← Don Donaio
Chapter 3 of 18
KABANATA 3

Ang Pagsunod

Chapter illustration scene 1

“Susundan ko ang ating anak!” anang Radam. Alam ko ang kaharian ng Mahikalandia. Ibabalik ko sa’yo si Don Donaio.” pangako pa niya upang aliwin ang nanghihinang Mahalya.

“Isama mo ang malaking hukbo ng palasyo upang di ka manganib sa landas mong tatahakin.” paalala ni Arminya sa kagustuhang makabalik ang kanyang mag-ama. Walang kapinsalaan at sa lalong madaling panahon.

“Hindi.” sagot ni Cordova. “Ayokong magkaron nang abala sa aking paglalakbay. Muli akong mag-aanyong mangangaso. Walang makakakilala sa akin, lalo na sa daraanan kong ibang kaharian.” ang pasiya pang kahit sino ay hindi mababali pagkat kahit paano, may natatanaw siyang pag-asa upang mabawi ang anak.

“Mag-iingat ka aking Radam. Kapag Nawala ka pa, tuluyan na akong mamamatay.” ani Arminya. “Umasa ka, aking Mahalya. Pipilitin kong makabalik kasama ang ating anak sa tulong ni Reyna Aia.” Pagpapalubag loob ng Radam.

“O, dakilang Radam ng palasyo. Lagi akong maghihintay.” anang Mahalya matapos bumangon at yumakap sa asawang sinisinta.

Chapter illustration scene 2

Nang araw ding iyon, gumayak si Cordova. Soot ang damit na gamit sa pangangaso. May dalang pana, espada, punyal at isang dakot na batong hiyas sa lukbutan.

Walang patid sa kaiiyak si Arminya. Hindi malaman ang gagawin. Nalilito at halos ayaw nang paalisin si Cordova.

“Alang-alang sa ating anak, lalayo ako hanggang doon sa dulo ng lupang aking tatapakan.” alo ni Cordova sa asawang hindi kumukupas ang pag-aalala. Nakayakap sa kanya hanggang doon sa pinto ng palasyo. Malungkot na para bang iyon na ang huli nilang pagyayakap.

Chapter illustration scene 3

Para kay Arminya, kumulimlim ang langit nang umalis si Cordova na nakasakay sa kabayo. Hindi na matuyo ang luha sa kanyang pisngi habang kausap si Heneral Ogbinar. “Sundan mo ang iyong dakilang Radam. Ilayo mo siya sa panganib na kanyang daraanan, pero huwag kang pakikita upang di niya malaman ang pagsuway ko sa kanyang kagustuhan.

“Masusunod ang balanang nais ng mabunying Mahalya.” ani Ogbinar at lumuhod pa siyang nakatiklop ang isang tuhod.

“Maraming panganib ang daraanan ng dakila mong Radam. Magsama ka ng maraming kawal at magdala ka rin ng isang kabang kayamanan upang magamit ninyo sa ano mang pangangailangan.” sabi pa ng Mahalya at minadali ang katuparan ng kanyang kagustuhan.

Humugot mula sa palasyo ang napakalaking hukbo ni Ogbinar. Nakatanaw lang sa kanila ang mga mamamayan. Hinihinalang may mahalagang dahilan tungkol sa suliranin ng palasyo mula kay Soraia o kaya nama’y tutungo sila sa digmaan pagkat noon pa, batas na ng Mauritanya ang tumulong sa mga naaaping kaharian at usigin ang sino mang mananakop.

Chapter illustration scene 4

Samantala, nilandas ni Cordova ang kaparangan. Pinili niya ang dumaan sa kagubatan at iwasan ang sadyang lansangan sa mga kabayanan upang mapadaling marating ang kanyang patutunguhan. Makitid ang landas at kabayo lamang ang maaaring sakyan sa kasukalan.

Sa kabundukan ay maraming nakatagong panganib. Mga mababangis na hayop at kampon ng kadiliman na kung minsan ay namamayani kapag nalilingat ang mabubuting alagad ng kaliwanagan. Ang mga Mahikantada laban sa mga Burukantada.

Ang kasaysayan ay nag-ugat sa nalalapit na pagkaligaw ni Soraia sa daigdig ng kasamaan. Dala niya ang anak ni Cordova at patungo na siya sa kaharian ng mga Mahikantada. Doon niya hihintayin ang paglaki ni Don Donaio at sadyang iiwan na niya ang binabantayang kagubatan na sakop ng Mauritanya. Aalis siyang naghihimagsik ang kalooban sa dahilang wala siyang matanggap na pagpayag mula sa kanilang Reyna upang siya ang masunod sa kanyang kagustuhan. Gusto rin niyang mamahinga at matulog. Ang isang Mahikantada ay bumibilang ng taon bago matulog at bumibilang din ng taon bago gumising.

Chapter illustration scene 5

Dahil sa kapangyarihang taglay ni Soraia, alam niyang natutulog si Reyna Aia. Walang sasaway sa ano mang naisin pagkat pumapangalawa siya sa kapangyarihan ng kanilang Reyna. At ngayon nga, narating niya ang kaharian ng Mahikalandia. Isang pook na napakalayo at naliligid ng bundok na bato.

Bumaba sa tila paglipad na anyo si Soraia. Hindi na siya dumaan sa pintuang bato dahil maaari siyang lumapag sa gitna ng kaharian pagkat hantad iyon mula sa papawirin. Sa isang kumpas lang ng kanyang baston, lumapag siya sa lupa. Kalong si Don Donaio at tinanaw ang templong kristal ng kanilang Reyna Aia.

Naupo sa isang malahiganteng kabute si Soraia. Pinagmasdan si Don Donaio at gustong pairalin ang kanyang kapangyarihan. Nag-isip bago nagwika. “Nakikita ko ang kakisigan mo sa pagbibinata. Kamukha ka rin ng iyong Ama at nakakalamang ka pa sa gilas at anyo ng isang Adonis.” bulong pa ng buktot na Mahikantada at saglit na natulala. Naisip niyang nakakainip ang hihintaying niyang panahon sa paglaki ni Don Donaio. Hindi sakop ng kanyang kapangyarihan ang maging binata agad ang isang sanggol. “Higanteng sanggol ,puwede pa!” natatawa pang usal ni Soraia at panibagong alalahanin na naman ang pumasok sa kanyang isipan. Baka pagnasaan ng iba niyang kasamahan ang nakakakiliting kisig ng sanggol.

Chapter illustration scene 6

Luminga muna ang buktot na babae bago nagwikang pabulong. “Sa bisa ng aking mahika negra, gagawin kitang pangit na negro hanggang sa iyong pagbibinata. Ako nama’y matutulog sa panahong niyon at sa paggising ko, saka lang babalik ang tunay mong anyo!” at tumawa pa si Soraia bago inilapag sa ibabaw ng kabute si Don Donaio. Sa bisa ng kanyang kapangyarihan sa lahat liban sa baston ni Reyna Aia, ginawa niyang bukulin si Don Donaio.

Isang tambak na mumunting bukol ang bumalot sa katawan ng sanggol. Naparam ang tunay na kaanyuan. Humalili ang maigting na kapangitan. Balat na nagkulay ulikba, likod na naging kuba at kahit sanggol pa lamang, halata na ang pagiging bansot.

“Ngayon.” bulong pa ni Soraia. “Habang ako’y natutulog. Wala nang maghahangad na agawin ka sa akin!” dugtong pang humahalakhak at nilandas ang pagtungo sa templong kristal.

Chapter illustration scene 7

Naraanan ni Soraia ang ilang pulutong ng mga Mahikantadang nag-aawitan sa bermudadong kapaligiran. Ang iba nama’y nagsasayaw sa gitna ng nagbabanguhang bulaklak na iba-iba ang kulay. Mayroon ding nakikipaghabulan sa mga ibon at hayop sa kapaligiran. Lahat ay bumabati at yumuyukod sa paggalang.

“Maligayang pagdating sa maringal at pangalawang Reyna ng Mahikalandia.” nakayukong pugay ng isang dama na nagngangalang Naia.

Chapter illustration scene 8

“Gusto kong manahimik ang aking isipan. Matutulog ako ng mahabang panahon.” sabi ni Soraia.” Ikaw ang mag-aalaga sa batang ito.”

“Saan siya galling?” tanong ni Naia.

“Napulot ko siya sa kagubatan.“ sagot ni Soraia. “Maaari itinapon ng isang ulikba. Siya ang gagawin kong libangan sa aking paggising.” dugtong pa niya at bahagyang sinilip ang sanggol na nakabalot ng mamahaling saplot.

Chapter illustration scene 9

“Masusunod ang kagustuhan ng maningning na diwata.” sagot ni Naia at kinuha ang sanggol kay Soraia.

Naglapitan din ang ilang Ada. Mga katulong na abay sa kaharian ng Mahikalandia. Mga dalaga sa tingin na bagamat may pakpak at parang tutube ang kapara ay naggagandahan naman sa manipis na kasootang puti.

Si Naia ang unang napangiwi nang Makita ang bata. Napatulala at matagal na nag-isip.

Ganoon din ang mga Ada. Hindi mapigilan ang magsalita. Ang mamintas ayon sa kanilang Nakita. “Bakit ang pangit niya?”

Napangiti si Soraia , nasiyahan bago nagwika. “Ayon sa tanungan kong lawa, tulog ang mahal na Reyna Aia at tatagal nang mahabang panahon.”

“Siyang tunay, mahal na diwata.” sagot ni Naia. “Kahapon lang nagsimulang matulog ang butihing Reyna Aia at tatagal ng dalawampung taon, bago magising.”

“Sasabayan ko ang ating Reyna.” wika ni Soraia. “Matutulog ako sa hawlang kristal at tatagal din ng dalawampung taon.”

“Pero, mahal na diosa ng kariktan. Baka manaig ang kasamaan ng mga Burukantada, kapag sabay kayong tulog ng mahal na Reyna?” paalala ni Naia.

“Hindi!” iling ni Soraia. “Daragdagan ko ang ginawang pananggalang ni Reyna Aia. Lilikha ako ng ilaw na hindi maglalaho ang liwanag habang ako ay natutulog. Ang liwanag ay mistulang bituin sa langit at katatakutan ng mga buruka. Hindi nila mapapasok ang ating kaharian.” sabi pa niyang naghihikab at umanyong inaantok sa paglinga. Namataan niya ang isang kabayong nanginginain sa damuhan. Agad niyang naisip ang pangyayaring aayon sa kanyang kagustuhan. Ikinumpas ang ang mahiwaga niyang baston. Pinasagitsit ang liwanag at tila kidlat na tumama sa kabayo.

Chapter illustration scene 10

Naging tikbalang ang nasabing hayop. Higit na malaki at larawan ng kabangisan. Sumisingasing. Dumadamba at parang alipin na lumapit sa kanyang panginoon. Kay Soraia.

“Tikbalang!” sigaw ng makapangyarihan babae sa Mahikalandia. “Ikaw ang inaatasan kong magbantay kay Donaio, lumagi ka sa pinto ng kaharian at huwag mong tutulutang makalabas ang batang ito hanggang sa kanyang paglaki!” ang sabi pang sabay turo sa kalong ni Naia.

Umungol-ungol lang ang tikbalang at yumukod pang tumalima patungo sa pintuang bato ng Mahikalandia.

Kapagkuway bumaling si Soraia kay Naia at nagwika. “Mananagot ka sa akin, kapag ang batang iyan ay hindi ko nagisnan sa aking paggising!”

“Masusunod ang kagustuhan ng mapagpalang diwata, ngunit natitiyak ko. Hindi na siya bata sa paggising ng butihing diosa ng kariktan.” Sagot ni Naia at bahagya pang itiniklop ang mga tuhod bilang paggalang.

Bahagyang sumimangot si Soraia. Hindi malaman kung iyon ay dahil sa isang pagkakamali tungkol kay Donaio, o dili kaya ay dahil sa mga papuring siya ay huwaran ng kabutihan. Gayon man, umiling na lang siya at mariing inikom ang mga labi bago nagwika. “Sa kanyang paglaki, ipataglay mo ang pangalang Donaio. Iyan ang gusto kong itawag sa kanya sa pagmulat ng aking mga mata!” at daglian siyang lumayo upang di na makapagsalita si Naia.

Chapter illustration scene 11

Pumasok sa silid na kristal si Soraia. Naupo sa diban at luminga sa paligid. Nakita niya ang isang ibon na nakadapo sa pasimano ng durungawan. Pinalapit niya at kinausap. “Ikaw ang lorong matabil. Tandaan mo ang sasabihin ko sa iyo!” at maliksing dinaklot ng Mahikantada ang leeg ng loro na kulay puti. Tinuran ang gustong mangyari. “Subaybayan mo ang paglaki ni Donaio. Siya ang batang nasa pag-aalaga ni Naia. Gusto kong abangan mo kung sino man ang maghahanap sa kanya, lalo na ang kanyang amang si Radam Cordova. Sabihin mo ang mga ibibilin ko sa’yo. Makinig ka, daldalerang ibon!” pasigaw pang bulong sudlong sa loro na di makapagsalita dahil sa pagkakasakal ng leeg. At matapos ang mga bilin, pumasok si Soraia sa tila kristal na kabaong at saka natulog.