← Isla Busuanga
Chapter 4 of 14
KABANATA 4

CHAPTER 4- Katahimikang kabuntot ay Panganib.

Bago pa lamang bumibitak sa silangan ang malagintong silahis ng araw, nasa bukana na ng bayan ang mag-ama.

“Aba.!“ bulalas ni Mang Nario nang makita sa lilim ng kawayanan ang lumayas niyang kalabaw. “Sandali lang, anak.“ dugtong pa ng matanda kasunod ang pagbaba sa kareta. Inapuhap ang soga ng kalabaw na nasilo sa putol na puno ng naglalangitngitang kawayan.

“ Tatang.!“ tawag ni Lumin. “Dahil po sa kalabaw na iyan, nabalam ang gawain ninyo sa bukid. Huwag po kayong masyadong magpapagod ni Inang. Matanda na po kayo.“

“Kaya ko pa, anak.“ sagot ng matanda habang itinatali sa hulihan ng kareta ang mailap na kalabaw.

Lalong nahabag ang dalaga sa nakitang pagmamadali ng kanyang ama. Alam niyang maraming gawain sa bukid si Mang Nario pagkat malawak din ang kanilang sakahan at kasalukuyan pang umuus-us ang tubig mula sa bundok. Nagmungkahi siya sa kanyang ama. “Kung babaybay lang ako sa pinitak, madali ko pong mararating ang likuran ng bahay ni Inang Moreng.“

Tumutol si Mang Nario. Gusto niyang ligirin ang kalsada kahit malayo. “Narito na rin lang tayo, bakit hindi pa ako tutuloy.?” sabi pa ng matanda at akmang aakyat sa kareta.

Ngunit mapilit si Lumin. Tumalon siya sa lupa at saka kinipit ang isang maliit na tampipi. “Sige na po, Tatang.“ sabi pa niya upang ‘di masayang ang oras ng matanda sa pag-uwi.

Kalauna’y napahinuhod din si Mang Nario. Naalala ang nalimutan niyang pasalubong kay Aling Moreng. Ang nakakatandang kapatid ni Aling Maling.

“Huwag na po kayong mag-alala, Tatang. Marami ring bungang kahoy sa bakuran ni Inang Moreng.” paalala ni Lumin.

Kahit malayo na ang nalalakad ni Lumin, hatid pa rin ng tanaw si Mang Nario.

Nahahabag ang pusong ama. Wala sa kanyang agam-agam ang karahasang susuungin ng kanyang anak. Ang anak niyang madalas ding lumingon sa kanya habang naglalakad sa pilapil.

Nang lagpasan ni Lumin ang mga pinitak at makapasok sa kakahuyan, nakita niyang nakapinid pa ang mga tahanan. Dati sa ganoong oras pa lamang, marami na ang kumikilos sa pang-umagang gawain. Napangiti ang dalaga. Naisip na lang ang sarsuwela. Tiyak na marami ang napuyat sa panonood pagkat gusto nilang makita ang mga mandudulang taga bayan din.

Maging ang bahay na nakatirik sa isang maluwang na bakuran at siyang tinutuluyan ni Lumin ay sarado pa rin. Umakyat siya sa hagdang kawayan at kumatok sa pintong sawali, ngunit walang sumasagot hanggang sa ulitin ang panawagan.

Marahang lumagitik at bumukas ang pinto. Gitla ang nakita sa mukha ni Aling Moreng. Karakang hinila ang pamangkin at luminga-linga pa sa labas bago nagsara ng pinto.

“Naku,bata ka.! Nasaan ang Tatang mo.? Hindi ba ninyo nabalitaan ang nangyari dito.?“

Umiling ang dalaga, saka sinagot ang unang tanong. “Abala po ang mga taga nayon at wala sigurong nakipamista. Umuwi na rin po si Tatang, dahil sa pagmamadali. Ano po ba’ng nangyari dito.?”

Nakiramdam sa labas si Aling Moreng bago isinawalat ang malagim nilang karanasan.” Gusto kong magpunta sa nayon upang magbigay ng babala, ngunit nang araw ding iyon, Binantayan ng mga bandido ang lahat ng daang palabas sa bayan upang hindi kumalat ang balita at kasabay pang sumumpong ang sakit kong pamumulikat ng paa. Hindi ako makalakad.”

Napaluha si Lumin. Awang-awa siya kay Bidang. Ibig din niyang malaman kung ano na ang kinasapitan.

“Ay, Diyos ko.! Naging tulala.“ sagot ni Aling Moreng. “Hindi niya nakayanan ang ganoong pangyayari at karanasan, hanggang iuwi siya sa kanilang baryo na nakabalot ng kumot.

“Ang kaawa-awa kong kaibigan.“ patuloy ang pag-iyak ni Lumin.

“Ay , naku, anak.! Tama na ‘yang panangis. Ikaw ang dapat mag-ingat. Sa ganda mong iyan, tiyak na pag-aagawan ka ng mga gahaman.!“

“A-Ano po ang gagawin ko, Inang.?“ kinakabahang tanong ng dalaga.

“Halika sa silid. Magpalit ka ng damit. Isuot mo ‘yong luma kong baro’t saya nang magmukha kang matanda.!“ aligagang sabi ng matanda sabay hilang paika-ika sa paglakad. Nagmamadali pagkat naramdaman niyang may naglalakad na sa kalsada.

Tinulungan pa ni Aling Moreng si Lumin sa paghuhubad ng damit. Nagmamadali at panay ang busa ng bibig. “Kasi naman ‘yang katawan mo kung bakit napakaganda ng hubog. Sige.! Isuot mo ito at mamayang gabi, tatakas tayong pabalik sa nayon.“

Sandali pa ang nakaraan. Marami na ang nagkalat na kilabot sa lansangan. Panay ang bulyaw sa ilang lalaking bantulot bumaba ng bahay.

“S-Sila po pala ang sinasabi mong bandido, Inang. Saan kaya sila galing.? Bakit pinalalabas ang mga lalake.?“ nagtataka pang tanong ni Lumin. Nakasilip silang mag-ale sa siwang ng dingding na sawali.

“Kahapon. Nagbigay sila ng patalastas. Ang lahat ng lalaking mapili nila ay kailangang magtrabaho upang igawa sila ng bakod sa munisipyo.” sagot ni Aling Moreng. Hindi mapalagay. Nag-aalala sa isang napipintong pangyayari. Kinakabahang hinawakan ang mga kalmen na nakasabit sa kanyang kimona. Ang kalmen na ‘di lang dalawa kundi tatlo ang nakapalawit at iyon ay kinasusulatan ng iba-ibang ebanghelyo ng Diyos.

Saka naman napahinaing si Lumin sa narinig niyang paliwanag. Agad tumalikod sa siwang ng sawali. Para niyang nahulaan na magtatagal ang mga kilabot. Tiyak na magiging taganas sa islang iyong ang kalupitan ng mga dayuhan. Paano siyang magtatago.?

“Lumin.!“ pukaw ni Aling Moreng. “Dali.! Pumasok ka sa silid.! Dalawang bandido ang papalapit dito.!“ dugtong pang nanginginig pagkat nagkatotoo ang kanyang hinala.

Nasindak ang dalaga. Mabilis na nagtungo sa silid. Hindi malaman ang gagawin at kung ano ang paraan kapag pumasok ang mga kilabot.

Yumutyot ang hagdang kawayan. May tumadyak sa pinto kasunod ang sigaw.

“ Hoy.! Bakit sarado pa kayo.?“

Napatakbo si Aling Moreng at agad nagbukas ng durungawan.

“Hoy. !“ bulas naman ng isang lalake. “Pinto ang buksan mo.!“ dugtong pang singhal. Nakahawak sa gabay ng hagdan at nakatanaw sa katabing bintana.

Urung-sulong si Aling Moreng sa pagbukas ng pinto. Natatakot siyang makita ng mga kilabot ang dalagang nasa silid.

“Bakit ang tagal mong magbukas.? May tinatago kang lalake, ano.?“ bungad ng isang lalake sabay pasok sa loob.

“Wa-Wala po.! Matagal na po akong balo.!“

“Sino ‘yong nakasubsob sa papag.?“ tanong ng isa pang kilabot na agad gumala sa kabahayan at sumilip sa silid.

“ Ka-Kapatid kong matanda sa akin. Kanina pa siyang nanginginig sa takot. May sakit sa puso at nag-aalala akong baka matuluyan pag nakita kayo.”

“Ano.?“ nagitlang tanong ng kilabot kasunod ang pagngiti. “Salbaheng matanda. Takot pala sa magandang lalake.!“ ang sudlong at anyong gugulatin sa kiliti si Lumin.

Pumasok sa silid ang dalawang may nakakatakot na mukha at parehong kalbo. Hindi maawat sa pakiusap ni Aling Moreng. Luminga at sumilip sa ilalim ng papag.

Sa takot, muntik ng mapalundag si Lumin. Nasagi ng kilabot ang kanyang paa na nasa ilalim ng naturang himlayan.

Mabuti na lang at may kadiliman sa ilalim ng papag. Hindi napansin ng klilabot ang mapuputing paa ni Lumin. Maaring may kalabuan ang kanyang mata o kaya’y iba ang hinahanap.

“Wala ngang lalake.! Tayo na.! Baka mangisay ang amoy matandang ito.“ sabi pa ng kilabot kasabay ang hila sa kanyang kasama. Mga lukayong tauhan ni Sultan Kalagara.

Saka lang nakahinga nang maluwag ang mag-ale. Nakasubsob pa rin sa unan si Lumin. Nakaupo sa likmuang nakaharap sa papag. Nakatalukbong ng kumot ang ulo at mga kamay. Ang maluwang na baro’t saya ang nag-adya upang magmukha siyang matanda. Ang damit na kupasin at amoy amag dahil sa matagal ding nakulob sa loob ng baul, ngunit higit sa lahat, hindi napuna si Lumin, dahil ang mga tauhan ni Sultan Kalagara, karamihan ay kulang sa pag-iisip.

Samantala, pinasimulan na ni Kenji ang pagpapabakod sa munisipyo. Hinati sa dalawang pangkat ang mga lalaking taga bayan. Hindi sila makatutol sa kapangyarihan ng mga kilabot.

Ang unang pangkat ay dinala sa ‘di kalayuang burol. Kasama si Mostafa at ang maraming kalabaw. Para silang bihag na binabantayan ng mga sandatahang dayuhan. Walang puknat ang pagpalakol nila sa mga punong kahoy. Ang bawat mabuwal ay nagiging troso na hihilahin ng kalabaw at dadalhin sa munisipyo.

Ang ikalawang pangkat ay sampung magigilas na lalake. Ang gawain nila ay paghuhukay ng malalim na bambang o kanal sa paligid ng munisipyo. Doon nila itutulos ang mga troso upang magsilbing bakod ng mga kilabot. Higit silang nahihirapan sa pangangasiwa ni Garuda. Namimilantik ng latigo upang pabilisin ang kanilang kilos.

Nagmamadali si Kenji. Gustong makatiyak na ligtas ang kanilang kargamento. Kailangang matapos agad ang pagpapabakod. Tinawag niya si Garuda at pabulyaw na inutusan. “Magpunta ka sa burol.! Alamin mo kung bakit mabagal ang dating ng troso.? Apurahin mo si Mostafa.!“

Sumunod naman si Garuda, ngunit sa kalooban niya, namumuo ang isang banta.

“Sige lang, Kenji. Sa ngayon ay mauutusan mo pa ako. Subalit darating ang panahong magkakasubukan tayo.!“

Nakasakay sa kareta si Garuda. Panay ang bulong. Hindi pa naaalis sa kanyang mukha ang tinitimping galit kay Kenji. Nagkataon pang napatapat siya sa bahay ni Aling Moreng na nakaharap sa kalsada.

“Tandaan mo ang mukhang iyan, Lumin. Iyong nakaupo sa masinggan. Siya si Garuda. Ang unang hayop na lumapastangan kay Bidang.!“ bulong ni Aling Moreng sa dalagang nakasilip din sa awang ng bintana.

Napaatras si Lumin bago nagwika. “Na-Nakakatakot ang kanyang mukha, Inang. Ayoko pong magtagal dito.!“

“Hayaan mo, anak. Pagkagat ng dilim, aalis na tayo.!“ alo ng matandang may katabaan sa dalagang nangangatal ang buong katawan. “Siyanga pala.” habol pa ni Aling Moreng. “Si Bertong damulag ba ay naglalagi pa sa inyong nayon.? “

“Sumipot-dili lang po, mula nang maipagbili niya kay Tatang ang kanyang palayan. Bakit po, Inang.?“ tanong pa ni Lumin habang pinagbubuti ang pindong sa kanyang ulo.

“Nakita ko kasing kasama siya ng mga taong naghahakot ng troso. Kung agad lang siyang umuwi sa nayon. Nabalitaan sana ng Tatang mo ang nangyari dito.

“Sana nga po, Inang“ ang sabing nanghihinayang at matagal na napatulala.

Pagkaraan ng mga sandaling iyo. Nasa pantalan sina Sultan Kalagara at Datu Budjik. Nakasakay sila sa kareta at kasama ang tatlong tauhan. Tutok ang kanilang paningin sa isang papalapit na sasakyang pantubig. Ang tungkulin nila ay bantayan ang daungan.

Hindi naman nagtagal, dumaong ang isang lantsang paupahan at bumaba ang isang magandang babae. Nakapantalong itim na torero. Bukas ang pang itaas na bolero at itim din ang kulay. Ang panloob na blusa ay kulay pula at malalim ang tabas sa dibdib. Manipis na botang katad ang soot sa paa at nakapugong ang mahabang buhok na kung susuriin, may kung anong bagay ang doo’y nakatusok.

Napamulagat ang pangkat ni Sultan Kalagara. Agad nagtalunan sa lupa. Hindi na naalala ang kanilang baril. Naiwan sa pagmamadali at pagdaka’y nagpasagilang bingit upang matanaw ng bagong dating na babae.

“Ito ang tunay na gandang mistisa. Akin ito.!“ napapatakam pang sabi ni Sultan Kalagara at napasipol pa mandin.

Halata sa magandang mukha ng babae ang pagkayamot. Tumigil sa paglakad at magilas na luminga. Taas ang baba.

Nang umalis ang nagmamadaling sinakyan ng babae ay saka lang lumapit ang mga kilabot. Ngiting lukayo ang ibinungad ni Sultan Kalagara.

“Dahil ikaw ay akin, dapat lang na pangalagaan ko ang iyong kagandahan.” sabi pa ni Sultan Kalagara.

Napakunot ang noo ng babae sa tinuran ng kanyang kaharap. Marahan niyang ibinaba ang hawak na malaking maleta. Pakiling na sinipat ang nasabing Sultan sa pamamagitan ng kalahating bukas ng mga mata at saka nagbadya. “Hindi ang tipo mo ang magugustuhan ko, punyeta.! Alis diyan.!“

Hindi rin napigilan nina Datu Budjik at mga tauhan ang lihim nilang pagtawa. Tumalikod sila at kunwa’y hindi nila narinig ang sinabi ng babae.

Iigik-igik na napauklo si Sultan Kalagara. Dahan-dahang luminga upang malaman kung may dapat siyang ikahiya. Walang nakatingin. Nagbangon-puri at nakatawang pinalaki ang boses. “Salbaheng kagandahan. Siguro, kulang ka sa haplos ng pagmamahal.!“ aniya sabay sunggab.

Nagpamalas naman ng bilis ang babae sa pagkilos. Tinapik ang braso ni Sultan Kalagara, sabay hawak at pahilang inihampas sa lupa. Lumagabog.

Lalong nagkandangiwi si Sultan Kalagara sa tangkang pagbangon. Nabusalsal ang kanyang kuyukot at hindi malaman kung iiri o mangangaligkig ang balikat.

Dahan-dahan namang humarap si Datu Budjik nang marinig ang kalabog. Asa nila’y nakakalamang na ang pinuno ng mga kalbo. Naduhapang na ang babae at kasalukuyang pinaglalaruan ni Sultan Kalagara, ngunit iba ang kanyang nakita. Nagimbal. Nag-init ang ulo niyang walang buhok. Nanlaki ang mga mata sa pagsugod at tangkang daklutin ang nakatalikod na kagandahan.

Subalit iba sa pangkaraniwang dilag ang natatanging pandama ng bagong dating na babae. Kaluskos lang ay alam na niya kung may panganib. Isang sipang patalikod ang isinalubong niya sa dibdib ni Datu Budjik. Nakakayanig.

Napatunganga ang tatlong tauhan. Hindi matanggap na makitang kapwa nakatihaya sa lupa ang kinikilala nilang panginoon at hinahalakhakan lamang ng isang babae. Tumakbong pabalik sa kareta ang isang tauhan upang kunin ang baril na nakasandal sa gulong.

Ngunit mas mabilis ang kamay ng babae. Sabay na hinugot ang dalawang bagay na magka-ekis ang pagkakatusok sa pugong ng kanyang buhok at sabay ding ipinukol.

Napaigtad ang sana’y dadampot ng baril nang sabay na tumusok sa gulong ng kareta ang dalawang mumunting espada. Napaatras ang kalbo.Natakot sa pangambang mayroon pang kasunod na panganib.

Lalong lumakas ang halakhak ng babae. Namaywang at nakatingala pa sa pagtawa.

“Mamamatay ka ngayon.!“ malakas na sigaw ni Sultan Kalagara. Iwinawasiwas ang hawak niyang kampilan sa tangkang takutin lamang ang babae.

Gumaya rin si Datu budjik. Nagpamalas din ng galing sa larangan ng pagtaga. Alam niya kung ano ang nasa isip ng pinunong kalba at iyon ay nasa kindatan ng kanilang mga mata

Subalit nakangiti lang na bumaling ang babae at pakiling na nagwika. “ Talaga bang disidido na kayong magkamatayan tayo.? Sige, lapit. ! “ hamon pa ng babae at umasta ng karate, bagamat sa sulok ng kanyang mga mata. Nakita niya ang padagisong paglapit ng tatlong tauhan sa karetang mayroong sandata. Mabilis na dumukot sa kanyang blusa ang babae at mula sa kanyang dibdib, hinugot ang isang maliit at manipis na senyorita revolber, saka pinaputok na paitaas. “Cinco bala pa ang natitira. Baka gusto ninyong ipamahagi ko sa inyo ang tingga nito.!“ kantiyaw pang dugtong.

Wari’y nasindak ang limang kalbo. Nauntol ang kanilang kilos at parang mga lukayong nangapatda sa pagkakatayo.

Muling humalakhak ang babae at iniumang sa pinuno ng pangkat ang hawak niyang baril, bago nagsalita. “Ikaw Indio.! Ihatid mo ako kay Kenji.!“ ang utos, saka hinugot sa gulong ng kareta ang dalawang mumunting espada.

“Kilala mo si Kenji.?“

“Oo, Sultan Kalagara.!“

“Pati ako.! Sino ka ba.?” nagtatakang tanong ng Sultan.

Sinadya ng babaing huwag sumagot. Hinarap ang tatlong tauhan at hinudyatang alisin ang kalabaw sa kareta

“Ngayon, Sultan Kalagara.! Pumalit ka sa kalabaw at ihatid mo ako kay Kenji.!“

“Ano.? Baka nabibigla ka, babae.? Alangan sa tulad ko ang pinagagawa mo.!“ galit na sigaw ng Sultan.

“Hindi naman ako mag-aalangan na lagyan ng tingga ang ulo mong kalbo, estupido.!“ galit ding sigaw ng babae at iniumang sa lalake ang hawak niyang baril.

Natigilan si Sultan Kalagara. Natantiya niyang hindi nagbibiro ang kanyang kaharap, lalo na nang lumagitik ang gatilyo ng baril. Laban man sa loob. Napilitan siyang isampay sa kanyang balikat ang pamatok ng kalabaw at isilo sa leeg ang lubid na gustong ipamitik sa kanya.

“Maiwan ka, Datu Budjik. Maging maingat ka sa pagbabantay at lumaging alerto.!“ anang babae at saka bumaling kay Sultan Kalagara. Ipinagpatuloy ang salita. “Tayo na.! Hilahin mo na ang kareta.!“ pabulyaw na utos kasabay ang pag-akyat at pag-upo sa harapan ng kareta.

Matatalim ng mga mata at may kasama pang irap ang ginawa ni Sultan Kalagara sa babae bago siya sumunod. Nagkakandairi at panay ang ungol. “Kung hindi mo pinaalis ‘yong kalabaw, mabilis tayong makakarating kay Kenji.!“

“Huwag kang mareklamo.! Baka lagyan ko ng butas ‘yang batok mo.! Bilisan mo.!“ singhal pa ng babaing may hawak na baril.

Halos bumula ang bunganga ni Sultan Kalagara sa kabubulong. Naging katawa-tawa ang anyo niya sa mga taong nasa lansangan. Lalo pang nakaragdag sa bigat ng kanyang dibdib ang madalas na pagkaway ng babae sa mga tao na kahit patago, nagpapalakpakan.

Matagal ding naghirap si Sultan Kalagara bago nakarating sa paanan ng burol ang hinihila niyang Kareta. Lupaypay sa pagod at hindi na kayang akyatin ang paltok ng munisipyo. Basang-basa ng pawis at buhul-buhol ang paghinga sa sama ng loob.

Magkahalo namang tigagal at pagtawa ang nabakas sa mukha ng mga kilabot. Nagtataka sila kung bakit nagmistulang kalabaw si Sultan Kalagara, dahil lamang sa isang babae.

Kararating lang noon nina Garuda at Mostafa. Galing sila sa kaburulan na kung saan ay nakapaghakot sila ng maraming troso. Sila rin ang pinakamalakas humalakhak habang papalapit ang kanilang kareta kay Sultan Kalagara.

Napapatda rin si Kenji. Matagal niyang sinipat ang babaing nakaupo sa unahan ng kareta. Nakangiti sa kanya at hawak pa rin ang lubid na ginawang pangrenda sa taong pawisan. Kapagkuwa’y napabulalas ng tawa bago sumigaw. “Marcaida.! Ikaw nga si Marcaida.!“

“Kenji.! Buenas dias, Señor Kenji. Comusta.? Kay tagal nating ‘di nagkita.!“ humahalakhak ding bati ng babae.

“Mabuti naman.! Magandang araw din sa’yo at maligayang pagdating.!“ ganting bati ni Kenji sabay abot sa kamay ng babae upang makababa.

“Ano’ng maligayang pagdating ang sinabi mo.? Pagbaba ko pa lang sa muelle, ininsulto na ako ni Sultan Kalagara.!“ parang nagsusumbong na sabi ni Marcaida.

“Ganoon ba.?“ tumatangong sabi ni Kenji at saka niyaya ang babae sa isang likmuang nasa lilim ng punong kahoy.“ Palagay ko naman, nakaganti ka na kay Sultan Kalagara. Tingnan mo’t pinagtatawanan pa ng dalawang indones.“ dugtong pa ng lalake sa kanilang pag-upo.

“Teka.!“ ani Marcaida. “Nakita ko na sa litrato ang mga lokong iyon. Sila’y sina Garuda at Mostafa, ‘di ba.?“

Sila nga, Marcaida. Tandaan mo lang. Kung gaano ang bagsik nila sa baril, ganoon din sa babae.!“

“Bistado ko ang kanilang personalidad. Mucho gracias, Señor Kenji sa paalala mo.!“ at humalakhak pa ang babae .

Maiba nga pala ako, Marcaida. Ano’ng sinakyan mong papunta rito.?“

“Nag-eroplano ako, walang problema, porque dati na akong may pasaporte. Mula sa siyudad, umalkila ako na lantsa sa isang kompanya roon.” sagot ni Marcaida.

“Iyong piloto na lantsa, hindi kaya nakahalata sa pangkat ni Sultan Kalagara.?” tanong pa ni Kenji.

“Alam ko ang dapat gawin.“ ani Marcaida . “Dinoble ko ang halaga ng alkila, bilang pabuya sa dalawang piloto na kasama ko, ngunit sa kasunduang makukuha lang nila ang kalahati ng pera kung makakarating kami rito na walang peligro at makakabalik sila sa tamang oras. Sa kompanya ko iniwan ang pabuya. Pabor sa kanila ang ginawa ko at hindi makakapaglakuatsa ang mga piloto.“ sagot ni Marcaida at pinagbuti pa ang pagkakasandal sa punong kahoy.

“Talagang matalino ka, Marcaida. Alam mo agad ang dapat iwasan.!“ natutuwang sabi ni Kenji at agad binago ang usapan. “Kamusta nga pala si Don Q.?“

“Mabuti naman.“ sagot ni Marcaida. “Tulad ng dati, mula nang madestino ka sa Mexico hanggang ngayon, cada domingo por la mañana, nag-eejercisio kami ng martial art na itinuro mo noon. Sa tingin ko, naging sobrisaliente sa kanya ang bagay na iyon. Lumakas ang kanyang katawan.”

“Mabuti naman. Kamusta ang dalawa niyang anak na sina Señor Vijandre at Señorita Marguerita.?“ muling tanong ni Kenji.

“Mula nang manggaling ka sa Guadalajara para magturo ng karate kay Vijandre, hindi niya itinuloy ang ensayo. Ang talagang hilig niya ay maging matador sa Mexico City. Si Marguerita naman ay contra sa trabajo ng kanyang Padre. Nagtayo siya ng otel sa Acapulco at naging matagumpay ang kanyang negocio.“

“Maganda rin ang kalagayan ninyo ni Marguerita.” sabi ni Kenji. “Magkamukha kayo. Parang kambal, gayong magpinsan lang kayo.“

“Seguro nga dahil may dugo kaming silanganin.“ ayon ni Marcaida. “Pero ang naseseguro ko. Magpupunta sila rito upang makita ang bayan ng kanilang Madre.“

“Kailan.?“ agad na tanong ni Kenji.

“Algondia.! “ nakatawang sagot ni Marcaida bilang pagsubok.

“ Iyon ay balang araw, ‘di ba.?“ tanong uli ni Kenji.

“Si.! Talagang marami ka nang natutunan sa wikang Spanish.”

Lalong naningkit ang mga mata ni Kenji sa pagtawa. Kapagkuwa’y binago ang paksa. “Nagpapasalamat din ako. Kahit paano may natutunan din ako sa inyong wika.“ ang sabi niya.

“Hindi lang ikaw, Kenji. Lahat kayo pagkat sa amin nanggaling ang karamihan sa lenguwahe ng mga taga silangan. Ang Padre ko’y kapatid ni Don Q , at ang Madre nami’y kapwa taga rito rin, kaya marunong kami ng wikang kastila at silangan. Ang inaalala ko lang, baka maging madreguera ang islang ito. Ayokong mangyari pagkat ang Madre natin ay taga rito rin.

“Hindi mangyayari ang sinabi mo, Marcaida. Mag-iingat lang tayo at magtatanggol kung sakali. Nagpalabas na ako ng batas na huwag aabuso ang ating mga kasama upang ‘di mangyari ang ipinag-aalala mo.“ sabi ng singkit pagkat alam niya ang ibig sabihin ng madreguera. Iyon ang pook na kung saan ay nabubuhay ang masasamang tao.

“Sana nga, Kenji. Pagkat ang lupaing ito ay ‘di lang miminsang nagrebelde ang mga mamamayan sa ganitong pananakop. “

Tumangu-tango si Kenji. Iniba ang pananaw at iginala sa mga nagtatrabahong taga bayan.

Sa kabilang dako, patuloy ang ginagawang panunukso nina Garuda at Mostafa kay Sultan Kalagara. Tinatanong. “Bakit pumayag kang gawing kalabaw ng babaing iyon.? Siguro talagang napagkamalan kang kalabaw, ano.? Tingnan ko nga.! Aba, sungay lang pala ang kulang sa iyo.! Sa bunganga, walang pinag-iba. Ba’t ‘di mo kinagat.?“ patuloy na tudyo ni Garuda. Nagkakandalabas ang ugat sa leeg at palahad-lahad ang mga kamay.

Si Mostafa naman ang taga halakhak. Idinuduldol pa ang kanyang hintuturo sa mukha ng sinasabi nilang kalabaw.

Nakapikit lang si Sultan Kalagara. Hindi namamansin. Nakaupong nakahilig sa punongkahoy at umanyong naghihilik upang ipakitang ‘di niya naririnig ang mga nambubuska.

Nang magsawa ang dalawang indones, lumapit sila kay Kenji, ngunit sa babae nakapako ang kanilang paningin.

“Siya si Marcaida.“ salubong ng pinuno. “Siya ang utak na ginagamit ni Don Q,” dugtong pang may pagmamalaki.

“Talaga.?“ ayon ni Garuda. Malambing ang tinig at pinapupungay pa ang kanyang mga mata, bago muling nagsalita. “Ang ganda niya ay kaakit-akit at tanging hinahanap ng puso kong pihikan sa pag-ibig.“

“Siya naman si Garuda. Ang batikan kong mananandata.“ pagpapakilala ni Kenji na may parangal.

Naiinis si Marcaida nang magsalita. “Hindi ako naniniwalang batikan siya sa baril. Ang alam ko, batikan siyang takot sa tubig. Hindi naliligo.!“ pabulyaw pang sabi.

“Baaa.! Narinig ko’yan.!“ humahalakhak pang sigaw ni Sultan Kalagara nang biglang bumalikwas sa pagkakaupo.

Bigla ring nanlaki ang mga mata ni Garuda. Para siyang napahiya at nanginig ang baba sa galit.

“Lamig lang, Garuda.” awat ni Mostafa. “Gumaganti lang si Sultan Kalagara. Saka, totoo naman ang sinabi mo kay Marcaida. Hanga rin ako sa pinagsamang ganda ng lahing kastila at silangan. Ganyan siya sa ating paningin.“ dugtong pang nakatingin sa dalaga.

“Kenji.!“ baling ni Marcaida.“ nagiging masikip sa akin ang mundo kapag ako’y pinupuri. Puede bang sa banda roon tayo mag-usap.?“

“Sandali lang, Marcaida.!“ nakatawang habol ni Garuda sa papalayong babae, ngunit pinigilan siya ni Kenji.

“Magpagawa ka muna ng kubong pahingahan ni Marcaida. Gusto niyang sa tahimik na lugar at malayo sa mga lalake.!“

Agad nagdilim ang mukha ni Garuda. Gustong umangal ngunit kailangan niyang sumunod dahil kay Marcaida. “Areglado.! Para sa aking magiging Reyna. Kubong walang silipan ang aking gagawin. Tayo na, Mostafa.!“ aya pa ni Garuda at saka biglang tumawa at bigla ring tumigil.

Humantong ang dalawang indones sa isang maluwang na gulayan na ‘di lang malaman kung sino ang may-ari. Nilinga ni Garuda ang paligid. Pinili ang angkop na tuntungan sa itatayong kubo at saka tinawag ang ilan pa niyang tauhan upang tupdin ang utos ni Kenji.

Kinagabihan. Handa na sina Aling Moreng at Lumin sa gagawing pagtakas sa bayan. Maagamg pinatay ng matandang babae ang ilawang kingke at saka sumilip sa siwang ng dingding. Nakita niyang marami pa ang gumagalang kilabot sa lansangan. Nangangatog naman sa takot si Lumin. Kanina pa niyang gustong makabalik sa nayon.

Datapwat sadya yatang maramot ang gabing iyon sa mag-ale. Bahagyang umulan at mismong sa hagdan nilang may balisbisan sumilong ang dalawang kilabot.

“ Hoy, Tanda.! Gumising kayo.! Kailangan namin ang lamesa at bangko.!“ ang sigaw habang paakyat sa hagdan ang isang kilabot na kaninang umaga ay siya ring sumita kay Aling Moreng. Kinalampag niya ang pinto.

Kinabahan ang dalawang nasa loob. Napilitang magsindi ng ilaw si Aling Moreng. Binuksan ang pinto at inalok na tumuloy sa kusina ang pangit na lalake.

Natawa ang kilabot sa nakitang panginginig ni Aling Moreng. Agad na binuhat ang mga kailangan. Sunud-sunod at sa bintana idinaan upang abutin ng kanyang kasama.

Nanginginig pa ring tinanglawan ni Aling Moreng ang mga ibinababang gamit mula sa kusina. Ibig niyang ipakita ang magandang pakikitungo sa dalawang lasinggero upang ‘di maungkat ang nagtatagong si Lumin.

“Asan ang kapatid mo, Tanda.?“ tanong na nga ng isang kilabot matapos ang kanilang ginagawa.

“Naku.! Na-Nasa silid at nakakulubong na naman.!“

Humalakhak ang lalake bago nagsalita. “Sabihin mong huwag siyang mag-aalis ng talukbong. Magdamag kami rito at baka masilip ko siya.!“ tudyo pa ng lalake sa pagtingala.

Biglang naglaho ang pag-asa ni Lumin sa kanyang narinig. Hindi sila makakaraan sa hagdan at lalong hindi maaari sa bintana. Bukod sa mataas, tagusan pa ang tanaw sa silong, dahil sa walang dingding. Nanlumo siya nang ipasiya ng matanda na ipagpaliban na lang ang kanilang pagtakas. Magdamag siyang ‘di nakatulog.

Kinaumagahan, muling ipinagpatuloy ang pagpapatibay sa ginagawang bakod ng munisipyo. Mistulang alipin na namamasukan ang mga kalalakihan. Hindi nila naisip ang lumayo pagkat nasa bayan ang kanilang kabuhayan. Bukod pa roon, nakakatakot magbanta ang mga kilabot kung sila’y tatakas.

Ngunit iba ang nasa isip ni Kenji. Agad siyang nagsalita. “Kung ganito lang kabagal ang kanilang trabaho, matatagalan bago matapos ang bakod at ang pagkukumpuni sa munisipyo. Alam kong hindi magtatagal, dadaloy sa kanilang ugat ang paghihimagsik.

“Totoo ang sinabi mo, Kenji. Ito ang bansang mapagmahal sa independencia. Bakit hihintayin mo pang mangyari ang ganoon.?“ sabi ni Marcaida, nakaupo sila sa unahan ng nakasubsob na kareta.

“Ano ang naisip mong paraan.?“ tanong ni Kenji.

“Magdagdag ng persona.” sagot ni Marcaida at saka bumaling sa kausap.

“Ipakuha mo ang mga kalalakihan sa bawat sitio para magpatuloy ang trabajo por la noche, mientras nasa kabilugan ang buwan.“

“Maganda ang payo mo Marcaida. Ngayon din, ipag-uutos ko ito. Nasaan kaya si Garuda.?“ tanong pa ng singkit kasabay ang pagbaba sa kareta.

Ilang sandali pa. Dalawang kareta ang pinagtig-isahan nina Garuda at Mostafa. May kasama silang tiglilimang tauhan. Masigla sila pagkat malaya nilang magagawa sa baryo ang ano mang naisin. Hindi nila susundin ang utos ni Kenji. Ang huwag papatay at manghahalay ng babae.

Malayo na ang nararating ng dalawang indones nang magkaroon ng sanga ang landas nilang tinatahak.

“Maghiwalay tayo, Mostafa. Diyan ka, at dito ako.!“ ang sabi upang marami ang makuha nilang kalalakihan. Nagkasundo rin sila na bago kumiling ang araw sa tanghaling tapat, doon din sila magtatagpo sa pagbabalik.

Natutuwang tumango si Mostafa. Sa ganoong pagkakataon, siya na ang unang mandarapurak ng karangalan. Wala na siyang susunding batas. Kung sino ang matikman ni Garuda ay dapat din niyang tikman, at doon siya panonoorin ni Garuda. Tuturuan sa kahalayan at tutulungan sa gusto niyang galaw.

Ang landas na patungong Baryo Wawa ang tinugpa ng pinunong indones pagkat malakas ang kutob niyang doon sila unang nanggaling. Sa pondahan na may magandang dilag.

“A-Ano ang kailangan ninyo.?“ takot na tanong ni Inyang at bahagya pang napaurong sa nakitang mga sandatahan.

Tuluy-tuloy sa loob ng pondahan si Garuda. Luminga bago nagwika. “Huwag kang matakot, magandang dalaga. Maglabas ka lang ng tuba.“ sabi pang nakangisi at naupo sa sadyang inuman ng tuba, kaharap ang lima niyang tauhan.

Isang malaking bote ng tuba ang pasaldak na inilapag ni Inyang sa ibabaw ng mesa. Nabawasan ang kanyang takot nang maalalang mga tauhan lang ni Kenji ang mga iyon at may utos na huwag siyang guguluhin.

“Nasaan na ‘yong apat na tarantado sa paghawak ng baril.!“ tanong pa ni Garuda habang nagsasalin ng tuba sa baso.

Agad naisip ni Inyang sina Imo at ang tatlong alalay. Bumuka ang kanyang bibig.

“Naglayas mula nang mapahiya sa inyo.” ang sabing kasabay ang dabog pagkat para siyang nahuhubaran sa mata ng kilabot.

“Talaga.! Sige, bigyan mo kami ng pulutan. Babayaran kong lahat.!“ pasiklab ni Garuda at sinadyang ipakita ang bungkos ng salaping galing sa taong bayan.

Isang bunkos din ng patpat na may tuhug-tuhog na pugo ang inihain ni Inyang sa lamesa. Umaaso pa ang nasabing ibon, sanhi ng pagkakatayantang sa baga. Mabango ang amoy at nakakagutom.

Lalong nasiyahan si Garuda sa ganoong hapagan. Habang umiinom, lalong gumaganda sa tingin niya si Inyang. Gusto na niyang haltakin at lamukusin danga’t para bagang nababantuan ng tubig ang kanyang pagnanasa sa tuwing naaalala si Kenji. Hindi pa panahon upang sila ay maglaban. Alam niyang laging handa ang buong pangkat ng mga singkit na umaalalay kay Kenji. Sa minsang pagtatalo nila, marami ang mamamatay. Kailangan niyang magtimpi at ibunton na lamang sa tuba ang kanyang pagnanasa upang maiwaglit ang sanghaya ng dalaga na lagi niyang tinatanaw sa sulok ng pondahan

Para namang tuod ang mga tauhan ni Garuda. Hindi makapag-ingay. Ayaw ng pinuno nila ang maistorbo sa pagmumuni. Huwag nilang kakausapin upang manatili ang pananaw niya sa dalaga.

Mapula na ang tainga ni Garuda nang magyaya itong lumabas. Basta nalang iniwan ang bungkos ng salapi at nagmamalaking nagpaalam kay Inyang

Tumindig si Garuda sa harapan ng bahayan. Nagkunwang lumabis ang kalasingan upang takutin ang mga tao. Sumigaw siyang hawak ang isang maliit na de makinang baril na kung tawagin sa panahong iyon ay Thompson. “Mga mamamayan ng baryong ito.! Makinig kayo.! May ipinag-uutos si Haring Kenji.! Lahat ng lalaking maaaring magtrabaho, sumama sa amin at magdala ng kasangkapang gamit sa paghuhukay at pagkakarpentero.!“ saglit na tumigil ang sigaw. Lumunok muna bago nagpatuloy. “Kailangan ni Presidente Kenji ang karagdagang manggagawa upang mapadali ang ginagawang kuta sa bayan.!“ pahiyaw ang dugtong na sigaw ni Garuda. Bawat pangungusap ay may kasamang sinok. Humahapay at umaambang magpapaputok ng baril.

Tahimik ang paligid. Wari’y lalong natakot ang mga mamamayan. Ayaw magsikilos sa pangambang kapahamakan ang kanilang susuungin. Batid na nila ang nangyari sa kapistahan ng bayan at ang hirap na dinaranas ng mga tao. Parang kalabaw sa paggawa at nilalatigo pa ng taong ngayon ay nakaharap sa kanilang bahayan. Dahil doon, biglang nasarhan ang pinto at bintana ng mga tahanan.

Nawala ang kilos lasing ni Garuda. Tumatag ang tayo at lumitaw ang likas na pagkatao. Umiral ang kagaspangan sa pagsasalita habang gumagala sa lansangan.

“Lumabas kayo mga tarantado.!“ sigaw pa niya.

Ngunit nanatiling pinid ang mga tahanan. Ang ibang lalake namang ayaw magtrabaho sa bayan ay patalilis na nagdaan sa likuran ng bahay. Tumakas at naglagos sa masukal na bahagi ng baryo. Natatakot silang makaharap ang mga taong gumagala sa lansangan at pawang may hawak na mapamuksang sandata.

Sumagad ang galit ni Garuda. Nagsisigaw. “Mga tarantado.! Mabibistay ng bala ang inyong bahay kapag hindi kayo lumabas.!“ pasiklab pa ng kilabot at mula sa kareta. Binuhat niya ang malaking de makinang baril. Nakalawit pa ang saluksukan ng bala nang iumang sa bahayan.

Gumaya ang mga tauhan. Nagkasa rin ng mga baril at talikurang humarap sa mga bahay kubo at hudyat na lamang ang hinihintay.

Biglang nabuksan ang mga pintuan at naglabasan ang mga lalake sa pangambang madamay ang kanilang mag-anak. Bawat isa’y may taglay na gamit sa paggawa. Mayroong piko, pala, asarol, at palataw.

Biglang lumakas ang halakhak ni Garuda. Bigla ring tumigil at nagsalita. “Mga tarantado.! Kung hindi pa kayo takutin, hindi kayo lalabas.! Sige.! Humanay kayo rito.!“ mabagsik pang utos at pinagtulakan ang mga tao.

Samantala, isang batang lalake ang tumakbo at sumisigaw. “Tatang.! Sasama ‘ko, Tatang.!“

“Hindi maaari, Doro. May gagawin sa bayan ang Tatang.!“ sawata ng isang dalaga sa kayang kapatid, habang naghihilahan ng kamay sa pagpigil.

Hindi nakaila kay Garuda ang tagpong iyon. Nakita niya ang kagandahan ng dalagang nahantad sa lansangan. Napangisi ang kilabot at sinundan ng tingin ang magkapatid na umakyat sa kubo bago nag-utos. “Walang aalis sa pila.! Barilin ang susuway.!“ banta pa niya at hinudyatan ang mga tauhan upang sundin ang kanyang utos. Alam niyang may isang ama ang susuway. Kapagkuwa’y lumakad siyang patungo sa kinaroroonan ng dalaga at walang pasintabing umakyat sa kubo at tinadyakan ang pintong kawayan.

Nagsigawan ang mga nasa loob ng tahanan. Natakot sila sa pagpasok ng kilabot. Nagsiurong sa sulok ng isang maliit na kabahayan. Nanginginig sa sindak at nagyakap-yakap silang mag-iina.

Mahigpit ang pagkakaikom ng mga labi ni Garuda. Ayaw tumawa pagkat istorbo lamang. Ang gusto niya’y daklutin ang matandang babae at ipagtulakang pababa ng hagdan

Sa ganoong pagkakataon, tumapang ang mag-iina. Nangalmot at nambayo. Maging ang batang lalake ay nakikikagat din at nangungurot habang sumisigaw.

Ngunit malakas si Garuda at lalo pang pinalakas ng hanaring makalupa. Ilang salyahan lang, napailandang niya ang matandang babae sa hagdanan. Pagkaraa’y ang batang lalake naman ang isinunod.

Sa pagkakataong iyon, masasabing ano ang halaga ng buhay kung ang minamahal ang malalagay sa panganib. Sukdang ikamatay ang pagsuway, tumakbong palayo sa hanay ang naglalagot na ama ng tahanan. Hawak ang isang piko na may tulis sa kabilang bahagi. Nakita niya ang ginawa ni Garuda. Nais niyang gumanti. Subalit bumuga ang isang de rapidong Thompson. Natadtad ng punglo ang kaawa-awang ama at nahandusay na walang buhay.

Mabilis na bumangon ang batang inihagis ni Garuda. Tinungo ang amang akala niya ay buhay at nakahiga lamang. Pinanay ang yugyog. Ang pag-iyak at pagtawag upang tanungin kung bakit duguan ang nakahandusay at ayaw siyang sagutin.

Napayuko na lamang ang mga taong nakasaksi. Ang iba’y lumuha. Wala silang magawa pagkat armado ang mga dayuhan. Mababagsik at ibinabandila ang katapangan. Sinupil sila ng ugaling likas na mapagpakumbaba.

Isa rin si Inyang sa mga natitigilan. Nakita niya ang buong pangyayari. Pumatak din ang kanyang luha, ngunit wala siyang lakas ng loob upang gumit na sa tagpong iyon. Naisip na lang niya. Walang kasalanan si Kenji sa gayong pangyayari. Hindi niya masuway ang idinidikta ng kanyang puso. Si Garuda lang ang may kasalanan.

Ang matandang babae naman na inihulog ni Garuda sa hagdan ay halos mabaliw sa kanyang nasaksihan. Hindi malaman kung sino ang unang lalapitan. Ang asawa ba niyang wala nang buhay, o ang anak na dalagang humihingi ng saklolo. Hindi niya kayang alisin ang sariling katawan mula sa pagkakatuhog ng kawayan. Ang tulos na gamit upang tumindig ang bulaklaking halaman ng dalagang sumisigaw sa itaas ng kubo. Ang tulos na tumarak sa likod ng matanda at lalo pang bumaon nang saluhin niya ang batang inihagis ni Garuda. Sa ngayon, ang pinakamadali niyang magagawa ay ang pumikit na lamang at huwag dumilat kailan man, kasabay ang mahinang bulong ng panaghoy. “Dulo, asawa ko. Huling, anak ko.” bago siya nalungayngay.

Makaraan pa ang maraming sandali. Pawisan na si Garuda nang bumaba sa kubo na larawan ng kapanglawan. Sa kanya nakatitig ang mga lalaking nakahanay sa lansangan. Wala pang sampu ang bilang ngunit mababakas ang paghihimagsik ng kalooban. Gusto siyang tadtarin, danga’t hindi maipakita sa kilos, kundi sa init lamang ng hininga.

“Aalis na tayo.! Sumunod kayo, mga tarantado.!“ bulyaw pa ni Garuda sa mga lalaking manggagawa.

Kaalinsabay ng mga pangyayari, ganoon di ang pangkat ni Mostafa. Ang nasadlakan niya ay ang Baryo Gulod na lalong maliit ang pamayanan. Layu-layo ang mga kubo at natatabingan pa ng mga punong kahoy. Malupit ang ginawa nilang pambungad. Ang bawat asong tumatahol sa lansangan ay binabaril ni Mostafa sa pagitan ng mga mata, masunod lamang ang pananamantala.

Mabilis na nagdaan ang mga sandali. Halos magkasabay pang dumating sa sangang landas ang dalawang kilabot sa babae. Kaunti lang ang nakuhang lalake ni Mostafa. Gayon man, may kahulugan pa rin ang kindatan ng kanilang mga mata ni Garuda. Ibig sabihin, inuna pa nila ang pagpapakaligaya.

Bago magdapit-hapon nang dumating sa kuta ang dalawang kareta. Nagmamagilas ang dalawang kilabot.

“Bakit ang tagal ninyong dumating at ano ang narinig kong putukan.?“ salubong ni Kenji na may galit.

“Kumain pa kami at nag-inuman.! Ang putok ay panakot lamang upang sumama ang mga tarantadong ito.!“ sagot ni Garuda sabay turo sa mga bihag.

“Ganoon ba.?“ nag-aalinlangang sabi ni Kenji. Pilit na pinapaniwala ang sarili. Tumawa siya at tinapik pa sa balikat ang kilabot, ngunit hindi na siya pinansin pagkat na kay Marcaida ang baling ni Garuda.

“Puede ba.? Huwag kang magpapapungay ng mata.!“ singhal ni Marcaida.

Biglang tumawa si Garuda at bigla ring nagsalita.“ Likas lang na ganito ang mata ko, Marcaida. Lalo na kung ikaw ang nakikita ko.!“

“Tumawa ka, Garuda. Balang araw, mapupuwing ng bala ang pinapupungay mong mata.!“

“Teka.! Masama yata ang biro mo.?“ tanong ni Garuda. Nanginginig ang baba.

“Hindi ako nagbibiro.! Kaya kong patunayan.!“ sagot ni Marcaida at bahagyang inayos ang baril niya sa baywang.

“Kung gayon, dapat mong malaman, hindi ako tumatanggap kahit daplis lang ng bala. Pero, Ikaw.! Kaya kong hubaran sa pamamagitan ng bala.!“ anyong galit na bulyaw ni Garuda, Nakausli ang nguso.

“Punyeta.! Subukan mo nang mabisto ngayon ang talagang superior sa ating dalawa.!“ galit ding sigaw ni Marcaida at pahampas pang kinapa ang baril sa kanyang baywang.

Natawang bigla si Garuda at bigla ring nagsalita. “Uy.! Kakasa ang mutya kong paraluman. Pero ang gusto ko, maglaban tayo sa pamamagitan ng buno. Payag kang makipagbuno sa akin.?“

Unang natawa si Mostafa sa tudyo ni Garuda. Palipat-lipat abg kanyang paningin sa dalawang nagtatalo. Tinitiyak na mananagumpay ang kanyang pinuno dahil sanay na iyon sa pakikipagbuno kapag nananamantala ng dalaga.

“Punyeta.!“ paingos namang singhal ni Marcaida. Ayaw niyang makipagtalo sa udyok lamang ng tudyuan. Tumalikod siya at hinabol si Kenji. Inabutan niyang nagpapaliwanag sa mga bagong dating na manggagawang masasabak sa gabing iyon.

Lumubog na ang araw at ang buwan ay nagsimulang sumilay sa dilim. Panibagong pagtatangka na naman ang pinag-aaralan nina Aling Moreng at Lumin.

“Maihatid lang kita sa inyo, panatag na ang loob ko.“ anang matanda. “Pero, lalong mainam kung sa kaingin ka magtatago. Doon sa kapatid ng Tatang mo.”

“Mabuti nga po, Inang. Doon ay lalong ligtas at masasabihan ko pa ang pinsan kong si Azon na mag-ingat din.“ sagot ni Lumin.

“Teka nga pala. Wala ka bang nakilala sa mga lalaking dinala rito.?“

“ Mayroon po, Inang. Sila’y taga Baryo Wawa at ang iba nama’y taga Baryo Gulod na karatig nga po ng Nayong Dalisdis na maaaring marating din ng mga dayuhan. Huwag lang po sana, Diyos ko.!“ hinaing pa ng dalaga habang pinagbubuti ang talukbong niya sa ulo.

“Mabuti nalang at hindi umabot sa inyo. Kung nagkataon, baka kabilang na roon ang Tatang mo.“ anang matanda na bahagyang isinungaw ang ulo sa awang ng durungawan. Gustong matiyak na walang sagabal sa kanilang pagtakas. Agad na niyaya ang pamangkin pagkat wala na siyang makitang bandido sa daan.

Karaka namang hinigpitan ni Lumin ang buhol ng pindong sa ilalim ng kanyang baba at marahan siyang hinila ng matanda sa pagbaba.

Nagpasikut-sikot ang mag-ale sa halamanan. Halos manginig ang kanilang tuhod sa matinding kaba. Bawat kaluskos ay kanilang pinakikiramdaman at laging nasa hulihan ang dalaga. Matagal din silang namaybay sa pilapil ng palayan dahil sa pauklu-uklong paglakad, hanggang sa marating nila ang kalsada.

“Te-Teka muna, Lumin. Sipatin mong mabuti ‘yong makakasalubong natin.!“ ani Aling Moreng na tila nangangapa sa dilim at pilit na iwinawaksi ang bahagyang pamumulikat ng kanyang paa.

Napaangat ang pananaw ni Lumin. “Naku, inang.! May hawak po silang baril.“ nanginginig na wika ng dalaga at sabay pa silang nanganlong sa halamanan.

Si Aling Moreng ay makaitlong nagpasusmaryosep at saka nag-antandang paulit-ulit habang nakasilip sa siwang ng mga dahon. Nanggigilalas at napahinaing sa pananalita. “Ay, Diyos ko.! Mga bandido nga ‘yan, Lumin. Magtago kang mabuti at hintayin nating makaraan.

Dalawa ngang kilabot ang papalapit. May hawak silang bote at papaling-paling sa paglakad. Kung susurin, sila’y tauhan ni Garuda pagkat may buhok at hindi maputing singkit.

Halos mapugto ang hininga ng mag-ale, nang sa harap nila tumigil ang mga lasinggero. Napayuko na lamang at naghintay na daklutin sila, ngunit iba sa inaasahan ang sumaling kay Aling Moreng. Mainit-init na tilamsik ang pumatak sa kanyang batok. Marahan siyang tumingala at muntik pang maibulalas ang nasa loob. Ganyan si Aling Moreng. May pagkamali-mali at gusto pa sanang bumulyaw danga’t bigla ang narinig niyang usapan.

“Kung hindi lang kay Garuda.!“ anang isang sinisinok na kilabot. “Hindi ko susundin ang utos ni Kenji.!“

“Alin.? Pag ganitong lasing ako.! Kahit matandang pangit.! Puwede na sa akin.!“ at humagikgik pa ang ikalawang kilabot.

“Gago.! Hanggang sa matanda ka lang.!“ kantiyaw ng unang kilabot.

Sa usapang iyon ng dalawang lasing, nasindak si Aling Moreng. Siya ang tinamaan ng paksa. Nagimbal siya at buong puso na niyang tinanggap ang huling pagpag at tilamsik ng mapangheng tubig sa kanyang batok.

“Napakawalang’ya.! Mga bastos.!“ pigil na sigaw ng matanda nang makalayo ang mga lasing.

“Bakit po, Inang.?“ nagtatakang tanong ni Lumin, kasabay ang pagtayo ng matanda habang hinihimas ang leeg niyang nangawit sa labis na pagyuko.

“Aba.! Sukat ba namang itapat sa akin ang tilamsik ng kanilang pamatay-sunog.! Talagang mga bastos.!“ galit na sagot ng matanda. Apurang pinupunasan ng bandana ang kanyang batok at nagmamadaling nanguna sa paglakad. Pahahatid sila sa kareta ng ninong ni Lumin.

“Inang, hindi kaya pansinin kung tayo’y tatahak sa lansangan.?”

“Lalong mahirap maglakad sa gubatan. Masukal, madilim at lulusong pa tayo sa ilog. Dito sa tulay, makatawid lang tayo, kubong pahingahan na ni Pareng Inggo.“ paliwanag ng matandang nauuna sa paglakad at hindi niya napansin ang tatlong taong nalililiman ng punong kahoy sa kabilang dulo ng tulay.

“Inang, tiyak po kayang naroroon si ninong Inggo.?“ tanong ng dalagang nakayuko.

“Natitiyak ko, pagkat noong katanghalian ng pista, habang kumakain ang mga bandido, dumaan siyang sakay ng kanyang kareta.“

“I-INang, may mga taong nakaupo sa gabay ng tulay.!“ nabiglang sabi ni Lumin nang mapaangat ang pananaw.

“Ay, Diyos ko.! Tao nga. Paano ba ito.? Hindi na tayo makakaurong.“ nanghihinang sabi ng matanda pagkat nasa gitna na sila ng tulay na kahoy. Malapad, maaaring magsalubungan ang dalawang kareta at may sampung dipa ang haba.

“Natatakot ako, Inang.“ anang dalagang urung-sulong ang hakbang

“Baka taga rito rin sila.“ pamatid-takot na sabi ng matanda.

“Ewan ko po, Inang.“ anang dalaga at napilitang sumunod sa inale.

“Huwag ka lang pahahalata. Takpan mong mabuti ‘yang mukha mo.“ payo ng matanda at pilit pinalalakas ang loob, ngunit nang matapat sila sa bahaging nalililiman ng puno ang sinag ng buwan, biglang nagliwanag.

Nagsindi ng tabako ang nauunang lalake at natambad ang mabalasik niyang mukha. Tauhan ni Garuda ang mga bantay sa tulay.

“Susmarya.! Sabi ko na’t ang mga pangit na bandido ang naririto.! Ehe.! Sino bang mga demonyong ito at hahara-hara sa daraanan ng Reyna.! Ehe.! Ano ba itong pinagsasabi ko.?“ tanong pa ni Aling Moreng at para pa siyang napahiya. Ngumiti. Wari’y simula na naman nang dating pagkamali-mali sa kabang dinaranas.

Tumagilid si Lumen. Hinigpitan ang kanyang pindong at nanginig ang buong katawan.

“Ma-Makikiraan po.“ sabi ng matanda at payukong dumaan sa harapan ng mga kilabot. Hila sa kamay ang dalaga.

Tumawa ang isang lalake at itinanglaw ang palitong may sindi pa sa mukha ni Aling Moreng. Gustong masiyasat kung gaano katanda ang kanyang kaharap.

“Tabi ka muna, Tanda.!“ sabi pa at anyong si Lumin naman ang tatanglawan, ngunit itinadhanang bago maitapat sa mukha ng dalaga, namatay ang apoy sa ihip ng hangin.“ Balik.! Bumalik kayo rito.!“ sigaw pa ng lalake at dinampot ang baril na nakasandal sa gabay ng tulay.

“Ba-Bakit po, Amo.?“ paos na tanong ng matanda at agad na lumapit.

“Saan kayo pupunta.?“ tanong ng lalake.

“Diyan lang po sa kumare kong may sakit. Dadalaw po kami.“ pagdadahilan ni Aling Moreng.

“Sa ganitong oras.? Alam ba ninyong pinababaril ni Garuda ang sino mang gumagala sa gabi.?“

“Naku.! Hindi po.! Uuwi na lang po kami.“

Tumawa ang kilabot bago nagsalita. “Kung sabagay, hindi ko maaatim na bumaril ng dalaga, lalo na kung maganda.“

“Naku po.! Hindi po kami dalaga.! Pareho po kaming matanda at pangit.” gustong maiyak na salag ni Aling Moreng.

“Alam ko, pero maaari din kayong pakinabangan. Sige, lakad.!“ anang kilabot at hinudyatan silang bumalik.

“Ano kaya’t pagsayawin natin sila sa liwanag ng buwan.?“ tanong ng isa pang kilabot.

“ Baaa.! Maganda ‘yan.! Kailangan ay walang damit para lalong masarap panoorin.!“ sagot ng unang lalake at tumigil sila sa gitna ng tulay.

“Ano kaya ang itsura ng mga matanda kapag hubad na nagsasayaw.?“

“Tiyak na tutulo ang laway mo, gago.!“ sabay tawa ng isa pang kilabot at hinampas pa sa balikat ang taong pinagtatawanan nila. Muli silang lumakad.

Doon na sumagad ang takot ng dalawang babae. Sabay na tumulo ang luha at nanginig ang mga tuhod.

“Sige.! Umpisahan na ang paghuhubad.!“ bulyaw ng kilabot. “ Ang mahuli’y babarilin ko sa bukung-bukong.!“ dugtong pa nang sila’y makatawid sa tulay.

“Naku po, Diyos ko.! Ma-Maawa na kayo, Amang. Masama sa amin ang mahantad sa lamig. May rayuma kami.!“ panangis ni Aling Moreng at lumuhod pa sa lupa.

Si Lumin naman ay halos panawan ng hininga sa naririnig na usapan. Kumakabog ang dibdib at pikit matang lumuhod na rin sa harap ng mga kilabot.

“Sige, tayo.! Kalimutan na ang pagsasayaw.! Teka nga pala.! Bakit hindi nagsasalita ang kasama mo.?“

“Pipi po siya. Maikli ang dila at may sakit sa puso.“ anang matanda at karakang hinila ang dalaga. “Aalis na po kami.“

“Hindi.! Sasama kayo sa kuta. Doon kayo magsasayaw sa harapan ni Garuda.!”

“Naku naman, anak.! Huwag mo kaming takutin.“ samo pa ng matandang laging nasa tabi ng mga kilabot upang si Lumin ang nasa malayo.

“Totoo ang sinabi ko.! Dapat pa ninyong malaman. Si Garuda ay mahilig sa matandang dalaga.!“

Nayanig si Aling Moreng sa kanyang narinig. Gustong ipagsigawang siya’y matandang balo. Subalit higit niyang kinatatakutan ang kalagayan ng dalagang pamangkin. Paanong makakaligtas ngayong patungo na sila kay Garuda.

Tahimik lang si Lumin pagkat nakatukop ang palad niya sa magkabilang tainga

“Bilis.! Bilisan ang lakad.!“ singhal pa ng kilabot at bahagyang tinulak si Aling Moreng. Nagmamakaawa sa kanya ngunit walang habag na tinamo.

Mahaba ring lakaran ang naganap bago nila narating ang munisipyo.

“Kenji.! kahit taga timpla lang ng kape. Pakikinabangan ang dalawang ito.“

pagmamalaking sabi ng tauhan ni Garuda. Nakaturo ang daliri sa mag-ale

“Magaling. Itoka sila sa lagaan ng kape at pagkulo, magdala rito.“ nasisiyahang wika ni Kenji. Nakaupo sa mesang kawayan at kaharap ang mga pangunahing kilabot.

Si Marcaida naman ay kanina pa naiinis sa nakakailang na kilos ni Garuda. Ibig niyang ibugnos ang tinitimping galit kahit sa pagsita lamang. “Para kang gutom kung tumingin.! Gusto mo bang kumain ng bala.?“

“Huwag kang maghamon, Marcaida. Baka gusto mong matikman ang init ng aking baril sa larangan ng pagsinta.? O, baka gusto mong gawin kitang pampalubag- loob.?“ sagot ni Garuda. Sinadya pang hinaan ang huling pambubuska sa babae at saka humagikgik na nakakainis pakinggan.

Nakihagikgik din si Mostafa sa pang-iinis ni Garuda. Siya man ay gusto niyang subukan si Marcaida kung talagang kilabot din sa baril.

Lalong nag-init si Marcaida. Agad siyang sumigaw. “Punyeta.! Mas mainit ang balang maglalambing sa maaskad mong kara, kapag tayo’y nagsubukan.!“

Biglang nagtawanan ang mga nakarinig sa sinabi ni Marcaida. Pinakamalakas humalakhak sina Sultan Kalagara at Datu budjik.

Nagkunwang galit si Garuda. Bumusangol ang mukha at malakas na sumigaw.

“Kape.! Maglalasing ako sa kape.!“ at hinudyatan ang mag-ale upang dalhin ang kanyang kahilingan.

“Sige, Lumin.” bulong ni Aling Moreng. “Ikaw ang taga timpla, at ako ang magdudulog sa kanila. Huwag ka lang haharap sa liwanag at baka pagkatapos nito’y maaari na tayong umalis.“

Mabilis ang kilos ni Lumin. Gusto niyang matapos agad ang inuman ng kape. Ayaw din niyang maulit ang nakakagulat na pagsigaw ni Garuda. Ngunit dahil sa kaba at pagmamadali, isang baso ang ‘di niya naasukalan at kamalasang kay Garuda pa naitapat ni Aling Moreng.

“P’we.!” sabay buga ni Garuda. “Salbaheng matanda ito.! Hoy.! Halika rito.! Walang tamis ‘tong kape ko.!“

Sigaw na ikinalingon ni Lumin, at sa pagkagulat, napasugod siyang dala ang asukal sa garapon.

“Sa susunod mong pakakamali, isasaboy ko sa mukha mo ang kapeng ito. “bulyaw pa ni Garuda sa dalagang apura ang paghahalo ng asukal sa baso.

Huli na nang mapuna ni Lumin ang pagkakatitig ni Garuda sa kanyang kamay. Agad siyang pinigilan.

“Kay gandang mga daliri. Makinis at maputi. Hindi ka matanda, ano.?“ sabay daklot ni Garuda sa pindong ng dalaga.

Nahantad sa liwanag ng buwan ang binathalang kariktan ni Lumin. Ang mala-diyosang sagana sa kahinhinan.

Nayanig si Garuda. Natungkab ang pinto ng kanyang puso sa tunay na pag-ibig.

Ngayon lang siya nakakita ng babaing ganoon ang ganda. Nakakabihag pansin sa balana.

Maging ang mga kaharap at katabi ni Garuda sa mesa ay humanga rin kay Lumin. Lalo silang naakit masdan ang isang kagandahan sa anyong tila maiiyak sa takot.

“Kenji.“ mababa ang tinig ni Garuda. “Tulad ng taga baryong si Inyang na iyong minahal. Hinihiling ko sa iyong maging akin naman ang babaing ito, para maging asawa.“ ang sudlong pang tila naninikluhod.

Napangisi si Kenji bago sumagot. “Ikaw ang masusunod, Garuda. Kung magugustuhan ka niya.!“ at nilinga pa niya si Lumin.

“Madali na ‘yon, Kenji.!“ sabi ni Garuda. Biglang tumawa at bigla ring tumigil pagkat sa dahas niya nakukuha ang isang babae.

Halos ikabunsol ni Lumin ang naririnig niyang usapan. Nanginginig dahil ayaw bitawan ni Garuda ang kanyang kamay.

Nakabawi sa pagkabigla si Aling Moreng. Agad hinawakan ang isang kamay ni Lumin at tangkang agawing bigla kay Garuda.

“Sandali lang, Kenji.” sabad ni Marcaida na pumigil sa tangka ni Aling Moreng.

“Alam ko ang damdamin ni Garuda. Talagang admirado siya sa kanyang pustura.”

dugtong pa ni Marcaida. Nanunukso ang mga mata kay Garuda.

“Ano ang gusto mo, Marcaida.?“ tanong ni Kenji.

“Gusto kong hiramin kay Garuda ang bonitang ito sa loob ng dies dias upang makunan ko ng impormacion, tungkol sa costumbre at kabuhayan ng mga taga rito. Importante ang sinabi ko Kenji. Kailangang makaseguro tayo sa ating mission. Pagbibigyan mo ba ako.?”

Nag-isip muna ang tinanong, bago sumagot. “Alang-alang sa ating organisasyon, kunin mo ang babaing iyan.“

“Hindi lang siya, Kenji. Pati ang matandang ito. Kailangan ko ang labandera. Ang mag-aasikaso sa aking damit.“

Tumango lang si Kenji at ipinagpatuloy ang pag-inom ng kape. Maglalamay sila upang mabantayan ang mga taga baryong magtatrabaho sa gabi.

Walang kibo si Garuda. Pero ang galit ay makikita sa nanlilisik niyang mga mata kay Marcaida.

“Paciencia ka na kung nahadlangan ko ang naglalatang mong damdamin sa Señoritang ito, ha.?“ nanunuksong wika ni Marcaida , sabay lapit kay Lumin upang kunin.

“Talagang nananadya ka, Marcaida. Pagsisisihan mo ito. Ikaw ang ipapalit ko, hangga’t nasa iyo ang babaing ito, tandaan mo rin.! Kapag ako’y nainip sa babaing iyan, ikaw ang gagawin kong libangan.!“ sabi pang galit, ngunit biglang tumawa at bigla ring umikom ang bibig na para bang sinasamantala ang kamay ni Lumin. Pinipiga-piga, subalit napilitan din niyang bitawan nang kunin ni Marcaida ang nanghihinang dalaga.

Ganyan si Lumin. Hindi maatim na hinahawakan siya ng lalake sa ganoong paraan. Para bang nababawasan ang kanyang karangalan.

Noon nama’y kasalukuyang naniningkit ang mga mata ni Marcaida sa galit. “ Dos veces mo na akong pinag-init at pang tres na ito. Subukan mo ngayon, Punyeta para mabisto kung sino ako.!“ mahinang sabi ng espanyola at umanyong makikipagsabayan sa pagbunot ng baril.

Umismid lang si Garuda. Hindi pinansin ang paghahamon ni Marcaida. Si Mostafa ang hinarap at tumawang bigla. Nang-uuyam sa biglang pag-ikom ng bibig at bahagyang pagtaas ng kamay sa anyong pagsuko.

Ang tawa ni Mostafa ay nauwi sa halakhak. Nakakainis pakinggan. Para bang ipinahihiwatig ang kawalang kakayahan ni Marcaida upang sumagupa kay Garuda.

Iyon ang lalong ikinagalit ni Marcaida. “Sa sususnod na paghaharap nating tatlo, hindi mauubos ang lahat ng bala ko sa bunganga ni Garuda. Magtitira ako ng isa, para sa iyo, Mostafa.!“ asik pa niyang kasunod ang hudyat sa dalawang babae upang sumunod.

Abala naman si Kenji sa pagmamanman habang hawak ang sartin ng kape. Ibig niyang matiyak kung tama ang ginagawa ng mga manggagawa. Hindi rin niya pansin ang laging pagpaparunggitan nina Garuda at Marcaida. Sanay na siya sa bagay na iyon.

Naiwan si Garuda sa biglang pagtawa, ngunit agad ring nagngitngit ang kalooban. Nagbabanta habang tinatanaw ang tatlong babae na patungo sa pinagawa niyang kubo at makapasok si Lumin na lagi niyang tinatanaw.

“Mag-ina ba kayong dalawa.?“ unang tanong ni Marcaida, matapos maupo sa isang papag.

“Pamangkin ko po siya na isang guro sa bayang ito. “agad na sagot ni Aling Moreng, kasabay ang panakaw na sulyap sa loob ng kubo. May papag at mahabang likmuang kawayan. Doon sila naupo ni Lumin.

“Maestra ka pala. Ano’ng pangalan mo.?“ ikalawang tanong.

“Iluminada dela Cruz po. Marami pong salamat sa pagkuha mo sa akin.”

“Temporario lang ang kaligtasan mo, Binibining dela Cruz. Marahil, narinig mo ang discusion naming dalawa ni Garuda.“

Napayuko si Lumin. Nanginginig sa takot nang magsalita. “Lumin na lang po ang itawag mo sa akin.“

Sumabad si Aling Moreng na may pagmamakaawa. “Sana po, makatakas ang pamangkin ko, bago dumating ang araw na iyon.“

Hindi kumibo si Marcaida. Naghikab na takip ang palad sa bibig bago bumaling sa himlayan.

“Ihahanda ko na po ang iyong higaan.“ alok ni Lumin, sabay lapit sa papag.

“Nating dalawa.” agap ni Marcaida. “Tabi tayo sa cama at si Aling… Ano… Paciencia muna sa bangko.“

“Moreng po ang pangalan ko, Senyora.“ pakilala naman ng matanda at gusto ring malaman ang pangalan ng kausap.

“Ako si Marcaida.“ bilang sagot sa hiling ni Aling Moreng.“ Siyanga pala, huwag ninyong tatangkaing tumakas. Alam kong nasa paligid lang si Garuda at nag-aabang sa iyo, Binibining dela Cruz.”

Kinabukasan. Sa Pulong Masle ay patuloy pa rin ang matiyagang pag-aalaga ni Abueg kay Leo. Ginawa niyang lahat ang paraan sa paggamot ayon sa munting kaalaman mula sa kanilang tribo at kay Mang Baste.

“Wala na siyang lagnat. Pero, bakit ayaw niyang bumangon at magsalita.?“ nagtataka pang sabi ni Abueg, pagkat totoong pagdilat at pagnguya lang ang nagagawa ni Leo. Ayaw sumagot sa mga tanong.

Ang mga pagdidili-dili ni Abueg ay nauwi sa isang kapasiyahan. Gumayak siya upang magtungo sa bayan. Ipaaalam sa kinauukulan ang karanasang nangyari sa Pulong Masle.

Naiwang natutulog si Leo. Maraming sandali bago siya nagising. Pumako sa kanyang paningin ang bubungang kugon. Matagal. Parang nag-iisip. Kinikilala ang kapaligiran at wari’y nagtatanong kung saan siya naroroon. Kung sino siya at ano ang ginagawa niya sa bahay na iyon.

Makaraan pa ang ilang sandali, marahang bumangon si Leo. Naglakad-lakad sa kabahayan. Sinilip ang kusina at silid tulugan. Napagkuro niyang wala siyang kasama, at paano siyang napunta roon. Parang lumabo na sa kanya ang nakaraan.

Nagkaganoon si Leo dahil sa pangyayaring dinapuan siya ng pansamantalang sakit na pagkalimot sa sarili. Natagtag ang kanyang ulo sa walang taros na pagbayo ni Garuda.

Sa kabilang dako. Nang mga sandaling iyon, nakapangalap na ng agahan si Aling Moreng. Umuwi siya sa kanyang bahay upang kunin ang lahat ng bagay na kailangan sa kubo ni Marcaida. Hindi siya pinansin ni Garuda pagkat si Lumin lang ang binabantayan.

Magkatulong pang nagluto ang mag-ale. Nagmamadali dahil pinanonood sila ng mestisang espanyola. Nangangamoy ang usok ng daeng na isda at mga piniritong itlog ng manok. Ang kape naman nila ay ang pinaitim na bigas sa pagkakasangag.

Pagkatapos nilang mag-agahan, sinimulan na ni Marcaida ang pagtatanong kay Lumin. Nasa labas sila ng kubo at nakaupo sa lilim ng punong kahoy.

“Ano ang ikinabubuhay ng mga taga rito.? Saan ka nakatira, Binibining dela Cruz, at ano’ng negocio ng mga parientes mo.?“

“Sana, tawagin mo na lang po ako sa palayaw na Lumin.“ paibang sagot ng dalagang nayon.

“Ikaw ay isang maestra. Dapat lang na bigyang galang ang iyong pangalan. At sana, huwag kayong mamumupo sa akin, pagkat mapalad ka at mayroon kang tinapos. Ako, wala. Napasubo na lang ako sa ganitong buhay. Pero sagutin mo na lang ang tanong ko.“ ani Marcaida na may bahagyang lumbay ang mukha.

Tumikhim si Lumin, halatang bantulot sa pagsagot.

“Huwag kang mag-alala.” ani Marcaida. “Kung paano kitang inilibre kay Garuda ay gayon din sa mga isasagot mo sa akin.“

Tinanggap ni Lumin ang katapatan sa sinabi ni Marcaida. Umamin siya. “Ako’y naninirahan sa isang malayong nayon na ang pamayanan ay payak lamang. Palibhasa’y lambak iyon na nasa paanan at pagitan ng dalawang bundok, sagana kami sa gulay, mga bungang kahoy at hayop sa gubat. Masipag ang Tatang ko sa pagsasaka kaya ako nakapag-aral. Masinop din si Inang sa aming bakuran. May alaga siyang mga hayop at ginawa niyang luntian ang aming tumana sa iba-ibang halaman na maaaring kainin. Masasabing mabubuhay kami kahit walang pera sa Nayong Dalisdis na kung saan ay doon ako isinilang.“

“O.! Kay gandang lugar.!“ sabi ni Marcaida. “Parang kay sarap panirahan. Sana, balang araw, marating ko ang lugar na iyon.!“ dugtong pa ng espanyola at gumawa ng sariling pagninilay.

Ngumiti si Lumin. Matamlay. Parang pagbibigay lamang ang kanyang isinagot kay Marcaida. Yumuko siya at tila nagmuni-muning naghintay sa susunod na tanong.

“Paano ka nga palang nakapagtapos ng pag-aaral.? Dahil sa palagay ko, wala namang pang colegio rito.“

Napatango si Lumin, bago sumagot. “Masikhay ang aming Alkalde. Nakipag-ugnayan siya sa departamento ng pagtuturo. Humiling siya ng dalawang Guro na magtuturo ng haiskul at kolehiyo. Kabilang ako sa nag-aral. Kaunti lang kami at doon sa loob ng munisipyo naganap ang aming pag-aaral. Pagkaraan ng ilang taon. Natapos ang aming pag-aaral. Nagpaiwan sa paguwi ang isang Guro. Parang nasiyahan siya sa islang ito. Dito na nanirahan at dito na rin nakapag-asawa. Siya ang naging Punong Guro namin.

Nasisiyahang tumangu-tango si Marcaida. Sabik na malaman ang tungkol sa pag-aaral na ‘di niya naranasan, ngunit ang totoo, may nakagisnan siyang talino. Marami pang katanungan ang nalaman niya tungkol sa Busuangga.

Saglit na napayuko si Lumin. Muling nalagay sa malungkot na pagninilay. Iniisip ang kanyang kaligtasan kay Garuda.

Kalauna’y tumindig si Marcaida. Pumasok sa kubo at lumapit sa matandang nag-aasikaso ng kanyang damit.

“Aling Moreng, saan ba ako maaaring maligo.?“

“Sa kabila ng kakahuyang iyon ay may saluysoy.“ turo ng matanda sa nakabukas na munting bintana.

“Ano’ng saluysoy.?“ tanong ni Marcaida. Nakakunot ang noo.

“Ilog na may mababaw at malalim.“ sagot ng matanda.

“Halika, Binibining dela Cruz. Samahan mo akong maligo.“ baling ni Marcaida sa dalagang nayon na kasunod niyang pumasok sa kubo.

“ Wala pa akong damit na pamalit.“ sabi ni Lumin.

“ Marami akong dala. Siguradong kasya sa iyo. Gusto kong makita kita sa modernang tabas ng damit.“ sabi ni Marcaida habang ipinapaypay ang palad sa tapat ng kanyang leeg.

Sukal man sa kalooban ni Lumin ang magpaganda, hindi na siya tumutol kahit nangangamba at nanganganib sa mga mata ni Garuda. Tumalaga na lang siyang magpatianod kung baga sa agos ng tubig. “Ako na ang magdadala niyan, Senyora Marcaida” ang sabi pa, sabay kuha sa damit at tuwalyang hawak ng babae.

Napangiti si Marcaida. Kung tutuusin, ayaw niyang pinupupo at matawag na Senyora, ngunit dala ng pagkakataon at pangyayari, saka na lang siya tututol.

Samantala. Hindi nalingid kay Garuda ang tagpong paglabas sa kubo ng dalawang babae. Namilog ang kanyang mga mata at ang isip ay kumutim sa isang pangitain. Kailangan niyang sumabay sa anyaya ng kalikasan.

“Mostafa.!“ tawag niya sa kanyang alalay. “Nakikita mo ba ang nakikita ko.? May dala silang tuwalya.! Alam mo ba ang ibig sabihin no’n.?“

“Oo nga, Garuda. Magandang panoorin ang gagawin nila.!“ nanlalaki ang matang sabi ni Mostafa at agad silang bumaba sa kinauupuang kareta.

“Halika. !Sundan natin sila.!“ anang nakatakam na si Garuda at minadali ang paglakad upang makauna sa magandang puwesto ng paninilip.

Naganap ang isang makapigil- hiningang pagsubaybay ng dalawang indones. Pakubli-kubling sinundan nila ang dalawang babaing patungo sa ilog. Binaybay nila ang malalaking bato sa tubigan at maingat na pumasok sa kakahuyan.

“Saan kaya sila maliligo.?“ pabulong na tanong ni Garuda. Palinga-linga sa naririnig nilang aliw-iw ng tubig.

Bigla ang labusaw ng paliguan sa dakong malago ang halaman. Nagkatinginan ang dalawang sabik na manilip. Sabay pang ngumiti at sabay ding lumapit sa pakay. Ang hangarin nila ay may kalakip na pagnanasa at pagmamadali, ngunit dahil sa kakarusan at hangaring makauna sa magandang puwesto, natapakan ni Garuda ang isang tuyong sanga at lumikha ng lagitik sa pagkabali.

Kagyat na napatigil ang dalawang gahaman at paupong nangubli sa makapal na kakahuyang tumatabing sa dalawang naliligo.

“Hayun sila.!“ pabulong na sabi ni Garuda nang maisungaw sa sangahang kahoy ang kanyang mukha.

Ang tanawing namalas ay naging kaaya-aya sa sino mang may hangarin. Hanggang dibdib ang tubig sa mga babaing naliligo. Panatag pa ang loob ni Lumen. Nakatapi lamang sa paglulunoy, subalit hindi si Marcaida. Malikot ang kanyang mga mata at wari’y may hinhanap

Hantad sa paningin ng dalawang maninilip ang mapuputing balikat ng mga babae. Iyon ang nagbibigay kasabikan sa mga indones. Nahahapay ang halaman sa kanilang kalikutan. Pilit nilang inaaninag sa tubig ang katawan ng mga naliligo na kung titingnan at susuriin ay tunay ngang mga hubad.

Kinapa ni Marcaida ang dalawang bagay na nakatusok sa pugong ng kanyang buhok. Hinugot at sabay na ipinukol sa kinauukulan. “Mga bastos.!“ sigaw pa niya sa matinding galit.

Humaginit ang mumuntig espada. Tumimo sa sangang nakaharang sa mukha nina Garuda at Mostafa.

“Takbo, Mostafa.! Takbo.! Hindi siya nagbibiro.!“

“Magbalik kayo, mga bastos.!“ sigaw naman ni Marcaida, sabay tindig pagkat mababaw lang pala ang batis na sumanga sa ilog. Nahantad ang katawan niyang naka dalawang pirasong saplot lamang. Bikini kung tawagin ni Marcaida. Mapapansin din ang sinturon niya sa baywang. May nakasuksok na baril at balak sanang paputukan ang dalawang agad naglaho sa kasukalan.

Humihingal na sumapit sa kuta sina Garuda at Mostafa. Pasalampak silang naupo sa sahig ng isang kareta at sabay pang natawa.

“Kung sa mukha natin tumusok ang espada ni Marcaida, patay na tayo“ nananakot na sabi ni Mostafa. Gustong sindakin ang kanyang pinuno.

“Bakit.? Maliliit lang ‘yon, a.? “ tanong ni Garuda sa anyong nakamulagat.

“ Maliit nga, pero balita ko’y tubog naman sa kamandag ng bulate.!“ sagot ni Mostafa at palihim pang tumawa na walang tunog.

“Ganoon ba.? Ano ba ‘yong bulate.? Ahas ba ‘yon.?“ tanong pa ni Garuda, pagkat hindi siya gaanong nakikinig kung hindi rin lang mahalaga ang biruan.

“Teka.!“ ani Mostafa sa pagbaling. “Si Marcaida ‘yong lumabas sa kubo.!“

“Siya nga.!“ ayon ni Garuda at nanghaba ang leeg sa pagtanaw. Nakita nilang nakakutod si Maraida na hanggang singit at pang-itaas na nakabuhol sa ilalim ng dibdib.

“Ang ganda ng kanyang katawan.!“ pumapalatak na sabi ni Mostafa. “Ang puti. Pero, bakit nagmamadali siya sa paglapit.? Baka nasasabik siyang makita ka agad.?“ tumatawa pang dugtong.

“Tiyak ‘yon.!“ ayon ni Garuda. “Talagang inaakit ako ng babaing iyon.!“ masayang dugtong at bahagya pang pinadapa sa pamamagitan ng kanyang palad ang gusot niyang buhok.

“Aba.! dalawa ang baril niya sa baywang. Baka iyon ay para sa atin.?“

“Baka nga.?“ ani Garuda. Mayroon nang hinala. “Mabuti pa. Lumigpit muna tayo. Parang alam niyang tayo ang nanilip sa kanya.“

Tumatawang tumango si Mostafa. Dinaan sa biro ang takot ng dalawang batikan sa baril. Humahagikgik pa nang sabay silang tumalon sa likod ng kareta upang magtago.

Paragasa ang dating ni Marcaida. Nagpupuyos ang damdamin. Animo’y batikan ding mananandata kung kumilos at marami rin ang napabaling sa kanya.

“Kenji.! Nasaan si buangit.?” bungad niyang lumilinga.

Napakunot ang noo ng tinanong bago sumagot. “Wala akong tauhan na Buangit ang pangalan. Sino ba ‘yon.?“

“Si Garuda.! Buang na, pangit pa.! ‘Asan siya.!“ galit pa ring tanong ni Marcaida

Natawa ang pinuno. Tumindig sa pagkakaupo at saka nagwika. “Palagay ko. May angilan na naman kayo, kaya dalawa ang baril mo sa baywang. Hayun.!“ turo ni Kenji

Sinugod ni Marcaida ang hinimaton ni Kenji. Tinadyakan ang kareta, kasunod ang malakas na sigaw. “Labas.! Lumabas kayong dalawa.!“

Ang hiyaw na lumikha ng alingasngas at maraming kilabot ang lumapit. Nagtataka kung tatawa o kakaligkigin.

Mula sa ilalim ng kareta ay dahan-dahang lumitaw ang ulo nina Garuda at Mostafa. Buong paklang nagsingiti at wari’y pagkakabait.

“May maipaglilingkod ba ako, Marcaida.?“ tanong ni Garuda. Pilit na pinapupungay ang mga mata.

“Mayroon.! Kailangang pawiin mo ang galit ko.!“ singhal ng babae.

“Aba, oo.!“ sagot agad ni Garuda at akmang lalapit upang suyuin ang kanyang kausap.

“ Magduelo tayo.!“ bulyaw ni Marcaida.

Atras si Garuda. Nakita niyang handang bumunot ng baril ang espanyola. Nanalim ang kanyang mga mata at bumangis ang mukha, kasunod ang paalala.

“Baka nabibigla ka, Marcaida.? Hindi mo sukat ang bagsik ko sa baril.“

“Alam ko, Garuda.! Isa kang batikang pistolero at batikan ding maninilip.!“ ang sabing marahan at para pang inuyam ang kaharap sa akmang pagbunot ng baril.

Tumawang bigla si Garuda at agad ring nagwika. “Inaamin ko. Talagang nakita ko ang kasingit-singitan ng iyong katawan.!“

“Punyeta.! Pati dila mo, bastos sa kasinungalingan.!“ namumula sa galit si Marcaida.

“Sinasabi ko lang ang totoo.!“ tukso pa ni Garuda.

“Bastos.! Bumunot ka.!“ hamon na ni Marcaida. Sagad na ang galit.

“Hindi.!“ sagot ni Garuda. “Sayang ka pag tayo’y nagsubukan.“

“Bakit.?“ sigaw ni Marcaida.“ Sa palagay mo ba, wala akong utak upang harapin ka.? Kilala kita. Pero, ako. Hindi mo kilala. Bibigyan pa kita ng partida. Sabay na kayo ng tuta mo. Bumunot ka rin, Mostafa.!“

Gulat na tumawa ang tinawag na tuta, ngunit hindi nagsalita.

Si Garuda ang sumagot. “Malakas lang ang loob mo, Marcaida. Ang akala mo, matalino ka rin sa baril. Hindi ako naniniwalang kilabot ka rin sa pagbunot ng baril. Hindi kami lalaban pagkat sayang lang ang iyong kagandahan.“

“Sa ayaw at gusto ninyo. Bubunot ako.!“ sabay buka ng dalawang kamay at nahantad ang gilas ng babae sa pagbunot ng dalawang baril.

Napakislot si Garuda. Nakita niyang hindi nagbibiro si Marcaida. Kailangan niyang bumunot pagkat higit niyang mahal ang kanyang buhay.

Ang napipintong labanan ay napigilan nang biglang umigpaw si Kenji. Sa gitna nila bumagsak upang humarang. “ Hindi ako papayag na kayo’y maglaban. Ang isang mawala sa inyo ay malaking kabawasan sa ating organisasyon. Nakikiusap ako, Marcaida.“

Hindi kumibo ang babae. Inalis sa baywang ang sinturon niyang may baril at inihagis sa kareta. Pagkaraa’y bumaling siya kay Kenji at nagwika. “Susundin ko ang kagustuhan mo. Pero, hayaan mong maglaban kami sa manu-manong paraan. Gusto ko lang ipaglaban ang ginawa nilang paninilip habang ako ay naliligo.!“

Biglang nagtawanan ang mga tauhan ni Garuda. Kasalukuyan silang nakapaligid sa pook na iyon, ngunit bigla ring tumigil nang irapan sila ng kanilang pinuno.

“Kung kamayan lang ang labanan at walang patayan. Payag ako, ngunit babae ka, Marcaida. Baka hindi ka rin nila patulan.?“

“Tama ka, Kenji.” pailing-iling pang sabi ni Garuda.“ Hindi ko maaatim na buntalin ang maganda niyang mukha at katawan.”

Kumatig naman si Mostafa. Tumalikod rin at sumunod kay Garuda sa paglayo at ibinadyang hindi sila lalaban.

“Kailangang lumaban kayo.“ giit pa ng babae.

Ngumisi lang si Garuda, bago nagbadya. “Kung talagang matalino ka. Gumawa ka ng paraan upang patulan ka namin. Ngunit sa paraang hindi mo kami sasaktan. “saka siya biglang humalakhak at bigla ring naglaho ang tunog ng kanyang tawa. Alam niyang hindi sila masasaktan kung sa salita lang daraanin.

Muling kumunot ang noo ni Kenji. Ngayon niya masusubok ang utak ni Marcaida. Ibig niyang makita kung paanong mapag-iinit ng babae ang dalawang lalake na patuloy sa marahang paglayo.

“Alam kong papatol kayo at iya’y naseseguro ko.!“ habol pa ng babae.

“Patunayan mo, Marcaida.!“ sagot ni Garuda at hindi man lang lumingon.

“Dahil sa halata kong may intencion kayo sa akin. Sige.! Payag akong abusuhin ninyo. Pero, ipagtatanggol ko ang aking sarili.!“ galit na sigaw ni Marcaida.

Sabay pang napangisi ang dalawang kilabot. Nanlaki ang kanilang mga mata at biglang nagsiharap.

Si Garuda ang nasasabik na nagsalita. “Baka nabibigla ka, Marcaida.? Baka sisihin ako ng ating organisasyon kung pagsamantalahan kita.? Baka may makialam sa atin.?“

“Puro ka, baka.! Hindi ‘yon mangyayari. May palabra de honor ako at saksi ko si Kenji. Hindi ako mag-aapela o hihingi ng tulong, ano man ang mangyari sa akin.!“

Lihim na humanga si Kenji sa tapang at pamamaraan ng babae, ngunit para siyang nag-aalinlangan.“ Baka mapahamak ka.?“ sabi pa niya.

“ Hindi, Kenji. Huwag kang mag-alala. Kaya ko ito.!“

Sumabad si Garuda. Halata ang kasabikan.“ Kung ganyan ang kundisyon mo. Umpisahan na natin.!“ saka biglang tumawa at bigla ring umastang tila tandang sa paggiri.

“Para madali, sabay na kayo ng tuta mo.!“ hamon pa ni Marcaida, kasabay ang pagtanto ng dalawang kamay sa mga kalaban.

“Lalong mainam, para madali kang mayari.!“ kantiyaw ni Garuda at lumingon pa siya kay Kenji sa paghingi ng pahintulot.

Napilitang tumango si Kenji, bilang pagbibigay kay Marcaida, ngunit hindi rin siya papayag na mapahamak ang tinatawag nilang utak.

“Sa likuran ka, Mostafa.” May katusuhang wika ni Garuda, habang inaalis ang sinturon niyang may baril upang ilagay din sa kareta.

“Tamang-tama, Garuda.! Minsa’y hinamon mo siya ng buno. Hindi ka pinansin. Ngayon, siya naman ang naghamon. Bubunuin natin siya.” sabi rin ni Mostafa . Nakatawa, matapos iligpit ang kanyang baril.

Naging malikot ang mata ng babae. Tumagilid siya sa mga kalaban. Bahagyang idinipa ang mga kamay at mahigpit na kinuyom.

Marahan ang ginawang paglapit nina Garuda at Mostafa. Para bang dadakma ng manok at bakas sa kanilang mukha ang masamang hangarin.

Bahagyang umugoy ang katawan ni Marcaida sa magandang pagkakataon. Nakatutok ang mata sa ibaba, subalit bukas ang tainga sa dalawang humahagikgik sa biglang paglapit. Iyon ang hinihintay ni Marcaida. Kagyat siyang umigpaw na pataas at pabukang ibinigay ang lakas ng kanyang sipa sa dalawang kalaban. Matindi ang patama sa mukha.

“Bangon, Garuda.! Bangon, Mostafa.!“ sigawan ng kanilang tauhan. Nagbubunyi pagkat magandang panoorin ang matatanghal sa oras na iyon.

Kabilang din ang mga tauhan ni Sultan Kalagara sa madlang nakikisigabo. Naglulundagan sa tuwa. Halatang kampi sila sa mga nagbubunying tauhan ni Garuda. Nakikiisa sa hangaring makakita ng kalaswaan. Ngunit nanghihinayang din pagkat nasa pantalan ang kanilang pinunong mahilig sa ganoong pagkakataon.

Subalit iba ang pangkat ni Kenji. Tahimik lang sila at masigasig na nagmamasid sa magaganap na subukan.

Maging si Kenji ay kampi kay Marcaida. Ibig nilang ipagmalaki ang sining ng karate. Kahit babae, kayang magpabagsak ng dalawang lalake.

Palihim naman kung sumulyap ang mga naroroong manggagawa. Patuloy ang kanilang paghuhukay sa paligid ng munisipyo at dumadalangin manalo sana ang babaing sa tingin nila ay makatao.

Bumangon ang dalawang kilabot. Agos ang dugo sa ilong, ngunit matatag pa rin at lalong sumidhi ang hangaring lurayin ang babae.

Saan man bumaling si Marcaida ay laging nasa likod si Mostafa. Iyon ang higit niyang binibigyan ng pansin. Tiyak na pataksil ang gagawing pagsalakay.

Nagmamadali si Garuda. Gustong tapusin agad ang labanan upang mapasimulan ang kanilang kamunduhan. Isang bigay-katawang suntok ang ginawa, para patulugin ang kinasasabikang espanyola. Umaasang siya naman ang magpapabagsak sa kalaban.

Ngunit mabilis si Marcaida. Nakailag. Agad umigkas na pataas ang kanyang sakong at sumakyod sa baba ni Garuda.

Sinamantala ni Mostafa ang pagkakataon. Sumabay siya sa kilos ni Marcaida. Tinalon niya at payapos na inipit, kasama ang mga kamay.

Nagkakawag si Marcaida pagkat parang ahas na sawa ang bisig ni Mostafa. Mahigpit na humapit sa kanyang dibdib at naramdaman niya ang malilikot na daliri ng lalake. Dinadama ang kanyang pagkababae.

Nanlaki ang mga mata ng tauhan ni Garuda. Nasisiyahan sila at nagtatawanan. Lalong umigting ang kanilang pananabik na makita ang katuparan ng napipintong kahalayan.

Namula ang mukha ni Marcaida sa ginawang kabastusan ni Mostafa, lalo na nang maramdaman niya ang bungangang umuulaol sa kanyang batok.

Si Garuda nama’y hilong bumangon. Nakitang nalalamangan siya ng kasangga. Naunahan siya sa paglasap ng kaligayahan. Kailangan niyang pigilan ang mga pangyayari at sabihan ang nakakalamang. “Tarantado ka, Mostafa.! Ako muna.!“

Sigaw na gumulat kay Mostafa. Sa takot, biglang nawala ang makamundo niyang hangarin, habang tinatanaw ang pasuray na pagsugod ni Garuda.

Ang gayong pangyayari ay nakaluwag kay Marcaida. Ang dalawa niyang paa ay ubos-lakas na isinipang paitaas, pasalubong sa dibdib ni Garuda.

Napasigaw din si Mostafa nang pabagsak na bumalik ang dalawang sakong ng babae at sumalpak sa magkabila niyang lulod. Nabitawan niya ang kalaban at nagkakandangiwing napayuko upang haplusin ang mga butong nasaktan.

Nakaalpas si Marcaida sa kamay ni Mostafa. Karaka niyang hinarap at ganting pananalasa ang ginawa. Isang humahaginit na sipang pabilog ang nagpayanig sa punong tainga ni Mostafa.

Napatulala ang alalay ni Garuda. Nagwating-wating ang paningin. Tinanggap ng kanyang mukha ang sunud-sunod na suntok at sipa. Parang naging tatadtaran ang naging kawangis hanggang sa siya ay matimbuwang at mawalan ng malay.

Agad ring nilinga ni Marcaida ang isa pang kalaban. Nag-uumigting pa rin ang kanyang katawan. Nanlilisik ang mga mata at tila handang tapusin na ang labanan.

Pasuray-suray pa rin si Garuda sa pagtayo. Nanliliit ang mga mata sa paglinga at paghahanap kay Marcaida. Ang ‘di niya alam, parang palaso na ito sa paglipad at papalapit sa kanya. Nauuna ang dalawang paa at ubos-lakas na itinadyak sa kanyang dibdib.

Muling gumulong sa malayo si Garuda. Ngayon ay laganap na ang dilim sa kanyang paningin. Gusto na niyang matulog at kalimutan na ang pagnanasa sa nakatakdang kasunduan.

Nagpupuyos pa rin ang damdamin ni Marcaida sa pagsipang walang patumangga. Hindi na niya tutulutang makalayo pa si Garuda na walang daranasing suntok at sipa habang gumugulong sa dalisdis ng paltok. Panghuli, tumalon siyang mataas at pagbagsak, pinagkasya ang dalawa niyang talampakan sa mukha ni Garuda.

Iniwan ni Marcaida ang dalawang indones na nakabulagta. Walang kibo siyang lumayo at nagtuloy sa kanyang kubo.

Naiwan sa panghihinayang ang mga tauhan ni Garuda at Sultan Kalagara. Naunsiyami ang inaasahan nilang magandang panoorin.

Iba naman ang pangkat ni Kenji. Humanga sila sa katahimikan ni Marcaida at sa katatagan sa gustong ipaglaban.

Tuluy-tuloy sa loob ng kubo si Marcaida. Una niyang nabalingan ang ayos ni Lumin. Bumagay ang damit niyang pinahiram at nagpatingkad sa likas na kagandahan ng Guro.

“Bukas, ibang moda naman ang ipasusuot ko sa’yo. Padidilatin natin ang mata ni Garuda sa pananabik.“ nakatawang sabi ng espanyola. Titig na titig sa magandang katawan ng dalagang nayon.

“Hu-Huwag na lang kaya, Senyora.“ halatang takot na wika ni Lumin. Nag-aalangan sa soot niyang ‘di angkop sa dalagang silangan. Manipis, malalim ang tabas sa dibdib, mapamukaw at makatawag pansin, lalo na sa mga lalake.

“Huwag kang mag-alala, Binibining dela Cruz. Ako’ng bahala kay Garuda. Hindi ka niya masasaling.“ ani Marcaida at bahagyang inayos ang soot ni Lumin.

Si Kenji nama’y naudlot ang tangkang pagsunod kay Marcaida nang may tumawag sa kanya.

“May nabihag kami.! Isang lalaking sakay ng lantsa.!“ magkasabay na sigaw ng dalawang kalbo. Sakay sila ng kareta.

Kumunot ang noo ni Kenji, naisip niyang katutubo ang kanyang kaharap. Hindi na niya pinansin at nagtanong na lamang. “Saan ka galing at ano’ng pakay mo rito.“

“Galing po ako sa kapitolyo at napadaan lang dito upang ayusin ang sira ng aking sasakyan.“ pagkakaila ng taong walang iba kundi si Abueg. May hinala siyang ang pangkat na ito ang lumapastangan sa mga taong nasa Pulong Masle.

“Dalhin sa kuta at bigyan ng trabaho.!“ mabilis na utos ni Kenji. Hindi na dinagdagan ang pagtatanong sa kagustuhang makasunod agad kay Marcaida. Tinalunton niya ang landas na patungo sa kubo.

“Marahil nabawasan na ang galit mo kina Garuda at Mostafa.“ bungad ni Kenji sa pinto ng kubo, matapos magbigay-galang sa mga naroroon.

“Wala na, Kenji. Natikman na nila ang galit ko. Ano nga pala ang sadya mo.?“ tanong pa ni Marcaida at inalok na maupo ang lalake.

Luminga muna si Kenji sa gawi ni Lumin. Nakita niya ang kagandahan ng dalagang nayon, ngunit anyong takot. “Ano nga pala ang nakuha mong impormasyon sa kanya.“ ang tanong sa pag-upo.

“Wala pa naman, Kenji. Liban sa costumbre nilang conservativo. Pero, masipag sila sa kabuhayan. Hindi tayo mauubusan ng pagkain. Sa ngayon, wala pa tayong dapat ipangamba. Ang maipapayo ko lang, ipacompisca mo ang mga kabayo rito para maging mabilis at alerto ang kilos ng mga tauhan mo.“

Samantala. Balisa si Leo sa Pulong Masle. Ibig niyang malaman kung ano ang nangyari sa kanya. Bakit wala siyang maisip na dahilan kung bakit napunta siya sa ‘di niya alam na lugar. Naligid na niya ang paligid, ngunit wala siyang makitang mapagtatanungan. Nakita rin niya ang isang malaking libingan at may kurus na sanga ng kahoy. Subalit hindi niya malaman kung sino ang nakalibing. Gumawi siya sa pantalan at mula roon ay natanaw niya ang malaking bahagi ng Isla Busuangga. Gusto niyang marating, ngunit wala siyang maapuhap na paraan upang matawid ang dagat pagkat ang bangkang ginamit noon nina Kenji at Nau ay nagkataong ipinadpad sa ilalim ng pantalan. Naglakad-lakad siya sa dalampasigan at sa ‘di sinasadya’y nasumpungan niya ang isang balsang malaon na ring hindi ginagamit at natatabingan ng mga halamang nakayungyong sa tubig.

Matapos ang ilang sandaling pagninilay. Sumakay si Leo sa naturang pag-asa niyang makarating sa kabilang dalampasigan. Muntik pa siyang madulas sa malumot na balsang yari sa puno ng niyog. Nauga at napatid ang gapok na lubid. Nakawala ang balsa.

“Maaari kong matawid ang kabilang ibayo sa pamamagitan nito. Ngunit papaano.?“ usal ni Leo nang maramdamang umusad ang balsa. “Heto pala. Magagamit ko itong panulak.” bulong pa niya habang tinutungkab sa siwang ng balsa ang isang mahabang kawayan.

Agad ngang pumalaot si Leo, ngunit hanggang doon lamang, pagkat nang marating niya ang malalim na bahagi, hindi na niya maiarok ang hawak na tikin. Para siyang nawalan ng pag-asang marating ang ibayo. Namalagi lang sa paglutang ang balsa.

Pantay-ulo na ang sikat ng araw, nang magbago ang galaw ng dagat. Lumaki ang alon at nagsimulang tangayin ang balsa. Hindi malaman ni Leo kung saan siya ipapadpad. Nag-aalala pagkat pabagu-bago ang usad ng sasakyan at sa wari’y lalo pang lumalayo sa gusto niyang marating.

Lumipas ang mga oras at ang init ng araw ay unti-unting naparam, hanggng sa dumilim. Naroon pa rin si Leo at sa ayos ay lumigid lamang, patungo sa harapan ng bayan. Nakaramdam siya ng gutom at uhaw. Hindi niya pinansin at idinaan na lang sa pagdapa upang kahit paano’y makaidlip.

Matagal si Leo sa ganoong ayos, hanggang sa muling lumiwanag. Pupungas-pungas siyang bumangon. Tinanaw ang paligid. Nag-iisip kung ang nakikita niya ay isang dalampasigan na may pantalan o kaya’y pangitain lamang. Nagtataka rin siya kung bakit nawala sa kanyang pananaw ang pinaggalingan pulo.

Sa tulong ng kawayan, naisadsad ni Leo ang balsa sa maputing buhanginan. Wala sa loob na sinusubaybayan siya ng mga kilabot.

“Isa na namang padpad.!“ sabi ni Sultan Kalagara. “Hoy, gago.! Halika rito.!“ sudlong pa niyang bulyaw at nakaumang ang baril.

Napatingin si Leo at marahang lumapit. Titig na titig ang kanyang mga mata. Parang inaarok ang kalooban ng mga kaharap.

“Sino ka.?“ salubong ni Sultan Kalagara. Pinadilat pa ang likas na malalaki niyang mata at noon lang nahantad na siya pala ay banlag.

“Tinawag mo ako sa ‘di ko malamang pangalan. Baka iyon na nga ang pangalan ko.“ sagot ni Leo. Maliwanag magsalita, ngunit malilimutin tungkol sa nakaraan.

Biglang napahalakhak si Sultan Kalagara, saka nagwika. “Dapat pala ay magpakalbo rin ang guwapong ito, para mapabilang sa pangkat natin.

Nagtatawanang sumang-ayon ang mga lukayo. “Tama.! Para may kasama tayong, guwapo.!“ anang isang tauhan. Payag silang maging kakampi ang tulad sa inaakala nilang pagkatao ni Leo. Maayos nga ang kasootan, ngunit walang sapin sa paa at hindi nakapaloob sa pantalon ang pang-itaas niyang kulay abuhing kamisadentro.

Si Datu Budjik ang nagpakitang gilas. Sapilitang pinasakay si Leo sa kareta at saka sinabihan. “Para maging ganap ang pagsapi mo sa aming pangkat, sa kuta ka magpatawa. Doon ay mas marami ang sira ang ulo.!“ kasunod ang halakhak.

Hindi nagtagal, naiwan ang tatlong bantay sa pantalan. Pawang nakabungisngis at umaasang marami pa silang mahuhuling sira din ang ulo

Madaling narating ng dalawang pinunong kalbo ang kanilang pakay. Nasa anyo ang pagyayabang.

“Kenji.!“ sigaw ni Sultan Kalagara. “May bagong padpad na naman tayo.!“ magilas pang dagdag, sabay tulak kay Leo upang tumalong pababa sa lupa.

“Saan galing ang taong iyan.?“ tanong ng singkit.

“May Sira sa ulo ang taong ito.! Hindi alam kung saan galing at kung sino siya.!“ sagot ni Sultan Kalagara at lalong pinangiwi ang dating ngiwi niyang bunganga.

Matamang sinipat ni Kenji si Leo. Parang namumukhaan niya, ngunit hindi na pinalaliman ang paglilinaw sa kanyang isipan. Ang alam niya, sunog sa araw ang balat ni Leo.

Hindi karakang maaaninag ang dating kaanyuan ni Leo. Maging ang gatgat ng lubid sa kanyang mga kamay ay hindi makikita kung hindi susuriin o kaya’y ilililis ang bahagyang pagkakatupi ng kanyang manggas. Lumabo ang lumipas lalo na sa pagtubo ng kanyang balbas.

“Sige. Isama ‘yan sa mga manggagawa.“ utos ni Kenji, bago pumasok sa munisipyo.

Pinagtulakan ng mga kilabot si Leo. Dinala siya sa ginagawang bakod at nagkataong naraanan nila si Marcaida.

“Sino ang simpatikong iyan, Sultan Kalagara.?” tanong ng babae at miling tinitigan ang bihag na kahit masinsin pa ang tubo ng balbas ay bakas ang kakisigan.

“Pilosopo ang taong ito, Marcaida. Ayaw magsabi nang totoo.!“

“Hindi bale. Iwanan ninyo at ako na ang bahala sa kanya.“

Napangiti si Sultan Kalagara bago lumisan. Ngiting may kahulugan at parang nanunudyo.

Inis na bumaling si Marcaida kay Leo at nagtanong. “Ano’ng pangalan mo.?“

Wari’y nag-isip muna si Leo at saka sumagpt. “Napadpad ako rito upang ihanap ng kasagutan ang tanong mong iyan.!“ galit na sagot. Masama ang loob sa ginawang pagtulak sa kanya ng mga kilabot.

Ngumiti lang si Marcaida at muling inulit ang pagtatanong. “Saan ka galing.?“

Lalong hindi ko alam. Namulat na lang ako sa pag-iisa.!“ sagot ni Leo at saka nilinga ng paligid.

“Ano’ng ibig mong sabihin.?“ nagtatakang usig ni Marcaida, lalo na nga’t naaninag pa rin niya ang pasa sa mukha ng binata..

Dapat sana’y ako ang magtanong. Sayang lang pala ang pagpunta ko rito.!“

“Himp.! Suplado ka nga pala. Pero, hindi bale. Ang importante, matulungan mo ako sa pagdudugtong ng aking kubo.“ ani Marcaida at kapagkuwa’y natigilan. Nakita niyang walang sapatos si Leo. Halata niyang makinis ang paa at hindi sanay lumakad sa ganoong landasin. Luminga siya at nagtanong sa isang tauhan ni Kenji kung may mahihinging sapatos para kay Leo. May nagbigay. Agad niyang pinasoot sa binata ang de gomang panapin-paa na kasukat naman. Nagpasalamat siya sa mga singkit bago niyaya si Leo upang sumunod.

Hindi naman tumutol si Leo. Wala siyang alam na gawin kundi ang magpatianod na lamang. Makikipagsapalaran, lalo na ngayong hindi siya hirap sa paglakad.

Saglit na pamasok sa kubo si Marcaida. Nang lumabas, may dala siyang panabas. Ang gulok na gamit ni Aling Moreng sa pangangahoy.

“Maraming buho at kugon sa gawing likuran. Halika’t kumuha tayo.“ yaya pa ni Marcaida at ipinanturo ang hawak niyang panaga.

Sa loob naman ng kubo, narinig ni Lumin ang pag-uusap ng dalawa habang siya’y naghahanda ng kanilang agahan.

“Sino kaya ang kausap ni Senyora Marcaida.?“ bulong ng dalagang nayon at pinagmasdan sa maliit na durungawan ang dalawang papalayo. Bigla siyang kinabahan. Nanoot sa kanyang isipan ang tinig at alaala ng lalaking nakatagpo niya sa halamanan, ang lalaking humalik sa kanya. At ngayon ay para siyang nababagabag habang tutop ang kanyang dibdib sa mabilis na pagpintig.

“Inang, mag-agahan ka muna.“ baling ni Lumin nang maramdamang handa na si Aling Moreng upang maglaba sa batis.

“Mamaya na lang, Lumin. Nakakahiya naman kay Senyora Marcaida kung siya pa ang mahuhuling kumain.“

“Sabay na lang po kami.“ pilit pa ng dalaga.

Ngunit lumabas din si Aling Moreng. May sunong na batya ng damit at palu-palo. May kilik pang palanggana sa baywang.

Naiwang nakamasid si Lumin. Nais man niyang tumulong sa matanda ay hindi niya magawa. Ayaw siyang palayuin ni Marcaida sa kubo at iyon din ang banta ni Garuda.

Sa likuran ng kubo ay pabalik na sina Leo at Marcaida. Pasan ng una ang maraming buho at kipkip naman ng pangalawa ang isang bigkis ng kugon.

“Wala akong karanasan sa pinagagawa mo.“ ani Leo.

“Kahit paano lang. Ang mahalaga, maging comviniente ang aming tulugan.“ giit naman ni Marcaida.

Napakislot si Lumin sa narinig niyang tinig mula sa labas. Muli siyang sumilip sa durungawan at hinintay na humarap sa kanya ang lalake.

“Di-Diyos ko.!“ kahawig nga niya.!“ bulong pa sa sarili ng dalaga at agad na lang naramdamang nahihiya siyang pakita kay Leo. Matibay ang kanyang hinala, saksi ang kaba ng kanyang puso.

“Marami pang panaling yantok ang natira. Teka’t kukunin ko sa loob.

Nagulat pa si Lumin sa pagpasok ni Marcaida. Nauntol ang pagbulong at lumakas ang tinig. “Ha-Handa na ang ating agahan.“ ang sabing nauutal at karakang lumapit sa hapagan upang magsandok.

“Siyanga.? Teka’t tatawagin ko ‘yong trabajador. Tipong hindi pa rin nag-aagahan.” ani Marcaida sa paglabas at nalimutan ang talagang pakay.

Ganoon na lamang ang kaba ni Lumin. Hindi malaman ang gagawin. Kung maaari lang. Ibig na niyang maglaho sa kinatatayuan. Paano niyang haharapin ang taong nakahalik na sa kanya.

“ Huwag kang mahiya. “ ani Marcaida nang magbalik at hila sa kamay si Leo.

“ May trabajo ka rito. Kailangan ay busog ka.” dugtong pa niya at pilit na pinadulog ang binata sa harap ng mesang yari sa tinilad na kawayan.

“Bakit kailangang gumawa ako sa inyo.? Ito ba’y tungkulin ng sino mang mapadpad rito.?“ mga tanong ni Leo nang siya’y makaupo.

Natawa si Marcaida, bago nagwika.“ Hindi naman. Pero, babae lang kami at walang experiencia sa ipapagawa ko.“

Hindi na kumibo si Leo pagkat napansin niyang palihim kung sumulyap sa kanya si Lumin.

“Ang tinig niya at kilos. Ang tindig at hugis ng mukha. Talagang siya nga. Ngunit bakit parang hindi niya ako namumukhaan.?“ usal ni Lumin na ang mga mata ay hindi maialis kay Leo, lalo na kung ito ay sa iba nakabaling.

“Kumain na tayo. Baka lumamig ang sinangag.” nakatawa pang sabi ni Marcaida at saka bumaling sa dalagang nayon. “Suerte ako at nakasama ko kayong mag-tia.”

“ Bakit naman po, Senyora Marcaida.?“ tanong ni Lumin nang sila’y maupo sa harap ng hapagan. Bahagyang nabawasan ang kanyang kaba sa nakitang anyo ni Leo. Parang hindi siya kilala.

“Siempre, nakakalibre ako ng pagkain.”

“Tumatanaw lang po kami ng utang na loob.“ sagot ni Lumin.

“Tiempo lang ‘yon, Binibining dela Cruz. Talagang kukunin kita, kahit hindi ka napigurahan ni Garuda.“ sagot ni Marcaida, bago humigop ng kape na galing sa sinangag at pinaitim na bigas. Panay ang puri niya sa katutubong kape ng mga taga Isla Busuangga

Si Leo naman ay sumubo na rin matapos maghugas ng kamay sa isang lumbo. Halata ang kanyang kagutuman. Niwalang bahala ang kahihiyan. Ang mahalaga, magkalaman ang kanyang sikmura. Nasarapan siya sa nilagang itlog ng pato na ang sawsawan ay nilaga ring kamatis. Mayroon pang dinaeng na isdang gurami na umaayon din sa nasabing sawsawan. Sunud-sunod ang ginawa niyang pagsubo, ngunit lingid sa kanya, madalas siyang sulyapan ni Lumin.

“Gutom siya at parang galing sa sakit. Ano kaya ang nangyari sa kanya.? Bakit para siyang nabilad sa araw.? Namumula ang kanyang balat at kung hindi ako nagkakamali, may gatgat ng lubid ang kanyang mga kamay. Kawawa naman.“ usal ng dalaga at sinadyang dalangan ang pagsubo upang maraming makain si Leo.

“Ikukuha kita ng peon, para makatulong mo sa labor.” ani Marcaida sa binata, matapos nilang kumain.

Nasa labas na ang dalawang nakasalo ni Lumin sa agahan, patuloy pa rin ang kanyang pag-iisp. Gaano man katibay ang bulong kanyang puso, naroroon pa rin ang pag-aalinlangan. Baka hindi ang lalaking iyon ang nakahalik sa kanya. Kung iyon nga, bakit hindi siya binati o kakitaan man lang ng pagkagulat. Paano kung iyon nga.? Paano siyang maliliwanagan.? Sino ang magpapatunay upang pakinggan ang pintig ng kanyang puso.? Mahirap isipin. Nagkibit–balikat na lang ang dalaga at ipinagpatuloy na lang ang paghuhugas ng pinggan.

Samantala, magkatabing nakaupo sa lilim ng puno sina Garuda at Mostafa. Nakatanaw sila sa kubo ni Marcaida. Kumibo–dili. Matamlay at magsalita man ay may hinagpis.

“Kay sagwang isipin.“ ani Garuda. “Dalawang kilabot na mananandata. Ginulpe ng isang babae.! Ba-a-a.! Hindi ko matanggap.!“ ang sudlong at saka biglang tumawa kasunod ang biglang pagsimangot.

“ Hindi bale, napaghahawakan ko naman siya at nahalikan sa leeg.!“ kaagad na sagot ni Mostafa. Halata ang pagyayabang at pagmamalaki.

“Taranrtado.! Bugbog sarado na nga ang inabot ko, linamangan mo pa ako.! Dapat sana, ikaw ang nasa harapan at ako ang nasa puwesto mo.!“ inggit na angil ni Garuda, sabay singkil sa katabi.

Mangangatuwiran pa sana si Mostafa kung hindi niya nakita sina Sultan Kalagara at Datu Budjik. Nakaupo rin sa ‘di kalayuan at pangisi-ngising nakatanaw sa kanila. Agad niyang itinuro kay Garuda.

Gustong manlaki ang mga mata ng pinunong indones, ngunit hindi niya magawa pagkat namamaga pati ang talukap ng kanyang mga mata.

“Tiyak na gaganti ang mga ulol.!“ bulong pa ni Mostafa.

“Hayan na nga ang mga tarantado.!“ wari’y sindak na wika ni Garuda.

“Sino’ng lapastangan ang lumamutak sa makikisig ninyong mukha.?“ bungad ni Sultan Kalagara, kasunod ang alalay niya na lalong pinalaki ang mga mata sa pagdilat. Kunwa’y hindi nila nabalitaan ang mga pangyayari.

Parang mga pusang pumaligpig sa takot ang dalawang indones. Hindi makaimik. Wari’y mga santong tumingala sa langit at anyong nagdarasal.

“Sabihin ninyo kung sino.! Igaganti ko kayo.!“ kunway galit pang dugtong ni Sultan Kalagara at hinawakan pa ang puluhan ng kanyang kampilan.

Patuloy naman ang pandidilat ng mga mata ni Datu Budjik. Palipat-lipat ang tanaw sa dalawang indones. Malapitan. Anyong nasisindak at gusto pang umiyak.

“Pero, teka.!“ sabi naman ni Sultan Kalagara. “Magliwanagan nga tayo. Madali bang mag-alaga ng bukol.?“ tanong pang humahagikgik sa paraang masakit sa tainga.

Nakasimangot si Garuda. Ayaw isalubong ang paningin kay Sultan Kalagara. Nanatili siyang nakatingala at bumubulong na ‘di maunawaan.

“Teka nga’t mapigurahan ko kayong mabuti.!“ patuloy pa ni Sultan Kalagara at kay Garuda nakatingin. “Aba.! Bakit ganyan ang matatambok mong mata. Halos magsara at nangingitim ang paligid. Busarat ang ilong mo at nakabuyangyang ang butas. Naku.! Mas pangit pala ang anyo mong patagilid. Mahihiya ang namumusargang nguso ng kabayo. Siguro, ginawang kuskusan ng paa ni Marcaida, kaya umusli, ano.?“ tuluy-tuloy na tudyo ni Sultan Kalagara habang ang kanyang alalay ay namalagi lang sa pandidilat ng mata kay Mostafa.

Hindi makuhang magalit ang dalawang indones. Alam nilang gumaganti lang ang Sultan ng mga kalbo. Bilang sagot, parang mga asong ulol na tinahul-tahulan nila ang mga iyon upang tumigil.

“ Hayaan ninyo.! Igaganti ko kayo.! Nasaan si Marcaida.?“ sigaw pa ni Sultan Kalagara at anyong bubunot ng kampilan.

“Narito ako, Sultan Kalagara. Bakit.?“malakas ding sigaw ni Marcaida na kararating lang.

Uklo ang ulo at dahan-dahan napalingon si Sultan Kalagara. Nanlalambot na napahinaing at pakubling naupo sa likuran ng dalawang indones, kasunod si Datu budjik.

“Masyado kang matapang, Marcaida.! Balang araw, hahalakhakan ko ang iyong kayabangan. Tandaan mo ‘yan.!“ banta ni Garuda sa marahas na pagtindig. Tila ba sa oras na iyon, gusto na niyang makipagsubukan sa baril para makaganti.

“Bakit hindi pa ngayon.?“ sigaw ng babae.“ Kung gusto mo, sa pistol na lang tayo magduelo. Buangit.!“

Sandali lang, Marcaida. Kahapon pa ay Buangit na ang tawag mo sa akin.! Wala akong natatandaan at natitiyak kong hindi naituro sa akin ang katagang Buangit. Ano ba ang ibig sabihin ng Buangit.?“ may pagkatangang tanong ni Garuda at pilit na idinidilat ang namumulang mga mata.

Nawala ang galit ni Marcaida at halos masamid sa pinipigil na pagtawa. Nakita niya sa kilos ni Garuda ang kasigasigan sa pagtatanong. Sumagot siya . “Ang Buangit ay dalawang kataga na pinagsama. Ito ang buang at pangit. Ang ibig sabihin ng buang ay sira ang ulo. Hindi ba ganyan ka, Garuda.? Alyas Buangit.!“ sagot ni Marcaida at nairaos ang salita sa pamamagitan ng pagtawa at sa mabilis na paglisan.

Naiwang nakatunganga si Garuda. Inuusal ang katagang buangit. Ayaw sana niyang lumingon kay Sultan Kalagara, ngunit parang tuksong dahan-dahan din siyang bumaling upang tiyakin kung magiging katawa-tawa ang ipinangalan sa kanya ni Marcaida. Subalit sumalubong sa kanya ang isang malakas na halakhak.

“ Lintik din naman kung magbinyag si Marcaida, ano.? Parang kabayong Buangit.!“ sabi ni Sultan Kalagara at itinukod pa ang dalawa niyang kamay sa balikat ni Garuda upang makatayo.

“Nagsalita ang maluwang at ngiwing bunganga ng kalabaw.“ paismid na wika ni Garuda sa paraang madalang at mababa ang tinig.

Umanyong nasindak si Sultan Kalagara. Agad ikinuskos na paikot ang kanyang palad sa panot niyang ulo at saka humalinghing na parang kabayo, bago nagsalita. “Makaalis na nga.! May gagawin pa kami.“

“Bakit.? Saan kayo pupunta.?“ tanong ni Garuda.

“Kami ang inutusan ni Kenji, para manghuli ng kabayo. Pakisabi lang sa kanya. Ikaw, ang unang nadakma ko.!“

“Kalabaw.!“ pahabol na sigaw ni Garuda.

Humabol naman si Datu Budjik kay Sultan Kalagara, matapos ang bungisngisan nila ni Mostafa. Palihim ang kanilang pag-uusap. May sira daw sa ulo ang kani-kanilang panginoon.

Noon nama’y tinungo ni Marcaida ang kinaroroonan ni Kenji. Nakita niyang abala iyon sa pag-uutos. Inaapura ang mga manggagawa.

“Kailangan ko ang isang peon para mapadali rin ang pinagagawa ko,“ bungad ni Marcaida.

“Teka, ito ang kunin mo. Kahapon lang siya dumating.” ani Kenji, nang makita si Abueg. Pawisan at halatang pagod sa mabigat na gawain.

Matamang sinuri ni Marcaida ang taong tinawag ni Kenji. Naisip niyang katutubo at tipong masipag. “Magpunta ka sa kubong iyon. Tulungan mo ang taong naroroon.“

“Opo.!“ sabay tango ni Abueg at agad na lumisan.

Naiwan ang dalawang dayuhan sa ginagawang pintong bakod na yari sa mga punong kahoy. Matibay at hindi karakang mabubuksan. Nasisiyahan sila sa mabilis na pagkilos ng mga manggagawa.

“Kamusta ang pagkain mo roon.?” di kawasa’y tanong ni Kenji.

“Nagdala ng isang kabang bigas si Aling Moreng, at ilang kakataying manok. Hindi problema ang pagkain. Tulugan lang ang masikip.”

“Hayaan mo. Pagnatapos ang pagkukumpuni sa munisipyo, magkakaroon ka ng sarili mong silid.

“Saka na lang, Kenji. Kapag tapos na ang lahat. Talaga lang na hindi ako sanay sa maingay.“ ang sabi at siya naman ang nagtanong kung paano nairaraos ang pagkain at saan galing.

“BIgay ng mga mamamayan upang hindi raw gutumin ang mga trabahador.

Nagpapasalamat ako sa kanila pagkat kusa nilang inaako ang pagpapakain sa ating organisasyon, huwag lang daw silang sasaktan.“

“Sana nga’y matupad ang kanilang kahilingan. Pero, discumpiado ako sa grupo nina Kalagara. Sila ang magsisilbing mitsa upang lumagablab ang iniiwasan nating himagsikan.“ sabi ni Marcaida.

Napatulala si Kenji at kunot-noong sinarili na lamang ang gustong sabihin.

Sa ‘di kalayuan, narating ni Abueg ang kubong itinuro sa kanya. Malayo pa lang, natanaw na niya sa likuran ng kubo ang taong kanyang tutulungan. Doon siya nagtuloy at laking pagkamangha nang mapagsino niya si Leo. Napabulalas siya, sabay lapit sa binata. “Ba-Bakit naririto ka.?“ nangangatal pang tanong.

Kumunot ang noo ng binata. Hindi sumagot. Bumaling lang at saka pinagpatuloy ang ginagawa.

“Leo.! Hindi mo na ba ‘ko nakikilala.? Ako si Abueg.!“

“Tinawag mo akong Leo. Ngunit hindi kita kilala.!“ ang sabi at iwinaglit muna ang pagtitilad ng buho. Humarap siya sa kausap.

“May sakit ka, Leo. Wala ka sa iyong sarili.!“

Kung talagang kilala mo ako. Sabihin mo nga kung bakit napunta ako sa pinanggalingan kong pulo.?“ ang tanong kasabay ang pag-upo sa talaksan ng kugon.

“Leo, may sakit kang pagkalimot. Paano kang napunta rito.?“

“Ang tanong ko ang sagutin mo.!“ malakas ang tinig ng binata.

“Oo, Leo. Umpisahan natin sa simula. Pilitin mong gunitain.“ sabi ni Abueg, bago lumunok ng laway. Nilinga ang paligid at nakiramdam kung may tao sa loob ng kubo. Tahimik.

Ngunit naroon si Lumin, manaka-nakang minamasid si Leo at lihim na sinusubaybayan ang bawat kilos. Di kawasa’y dumating nga si Abueg. Lalong naging masigasig ang pagmamasid at pakikinig kung ano ang pinag-uusapan sa labas.

“Natatandaan mo ba ang tribo ng dignayan na gumala rito sa bayan.?“ tanong ni Abueg.

Napakislot si Lumin sa narinig niyang tanong. Dumalas ang kaba ng kanyang puso.

Kasabay noon ay umiling si Leo at ‘di umimik. Muling itinuloy ang pagbibiyak ng buho.

“Kasama mo si Perenya sa pagsasayaw.!“ mariing paliwanag ni Abueg.

“Wala akong nakikilalang Perenya. Ang tanong ko kanina ang sagutin mo.!“

“Si Pernya ay kasitahan mo. Nahilo siya kaya hinatid ko kayo sa Pulong Masle, ngunit nang ako’y magbalik pagkaraang maihatid ko sa siyudad ang tribo. Patay na si Perenya.“ mariin pa rin at madalang ang paliwanag ni Abueg.

“Ay Diyos ko.! nabiglang sambit ni Lumin at napapitlag pa sa pakikinig.

Hindi naituloy ni Abueg ang pagsasalaysay sa narinig niyang kaluskos. Luminga siya sa kubo at matagal na nakiramdam. “May tao sa loob. Mamaya na lang tayo mag-usap. Magtrabaho muna tayo.“ bulong pa niya sa pag-aakalang maging panganib kung malaman ng iba na buhay pa si Leo. Matibay ang hinala niyang naroroon ang mga salarin.

“Siya nga ang lalaking humalik sa akin.! Bakit namatay si Perenya.? Kawawa naman. O, Diyos ko.! Bakit nagkaganoon.? Talaga kayang kamukha ko siya.? malalaman ko ngayon ang katotohanan.“ bulong pa ni Lumin. Nagpahid ng luha bago luminga. Bakas sa kanyang mukha ang pangamba. Namumutlang ‘di mawari at sinadya niyang humantad kay Abueg.

“Ah-h-h.! Pe-Perenya.! Patay ka na.!“ sindak na bigkas ni Abueg. Nanlalaki ang mga mata. “Hu-Huwag mo akong takutin.!“ dugtong pang sabay kubli sa likuran ni Leo. Nanginginig.

Napangiti ang dalaga, bago nagwika. “Huwag kang matakot. Hindi ako ang kinatatakutan mo. Ako si Lumin. Talaga bang kamukha ko si Perenya.?“ bungad pang tanong ng babae. Mahinay ang pangungusap pagkat hindi makapagsalita si Abueg. Bagamat iba ang kausap, kay Leo siya nakatingin.

Nahimasmasan si Abueg sa kanyang narinig. Sinipat niyang mabuti si Lumin. Matagal hanggang sa mapangiti siya at nagwika. “Muntik na akong maniwalang may multo. Kamukha mo nga si Perenya.!“

Nakatitig lang si Leo kay Lumin. Walang bakas ng ano pa mang pagtatanong. Sumasalit sa kanyang gunita ang isang nakaraan, ngunit hindi niya mabuo dahil kulang pa ang daloy ng alaala sa kanyang gunita.

Napayuko si Lumin. Parang nahihiya siyang salubungin ang titig ng binata at baka biglang maalala na minsan ay nahagkan na siya nito. Upang mapawi ang kaba. Muli siyang nagtanong kay Abueg. “Ano ang ikinamatay ni Perenya.?“

Halatang bantulot sa pagsagot si Abueg. Nagtataka kung bakit kilala ng kanyang kausap si Perenya.

“Bago kita sagutin, gusto kong malaman kung bakit naririto ka.?“

Hindi nag-atubiling tumugon ang dalaga. “Ako’y bihag nila.“

“Naku.! Ba’t ‘di ka tumakas.? Sa ganda mong iyan, tiyak na kabi-kabila ang susuungin mong panganib.!“

“Gusto ko nga, ngunit mahirap mangyari. Laging nakabantay dito si Garuda, at nakapaligid pa ang mararahas niyang tauhan.“

“Paano ka nilang nabihag.?“ tanong pa ni Abueg bago luminga sa gawi ng kuta upang tiyakin kung sila’y nakakubli.

“Ganito ‘yon.“ simula ni Lumin at naupo sa bangkong kawayan na nakaharap kay Leo. Nagbuntong hininga at kahit lagom lamang ang salaysay. Nagliwanag sa dalawang lalake ang nakaraan.

“Nanganganib ka pala kay Garuda.?“ naunang sambit ni Leo.

Napangiti si Lumin sa pag-aalala ni Leo. Nakaramdam siya ng kasiyahan, at matagal na nagtama ang kanilang paningin. Di kawasa’y bumaling siya ka Abueg at nagwika. Hindi mo na sinagot ang tanong ko kanina.“

“Oo ng pala, pero umpisahan ko sa nakaraang pistang bayan.“ ani Abueg at agad dumaloy ang kanyang salaysay. Buod lamang at nagmamadali. “Nang ako’y magbalik sa Pulong Masle, ganoon na lamang ang sindak ko. Hindi ko nakayang dalhin ang kalungkutan. Una kong naalala ang kapakanan ni Leo. Ang kanyang kaligayahan. Paano kung magbalik na sa dati ang kanyang isip. ? Malulungkot siya.“ patuloy ni Abueg sa mahinang bigkas kay lumin upang ‘di marinig ni Leo.

Napayuko ang dalaga nang marinig ang buong salaysay. Gusto niyang dugtungan ang pag-iyak. Pinigil, ngunit garalgal na ang kanyang tinig. “Ka-kaawa-awa naman ang kamukha ko. Ba- Baka siya ang nawawala kong kakambal.“

Si leo ang lubos na nakakakilala kay Perenya. Ako nga pala si Abueg.

Ngumiti si Lumin. Hindi na rin pinansin ang pagiging katutubo ni Abueg. Kay leo siya napatingin. Nakita niya ang buong kaanyuan ng binata. Nakalilis na ang manggas ng damit at itinuping hanggang siko. Parang hirap sa pag-iisip at nakapako ang paningin sa gatgat ng kanyang kamay. Awang-awa siya. Kung maaari lang, ibig niyang haplusin ang balikat ni Leo. Amuin, ngunit hindi niya magawa, hanggang sa tumindig na lang siya at nagpaalam. “Baka abutan tayo ni Senyora Marcaida at isiping inaabala ko kayo.“

“Sandali lang.“ habol ni pa ni Leo. “Pakiulit mo nga ang iyong pangalan.“ ang sudlong at bahagya pang napasunod. Wari’y hindi niya narinig ang nasabing pangalan at iba pang pag-uusap dahil abala ang kanyang isip sa paggunita kung ano ang nangyari sa kanya, o sadyang madali siyang makalimot.

“Ako si Lumin.“ may ngiting sagot ng dalaga. Para siyang nagagayuma sa titig ni Leo. Nakakatulala hanggang sa mapadako ang tingin niya sa labi ng binata. Lalo siyang kinabahan, ngunit dumating ang sandaling bigla siyang natauhan. Mabilis na tumalikod at pumasok sa kubo. Doon ay habol ang hiningang hinaplos ang kanyang labing nahagkan na ni Leo at saka napausal. “Ano ba ang nangyayari sa akin. Nakakahiya.“ at napasandal pa siya sa pintuang kasasara lamang.

Hindi nagtagal, dumating si Aling Moreng. Sumalubong sa kanya si Lumin upang akuin ang pagsasampay ng labada.

“Inang, tapos na kaming kumain ni Senyora Marcaida. Kumain ka na rin po.” habol pa ng dalaga sa matandang pumasok sa kubo.

Naging abala kay Lumin ang ‘di niya mapigilang pagsulyap kay Leo, habang nagsasampay ng damit sa masangang halaman. Hindi mapawasto ang kanyang ginagawa. “Mahina pa rin ang kanyang katawan at ‘di dapat mapagod.“ bulong pa niyang bakas sa mukha ang habag. Nag-aalala, gusto niyang alagaan hanggang sa lumakas.

Tanghaling tapat na nang dumating si Marcaida, kasunod ang isang tauhang singkit. May bitbit na pagkaing nakabalot sa dahon ng saging.

“Kumain muna kayo.” anang espanyola sa dalawang anluwaga, bago pumasok sa kubo.

“Kakain na tayo.“ salubong ni Lumin.

“Aba.! Tiempo pala ang dating ko.!“

“Upo ka na Senyora Marcaida.“ alok din ni Aling Moreng. “Tikman mo ang tinolang manok ni Lumin.“ dugtong pa niya nang matapos ang paghahanda sa hapag kainan.

Palagay naman ang loob na dumulog si Marcaida, kasunod ang paghigop ng sabaw. Ngumiti at nagwika. “H-m-m-m. Malinamnam. Magaling ka palang kisinera, Binibining dela cruz. Bigla akong ginutom.!“

“Hindi naman po. Mabuti lang sa wala tayong ulam. Siyanga po pala, Senyora Marcaida. Isinahog ko sa pananghalian ‘yong dalawang anluwage.“

“Nagdala na ako ng pagkain nila.“ ani Marcaida. “kaya lang, ang ulam ay daeng na isda at gulay na nilaga.“

“Ganoon po ba.?“ matamlay na sagot ni Lumin at para siyang nawalan ng ganang sumalo sa dalawang kumakain. Tamilmil at wari’y ‘di mapakali. Tumindig siya at nagwika. “Marami naman ang ulam, mabuti pa’y bigyan ko sila.”

“ Dagdagan mo Lumin. Kawawa naman sila. ayon ni Aling Moreng.

“Kailangan niyang makahigop ng sabaw.“ bulong ni Lumin at pinuno ng ulam ang isang tason bago lumabas.

Napasulyap ang dalawang lalake sa paglapit ng babae. Agad nag-alok ng pagkain si Abueg at napasunod si Leo.

“Salamat.“ ani Lumin. “May dala nga ako, para sa inyo. Kahit ganito lang, karagdagan din sa inyong ulam.” nakangiti pang dugtong at inilapit ang hawak na malaking tason. Nanginginig ang kamay at kinakabahan.

Agad namang inabot ni Leo, sanhi upang magkalapat ang kanilang kamay.

“Maraming salamat din.” sabi pa niya at parang ayaw nang ilapag ang ulam pagkat nadarama niya ang kamay ng dalaga.

Nakatingin lang si Abueg. Nag-iisip. Para bang si Lumin ang sagot sa suliranin niya kay Leo, pagkat magkamukha sila ni Perenya.

“Si-Sige na, kumain na kayo.” ani Lumin at marahang inalis ang dalawa niyang kamay na humahawak sa lalagyan ng ulam. Halata ang kanyang kaba.

Pagkatapos ng pananghalian at makapagpahinga si Marcaida, lumabas siya upang tingnan ang kanyang pinagagawa. “Mabilis pala kayong magtrabaho. Matutulugan na ba ito mamayang gabi.?“ tanong pa niyang kay Leo nakatingin.

Si Abueg ang sumagot. “Maaari na po.“

“Siyanga, hombre.?“ nasisiyahang sabi ni Marcaida at namalagi ang tanaw kay Leo.

Tumango pa rin si Abueg kahit halata niyang hindi siya ang talagang kausap. Naniniyak pagkat maliit lang naman ang idinugtong. Madali pang mag-atip at magdingding ng kugon pagkat inipit lang sa magkabiyak na buho. Ganoon ang bahay nila sa tribo ng dignayan.

“Bukas, puede mo na siyang iwan.“ ani Marcaida at noon lang bumaling kay Abueg.

Muling tumango ang naturang katutubo, ngunit halata ang pananamlay. Alam niyang sa kuta siya ibabakik at mabigat ang gawain doon

Walang kibo si Leo. Tahimik lang sa pagtatali ng yantok sa buho. Hindi niya pansin si Marcaida at ni sulyap ay ‘di niya ginawa, kahit alam niyang pilit siyang inuusig ng tingin at pilit ding kinikilala sa pamamagitan ng hinala.

“Suliranin na lang ang tulugan niya mamayang gabi. “ sabi ni Marcaida at iningusong paturo si Leo. “May tinutulugan ka ba rito.?“ tanong pa kay Abueg.

“Wala po. Kagabi, sa lilim lang ng punong kahoy ako natulog. Ewan ko lang kay Leo kung gusto niya ang ganoon. “

“Leo ang pangalan niya.? Paano mong nalaman.? Sino’ng nagsabi sa’yo.? SIya ba si Leo Ladoza.?“ sunud-sunod at walang patlang na tanong ni Marcaida. Wari’y totoo nga ang kanyang hinala

Nabigla si Abueg sa binanggit niyang pangalan. Natatakot siyang maurirat at baka mahalata kung siya’y magsisinungaling.

Kinabahan din si Lumin. Kanina pa siya nakikinig sa kabilang dingding. Hindi niya matiyak kung may panganib, ngunit kailangang lakasan niya ang kanyang loob sa pagsasabi ng kahit hindi totoo sa kapakanan ni Leo. Nag-aalala siyang baka malito si Abueg sa pagsagot at malaman ng mga kilabot na nakaligtas ang binata sa kabilang pulo. Agad siyang lumabas upang magpaliwanag, ngunit naunahan siya sa pananalita.

“Leo ba ang kanyang pangalan.? Siya ba si Leo Ladoza.?“ ulit na tanong ni Marcaida pagkat hindi siya masagot ni Abueg.

“Ako po ang nagbigay ng pangalan sa kanya.“ sabad ni Lumin. “Hindi ko po alam at hindi rin daw niya alam ang kanyang pangalan, kaya tinagurian ko siyang Leo. Kapangalan ng taong malapit sa aking puso.“ nahihiyang sudlong ni Lumin.

“Ganoon ba.?“ ani Marcaida at isinaisang tabi na lang ang hinala. Gayon man, gusto pa rin niyang makatiyak. “Ikaw.! Bakit ‘di ka makasagot sa tanong ko.?“ baling pa niya kay Abueg.

“Kasi po. Baka magalit sa akin si Lumin at magalit din kayo sa kanya, dahil hindi totoo ang pangalang Leo. Birong bansag lang po namin sa kanya.“ pakikiayon ni Abueg. Ngayon lang siya nabuhayan ng loob sa pagsagip ni Lumin.

Tumangu-tango lang si Marcaida at tinanggap ang nakikiayong paliwanag. Bumaling na lang siya sa makisig na binata at muling sinipat sa tingin bago nagtanong. “Kung talagang mali ako sa aking hinala. Ano’ng panglan mo.?“

Kumunot ang noo ni Leo. Nagbukas ng kalahating mata kay Marcaida na parang naiinis. Hindi umimik at pinagpatuloy na lang ang ginagawa.

“Sa ganoong ‘di pagpansin ni Leo, tumawa lang si Marcaida at si Lumin naman ang pinasaringan.“ May Leo ka palang malapit sa iyong puso.?“ saka siya kumindat-kindat bilang panunukso.

Tipid ang tawa ni Lumin. Tinakpan ng palad ang kanyang bibig at saka sumagot.

“Noon pa po iyon, Senyora. Ngayon, wala na po.“ ang sabing wala na pagkat hindi siya kilala ni Leo.

Muling tumawa si Marcaida. Hindi na pinansin ang sinabi ni Lumin. Itinutok na lang ang pansin kay Leo.

“Senyora. Sa palagay ko po. May sakit siyang amnesia. Nahihirapan siyang gunitain ang lumipas.”

“ Seguro nga , Binibining dela Cruz. Pero, malaki ang hawig niya kay Leo Ladoza. Ang kampeon sa paghawak ng baril at tumalo sa kapatid ni Garuda.”

“Baka hindi naman po siya.?“ sabi ni Lumin. Hindi na gaanong pinansin ang sinabi ni Marcaida pagkat ‘di niya lubos na kilala ang pagkatao ni Leo.

Ngunit hindi si Abueg. Nagimbal siya at naalala ang kapatid ni Turla. Ang taong kapangalan ng kilabot na nasa kuta. Naghinala siyang taga ibang bansa ang mga iyon, lalo na si Marcaida.

“Ang mabuti pa po, Senyora. Bago dumilim, magpagawa ka ng kahit habong lamang na maaari nilang tulugan.“ mungkahi ni Lumin upang mapigil ang pagbaling ni Marcaida at makita ang pamumutla ni Abueg.

“Ano ang habong, Binibining dela Cruz.?“

“Iyon po ay silungang may atip. Maaring dalawa o apat ang haligi. Walang dingding at sahig.“

“Saan sila mahihiga.?“ tanong pa ng espanyola.

“Sa pamamagitan po ng buho, maaari silang gumawa ng banig na sawali.“ sagot ni Lumin na sadyang inantala ang mga sandali.

Nang bumaling si Marcaida kay Abueg. Wala na ang pamumutla. Nakabawi na sa pagkabigla ang binatang katutubo.

“Kung gagawa kami ng habong , maaari po bang dito na rin ako matulog.?“ tanong ni Abueg kay Marcaida.

“Sige, pero sa araw, doon ka sa kuta, at ang tinatawag ninyong si Leo ang magiging salvaguardia ko rito. Siyanga pala, Abueg. Lagi mo kaming sasalukan ng tubig.

Nagdaan ang mga oras. Habang lumalalim ang gabi, lalong nangingibabaw ang malakas na paghagok ni Abueg kaysa sa mga manggagawang naglalamay sa kuta. Nakahilata siya sa bunton ng kugon.

Gising pa rin si Leo. Nakaupong sapupo ang ulo. Pilit niyang ginugunita ang nakaraan. Dahil doon, halata sa kanyang mukha ang paghihirap ng damdamin.

Gising din sa loob ng kubo ang dalawang dalaga. Abala si Marcaida sa pagbulatlat at pagpili ng kanyang damit. Si Lumin naman ay patingin-tingin lang kay Marcaida. Hindi kumikibo, ngunit nag-iisip kung tama ang kanyang hinala.

Isang makapukaw paninging tabas ng damit ang iniwalay ni Marcaida. Ngumiting palihim at panakaw ang ginawang sulyap kay Lumin, bago nagwika.

“Matulog na tayo.“

Tumindig si Lumin upang hipan ang gasera. Nasa loob na sila ng bagong dugtong na silid at tabi sila ni Marcaida sa isang malaki at dinugtungan ding papag na yari sa kawayan. Bago ‘yon, sumulyap muna siya sa munting durungawan at may habag sa pusong hinagod ng tingin ang tila nalulumbay na si Leo.

Kinabukasan, maagang naglunoy sa batis ang dalawang dalaga. Pilit na pinagamit ni Marcaida kay Lumin ang isa niyang pampaligo. Parang mamamatay sa hiya ang huli, danga’t hindi niya masuway ang una sa pangambang ibalik siya kay Garuda

“Pambihira ang kagandahan mo, Binibining dela Cruz. Tiyak na maloloko si Garuda sa suot mong bikini na halos hubad ang buo mong katawan.

“Huwag naman po sanang mangyari ‘yon, Senyora. Ayokong may makakita sa ayos kong ito. Sana po. Nagtapi na lang ako.“ sabi pa ni Lumin at lalong inilublob sa tubig ang kanyang katawan.

“Talagang makaluma ka, Binibining dela Cruz. Karamihan sa babae, inihahantad ang kagandahan, pero ikaw ay kaiba.“ ang sabi at tumawa pa si Marcaida. “Hangga’t nasa akin ka, tuturuan kitang maging moderna.” dugtong pa sa paglangoy na paikut-ikot sa ulunan ni Lumin.

“Hu-Huwag na lang po sana, Senyora. Ayokong magbago ang kinagisnan kong ugali, sana…”

“Hindi bale, Binibining dela Cruz.“ agap ni Marcaida. “Kung ayaw mo, ibubuwelta na lang kita kay Garuda. Alam kong pangarap niya ang magkaroon ng esposang conservativo.“

Napayuko si Lumin. Sumayad ang labi niya sa tubig at nalarawan ang lungkot sa maamong mukha. Napilitan siyang pumayag.

Lihim namang napangiti si Marcaida at ang kasunod na pagtawa ay inilublob na lamang sa ilalim ng tubig. Ang sinabi niya’y panakot lamang at talagang hindi niya gagawin. Gusto lang niyang takawin si Garuda at saka biglang uurungan.

Nang mga sandaling iyon, patuloy ang mabilisang paggawa sa kuta. Natatakot silang malatigo ni Garuda. Hindi maaaring magpahinga ang isang manggagawa. Bawat bahaging mayari nila ay libong kasiyahan sa mga kilabot, ngunit iba ang damdamin ng mga mamamayan. Ang bawat patak ng pawis at dugo nilang dumidilig sa tigang na lupa ay siyang sagisag mg kanilang kaapihan. Tungo ang ulo ng mga manggagawa at mistulang alipin na ‘di makasuway sa sandatahang lakas ni Kenji.

Ngunit iba si Pandong panday. Kilalang pinakamalakas na tao sa Isla Busuangga. Nangangalit ang kalam’nan niyang tila pinanday ng kalikasan. Tumigas na parang bato at namumutok sa pagkakaigting. Halata sa kanyang kilos ang masidhing poot sa bawat hataw ng kanyang maso. Ang tamaan ay sumasambulat kahit gaano kalaking bato. Nanlilisik na ang kanyang mga mata at tila sa oras na iyon, siya ay maghuhuramentado. Ang galit ay lalo pang sumidhi nang makitang naglalakad ang dalawang indones sa makipot na paligid. “Gigibain ko ang dibdib mo, Garuda.!“ bulong pa niya, sabay paikot ng maso sa pamamagitan ng dalawang kamay. Sanay siya sa paghawak ng maso at asintado sa gustong balibagin.

Nauuna si Garuda sa paglakad. Kasalukuyan silang nagdaraan ni Mostafa sa makipot na siwang o pagitan ng mga trosong nakabunton sa lupa. Binibilang nila kung kakasyang gawing bakod.

Iyon ang sinamantala ni Pandong. Binilisan ang tila binuhawing maso nang matapat sa pakay. Binitawan at tuluy-tuloy sa tamang puntirya.

Nanlaki ang mga mata ni Garuda sa nakitang papalapit na maso. Hindi siya makakailag pagkat gipit ang kanilang kinaroroonan ni Mostafa. Iglap lang ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok mula sa baril ni Garuda.

Tumulong din si Mostafa at natadtad ng punglo ang maso. Hindi nakuhang makalapit pagkat gumewang bago bumagsak sa lupa.

Bahagyang nailang si Pandong. Naklita niyang binangga ng maso ang lahat ng punglong dapat sana ay nanalunton sa kanya.

“Tarantado.!“ nangangalit na sigaw ni Garuda, sabay ang muling pagkalabit ng gatilyo upang ang panday naman ang patamaan. Subalit walang putok na narinig. Ubos na ang bala ng kanyang baril. Gayon din ang alalay niyang nasa likuran.

Mabilis na humarang si Pandong sa daraanan ni Garuda. Malakas na kinabog ang makapal niyang busto, kasabay ang sigaw. “ aya ba ninyong gibain ang katawan ko kung hindi kayo gagamit ng baril.? Kayo ba’y mga lalaking lumalaban ng parehas.? Sige.! Magkarga kayo ng bala at ipakikita ko sa inyong handa akong mamatay sa pagtatanggol ng aking karapatan.!“ dugtong pa ni Pandong na umiigting ang ugat sa leeg. Kumikinig ang namimintog niyang laman sa matinding galit

“Tarantado ang tarantadong ito.! Masyadong madaldal.! Pagbibigyan kita.!“ Nakangising wika ni Garuda at hinudyatan ang mga tauhan niyang nakapaligid na huwag makialam.

“Paalala lang Garuda.“ ani Mostafa. “Matagal magpaliit ng bukol. Sa katunayan, hindi pa nga lubusang umiimpis ang mga bukol na itinanim sa atin ni Marcaida, madaragdagan pa. Nakita mo naman kung paanong ipagbalibagan ng taong iyan ang malalaking tipak ng bato.!“

“Oo nga, ano.? Baka lalong masira ang kagandahan kong lalake. Mabuti pa. Ipahiram mo sa kanya ang iyong baril at maglalaban kami ng parehas.!“

“Iyan ang tama, Garuda. Lagyan natin ng tig-isang bala ang gagamitin ninyong baril, para matauhan sa impiyerno ang ulol na ito.! Lalaban ka ng barilan.?“ tanong pa ni Mostafa kay Pandong habang naglalagay ng isang bala sa kanyang baril.

“Oo.! Para maipakita ko sa inyo na ayokong maging alipin sa sarili kong bayan.! Akin na ang baril.!“ gigil na sigaw ni Pandong at akmang dadaklutin ang hawak ni Mostafa.

“Hintay.!“ malakas na sigaw ni Kenji sa paglapit at hinudyatan si Mostafa na huwag ibigay ang baril. “Nakita ko ang buong pangyayari. Ayokong mabawasan ang manggagawa rito. Ikaw, Lalake.! Gusto ma bang ipaglaban ang iyong kalayaan.? “ dugtong pang tanong, sabay tanto ng hintuturo.

“Oo.! Kahit sino sa inyo.!“ pabulyaw na sagot ni Pandong.

“Bibigyan kita ng pagkakataon, Lalake. Pag nagtagumpay ka, maaari ka ng umuwi. Pero, pag natalo ka, tuloy ang trabaho mo rito.!“

“Payag ako.! Gusto ko’y barasuhan lamang.!“ anang panday at lalong pinapintog ang kalam’nan sa kanyan dibdib.

“Garuda.! Kaya mo bang sumagupa sa taong ito.?“

Atubili sa pagsagot ang tinanong. “E, Kenji. Tipong hindi tinatablan ng buntal ang tarantadong ito. Buti pa kaya, bala ang gagamitin ko.“ ani Garuda at biglang tumawa, matapos lagyan ng isang bala ang kanyang baril.

“Huwag na lang, Garuda. Hindi ka nga uubra kung wala kang hawak na baril.!“ nanunuyang sabi ni Kenji, saka nagtanong kay Nau. “Baka gusto mo.?“

Agad tumango si Nau. Nakatawang lumapit kay Pandong at hinudyatang sila ang maglalaban. Yumukod rin siya bilang paggalang sa kalaban.

Umungol lang si Pandong. Dalawang kamay na kinabog ang dibdib at umastang dadaklutin ang kalaban. Bawat hakbang niya’y nagbibigay ng mabibigat na bagsak ng paa.

“Masubukan nga ang taong ito.!“ sabi ni Nau at gumitaw sa kanyang mukha ang akmang pagsigaw, tanda ng pananalasa.

Bumaba ang mga kamay ni Pandong. Handang salubungin ang paglapit ng kalaban. Matatag at kumikinig ang laman.

Kisap-matang dumaiting patalikod si Nau kay Pangong , kasabay ang pagsigaw. Umigkas ang kanyang kanang kamay. Siningkil sa dibdib ang kalaban, ubos-lakas, katulong ang kaliwang palad na ginawang pantulak sa siko ng kanyang kanang kamay, ngunit kumabog lang ang dibdib na tinamaan.

Tumawa lang si Pandong at pabayong binatukan si Nau.

Napasubsob sa lupa ang singkit na alalay. Mahilu-hilong pinanay ang pilig ng ulo upang iwaglit agad ang sakit ng batok.

BIglang humalakhak si Garuda. Bigla ring tumigil at payukong sinilip ang mukha ng karatista upang mangantiyaw. “Bangon, Nau,! Hayan na ang taong bato.!“ sigaw pa ng indones.

Agad namang umigpaw ang maputing singkit at karakang sumipang patalikod.

Tumama sa mukha ni Pandong ang paa ni Nau, ngunit bahagya lang siyang natinag, kasabay ang nabigong pagdaklot sa paa ng kalaban na kung gaano kabilis ang dating sa kanya, ganoon din sa pagbalik.

Muling sumalakay ang karatista. Parang ulan ang suntok. Sinagadsad ang mukha ng panday. May bayo ng kamao at panagang palad.

Nalito si Pandong. Lumaban ng sabayan at isang pabalagbag na suntok ang dumaplis sa balikat ng singkit.

Umikot si Nau. Gumulong sa malayo at bumalandra sa bunton ng troso.

Muling humalakhak si Garuda. Biglang tumigil at nagtatalon sa tuwa.

Sumagad ang galit ni Nau. Parang lumiit ang tingin niya kay Pandong. Alam niyang hindi tatablan ang kalaban kung isang paa lang ang kanyang ipangsisipa.

Mistulang palasong humaginit si Nau. Umangat sa lupa at nagbigay ng sipang lumilipad sa kalaban. Sagad sa lakas at dalawang paa na ang kanyang ginamit.

Tumama sa dibdib ni Pandong ang makabasag na sipa ni Nau. Ilang ulit siyang napaubo. Napaatras at parang pusang nangalisag ang balahibo sa matinding galit.

Muling inulit ni Nau ang kanyang ginawa, ngunit sa ganoong pagkakataon, handa ang kanyang kalaban. Hindi siya nakaiwas sa tila bakal na daliri ni Pandong.

Nadaklot ang dalawa niyang paa at makalawang ulit siyang pinaikot, bago ibinalibag sa malayo.

Dahil sa lakas ni Pandong, lumagpas si Nau sa talaksan ng mga troso at bumagsak sa kabilang panig.

“Patay.! Patay na si Nau.!“ malakas na sigaw ni Garuda at nanguna pa sa paghanap kung saan bumagsak ang singkit. Pumakabila siya sa mga troso, kasunod si Pandong na lalong pinaalsa ang dibdib.

“Kung buhay ka pa.! Tatapusin na kita.!“ tumatawang sigaw ni Pandong sa akalang malaya na siya. Masigla ang kanyang paglinga sa paghahanap, ngunit para namang kinain ng laho ang gusto niyang makita.

“Wala.! Wala rito ang tarantado.! Saan kaya bumagsak.?” sabik namang wika ni Garuda at nakihanap na rin ang kanyang mga tauhan.

Panatag lang si Kenji. Hindi umalis sa kinatatayuan pagkat sa liksi at talas ng kanyang mga mata, nakita niya ang palihim na pag-akyat ni Nau sa ginagawang tore. At ngayon, nakita pa rin niya ang ginawang pagtalon na animo’y nakatalungko.

Si pandong ay nakatayo sa ibabaw ng mga troso. Panay ang sigaw kung saan bumagsak ang kalaban. Hindi niya alam na sa kanya babagsak ang dalawang paa ng karatista.

Pabulusok ang bagsak ni Nau. Ang timbang ng kanyang katawan ay lalo pang bumigat sa pababang higop ng lupa mula sa itaas.

Nayanig ang magkabilang balikat ni Pandong sa sikad at bigat ni Nau. Parang napunggal ang ugnayan ng kanyang mga buto. Animo’y nalansag din ang matibay niyang busto. Napatulala at nanghihinang bumagsak sa bunton ng mga troso. Nakatihaya.

Kasabay din noon, lalong nagpakita ng galing si Nau. Nagpasirko-sirko hanggang makababa sa lupa. Yumukod pa mandin sa harapan ni Garuda. Ibig sabihin, tapos na ang kanyang tungkuling dapat sana, ang barilerong indones ang tumupad.

Nanlilisik ang mga mata ni Garuda sa inanyo ni Nau. Para siyang nainsulto, lalo na nga’t nabigo siyang matatalo si Nau. Gusto niyang mapahiya si Kenji sa ipinagmamalaking kahusayan sa karate. Mabilis siyang lumisan, at lalo pang naragdagan ang galit niya nang masalubong si Kenji. Nakangiti sa kanya at tila may ibig sabihin. “Tarantado.! Pag tayong tatlo ang nagkaharap, poporma pa lang kayo ni Nau, butas na ang noo ninyo sa aking bala.! Bulong pa ni Garuda habang papalayo upang maupo sa nakagawian niyang lilim ng punong kahoy.

Pagkaraan, nabigla pa si Garuda nang mapasulyap sa kubo na lagi niyang tinatanaw. Nanlaki ang kanyang mga mata at halos matuyot ang lalamunan sa sunud-sunod na paglunok.

Sa harapan ng kubo ay matatanaw ang dalawang naggagandahang katawan ng babae. Sila’y sina Marcaida at Lumin. Nagpapaaraw sa nakalatag na malaking tuwalya. Ang una’y nakatihaya at ang ikalawa’y nakadapa. Hindi malaman ng dalagang Guro ang kanyang gagawin pagkat ang gayong pangyayari ay itinuturing niyang kahalayan.

“Tarantadong pagkakataon.!“ nakatawang wika ni Garuda. “ Naka-bikini ang bata ko, at si Marcaida.!“ dugtong pa niyang napatayo, kahit pababa ang tanawin sa kubo. Agad rin niyang nalimutan ang galit kay Kenji.

“Nasaan.?“ pasugod na tanong ni Mostafa sa pagsunod.

“Hayun.! Sige.! Magpakasawa ka sa katawan ni Marcaida.!“

Napasipol pa si Mostafa bago nilagpasan si Garuda at nagwika. “Sayang, malayo sila. Pero, katawan. Maputi.! Lalo na ‘yong bata mo.! Ang ganda.!“

“Tarantado.! Si Marcaida lang ang tingnan mo.! Halika, lumapit tayo.!“

“Ayaw.!“ takot na sabi ni Mostafa.“ Baka maulit na naman ang galit ni

Marcaida.”

“Oo nga, ‘no.? Baka karate na naman ang abutin natin.! Ano kaya ang mabuting paraan para makita natin sila sa malapitan. ? Ah.! Alam ko na. Dali.! Kumuha ka ng largabista.!“ nasasabik na wika ni Garuda.

“Tama ang naisip mo.!“ nakatawang sabi ni Mostafa at naghampasan pa ng palad ang dalawang indones bago tumalima ang inutusang patungo sa kuta.

“Hoy.! Huwag kang pahahalata sa mga tarantadong dayukdok.! Baka magsunuran dito.!“ habol pang hiyaw ni Garuda.

May katagalan din bago nakabalik si Mostafa. Panay ang tigil sa paglakad. Laging nasa mata ang largabista at kinikilig sa tuwa.

“Tarantado.! Bilisan mo.!“ bulyaw ni Garuda.

Napatakbo si Mostafa. Tuluy-tuloy at muntik pang masubsob sa dahilang ayaw alisin sa mata ang nasabing panilip.

Agad sinunggaban ni Garuda ang isang largabista, habang nagsasalita. “Huwag mong sisilipan ang bata ko. Pupukpukin. kita.!“

Kapagkuwa’y humanap pa ng magandang puwesto si Garuda. Sinadyang maupo sa damuhang natatabingan ng ibang halaman. Sumilip ngunit biglang napairi sa panghihinayang. Gustong mapabulalas pagkat nakapasok na sa kubo ang mga babae.

“Wala na sila.!“ kunwa’y nanlalambot na sabi ni Mostafa.

“Tarantado ka kasi.! Bakit ang tagal mong dumating.?“

“Kasi, wala akong makitang largabista. Iyon pala, ginagamit ng mga dayukdok sa tore. Naninilip din. Mas maganda raw ang bata mo.!“

“Ano.? Sinilipan nila ang bata ko.?“ hinagpis ni Garuda. Hindi maipinta ang mukha sa sama ng loob. Pagdaka’y sinipat ng masamang tingin ang mga nasa tore at isa-isang inambaan ng suntok, habang lihim siyang tinatawanan ni Mostafa.

Samantala, pumanatag lang ang loob ni Lumin nang makapasok na sila ni Marcaida sa kubo at karakang makapagbihis. Hiyang-hiya siya kay Leo. Nangangambang baka nakita siya sa ganoong ayos na nakabikini. Ang isipin na lang ang isang bagay. Ang tagurian siyang nang-aakit ng lalake. Gayon man, natitighaw ang kaba niya kapag naiisip na nasa likod ng kubo si Leo at minsan man, hindi niya nakitang nagsamantala ng pagkakataon. Laging nakatalikod sa kanya at nakaupong nag-iisip.

“Magpalit ka ng damit. Ito ang isuot mo, bagong tabas ang moda at tiyak na babagay sa iyo. “ pautos na wika ni Marcaida sa Guro.

Natatakot na tumanggi si Lumin. Ayaw niyang maibalik kay Garuda. Tiim ang mga labing sumunod na lang sa mestisang espanyola. Sa totoo lang, kahit sa babae, nahihiya siyang makitang naghuhubad.

Nakamasid lang si Marcaida, habang nagbibihis si Lumin. Madalas siyang lumingon sa durungawan na para bang may hinihintay, bago nagwika, “Higit kang gaganda sa kasootang iyan, kaysa sa hinubad mong lumang modelo. Tiyak na mauulol si Garuda pag nakita ka sa malapitan.“ ang sabi pa pagkat kanina, nakita niyang nanghahaba ang leeg ni Garuda sa pagtanaw, at saka lang sila pumasok sa kubo nang makita niyang may dalang largabista si Mostafa.

Gustong umiyak ni Lumin. Pilit na itinataas ang maluwang na tabas ng damit sa kanyang dibdib. Nasasagwaan siya sa halos kalahati ng ng kanyang dibdib ay nakahantad. Ibang-iba sa damit niyang nakagisnan na hanggang leeg ang tabas. Ngayon, kahit sa dapyo ng hangin, para siyang nahihiyang madampian at masaling man lang ang pinakatatago niyang dibdib.

Natatawa lang si Marcaida sa kilos ng kanyang kasama. Naisip niyang totoo ang balitang mahinhin ang dalagang silangan. Para siyang naiinggit. Sana, noon pa. Ginawa din niya pagkat may dugo rin siyang silanganin. Nagkibit-balikat na lang siya bago nagwika. “Ngayon nama’y lalagyan kita ng papula sa mukha. Aayusin ko rin ang buhok mo.“ dugtong pang kasabay ang paglabas ng kanyang mga gamit

Nagtataka naman si Lumin kung ano ang talagang pakay ni Marcaida at bakit pilit siyang inaayusan. Ayaw niyang isipin na baka tama ang kanyang hinala Ang alam niya’y takot siyang makaharap si Garuda. Nagbuntong hininga na lang siya at saglit na luminga sa maliit na durungwan. Nakita niya si Leo. May kung anu-anong ginagawa sa utos ni Marcaida. Naisip din niyang baka narinig ng binata ang pag-uusap nila sa loob ng kubo.

Matagal din bago naayusan ni Maraida si Lumin. Hindi mapaknit sa kanyang paningin ang kagandahan ng Guro. Sa katunayan, ngayon lang siya humanga sa tulad niyang babae. Talagang kaiba ang nahantad na kariktan ng dalagang nayon. Natangay ng papuri ang kanyang salita. “Ito ang gusto kong mangyari. Tatakamin natin si Garuda. Parang nakikita kong lalapit siya rito, pagkat bitin ang hangarin niyang makita ka sa malapitan. Huwag kang matakot. Ako’ng bahala sa’yo.”

“A-Ang ibig po ninyong sabihin, aakitin ko siya.?“ nanginginig na tanong ni Lumin, pagkat tumama ang kanyang sapantaha.

“Necesario, Binibining dela Cruz. Gusto kong maghirap ang kanyang kalooban. Ang maulol sa pagnanasa. Talagang mabigat ang dugo ko sa kanya. Akala seguro ng buangit, hindi ko alam ang pag largabista niya sa atin“

“Diyos ko.! Parang katabi lang natin siya kanina. K-Kung maaari lang po sana, Senyora. Dito na lang ako sa loob ng kubo.“

Hindi sumagot ang tinanong. Bagkos ay sumilip lang siya sa malaking durungawan sa harap ng kubo.

“Baka mag-isip ang mga kababayan ko, at bigyan ng kahulugan ang ayos kong

Ito.“ sumamo pa ng Guro sa ‘di pagsagot ng kausap at lagi ring nakatakip ang kanyang kamay sa tapat ng maalindog niyang dibdib.

Anyong nag-isip si Marcaida bago tumango. Ang dahilan, aninag na ang katuparan ng kanyang balak. Nakita niyang papalapit si Garuda at may kasamang kung sino. Tumalikod siya sa durungawan at kunwa’y patuloy niyang inaayusan ang buhok ni Lumin, ngunit sa sulok ng kanyang mga mata, naroroon ang matalas na pakiramdam. Umilap ang kanyang paningin nang maramdamang nasa harapan na ng durungawan ang kanyang hinihintay. Parang limbas siyang umikot saba’y bunot ng baril, at tangkang gulatin si Garuda. Subalit siya ang muntik ng masamid. Nabigla siya sa kanyang nakita.

Isang tauhan ni Garuda ang biglang kumalabit ng gitara at pumailanlang ang magulo at napakabilis na pasakalye. Siya ay si Buryas. Ang pangatlong pistolero ng mga indones

“Manghaharana kami sa bata ko, Marcaida.!” dagling wika ni Garuda at noon lang humarap sa durungawan pagkat kasalukuyang kinukumpasan nila ni Mostafa si Buryas sa paggigitara at hindi nila nakita ang bilis ni Marcaida sa pagbunot ng baril. Kapagkuwa’y bigla ring sinabakan ni Garuda ang pagkanta kahit wala pa sa tiyempo ng gitara. Isang masiglang himig ang binanatan. Pabagsak-bagsak ang kataga ng Bahay Kubo na sadyang inangkop ni Garuda sa bahay kubo ni Marcaida at sa mga halamang gulay na sari-sari sa paligid. Awiting tanyag sa silangan at madali nilang natutunan. Halos ipagsigawan ang pagkanta at pakisay- kisay pa ang kilos gayong sintonado naman ang kanilang boses.

Maging si Leo ay nabulahaw sa kanyang ginagawa. Napatindig siya at sinilip ang tatlong haranistang kung kumilos ay labis sa katotohanan.

Halos magkandapilipt si Garuda sa pagkanta. Walang ‘di matatawa sa anyo ng kanyang mukha, lalo na kung pinagtataasan ang tinig niyang ‘di mawari kung sa bibig dumaraan o sa butas ng ilong.

Si Mostafa ang sumisigunda kay Garuda. Binibigyan ng buhay ang pinagulong awit sa pamamagitan ng pabagsak-bagsak na pagkembot ng tiyan. Para siyang lumilipd sa hangin at umiindayog ang mga kamay.

Si Buryas naman ay kung bakit bungal na nga ay lagi pang nakabungisngis. Madalas ding tumirik ang mga mata at padagu-dagundong ang pagtipa ng gitarang ‘di naman niya alam kung paano patutugtugin. Hindi siya marunog maggitara at napilitan lamang sa utos ni Garuda.

Biglang napatalikod si Marcaida. Nagpipigil. Kung hindi niya ginawa ang gayon, mapapabungisngis din siya sa harap ni Garuda at masisira ang balak niyang maggalit-galitan. Pilit niyang pinakalma ang kanyang kalooban, at sa muling pagharap, sumigaw siya. “Mga punyeta.! Sa gabi ginagawa ang panghaharana at hindi bahay kubo ang kinakanta.!“

Naudlot ang tatlong haranista sa bulyaw ni Marcaida. Dagling tumahimik. Nalarawan ang katigagalan at namayani ang kapangyarihan ng isang babae.

Saglit lang ang pagkabahala. Nag-init ang napahiyang si Garuda. Akmang tatadyakan ang dingding ng kubo, ngunit sa bukas na durungawan, nasulyapan niya si Lumin. Napahumindig siya at napabulalas.“ O.! Ang bata kong maganda.!“

Kanina pa umikom ang bibig ni Lumin sa gustong pagtawa, subalit nadadaig siya ng takot. Gusto rin niyang umalis at magtago kung hindi siya pinipigilan ni Marcaida sa balikat.

“Ate, Marcaida.! Ate-e-e.! Maaari ba akong pumasok.?“ malambing pang wika ni Garuda sa pagbaling. Dagling naparam ang poot at dinaan na lang sa pagtawag ng Ate sa akalang iyon ay paggalang at hindi sa edad lamang.

“Punyeta.! Mas antigo ka pa sa mga ninuno ko.! Huwag mo akong tawaging Ate.!“ asik ni Marcaida at sadyang umalis sa durungawan upang lubusang matanaw ni Garuda si Lumin.

“Ang ganda.!“ nanggigigil na sabi ng indones at akmang hahakbang sa durungawan.

“Ang bahay kubong ito ay para lang sa babae. Ang pumasok na lalake ay babarilin ko.!“

“Si Ate naman, kaya ko dinaan sa paghaharana, para ako makalapit. Iyan ang kaugalian nila rito, ‘di ba.?” naglalambing pang tanong.

“O, sige. Pero, hanggang sa bintana ka lang, at sabi kong huwag mo akong tatawaging Ate. Nakakasakit ka ng tainga.!“

“Areglado, Marcaida.! Ano nga pala ang pangalan ng bata ko.?“

“ Bueno.! Siya’y si Binibining dela Cruz. Pero, teka. Bakit bata ang tawag mo sa kanya.? May usapan na ba kayo.?“

“Kailangan pa ba ‘yon.?“ tanong din ni Garuda.“ Hindi ba’t may usapan tayong sampung araw lang siya sa’yo at pagkatapos, akin na siya.?“ dagdag pang tanong ngunit kay Lumin nakatingin at halata ang kasabikan.

Hindi na kumibo si Marcaida upang makita ang anyo ni Garuda sa pakikipag-usap kay Lumin.

“Binibining dela Cruz. Ako si Garuda. Ikaw. Ano ang talagang pangalan mo.?“

“Lumin.“ kinkabahan at mahinang sagot ng dalaga.

“Kay gandang pangalan.!“ puri ni Garuda at ngumiting sakdal pait bago nagpatuloy ang salita. “Alam mo, Lumin. Pagkatapos ng sampung araw na usapan namin ni Marcaida, pakakasal na tayo. Huwag kang maniwala sa bulung-bulungan na ako’y habulin ng babae. Magiging tapat ako sa iyo at hinding-hindi kita pagtataksilan.“ wika pa sa paraang panambitan.

Ang gayong kataga ay lalong nagbibigay ng kaba kay Lumin. Hindi nakapagsalita sa malaking takot. Ngayon ay dalawang kamay na ang nakatakip sa kanyang dibdib, pagkat pilit na inuusig ng mata ni Garuda. Damdam niya’y nahuhubaran siya ng mga sandaling iyon.

Lihim na napangiti si Marcaida sa anyo ni Garuda. Sa tingin niya ay parang asong ulol na gustong sagpangin ang nakaupong kagandahan. Ang apoy ay gusto niyang pag-alabin upang mag-init ang kanyang patutungkulan, ayon sa mapanuksong paliwanag. “Ako ang nag-ayos sa kanya. Simpatika siya, ano.?“

“Kahit hindi mo siya ayusan, talagang maganda ang bata ko.!“

Muling napangiting lihim si Marcaida. Alam niyang kumagat na sa pain si Garuda. Kailangan pa niyang dagdagan ang panunukso. Sabihin ang katotohnan. “Mula sa mahaba at alun-alon niyang buhok hanggang sa mamula-mula niyang sakong, talagang pambihira ang kagandahan ni Lumin. Makinis ang kanyang kutis. Ang mukhang kahali-halina at katakam-takam ang hubog na kanyang katawan. Di ba, Garuda.?“

Hindi makapagsalita ang kilabot na indones sa mga papuring tumagos hanggang sa utak ng kanyang mga buto. Nag-init ang kanyang pagkalalake at nandidilat ang mga matang namumula sa kasabikan.

“Binibining dela Cruz. Pakisabit mo nga itong kuwintas ko.“ ani Marcaida, anyong pinag-uugpong ang magkabilang dulo ng nasabing alahas sa kanyang batok.

Napilitang tumindig si Lumin at dalawang kamay na hinawakan ang ugpungan ng kuwinta. Sa pangyayaring iyon, nahantad ang mapang-akit niyang dibdib pagkat sinadya ni Marcaida ang tamang pag-upo upang masilip ng pinunong indones ang tinatakpan-takpan ng dalagang Guro.

Halos lumuwa ang mga mata ni Garuda sa paghagilap ng tanaw. Nagkakandahaba ang leeg at tumitingkayad na padukwang sa durungawan upang makalapit sa Guro.

Bigla ring sumingit ang ulo ni Mostafa, at pilit na gumitgit sa durungawan. Nakanganga.

“Tarantado.! Bastos.! Bakit ka naninilip.?“ gigil na bulyaw ni Garuda sabay kutos sa ulo ni Mostafa. Agad rin siyang bumaling sa dalagang nayon, ngunit wala na siyang nakita.

Mabilis na tinapos ni Lumin ang pagkakabit ng kuwintas ni Marcaida. Kapagkuwa’y dagling itinakip sa kanyang dibdib ang dalawa niyang palad. Tinakpan ang ‘di dapat makita, ngunit halata sa kanyang mukha ang labis na kahihiyan at kinagat na lamang ang labi sa pagyuko.

Mistulang sinilaban ang ulo ni Garuda. Bubulung-bulong na nilinga si Mostafa upang sisihin. Subalit lalo lang pumangit ang kanyang mukha sa matinding galit. Hindi niya madukwang ang gustong patamaan.

Maliksing nakalayo si Mostafa at nangubli sa likuran ni Buryas. Takot siyang maulit ang ginawang pangungutos sa kanya.

“Bakit ako.?“ pumapadyak na sabi ni Buryas, pagkat siya ang kinutusan ni Garuda.

“Ikaw ang malapit.! Me reklamo.?“ galit na bulyaw ng pinunong indones, ngunit bigla ring tumawa at bigla ring tumigil. Nilunok na lang niya ang galit kay Mostafa. Kailangang maging magiliw siya upang ‘di mabigo sa nilalayon. Gagawin niya ang lahat kahit tagurian siyang buangit.

“Ate Marcaida. Gusto ko sanang makita ang magandang tanawin ng Isla Busuangga. Kung maaari sana, gusto kong magpasama sa kanya at para malibang din siya. Maganda ang hangarin ko, ‘di ba.?“ magiliw ang kanyang boses at buong asim na ngumiti.

Naudlot ang tangkang pagsigaw ni Marcaida, nang pumasok si Aling Moreng mula sa lutuan at galing din sa pangangalap ng ulam.

“Magandang tanghali po.” sabi ni Garuda sa matanda at bahagya pang yumukod na parang maamong kambing na umaalog ang buntot.

Napapatda si Aling Moreng. Natakot. Hindi malaman ang isasagot kundi ang tumango na lamang, bilang ganti sa pagbati.

“Ano’ng masasabi mo, Ate Marcaida.? Talaga lang na gusto kong mamasyal at maglibang na kasama siya. Maaari ko na bang isama siya.? anyong panikluhod at sumulyap pa kay Aling Moreng bilang pasintabi at hingan din ng pahintulot.

“Baka sabihin mong maramot ako. Sige, comporme ako. Pero, bago dumilim, ibalik mo siya rito.“

Biglang kinilig si Garuda. Sunud-sunod ang tango. Tuwang-tuwa at halos lumundag sa narinig na pagsang-ayon ni Marcaida. Mabilis ang nabuong pangarap sa kanyang guni-guni. Masasarili niya at malalamukos ang kagandahan ng kanyang nilalangit.

Napakislot din si Lumin sa sinabi ni Marcaida. Napatitig siya sa dalagang espanyola at gustong ibulalas ang pagtutol.

“Sandali lang, Garuda.“ patlang ni Marcaida. “Aayusan ko si Aling Moreng para hangaan mo. Pasasamahan kitang mamasyal.“

“Ano.? Liwanagin mo nga, Marcaida.!“

“Ang sabi ko. Kayo ni Aling Moreng ang mamamasyal.! Intienda.?“ ang sabing kasunod ang pagbaling sa matanda at pinikitan ng isang mata bilang biro lamang.

“Si Ate naman. Palabiro. Si Lumin ang tinutukoy ko.“

“Punyeta.! Tiyak na pagsasamantalahan mo siya.!“

“Si Ate naman. Ano’ng tingin mo sa mukha ko.? Di ba ang kawangis ko ay sanggol na palinga-linga sa duyan.?“

“Oo nga, pero sanggol na buwayang gutom at palinga-linga sa kahayukan.!“

“Ate-e-e.” hinaing ni Garuda.

“Stupido.! Sabi nang huwag mo akong tatawaging Ate.! Mabuti pa.! Lumayas na kayo.! Layas.!“ sigaw pa ni Marcaida. Sagad na ang galit.

Naningkit ang mga mata ni Garuda. Nanlilisik ang paningin at hindi tuminag sa pagkakatayo.

“Ayaw mong lumayas, ha.? Sige.! Bunot.!“ pasigaw na hamon ng babae, sabay kayangkang ng paa at pagtabig kay Lumin upang lumayo.

Umismid si Garuda. Para bang kumukulo ang utak sa kanyang bungo dahil sa pagnanasa kay Lumin. Naisip niyang patayin na si Marcaida upang matupad na ang kasabikan niya sa dalagang nayon. Hindi na siya makakapaghintay.

Namumutlang kinabahan si Lumin. Naisip niyang kung mawawala si Marcaida. Paano na siya.? Tiyak na kukunin siya ni Garuda.

Alam naman ni Mostafa ang kahulugan ng maigting na kilos ni Garuda. Agad niya itong binulungan. “Sayang ang kagandahan ni Marcaida. Maghintay ka na lang. Karagdagan ding matitikman mo siya bago ang bata mong si Lumin. Mananagot ka pa kay Kenji kapag pinatay mo si Marcaida.“

Nag-isip si Garuda bago nagsalita. “Mapalad ka pa rin, Marcaida at kumikilala pa ako sa ating organisasyon. Ngunit tandaan mo.! Darating ang araw na hahalakhakan ko ang iyong katapangan.! At ikaw, Lumin.! Sa akin ka lamang.!“ sabay talikod ng indones upang lumisan, subalit bigla ring natigilan. May natanaw siya sa tagiliran ng kubo.