← Isla Busuanga
Chapter 6 of 14
KABANATA 6

CHAPTER -6 MULING KARAHASAN

Kinabuksan, bago pa lamang sumisikat ang araw sa pantalan, pahangos na ginising ng isang tauhan si Sultan Kalagara “May papalapit na yate.!“

“ ‘Asan.?“ papungas pang tanong ng pinuno, sabay bangon sa karetang may habong at pasagsag na lumapit sa daungan. Nakita niyang nakasilip sa largabista si Datu Budjik.

“Isang yate ang papalapit dito.!“ salubong ng Datu.

Kumunot ang malapad at tila hanggang batok na noo ni Sultan Kalagara, saka nagwika. “Dala na ako sa ginawa ni Marcaida. Ganito ang ating gagawin.!“

Ilang sandal pa. Dumaong ang isang maliit na yate. Bumaba ang apat na lalake at isang babae. Luminga-linga sila at wari’y may hinahanap.

“Bakit walang sumalubong sa atin.?“ nagtatakang tanong ng isang lalaking may edad na ngunit kagalang-galang ang anyo.

“Bakit nga kaya, Papang.? Alam naman nilang ngayon ang dating natin.“ tanong ng dalagang nakahawak pa sa bisig ng ama. Habang sila’y naglalakad.

Biglang lumantad si Sultan Kalagara at pangising nagwika. “Ano’ng pakay ninyo sa islang ito.? Ikaw ang sumagot, magandang dumalaga.!“

“Bastos.!“ sigaw ng babae na tipong hindi sanay sa ganoong salita pagkat anyong may pinag-aralan at kasootang pang siyudad.

Dagling napauklo si Sultan Kalagara. Parang napahiya. Mistulang naulit ang pagbulyaw sa kanya ni Marcaida nang iyon ay bagong dating pa lamang. Dahan-dahan siyang luminga sa paligid at nanlalaki ang mga mata sa paghahanap kung may nakarinig.

“Sino ka.? Bakit may armas ka sa baywang.? Dayuhan ka, ano.?“ sunud-sunod na tanong ng matandang nangangalit ang bagang.

“Ang tanong ko ang sagutin mo, Tanda.!“ baling ni Sultan Kalagara sa matanda. Muling tumapang ang anyo nang matiyak na walang nakarinig sa pambabastos ng babae.

“Lapastangan.! Ako ang Alkalde rito.! Ipakukulong kita.!“ namumula sa galit na sigaw ng matanda at saka hinudyatan ang mga kasama.

Kumilos ang tatlong lalake na sila pala’y alalay ng Alkalda. Gumilas ang tindig at ibinuka ang suot nilang tsaketa, upang mula sa baywang ay mahantad ang kanilang baril na handang bunutin.

Humalakhak lamang si Sultan Kalagara saka nagbadya. “Huwag kayong magkakamaling bumunot ng baril. Mula sa inyong likuran, magsisiksikan ang bala sa inyong katawan.!“ baling ng kilabot at tinantuan pa ang dapat patungkulan.

Natigilan ang tatlong alalay ng Alkalde. Ang isa’y masasabing tila higante sa laki ng katawan. Hindi nila nilingon kung ano ang nasa likuran. Ang alam nila’y may kalaban silang humantad mula sa kublihan.

Sa pagkakataong iyon, karakang lumingon ang Alkalde. Nagitla sa nakitang tutok sila ng thompson, grease gun at de platong baril. Agad siyang nag-utos “Huwag kayong lalaban.! Nakalalamang sila.!“

Lalong lumakas ang halakhak ni Sultan Kalagara, bago nagwika. “Para sa kaalaman mo, Tanda. Kami na ang may hawak sa islang ito.! Ikaw naman, babae.! Kunin mo ang kanilang baril at ibigay sa akin.!“ pasigaw pang utos at saka bumunot ng kampilan upang takutin ang dalaga.

Subalit bago nasunod ang gusto ng kilabot, biglang kumilos ang tatlong alalay na may lihim palang hudyatan. Sabay-sabay na umigkas ang paa nila sa pagsipang patalikod.

Nabigla ang tatlong tauhan sa bilis ng pangyayari. Kumalabog ang kanilang dibdib at pagulong na umilandang sa malayo. Namimilipit.

Bumunot din ng baril ang Alkalde at isang kamay na ikinasa ang kanyng kalibre kuwarentay singko, kasabay ang hamon sa pinunong kalbo. ”Sige, sumugod ka.!“

Naudlot si Sultan Kalagara. Hindi naituloy ang tangkang pananalasa ng kanyang kampilan sa bilis ng kaliwang kamay ng Alkalde. Ngumisi siya at pakutyang namuri. “Magaling.! Magandang pasiklab ang mabilis mong kamay.!“

Sumabad ang isang alalay.“ Si Alkalde lang ang katapat ni Leo Lagoza sa paghawak ng baril. Edad lang ang kaibahan…”

“Gago.! Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.! Ibaba ang inyong baril.!“

Biglang nahawi ang talukbong ng kareta. Nahantad si Datu Budjik. Nakasalampak sa sahig na kawayan at pigil-pigil ang isang malaking de makinang baril. Handang bumuga ng kamatayan.

“Isang kalabit lang nito’y patay kayong lahat.! Pati ikaw, Sultan Kalagara.!“ sigaw pa ng datu, kasunod ang hagikgik na parang nakakaloko.

“Gago.!“ sigaw din ni Sultan Kalagara at inambaan pa ng suntok ang kanyang alalay.

Nalito ang alkalde. Nag-alalang baka madamay ang kanyang anak at marami pa ang kanilang kalaban. Sumigaw siya na huwag magpapaputok ang kanyang mga alalay at nagpauna pang inihagis ang kanyang baril sa harapan ni Sultan Kalagara.

“Ganyan nga mga gago.!“ sabi pa ng pinuno at saka binalingan ang isang tauhan na ‘di gaanong napuruhan ng sipa upang pulutin ang mga nagkalat na baril.

Hindi nagtagal, sumunod ang mga bihag sa kagustuhan ni Sultan Kalagara. Dadalhin sila kay kenji upang doon malaman ang kanilang kapalaran. Sa kaganapang iyon, naging masalimuot ang kanilang pagtataka. Wala silang nagawa kundi ang magpatianod sa agos ng pangyayari at maghintay na lamang sa isang natatanging pagkakataon.

“Talagang wala na tayong pag-asa.“ anang isang mamamayan na nakasilip sa durungawan. Nakita nilang naglalakad sa lansangan ang mga bihag at nauuna sa karetang sinasakyan nina Sultan Kalagara at Datu Budjik.

“Kawawang Wana. Para ko ng nakikita ang mangyyari sa kanya.! “ anang usapan sa kabilang tahanan.

Ang bawat durungawan ay may nakasilip na mga mata. Ang iba’y nasusuklam at nanunuya sa anyo ni Sultan Kalagara. Labis ang pagmamagilas . Naka pamaywang pa sa pagkakaupo at panay ang linga sa mga tahanan. Para bang pinagtatakpan ang nakakahiyang ginawa sa kanya ni Marcaida. Ang gawin siyang kalabaw sa paghila ng kareta.

Kalauna’y lalo pang nagimbal ang pangkat ng Alkalde nang sapitin nila ang ginagawang kuta. Marami ang naghambalang na troso.

“Saan galing ang napakaraming dayuhang ito at pinakialaman nila ang munisipyo.“ mahinang bigkas ng Alkalde.

Kapagkuwa’y nabatid ni Kenji kay Sultan Kalagara ang ilang pangyayari. Napatingin siya at agad na lumapit sa mga bihag upang mag-usisa.

“Ikaw pala ang Alkalde rito. Saan kayo galing.?“ mariin niyang usisa kahit naitanong na niya ang bagay na iyon sa bihag nilang Hepe ng pulisya.

“Sa siyudad.“ tipid na sagot mg tinanong pagkat napansin niya ang nanlalaking mata ni Garuda sa anak niyang si Wana.

Saglit na binago ni Garuda ang tanaw, kasabay ang dunggol kay Sultan Kalagara upang magtanong. “ Bakit natiis mo siyang maglakad.? Ba’t ‘di mo pinasakay.?“

“Ayaw nga.!“ padabog na sagot ng Sultan at nakangiwi pang sumabay sa pagbaling ni Garuda sa anak ng Alkalde.

Matapos namang mag-isip ni Kenji, saka siya nagpasiya. “Bilang ikaw ang Alkalde rito, makakauwi na kayong mag-ama. Pero, maiiwan ang tatlong lalaking ito.“ aniya at anyong lilisan.

“Kenji, magaling sa karate ang mga gagong iyan.!“ paalalang habol ng Sultan.

“Talaga.? Sige.! Ipakarate mo ang mga troso. Magtatrabaho sila rito.!“ sabi pa ng singkit at tuluyang umalis upang kausapin sa kulungan ang Hepe ng pulisya.

“Ihahatid ko kayo, Alkalde.!“ nakatawang alok ni Garuda at hinudyatan pa si Mostafa upang sumama.

Agad na lumapit si Sultan kalagara kay Garuda at pabulong na nagbigay ng babala. “Magaling at mabilis sa paghawak ng baril ang Alkalde.“ ang paliwanag , ngunit tinawanan lang siya ni Garuda.

Hindi naibigan ng Alkalde ang kilos ni Garuda. Subalit hindi siya nagpahalata nang magwika. “Malayo ang bahay ko, Ginoo. Nasa dulong burol.“

“Hindi bale, Tanda. Sulit naman kung ihahambing sa ganda ng anak mo.!“ ang sabi kasunod ang biglang tawa at bigla ring tigil upang mag-utos. “Tayo na.! Sumakay na kayo sa kareta.!“ dugtong pang mabalasik ang mukha.

Hindi nakatanggi ang Alkalde sa mapilit na anyaya. Nag-aalala. Kailangan niyang makipagsapalaran kaysa lumaban sa harap ng maraming kalaban.

Lumayo ang sasakyan ng apat. Nakalupagi sa sahig ng kareta si Wana. Katabi sa hulihan ang kanyang ama at nakaupong taas ang tuhod.

Si Garuda naman ay nasa unahang upuan ng kareta. Naka harap sa mag-ama at walang patlang ang tanaw sa dalaga. Ang alalay niyang si Mostafa ang rumerenda sa kalabaw.

“Ano’ng pangalan mo.?“ tanong ni Garuda sa nakakailang na titig at parang uhaw sa katawan ng dalaga.

Napilitang sumagot ang nakasimangot na tinanong. “Wana.!“

“Matapang na pangalan, pero bagay sa iyong kagandahan. Ako naman si Garuda. Matapang din ang tunog, ngunit bagay din sa aking kakisigan. Siguro ang tatay mo ay si Huwan tamban.!“ ang sabing kasunod ang halakhak sa dating gawi.

“Maaari ba.? Huwag mo ‘kong titigan nang ganyan.!“ mariing bigkas ni Wana. Buo ang loob pagkat katabi ang kanyang ama.

Panay lang ang hagikgik ni Mostafa. Alam na rin niya ang mangyayari at tiyak ding siya ang magtatapos sa lilikhaing kahalayan ni Garuda. Nasasabik na rin siyang matupad ang bagay na iyon, danga’t kailangan pa niyang maghintay. Sikilin ang pananabik sa pamamagitan ng magagndang tanawin sa paligid. Ang mapunong kahoy sa lansangan. Ang magulod na kagubatan at iilang bahay na pawang sarado.

Patuloy ang pagngisi ni Garuda sa dalaga. Gusto na sanang patulan at doon na lang pagsamantalahan. Pero, may kaunti rin siyang hiya. Ayaw niyang maging hantad sa balana ang kanyang gagawin. Parang asong ulol ang kanyang kapara.

Nakikiramdam lang ang Alkalde. Iniisip na kung may baril lang siya sa oras na iyon, Mapapasabak ang dalawang dayuhan pagkat malaki ang karanasan niya sa pakikipaglaban bilang beterano ng digmaan. Gayon man, Nagtimpi siya sa pag-asang may baril pang nakatago sa kanilang bahay. Hindi na niya pinansin ang kilos ni Garuda, hanggang sapitin nila ang huling burol na naliligid ng mga punong kahoy.

Sa gitna ng kakahuyan at tuktok ng burol nakatayo ang bahay ng Allkalde. Bumaba sa kareta ang mag-ama.

“Mga Ginoo. Dito na lang kami. Maaari na kayong bumalik at maraming salamat.“ patapos na wika ng matanda at anyong papasok na sa bakuran.

“Alam mo, Tanda. Pag kami’y nag-aksaya ng panahon. Kailangan ang kapalit. Kami’y nauuhaw . Maaari ba kaming tumuloy.?“ wika ni Garuda, sabay baba kasunod si Mostafa.

“ Tumuloy kayo.!“ pagalit na wika ng matanda.

“Bakit wala yatang tao rito, Papang.?“ tanong ni Wana at saglit na nilinga ang paligid. Wala siyang makitang bantay na pulis at katiwala, liban sa kabayong gumagala at karumata na lagi nilang sinasakyan.

Hindi sumagot ang Alkalde sa tanong ng anak. Naisip na lang ang isang hinala. Dahil sa mabigat na pangyayari, nagsiuwi na sa kani-kanilang pamilya ang mga bantay nila roon.

Tuluy-tuloy sa loob ang dalaga, matapos buksan ang pinto ng bahay. Luma ngunit malaki at yari sa kahoy.

Wala pa ring kibo ang Alkalde. Hinudyatan lang sina Garuda at Mostafa upang maupo. Lumapit siya sa isang taluhabang kabinet at naglabas ng maiinom.

“Saluhin ninyo.!“ sabi pa niya sabay hagis ng dalawang bote ng alak na galing sa siyudad at inilalabas lamang kapag may panauhin.

Pagkasalo’y binuksan ni Garuda ang bote ng alak at inamuy-amoy. Napagkuro niyang mabango ang alak ng silangan. Tinikman at biglang tumawa sa kasiyahan. Bigla ring tumigil at kindatan si Mostafa sa pahiwatig na tama lang ‘yon sa pagpapainit ng kanilang katawan. Naupo sila sa malambot na likmuan at sinimulan ang kagustuhan.

“Maaari ba mga, Ginoo.? Sa labas na lang kayo mag-inuman at pagod lang

kami.“ malumanay na pakiusap ng matanda habang ikinakama sa kanyang baywang ang malapad na sinturong may nakasuksok na kalibre kuwarentay singkong baril.

Biglang nanlisik ang mga mata ng dalawang kilabot. Saglit silang nakalingat sa katakawan ng alak. Hindi nila napansin na may baril sa kahon ang Alkalde.

“Masama ang tubo ng dila mo, Tanda. Walang makapagtataboy sa amin hangga’t gusto naming dito mag-inuman.!“ asik ni Garuda. Tinungga ang alak at marahang tumindig. Hindi na inalis sa bibig ang bote ng alak sa dahilang gusto niyang subukan ang pamamarali ni Sultan Kalagara. Magaling daw sa baril ang Alkalde.

Tiwasay lang sa pagkakaupo si Mostafa. Patuloy ang pagtungga ng alak, habang tinatanaw at sinusundan ng tingin ang dalagang nakatakdang maging anak ng hilahil.

“Ano ba’ng talaga ang gusto ninyo.?“ sigaw ng Alkalde at pumuwesto sa tamang katayuan.

Napalingon si Wana habang nagtitimpla ng inuming pamatid-uhaw mula sa silid kainan. Humarap siya at nagmatyag.

“Dapat sana ay pinagbabaril ko na kayo.! Pero, parehas ako kung lumaban.!“ mariing wika ng Punong Bayan at umakma sa pagbunot ng baril.

Hindi man lang nagbago ang anyo ni Garuda. Lalong bumilis ang lagok ng alak, ngunit ang mga mata’y handa sa ano mang mangyayari.

Biglang umigkas ang kaliwang kamay ng Alkalde. Narinig ang pagkakasa ng baril, subalit hanggang doon lamang at hindi na naitutok sa kalaban.

Ang dahilan, dagli ring binitawan ni Garuda ang bote ng alak na nasa kanyang bibig at parang kidlat na pumutok ang baril sa kanyang baywang. Hindi na binunot sa baina at itinikwas na lamang. Ang galing ay lalo pang ipinakita. Sinalo niya ang bote na kasalukuyang palaglag pa lamang sa tapat ng kanyang baywang at saka ipinagpatuloy ang pagtungga ng alak.

“Papang.!“ sigaw ni Wana at sinugod ang amang duguan ang noo. Kinalong ang walang buhay na ama. Tinangisan at niyakap. Sumigid sa katahimikan ang palahaw ng dalaga.

Parang walang ano man ang naganap na pangyayari. Patuloy lang sa pagtungga ang dalawang kilabot. Tila sasairin ang laman ng bote hanggang sa malipat ang pansin nila kay Wana.

Lumapit si Garuda at walang pasintabing hinablot ang manipis na damit ni Wana. Humalakhak pa ito nang makita ang maputing likod ng dalaga.

Ang iyak ni Wana ay nauwi sa tili. Lalong humigpit ang yakap sa ama at parang mababaliw sa ‘di mapaniwalaang pangyayari.

Lalong nag-ulol ang pagnanasa ni Garuda. Inapura ang pagpunit sa damit ng dalaga.

Nanlalaki rin ang mga mata ni Mostafa. Nanggigigil sa pagtawa pakat hindi mabaklas ang babae sa paghila ni Garuda. Tumulong siya sa ikadadali ng kanilang layunin.

Nabitawan ni Wana ang bangkay ng kanyang ama. Kinaladkad siya sa gitna ng salas at doon tuluyang hinubaran. Sa pangyayaring iyon, parang uminog ang kanyang paligid. Umikot ang paningin at doon sa lapag ng bahay. Wari’y nakakita siya ng dalawang demonyong nakadunghal sa kanya at naghahalakhakan. Mariin siyang napapikit at tila namiminging tinakpan ng palad ang dalawa niyang tainga upang ‘di marinig ang malalaswang salita ng mga gahaman, ngunit naulinigan din niyang pinalabas ni Garuda si Mostafa upang magbantay at hindi makapanood sa kanyang ginagawa, hanggang sa lumipas ang mga sandal.

Mahabang hirap din ang inabot ni Wana bago lumisan ang dalawang buhong na habang papalayo, naririnig niyang nagtatawanan at siya ang pinag-uusapan.

Makaraan pa ang ilang sandali, bumangon si Wana at sininop ang sarili habang iniiyakan ang bangkay ng ALkalde at saka nagwika. “Papang, ipaghihiganti ko ang ating kaapihan.!“

Samantala. Nakarating na sa ginagawang kuta ang dalawang kilabot. Luminga-linga at pinagmasdang mabuti ang paligid.

“Ilang araw pa, tapos na ang trabaho ng mga tarantadong iyan.! “ ani Garuda at binulyawan pa ang mga takot na manggagawa.

“ Paano nga’y mabilis ang trabaho ng mga ulol kapag nilalatigo mo, at wala rin silang tigil sa araw at gabi. “ ayon ni Mostafa pagkat nakapaligid na ang bakod at ang apat na tore sa bawat sulok ng kuta. Pagkaraan ay naupo sila sa nakasubsob na kareta.

Nagkataon namang papalabas si kenji mula sa loob ng munisipyo. Nalibang siya sa mga gawain doon at sa pakikipag-usap sa Hepe ng pulisya. Nakita niya ang dalawang indones na nakahilata sa kareta. Lumapit siya at nagtanong. “Parang pagod kayo. Ano ba’ng ginawa ninyo.?“

“Pinagtulungan namin ni Mostafa ang pagbaon ng troso sa isang hukay.” sagot ni Garuda at itinuro pa ang patlang ng bakod na kasalukuyang tinitirikan ng troso.

Lihim na natawa si Mostafa. Siya lang ang nakakaunawa sa sinabi ni Garuda. Tumagilid siya at doon pinagpatuloy ang pagtawa.

“Mabuti naman.“ sabi ni Kenji kahit nag-aalinlangan. “Kapag nayari ang kuta at maligiran ng baril, saka lang mapapanatag ang loob ko.“ dugtong pa ng singkit.

“Bakit, Kenji.?“ tanong ng batikang mamamaril nang bumangon at maupo sa lapag.

“Nakaatang sa balikat ko ang malaking pananagutan sa ating organisasyon. Gusto kong makatiyak. Ayokong mapunta sa ibang kamay ang ating kontrabando.“

“Hindi mangyayari ‘yon, Kenji.!“

“Huwag kang maniguro, Garuda. Likas na mapaghimagsik ang mga silanganin kapag naaapi. Iyon ang iwasan ninyo.!“ ani Kenji na may pag-uutos at ginawa pang halimbawa si Pandong panday. Naghimagsik dahil sa gustong ipaglaban ang kalayaan.

Bumusangol lang si Garuda. Iniba ang tanong. “Paano kung magkaroon ng pag-aalsa at tangkang agawin ang mga kargamento.!“

“Ang kutang ito ang kasagutan. Matibay. Mahirap pasukin at kaya nating magtanggol.!“

“Halimbawang ang pamahalaan nila ang maglunsad ng pagsalakay. Kaya ba nating magtanggol.?“ tanong naman ni Mostafa.

“Hindi mangyayari ang sinabi mo. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang Hepe ng pulisya. Binantaan ko siyang mamamatay silang mag-asawa kapag nagkamali siya sa komonikasyon, at upang makatiyak, lagi akong nakabantay sa bawat pag-uulat niya sa siyudad.“

Biglang tumawa si Garuda at bigla ring nagsalita. “Matalino ka nga, Kenji. Mananatiling lihim ang mga nangyayari dito,”

“Naniniguro lang ako habang hinihintay natin ang utos ni Don Q, kung ilang buwan pa bago tayo mangibang lugar.“ patapos na wika ni Kenji nang salubungin niya ang papalapit na si Marcaida.

“Matalino nga si Kenji. Pero, hindi siya uubra sa akin.!“ may himig bantang sabi ni Garuda.“ Balang araw, hahanap ako ng butas upang siya ay palitan.!“

“Nasa likod mo ako, Garuda. Tayo ang nararapat na mamuno sa buong pangkat.!“

“Hindi lang ‘yon, Mostafa. Hindi na tayo aalis . Mas masarap dito.!“

“Matalino ka rin, Garuda. Ipagpapatuloy natin ang paghahari-harian dito.!“ nakatawa pang wika ni Mostafa at sinundan ng tingin ang papalayong sina Kenji at ang dalagang espanyola.

“Isa pang ‘yang si Marcaida.! Darating ang araw, babagsak siya sa kamay ko.!“ banta pa ni Garuda at kinuyom pa ang kanyang palad sa matinding galit.

“Siyanga pala, Garuda. Naalala ko ‘yong lalake sa kubo ni Marcaida. Wala ka bang napansin.?“

“Parang mayroon nga.” tango ni Garuda. “Parang namumukhaan ko ang tarantado.!“

“Ganoon din ako.! Hindi kaya siya ‘yong ulol na ginapos natin sa kabilang

pulo.?“

“Tarantado.! Patay na ‘yon. Aba.! Oo nga, ano.? Kahawig nga, pero malayong mangyari. Nag-iisa lang ‘yon sa pulo. Sino’ng magliligtas.?“

“Baka kamukha lang nga ng ulol na iyon.!“

“Siya man o hindi. Patay sa akin ang tarantadong iyon. Isang masamang halimbawa ang kakaunti niyang kalamangan sa akin tungkoll sa kakisigan. Baka maakit niya si Lumin.?“