CHAPTER 3- Marahas na pagsalakay.
Ilang sandali pa ang lumipas. Nakasakay na ang buong pangkat ni Kenji sa pangkargamentong sasakyan na nakadaong sa pantalan. Ang karamihan sa mga kilabot ay nagagalak at umaasa ng kaligayahan sa patutunguhan nilang bayan.
Sa pangyayaring iyon, ‘di lang matiyak kung winalang bahala ni Garuda ang pulang maleta o sadya niyang nalimutan sa sunud-sunod na utos ng kanilang pinuno.
Ang alam ni Kenji, patay na si Leo. Isang malungkot na sulyap ang iniwan niya sa mga nasawing taga Pulong Masle bago umusad ang kanilang sasakyan. Kasabay din noon, pinatugkab niya ang mga kahong kahoy na kinalalagyan ng maliliit at malalaking de makinang baril. Gayon din ang mga punglo upang ilagay sa kanilang katawan.
Nasa tamang oras ang pagdaong nila sa Baryo Wawa. Alam ni Kenji ang bagay na iyon. Hatinggabi kung lumaki ang tubig sa ilog at iyon ang kailangan ng kanilang sasakyan upang makalunsad sa pampang ng ilog.
“Wala ba silang pantalan.?“ tanong ni Garuda.
“Mayroon, kaya lang, liligid pa tayo sa gawing harapan ng bayan at doon ay hantad sa tao.” sagot ni Kenji at ipinaliwanag pang higit na mabuti sa likuran ng isla. Tago ang kanilang sasakyan sa mga puno ng bakawan.
Si Kenji rin ang unang tumawid sa andamyong patungo sa pampang. Kasunod niya si Nau at mapapansin na sila lang ang walang armas sa katawan.
Nagsunuran ang mga kilabot. Bakas sa kanilang mukha ang kasabikan. Nagdudumali at para bang isang magandang kapalaran ang sa kanila’y naghihintay. Karagdagan pang masasabi ang sila’y matatapang pagkat malalakas ang hawak nilang baril.
Pagkaraang mabilinan ang ilang maiiwang bantay sa sasakyan, humugos ang malaking pangkat na pinangungunahan ni Kenji. Tinalunton nila ang makitid na landas. Pasan ng mga tauhan ang mabibigat na kahon.
“Sa baryong ito ay may tindahang pag-aari ng dalagamg nangangalang Inyang. Igalang ninyo siya at huwag tatakutin.!“
“Makakaasa ka, Kenji. Ako ang bahala riyan.!“ ani Garuda. Pilit na gumagawa ng sariling landas upang makaagapay lamang sa pinuno.
Sa tulong ng liwanag ng buwan, narating nila ang bukana ng baryo. Tahimik sana ang paligid kung hindi nagtahulan ang ilang aso sa lansangan. Madilim ang mga kabahayan at masasabing tulog na ang doo’y naninirahan. Subalit may natanaw din silang anag-ag na ilaw sa pusikit na karimlan.
“Bakit bukas pa ang tindahan ni Inyang.?” Nagtatakang tanong ni Kenji
“Mabuti nga, para makita namin si Inyang.!“ namumuyupoy na bigkas ni Sultan Kalagara sa likuran ni Kenji.
“Makikita mo rin siya.!“ sagot ng singkit. “ Pero unahin mo muna ang utos ko. Karamihan sa mga bakurang natatanaw natin ay may kareta at kalabaw. Kailangan natin ang sampung sasakyan. At tandaan mo.! Ayokong may karahasan.! Maliwanag ba, Sultan Kalagara.?“
“Umasa ka, Kenji. Ito lang ang gagamitin naming sa oras ng kagipitan.!“ sagot ng Sultan at bahagya pa niyang binunot sa kanyang baywang ang matalas na kampilan.
“Ikaw naman, Garuda. Paunahin mo ang pangkat ni Buryas sa daang ito na patungo sa bayan.!“
“Walang makakaraan diyan, Kenji.”
“Tiyakin mo, Gatuda.! Malalagay tayo sa panganib kapag nakapagsuplong sila sa bayan. Pagkatapos, sumunod ka sa tindahan, para makita mo si Inyang na dapat mong igalang.!“
Pagkaraan ay tuluy-tuloy na pumasok sa pondahan ang dalawang singkit. Wari’y may basbas siya ng kapangyarihan pagkat naliligid ng kanyang mga tauhan ang nasabing tindahan.
“Bumalik nga ang magagaling na lalake.!“ salubomg ni Imo at sadyang handa sa ganoong pagkakataon. Ang tahol ng mga aso ang nagbigay ng babala sa mga butangero.
Si Inyang ang unang nabahala. Nagdudumaling lumabas sa kanyang silid-tulugan at nagpalipat-lipat ang paningin sa mga naroroon.
“Ngayon ko masusubok ang galing at tapang ninyo.!” asik ni Imo sabay balibag sa hawak niyang baso. Tumindig at sadya pang ibinuka ang soot na tsaketa upang mahantad ang baril niya sa baywang.
Hindi man lang natigatig si Kenji pagkat ang tanging pansin niya at pananaw ay na kay Inyang.
Ngunit hindi si Nau. Naging malikot ang mga mata at handang gumulong upang makalapit agad sa mga armado.
“Imo.! Huwag kang marahas.! Wala silang sandata.!“ pagmamakaamo ni Inyang . Noon lang nakapagsalita sa matinding takot. Gustong magpakababa pagkat ayaw niyang masaktan si Kenji. Ang lalaking nagpatibok sa kanyang puso.
“Baliw ka, Inyang.! Ipinagpalit mo ako sa isang dayuhan.! Dapat lang siyang mamatay.!“ banta ni Imo nang makitang hinawakan ni Kenji ang kamay ng dalaga.
“Imo, noon pa’y sinabi ko sa iyong wala kang pag-asa. Ikaw lang ang mapilit. Sige.! Kung babarilin mo siya, ako na ang unahin mo.!“ ang hamon saka siya humarang kay Kenji upang ipakitang mahalaga sa kanya ang isang panauhin.
Umigting ang kalam’nan ni Nau. Handa siyang sumugod kapag bumunot ng baril si Imo. Kaya niyang gawin ang ganoong paraan pagkat sanay siya sa bagay na iyon.
“Sige.! Subukan mo kung alin ang mabilis.! Ikaw o ang bala ko.!“ biglang baling ni Imo kay Nau, ngunit nailang siya sa pagbunot ng baril nang sumungaw sa pintuan si Garuda.
“Bakit armado ang mga tarantadong ito.?“ mabilis na tanong ni Garuda kay Kenji at lumikot ang mga mata sa naamoy niyang panganib.
Humanda rin si Mostafa nang sumunod na mabungaran ang ganoong tanawin. Ngumisi siya sa kagalakan pagkat iyon ang gustung- gusto niyang makabangga, ang maipakita ang kanyang kagalingan.
Ngumisi rin si Imo, bago nangantiyaw.“ May kasama ka pang mga bakero.!“ bulyaw niya jay Kenji sa pag-aakalang bantay-baka sa rantso ang dalawang kilabot.
Kasabay noon ang pagtindig ng tatlong alalay ni Imo. Humandang bubunot ng baril at ipagyabang ang natutunan nila sa paaralan ng panunudla.
“Kenji.! Sino ba ang mga tarantadong iyan.?“ galit na tanong ni Garuda, sabay turo sa apat na lalake.
“ Hinahon, Garuda. Alang-alang kay Inyang.” at itinuro ni Kenji ang dalagang batbat ng pagtataka
Ngumiti naman ng sakdal pait ang kilabot nang sumulyap kay Inyang at magwika. Mapalad ka, Kenji. Ang ganda niya.!“
Ang pagtataka ni Inyang ay nahalinhan ng ligalig. Wari’y ‘di niya matanggap ang papuri ni Garuda. Bumaling na lang siya kay Kenji.
Patuloy naman ang paghahangad ni Garuda kay Inyang kahit sa pagtingin lamang. Kung hindi sasawatain, masisira ang pangako niya sa pinunong singkit. Kailangan ang pagtitimpi at lingunin na lamang ang hinaharap. Kapagkuwa’y nagbago ang pagnanasa. Inuna niyang dinukwang ang tirang tuba nina Imo sa galon. Naupo siya sa kabilang mesa at panatag ang loob sa pagsasalin ng tuba sa baso, kasabay ang utos kay Mostafa. “Ikaw na ang pumapel sa mga tarantadong iyan.!“
Lumiyad ang dibib ni Mostafa. Tumikhim at pinalaki ang tinig. “Bibigyan ko kayo ng partida. Kayong apat laban sa akin. Sige, bunot.!“
Nanlisik ang mga mata ni Imo. Naiinis sa akalang kayabangan ng indones. Pagbibigyan niya ang hamon sa magandang paraan. Pumalakpak siya upang gawing hudyat ang simula ng labanan.
Sabay-sabay na kumilos ang apat na silanganin. Ngunit hindi pa man sumasayad ang kanilang daliri sa puluhan ng baril, natutukan na sila ng kalaban.
“Kaunting kilos pa ng inyong kamay.! Matutuyot na ang laway sa inyong lalamunan.!“ nangungutyang asak ng barilerong indones.
Nasindak ang apat sa bilis ni Mostafa. Ngayon lang sila nakakita ng taong mahirap sundan ng paningin ang pagbunot ng baril. Nawala ang kanilang kalasingan.
Humalakhak si Mostafa. Isinuksok ang kanyang baril at muling naghamon.
Dahil doon, lalong nasindak si Inyang. Ayaw niyang makita ang dugong dadanak sa lupa. Wala sa loob, napakapit siya kay Kenji at isinubsob ang mukha sa dibdib ng lalake.
Kinalamay ni Kenji ang kalooban ni Inyang. Malakas siyang nagsalita. “Huwag kang matakot.! Balita sa galing ang mga tauhan ko.! Hindi mangyayari ang ayaw mong makita.!“ at saka hinudyatan niya si Mostafa sa paraang sila lang ang nagkakaunawaan.
Agad namang nabuhayan ng loob ang apat na butangero. Para na silang nakakalamang pagkat nakadaiti na ang kanilang daliri sa puluhan ng baril. Bubunutin na lamang. “ Ngayon na.! “ sigaw ni Imo sa mga kasama.
Pahablot na binunot ng mga butangero ang kanilang baril, ngunit muli silang naunahan ni Mostafa. Palipat-lipat ang tutok at talagang sila ay matotodas.
Lalong lumakas ang halakhak ni Mostafa bago nagwika. “Sa minsang galaw ng inyong kamay, hindi na ninyo makikita ang panibagong liwanag ng umaga.!“ at ginawa pa niyang panuro ang hawak na baril.
Nanginig ang apat na lalake. Gumapang ang sindak sa kanilang katawan at biglang lumamig ang talampakan. Mamamatay silang hindi man lang naitutok ang hawak nilang baril.
Ngumisi si Mostafa. Nais pang ipagpatuloy ang pagpapakitang gilas. Hindi na inalintana ang gustong mangyari ni Kenji. Agad niyang pinaikot sa daliri ang baril na de bola at pasalpak na isinuksok sa baina, saka nagbanta “Ito na ang huli ninyong pagkakataon. Sa muli kong pagbunot.! Unang manlalambot ang inyong tuhod.“
“Tarantado ka, Mostafa.!“ asik ni Garuda.“ wala ka pa sa kalahati ng galing ko.”
Tumatawang umiling si Mostafa. Ayaw paawat at ayaw ding sumulyap kay Kenji pagkat gusto niyang magyabang.
Napilitang tumindig si Garuda. Inayos ang kanyang baril sa baywang at handang humabol kung sakaling kapusin sa bilis ang kanyang kanang kamay.
Napakunot ang noo ni Kenji. Gustong magalit ngunit pinilit niyang magtimpi at baka sakaling may nais ipakita sina Mostafa at Garuda upang ‘di dumanak ang dugo.
Kumibot ang daliri ni Imo. Parang nasukat na niya ang kalalabasan ng labanan. Mula sa pagkakatungo ng kanyang baril, unti-unting bumagsak sa lupa.
Gumaya rin ang tatlong lalake. Higit nilang kinatakutan ang anyo ni Garuda. Ang mabalasik na mukha at kumakayangkang pa sa akmang pagbunot ng baril.
Sumuko ang apat na lalake. Sumagad ang takot dahil naging dalawa ang kanilang kalaban na ang porma ay kapwa batikan sa pananandata.
“Barilin mo sila, Mostafa.! Patayin mo.!“ mabagsik na utos ni Garuda at muling naupo upang ipagpatuloy ang pagtungga ng tuba.
Bumunot ng baril si Mostafa. Itinutok sa ulo ni Imo, saka niya hinudyatan ang tatlo pang lalake upang maghintay sa kanilang kamatayan, bago siya bumaling kay Kenji.
Ma-Maawa na kayo. Hindi na kami uulit.” panangis ni Imo. Nasira ang pagkabutangero sa harap ng kamatayan at paluhod pang itinaas ang dalawang kamay.
Gumaya rin ang tatlong alalay ni Imo. Naglulumuhod sa pagtangis at ‘di mailarawan ang mukha sa matinding takot.
Saka lang nakialam si Kenji. “Si Inyang ang magpapasiya kung dapat kayong patawarin.!“ at inilayo sa kanyang dibdib ang nakasubsob na dalaga.
Tumapang ang mukha ni Inyang. Pinilit magpakatatag bago nagwika. “Kung hindi na ninyo uulitin ang panggugulo sa aking pondahan, makakaalis na kayo.!“ aniyang makapangyarihan at isa-isang tinitigan ang apat na butangero.
Pagkatango, hindi na nag-aksaya ng saglit si Imo. Tangka niyang makauna sa pinto upang makapagtago sa kahihiyan.
Ganoon din pala ang nasa isip ng tatlong alalay. Sabay-sabay silang naggitgitan sa pinto upang mauna ring makalabas. Subalit nag-uunahang ding nagbalik sa loob nang masalubong nila ang pangkat ni Sultan Kalagara. Nakasulipat ang mga mata at nakaamba ang matalas na kampilan.
“ Huwag.!“ sawata ni Kenji. “Hayaan ninyong makalabas sila.!“
Nagkamot ng ulong walang buhok si Sultan Kalagara. Niluwagan ang daan at nakangising sinipat ang apat na lalaking nagdaraan, saka niya ginawang punasan ng kampilan ang damit ng mga dinuhaging butangero.
“Bakit may dugo ang inyong kampilan.?“ tanong ni Kenji sa dalawang kalbo.
“Hindi mo sinabing balita pala sa paghawak ng yantok ang mga tao rito.!“ sabi ni Sultan Kalagara. “Dalawang lalake ang lumaban sa amin. Matatanda na, mabilis pa ring mamalo at kami lang ni Datu Budjik ang nakasugat sa kanila.!“
Nag-isip si Kenji. Sinarili ang pagtawa. Naalala ang tanyag na paluan ng yantok.
Ang arnis de mano na tanging sa silangan lamang nagsimula. Nakita niya ang katibayan sa mga tauhan ni Sultan Kalagara. May bukol sa ulo.
Makaraan pa ang ilang pangyayari, nagpaliwanag si Kenji kay Inyang. “Huwag kang magtaka. Isang araw, babalik ako upang linawin sa iyo kung sino ako. Gusto ko ring patunayan sa iyo na mahal kita.”
Napayuko si Inyang. Parang nahihiya habang hawak siya ni Kenji sa magkabilang bakikat. Wari’y hindi niya matanggap na siya lamang ang babaing kung umibig ay biglaan. Walang pakialam kung ano man ang pagkatao ng kanyang minamahal, at kahit naging taksil siya sa kahinhinan ng dalagang silangan.
“Aalis na kami.“ anang singkit kay Inyang at matagal na nagtama ang kanilang paningin.
Hindi makasagot ang dalaga. Tumango na lamang at hindi iwinalay ang pananaw sa minimithing mangingibig.
Hindi rin nagtagal, matapos sinupin ang mga nagkalat na baril nina Imo ay nagmistulang prusisyon sa kabukiran ang sampung kareta ng mga kilabot. Ang kaibahan lang, wala silang pailaw kundi ang manaka-nakang pagsungaw ng buwan sa makapal na ulap. Ang bawat sasakyan ay punung-puno ng mga dayuhan at kontrabandong baril. Nangunguna ang kareta ng mga pinuno.
Si Kenji ang nasa unahang upuan. Katabi niya si Nau na siyang rumerenda sa kalabaw. Sa likuran nila’y nakasalampak sina Sultan Kalagara at Datu Budjik sa sahig na kawayan ng kareta. May kalong silang tig-isang de makinang baril.
Sina Garauda at mostafa ay nakaupo sa gawing hulihan at magkabilang tagiliran ng kareta. Nakalawit ang mga paa at nagkukuyakoy pa sa pag-asang magiging makapangyarihan sa oras na susunod. Nag-iinit ang kanilang katawan sa pagnanasa gayong malamig ang dapyo ng hanging nagmumula sa palayan at nananalunton sa kumpol ng mga punong kahoy na nasa kanan ng palanas na lansangan.
Malimit mapasulyap si Kenji sa gawing kaliwa ng landas. Ang palayang magbibigay kahantaran sa sino mang magdaraan. Naisip niyang mapanganib kung may nag-aabang na kalaban, lalo na sa mahabang tulay na kanilang tatawirin.
Sumapit sila sa bukana ng bayan, at doon ay nalanghap nila ang simoy ng mga putaheng ulam na dala ng hangin. Natanaw din nila ang malaking arkong kawayan at mga banderitas na nangagsabit sa punong kahoy na nasa gilid ng lansangan.
“Pista nila ngayon.!“ sabi ni Kenji. Nakatutok ang paningin sa landas na kanilang tinatahak.
“Ano.?“ nabiglang sabi ni Garuda, kasabay ang pagtaas ng kanyang paa mula sa pagkakalawit. “Parang alam nilang darating ang masisibang pangkat ni Sultan Kalagara.!“ dugtong pang nanunudyo. Biglang tumawa at bigla ring isinara ang bunganga sa pangambang baka marinig siya ng taong pinatutungkulan. Pagkaraa’y luminga-linga siya sa ilang kabahayan na parang may hinahanap at hindi mapalagay.
Tanging si Mostafa lamang ang nakakaunawa sa kilos ni Garuda. Nakihanap at nang makita, agad itinuro. “Hayun.!“
Muntik pang mahulog sa kareta si Garuda nang biglang bumaling. Sinundan ng tingin ang hintuturo ni Mostafa. Nakita niya sa dilim ang anyubog ng isang babae na ‘di lang malaman kung dalaga o matanda. May dalang tuwalya at anyong maliligo sa batalan kahit madilim pa ang paligid.
Ang nasabing anyubog ay napabaling sa nagdaraang mga kareta. Nabadya sa kanya ang pagtataka. Hindi malaman ang iisipin. Ang gagawin kundi ang magmadaling pumasok sa iniadyang paliguan upang maibsan ang mamantika niyang katawan sa maghapong pagluluto, at isipin na lang na kay aga namang mamista ng mga iyon sa napakaraming bilang.
Lalo namang nag-init ang buong katawan ni Garuda sa ikinilos ng babae. Nagbalik ang dating pananabik niya kay Perenya. Agad siyang nagsilita. “Nagugutom ako, Kenji. Pistahan din lang, makikikain ako sa isang bahay.”
Ngunit pumigil ang tadhana. “Kilala kita, Garuda. Tungkulin muna bago ang lahat. Kailangang maagaw natin ang munisipyo sa ano mang paraan. Pumatay kung kinakailangan, matupad lang ang utos ni Don Q..!“ sabi ni Kenji habang ikinakama sa kanyang baywang ang sinturong may baril.
Humalakhak si Sultan Kalagara. Sumulyap sa dalawang indones at nagwikang pasaring. “Kung kayo’y nagugutom, sa kusina ang tingin at huwag sa paliguan.”
Nagdilim ang mukha ni Garuda. Biglang tumawa at bigla ring tumigil. Dinukwang si Sultan Kalagara at nagwika. “Ikaw bunganga.! Huwag kang laging nakanganga. Baka subuan kita ng Granada.!“
“Huwag kayong maingay.!“ sawata ni Kenji sa dalawang nagtutudyuan. Natanaw nga niya sa ‘di kalayuan ang limang lalaking humantad sa pagsalubong.
Ang mga lalaking iyon ay pawang nakatsaketa. Mga alagad ng batas at may hawak na mahahabang baril.
“Ako ang bahala sa mga tarantadong iyon.!“ ani Garuda bago nagsindi ng tabako mula sa bungkos na nakuha niya sa Pulong Masle. Bumaba siya sa kareta at nagpauna upang hawanin ang balakid.
Sa dakong unahan naman ay nagtataka ang mga pulis. Ang sunud-sunod na karetang papalapit at ang nagsisiksikang sakay ay hindi pangkaraniwan sa kanila.
Lalo pa silang naghinala nang makita ang baril ni Garuda sa baywang.
“ Masama ang kutob ko.! “ anang nangungunang lalake nang lumiwanag sa kanyang paningin ang sandatahang sakay ng kareta. Iba ang anyo at hindi taga Busuangga. “Humanda kayo.” dugtong pa nito at sabay-sabay silang nagkasa ng carbine, bagamat sa langit nakatutok.
Agad namang nag-utos si Kenji. Gustong makatiyak. “Mostafa.! Alalayan mo si Garuda.!“
Tumawa lang ang kanang kamay na indones at nagyayabang na nagsalita. ”Kayang-kaya ni Garuda ang ganyang bilang ng kalaban, kahit ako, kaya ko rin.!“
Ngunit mapilit si Kenji. Talagang gustong makatiyak. “Sundin mo ang utos ko.!“
Napilitang sumunod si Mostafa. Tumalon sa kabilang panig ng kareta at ayaw pakita kay Garuda.
Tatawa-tawa lang sina Sultan Kalagara at Datu Budjik. Tumindig sila sa kareta at hawak ang malalaking de makinang baril.
Ang mga tauhan ni Garuda ay nagpalakpakan. Nagsitayo rin sa kareta at naghiyawan sa pangunguna ni Buryas Gustong ipagyabang ang kanilang pinuno.
Samantala, malakas na sumigaw ang Sarhento ng pulis “Tumigil kayo at magpakilala.!“
Walang katuparan sa utos. Patuloy lang ang paglapit ng mga kilabot.
“Kung ayaw ninyong magpakilala, mapipilitan kaming magpaputok.!“ galit na sigaw ng Sarhento at iniumang ang kanilang baril.
Naging malikot ang mga matang nanlilisik ni Garuda. Bigla na lang umusbong sa tingin ang pistolang de bola sa kanyang kamay. Apat na punglo ang sunud-sunod na ibinuga at hindi na naiputok ang panglima pagkat nakahandusay na ang kalaban dahil kay Mostafa. Doon napatunayang higit na mabilis si Garuda. Naka apat na siya, isa lang si Mostafa.
“Tarantado.! Bakit tumulong ka pa.?“ bulyaw ni Garuda at tangkang mangutos. Hindi inabutan. Binalibag na lang ng tabako si Mostafa.
Maliksi namang nakailag si Mostafa. Mabilis ding nakasakay sa kareta at nagtago sa likuran ni Kenji. Tumatawa.
Hinarang ni Kenji ang galit ni Garuda, bago nagwika. “Malaking tulong sa ating organisasyon ang tila kidlat ninyong mga kamay. Hinahangaan ko kayo.!“ at saka tinapik ng kanyang magkabilang kamay ang balikat ng dalawang indones.
Lalong lumiyad ang dibdib ng dalawang mananandata. Lalo ring yumabang nang sulyapan nila si Sultan Kalagara at ipahiwatig na mas mabisa ang baril kaysa kampilan.
Mulng umikot ang gulong ng mga kareta. Naiwan sa pangamba ang ilang mamamayang nakasilip sa kanilang durungawan. Ang iba namang nakarinig ng putukan ay nagwalang bahala. Likas na sa kanila ang gayong ingay sa pang-umagang kapistahan. At iyon din ang isang bagay na narinig ni Kenji sa paggala nila ni Nau sa kabayanan.
Narating ng mga kilabot ang gitna ng bayan. Doon ay may paltok na kung saan ay nakatayo ang lumang bahay-pamahalaan ng Isla Busuangga.
Itinalaga ni Kenji ang kanyang mga tauhan sa dapat kalagyan. Binilinang iwasan ang maramihang pagpatay. Piliting pasukuin ang mga pulis sa loob ng munisipyo at samsamin ang lahat ng sandatang maaaring magbigay ng panganib sa kanilang layunin. Sundin ang mga panukalang matagal niyang pinag-aralan at ingatang sila’y malagasan.
Sa loob ng bahay-pamahalaan ay may ilang alagd ng batas ang naghihikab sa pagkakaupo. Narinig din nila ang tila isang putok lang ng baril dahil sa bilis ng alingawngaw. Hindi pinansin pagkat alam din nila ang dahilan. Wala silang kaagam-agam na may nagbabantang panganib dahil sanay na sila sa katahimikan.
Tumindig ang isang pulis upang manungaw sa terasa. Gusto niyang sumagap ng sariwang hangin na nagmumula sa dagat at gusto ring maidilat ang namimigat niyang mga mata. Ganoon nga ang nangyari. Nanlaki pa ang kanyang pananaw sa nakitang mga kilabot na pauklo-uklong pasugod sa loob ng munisipyo. Agad siyang nagkasa ng baril at tangkang magpaputok upang magkaroon ng babala sa mga kasamahan.
Iyon ang tanawing kinaiinisan ni Garuda. Ayaw niyang mauumangan ng baril. Agad na pinaangil ang hawak niyang maliit na de makinang baril. Sunud-sunod ang balang panakot sa mga nasa loob. Dagling dumanak ang dugo sa terasa.
Kumilos din si Mostafa. Pinaputukan niya ang bubungan ng munisipyo upang sirain ang sungot o antena ng radyo. Tiniyak na hindi makakahingi ng saklolo ang naturang pamahalaan.
Nataranta ang mga nasa loob ng munisipyo. Bagong gising kaya paragasang naglabasan ang dalawang nanunungkulan upang hanapin kung sino ang nagpapaputok ng de rapidong baril, ngunit sumalubong sa kanila ang maraming punglo. Nangubli ang iba pang pulis at naging maingat sa pagdaraan ng mga oras.
Nang umagang iyon, bumagay sa kapistahan ang nakakatulig na putukan. Para bang pasalubong sa bukang liwayway. Tila ba mga kuwitis na pambungad sa itinakdang kasayahan at nagdulot ng sigla sa kapaligiran.
Halos mapaos si Kenji sa pagsigaw. Pinatitigil ang putukan. Ayaw niyang makita ang ginagawa nina Garuda at Mostafa. Uubusin ang mga kalaban.
Tumahimik ang paligid. Tumigil din sa pagsingasing ang mga kalabaw sa kareta. Nasawata sila ng mga rumerendang kilabot, ngunit marami ring nakatakas na kalabaw , tangay ang kareta.
Maging ang mga tao sa loob ng munisipyo ay nanatili lang sa pangungubli, hanggang sa marinig nila ang isang panawagan. Pinasusuko sila o kung ayaw, gagamitan sila ng malalaking de makinang baril upang lubusang gibain ang buong munisipyo.
Nanlumo ang Hepe ng pulisya. Bumagsak ang balikat. Humandang tanggapin ang pagkatalo. Nagsalitang mababa ang tinig. “Putol ang ating antena. Walang komonikasyon sa kapitolyo. Walang ibang paraan kundi ang sumuko. Sayang ang buhay ninyong kabataan.”
Kasabay sa pagsikat ng araw sa likod ng bundok, naganap ang kagustuhan ni Kenji. Naghiyawan sa galak ang mga dayuhan. Ang iba’y gumala sa lansangan. Namamayagpag. Matitikas ang tindig upang ibadya ang kanilang kagalingan at kapangyarihan. Hinayaan din nilang lumapit ang ilang malalakas ang loob upang kunin ang kani-kanilang bangkay na kamag-anak. Nag-iiyakan.
“Ikinalulunkot ko, Hepe kung sa ganitong paraan naipakita ang aking kagustuhan.” sabi ni Kenji nang sila’y magkaharap sa munisipyo.
Ano ang kailangan mo rito.?” tanong ng Hepe na humigit-kumulang sa anim na pung taong gulang. Malusog ang katawan at larawan ng isang tapat sa tungkulin.
“Saka mo na lang malalaman, Hepe kung kami’y wala na rito. Huwag kang mag-alala. Aalis din kami matapos ang mahigpit na pangangailangan.”
Lalong kumunot ang gatlaang sa noo ni Hepe. Naghihimagsik ang damdamin at patudla ang pagtatanong. ”Bakit.? Sino ba kayo.?“
“Tarantado.! “ sabad ni Garuda. “Wala kang karapatang magtanong sa amin.!“ at saka idinuldol sa mukha ng bihag ang hawak na baril kasunod ang bantang papatayin silang lahat.
Ngunit iba ang pasiya ni Kenji. Pinalaya ang mga pulis na ang bilang ay lima na lamang, liban kay Hepe na sadyang pinaiwan sa munisipyo.
Nakamasid lang ang nangangalit na Hepe ng pulisya. Nagtatagis ang bagang at gustong isugal ang nag-iisa niyang buhay. Lalaban kahit nakumpiska na ang kanyang baril. Ang mahalaga, maipakita lamang ang kanyang pagtutol, subalit nagambala ang kanyang saloobin nang makita ang isang babaing nag-uumalpas sa kamay ng mga kilabot.
“ Palapitin siya.!“ sigaw ni Kenji, kasabay ang hudyat ng kamay. Ibig niyang malaman kung ano ang kailangan ng babae.
“Pepe.!“ sigaw ng bagong dating na nasa katanghalian ang gulang.
“Marya.! Asawa ko.!“ salubong ng Hepe. Bakit lumapit ka pa rito.?“ sabay yakap sa babaing lumuluha sa pangamba.
Lalong nasiyahan si Kenji nang maunawaan ang lahat. Umayon sa kanyang balak ang mga pangyyari. Inutusan niya si Garuda upang ikulong sa munisipyo ang mag-asawa at pabantayang mabuti.
Ang pang-umagang dampi ng hangin ay nanunuot sa kalam’nan, ngunit iyon ay hindi sapat sa nag-aalab na damdamin ng mga kilabot. Parang may kulang. May hinahanap sila at dito napatunayan na ang ligayang dulot ng karahasan ay may kabuntot na matinding pagnanasa. Hindi mapakali ang mga gahaman.
Panatag lang si Kenji. May kasiyahang tinanaw ang paligid ng paltok. Ang burol na kinatatayuan ng munisipyo. Ang mga tahanang yari sa makalumang panahon. Layu-layo at maaliwalas sa paningin. Natatanaw din niya ang lumang simbahan na nagkulay luntian ang batong dingding dahil sa kumapit na lumot. Hindi rin niya napigilan ang paghanga sa ganda ng umaga. Ang sariwang hangin at sa kaaya-ayang tanawin.
Di kawasa’y naalala ni Kenji ang isang bagay sa araw na iyon. Gumala ang kanyang paningin sa mga tahanang hanggang ngayon ay pawang nakapinid. Bumaling siya sa mga tauhan at nag-utos. “Pabuksan ninyo ang mga bahay at ituloy ang kapistahan.!“
Naghiyawan sa galak ang mga tauahan ni Garuda at Sultan kalagara. Maliksing nagsikilos at masiglang lumapit sa mga tahanan. Umali-aligid na para bang kumukuha lamang ng pagkakataon upang gulatin ang mga mamamayan.
Si Sultan Kalagara ang unang nagbigay bati. Pasigaw na parang nagmamakata. “Mga irog kong nilalang ng Isla Busuangga.! Buksan ninyo ang pinto at naririto na ang pili ninyong panauhin.!“ saka siya humagikgik, mahaba at nakakainis pakinggan, kaya naman, tila mapapahiya ang Sultan ng mga kalbo. Walang kumilos sa kanyang panawagan. Ngumiwi ang dating ngiwi niyang bibig at nagbanta.
“Bibilang ako ng hanggang tatlo.! Ang mahuling magbukas, papapakin ng bala ang inyong pinto at bintana.
Saglit na katahimikan. Bumilang ang Sultan. Hindi natapos. Hanggang dalawa lamang pagkat nauwi sa halakhak ang ikatlo.
Sabay-sabay na nagbukas ang mga tahanan. Parang nag-uunahan, ngunit wala namang makitang tao na nagbukas.
Hindi matapus-tapos ang halakhakan ng mga mararahas. Dahan-dahan silang lumapit. Nakaumang ang mga baril at animo’y lulusob sa digmaan. Datapwat nang pumasok sila sa mga bahayan, ang nilusob nila ay ang tinatawag na paminggalan. Parang hinalihaw ang mga silid-lutuan. Hindi na sila gumamit ng pinggan. Sa palayok at kawali pa lang, nagpakabusog na sila.
Nakamasid lang ang mga nananahanan. Hindi makakibo. Nanlulumo sa takot. Nanghihinayang pagkat ang handa nila’y sumambulat lamang at natapon sa lapag.
Iba naman ang pamamaraan ng mga tauahan ni Garuda. Hinakot ang mga lamesang kinapapatungan ng pagkain. Ang litson sa tuhugan ay pinagpapasan at may pagmamalaking inihain kina Kenji at Garuda.
Napakarangyang tingnan ang hapagan. Sari-saring lamang dagat ang makikita. Malalaking isda. Mamula-mulang alimango. Mga karneng bundok at iba-ibang kusilba na galing sa mga punong kahoy.
Lalong kaiba ang pangkat ni Nau. Itinuturing na panauhin ang kanilang sarili. Kailangang paglingkuran ng may bahay habang kumakain sa dulang. Ang mababang hapagan na kung saan ay ganoon din ang gamit nila sa sariling bayan. Hindi na kailangan ang bangko.
Nasubhang lahat ang kagutuman ng mga kilabot. Nalimutan nina Garuda at Mostafa ang balak nilang manila ng babae. Dinuhapang nila ang mga mamantikang putahe at buu-buong isinalpak sa kanilang bunganga. Magana sila sa paglabusaw ng pagkain at kapwa pa nakataas sa mesa ang isa nilang tuhod upang madali nilang madukwang ang ulam.
Ilang sandali pa, hihinga-hingang ‘di makakilos sa kasandatan ang karamihan sa mga kilabot. Makikitang nakasandal sa lilim ng punong kahoy sina Garuda at Mostafa. Hinihimas ang tiyan sa labis na kabusugan.
Isang humihingal na kalbong tauahan ni Sultan kalagara ang lumapit kay Kenji at nag-ulat. “May nasabat kaming tatlong kareta ng mga musikera. Pawang mga batang babae at naka baro’t saya. Galing daw sila sa malayong baryo at kawayan ang gamit nila sa pagtugtog.”
“Magaling.!“ sabi ni Kenji sa kagustuhang makarinig ng katutubong tugtugin na nagmumula sa kawayan. Binuhat niya ang isang luklukan upang lumayo sa hapagan. Pagkaraa’y hinudyatan niya ang mga musikera upang lumapit. Inusisa at napagtantong ang mga kaharap niya ay ang tanyag na musikong bumbong ng paaralang Isla Busuangga.
Napilitang bumaba sa kareta si Binibining dela Paz o Bidang sa unang pangalan pagkat hantad na siya sa paningin ng sino man. Tumindig siya sa harapan ng mga musikera bilang isang batonista. Kinakabahan at nagsisisi kung bakit lumapit pa sila sa bayan gayong narinig na nila ang kakaibang putukan.
Mula sa pagkakahimlay nina Garuda at Mostafa sa malaking ugat ng punong kahoy ay nagulantang sila. Napabalikwas.
“Aba.! Hindi na bata ‘yan.!“ nabiglang sabi ni Garuda. Nanlalaki ang mga mata sa kagandahan ng dalaga.
Lalong gumanda si Bidang sa soot niyang kimona at patadyong na kulay pula. Bumagay din sa maganda niyang binti ang bakyang de aboloryo na iba’t iba ang budlis at kulay. Maganda siyang tumindig na naaayon sa gagawing pagkumpas, nahahalata rin sa maganda niyang mukha ang pangamba. Mapapansin din ang malimit na pagsulyap sa kasintahan niyang ligalig at nakasakay pa sa kalabaw ng kareta.
“Umpisaha mo na, magandang Binibini. Makikinig din ako.!“ sambit ni Garuda.
Pauga-uga ang ulo. Pinipilit patamisin ang ngiti at pinapupungay pa ang mga mata sa pag-asang maaakit niya ang dalaga.
Agad bumaling ang batonista. Hindi niya matagalan ang mapagkunwaring anyo ni Garuda. Kay Kenji humantong ang kanyang pananaw. Nakita niya ang kilos ng isang maginoong singkit. Ang pagtango at paghudyat upang simulan na ang tugtugin. Lumunok muna ang magandang batonista bago iwinasiwas ang baton. Parang nag-aantanda at kung gaano ang gaang ng hawak niyang baton sa pagbaba ay siya namang bigat sa pagtaas.
Ang gayong hudyat ay nagsibing pambungad sa isang masiglang tugtugin na nagmumula sa kawayan. Nakakahikayat ng damdamin ang indayog ng balitaw at masarap sa pandinig.
Napaangat sa upuan si Kenji. Para bang nalimutan na ang paghahanap sa tribo ng dignayan na gusto rin niyang makita sa lansangan. Nabaling ang kanyang isipan. Humanga siya sa mabining kumpas ni Bidang. Tila ba dampi ng hangin sa panahon ng amihan. Kung minsan nama’y parang alon na rumaragsa sa dalampasigan. Tinatangay ang damdamin ng mga batang musikera upang ibigay ang tamang galaw ng habagat sa tag-araw. Iyan ang nararamdaman ni Kenji sa pakikinig.
Nakaantabay naman si Garuda upang hablutin ang dalagang batonista para niyang nalalanghap ang sanghaya ng sampagitang humahalimuyak. Akma siyang dadaluhong ngunit bigla ring natigilan. Narinig niyang tumikhim si Kenji. May pahiwatig. Hindi niya dapat gambalain sa pakikinig ang pinunong singkit. Dapat niyang pagbigyan ang sandaling iyon. Umurong siya at naghintay na matapos ang tugtuging bukid.
Subalit malayo sa hinagap ang pangyayari. Hindi makuha ni Garuda ang pagkakataon. Nakita niyang nalilibang sa pakikinig ang mas makapangyarihan sa kanya. Parang nauulol ang kanyang kapara. Tuwing matatapos ang tugtog, bigla siyang babaling kay Kenji upang ipahalata ang gusto niyang mangyari.
Ngunit sa ‘di sinasadyang pangyayari. Paulit-ulit ang kahilingan ni Kenji. Nasisiyahan siya sa pakikinig. Naalala niya ang kanyang inang taal na taga silangan. Ang paghehele noong siya’y bata pa. Ang oyayi ng kanyang ina ay muli niyang narinig sa mga batang musikera. Ganoon din ang himig kapag siya’y pinatutulog sa kandungan. Nakakaantok pakinggan.
Bubulung-bulong na lumayo si Garuda. Naroong singhalan si Mostafa. Dili kaya’y batuhin nang palihim si Sultan Kalagara habang nakangangang nakamasid sa batonera. Di kawasa’y hinablot niya sa nagdarang tauhan ang hawak nitong bote ng tuba at saka niya tinungga. Bahagya siyang nalibang hanggang sa mapuna niyang tumahimik ang paligid. Nagkulay saga ang kanyang mukha. Magkahalong pula at itim. Napabalikwas siya nang maalala ang magandang batonera, ngunit una niyang hinanap si Kenji. Nakita niyang pumasok sa munisipyo at anyong inaantok
“Pagkakataon ko na.!“ masiglang wika ni Garuda at nawala ang kalasingan. Agad niyang hinabol ang papasakay sa kareta, alalay ng katipan.
Nakamasid lang ang mga tauhan ni Garuda. Alam nilang hindi maaaring unahan ang kanilang pinuno sa ganoong pagkakataon. Nakita pa nilang humalakhak iyon nang saklutin sa baywang ang dalagang batonera, matapos tadyakan ang nabanggit na katipan.
“Walanghiya.! Hayop.! Bitawan mo ‘ko.!“ sigaw ni Bidang. Nakasampay sa balikat ni Garuda.
“Akin ka ngayon.!“ nakatawa pang sigaw ni Garuda at patakbong tinungo ang pinakamalapit na bakuran ng isang tahanan.
Agad namang bumangon ang lalaking sinipa ni Garuda. Nang-agaw ng baril sa isang lasing na tauhan. Nagsisigaw at pinatitigil si Garuda habang nakaumang ang hawak niyang baril, ngunit hindi maiputok sa pangambang iba ang tamaan.
Gayon din si Mostafa. Hindi rin makapagpaputok dahil sa tatlong kareta ng musikera ang nakaharang sa kanya. Nagtitilian at tinatawag ang batonera.
Nakaramdam ng panganib si Garuda. Biglang pumihit kasabay ang isang punglong bumutas sa noo ng lalaking humahabol sa kanya.
“Senyong.!“ sigaw ng dalaga nang makitang nakabulagta sa lupa ang kanyang kasintahan. Pinagbabayo niya sa likod si Garuda. Nag-uumalpas sa nasang malapitan ang minamahal.
Nang pumasok sa tarangkahan si Garuda, agad nagtakbuhan ang mga taong nasa loob ng bakuran.
“Baba kayo.!“ sigaw ni Garuda sa punong hagdan. “Baba kayong lahat.! Gagamitin ko ang bahay.!“
Sumisigaw din ang dalagang batonera. Humihingi ng saklolo habang kumakawag sa balikat ni Garuda.
Nagkagulo sa loob ng tahanan. Natakot ang ilang panauhin na kagabi pa naroroon. Nag-uunahan kahit magkandahulog sa hagdanan. Ang iba nama’y sa durungawan na tumalon upang ‘di masalubong ang taong naninipa sa pagmamadali. Kapagkuwa’y sa bakod rin nagtalunan pagkat ganoon din si Mostafa. Nakita nilang nakabantay sa pinto ng bakuran at naninipa rin upang mapadali ang kanilang paglabas.
Ang tanawing iyon ay naging kapana-panabik sa mga kilabot. Nagbunyi sila nang makitang nagsara ng pinto si Garuda. Ang kalabog sa loob ng bahay at tili ng dalagang humihingi ng saklolo ay naging musika sa kanilang pandinig. Para silang nakalutang sa pangarap habang isinasalarawan sa marumi nilang isipan kung ano ang ginagawa ni Garuda.
Luminga-linga si Mostafa sa abot ng kanyang tanaw. Naghahanap kung may tutugon sa panawagan ng babae. Wala siyang makitang lalake na may matibay na dibdib upang humarap sa ganoong pagkakataon. Nanlilisik ang kanyang mga mata pagkat sadyang siya ang susunod kay Garuda, hanggang sa marinig niyang paos na ang tinig na babae at naghari ang katahimikan.
Dalawang oras ding nakatulog si Kenji sa loob ng munisipyo. Ganoon siya kapag naaalala ang oyayi ng kanyang namayapang ina. Aantukin lalo na nga’t kulang ang kanilang tulog sa ilang gabing nagdaan. Iyon naman ang sinamantala ng kanyang mga tauhan sa paggawa ng karahasan
Bago pa magdapit- hapon nang lumabas sa munisipyo sina Kenji at Nau. Tapos na nilang kausapin ang Hepe ng pulisya at nasabihan na tungkol sa kanyang balak.
Nakabantay sa paligid ng munisipyo ang matatapat na tauhan ni Kenji. Pinangangalagaan nila ang pagtulog ng kanilang pinuno. Hindi sila lumahok sa ano mang kaguluhan.
Naupo si Kenji sa mahabang likmuan na nasa terasa ng munisipyo at saka pinatawag si Sultan Kalagara upang malaman kung nasunod ang utos niya bago natulog.
“May bntay na sa pantalan.!“ ulat ni Sultan Kalagara.“ Nalaman ko rin na buwanan ang dating ng barkong pampasahero at kadaraan lang noong makalawa. Tiniyak ko rin na walang balitang makakalabas dito sa Busuangga.!“
“Magaling.!“ nasisiyahang sabi ni Kenji at napabaling sa paglapit nina Garuda at Mostafa. Halata ang katamlayan ng dalawa at tila ba napagod.
“Ano ngayon ang susunod mong balak.?“ bungad ni Garuda
Lalong naningkit ang mga mata ni Kenji. Tinitigan si Garuda at gustong bulyawan dahil sa kasibaan sa kamunduhan ayon sa sumbong ni Nau. Ngunit inuna muna ang talagang pakay. “Kailangan ko ang matibay na bodega upang pangalagaan ang imbak nating kargamento. Pababakuran ko ang munisipyo. Isang mataas na harang para din sa ating kaligtasan.“
“Saan tayo kukuha ng pambakod.?“ tanong ni Garuda.
Luminga si Kenji bago sumagot.“ Doon sa malawak na kaburulang hindi kalayuan sa atin ay nagkulumpon ang maraming punong kahoy. Madaling putulin kung marami ang magtutulong-tulong.”
Samantala. Sa pulong Masle ay maririnig ang mahinang daing ni Leo. Nakalungayngay ang ulo. Wari’y gusto nang sumuko ang pintig ng kanyang buhay. Ang isip at diwa ay tinatangay na sa kawalan. Maging ang lantsang papalapit ay ‘di na niya namalayan. Bumigay ang katawan at nawalan ng ulirat.
Dumaong sa pantalan ang isang malaking lantsa. Umibis si Abueg. Namamadali pagkat sa laot pa lang, natanaw na niya si Leo. Nakita rin niya si Perenya. Nakasalalak sa batuhan at nilalaro ng alon.
“Apo kong mahabagin.! Anong kalupitan ang nangyari dito.!“ anang natatakot na katutubo. Nilinga ang paligid kung may panganib. Wala siyang makita. Kapagkuwa’y binaybay niya ang batuhan sa ibaba ng talampas. Pinangko niya ang lantang katawan ni Perenya at inilatag sa kapatagan.
Umakyat din sa burol si Abueg. Nagmamadaling kinalagan si Leo at isa-isang inalis ang mga bungang damo na tumimo sa dibdib ng binata. Buhay pa ngunit mataas ang lagnat. Halos magkandakuba siya sa pagpasan kay Leo. Hindi niya inalintana ang bigat, mailagay lang sa papag ng kubo ang itinuturing niyang panginoon.
Matapos masinop ni Abueg ang duguang katawan ni Leo, binihisan niya. Pinalitan ang pantalon at sinuutan ng kamisadentrong mahaba ang manggas.
Nagtuloy din siya sa kusina at naghagilap. Mabuti na lang at may natira pang bigas ang mga kilabot. Hindi naubos sa nakasakong lalagyan, bagamat marami ang natapon sa lapag. Pinulot niya at ginawang lugaw na tanging asin lamang ang sangkap.
Muling lumabas sa kubo si Abueg upang dagdagan ang pagsisiyasat. Nakita niya ang bangkay ng dalawang matanda. Sa ubod ng kanyang isip, naglaro ang isang masamang pangitain. Marami ang mga salarin pagkat naubos ang isang baka. Naibaba rin sa puno ng niyog ang lahat ng tuba sa bumbong at nang araw ding iyon, naganap ang kalapastanganan dahil may pintura pa rin sa mukha ang magkasintahan.
Nang magbalik si Abueg sa kusina, kumukulo na ang lugaw. Pinanay niya ang paghalo hanggang sa maluto. Inilagay sa malukong na pinggan upang madaling lumamig, saka siya nagtungo sa may sakit. Nakita niyang kumikibot ang mga tuyot na labi ni Leo. Bahagya niyang ibinangon at agad sinubuan ng kutsarang may lugaw.
Nangangaykay sa gutom si Leo. Tumanggap ng pagkain ang kanyang sikmura, ngunit namalagi namang nakapikit. Parang nasisilaw at gusto pang matulog.
Kaalinsabay ng mga pangyayari. Nang mga sandali ring iyon, abala si Binibining Iluminada dela Cruz sa kanilng bahay. Naninirahan siya sa dakong kalagitnaan ng Isla Busuangga. Ang Nayong Dalisdis na nasa pagitan ng dalawang bundok. Iyon ay lambak at malayo sa bayan. Ang palayaw niya ay Lumin. Mapagmahal sa magulang at ‘di makabasag pinggan sa angking kalantayan. Payak nga kung manamit, ngunit masasabing pinakamagandang hiyas ng silangan at pinakamagandang dalaga sa Isla Busuangga.
“Dumidilim na, Lumin. Tigilan mo na ang pamamalantsa.“ banayad na saway ni Aling Maling sa kanyang anak. Naka baro’t saya ang matanda at bakas pa rin ang nakalipas na kagandahan.
“Sandali na lang po, Inang.“ sagot ng dalagang halata ang itinatagong katamlayan habang hinihipan sa durungawan ang abo ng plantsang de uling.
Nagtataka ang matanda kung bakit laging natitigilan ang dalaga. Ngayon lang nangyari ang bagay na iyon sa lingguhan nilang pagkikita.
“Naiisip ko lang po, Inang ang kapistahan sa bayan. Narinig ko ang mahina ngunit sunud-sunod na putukan kaninang madaling araw. Sa pakiramdam ko po, Inang. Putok iyon ng baril.“ sagot na sa unang pagkakataon ay ngayon lang niya iniba ang talagang nasa isip. Hindi masabi ang katotohanang binabagabag siya ng isang lalake. Ang unang halik na naranasan niya ay kaiba ang dulot. Nakakawala ng ulirat.
Natawa si Aling Maling. Nilunok na lang ang ‘di maipaliwang na hinala habang inaapuhap ang mga damit na ilalagay sa aparador, kasabay ang paliwanag.
“Kuwitis lang ang narinig mo, Lumin. Mga paputok na pasalubong sa kapistahan.”
Tahimik lang ang dalaga. Umayon na lang sa sinabi ng ina at patuloy din ang pag-ihip sa abo ng plantsang nakasungaw sa durungawan.
“Para bang sa oras na iyon.” sabi pa ni Aling Maling. “Nakikita ko ang mahabang prusisyon. Ang mga santo sa ibabaw ng andas at ang maningning na ilawang tinghoy na hawak ng mga naglalakd sa lansangan.“
“Nariyan na po si Tatang.” paibang sabi ni Lumin nang mula sa durungawan pawid na may aldabang kawayan ay matanaw ang amang may pasang araro at akay na kalabaw.
Agad sumalubong si Aling Maling. Nag-aalalang nagtanong. “Bakit basang-basa ang damit mo.?”
Sumagot ang matandang si Mang Nario habang naghuhugas ng paa sa batalan. “Nakawala ‘yong kalabaw na binili ko kay Pareng Inggo. Sa paghabol ko. Nadulas ako sa patubig.”
Nalarawan sa mukha ni Aling Maling ang awa. May rayuma sa balakang at tuhod ang kanyang asawa. Masamang malamigan at sa tuwina’y pinapahiran niya ng ungguwento bago bihisan.
“Bukas.” ani Mang Nario. “Pagluwas namin ni Lumin sa bayan. Daraan ako kay Pareng Inggo.” ang sudlong pagkat doon laging umuuwi ang kanyang kalabaw kapag nakakawala.
“Kasi naman. Iyon pang pinakasimaron ang ginagamit mo sa bukid.!“ anyong pagsuwat ni Aling Maling pagkat marami naman ang kanilang kalabaw.
Umiling si Mang Nario. Nangatuwiran. “Gusto kong maturuan sa gawaing bukid ang bago kong kalabaw. Ang maisingkaw sa araro kahit pamalit lang sa pagod kong kalabaw.”
“Paano ‘yan.?“ nag-aalalang wika ni Aling Maling. “Baka sa kabagalan ng damulag na iyon, lalo kang magahol sa pagtatanim.? “
Muling umiling si Mang Nario. Natawa at nagwika. “Bumabayani sa akin si Desto. Napakasipag niya at matulungin. “
Ang pangalang nabanggit ay isang binatang halos lumaki sa likod ng kalabaw. Pangkaraniwan lang ang anyo. May malawak na sakahan at may palaisdaan pa sa dulo ng lambak. Kaya lang, mahiyain. Hindi maipagtapat ang natatanging pag-ibig kay Lumin. Gayon man, naipahahalata naman niya sa dalaga ang lihim na simpatiya sa pamamagitan ng harana.
Ang mga magulang ni Lumin ay nalilito kung ang ginagawa ni Desto ay isang bayanihan o paninilbihan na sa kanilang anak. Gusto nilang makatiyak pagkat nababaitan sila sa ugali ng binata.
Balikatan nga kung tumulong si Desto kay Mang Nario. Ang hangad niya ay mapadali ang gawain ng matanda sa bukid. Sa gayon, tuwing hapon. Muling masusundo ng ama ang anak kapag nasa bayan.
Tapos na ang eskuwela, ngunit malimit pa rin sa bayan si Lumin. Simula bukas, sa kahilingan ni Padre Domingo, dalawang linggo siyang magtuturo ng relihiyon sa mga bata at gayon din sa matatandang hindi marunong bumasa ng kartilya.
Pinagdaramdam ni Aling Maling ang ganoon nilang kalagayan. Natatakot siyang maulit ang nangyari noon. Halos ikabaliw niya ang pagkawala ng kakambal ni Lumin. Hanggang ngayon, umaasa pa rin sila at naghihintay na balang araw, makikita rin nla ang nawawalang anak.
Si Mang Nario ang pangulo ng mga Tenente del baryo sa buong Isla ng Busuangga. Siya rin ang taga alo ni Aling Maling. Taga paliwanag. Taga unawa at mapagmahal na asawa. Kailan ma’y hindi niya binigyan nang sama ng loob, bagkos handa siyang magpakasakit sumama lang sa bayan si Aling Maling upang laging makasama ang tinatangi nilang anak.
“Ayoko, Nario. Ayoko.!“ tanggi ni Aling Maling.“ Hindi ko maaatim na maiwan kang mag-isa rito. Ayokong malaktawan ang paglilingkod ko sa iyo bilang asawa.“ ang sudlong na may uri. Ang ugaling ina ng silangan. Ang magdamayan silang mag-asawa at humanggang wakas ang kanilang pagsasama.
Nang gabing iyon, maagang nahiga si Lumin sa papag na kawayan. Hindi dahil sa gusto niyang magpahinga o matulog kundi dahil gusto niyang makapiling sa alaala ang lalaking kahit may pinta sa mukha, bakas pa rin ang kakisigan. Malimit niyang damahin ng daliri ang kanyang labing nahagkan ni Leo, kasabay ang pagtataka kung bakit tinawag siyang Perenya. Ibig sabihin, mayroon siyang kawangis o ang Perenya na kanilang hinihintay ay kamukha niya. Napatulala siya sa pag-iisip. Nagkaroon ng kaba at panghihinayang kung ang bagay na iyon ay hindi niya mabibigyan ng kasagutan. Ang susi ay nasa lalaking iyon. Ang lalaking nagmulat sa kanya ng ikalawang yugto ng buhay. Ang unang karanasan. Ang kabog ng dibdib at paghahabol ng hininga. Gayon man ay hindi niya nahalatang nananamantala ang lalaking iyon. Ang halik na naramdaman niya ay may halong pagmamahal. Banayad ang diin ng labi at mahigpit ang yakap. Sa ngayon, parang nadarama pa rin niya ang init ng labi ni Leo. Hindi na niya malilimutan ang tagpong iyon. Malakas ang kaba ng kanyang puso at balisang ‘di mawari.
Pagkaraan ng ilang sandaling pagmumuni ni Lumin, pumikit siya upang pakalmahin ang kanyang damdamin, ngunit naroon pa rin ang salamisim. Nagtatanong kung nasaan na si Leo.? Kung magkikita pa kaya sila.? Kung bakit hindi niya napagmasdang mabuti ang dalagang nagsasayaw sa unahan ng tribo.?
Doon na siya nagsisi kung bakit naagaw ni Leo ang kanyang pananaw.?
Kinabukasan. Laganap pa ang dilim nang gumayak ang mag-amang Nario at Lumin. Handa na ang kalabaw at kareta na kanilang sasakyan. Nasa harapan sila ng isang malaking bahay na yari sa kawayan, sawali at pawid. Ang tahanang iyon ay nasa loob ng isang ektaryang bakuran at naliligid ng iba-ibang punong kahoy. Ang bahay na pag-aari ni Mang Nario.
Palihim ang pagluha ni Aling Maling. Nakatayo sa pinto ng bakuran. Gustong pigilan ang kanyang anak sa pag-alis, ngunit hindi naman masabi. Sa katunayan, labis ang kaba sa kanyang dibdib. Ibang-iba sa mga nagdaang pagpunta ni Lumin sa bayan. Dahil doon, naipagtapat niya ang isang masamang panaginp. “Lumin, anak ko. Kitang-kita kong tinatabunan sa libingan ang isang dalaga. Tumalon ako sa hukay at agad kong hinawi ang lupang tumabon sa mukha ng bangkay. Napasigaw ako. Mukha mo Lumin ang aking nakita. ! O,Diyos ko.!“ hinaing pa ni Aling Maling, kasunod ang paghalik sa imahen ni Santa Maria na nakakuwintas sa kanyang leeg.
Nasaling ang damdamin ni Lumin. Pumatak ang luha nang magwika. “Inang, panaginip lang po iyon. Kasabihang kabaligtaran sa tunay na mangyayari.”
Umayon si Mang Nario. Pinalalakas ang loob ng kanyang asawa. Nangako.
“Matapos lang ang kasagsagan ko sa lupa. Tuwing hapon, susunduin ko si Lumin.” at saka niya inalis ang pagkakaakbay kay Aling Maling upang tulungang sumampa sa kareta si Lumin.