Chapter 5- TIMYAS NG PAG-IBIg.
SI Leo ang nakamasid sa mga kilabot. Nangangalit ang mga mata at handang dumamay lalo na kay Lumin sa oras ng panganib.
“Sino ba’ng tarantadong ito at napakatapang kung tumingin.? Lalaban ka ba.?“ bulyaw ni Garuda at karakang susugurin si Leo, upang doon ibugnos ang galit.
Mabilis namang lumabas si Marcaida, kasunod si Lumin.
“Una vez na galawin mo siya.! Matutuloy ang duelo natin.!“
Naudlot ang kilabot sa banta ni Marcaida. Pinatulis ang nguso. Pinilit magtimpi at lumura na lamang sa harapan ng binatang nagbigay ng galit sa kanya.
Hindi naikubli ni Lumin ang natatagong damdamin kay Leo. Lumapit siya at paanas na nagwika. “Huwag kang kikibo. Mapapatay ka niya.“
Namalagi naman sa loob ng kubo si Aling Moreng. Natatakot na lumabas at panay na lang ang tawag sa pamangkin kahit nanginginig ang tinig.
Panay din ang bulong ni Mostafa sa kanyang pinuno. “Masama ang nakikita ko, Garuda. May kahulugan ang kilos ng bata mo sa lalaking iyan.“
“Hindi ako papayag.!“ bulong din ni Garuda. “Pagnalingat si Marcaida, patay siya.!” ang sudlong at hinudyatan ang mga kasama upang lumisan.
“Salamat po, Diyos ko at walang masamang nangyari.“ usal ni Lumin.
Naunawaan ni Leo ang sinabi ng dalaga. Napangiti siya at nagwika. “Kay ganda mo, Lumin.“
Napayuko ang pinuri at naalala ang suot niyang damit na makatawag pansin. Nakakahiya. Bumitaw siya sa bisig ni Leo at saka tinakpan ng palad ang kanyang dibdib. Gayon man, nasabi pa rin niya sa binata ang mag-ingat kay Garuda bago tumalikod upang pumasok sa kubo.
Matagal pang sumibsib ang araw ay aligaga na ang mag-ale sa pagluluto. Si Aling Moreng sa pagsasaing at si Lumin sa paglilinis ng dalag na ang gamit ay abo. Nasa likod sila ng kubo at kubli sa tanaw mula sa kuta..
Ngayon ay panatag na ang loob ni Lumin. Napapayag niya si Marcaida upang magpalit ng damit na kinuha pa ni Aling Moreng sa kanilang bahay. Wala na rin ang papula sa kanyang mukha at nagbalik ang larawan ng isang maganda at mahinhin silanganin.
“Bakit puro isdang tabang ang nakikita ko rito.? Bihira na ba ang isdang dagat.?“ tanong ni Marcaida nang maraanan ang ginagawa ni Lumin.
“Ang Isla Busuangga ay sagana sa iba’t ibang uri ng isda. Pagkat ito”y naliligid ng dagat. Kaya lang, ayon kay Inang. Mahigpit na pinababantayan ni Senyor Kenji ang bawat kalapit na daungan. Ayaw niyang palabasin ang mga mangingisda..”
“Ano kayang dahilan.?“ tanong pa ni Marcaida at naisip na walang nababanggit sa kanya si Kenji.
“Sa pangambang baka raw magsuplong kung makatawid sa dagat.“
“Bakit.? Bapor ba ang gamit nilang sasakyan.?“ muling tanong ng espanyola.
“Lunday na de sagwan. Maliit at hindi maaaring sumalunga sa malalaking alon sa laot.”
“Ano ang lunday.?“ kunot-noong tanong ni Marcaida.
“Iyon ay bangka.“ sagot ni Lumin.
“Ganoon ba.? Kung gayon, hindi sila gaanong lumalayo sa aplaya.”
“Sagana nga rito ang isda. Hindi na kailangan ang sila’y pumalaot.”
“Alam mo, Binibining dela Cruz. Mahilig ako sa pagkaing dagat. Lalo na ‘yong may talukap.” paibang paksa ni Marcaida at lalo pang natawa sa kanyang nakita. “Aba.! Si Leo. Tumutulong siya kay Aling Moreng. Nagdala siya ng mga sinibak na kahoy.”
Napabaling si Lumin at napangiti sa nakita niyang pakikigatong ng binata. “Isasalang ko na ito.”sabi pa niya, matapos mailagay ang putol-putol na dalag sa balanga. Tumindig siya at tinungo ang kalanang ginawa ni Leo.
“Ako na ang magsasalang. Baka mapaso ka.” alok ni Leo nang lumapit si Lumin sa kalanang katabi ng sinaing. Maalab ang apoy sa lakas ng hangin.
“Ako na lang, Leo. Alangan sa iyo ang humawak ng balanga.” tanggi ng dalagang nakatawa. Kita ang tila garing at mapuputi niyang ngipin.
Mapilit si Leo sa pangambang masalab ang mapuputing daliri ni Lumin. Bunga noo’y nagagap niya ang kamay ng dalaga.
Nagtama ang kanilang paningin at nanalaytay sa puso nila ang sikdo ng pag-ibig. Parang may bato balani ang kanilang mga mata. Marahang pinisil ni Leo ang kamay ni Lumin at para namang nahihiyang napayuko ang dalaga.
“Malansa ang kamay ko, Leo. Bitawan mo ‘ko.” paanas na wika ng Guro upang ‘di marinig ng sino man at palihim pang sinulyapan ang inale niyang nakatalikod at abala sa ginagawa.
Palihim din ang masid ni Marcaida sa dalawang nag-uusap. Lihim din siyang ngumiti saka nagwika. “Aling Moreng, pakiligpit nga ‘yong damit ko sa cama. Gusto kong mamahinga.” at umanyo pang inaantok sa paghikab.
Agad namang tumalima ang matanda at iniwan kay Lumin ang pagbabantay sa mga lutuin.
“Nasalab ang kamay ko.” ani Leo, matapos isalang ang ulam.
“Kasi naman, mapilit ka. Dapat sana, paloob ang hawak mo sa labi ng balanga.” nakatawang wika ng dalaga at pahapyaw na hinaplos ang kamay ng binata. Nais alisin ang sakit.
“Sana, lagi kang ganyan, Lumin. Masaya at palagay ang loob.”
“Ngayon lang, Leo. Kapag saglit kong nalilimutan ang suliranin ko kay Garuda.” ang sagot at muling nalarawan sa mukha ang lumbay.
“Hangga’t makakaya ko. Hindi kita pababayaan. Tutulungan kita sa oras ng iyong kagipitan.”
“Salamat, Leo. Ngunit mahirap na kalaban si Garuda. Bakit ka susuong sa panganib nang dahil lang sa akin.?”
“Sapagkat mahal kita, Lumin. Ewan ko lang kung mayroon nang nagmamay-ari ng iyong puso.”
Kinabahan sa galak ang Guro. Napatitig siya sa binata bago nagwika. “Mayroon na, Leo. Siya ang unang lalaking humalik sa akin. Halik na kailan ma’y hindi ko na malilimuan.” wikang pagsubok ng babae kung maaalala ng lalake ang nakaraan.
Ngunit sadya yatang walang alam si Leo. Marahan siyang nagbaba ng paningin at doon iniukol ang nasa pusong kalungkutan.
Napasunod ang mata ni Lumin. Nanlalamlam sa pag-aalala. Sinusuri ang kilos ni Leo. Parang siya na rin ang unang nasaktan nang muling magtama ang kanilang paningin.
“Iginagalang ko ang iyong kaligayahan. Subalit umasa kang handa pa rin akong dumamay sa iyo.” ani Leo. Halata sa mata ang lumbay.
Anyong maluluha si Lumin nang magwika. ”Muli akong nagpapasalamat sa iyo, Leo. Ngunit wala ka bang naaalalang pook na sagana sa mababangong bulaklak at isang babae ang hinahabol mo roon.?“
“Parang mayroon nga, Lumin. Kaya lang, biglang napuputol at hindi ko kayang dugtungan ang buong pangyayari. Sino ba ang hinahabol ko roon.?“
“Siya ang babaing hinagkan mo roon.”
“Sino siya, Lumin.?“
“Isipin mo na lang.” nahihiyang pakli ng dalaga at kunwa’y inawatan ng gatong ang sinaing ni Aling Moreng. Muli siyang tumayo at humarap sa binata.
Bigla ang kaligayahang nadama ni Leo sa inanyo ng dalaga. Sumalit din sa kanyang isipan ang manaka-nakang kaliwanagan sa isang pangyayari. Damdam niya’y dati na silang magkakilala at nag-iibigan. Kinabig niyang palapit ang kamukha ni Perenya at saka nagtanong.“ Ikaw ang babaing hinagkan ko noon, ano.?“
“E-Ewan ko, Leo.” ‘di malamang sagot ni Lumin at payukong bumaling.
“Ikaw nga.!“ galak na wika ng binata at agad ibinilanggo sa kanyang mga bisig ang malambot na katawan ng dalaga.
“Ay, Diyos ko, Leo.! Baka may makakita sa atin.?“ pigil ang pagtutol ni Lumin sa pangambang makita sila ni Aling Moreng.“ Bitawan mo ‘ko, Leo.” habol ang hiningang sumamo ng dalaga.
“Mahal kita Lumin.” giit din ng binata at lalong hinigpitan ang yakap sa alaalang dati na niyang ginagawa iyon kay Perenya.
“Hindi ako makahinga, Leo.” samo pa ng dalaga.
Sa loob ng kubo ay ‘di mawala ang may kapilyahang ngiti ni Marcaida. Palihim siyang nakasilip sa munting durungawan. Gusto niyang makita kung paano magmahalan ang dalawang silanganin. Ang balitang wagas kung magsintahan, ngunit nag-aalala rin siyang baka magalit si Aling Moreng kung makita si Lumen sa ganoong ayos. Kailangan niyang magbigay ng babala pagkat tapos na ang utos niya sa matanda. Sinadya niya ang malakas na tinig. “Aling Moreng. Paglabas ninyo, pakisara lang ang puerta. Masyadong mausok.“
Ang tinig na iyon ang nagpabaklas sa dalawang nasa labas. Lumayo si Leo at tumalikod na tumanaw sa kuta. Samantalang si Lumin ay pinagpatuloy ang pagsusulong ng gatong sa pesang dalag.