Masakit na Paghihiwalay

Sa isang maluwang na bulwagan ginanap ang agarang pag-uusap.
Ipinagtapat ni Cordova ang naging kapalit sa kaligtasan ni Arminya.
Karakang tumindig sa pagkakaupo si Ogbinar. Binayo ng kamao ang malapad na hapagang marmol bago nagwika. “Maging ang buong reynado ay hindi papayag na kunin ang ating munting dakilang Don. Hahadlangan ko si Dambu!”
“Hindi rin ako papayag, kahit higante, ibabagsak ko sa lupa!” pasigaw din banta ni Racundo. May kakisigang tulad ni Ogbinar at mga ka edad rin ni Cordova sa kaanyuan.
Tumindig din ang pinunong paham na si Kiosko. Isang matandang ubanin na kung gaano ang dami ng daliri sa kamay at paa, siya ring dami ng kulubot sa mukha. “Sasalungatin ko ang kagustuhan ni Soraia. Gagawa ako ng mga sangkap na panlaban sa kasamaan. Kung noong mga nakaraang araw, wala akong nagawa, iyon ay dahil sa hindi ko alam ang mga pangyayari. Magkakasubukan kami ni Soraia!”
Matamlay na tumindig si Cordova, nagsalita. “Ang nasabi ay nasabi na. Ang Radam ay hindi binabago ang salita kung ano ang sinabi, dapat masunod.”
“Ngunit dakilang Radam, hindi lahat ng salita ay tinutupad kung ang kausap ay masama!” sabi ni Ogbinar sa anyong galit.
“Ang salita ay iginagalang, kung ang nakikinig ay magalang.” sabad ni Rancudo. “Si Soraia ay walang galang sa dakilang Radam, kaya hindi rin dapat na igalang!” dugtong pang matigas ang tinig at umiigting ang bagang.
“Iginagalang ko ang karapatan ng ating munting Don. Dito siya maglalagi at hindi sa kaharian ng Mahikalandia!” sigaw ni Kiosko kasabay ang sabog ng laway.
Naghiyawan ang mga magkakaharap. Tutol sila sa kagustuhan ni Soraia. Handa nilang ipagtanggol ang karapatan ng batang Don.
“Sa inyong kakayahan.” ani Cordova “Iniaasa ko ang kapalaran ng aking anak. Gawin ninyo ang nararapat pagkat hindi makakaya ng inyong Mahalya ang malayo si Don Donaio.”
“Gagawin naming ang lahat alang-alang sa inyong kaligayahan.” sabi ni Ogbinar at nakita rin niya ang pagtango ni Racundo, kasabay ng pagsang-ayon ng lahat.
Mabilis na nagdaan ang mga araw. Pagkatapos mabinyagan si Don Donaio ay saka lang ipinagtapat ni Cordova kay Arminya ang nagging kasunduan kay Soraia.

Nag-iiyak si Arminya at parang ayaw nang mabuhay kung mawawala rin lang ang munti niyang kaligayahan. Ang batang si Don Donaio “Bakit ka pumayag sa ganoong kasundunduan?” wika pa niya sa dibdib ni Cordova. Humihikbi.
“Mahal kita aking Mahalya. Kung hindi ako papayag, mamamatay ka. Ayokong mawala ka sa akin.” sagot ng Radam at pilit inalo ang asawa.
“Gumawa ka ng paraan, aking Radam. Ayokong mawala ang ating anak.” nagsusumamong sabi ni Arminya.
Ang lahat nang pangako ay sinabi ni Cordova upang maglubag ang kalooban ng asawa. Magtatalusira siya sa isang kasunduan.

Samantala, puspusan ang ginagawang paghahanda ng mga opisyales ng palasyo upang kalabanin si Dambu. Ang higanteng malimit maminsala sa maliliit na pamayanan ng Mauritanya sa gawing paanan ng bundok.
Si Ogbinar ang namahala sa pagpapagawa ng dalawang malalaking pana. Ang isa ay sa bukana ng kaharian at ang pangalawa nama’y sa beranda ng palasyo.
Si Racundo naman ang pumili ng mga kawal na pinakabihasa sa pag gamit ng pana. Mga batikan na walang bisala sa panunudla at likas din ang galing sa pakikibaka.
Ang matatalinong tao sa labas at loob ng palasyo ay nagkaisa rin sa pagtuklas ng mga sangkap na batid nilang panlaban sa masasamang espirito, sila’y mga paham at pantas na handang ipagtanggol ang kanilang Don. Mga taong subok ang galing sa darating na pagkakataon. Ipaglalaban ang katahimikan ng kanilang palasyo at kapakanan ng mga dugong bughaw.
Gabi at araw ay hindi mapagkatulog sina Cordova at Arminya. Laging nakabantay sa bugtong na anak. Tinatanaw-tanaw at talagang hindi maatim na iyon ay mawalay pa sa kanila.
“Kapag nagtagumpay ang kagustuhan ni Soraia, magiging madilim sa akin ang paligid.” naluluhang sabi ni Arminya.
“Hanggang sa huling sandali, ipagtatanggol ng buong kaharian ang ating supling.” wika naman ni Cordova.
“Sana nga aking Radam at patnubayan tayo ng dakilang Maykapal.” sabi ng ina at masuyong niyakap ang batang katabi sa himlayan.

Sumapit ang ika-walong araw. Parang nililindol ang kapatagan sa pagbaba ni Dambu mula sa kabundukan. Nakabahag lang at kita ang mabalahibong katawan hanggang sa mukha. Ang taas ay pantay sa punong kawayan. Mabalasik ang mukha at tumutulo pa ang laway sa kasabikang matupad ang utos ni Soraia. Natutuwa siya kapag nakakapaminsala sa mga mamamayan. Ang manira ng mga tahanan at gawing laruan ang mga dalaga.
Ang pangyayaring pananakot ni Dambu sa mga taga bundok ay ilang araw pa lamang na nagaganap, at dagli ring umabot sa kaalaman ng palasyo. At ngayon, sabay sa isasakatuparan ni Heneral Rancudo ang tungkulin sa mga dugong bughaw at sa mamamayang nasa paanan ng bundok, hahadlangan nila ang higante.
Naghiyawan sa takot ang munting pamayanan sa dalisdis ng bundok. Nagtakbuhan ang mga tao. Nagtago sa mga lungaw. Ang iba nama’y lumapit sa malaking hukbo ni Rancudo. Nakaabang sa higante.
Ang kalahati sa mga kawal ay nakaakyat sa mga nagtatayugang mga punong kahoy. Nakahanda ang mga palaso sa gawi ng panganib. Ang iba nama’y nasa lupa at pinangangasiwaan ang mga nakahigang punong kahoy na magsisilbing pamatid sa paa ng higante. Bitin naman ang paghinga ng mga mamamayan.

Humahalakhak pa ang higanteng si Dambu sa paglapit nang biglang magliparan ang mga palaso patungo sa kanyang mukha. Bawat isa ay tumitimo. Pumapasok sa bibig, sa butas ng ilong at sa magkabilang mata. Dumadahak siya na parang namumuwalan. Bumabahing at nagkakadaduling ang mga mata dahil sa palasong tumimo roon.
Nanlalabo ang paningin ni Dambu. Sumisigaw na parang kulog ang tinig. Sumisingasing. Pumapadyak. Paikot-ikot sa pagtakbo hanggang sa mapatid ang kanyang mga paa sa punong kahoy na sadyang inihalang sa daan. Natumba siya at nadaganan ang mga nakapatayong buho na may tulis.
Lalong lumakas ang hiyaw ng higante nang matusok ng buho ang kanyang dibdib. Ang ibang panusok ay nabali lamang sa kunat ng kanyang balat. Dahil doon, lalong sumidhi ang kanyang galit at pakapang pinalis ang mga punong kahoy. Niyugyog kasunod ang halihaw na tila damo lamang.
Maraming kawal ang nahulog mula sa mga punong kahoy, ngunit patuloy pa rin ang pamamana kahit iika-ika sa pagkapilay. Pinipilit nila ang tagumpay. Gustong mapatay si Dambu. Subalit kung susuriin, parang walang saysay ang ang naganap na panunudla pagkat sa sukat ng higante tila karayom lamang ang mga palaso. Hindi gaanong bumabaon.

Sa nalalabing liwanag mula sa mga mata ni Dambu, naisip niyang unahin ang pagkuha sa batang anak ni Cordova. Natatakot siyang magalit si Soraia at baka paliitin siyang gaya ng isang langgam.
Pahapay-hapay ang takbo ng higante. Nayayanig ang paligid. Nagigiba ang bawat matapakan. Umiilandang ang matisod na tahanan at nahahapay ang mga punong maraanan. Subalit hindi siya makakurap. Lalong nasasaktan ang mga mata niyang natutusukan ng palaso at hindi naman niya mabunot sa katuwirang pag dumugo, lalo lang siyang di makakakita.
Dahil sa malalaking hakbang ni Dambu, madali niyang narating ang bukanang patungo sa harapan ng palasyo. Makikita rin sa kanyang likuran ang hukbo ni Rancudo. Sakay ng kabayo at nagmamadali sa paghabol.
Maraming mamamayan ang napinsalaan ng tahanan, ngunit ligtas naman sa kamatayan pagkat maaga silang nasabihan sa paglikas.
Ang sandaling hinihintay ni Ogbinar ay dumating. Siya ang sumipat sa landas ng malaking pana. Itinama ang tudla sa kinatatayuan ni Dambu at biglang tinaga ng espada ang matabang lubid na pumipigil sa malaking pana.

Sa ganoong pangyayari, sumalipadpad ang palaso na kasinlaki at haba ng isang kawayan. Mabilis ang haginit at tuwid na tumarak sa sikmura ng higante. Tagos.

Bumagsak si Dambu. Kumikisay at madaling nalagutan ng hininga, kasunod ang unti-unti pagliit tulad ng isang pangkaraniwang nilalang.
Nagsigawan sa galak ang mga tao sa labas at loob ng palasyo. Maging ang mga mamamayan ay nagbunyi sa pagkamatay ni Dambu. Ibig sabihin, ligtas na ang kanilang Don. Si Don Donaio.

Napayuko si Cordova. Nagtatagis ang bagang at hindi nagbadya ng tagumpay pagkat alam niyang nagsisimula pa lamang ang napipintong suliranin nila kay Soraia.
“Kami ang bahala sa Mahikantadang iyon. Hindi siya makakapasok ng palasyo!” sabi ni Kiosko nang mahalata ang niloloob ng kanilang Radam.
“Naglagay rin kami ng krus sa bawat lagusan ng palasyo.” wika naman ng isang pantas at itinuro pa ang nasabing banal na hugis sa may pinto, bago nagpatuloy sa salita. “Umaasa ako sa aking paniniwala na magagalit ang kanilang Reyna Aia dahil sa ginawang kasamaan ni Soraia. Maaari siyang parusahan, itakwil sa kabutihan at mapunta sa kasamaan. Ngayon kung sakaling siya ay isa mg Burukantada, matatakot siya sa krus!”
Marahang inangat ni Cordova ang kanyang ulo mula sa pagkakayuko at isang matamlay na tango ang kanyang iginanti sa pantas, kapagkuwa’y humakbang siyang palayo, patungo sa pasimano ng beranda. Muli siyang giniyagis ng pag-aalala. Nanatiling nagdili-dili at matagal na tumanaw sa bukana ng bayan kung saan ay doon manggagaling ang kanyang inaasahan. Hindi nga siya nagkabula. Nandilat ang kanyang mga mata bago nagwika. “Dumarating na si Soraia! Siya ang liwanag na papalapit sa atin!” at itinuro pa ng Radam ang tila kumpol ng mga bituin na naka kahigit ang kisap sa paligid.
“Magbalik ka na o dakilang Radam sa piling ng mabunying Mahalya.” paalalang sabi ni Kiosko. “Kami na ang bahala rito. Kailangan ng mag-inang dugong bughaw ang isang mapangungunyapitan.” ang dugtong habang katabi ang pari ng simbahan na kanyang pinasundo.

Ilang sandali pa. Naging mabilis ang paglapit ng nakakasilaw na liwanag at mistulang bulalakaw sa pagdating.
Kasabay naman ang utos ni Ogbinar na ipihit ang malaking pana at itama ang gulong sa hinaharap na puntirya. Ang malaking palaso ay tubog sa agua bendita at may maningas na apoy sa unahan.
“Kung siya’y kalaban ng kabutihan, matutupok siya sa apoy na may halong kabanalan!” sigaw ni Kiosko habang hawak ang isang malagablab na sulo at may kung anong pasingaw ang nangangamoy.
Patuloy naman ang pagdarasal ng banal na Obispo ng simbahan. Walang tigil ang pagbendisyon sa kaharap na kalaban. Hawak niya sa kaliwang kamay ang tungkod na ang dulo ay may nakaparipang kristo sa krus at handang iharang sa kasamaan.

Subalit nang paigkasin at dumaan ang sumisirit na palaso sa gitna ng liwanag na iyon, namatay ang apoy na nilikha ni Kiosko sa palaso. Naging tubig ang gitna ng liwanag. Nagkahugis at lumitaw ang anyo ni Soraia. Kulay ginto ang kasootan at may poot sa mukha. Hindi siya humahakbang ngunit kung bakit lumalapit at pumapaitaas sa beranda.
Nagliparan ang napakaraming palaso mula sa mga kawal na kung saan-saang panig ng palasyo nakaabat. Ngunit para bang may panalag na di makikita ang babaing Mahikantada. Hindi umaabot at tumatalbog lamang bago marating ang katawan ni Soraia.
Isang malakas na halakhak ang kumalat sa ibabaw ng beranda. Nakaakyat na si Soraia at lumakad na papalapit sa mga opisyales ng palasyo.
Bumunot ng espada sina Racundo at Ogbinar. Sinalasa ang babaing humahalakhak. Subalit ramdam nila ‘y tumataga sila sa bakal at tumitilamsik pa ang mumunting apoy sa pingkian.

Gumanti si Soraia. Isang kumpas lang ng kanyang baston, naging bato sina Racundo at Ogbinar. Mga rebulto na kung ano ang huling kilos ay siya ring nagging anyo sa pagiging bato.

Agad naming pumaligid kay Soraia ang pangkat ni Kiosko. Iba-iba ang hawak. May pausok na kung lalanghapin nang walang kasanayan, magkakadasulasok sa amoy. Mayroon pang sangahang dahon ang ginawang panghampas sa babae. Ang iba nama’y pangwisik ng tubig na sadyang gamit sa pag- aantanda. Sari-saring dasal ang kanilang isinisigaw at ginawa pang panggulat ang pangalan ng Maykapal.
Datapwa’t hindi rin tumalab sa tulad ni Soraia ang gayong pamamaraan pagkat hindi pa siya nasasakop ng masamang espirito. Pinadami niya ang rebulto na nagkalat sa beranda. Kabilang sina Kiosko at ang obispo ng simbahan. Maging ang mga mamamanang hindi pa tumitigil sa pagtudla ay gayon din ang sinapit hanggang sa lubusang tumahimik ang paligid.
Sa isang kumpas lang ng baston ni Soraia, nabuksan ang malaking pinto ng beranda papasok sa loob ng palasyo. Sumalubong sa kanya ang may sampung lalake na pawang nakabahag lamang at malalaki ang katawan. Mga dalubhasang mambubuno at sanay ipagwagwagan ang kahit baka sa arena. Malalakas at maaaring dumaiti sa katawan ni Soraia pagkat sila’y walang hawak na sandata.
Biglaan ang salakay ng mga lalake. Kung saan-saan galling. Mayroon sa itaas, sa sulok at sa paligid. Pilit nilang pinaghihila ang babae at tangkang ilugmok na bali ang mga buto.

Sa ganoong pagkakataon, bigla ring naging apoy ang katawan ni Soraia. Hindi na siya pumalag pagkat kusang umilandang ang sa kanya’y kumakapit.
Nalapnos ang balat ng mga lalake at pagdaka’y naging bato ang katulad. May nakatimbuwang at may nakatingkayad.
Humalakhak lang si Soraia at nagpatuloy sa paglalakad. Nilandas niya ang mahabang pasilyo. Parang alam niya kung saan ang silid na pangmaharlika at iyon ay nakaharap na sa kanya.
Sa magkabilang panulukan ng alpombradong pasilyo, naglabasan ang maraming asong bundok na ang bangis ay walang kawangis. Mga asong turuan na may tangkang lapain ang babaing makapangyarihan. Ngunit bigla silang natigilan. Nakilala nila ang reyna ng kabundukan. Ang kanilang panginoon sa kagubatan. Ang makapangyarihang diwata na ngayon ay nasa kanilang harapan.

Ang kabangisan ng mga aso ay naparam. Nagmistula silang tuta na nagngunguynguyan. Pumuyupoy sa paanan ni Soraia at nagbigay pa ng daan sa pinto ng maharlika.

Kusang nabuksan ang pinto ng silid. Pumasok si Soraia at sumalubong naman si Cordova. Matagal na nagtama ang kanilang paningin.
“Talagang wala kang isang salita!” singhal ni Soraia at winasiwasan ng makapangyarihang baston ang Radam ng kaharian.
Gumulong si Cordova ngunit agad ring tumindig. Humarang sa kanyang mag-ina at nagsalita. “Hindi ang tulad mong sakim ang nararapat na bigyan ng karangalan sa pangako. Mabuti pa, patayin mo na rin ako!”
“Huwag!” sigaw ni Arminya habang yakap ang anak. “Labis na ang kasamaan mo! Bakit kailangan mo pang kunin ang aming supling?”
“Dahil ipinagpalit ako ni Cordova sa tulad mong mang-aagaw!” asik ni Soraia at ipinanturo pa ang hawak na baston.
Sumagot si Cordova. “Hindi niya ako inagaw. Talagang siya ang minahal ko at sinamba. Tunay ang pag-ibig niya sa akin. Wagas hanggang kamatayan.”
“Hanggang doon lang?” muling singhal ni Soraia. “Hindi tulad ng pag-ibig kong walang hangganan!” dugtong pang nanlilibak.
“Tama!” ganting singhal ni Cordova. “Pagkat ikaw ay walang kamatayan. Sakim ang iyong pag-ibig. Gumamit ka ng kapangyarihan upang ako ay makamit. Hindi tunay ang ating pagmamahalan!” namamaos pang sigaw.
“Kung iyan ang gusto mo! Akin na ang bata!” sabi ni Soraia at akmang lalagpasan si Cordova.
“Patayin mo muna ako, bago mo makuha ang anak ko!” hamon pa ni Cordova pagkat alam niyang makapangyarihan ang Mahikantada.
“Dapat lang sana, pero dahil sinaktan mo ako, gusto kong makita ang sakit na daranasin ninyong mag-asawa kapag nasa akin na ang inyong anak!”

“Hindi!” sigaw ni Cordova at tinangkang pigilan sa balikat ang babae, ngunit may kung anong kumisap sa kanyang paningin mula sa mata ni Soraia. Namandhid ang buo niyang katawan at hindi na makakilos.
Lalong lumakas ang halakhak ni Soraia nang malagpasan niya si Cordova at makaharap si Arminya. pinanlisik ang mga mata bago nagsalita. “Ibigay mo sa akin ang bata!”
“Hindi! Mamamatay na muna ako, bago mo makuha ang anak ko!” tanggi ng Mahalya at lalong hinigpitan ang yakap sa sanggol.
“Sana nga ay pinatay na kita!” ani Soraia. “Kaya lang, dapat mo ring maranasan ang sakit ng naramdaman ko nang agawin mo sa akin si Cordova!” dugtong pang humahalakhak at karakang hinawakan sa ulo ang batang Don saka dahan dahang hinila.
“Hindi mo makukuha si Don Donaio.” asik ni Arminya at isang kamay na pinigilan si Soraia.
“Kapag hindi mo siya binitiwan, mapuputol ang kanyang ulo!” ang sabi at lalong lumakas ang halakhak ng Mahikantada. Hinila ang bata na ayon sa kanyang pandinig, Don Donaio ang pangalan.
Napaliyad ang supling. Nabanat ang leeg at agad na umiyak. Sumisinghap na wari ‘y nahihirapan sa paghinga.
Maliksing humakbang na pasugod si Arminya upang mapalapit kay Soraia at hindi mahila ang leeg ng kanyang anak.
“Iikot akong bigla. Kapag hindi mo siya binitiwan, mapipigtal ang kanyang ulo!” banta ni Soraia at akmang gagawin ang kanyang sinabi.

Napilitang sumunod si Arminya. Nanaisin pa niyang makuha ni Soraia ang kanyang anak, huwag lang mamatay. Nag-iiyak siyang lumuhod sa harap ng Mahikantada at nagmamakaawang huwag pabayaan ang batang Don. Saka siya lumingon kay Cordova na parang humihingi ng saklolo, ngunit tulala ang kanyang Radam.
“Magdusa kayong mag-asawa!” wikang galit ni Soraia. “Bilang parusa sa pagsira ng usapan, kailan man… hindi na kayo magkakaanak!” asik pa at nagtangkang lumisan.
Yumapos sa paa ng Mahikantada si Arminya. Nagtutumangis at nagmamakaawang ibalik ang kanyang anak.
“Dadalhin ko siya sa kaharian ng Mahikalandia. Doon maglalagi hanggang sa maging ganap na binata. Mawawalay siya sa inyong paningin at kalianman, hindi na kayo magkikita!” humahalakhak pang sabi ni Soraia habang dahan-dahang umaangat sa lapag, hawak ang batang umiiyak.
Napabitaw si Arminya nang bumilis ang paglayo si Soraia. Napatid siya sa mga rebulto na nagkalat sa pasilyo.

Ganap nang naglaho si Soraia. Naglaho na rin ang taglay niyang liwanag maging ang hawak niyang si Don Donaio.

Pagkalipas ng ilang sandali, nanumbalik sa dating anyo ang mga nilalang ng palasyo. Dahan-dahang nagsikilos at nagpalinga-linga. Hindi sila pinatay ni Soraia sa takot na maparusahan ng kanilang Reyna sa maramihang pagpatay.
Humahangos na lumabas sa kuwarto si Cordova at agad na hinanap ang kanyang Mahalya. Nakita niyang nakahandusay sa pasilyo. Kinalong at niyakap.
Ang mga mambubuno naman ay agad na lumapit. Nag-antabay at gustong sila ang bubuhat sa Mahalya, ngunit wala silang narinig na utos.
Pinangko ni Cordova si Arminya at muling ipinasok sa silid. Kanina, kahit manhid ang kanyang katawan, narinig niya ang bawat salita ng Mahalya at ni Soraia. Alam niyang wala na si Don Donaio.
“Para akong namatay sa pagkawala ng ating bugtong na anak. “Hinaing ni Arminya nang siya’y mahimasmasan at magliwanag ang isip sa himlayan.