Malungkot na Pagsalubong
Sa tunog ng mga trumpeta, humugos ang malaking hukbo ng Mauritanya. Sa maaliwalas na lansangan sila nagdaan upang maiwasan ang hirap sa kagubatan. Tinugpa nila ang mga bayan na mayroon ding kaharian. Mga Hari at Reynang nangayupapa sa kataasan ni Cordova. Mga maharlikang nagsipangakong tutulong sa paghihintay kay Don Donaio pagkat para sa kanila, ang dakilang Radam ang husgado sa buong kapuluan at panginoon ng mga kaharian dahil sa taglay na makataong kapangyarihan.
Ang kasiyahan ni Cordova ay nahalinhinan ng lungkot nang maalala ang naghihintay niyang Mahalya. Paano niyang sasabihin ang kapangyarihang nakalukob kay Don Donaio na kapag nagkita-kita silang mag-anak sa maagang panahon, mamamatay silang mag-asawa.
Ang parusa ni Soraia ang nagbigay suliranin at nagpatamlay kay Cordova habang nangangabayo kaagapay si Ogbinar. Gayon man, may pananabik sa kanyang pag-uwi dahil sa Mahalya. Ang huling bayan na kanilang naraanan ay ang kaharian ng Curcuerra. Ang kanugnog ng Mauritanya.
“Magandang pagsikat ng araw sa papalapit na dapithapon, o dakilang Radam ng kapuluan.” bungad na salubong ni Haring Hugo habang nakayuko sa pagpugay.
“Gayon din sa’yo, o kaalyado kong Hari ng CurCuerra.” sabi ni Cordova sabay baba mula sa kabayo at pinagdaop ang kanilang mga palad.
“Magtuloy ka, o dakilang Radam sa loob ng aking palasyo at makapagpahinga. Sa wari ko’y pagod ka at galing sa digmaan.”
“Ganoon nga ang nangyari, Haring Hugo. Ngunit ang totoo. Ang bagong silang kong anak na si Don Donaio ang sadya ko sa kaharian ng Mahikalandia. Ngunit ako’y nabigo. Dalawang kaharian ang nangangailangan ng tulong sa digmaan. Ang Portagesa at Haranggani.”
“Alam ko, dakilang Radam ang suliranin ng Haranggani. Ang lahing Ulikba ay higit ang bilang kahit pagsamahin pa ang ating mga kawal. Pero dahil sa makabago ninyong sandata, natitiyak kong nalipol ang inyong mga kalaban, tulad ng iyong Ama. Nalipol din sa panahong iyon ang lahing Ulikba dahil ang espada ng iyong Ama ay higit na mapamuksa kaysa pamalo ng mga Ulikba.
“Parang ganoon nga din ang nangyari, Haring Hugo. Kaya hanggang ngayon, ang espada ay hindi nawawala sa baywang ng aking mga kawal.”
“Pero, dakilang Radam, higit kong hinahangaan ang makabago ninyong pana. Dati ay laruan lamang ng mga bata at gamit sa pangingisda.
“Madali lang ang paraan, Haring Hugo. Ang puno ng balantukan ay tulad ng kawayan. Kapag sinibak, maghihiwalay ang katawan sa puno. Angkop para gawing pana. Malakas at maigting kapag binanat ang bagting. Maiba ako, Haring Hugo. Nasaan si Reyna Aguerra?”
“Ipagpaumanhin mo, dakilang Radam. Bagong panganak siya at nakahimlay sa silid pahingahan kaya hindi siya nakaharap dito. Katabi niya ang anak naming si Prinsesa Agata.”
“Mapalad ka, Haring Hugo. Ang anak naming si Don Donaio ay malayo sa aming piling.” sabi ni Cordova habang papasakay sa kanyang kabayo upang lumisan. ‘’Paalam.” dugtong pa niya.
Sana’y makauwi kayong matiwasay, o dakilang Radam ng Mauritanya.” pahabol na bigkas ni Hugo.
Takipsilim na nang tumunog ang naglalakihang trumpeta sa kaharian ng Mauritanya. Ibinabadya ang pagdating ng makapangyarihang Radam. Sumambulat mula sa tore ang napakaraming bulaklak. Parang ulan ang kapara. Ngunit ang lahat nang iyon ay walang halaga sa dibdib ni Cordova pagkat hindi niya dala ang kaligayahan ng esposang Mahalia.
Nanginginig pa si Arminya at may luha ang mga mata nang sumalubong kay Cordova. Alam niyang bigo ang esposong Radam pagkat mula sa beranda ng palasyo, natanaw niyang walang dala si Cordova. Niyakap niya ito at nagwika. “Di ka man magsalita, nakikita ko sa anyo mo ang kabiguan.”
“Ang bawat pangyayari ay may hantungan. Maghihintay tayo sa takdang panahon.” umiiling na sagot ni Cordova at nakatunghay sa mukha ng asawa.
“Ano ang ibig sabihin ng dakila kong Radam?”
Nanatili lamang sa kapanglawan ang mukha ni Cordova. Gustong alisin sa haplos ng paningin ang hapis na anyo ni Arminya. Kapagkuwa’y sinimulan ang paliwanag mula sa paglisan hanggang sa pagdating na kasama ang hukbo ni Ogbinar sa utos ng Mahalya.
“Patawad sa nagawa kong pagsuway. Ayokong malagay ka sa panganib.” nakayukong sabi ni Arminya.
“Wala kang kasalanan.” alo ni Cordova. “Dapat pa nga akong magpasalamat.”
Bahagyang natighaw ang lungkot sa mukha ng Mahalia. Ngunit nang muling maalala ang bugtong na anak, agad namalisbis ang luha sa kanyang pisngi. Di anhin na lang na huwag nang dumating ang umaga upang di na makita sa liwanag ang kanilang kalungkutan.
Humigpit ang yakap ni Cordova sa kanyang asawa. Naaawa.
“Kay tagal kong maghihintay, aking Don Donaio.” sabi ni Arminya. “Sa bawat paglubog ng araw, bibilangin ko ang muling pagsikat ng liwanag. Pananabikan ko ang paglipas ng bawat taon, hanggang sa muli tayong magkita o natatangi kong anak.” ang dugtong na salita pagkat batid niyang matutupad ang sinabi sa kanila ni Soraia. Kalian man, hindi na siya manganganak.
“Umasa ka, aking Mahalia. Darating ang panahong mababawi natin si Don Donaio. Titibagin ko ang mga batong humarang sa pintuan ng Mahikalandia.” ani Cordova. Nagdili-dili at pagkaraan ng ilang sandal, pinatawag niya si Kiosko.
Sa isang bulwagang kapulungan, nagtipon ang mga matatalinong Paham ng palasyo. Handang magtalakayan at isusog ang mga paraan.
“Simula sa araw na ito.” bungad ni Cordova. “Lumikha kayo ng sandatang maaaring tumibag sa malaking bato. Ang baril de pana ay pagbutihin. Alisin ang pana at gawing baril de sabog. Baril na bumubuga ng apoy at nagpapatalsik ng isang matigas na bagay tulad ng bulkan kapag pumuputok.” dugtong pa niya at isa-isang sinipat ang mga kaharap.
Agad nagbulungan ang mga Paham. Isang magandang halimbawa ang kanilang narinig. “Imbes na bato ang ibubuga ng baril, bakal ang ating gagamitin upang mapalaya sa kulungan ang ating munting Don Donaio.” sabi ni Kiosko at tumindig pa mula sa pagkakaupo.
“Magandang panukala.” sabi ni Cordova. Mas matigas ang bakal. Tiyak na kayang durugin ang nilikhang harang ng mga Burukantada na siyang daraanan ni Don Donaio.” ang dugtong.
Di kawasa’y tumindig ang isang pantas at nagwika. “Kataas-taasang pinunong Kiosko. Paano tayong lilikha ng apoy na sumasabog?”
Nabigla ang tinanong. Gayon man, nagbigay siya ng isang panimulang halimbawa. “Ang ginagamit nating liwanag sa ilaw ay ang malatubig na langis. Pag-aralan nating tumigas at madaling mag-apoy.”
“Pero kagalang-galang na Paham.” sabi pa ng isang Pantas. Kasabay ang pagtayo. “Magagawa natin ang tamang paraan sa paglikha ng apoy, pero ang kailangan natin ay ‘yong may lakas. May putok na tulad ng kulog.”
Si Cordova ang pumatlang sa usapan. “Maganda ang naisip ninyong halimbawa. Patungo tayo sa tamang paraan. Kailangan bago sumapit ang nakatakdang panahon, nasa kaunlaran na ang ating sandata.”
“Mananaliksik kami, Dakilang Radam. Walang tigil hangga’t hindi naming nasisilo ang putok na panggagalingan ng lakas.” ani Kiosko.
Nagpalakpakan ang mga matatalinong tao sa palasyo. Agad nilang naunawaan ang madaling panimula sa pananaliksik, ngunit kailangan din ang mahabang panahon sa paghahanda.