CHAPTER 8- NAGBALIK NA SA DATING GUNITA
“Nilalagnat si Leo.“ ani Aling Moreng nang siya’y makapasok sa kubo at kumuha ng makapal na kumot.
“Diyos ko.! Baka kung napapaano na siya.?“ nag-aalalang wika ni Lumin. Pabalik-balik sa munting durungawan at patanaw-tanaw din kay Marcaida. Parang humihingi ng saklolo.
Bumangon naman ang namamahingang dalagang mestisa, nanungaw at tinawag si Abueg. “Ipatumar mo sa kanya ang tabletang ito. Aprovado ‘yan sa lagnat.”
“Mabuti na lang at muli mong kinuha si Abueg.“ nasisiyahang wika ni Lumin nang masunod ang utos ni Marcaida.
“Necesario, Binibining dela Cruz. May hawak na mahabang riple si Garuda. Laging nakatanaw dito. Duda ako sa maaaring gawin ng isang nagseselos kung makita niyang ikaw ang nagbabantay kay Leo. May amor ka sa kanya, ano.?“ biglang bulong na tanong ni Marcaida upang ‘di marinig ni Aling Moreng.
Tumango lang si Lumin. Hindi makatingin sa kausap at palihim pang sumulyap sa inaleng nasa kabahayan ng kubo.
Sa labas ay balisa si Abueg. Nananalungkong nakabantay sa binatang nakabalot ng kumot. “Parang naulit ang sakit niya sa kabilang pulo. Kumakain ngunit ayaw namang bumangon at laging nakapikit..” bulong pa niya.
Lumipas pa ang mga oras hanggang sa tumilaok ang mga katsaw at lumaganap ang pahiwatid sa pagbubukang liwayway.
Bumangon si Lumin at unang sinilip ang kabilang habong. Hindi niya makita si Leo. Wala sa higaan. Kinabahan siya at patalilis na lumabas sa kubo.
“Abueg.! Nasaan si Leo.?“ yugyog niya sa natutulog na lalake.
“Ha.?! Ba-Bakit.?“ alimpungat na tanong ni Abueg.
“Wala si Leo.!” nagdudumiin ding sabi ni Lumin.
“Nakup.! Sa-Saan nagpunta ang taong iyon.?“ balikwas na wika ni Abueg, kasunod ang paglinga sa madilim pang paligid.
Nang mga sandaling iyon . Pahinay-hinay na lang ang kilos ng mga manggagawa sa kuta pagkat kanina pa humahagok sa pagtulog ang pinangingilagan nilang sina Garuda at Mostafa. Gayon man, hindi pa sila lubusang makapagpahinga sa dahilang gising pa ang ilang tauhan na nagbabantay sa dalawang kilabot na nakahilata sa kareta.
Sa ‘di kalayuan ay naroroon si Leo. Nakamasid sa kuta at nasa anyo ang hirap sa pag-iisip. Tinatanong ang sarili. “Ano’ng nangyari sa akin.? Parang matagal akong nakatulog at nalaktawan ang nakaraan. Panaginip lang kaya ang nangyari kay Perenya. Kung iyon ay totoo, dapat sana ay patay na rin ako.”
Lumapit pa sa kuta ang binata upang magtanong. Ngunit bigla siyang naudlot.
“Leo.!“ tawag ni Abueg. Nagdudumali sa paglapit.
“Abueg.! Ikaw nga si Abueg. Mabuti’t naririto ka.!“
“Leo.! Kilala mo na ako.?“ biglang natutuwang sabi nang sila’y magkalapit at maghawakan ng kamay.
“Abueg.! Bakit ganyang ang tanong mo.? “ nagtataka ang binata.
“Nagbalik na ang dati mong isip.! Magaling ka na.!“
“Kung gayon, nagkasakit lang ako at totoo ang nangyari, lalo na kay Perenya.?“
“Nakup.!“ takot na sambit ni Abueg, kasabay ang pagtakip ng kamay sa kanyang bibig. Kinabahan siya at sumulyap sa kuta bago nagpanukala. “Mabuti pa, doon tayo mag-usap para maliwanagan mo ang lahat.“
Tumango lang si Leo at karakang sumunod sa layuning magkaroon ng kasagutan ang mga tanong niya sa sarili.
Nagmamadali si Abueg sa pangambang makilala ni Leo ang mga kilabot, lalo na si Garuda. Kailangan nilang mag-usap sa malayo. Kubli sa sino man pagkat alinlangan din siya kung dapat ipaalam kay Marcaida ang pagbabalik ng dating isip ni Leo. Gayon man, alam din niyang magugulat si Leo pagnakita si Lumin.
Mabilis namang pumasok sa kubo si Lumin nang makitang papalapit ang dalawang lalake. Nangangambang baka kausapin siya ni Leo at maging daan upang makita sila ni Garuda.
Noon nama’y nagtanong si Leo kay Abueg. “Kanina, may natutulog dito. Ikaw ba ‘yon.?“ turo pa ni Leo nang maraanan nila ang nasabing tulugan.
“Oo, Leo. Gawi ko kasi ang magkulubong kapag maraming kulisap.” sagot ni Abueg, kasunod ang paglinga sa paligid.
“Hindi ka mapalagay. May suliranin ka ba.?“ tanong ni Leo.
“Mayroon nga, Leo.” sagot ni Abueg. “Huwag ka sanang mabibigla sa sasabihin ko at maging mahinahon ka sana.” dugtong pa niya habang naglalakad silang papalayo sa kubo.
“Bakit, Abueg.? Patay na si Perenya, ano.?“ dagling tanong ni Leo nang makaupo sila sa lilim ng punong kahoy.
Tumango lang si Abueg at saka yumuko. Hindi niya kayang tingnan ang magiging anyo ni Leo. Naramdaman na lang niyang tumayo ang binata at bahagyang lumayo. Sumunod ang tingin niya sa taong nagbigay sa kanya ng magandang kalagayan sa buhay.
Nakaharap sa dakong silangan si Leo. Kasabay sa pagsungaw ng malagintong liwanag ng araw sa pagitan ng bundok, napayuko ang binata. Parang ayaw na niyang makita ang magandang umaga. Lumipas sa kanya ang mahabang katahimikan bago nagtanonmg. “Paano akong nakaligtas at nakarating dito.?“
“Ganito ‘yon, Leo.“ anang Abueg nang maupo sa tabi niya ang binata. Malungkot at garalgal ang kanyang tinig sa pagtatapos ng salaysay habang nakayuko upang ‘di makita ang kalungkutan ni Leo.
“Labis akong pinahirapan ni Garuda. Hindi ako matatahimik hangga’t may buhay siya.!“ ang sabing halata ang paghihiganti
“Leo, alam kong hindi magtatagal, magkikita kayo ni Garuda. Huwag ka sanang maging mapusok. Marami sila at tiyak na mabibigo ka, kung sabay-sabay mo silang haharapin.“
“Parang alam mo ang kinaroroonan ni Garuda. Ituro mo sa akin.!“
“Oo, Leo. Ngunit ipangako mong hindi ka magiging marahas.!“
“Sabihin mo.! Alam ko ang aking gagawin.!“
“Nangangalit ang bagang mo, Leo. Mapapahamak ka lang kung bigla kang susugod. Hindi mo maipaghihiganti si Perenya. Hindi mo rin matutulungan ang taong bayan na maaaring sa iyo lang aasa. Makasampu mong isipin ang bagay na ito. Masarap maghiganti kung may katuparan, ‘di ba.?“
Natigilan ang binata. Nag-isip. Wari’y nagluwag ang dibdib . Tumango siya at nagwika. “Nangangako ako, Abueg. Alang-alang sa ating bayan at kay Perenya. Gagampanan ko ang aking tungkulin.”
“Salamat, Leo. Kahapon lang ay nagkaharap kayo ni Garuda. Hinamon ka niya ng barilan. Dahil nga sa may karamdaman ka. Pinaglaruan ka lang niya at pinagtawanan. Gusto ko sanang lumapit . Pero, hinarang ako ng mga tauhan ni Garuda.“
“Kung gayo’y naririto lang siya.?“
“Oo, Leo. Doon sa ginagawang kuta.“ sabay turo ni Abueg.
Biglang nanalim ang mga mata ng binata at agad na tumindig.
“Leo.! Ang pangako mo sa akin.!“
Parang nanlalatang naupong muli si Leo. Nagtanong matapos ang ilang sandaling paghihimagsik ng kalooban. “Ano’ng dahilan at nagkaharap kami ni Garuda.?“
“Nabalitaan kong gusto raw niyang patunayan kung ikaw nga si Leo Ladoza.”
“Siya ang kapatid ni Turla. Natatandaan mo ba, Abueg.?“
“Oo, Leo. Tama ang kutob ko. Sila’y taga ibang bansa. Bakit hindi natin iulat sa siyudad ang pangyayaring ito.?“
“Maaaring sa ngayon ay wala tayong komonikasyon. Nasa lantsa ang radyo.” sagot ni Leo.
“Mahirap magpunta sa pantalan. May bantay roon.” sabi ni Abueg.
“Saka na lang.! Ngayon pang nalaman ko kung nasan si Garuda. Hindi ako aalis dito sa Busuangga hangga’t hindi ko naipaghihiganti si Perenya.!“ ani Leo na para bang wala sa tamang kapasiyahan. Pagkaraa’y tumindig siya at lumakad, pabalik sa kanilang pahingahan. Doon ay nasalubong nila si Marcaida.
“Pagkatapos ninyong mag-almusal, puede ka ng magbalik sa kuta.“ anang babae kay Abueg, pagkat nakita niyang naglalakad na ang may sakit. Nagtanong pa siya kay Leo.“ Ano’ng pakiramdam mo ngayon.?“
Nagtaka ang binata kung bakit kilala siya ng babae. Naisip niyang baka iyon ay bahagi lamang ng kanyang pagkakasakit. Sumagot na lang siya. “Magaling na ako. Maaari na akong sumama sa kuta.”
“Hindi puede. Iwasan mo munang makaharap si Garuda. Dito ka na lang at bantayan mo ang paligid ng kubo.”
Naputol ang iba pang sasabihin ni Marcaida sa paglapit ni Aling Moreng na may dalang pagkain para sa dalawa.
Nakamasid lang si Leo at nagkunwang ‘di pa nagbabalik ang dati niyang isip. Tinitigan niya si Abueg at ipinahiwatig ang gusto niyang mangyari.
“Kumain kang mabuti, Leo. Inumin mo itong sariwang gatas ng kalabaw para lumakas ka agad.” alok pa ng matanda sa bote ng gatas na lingid sa binata, binili pa ni Lumin sa isang nagdaraang maglalako.
Hindi nakakibo si Leo. Nagtataka kung bakit parang mahalaga siya sa matanda, gayong ‘di naman niya kilala.
Minadali ni Abueg ang pagkain. Nag-aalalang baka gising na si Garuda at makitang huli na siya sa pagdating.
“Pagkatapos mo, Abueg. Sabay na tayong magpunta sa kuta.” ani Marcaida habang isinusuot ang sinturon niyang may baril.
Nakamasid lang si Leo at nagtanong. “Sino siya, Abueg.?“
“Si Marcaida. Siya ang kumuha sa iyo no’ng bagong dating ka rito.”
“Bakit may baril siya.?“ nag-iisip na tanong ni Leo.
“Kasamahan din siya ni Garuda, ngunit iba si Marcaida. Mabait at hindi nagmamalabis sa taong bayan.“ sagot ni Abueg sa pagitan ng pagsubo.
“Ba’t ‘di ko siya nakita sa Pulong Masle.?“ tanong ni Leo.
“Kailan lang siya dumating at dito na nagtuloy.”
“Hinihintay ka niya.“ paibang sabi ni Leo sa malimit na pagsulyap sa kanila ni Marcaida habang nakatayo sa landas na patungong kuta.
Matapos mabilinang muli si Leo, parang bantulot na lumisan si Abueg. Nag-aalala siyang baka biglang sumugod sa kuta ang itinuturing niyang panginoon.
“Naiwan si Leo. Nag-iisip habang naglalakad sa paligid ng kubo at tinatanong ang sarili. “Bakit kailangan pang magbantay ako rito.?“
Sa bawat siwang ng dingding at nakamasid ang pananaw ni Lumin sa mga kilos ni Leo. Gusto niyang paalalahanan ang binata dangan at natatakot siyang makita ni Garuda ang kanilang pag-uusap.
Parang hinihikayat ang paa ni Leo paharap sa kuta. Maging ang mga mata niya’y kusang napapako sa balanang naroroon. Iniisa-isa. Kinikilala at baka sakaling makita ang kanyang hinahanap.
Gising na si Garuda. Palinga-linga sa mga manggagawa at tulad ng kanyang nakagawian, pagkatapos mag-utos, naupo siya sa lilim ng punong kahoy at muling tinanaw ang kubo ni Marcaida. Ngunit biglang nanlisik ang kanyang mga mata. Nakita niya si Leo. Papalapit at sa kanya rin nakatingin.
Gaano man katapat ang isang pangako. Dagling nasisira sa ganoong pagkakataon. Higit na makapangyarihan ang sulak ng damdamin. Ganyan si Leo nang makita si Garuda. Sumilakbo ang dugo sa ngalan ng paghihiganti.
“Hindi ko malilimutan ang mukha mo, Garuda.!“ bulong pa ni Leo habang nagpupuyos ang kalooban. Lalong binilisan ang paglakad.
Humakbang ding pasalubomg si Garuda. Kasunod si Mostafa.
“Talagang naghahanap ng sakit ng katawan ang ulol na iyan.” natatawang sulsol ni Mostafa.
“Hoy, tarantado.! Ano’ng gusto mo.?“ sita ni Garuda nang ilang dipa na lang ang agwat nila ni Leo.
“Ngayon mo subukang bigyan ako ng baril.!“ mariin at nangangalit na bigkas ni Leo.
“Ano.? Lalaban ka na naman.?“ gulat na bulyaw ni Garuda at napahalakhak pa sila ni Mostafa.
Humakbang na papalapit si Leo. Kahit kamayan lang, gusto niyang lamukusin ang taong sa tingin niya ay papel lamang.
“Wala kang dala.! Baka gusto mong totohanin na kita ngayon.?“
“Oo, Garuda.! Pagkat kahapon ay hindi ko alam na ako ang iyong hinahanap.!“
“Baliw ang tarantadong ito, Mostafa. Ibig niyang sabihin, siya na ngayon si Leo Ladoza.!“
“Sayang lang ang bala mo, Garuda, Halika na’t sumusugod na naman si Marcaida.!
“Kapag lumayo ka.! Hindi mo maipaghihiganti ang kapatid mong si Turla.! Tinalo ko siya sa paligsahan.!“ habol ni Leo sa anyong paglayo ng dalawang kilabot.
Biglang nayanig si Garuda. Muling bumangis ang mukha sa pagsasalita. “Ikaw nga si Leo Ladoza.!“
“Huwag kang maniwala, Garuda.! Nagpapanggap lang ‘yan.!“
“Hindi, Mostafa. Alam niya ang tungkol kay Turla.! “
“Malay mo.! Baka naikuwento lang sa kanya ni Marcaida ang tungkol diyan.?“
“Oo nga, ano.?“ nakatawang sambit ni Garuda at saka tumitig kay Leo na parang nakakaloko.
“Garuda.!“ sigaw ni Marcaida habang papalapit. “Ano na naman ang gusto mang gawin sa kanya.?“
“Ngumisi si Garuda bago sumagot.“ Nagkukuwentuhan lang kami ng baliw mong alalay.!“
“Nunca.! Wala sa pigura mo ang makipagkuwentuhan kay Leo, punyeta.!“
“Talagang wala sa loob ko ang makipagmabutihan sa kanya. Siya ang dumayo rito upang makitsismis sa akin.!“ nangagalaiting paliwanag ni Garuda at humagikgik pang nakakainis. “Teka nga pala, Marcaida. Lagi mo akong tinatawag na punyeta. Salitang kastila yata ‘yon na ‘di ko alam ang ibig sabihin. Ano ba ‘yon.?“
“Ang ibig sabihin ay mukha kang buangit at baklang tsismosa.! Halika na Leo.”
“ Ba-a-ah.!“ Hindi ako bakla.!“ hiyaw ni Garuda nang mahalatang niloloko lang siya ng babae at humahalakhak pa sa kanya si Mostafa.
Ang tangkang paghabol ni Garuda kay Marcaida at pagkutos kay Mostafa ay napigilan nang makitang papalapit si Kenji.
Sa ‘di kalayuan ay tangka ring lumapit si Abueg. Hindi na itinuloy. Nakita niyang
Naroroon na si Marcaida at nakikialam kay Garuda.
Sa paglapit ng pinunong singkit, agad na nagtanong kay Garuda. ”Ano’ng ginagawa ninyo rito.?“
“Kailangan mo pa bang sitahin ang bagay na ito, Kenji.?“
“Oo, Garuda. Hindi ko nagugustuhan ang mga ikinikilos mo.!“
“Magliwanagan nga tayo, Kenji.! Wala ba akong kapangyarihan dito.?“
“Wala, Garuda. Nasa akin ang pagtitiwala ni Don Q, Mabuti pa.! Bumalik na kayo sa kuta.!“ wikang patapos ni Kenji at sinundan niya si Marcaida.
Naiwan ang dalawang kilabot na naghihimagsik ang kalooban. Gayon man, pinilit payapain ang nagpupuyos nilang damdamin.
“Wala pa sa panahon, Mostafa. Pansamantala, susunod muna tayo.!“
“Talagang kailangan, Garuda. Tingnan mo ang ulol na si Nau.!“
Bumaling naman ang sinabihan. Natawa bago nagwika. “Handa ang tarantado at kasama pa ang maraming tauhang singkit.!“
“Balitang kamikaze ang mga ulol na iyan. Patay kung patay.!“
“Talagang mamamatay ang mga tarantadong iyan pag ako ang naglagot.“ ani Garuda at inismiran pa ang mga singkit bago sila lumakad na palayo.
Nang sandali ring iyon, tahimik sa loob ng kubo. Panatag ang loob ni Lumin pagkat nakita niyang pabalik na si Leo. Hindi rin natuloy ang balak niyang humabol sa binata nang iyon ay magtungo sa kuta. Nakita niyang naroroon na si Maraida at handang makialam kay Garuda.
Muling naupo si Leo sa lilim ng kanyang habong at nangangalit ang mga matang ipinako sa kuta. Madalas siyang magbuntong hininga.
Kasabay din ng mga sandaling iyon, naudlot ang tangkang pagpasok ni Marcaida sa kubo. Natanaw niyang papalapit si Kenji. Naghintay siya.
“Hindi natapos ang pag-uusap natin kanina, kaya sinundan kita.” bungad ni Kenji.
“Oo nga pala.“ ani Marcaida at saka tumawa. “Nakita ko kasi ang paghaharap nina Leo at Garuda.“
“Isa pa ‘yan sa ipinunta ko rito, Marcaida.” anang singkit matapos nilang maupo sa nakahandusay ng punong mangga.
“Ano ‘yon, Kenji.?“ tanong ng espanyola.
“Nagiging mapusok si Garuda, dahil lang sa isang babae. Ibigay mo sa kanya ang pagkakataong maligawan at masarili ang kanyang iniibig.“
Biglang natigilan si Lumin sa paghahanda ng kanilang pananghalian. Narinig niya ang usapan sa labas dahil kadikit lamang ng kubo ang punong mangga.
“Oo, Kenji.” anang tinig.
“Diyos ko.!“ nabiglang sambit ni Lumin sa narinig na tugon ni Marcaida.
“Pero, hindi pa ngayon, Kenji.”
“Baka mapahamak si Leo.?“
“Ipaubaya mo sa akin ang bagay na ito, Kenji.“
Tumango naman ang lalake bago nagsalitang muli. “Siyanga pala. Itutuloy ba nating ang pag-aalis ng mga manggagawa sa gabi.?“
“Puede na.” sagot ng babae. “Dahil matatapos na ang kuta at hatinggabi na rin kung sumilay ang buwan. Pero ang trabajador sa gabi, ililipat natin sa araw.“ sudlong pa ng babae.
Muling napanatag ang loob ni Lumin sa pagpili ng palay sa bigas. Pagkatapos ay inuguy-ugoy ang bilao at itinahip upang itapon ang naipong ipa at tulyapis. Nakahinga na rin siya nang maluwag pagkat nasilip niya ang pagtango ni Kenji. Ibig sabihin, hindi na siya masasarili ni Garuda. Naalala rin niya si Leo sa pagbulong.
“Dati, sa umaga pa lang na paggising niya, ako na ang hinahanap. Bakit ngayon, ‘di man lang siya lumalapit.? Dahil kaya sa agad akong pumayag na pahalik sa kanya.? O, Leo. Ikaw ang nagmulat sa akin upang ikaw ay ibigin.“ hinaing pa niyang tumutulo ang luha.
Makaraan pa ang ilang oras. Si Aling Moreng din ang nagbigay ng pananghalian kay Leo sa sanhing hindi makalabas si Lumin pagkat laging nakatanaw si Garuda.
“Naninibago ako kay Leo.“ anang matanda nang makapasok sa kubo. ”Dati, tinatawag niya ako sa pangalan. Ngayon, Ale na lang at lagi pang nakatanaw sa kuta. Para bang galit na galit.“
“Baka kaya nagbalik na ang dati niyang isip, Inang.“
“Siguro nga. Dati-rati nga, lagi kang tinatanong sa akin.“ wika ni Aling Moreng at matagal na pinagmasdan si Leo sa nakaawang na durungawan.
Tulala si Lumin. Naisip niyang dalawang katauhan na ni Leo ang nakahalik na sa kanya, ngunit itong huli ang pinakamatindi pagkat tinugon din niya ang nag-aalab na pag-ibig ng binata. Napahinaing siya sa pagbulong. “Kay hirap naman ng aking pagsuyo. Kung totoo ang aking hinala, wala na sa kanyang gunita ang nangyari kahapon. Hindi na niya alam ang ikalawang paghalik sa akin.“ dugtong pa niyang nanghihinayang sa pusong umiibig.