunit hindi ganap na humarap. “May baril siya.!“ sabi pa niya.
“Bibigyan ko kayo ng pagkakataon.! Isusuksok ko ang aking baril at magkasa naman kayo.!“
Nagtawanan ang limang kilabot. “Baka nabibigla ka lalake.?“ kantiyaw ng isang nakatalikod habang nagkakasa ng baril. “Ano’ng dahilan at gusto mong sumagupa sa amin. Sino ka.?“ dugtong pang tanong.
“Ako ang ibinitin ni Garuda sa kabilang pulo.!“
“Ano.?“ nakatawang tanong ng isa pang singkit. “Matibay ka rin. Pero, sayang lang. Hindi mo na siya makakaharap pagkat galit kami sa taong naghahamon.!“
“Kung gayon, humarap kayo.!“ muling hamon ni Leo.
Ang mga taga baryo naman ay namalaging nakasilip sa awang ng kanilang durungawan. May natatakot at mayroon ding malakas ang loob. Bumaba sila ng bahay at nangubli sa ligtas na lugar upang manood.
Umigting ang pakiramdam ng mga maglalaban. Halos walang kumukurap upang ‘di magbago ang tahimik na pagdaloy ng dugo sa kanilang mga kamay.
Biglang humarap ang limang singkit. Bakas sa kanilang mukha ang nasang makauna sa pagpatay.
Subalit higit na mabilis ang mga punglong nagmula kay Leo. Sunud-sunod at parang alam ang patutunguhan
Apat na singkit ang bumagsak at may dugong umaagos sa pagitan ng kanilang mga mata. Kapansin-pansin ang pag-ilandang nila sa lakas ng baril ni Leo. Isa ang nanatiling nakatayo. Nakatagilid pa at ‘di nakuhang humarap sa bilis ng pangyayari. Namula ang mukha at handang tanggapin ang kanyang kamatayan. Ngunit hindi niya maatim na mamamatay na walang laban at nakatalikod. Haharap siya kahit salubungin ang punglo ng kalaban. Subalit natigilan siya nang magsalita ang kanyang haharapin.
“Alam kong lahi kayo ng kamekasi.!“ ani Leo. “Matatapang sa ganitong pagkakataon. Pero, bubuhayin kita upang ibalita kay Garuda na buhay si Leo Ladoza.! Umalis ka na at baka magbago pa ang isip ko.!“ dugtong pa niyang sigaw.
Nagkibit lang ng balikat ang singkit at humakbng na palayo. “Iwan mo ang iyong baril.!“ matigas na utos ni Leo.
Padabog na binitiwan ng singkit ang hawak niyang baril. Nagpatuloy lang sa paglakad at hindi na nilingon si Leo. Gusto pa niyang mabuhay.
Sa paglayo ng binatang siyudad, nagsunuran ang tingin ng mga taga baryo. Humanga sila sa bilis ni Leo sa pagamit ng baril na kumikinang sa sikat ng araw.
Panibagong pagtatanong ang sumagi sa kanilang isip kung sino ang taong iyon,
Ngunit walang makasagot, liban sa hinalang narinig na nila ang pangalan ng taong sinusundan nila ng tingin.
Ang mga sandali ay lumipas. Umabot sa kuta ang dapyo ng balitang pinatay ni Leo Ladoza ang mga bantay sa wawa ng ilog at ibalita rin kay Garuda ang tungkol sa pangyayaring iyon.
“Ano.?“ nanlalaki ang mga matang tanong ni Garuda. “Si Leo Ladoza ba.?“ ulit pang tanong.
“Oo, Garuda,” sagot ng singkit.
“Hindi maaaring mangyari iyon,! Pinapatay ko na siya.!“
“Pero, buhay siya, Garuda at napakabilis pang bumunot ng baril.!“
Nagdilim ang mukha ni Garuda. Agad dinaklot ang nakatungangang tauhan na kasalukuyang naroroon nang mahalinhan ang grupo niya ng pangkat naman ni Kenji sa pagbabantay ng kanilang bapor sa wawa ng ilog. “Di ba’t ang bilin sa iyo ni Mostafa ay barilin mo at ipakain sa pating si Leo Ladoza.?“
“Oo, Garauda,! Pinatalon ko siya sa pugad ng mga pating. Hindi ko na binaril, baka marinig ang putok kung may patrulya sa gawing iyon. Patay na ‘yon.!“
“Tarantado.! bulyaw ni Garuda at nanalim ang mga matang nagbuntong hininga.“ Hindi ko malaman kung talagang siya nga si Leo Ladoza, o isang baliw na nagpapanggap lamang.!“
Di kawasa nama’y papalapit si Kenji. Agad na nagtanong sa kanyang tauhan.
“Ano’ng pagpatay ang narinig ko sa iyo.?“
“Pinatay ng taong ibinitin ni Garuda ang apat kong kasama,!“
Nabigla si Kenji. Agad na bumaling. “Garuda.! Totoo ba ang narinig ko.?“ hindi makasagot ang tinanong. Umasim lang ang mukha at kapagkuwa’y tumango na lamang.
Muling bumaling si Kenji sa kanyang tauhan at nang-usig. “Bakit apat ang sabi mo.? Di ba’t sampu kayo.?“
“Naiwan ang lima sa ating bapor at kami nama’y nag-almusal sa tindahan ni Inyang nang dumating si Leo Ladoza.”
“Sino ba ‘yon, Garuda.? Iyon bang tumalo sa kapatid mo.?“ tanong ni Kenji. Parang walang alam pagkat abala ang isip niya sa paglalayag
“Hindi ko matiyak, ngunit may palatandaang siya nga.!“
“Kung iyon ay totoo. Galing siya sa kabilang pulo. Malamang, patay na rin ang limang naiwan sa bapor. Garuda, magsama ka ng isang pangkat. Pupunta tayo roon.!“ utos pa ni Kenji. Nag-iisip. Maaaring totoo ang kanyang hinala tungkol sa mahihinang putukan na kanyang narinig mula sa malayo at bakas din sa kanyang mukha ang panghihinayang sa buhay ng kanyang mga tauhan.
Samantala, patuloy sa mabagal na paglakad si Leo patungo sa bayan. Habang nasa daan ay nag-iisip. Masalimuot ang kanyang diwa, ngunit nangingibabaw ang isang katotohanan. Walang mangyayaring ganap kung siya’y magiging marahas sa paghihiganti. Kailangan niyang magmarahan sa mga balakin pagkat natitiyak na niyang nakarating kay Garuda ang balita.
Noon nama’y nakalabas na sa kuta ang binuong pangkat ng mga kilabot upang magsiyasat sa Baryo Wawa.
Nangunguna sina Kenji at Nau sa pangangabayo. Kaagapay nila ang ilang matatapat na tauhang singkit. Bakas sa kanilang mukha ang poot pagkat kauri nila ang mga namatay.
Ngingisi-ngisi lang si Garauda sa gawing likuran. Panay ang pahiwatig ng kaligayahan kay Mostafa. Talagang gusto niyang maubos ang lahi ni Kenji, pagkat ang turing niya sa mga iyon ay sagabal lamang sa kanyang layunin.
Umalimbukay ang alikabok sa lansangan. Tumitilamsik ang mga bato sa paa ng kabayo. Sa ganoong kilos ng ragasa, madali nilang mararating ang sadyang pakay. Ngunit bago iyon, ang sino mang paluwas sa bayan ay kanilang masasalubong.
Sa dako pa roon ay lalong bumagal ang lakad ni Leo. Palinga-linga sa magkabilang gilid ng lansangan na may kagubatan at palayan. Ngayon ay maluwag na ang kanyang kalooban. Nawala ang pagmamadaling makaganti agad. Nagbuntong hininga siya at muling ikinama sa mga kamay ang tinggang pabigat. Nakatungo siya at iyon ang naging dahilan upang ‘di mapansin na may sanga ang tinatahak niyang landas. Hindi siya lumiko. Tuluy-tuloy sa paglakad at natunton niya ang daang patungo sa Nayong Dalisdis, at iyon ang naging sanhi upang maiwasan niya ang pangkat ni Kenji.
“Tabi kayo.! Tabi.!“ sigaw ni Garuda nang sapitin nila ang Baryo Wawa at patalong bumaba sa kabayo. Ang mga tao naman ay mabilis na naghiwa-hiwalay at nahantad ang mga nasawing tauhan ni Kenji. Nakalugmok pa rin sa lupa.
“Bakit pawang sa pagitan ng mga mata ang tama nila.?“ tanong pa ng pinunong Singkit habang sinisiyasat ang mga bangkay. Nagkibit-balikat lang si Garuda sa kanyang nakita. Hindi umimik. “Asintado ang taong may gawa nito.!“ sabi pa ni Kenji.
“Inutil ang mga tarantadong ito.! Pinaglaruan lang sila nang nag-iisang kalaban, dahil karate lang ang nalalaman.!“ sabi naman ni Garuda at mabalasik na nilinga ang ilang taong pumasok sa pondahan ni Inyang. “Nasaan ang taong may gawa nito.?“ sabay bunot ng baril at isa-isang tinutukan ang bawat mamataan.
“Isang matandang lalake ang sumagot. “Ginoo, wala na siya rito.“
“Saan nagpunta.?“ asik ni Garuda sa paglapit.
“Sa gawi roon, papuntang bayan.“ turo pa ng matanda.
“Tarantado.! Ba’t di naming nasalubong.?“
Nagitla ang matanda, bago sumagot. “Ba-Baka hindi siya lumiko sa inyong dinaanan.“
“Bakit wala rito ang kanilang baril.? Sino’ng kumuha.?“ tanong naman ni Kenji.
Pasigaw, habang hinahaplos na pababa ang mata ng mga nakadilat na bangkay. Lalong kinabahan ang matanda. Hindi makasagot. Saka lang lumapit si Inyang kay Garuda at sumabad sa usapan. “Kinuha ng lalaking pumatay sa kanila.“ pagsisinungaling niya upang mapagtakpan ang talagang kumuha.
Gusto pa sanang mag-usisa ni Garuda kung hindi siya tinawag ni Kenji mula sa labas.
“Tayo na sa bukana ng ilog. Gusto kong matiyak kung doon nga nagmula ang usok na natanaw ko mula sa tore ng kuta.“ sigaw pa niya. Mainit ang ulo at hindi na nakuhang silipin man lang si Inyang sa loob ng pondahan.
Dahil sa bilis ng kabayo, hindi nagtagal ang ganoong patutunguhan. Narating nila ang pook na kung saan ay nag-aapoy pa ang ibabaw ng ilog.
“Tama ang hinala ko.! Sinunog ang ating barko.!“ gilalas na hiyaw ni Kenji.
“Patay din ang limang bantay.!“ nakangisi namang wika ni Garuda. Parang naamoy niya ang banta ng isang paghihiganti. “Sa pagitan din ng mga mata ang kanilang tama.!“ dugtong pa niyang may lihim na kasiyahan.
Nakakunot ang noo n Kenji nang magsalta. “Patunay lang na talagang pistolero ang may gawa nito.! Ito na ang simula ng ating suliranin.!“
Muling ngumisi si Garuda. Isa-isang siniyasat ang nagkalat na baril, bago nagsalita. “Kasado naman, pero hindi naiputok. Talagang inutil ang mga tauhan mo Kenji. Walang pangahas kundi karate.! Hindi mangyayari ang ganito kung nagkataong bata ko ang naririto.! “
Sa galit, lalong naningkit ang mga mata ni Kenji. Ngunit naisip niyang nakita nga ang katibayan sa sinabi ni Garuda. “Masusubukan ko rin ang mga tauhan mo. Pero, hindi pa ngayon pagkat bataan pa ni Sultan Kalagara ang nakatakdang papalit dito.” sabi pa niya at lumakad na palayo patungo sa pagsisiyasat.
“Ang ibig mong sabihin, tuloy pa rin ang pagbabantay dito.?“ habol pa ni Garuda.
“Oo.! Kailangang makuha sa ilalim ng tubig ang kahit makina lang ng sasakyan, pagkat sagutin ko ito kay Don Q.
“Malaki at mabigat ang makina, Kenji. Paanong maiaahon.?“
“Bihasa sa pagsisid ang mga bata ni Sultan Kalagara. Teka. Parang natatandaan ko ang bangkang iyon.!“ baling ni kenji sa bangkang sinakyan ni Leo.
Napatingin din si Nau at agad nagwika. “ Iyon ang ginamit natin nang unang magpunta tayo rito.
“Si Inyang ang dapat kong tanungin sa bagay na ito. Pansamantala, mag-iwan ka ng mga tauhan mo, Garuda, hangga’t wala pa ang mga bata ni Sultan Kalagara.!“
“Mabuti pa nga, Kenji, nang masubukan mo ang mga bata ko. Buryas, maiwan ka rito.!“
Tatangu-tango lang si Kenji sa pagyayabang ni Garuda at ang pagngisi ni Buryas habang umaakma sa pagbunot ng baril. Tinandaan din niya ang mga salitang kanyang narinig.
Palihim ding kinausap ni Garuda si Buryas upang magtungo sa kabilang pulo. Gusto rin niyang makatiyak kung ano ang matutuklasan sa ganoong pagsisiyasat.
Hindi naman nagtagal nagbalik sa pondahan ni Inyang ang pangkat ni kenji. Ngiti ang isinalubong ng dalaga.
“Bigyan mo sila ng maiinom at kung maaari, gusto kong makausap kita ng sarilinan.” anang pinunong singkit habang hawak sa kamay ang dalaga.
“Nag-iisa lang ako, Kenji. Walang mag-aasikaso sa kanila.“
“Bigyan mo lang sila ng tuba at salabat. Bahala na sila rito.“
Matapos mag-alinlangan at maidulog ni Inyang ang kailangan nina Garuda at Nau, naramdaman niya ang pagpigil ni Kenji sa kanyang bisig at marahan siyang hinila patungo sa nakaawang na pinto ng silid-tulugan ng babae.
“Ba-Bakit mo ‘ko dinala rito. ?“ may kabang tanong ni Inyang.
Hindi sumagot ang singkit. Isinara ang pinto.
“Kenji.! Nakakahiya sa mga kasama mo.! Baka kung ano ang isipin nila sa atin.?“
“Huwag mo silang pansinin.! Magtatanong lang ako sa iyo.”
“A-Ano ‘yon, Kenji.?“
“Ayon sa napagtanungan ni Nau. Dito raw kumain ‘yong lalaking pumatay sa aking mga tauhan.“
“Oo, Kenji.” ang sagot habang hawak siya sa magkabilang balikat.
“Kung gayon, kilala mo siya.?“
“Hindi, Kenji. Hindi ko siya kilala.!“
“Hind ba, lahat ng tao rito ay kilala mo, maging sa kabilang pulo.?“
“Oo, pero ‘yon lang matandang magtutuba ang kilala ko sa kabilang pulo.“
“Maaring hindi nga taga rito ang lalaking iyon. Ilarawan mo na lang ang kanyang anyo.“ anang singkit habang gumagapang sa likod ng dalaga ang kanyang mga kamay.
“Kenji…Hu-Huwag.!“ tanggi ni Inyang nang maramdamang niyayakap siya ng lalake.
“Ang gusto kong malaman ang sagutin mo.” sabi pa ng mistisong dayuhan. Mapuwersa at may diin.
Napilitang magpaliwanag si Inyang. “Ang kanyang mukha ay natatakpan ng sombrero. Pero, maganda siyang tumindig na kasing gilas mo. Matipuno ang kayang katawan na paris mo. Mataas siya na tulad mo at maputi rin siyang humahabol sa kulay mo… Kenji.! Hu-Huwag sabi.!“ mahinang bigkas pagkat kumintal sa kanyang pisngi ang labi ng lalake. Bahagya siyang pumiglas, ngunit parang tuksong nakakadarang ang halik na naramdaman niya hanggang sa magtagpo ang kanilang mga labi.
Sa labas ay patuloy ang inuman. Parang uhaw ang magkabilang panig. Dumadaloy ang tuba at pagnguya ng inihaw na pugo. Ang mga pulutang iyon ay umaaso pa sa tuhugang kawayan at sila na rin ang nakialam sa kalanang may baga. Ang iba nama’y salabat ang nilalagok sa puswelo at ngumunguya ng kakaning malagkit sa bilao. Lahat ay may kanya-kanyang kasiyahan.
Nakakalamang si Garuda. Mayroon pa siyang karagdagang ligaya. Panay ang sulyap niya sa nakasarang pinto. Pangisi-ngisi pagkat alam niya kung ano ang nagaganap sa katahimikang iyon. Humahabi siya ng isang malasuwang pangitain at panay din ang kindat kay Mostafa habang iningunguso ang kinaroroonan nina Kenji at Inyang.
Noon nama’y patuloy pa rin ang paglakad ni Leo. Hindi niya matiyak kung saan siya patungo. Kung sa ilaya o sa kagubatan. Ang mahalaga, hindi siya magiging mapusok sa paghihiganti. Ang ‘di niya alam, patungo siya sa Nayong Dalisdis na kung saan ay naroroon si Lumin.
Naninibagong nilinga ni Leo ang malaking pamayanan ng nayon. Maraming punong kahoy at malamig ang simoy ng hangin. Naging mailap ang kanyang mga mata sa pangambang pinamumugaran din iyon ng mga kilabot, ngunit wala siyang makitang panganib, bagkos siya ang kinatatakuan ng mga tao pagkat kalat na ang balitang ibinadya ni Mang Nario tungkol sa sinapit ng pistang bayan.
Bawat tahanang maraanan ni Leo ay agad nagsasara sa akalang si Garuda ang kanilang nakikita. Nagtakbuhan din sa pag-uwi ang ilang taong naglalakad sa lansangan. Parang nahihiya silang magpakita ng katapangan, hangga’t maaari, ang gusto nila’y katahimikan.
Napapangiti lang si Leo sa ginagawang pag-iwas ng mga tao. Bawat hakbang niya’y papalapit sa tahanan ni Mang Nario.
Kasalukuyan namang nakapanungaw si Lumin, paharap sa lansagan. Malungkot siya habang nakapangalumbaba sa palababahan. Ginugunita niya ang lalaking nagmulat sa kanya ng pag-ibig. Pagmamahal na sadyang hindi na niya malilimutan hanggang sa huling hantungan. Nagbabanta ring pumatak ang luha sa kanyang mga mata at nagtatanong sa sarili kung magkikita pa sila ni Leo. Ngunit malakas ang pahiwatig ng kanyang puso. Buhay si Leo at maghihintay siya hanggang wakas.
Makaraan pa ang ilang sandali, napabalikwas si Lumin nang makita ang nagdaraang si Leo. Nabigla siya at hindi nakilala dahil sa kasootan at sumbrerong halos tumakip sa kanyang mukha. Sindak na nagsara ng durungawan ang dalaga at natatakot na baka siya ang hinahanap.
Huli na nang mapansin ni Leo ang nagsarang dalaga. Lumampas siya at tuluyang naligaw sa kagubatan pagkat tuluy-tuloy siya sa paglakad at hindi na naman lumikong pabalik sa bayan. Gayon man, nakabuti sa pakiramdam niya ang sanghaya ng kapaligiran. Naibsan ang manaka-nakang poot sa kanyang dibdib. Ipinasiya na lang niya ang mamahinga muna kahit sa lilim lang ng punong kahoy at doon isipin ang nararapat na gawin.
Sa kabilang dako ay pabalik na sa bayan ang pangkat ni Kenji mula sa Baryo Wawa. Marahan ang kanilang pangangabayo. Inaantabayanan ang nakulimbat nilang kareta na naglululan ng mga bangkay, kasabay din ang pagbabakasakaling makita rin si Leo.
“Garuda.! Sa iyo ko iniaatang ang pagsugpo kay Leo Ladoza.!“ utos ng pinunong singkit upang masugpo ang nagbabantang panganib.
“Huwag kang mag-alala, Kenji. Sa susunod naming paghaharap, ituring mo na siyang patay.!“ sagot ni Garuda habang palinga-linga sa paligid. Labis ang tiwala sa sarili at gustog patunayan sa oras ng iyon.
Ilang sandali pa ay narating nila ang bayan. Tumigil ang kabayuhang pangkat sa ibaba ng paltok at pinaikutan ng tingin ang kapaligiran.
“Kenji , magmamatyag muna kami ni Mostafa sa gawing iyon. Maaaring narito na ang ating kalaban,!“ sabi ni Garuda, sabay turo na mabahay na bahagi ng bayan.
Tumango lang ang singkit at pinaakyat sa paltok ang sinasakyan nilang kabayo upang magtuloy sa kuta. Naiwan naman sa ibaba ang kareta ng mga bangkay sa kaukulang libingan.