← Don Donaio
Chapter 6 of 18
KABANATA 6

Kabiguan

Takipsilim nang sapitin ni Cordova ang kaharian ng Mahikalandia. Ang alam niya, maganda ang tanawin sa paligid. Tulad nang ipagsama siya ni Soraia kahit sa labas lamang ng kanyang paroroonan. Noon nga nahayag ang pagiging Mahikantada ni Soraia pagkat akay siyang inilipad sa himpapawid.

Matagal na pinagmasdan ni Cordova ang malalaking bato na nagsilbing bakod ng mga Mahikantada. Noon ay nangingislap sa kaputian at bakit ngayon ay nagdidilim sa karumihan. Hindi na rin niya makita ang malaking pintuang bato na papasok sa kaharian. Makita man niya, baka hindi mabuksan kung siya lamang ang titinag.

Madilim na ang paligid at lalo pang dumilim sa di malamang dahilan. Lumakas ang hangin. Wari’y may daluyong na darating. Nauga ang mga punong kahoy at sari-saring halinghing ang narinig.

Ang bawat pangyayari ay may kahulugan kay Cordova. Alam niyang nasa paligid lamang ang kampon ng kadiliman at muling susubukan ang kanyang katatagan. Ngunit batid rin niya ang tanging pananggalang sa pagkakataon iyon. Winalang bahala niya ang mga banta ng kasamaan. Tumuntong siya sa isang malaking tipak ng bato at doon bumuntung hininga upang bumulalas. Isinigaw niya ang pangalang Soraia habang ang dalawang kamay ay nakapaikom sa kanyang bibig. “Nakikiusap ako Soraia! Isauli mo ang aking anak!”

Kahit namamaos na ang tinig ni Cordova, paulit-ulit pa rin ang ginagawang panawagan. Umaasang maririnig din siya ni Reyna Aia. Alam niyang makatarungan iyon at mahabagin. Iyon ang pag-asa niya sa malayong paglalakbay.

Subalit tumagal ang panawagan hanggang sa tumahimik ang paligid. Nawala ang nakapangingilabot na halinghing at kaluskos ng mga maligno, pagkat hindi rin makayanan ang krus na nakakuwintas sa leeg ni Cordova. Kumikisap din sa dilim.

Ligtas din si Cordova sa ano mang panganib, dahil nakapaligid sa kanya ang mga nakakubling tauhan ni Ogbinar.

Umabot sa sukdulan ang panawagan ni Cordova. Nagtataka kung bakit walang sumasagot. Walang pahiwatig man lamang hanggang sa humapdi ang kanyang lalamunan. Naupo siya sa ilalim ng puno upang sandaling mamahinga. Nag-iisip kung ano ang mabuting gawin. Matibay ang kanyang paninindigan. Hindi aalis kung walang kaliwanagan. Ang di niya alam, sadyang tahimik sa loob ng Mahikalandia at walang ingay na maririnig sa labas ng kaharian.

Napapikit si Cordova. Masakit sa kanya ang mabigo. Ipagpapatuloy niya ang panawagan hanggang sa kinabukasan. Di kawasa’y bigla siyang napadilat nang marinig ang pagaspas ng isang ibon. Paikot-ikot sa kanyang harapan at tila may gustong ibadya. Napangiti siya pagkat ang ibon ay Lorong puti. Maaaring alaga ng mga Mahikantada at higit sa lahat, nagsasalita.

Dumapo sa tuhod ni Cordova ang nasabing ibon at nagsalita nga. “Sayang lang ang panahon mo, dakilang Radam.”

“Bakit?” tanong ni Cordova at hinaplos haplos ang pakpak ng loro.

“Tulog si Diosa Soraia at Reyna Aia. Hindi maaaring gisingin hangga’t wala sa takdang panahon.” sagot ng ibon.

“Anong panahon sila magigising?” muling tanong ni Cordova at tuluyang sinapupo ang kausap.

“Pagkalipas ng dalawampung taon.” ang sagot.

“Ano?! Ang tagal naman” nabigla pang sabi ni Cordova at napahigpit ang hawak niya sa ibon.

Agad binitiwan ni Cordova ang hawak at hinayaang dumapo sa kanyang tuhod. Patalun-talon at kumakandirit pa sa kanyang paglamas.

“Ganoon nga katagal.” sabi ng ibon. “At sa ngayon, hindi mo makukuha si Don Donaio.” sabi pa at ang pakpak naman ang ipinagpag.

“Kailangan ko siya!” giit ni Cordova.

“Hindi maaari!” giit din ng ibon. “Sa kasalukuyan, namamayani rito sa labas ang kapangyarihan ng mga Burukantada. Sa tingin ko, hindi mo makakayang gibain ang mga batong itim na itinambak nila sa paligid ng Mahikalandia. Makuha mo man ang iyong anak, wala ring saysay.”

“Bakit?” inulit na tanong ni Cordova.

“Mamamatay kayong mag-asawa sa sandaling makita ninyo si Don Donaio. Kapag wala pa sa tamang gulang. Umuwi ka na, dakilang Radam. Hintayin mo na lang ang panahong mawala ang bisa nang ganoong parusa sa loob ng dalawampung taon. Pagkalipas noon, saka ka magbalik.” ang sabi pang pumapagakpak ang pakpak kasunod ang paglisan.

Napabuntong hininga si Cordova. Malungkot na napayuko pagkat naniniwala siya sa sinabi ng loro. Lalong bumigat ang kanyang suliranin. Nakaragdag pa kung paano niyang dudurugin ang mga batong nakaharang sa inaakala niyang pinto na gusto rin niyang pasukin.

Doon na nagpalipas ng gabi si Cordova. Alam niyang mapanganib ang tumahak sa kasukalan kapag ganoon ang kadiliman. Sumandal na lang siya sa puno at sinadyang ihantad sa dibdib ang krus na ginto, laban sa kasamaan.

Doon na rin naghintay ng umaga ang hukbo ni Ogbinar. Nalaman niya sa isang kawal ang pasiyang pag-uwi ng kanilang Radam sa pinanggalingang kaharian dahil sa natamong kabiguan. Ang kawal na nabanggit ay nakabalat-kayong halaman. Naglagay sa katawan ng madahong sanga at paisud-isod na lumapit sa likuran ni Cordova.

Bago pa man lumiwanag, naunang umalis ang malaking bahagi ng hukbo ni Ogbinar sa pamumuno ni Sotelo. Kailangan nilang linising muli ang landas na daraanan ng kanilang Radam.

Nagpahuli naman si Ogbinar, upang walang makasunod na panganib kay Cordova. Higit silang malapit sa binabantayan kaysa kay Sotelo na nasa gawing unahan. Sila ang agarang panaklolo kung sakaling malagay sa di mabuti ang kanilang kamahalan.