Chapter 2- Madugong trahedya.
Nang mga sandal ring iyon sa dakong kanluran ay mabilis ang paglapit ng sasakyan nina Kenji at mga kasama. Hindi na nila nakita ang yate na lumigid sa gawing silangan ng bayan. Ngayon ay tinutumbok nila ang kinaroroonan ng magkasintahang Leo at Perenya.
“Tanaw na ang lupain ng mga magigiting na lalake. Mga bayaning nagbuwis ng buhay dahil sa ganitong pananakop.“ sabi ni Kenji. Nilalargabista ang dalawang pulo ng bansang namumuklod tanging kristyano sa buong Asya. Ang lupang sagana sa sikat ng araw at tubig dagat sa tag-ulan.
Hantad na ang Isla Busuangga. Ang maputing ulap sa kalangitan ay nagpapatingkad sa bughaw na kabundukan at nagbibigay ng kaanyuang nakalimbutod sa gitna ng karagatan.
Dahil sa ganda ng tanawin. Ang mga panganib at hirap na dinanas ng mga kilabot ay nahalinhan ng kapanatagan nang mapalapit sila sa patutunguhan. Karamihan sa kanila ay nasasabik ding makita ang babaing mahinhin at madaling takutin. Ngunit higit sa lahat. Alam nilang balita sa kagandahan ang dalagang silangan.
Lumapit kay Kenji ang tagapangasiwa ng radyo sa barko at nag-ulat. “Gusto kang makausap ni Don Q. !“
Napakunot ang noo, ni Kenji at agad nakipag-ugnayan sa radyo. Sinabi ang kanyang balak. “Sa maliit na pulo ng Busuangga kami unang dadaong upang magmanman sa malaking pulo.“
“Caramba.!“ sigaw ni Don Q. “Hindi ba an bilin ko, iwasan ninyo an Bususngga.? Bakit diyan kayo pupunta.?”
“Wala nang panahon, Don Q.” sagot ni Kenji. “Iniwasan namin ang patrulya ng silangan, kaya dito kami napadpad. Pero, huwag kang mag-alala. Natitiyak kong ligtas dito ang ating kontrabando.“
“Ikaw an bahala, Señor Kenji. Pero tandaan mo.! Hindi balen maubos an mana bala, huwag lan an mana fusil. Intiende.?” dugtong pa ng mistisong kastila.
Nagpatuloy ang tinig sa radyo. Nagmamadali sa pangambang masagap ng ibang tao ang kanilang pag-uusap. Bilang panghuli, sinabi rin ni Don Q na susunod sa kanila si Marcaida. Ang matalinong tagapayo at simbilis ng utak kung kumilos.
“Sino si Marcaida.?” bungad ni Garuda, matapos isara ni Kenji ang radyo.
“ Siya ay mestisang espanyola.” sagot ng singkit “Taga silangan din ang kanyang ina. Pamangkin ni Don Q, at ilang ulit na silang nakarating dito bilang mga mangangalakal.“ paliwanag pa ni Kenji sa mga nakikinig.
Napangisi si Garuda. Nabakas sa kanyang mukha ang pag-asam. Hihintayin niya si Marcaida upang subukan din ang sinasabing bilis sa pagkilos.
Napakislot si Kenji nang mabalingang malapit na sila sa Pulong Masle. Agad niyang pinapatay ang makina ng sasakyan nang masilip sa largabista ang pantalan na umaayon sa kanilang kagustuhan.
Sa galing ng timonero ay marahan ang ginawa nilang paglunsad. Handa ang mapamuksa nilang sandata at animo’y mga gutom na maninila.
Ang pangkat ni Garuda ang pinakamarahas. Mabilis nilang pinasok ang nakaawang na pinto ng kubo. Nagsiyasat ngunit walang naratnang tao.
“Ano’ng klaseng pulo ito.?“ galit na tanong ni Garuda. “Bakit walang pamayanan at iisa lang yata ang bahay. Wala pang tao.!“
“Hayun.! “ mahinang bigkas ng isang tauhan na nakapanungaw. Siya si Buryas.
Ang pistolero ding alalay naman ni Mostafa.
“Nasaan.?” mulagat na tanong ni Garuda.
“Hayun.! Dalawang lalake at dalawang babae.!“ turo pa ni Buryas na may halong kasabikan habang nasa kusina at nakatanaw sa duluhan.
“Babae.!” sabay pang bigkas nina Garuda at Mostafa. Sabay ding sumugod sa durungawan at kinakaligkig sa kaligayahan.
Ngayon lang napatunayan ni Kenji kung gaano kasagupa sa babae ang dalawang indones. Nakita niyang muntik pang mahulog si Buryas sa bintana dahil sa siksikan.
“Para kayong asong ulol.!“ paasik na kantiyaw ni Kenji. Nananalim ang mga mata nang sila’y lumabas sa kubo. Ikinalat ang kanyang mga tauhang singkit upang magsiyasat sa paligid.
Pangkat ni Garuda ang naunang lumapit sa duluhan. Gustong makatiyak na sila ang unang mamumuska sa kinasasabikang babae. Nag-uunahan at larawan ng tuwa.
Dahil sa aloy-oy ng batis at lagaslas ng tubig mula sa itaas ng bundok, hindi napansin ng dalawang matanda at magsing-irog ang nakaambang panganib.
Nakatapi lang si Pernya. Hakab ang basang saplot sa magandang hubog ng kanyang katawan. Parang musmos na naglalaro sa tubigan.
Si Leo naman ay nakapantalon pa nang itulak ni Perenya sa tubig. Naroroon pa rin ang pinta sa kanilang mukha. Wari’y mga batang inuna pa ang sabuyan ng tubig at ang malakas na tawanan.
“May tao.! “nabiglang sambit ni Leo nang mabalingan ang mga nakangising pangkat.
“Magandang panoorin.!” nanggigigil na bungad ni Garuda. Halata ang kagutuman sa pagtakam at nag-iinit ang pagkalalake. “Halika rito, babae. Kahit may dungis ang mukha mo…!” hindi itinuloy ang gustong sabihin. Ang likas niyang ugali ang nahantad. Bigla na lang tumawa at bigla ring tumigil. Bumalasik ang mukha at inilahad ang kanyang kamay upang abutin ang dalagang nasa ibaba ng batis.
Nanginginig sa pagkabiglang lumayo si Perenya. Nangubli sa likod ng kasintahan at agad nabanaagan ang napipintong katuparan ng kanyang masamang panaginip.
Nagulat din ang dalawang matanda. Iniwan ni Mang Baste ang pinaiinom niyang baka at gayon din si Aling Gelang sa pamimitas ng bungang kahoy. Lumapit sila sa magkasintahan upang tumulong.
“Sino kayo at ano ang kailangan ninyo rito.?“ matatag na tanong ni leo, kasabay ang pag-ahon sa tubig. Nanlilisik ang mga matang itinudla sa mga kilabot.
“ Tabi.!“ bulyaw ni Garuda at akmang lulusong sa mababaw na tubig upang kunin si Perenya, ngunit umigpaw sa kanyang panga ang kamao ni Leo. Umilandang siya sa tubig. Patihaya, animo’y asong nagkakahog sa pagkawag.
Lihim ang pagtawa ni Mostafa. Alam niyang takot sa tubig si Garuda pagkat bihira itong maligo. Gayon man, tinangka niyang takutin si Leo. Pumusturang gagamit ng baril. Sumaklang ang tayo at saka ngumisi.
“Matapang ka lang dahil mayroon kang bubunutin.!“ maliksing sigaw ni Leo at tumalaga sa gagawin ng kanyang kaharap.
“Huwag, Mostafa.!” awat ni Garuda. Bigyan mo siya ng baril.! Kami ang maglalaban.!” dugtong pang sigaw habng hinihimas ang kanyang baba sa pag-ahon.
Kinalag ni Mostafa ang sinturon niyang may baril upang ihagis kay Leo. Tila magkakasubukan agad ang dalawang kapwa balita sa pananandata, ngunit namagitan ang tadhana.
“Garuda.!” sigaw ni Kenji. Papalapit sa batis at humuhudyat ang kamay. Ayaw niyang magkaroon ng putukan sa pangambang iyon ang maging hudyat kung may tao sa paligid.
Hindi naituloy ang tangkang pagsalo ni Leo sa baril ni Mostafa. Nailang siya sa pangalang tinawag ni Kenji. Tinitigan niya ang indones. Nag-isip ngunit wala na siyang panahong mag-usisa.
“Kung gayon, gawin nating kamayan ang labanan.!“ hamon pa ni Garuda kasunod ang pag-ambang animo’y tatsaw na gumigiri. Gustong burahin sa suntok ang pintura sa mukha ni Leo. Nagmamadali pagkat may ugali siyang kapag nasaktan, agad gumaganti.
Si Perenya nama’y sumagad ang takot. Lumapit siya sa dalawang matanda at doon halos mapugto ang kanyang hininga. Narinig din niya ang pangalan ni Garuda.
Yakap ni Aling Gelang si Perenya. Tumutulo ang luha sa paghingi ng awa sa Panginoon. Parang alam niyang iyon na ang katapusan at doon na rin magwawakas ang kanilang kasaysayan.
Nakahanda naman si Mang Baste. Nagtataka kung saan galing ang uri ng mga taong sa kanila ay nakapaligid. Hinugot niya ang gulok sa baywang nang siya’y lapitan ng mga kilabot.
Nagtatawanan ang mga tauhan ni Garuda. Mga hayok na gusto ring makahaplos sa dalaga, yamang may pinagkakaabalahan ang kanilang pinuno.
Ngunit gumimbal ang isang bulalas. ”Ang unang humipo sa babae, mapuputol ang daliri.!” iyon ay sigaw ni Garuda, kasabay ang pagbunot ng baril. Tinalikuran niya si Leo pagkat hindi siya papayag na maunahan sa ganoong pagkakataon.
Biglang nag-unahan sa paglayo ang mga tauhan ni Garuda. Alam nilang asintado ang kanilang pinuno.
Sa ganoong tanawin, biglang humalakhak si Garuda at bigla ring tumigil nang si Nau naman ang nakita niyang umagaw sa gulok ni Mang Baste nang ito ay manlaban.
Pagkaraa’y marahang bumaling si Garuda kay Leo. Muling gumiri na parang tandang at nauna pang sumugod.
Doon na nag-abot ang dalawang kidlat sa hangin ang mga kamay. Mas mabilis at magaan ang suntok ni Garuda. Matibay naman si Leo at mabigat ang kamay. Sa ganoong subukan, hindi maikakaila ang dapat manalo. Saglit lang, bumagsak ang indones. Duguan ang mukha.
“Ulol.!” si Mostafa ang sumigaw. Kataga na una niyang sinaulo bilang pang bulyaw sa kinagagalitan. Sigaw na kasabay ang pagsaboy ng buhangin sa mukha ni Leo Napuwing ang kalaban at iyon ang sinamantala ni Mostafa. Walang patumanggang pinagsusuntok si Leo hanggang sa mahulog at masubsob sa batis.
Hindi nakatiis si Perenya. Katulong niya ang dalawang matanda. Sinugod nila si Mostafa. Suntok , kalmot at sipa ang kanilang ginawa. Subalit dahil sa katandaan, unang nalugmok ang mag-asawa, samamtalang si Perenya ay patuloy ang paglaban. Hindi na inalintana ang malilikot na daliri ni Mostafa. Niyakap siya at tangkang hagkan. Doon na natakot ang dalaga. Naalala ang pagiging babae. Nagsisigaw siya at ayaw madantayan ng ibang lalake.
Si Leo naman ay bahagyang nakaaninag nang mahugasan ng tubig ang kanyang mga mata. Agad dinaluhong si Mostafa. Kinabig sa balikat at ubos-lakas na sinuntok sa panga.
Umikot si Mostafa. Nanginig ang tuhod. Natumba at nabagsakan pa si Garuda na noo’y bumabangon.
Napatakbo si Perenya kay Aling Gelang. Nakahandusay sa lupa at parang sisiw na sumisiyap. Nakita rin niya si Mang Baste na gumagapang sa batis. Napakasakit masdan kahit ang mga iyon ay hindi niya tunay na magulang.
Malakas naman ang halakhak ni Kenji. Nakapamaywang at nakatingin sa dalawang indones nang magsalita. “Mahina pala ang inyong tuhod. Hindi mananalo kung walang hawak na baril.!“ at muling humalakhak si kenji. Parang iniinsulto ang dalawang magkakurus ang pagkakapatong. Sanhi niyon, hindi niya nakita ang ginawang pagkulumpon ng mga tauhan ni Garuda kay Leo.
Si Garuda ang unang tinamaan ng tudlang panlilibak ni Kenji. Nagdilim ang kanyang mukha sa matinding galit. Itinulak ang nakadagan sa kanyang si Mostafa at agad na umahon sa tubig. Naninigas ang mga daliri at gustong pumatay. Tatapusin na niya ang pinunog singkit, ngunit natigilan siya nang may sumigaw.
“ Leo.!” hiyaw ni Perenya nang makitang duguan ang kanyang kasintahan matapos iwan ng mga indones.
Ang malakas na sigaw ni Perenya ang nagpaudlot kay Garuda sa tangkang pagpatay. Mas gusto niya ang narinig na pangalan. Lumapit siya sa dalaga at nagtanong. Ladoza ba ang apelyido ng tarantadong ito.?”
“ H-Hindi.! Ang apelyido niya ay Dela Cruz.!“ nanginginig na sagot ng dalaga, kasabay ang maraming pag-iling ng ulo. Lalong nabuo ang kanyang hinala. Kapatid nga ni Turla ang kanyang kaharap. Kailangan niyang magkaila sa kaligtasan ng binata. Sinisi rin niya ang sarili sa nabiglang tawag niya kay Leo.
Walang makuhang magandang kasagutan si Garuda kay Perenya. Nagbalik ang dating galit niya kay Kenji, ngunit kay Leo lamang maibubunton. Isinalya niya ang dalaga pagkat maaari pang ipagpaliban ang nadarama niyang pagnanasa. Dinaklot niya sa kamay ang walang malay na si Leo at hinilang pakalagkad bago sumigaw.“ Kenji.! Hiniya ako ng taong ito. Siya ang uunahin ko at pagkatapos, akin pa rin ang babaing ito.!” saka umastang bubunot ng baril si Garuda.
“Ikaw ang mahilig. Bahala kang sumubok. Pero tandaan mo.! Ang dalagang silangan kapag ayaw, gusto pa ang mamatay.! “ paasik na bulyaw ni kenji kasabay ang pagtalikod at pagsawata sa kanyang mga tauhang singkit na handang makipagbarilan.
Ngumisi lang si Garuda. Hindi na pinansin ang dapat mangyari. Kapagkuwa’y luminga siya sa paligid. Tinanaw ang burol na hantad sa sikat ng araw. Doon niya pinakaladkad sa kanyang mga tauhan ang walang ulirat na binata. Ang itaas na bago marating maraming bungang damo ang kumapit sa kanilang damit. Matutulis ang gilid ng bilugang bungang damo. Sa bahaging iyon, sinadya pa nilang doon kaladkarin ang binata. Doon pinahiga at doon din pinagulung-gulong.
Nang magkamalay si Leo, nakatali na siya sa isang patay na punong kahoy. Nakabilad sa ibabaw ng burol. Mahapdi ang kanyang balat sa dami ng bungang damo na doo”y nakatusok. Idinilat niya ang namumulang mga mata at iginala sa abot ng tanaw.
“ Gising na ang magaling na lalake.!“ nangungutyang sabi ni Garuda. Ang Kilabot na kapag nasaktan, libong sakit ang gustong iganti. Iba-ibang parusa ang iniisip. Parang baliw na pinahanay ang kanyang mga tauhan at inatasang gumaya sa kanyang gagawin. Dinaklot niya sa batok ang binata at biglang pinitik ang matangos nitong ilong.
Napapitlag si Leo. Nanalim ang mga mata, lalo na nang si Mostafa ang sumunod kay Garuda. Nanggigigil sa katuwaan at napapatalon sa kinatatayuan.
“Sige , mga bata.! Pitik nang pitik.!“ sigaw pa ni Garuda.
Parang nababalasing si Leo nang magsunud-sunod ang pumipitik sa tungki ng kanyang ilong. Namula ang balingusan at nagsimulang pumatak ang dugo, ngunit nakuha pa rin niyang magbanta matapos tandaan ang mukha ng mga tauhan ni Garuda. “Kapag ako’y nabuhay, punglo ang ipampipitik ko sa inyong ilong.! “
“Tarantado.!“ bulas ni Garuda. “Wala ka nang pag-asang mabuhay.“ bulas pa ng kilabot na pinakamadaya sa lahat. Malimit sumingit sa pagpitik pagkat galit siya sa taong matangos ang ilong, dahil ang sa kanya ay sarat at pango. Nang magsawa, panibago na namang parusa ang inisip. Pinabitin niya si Leo sa paraang bahagya lang ang paang nakasayad sa lupa.
Hindi nagtagal, biglang naalala ni Garauda si Perenya. Namugad ang kasabikan sa kanyang katawan. Niyaya niya si Mostafa at nagmamadali silang bumaba sa burol upang hanapin ang babae.
“Nasa kubo.“ ani Kenji sabay pigil kay Garuda. “Gusto kong unahin ninyo ang ating pananghalian. Balita ko’y magaling kayong maglitson ng baka.”
Isa pa sa ugali ni Garuda ang magyabang kapag napupuri. Gustong mapatunayan agad ang kagalingan niya sa paglilitson. Ang paggamit ng balaraw sa pagpatay ng baka at mga sangkap na makukuha lamang sa halamanan.
Masigla si Garuda habang tinutuhog ng malaking sanga ng kahoy ang baka ni Mang Baste. Malimit din niyang sulyapan ang kubo. Ang pamatid-uhaw na naroron at kung mapapasok niya, masasaid ang laman. Pero, alam alam din niyang wala pang laman ang kanyang sikmura.
“Garuda.!“ pukaw ni Mostafa habang nagpapaapoy ng malalaking sanga ng punong kahoy. “Hindi ba alak ‘yon.?” sudlong pang tanong at itinuro ang mga bumbong na nangagsabit sa niyugan.
“Tarantado.! Tuba ‘yon.!“ galit na asik ng tinanong, subalit nang mahimasmasan, biglang natawa at bigla ring umikom ang bibig bago nagsalita. ”Oo nga, ano.? Alak nga ‘yon.! Sige. ! Ipaakyat mo sa mga bata.!“
Lagpas na sa oras ang kanilang pananghalian. Agawan ang kainan. Magulo. Unahan sa paglaplap ng bahaging ibabaw ng baka. Pinipili ang luto na at nananatili pa ring nakasalab sa baga ang naturang litson.
Ipinakita ni Garuda ang galing niya sa paggawa ng ng sawsawan. Suka na may halong siling labuyo at kung anu-anong dahon na nagkalat lamang sa paligid. Ang pagnanasa niya kay Perenya ay sandaling nalimutan. Nalibang siya sa pagkain at sa pasa-pasahang pagtungga ng tuba sa bumbong. Nakasalampak sila sa damuhang nalililiman ng mga punong niyog at naging kaaya-aya ang dapyo ng hanging galing sa dagat.
Sa kagustuhan ni Kenji, tinawag ang tatlong bihag at pilit na pinasalo sa kainan.
Harapan sila sa lamesang galing sa kubo. Gustong matiyak ng singkit kung talagang hindi sila makikilalang taga ibang bansa. Ganoon nga ang nangyari. Walang nagtanong at pagsusuri mula sa mga bihag.
Iba ang nasa isip ng tatlong bihag. Ang alam nila’y nasa panganib ang kanilang buhay, lalo na ang kalagayan ni Perenya sa nakakapasong titig ni Garuda.
Bakit marusing pa rin ang mukha mo.?” tanong pa ng indones. Nagtataka kung ano ang dahilan at may pintura sa mukha ang kanyang kaharap.
Hindi sumagot si Perenya. Yumuko lamang at ayaw tingnan ang katapat niyang kilabot.
“Maramot ka.!” bulyaw ni Garuda. ”Ayaw mong ipakita sa akin ang iyong kagandahan.! Gusto mo bang tuklapin ko sa halik ang pintura sa iyong mukha.?”
Parang sumamong dugtong ng kilabot, kasunod ang tungga ng tuba. Namumungay ang nasusulipat na mga mata dahil sa kalasingan.
Pumatak ang luha ni Perenya. Sumulyap sa burol at mahinang umusal. “Love, bakit nagkaganito ang ating kapalaran.? Mauuna akong mamamatay at hihintayin na lang kita sa dako pa roon.”
Nahalata ni Kenji ang sulyap ni Perenya sa burol. Para niyang nabasa ang nasa isip ng dalaga.“ Kasintahan mo ba ang lalaking nakabitin.?”
Tumango lang si Perenya. Ni gaputok ay hindi nagsalita. Yumuko lang at nagtigis ng luha.
Kumunot ang noo ni Kenji. Humiwa ang kirot sa kanyang puso. Naawa siya sa dalaga at sinisi ang katabi niyang si Garuda. “Hindi ka marunong tumanggap ng pagkatalo. Gusto mong gumanti sa paraang higit na masakit sa naranasan mo.! Alam mo bang lumuluha ang babaing ito at hindi makakain dahil sa nakikitang kalagayan ng kanyang kasintahan.? Ano nga pala ang pangalan mo.? “ baling pa niya sa dalaga.
“ Perenya ho.“ mahinang sagot ngunit dinig ng mga kaharap
Dapat sana ay magdidilim ang mukha ni Garuda na dati niyang ginagawa kapag napupuna ni Kenji. Pero, nasiyahan siya sa narinig na pangalan. Umiral ang likas na kayabangan. Tumindig muna bago nagsalita. “Kung alisin ko sa pagkakabitin ang bata mo.! Kakain ka.?”
Agad tumango si Perenya. Ayaw niyang magtagal ang paghihirap ni Leo. Ang dumanas ng sakit at ngawit sa pagkakatingkayad. Iyon ang ‘di kayang tiisin ng dalaga.
Ang tangong iyon ang nagsilbing hudyat kay Garuda upang bunutin ang kanyang baril. Pinaputok. Gustong ipakita kay Kenji ang kanyang galing. Ang kahusayan sa pagtudla kahit nagsasara ang mga mata sa kalasingan at ang pagiging asintado kahit malayo ang burol sa kanilang kinaroroonan.
Patid ang lubid sa kamay ni Leo. Dumami ang lamuymoy ng abaka sa tama ng punglo. Bumagsak ang binata at nahandusay sa batuhan.
“Wala kang utak, Garuda.! Sinabi ko sa iyong huwag kang magpapaputok ng baril.!“ sigaw ni Kenji at tangkang agawin ang maingay na sandata ng kilabot, ngunit parang malikmatang biglang nawala sa kamay ng kanyang aagawan. Naisuksok na sa baina.
“Masakit kang magsalita, Kenji.!“ sigaw din ni Garuda. “Gayon man, humihingi ako ng paumanhin.!” sabi pa at biglang hinila ang nadaklot niyang kamay habang nililinga ang paligid.
Sa ganoong pagkakataon, handa ang mga tauhan ni Kenji. Sila lang ang hindi salabusab sa pagkain at handang magpaulan ng punglo sa sino mang sasaling sa kanilang pinuno.
“Sa susunod.!“ ani Kenji. Gagamit ka langng baril kung may panganib.!” dugtong pa ng lahing singkit bago naupo sa harap ng kainan.
Saka lang nakapagsalita si Mang Baste nang malaman kung sino ang hihingan niya ng tulong. “Ginoo, maawa ka sa amin. Marami akong naipong pera. Iyo na. Iwan lang ninyo kaming buhay.” at inilabas sa kanyang lukbutan ang isang bungkos na salapi.
Sa nakitang iyon, nasiyahan si Kenji. Umayon ang tadhana sa kanyang mga balakin. Tinanggap niya ang salapi ng silangan. Kailangan niya iyon. Kailangan din niyang makipaglaro sa matanda upang makunan ng kaalaman tungkol dalawang magkatabing pulo. Nalaman din niya kay Mang Baste na ang kinaroroonan nila ay ang Pulong Masle. Siya ang may-ari at walang nakakapunta liban sa kanilang mag-anak. Panghuli, hindi siya nagbigay ng pangakong kaligtasan. Gusto niya’y walang taong buhay ang maiiwan sa pulo upang maging tagumpay ang pagtungo nila sa bayan.
Kahit kumakain, malimit pa rin ang pagsulyap ni Perenya kay Leo. Nakita niyang itinali iyon sa puno at pilit na itinindig mula sa pagkakalugmok.
Sa tuba ibnunton ni Garuda ang sama ng loob. Sunud-sunod ang pagtungga. Lumiligwak sa bunganga. Walang sawa hanggang masaid ang laman ng bumbong. Dahil doon, lalong sumiklab ang pagnanasa niya kay Perenya. Ang dalagang sa tingin niya ay maalindog kahit luma at kupasin ang pang matandang kasootan. Gusto niyang dukwangin ang dalaga, danga’t nag-aalala siyang muling masuwatan at hindi maibigan ni Kenji ang kaguluhan sa masinsinang pakikipagusap kay Mang Baste.
Saka lang natuon ang pansin ni Mang Baste kay Garuda nang tumigil sa pagtatanong si Kenji. Nakita niyang garapal kung tumitig kay Perenya. Kahit matanda na siya, nais niyang ipagtanggol ang dalaga. Kailangan niya ang ano mang uri ng sandata, ngunit saan siya kukuha. Sa oras na iyon, sumasalit din sa kanyang isipan ang isang bagay. Masakit. Hindi man lang niya maihayag sa dalaga ang matagal na nilang inililihim pagkat parang nakikita niyang lahat sila ay hahantong sa hukay.
Magtatakip silim na nang tumindig si Kenji. Nagtungo sa pantalan at doon sinukat sa tingin ang gawing pinakamalapit sa malaking pulo. Pinag-aralan niya ang nararapat na hakbang upang hindi magkabisala ang paglilipat sa mga sandatang iba-iba ang uri. Siya lang ang nakakaalam kung bakit sa bayan pa dadalhin ang kanilang kargamento.
Iyon ang hinihintay na pagkakataon ni Garuda. Ang mapalayo si Kenji. Agad niyang dinaklot ang kamay ni Perenya. Hinatak at niyakap sa ibabaw ng lamesa habang humahalakhak.
“Bitawan mo’ng anak ko.!” sigaw ni Mang Baste habang inaapuhap ang isang malaking buto ng baka. Pinalo niya sa ulo si Garuda. Mariin at may kasamang sigaw. Ibig pang ulitin, ngunit biglang pumutok ang baril ng kilabot nang makaalpas ang dalaga.
“Baste.!” Sigaw ni Aling Gelang at dinuhapang ng yakap ang asawang agad nalagutan ng hininga sa pag-agos ng dugo sa noo. Nanoot hanggang sa kasuluk-sulukan ng pulo ang panaghoy ng matandang babae. Nagkakasat sa lupa habang kalong ang asawa.
Nakita ni Kenji ang buong pangyayari. Pinilit ang sarili sa dahilang nagtanggol lamang si Garuda kaya nagpaputok ng baril. Nagkibit na lang siya ng balikat yamang naaayon sa gusto niyang walang maiiwang buhay sa mga bihag. Tinalunton na lang niya ang kahabaan ng pantalan upang magmasid.
Sinamantala ni Garuda ang pagtangis ni Perenya sa dibdib ni Mang Baste. Hinila niya sa kamay ang dalaga at pakaladkad na nilandas ang patungong kubo.
Nanlaban si Perenya. Nakipaghilahan at kumakapit sa bawat maraanan nilang halaman.
Sa pagtanaw, umiigting ang bagang ni Leo dahil sa matinding galit, ngunit wala siyang magawa, mahigpit ang pagkakatali sa kanyang mga kamay, paikot sa puno. Masakit ang nakikita niyang pagpasan ni Garuda kay Perenya at ang pagkamatay ni Mang Baste.
Sa gitna na dalamhati at panaghoy, nanaig pa rin kay Aling Gelang ang nakikitang pag-ibig ng magkasintahan. Hindi nakatiis ang matanda. Humabol siya at biglang umikyabit sa paa ni Garuda. Kinagat sa hita. Mariin, ngunit may kasunod na ganti. Pahablig siyang binayo sa ulo, sanhi upang umilandang siya sa malayo at nawalan ng malay.
“Inang.!" sigaw ni Perenya habang nagkakakawag sa balikat ni Garuda. Gustong makaalpas. Nakita niya ang dugong umaagos sa ilong ng matanda. Awang-awa siya. Parang hindi na niya naririnig ang halakhak ng gahaman at ang pagsapit nila sa pinto ng kubo. Ibinaba siya upang ipasok sa masamang hangarin ni Garuda.
Nakamasid lang si Mostafa. Nakaantabay. Nasasabik siya sa isang kaganapan. Ibig na niyang hilahin ang bawat sandali pagkat sa batas ni Garuda, siya ang susunod sa imbing kahalayan. Subalit mapagbiro ang tadhana. Ang kanilang lunggati ay nabalam. Nakita niyang nakaalpas si Perenya. Tumakbo sa loob ng kubo at dagling nakapagsara ng pinto.
Muling nangibabaw ang halakhak ni Garuda. Dahan-dahang lumapit sa pinto. Kumatok at nagwikang tila nagbibiro. “Magandang gabi po. Tao po.“
Minadali naman ni Perenya ang paglalagay ng mabibigat na kasangkapang pangharang sa pinto at sagka sa durungawan.
Nakangising umiling-iling si Garuda. Nagbabadyang kaya niyang wasakin ang pinto, maging ang buong kubo. Bahagya siyang umurong at bigay katawang isinalaya ang pinto. Nayanig lang ang kilabot. Hindi nabuksan ang daanan. Parang hinalukay ang kanyang tiyan. Ngayon lang bumigay ang bagsik ng tuba. Umakyat sa ulo at nagsama-samang tumalab sa kanya ang ilang gabing pagpupuyat. Ang pagpalo ni Mang Baste sa kanyang ulo at ang labis na kapaguran. Bumagsak siyang naghihilik sa lupa.
Hayag ang panghihinayang ni Mostafa. Batid niyang hindi maaaring unahan si Garuda sa ganoong pagkakataon. Maghihintay siya hanggang magising ang batikang mananandata. Naghanap na lang siya ng matutulugang tulad ng iba pa niyang kasamahan na naghigaan sa lilim ng mga punong kahoy
Sa loob ng kubo ay nagtataka si Perenya kung bakit tahimik sa labas. Naisip niyang baka tulog si Garuda sa kalasingan. Ngunit nag-aalinlangan ang kanyang kalooban. Hindi maaaring magkagayon ang taong may masamang pagnanasa. Hindi siya mapakali. Hawak ang tukod ng bintana at palinga-linga sa madilim na kabahayan. Di kawasa’y sumilip siya sa siwang ng dingding. Naaninag niya si Garuda at ang iba pang kilabot na pawang nakahiga sa lupa. Tulog.
Isang pasiya ang nabuo sa isipan ni Perenya. Alam niyang hindi siya ligtas sa loob ng kubo at tiyak na mapapasok din siya ni Garauda. Marahan siyang lumabas sa likod-bahay. Nagmatiyag, at nang matiyak na walang nakakakita, halos pagapang siyang nagtungo sa masukal na bahagi ng pulo. Mula roon, tinanaw niya ang burol na kinaroroona ni Leo. Nais niyang puntahan, ngunit nasa daanan ang maraming naghambalang na kilabot. Ang iba’y gising sa pagbabantay kay Leo.
Sukdol sa langit ang takot ni Perenya kay Garuda. Pansamantala niyang naisip ang sariling kaligtasan. Sa tabi ng isang maliit na bunganga ng kuweba, nag-ipon siya ng ilang katamtamang laki ng bato at doon sa bungad itinambak. Bumali rin siya ng ilang sanga ng halamang kahawig ng punong balite na matagal malanta. Pagkaraan ay pagapang na siyang pumasok sa maliit na bunganga ng kuweba. Higit na madilim sa loob. Hindi na niya inalintana kung ano mang hayop ang naroroon. Higit niyang kinatatakutan ang mukha ni Garuda at ang siya ay mapagsamantalahan.
Matapos makapagpahinga, saka lang hinamig ni Perenya ang mga bato. Hinila rin niya ang mga sanga ng halaman. Kung titingnan at susuriin, Parang tumubo lamang sa pagitan ng mga bato ang madahong sanga ng halaman. Natakpan ang bunganga ng kuweba.
Lumipas ang magdamag. Pumasok ang anag-ag ng pang-umagang liwanag sa siwang ng mga dahon sa loob ng kuweba. Sa labas naman ay naghihilik pa ang karamihan sa mga kilabot at wari’y binabawi ang mga nagdaang puyat.
Gising na si Kenji at anyong nag-iisip habang nakaupo sa nakahandusay na punong mangga. Galing siya sa kanilang sasakyan at iniwan niyang natutulog pa si Nau.
Gising na rin si Sultan Kalagara. Tinapik ang katabi niyang si Datu Budjik na tila nasarapan ang tulog sa kural ng baka. Pumupungas pa sa pag-upo.
Sikat at init ng araw ang gumising kay Garuda. Pumungas din sa sakit ng ulo. Umupo at iginala ang paningin sa mga kasamang bago pa lamang nagigising. Nakita rin niya si Aling Gelang habang nakatulala. Bigla siyang napatayo nang maalala si Perenya. Muli niyang sinalya ang pinto ng kubo, ngunit matatag. Hindi matinag sa tulad niyang nanghihina. Yamot na napasigaw at tinawag si Mostafa na bagong gising din. “Tulungan mo akong buksan ang pinto.!“ hiyaw pa niya, subalit wala ring nangyari. Kapwa sila gulapay sa kalasingan. Kapagkuwa’y luminga-linga sila upang humanap ng ipambubundol sa pinto. Datapwat ang dalawang singkit ang nakita nilang nagtatawanan.
“Kay aga mo namang manligaw.!” pakutyang sabi ni Kenji. Natatawa pagkat alam niyang wala sa loob ng kubo si Perenya, at alam din niyang nagtago ito sa kasukalan. Lalo pang natawa si Kenji nang talikuran siya ni Garuda. Bumaling na lang siya kay Nau at hinudyatang buksan ang pinto.
Madaling nakaunawa si Nau. Mabilis na tumakbong patungo sa kubo kasabay ang nakapangingilong sigaw ng karate. Parang palaso siyang lumipad at dalawang paang tinadyakan ang pinto ng kubo. Wasak. Pagkatapos, masigla siyang humarap kay Garuda at magalang na nagwika. ”Magtuloy kayo at manuyo sa dalagang nagtatago.” at yumukod pa ang singkit kasabay ang paglahad ng palad patungo sa loob ng kubo.
Parang nakutya si Garuda. Hindi umimik. Pinilit ang biglang pagngiti at bigla ring pag-ikom ng bibig. Ngunit ang totoo, may banta siya sa isipan. Pabulong na nagwika. “Tarantado.! Pag-ako ang nagpasiklab, isang putok lang ang maririnig mo.! “
Pagkatapos magbanta, mabilis na pumasok sa loob ng kubo ang dalawang masiba sa babae. Naghanap ngunit walang nakita kundi ang bukas na pinto sa likuran ng bahay. Natatawang naiinis sina Garuda at Mostafa. Makikipaglaro sila ng taguan kay Perenya. Naiinis dahil para silang sinasabik ng dalaga.
“Kung iyan ang gusto mo.! Magtago kang mabuti.!” malakas na sigaw ni Garuda nang makalabas siya ng kubo at lumakad pang palikwad-likwad na animo’y dadakma ng tipaklong patungo sa gubatan.
Sumunod si Mostafa. Nagkakamot sa ulo at naisip na baka nabubuang na si Garuda, tulad ng kapatid niyang si Turla. Gayon ma’y nakipaglaro na rin siya at patalun-talon pa sa paghawan ng halaman at talahib.
“Garuda.! Halika rito.!“ makapangyarihang sigaw ni Kenji habang nagpapalit ng damit na gamit nila sa karate. Nakatayo sila sa pinto ng kubo at nasisiyahn pagkat lapat sa kanila ni Nau ang damit ni Leo.
Madilim ang mukha ni Garuda dahil sa pagkakaudlot. Bubulung-bulong at tila gusto pang magmaktol.
“Magtutungo kami ni Nau sa kabilang pulo.!” salubong ni Kenji. “Gusto kong ikaw ang mamuno rito.! Sawayin mo ang mararahas.! Barilin mo kung kinakailangan.!” pigil ang pagtawang dugtong ng pinunong singkit.
Lalong nagdilim ang mukha ni Garuda. Siya ang tinamaan ng tudla at siya rin ang sasaway sa sarili niyang pagkatao. Ngunit kailangan niyang sumagot kahit sa mainit na buntong hininga lamang.
Nag-utos din si Kenji sa kanyang mga tauhan. Pinalunsad niya sa dagat ang bangkang nakataob sa dalampasigan. Sumakay sila at hindi nagdala ng anumang sandata, liban sa gagampanang hinahon.
Kasabay sa pagsagwan ni Nau, tumalikod ang dalawang indones upang ipagpatuloy ang paghahanap kay Perenya. Muli nilang sinagasa ang kasukalan. Hindi nila alintana ang mga amorseko at ibang bungang damo na kumakapit sa kanilang damit. Panay ang halakhak ni Garuda kay Mostafa. Tinawanan lang niya ang utos ni Kenji. Bawal ang marahas kaya dinaan na lang niya sa pakiusap ang masidhing hangarin. Pinagtatago niyang mabuti ang dalaga upang ‘di maamoy ng taya. Sa ganoong paraan, hindi siya magmumukhang marahas, ngunit ang katulad naman niya ay baliw sa kakahagikgik.
Ilang sandali pa ay pawisan na ang dalawang sugapa. Ang pagbibiro nila’y nahalinhan ng galit. Ang inaakala nilang laruang taguan ay naging totohanan. Hindi nila makita ang dalagang kinasasabikan.
Halos bumula amg bungnga ni Garuda sa pagbulong. Kung maaari lang, gusto niyang hukayin ang buong pulo, makita lang ang hinahanap.
“Mga bata kong tarantado.!“ malakas pang sigaw ni Garuda. “Hanapin ninyo si Perenya.!“ ang dugtong na may unos. Tila nababaliw at nakakatakot ang anyo.
Naglapitan ang mga tinawag na tauhan. Handang tumalima. Agad silang kumalat at nagkanya-kanyang suling, ngunit dagli ring nangaudlot sa narinig nilang sigaw mula kay Garuda.
“Hoy.! Mga tarantado.! Huwag ninyong hihipuan si Perenya.! Ituro lang ninyo sa akin.!“ paliwanag pang utos.
Sumabad si Mostafa.“ Sayang ang oras natin.! Baka magbalik agad si Kenji.”
“Bakit.? Ano’ng ibig mong sabihin.?“ mga tanong na singhal ni Garuda habang sinuyod nila ang kasukalan… nakaupo sila sa punong nakatumba.
“Baka pigilan tayo ni Kenji. Sayang ang ganda ni Perenya.!”
“Tarantado.! Mamaya pa ang dating ng tarantadong iyon.!”
“Oo nga, pero maghihintay pa akong makatapos ka, matagal.!“
“Tarantadong ito. Kung hindi ka makapaghintay, nariyan pa ang isang babae.” nakatawang sabi ni Garuda at itunuro si Aling Gelang.
“Garuda naman.” ani Mostafa at umanyong nagtatampo.
“Biglang humalakhak si Garuda. Bigla ring tumigil. Paulit-ulit na itinuturo ang mukha ni Mostafa pagkat anyong nangangalumata sa kasabikan at pairap-irap pa sa kanya.
Samantala. Naunsiyami naman ang kasabikan ng mga tauhan na makahipo man lang ng babae. Suko sa langit ang takot nila kay Garuda. Kailangan nilang tumalima. Sinuyod nila ang kasukalan. Pabalik-balik. May pagkakataong nararaanan nila ang lungaw na pinagtataguan ni Perenya, ngunit wala silang masumpungang bakas ng dalaga. Pagala-gala ang kanilang paningin at inuusig ang bawat kaluskos patunayan lang na wala silang nakita.
“Mga inutil.!” sigaw ni Garuda sabay tayo mula sa kinauupuan nang bigong magbalik sa kanya ang mga tauhan. Sipa rito sipa roon. Natigilan lang nang mamataan niya si Aling Gelang. Gumagapang patungo sa bangkay ni Mang Baste.
“Hoy, Tanda.! Nasaan si Perenya.?“ tanong pa niya sabay lapit.
Umingos lang si Aling Gelang. Hindi nagsalita kahit alam niya ang kinaroroonan ni Perenya. Ang munting kuweba na sapol pa sa kamusmusan ng dalaga ay doon nagtatago kapag may nagagawang kasalanan. Di kawasa’y bigla niyang sinigawan ang taong nagtanong. “Patayin mo na rin ako.!“
Natigilan si Garuda. Napagkuro niyang mahirap takutin ang isang nagdadalamhati. Mali ang balak niyang paraan. Dapat baguhin. Lumakad siyang sabunot si Aling gelang patungo sa kasukalan. “Perenya.!” sigaw pa niya.
“Papatayin ko ang matandang ito pag ‘di ka lumabas.!“
“Sumigaw din si Aling Gelang. Namamaos. “Huwag kang lumabas, Perenya.! Hayaan mong magkasama na kami ng Tatang mo.!“
“Perenya.!“ muling sigaw ni Garuda. “Kung mahal mo ang iyong Ina.! Lumabas ka.!” dugtong pang hiyaw ng kilabot.
“ Huwag, Perenya.! Matanda na ako.! Ayoko nang mabuhay.! Huwag kang…” hindi naituloy ng matanda ang gustong sabihin. Sinampal siya ni Garuda sa bibig.
Halos madurog ang puso ni Perenya. Nakasilip siya sa siwang ng mga dahon. Kitang- kita niya ang mga pahirap na tinatanggap ni Aling Gelang. Hindi niya maatim. Lumabas siyang luhaan. Lumantad sa nanlalaking mata ni Garuda.
“Nariyan pala ka.! “ namamaling bigkas ni Garuda sa labis na kaligayahan.
“Totoo nga palang dakila kung magmahal ang mga silanganin.!“ sabi pa niya at agad sinalubong ang dalaga.
“O, Diyos ko.! Bakit pa.?“ impit na hinaing ni Aling Gelang sabay dampot sa isang putol na bakawan upang paluin ang gahaman, ngunit isang putok ang umalingawngaw. Natimbuwang ang matanda.
“Inang.!“ bulalas ni Perenya at pasugod na kinalong amg matandang wala nang buhay, kasabay ang kanyang pagtangis.
“Huwag kang umiyak, mahal ko.” alo ni Garuda, matapos isuksok ang ginamit niyang baril. ”Talagang ganyan ang buhay. Siya’y nakalaan sa katahimikan at tayo’y sa kaligayahan. Halika na.” dugtong pang aya kasabay ang haplos sa likod ng dalaga.
Marahang inilapag ni Perenya si Aling Gelang at saka bigla niyang itinulak ang nakatingkayad na kilabot kasabay ang sigaw. “Hayop ka.!“ at tumakbo na siyang palayo.
Nakangising bumangon si Garuda. Hinabol ang dalaga, kasunod ang mga tauhan. Ngayon, tiniyak niyang hindi maliligaw ang kanyang paningin.
Lito na si Perenya sa pagtakbo. Wala na siyang mapagkakanlungan kundi ang dibdib ni Leo. Umakyat siya sa burol. Yumakap sa binata at tumatangis na nagwika. “Paalam, mahal ko. Sa araw na ito. Mawawala ang buhay ko.”
“Perenya , o aking Perenya.” hinaing ni Leo. Pilit na umaalpas sa pagkakatali upang mayakap ang kanyang katipan. Hindi alintana ang kirot na likha ng mga bungang damong nakatusok sa kanyang dibdib. Sinisisi ang sarili pagkat wala siyang mgawa kundi panlisikan lamang ng mata ang paglapit nina Garuda at Mostafa.
“Sa akin ka yumakap.!“ humahalakhak na bungad ni Garuda at binuka pa ang kanyang paypay bilang patunay na mainit at malakas ang buo niyang katawan.
Umasik si Leo at naghamon. “Kalagan mo ako at maglaban tayo sa baril.!“
Ngumisi lang si Garuda. Hindi pinansin ang hamon. Ang panahon niya ay mahalaga at nauukol lamang kay Perenya. Lumapit siya sa likod ng dalaga at akmang isisingit ang kanyang kamay sa pagitan ng magkasintahan upang paghiwalayin.
Ayaw ni Perenya ang masaling ni Garuda ang kanyang katawan. Mabilis siyang bumitaw kay Leo at paurong na lumayo. Nangangambang baka si Leo naman ang saktan ni Garuda.
Sa pagkakataong iyon, kaharap ni Leo si Garuda. Ang nalalabi pa niyang lakas ay iniukol sa pagsipa at tumama sa harapan ng kilabot.
Napaigik si Garuda. Nagtatalon sa sakit. Sapupo ang harapan at panay ang labas nang masasamang kataga buhat sa kanyang bibig.
Maliksing lumayo si Perenya. Bumingit sa talampas at humanda sa mangyayari. Nakita niyang bumunot ng baril si Garuda at itinutok din sa harapan ni Leo.
“Sabay sa pagputok ng baril mo’y tatalon ako sa bangin.!“ banta pa niya sa hangaring ‘di makita ang kamatayan ng kanyang katipan.
Naudlot si Garuda. Pilit na ngumiti sabay suksok ng kanyang baril. Animo’y maamong kambing na umaalog ang buntot. ”Huwag kang tatalon, Perenya. Palalayain ko ang kasintahan mo.!” pangako pa niya pagkat kahit masiba siya sa babae, takot naman kung patay na.
“Love.” baling ni Perenya.“ mamamatay akong malinis ang ating pagmamahalan. Ayokong marungisan ng iba. Kung may buhay sa kabila ng kamatayan, doon kita hihintayin.“ madamdaming dugtong ni Perenya. Halos malunod sa pighati at sa huling pagkakataon, pinagsawa ang kanyang mga mata sa pagtitig kay Leo.
“Perenya.” mahinang bigkas ni Leo. “Hindi kita natulungan.” ang sudlong ng binata. Nakayuko. Natatakot na tingnan ang gagawin ng dalaga.
Muling bumalasik ang mukha ni Garuda. Nagbanta.!“ Papatayin ko sa pahirap ang lalaking ito pag ako’y iniwan mo.! Kailangan kita.!”
“ Matutupad lang ang kahayupan mo sa ibabaw ng aking bangkay.!“ ani Perenya.
“Ayoko.! Hindi ko siya papatayin.! Huwag ka lang tumalon.! “
Umiling-iling lang si Perenya. Hindi umimik. Naalala niya si Aling Gelang. Sinunod niya ang banta ni Garuda, ngunit hindi natupad. Muli siyang bumaling kay Leo at nagwika “Paalam, Love. Mahal kita. Ayokong makita ang gagawin nilang pahirap sa iyo.” sabi pang may kasunod na hikbi.
Hindi makapagsalita si Leo. Parang may bulon sa lalamunan. Sa ganoong pagkakataon, saka lang namuo ang luha sa kanyang mga mata. Dahan-dahan siyang napayuko nang humarap sa bangin ang dalaga.
“Huwag, Perenya.! Huwag.!“ sabay pang sigaw nina Garuda at Mostafa. Nanlaki ang kanilang mga mata nang makita ang pagtalon ng dalaga.
Nagdunghalan sa bangin ang mga kilabot. Nanghihinayang sila sa magandang katawan ng babae. Ang iba’y gusto pang kunin ang bangkay ng dalaga upang mahawakan man lamang.
“Walang gagalaw sa bangkay ni Perenya.! Ang batas ay ako muna bago kayo.! Ayokong maunahan pa ninyo ako sa aking pag-ibig. Katulad ni Perenya ang gusto kong maging asawa.!“ sigaw ni Garuda.
Mariin namang napapikit si Leo. Halos pumutok ang kanyang bagang sa pag-ikom at sa tindi ng hinagpis. Awang-awa siya kay Perenya. Hindi man lang tumili sa malupit na kamatayan.
Saka lang nakaalpas ang luhang nabuo sa mga mata ng binata, kasabay ang bulong “Patawad. Hindi ko sinasadya ang paghalik sa ibang babae. Natupad ang mga sinabi mo sa akin.“ kapagkuwa’y nanalim ang mga matang itinitig kay Garuda. May asik ang salita. “Huwag kang magkamaling buhayin ako.!“
“Tarantado.!“ bulyaw ni Garuda. “Baka sakali kung inawat mo si Perenya.!“ dugtong pa habang papalapit siya kay Leo.
“Lalong hirap ang aabutin ni Perenya sa inyong mga kamay.! Pagkatapos, magpapakamatay din siya.!” hiyaw ni Leo ngunit bigla siyang sinuntok ni Garuda.
Paulit-ulit. Natagtag ang kanyang ulo, subalit nakuha pa ring maghamon. “Patayin mo na ako.!” nanghihina pang sambit pagkat ayaw na niyang mabuhay kung wala rin lang si Perenya.
“Oo“ tanggap ni Garuda. “ Ngunit sa paraang maghihirap pati kaluluwa mo.! Unti-unti kitang gagawing daeng sa init ng araw.!” dugtong pa ng kilabot pagkat narinig niyang walang ibang tao ang nagagawi roon.
Sa kabilang dako. Narating nina Kenji at Nau ang kabilang dalampasigan ng isla.
Sumadsad sila sa bukana ng isang ilog sa pagitan ng dalawang burol. Kulay berde ang tubig dahil sa kalaliman.
Doo’y mapapansin ang ilang bangkang gapok. Nakataob sa tubig at kinapitan na ng taliptip. Sa gawi pa roon ay may salambaw na tila iginupo ng panahon sa pagkakagiray. Marami ring puno ng niyog. Matatayog. Ngunit walang bahay at tao sa paligid. Magubat ang kanilang tatahakin at tahimik, liban sa huni ng mga ibon.
Palinga-linga ang dalawang singkit habang naglalakad sa madamong landas na patungo kung saan ang kabihasnan. Ang ‘di nila alam, nasa gawing likuran sila ng malaking pulo na sadyang maburol. “Sa banda roon.” turo ni Kenji nang marinig ang ilang tahol ng aso mula sa makapal na kakahuyan. Nagpauna siyang lumakad.
Hindi nagkabula ang sinabi ni Kenji nang sila’y makalagpas sa kakahuyan. Isang maliit na baryo ang nabungaran nila. Makaluma pagkat mula sa mga tahanan hanggang sa bisitas ay pawang yari sa kawayan, pawid at kugon.
“Kenji.” tawag ni Nau. “Nakatingin sa atin ang mga tao.
“Huwag kang pahahalatang dayuhan lang tayo.“ paalala ni Kenji. “Teka, hayun ang tila tindahan sa tabi ng bisitas. Kumain tayo.” dugtong pang aya pagkat hindi pa sila nag-aagahan.
Sa tindahan namang itinuro ni Kenji, ay may apat na lalaking nag-iinuman ng tuba sa loob ng kung tawagin doon ay pondahan. Panay ang biro nila sa dalagang tindera.
“ Sagutin mo na ako, Inyang para lumakas ang pondahan mo.” anang pasimunong si Imo. Batibot ang katawan.
“Siyanga naman. Huwag mo nang pahirapan ang kaibigan namin.!“ sulsol pa ng isang kainuman/ Malaki rin ang katawan at pawang harabas ang kasootan.
“Huwag ninyong bilugin ang ulo ko.! Hangga’t nariyan kayo.! Hindi lalakas ang pondahang ito.!“ asik ng babaing maganda.
“Bakit? Nagbabayad naman kami, a.! “ bulyaw ni Imo at inubos sa isang tungga ang tuba sa baso.
“Oo nga, pero gaano na lang kung ibabatay sa dating nagagawi rito.! “ bulas ni Inyang. Halos maiyak sa galit.
“Kasalanan ko ba kung matakot sa akin ang mga suki mo.?“ singhal pa ni Imo at lalong pinaghantaran ang pagiging sanggano.
“Bakit hindi.?“ singhal din ni Inyang. Marami ka nang sinaktang taga rito sa tulong ng mga kasamahan mong galing kung saan at ipinagmamalaki ang pagiging sikat na boksingero sa siyudad. Sa tingin ko, paris mo rin silang butangero.! Sana, may maligaw dito na kayo ang gugulpihin.!“
Tumawa lang si Imo. Tumindig at lalong pinaliyad ang dibdib bago nagwika.
“Dito sa baryo Wawa.! Tanyag ang pangalan kong Imong Butangero. Walang makakalapit hangga’t hindi mo ‘ko sinasagot.!“
“Mamatamisin ko pang masara ang pondahang ito, kaysa mapasaiyo.!“ sigaw ni Inyang at nagsimulang iligpit ang mga panindang nasa harap ng pondahan.
“Hangga’t narito kami.! Hindi ka maaaring magsara.!“ galit na si Imo. Pinigilan sa kamay ang dalaga at tangkang hilahing palapit sa kanya.
“Bastos.! Bitawan mo ‘ko.!“ piglas ni Inyang.
Lalong nagtawanan ang tatlong lalaking kasama ni Imo. Anyong mayayabang at sanay sa larangan ng basagulo.
Di kawasa’y dahan-dahang lumuwag ang kamay ni Imo nang mabalingan ang paglapit ng dalawang lalake.
“Mawalang galang na sa inyo. Maaari ba kaming kumain.?“ tanong ni Kenji habang nakatayo sila ni Nau sa harap ng pondahan. Nag-aalinlangan sa ‘di maipaliwanag na dahilan kung bakit may sigawan sa mga dinatnan.
“A… E…Minindal lang ang tinda ko ngayon, Ginoo.” Kinakabahang sagot ng dalaga nang makaalpas sa kamay ni Imo.
“Kahit ano, basta nakakabusog.” sagot ni Kenji.
Masiglang kumilos ang dalaga. Agad nagsandok ng pansit lanlang sa malukong na mangkok at pinapasok ang dalawang singkit.
Pangisi-ngising bumalik sa upuan si Imo. Kinindatan ang mga kasama bago nagwikang pabulong. “Mga dayuhan sila. Pagbigyan natin.!” kasunod ang tawanan.
Matunog si Nau. Lumikot ang mga mata at nakiramdam.
Iba naman si Kenji. Namalaging nakapako ang pananaw sa kagandahan ni Inyang.
“Maupo na kayo.” nakangiting alok ng dalaga habang inihahanda sa hapagan ang pansit na may sabaw at ang dalawang hiwang kakaning malagkit.
Yumukod pa ang dalawang singkit bago naupo. Palibhasa’y hindi pa nag-aagahan at malapit na rin ang oras ng pananghalian, mababakas ang kanilang kagutuman.
Nakangiti pa ring naupo si Inyang at sinadyang lumayo kina Imo upang sa gawi ng dalawang dayuhan siya humarap. Hindi niya maiwasan ang malimit na pagsulyap kay Kenji. Humanga siya sa singkit na mga mata ng lalaking kumakain.
Sa ganoong pagkakaton, nanlilisik ang mga mata ni Imo. Naninibugho. Ayaw niyang makita ang ngitian nina Kenji at Inyang kapag nagsasalubong ang kanilang paningin.
“Bubulagin ko sa suntok ang mga mata mong singkit.!“ parinig ni Imo habang pasuntok-suntok sa kanyang palad.
Narinig nga ni Nau ang pasaring ni Imo. Nahampas niya ng palad ang mesang kawayan, kasabay ang paglinga kay Imo. Nanlilisik ang kanyang mata sa dahan-dahang pagsipsip ng pansit na nakalawit sa kanyang bibig.
“Kaunting lamig, Nau. Baka maabala ang ating layunin.” mahinang anas ni Kenji at saka kumaway kina Imo bilang pagbati.
Napatindig si Inyang at lumapit sa dalawang singkit. “Ako na ang humihingi ng paumanhin. Hindi lahat ng taga rito ay makuskos balungos. !“ sabi pang paturo ang palad sa gawi nina Imo.
Ngumiti lang si Kenji at hindi inalis ang pagkakatitig sa dalagang silangan.
“Siyanga pala, Ginoo. Ano’ng inumin ang gusto ninyo.?” parang namamalikmatang tanong ni Inyang.
“Mainit na tsaa.” sagot ni Kenji.
Natigilan si Inyang bago nakapagsalita. ”Salabat at pinkuluang dahon ng halaman ang mayroon dito.”
Pagkaraa’y umugong ang tawanan. Nangibabaw pa rin ang tinig ni Imo. “ Singkit kasi kaya tsaa ang hanap.!“
Ang parunggit ay ‘di nakaila kay kenji. Ngunit mahinahon pa ring nagsalita.
“Salabat na lang.” at panakaw pa siyang sumulyap sa gawi nina Imo.
Nagkukukot ang kalooban ni Inyang nang tumalikod upang sumalok ng inuming may luya sa malaking banga. Mapapahiya ang kanilang baryo dahil kay Imo.
“Mga gago.!“ Tuba ang inumin ninyo.!“ parinig ni Imo, mariin, kasabay ang malakas na tawanan.
“Bastos.!“ asik ni Inyang. “Baka gusto ninyong maligo ng kumukulong salabat.?“ dugtong pa niya nang maraanan ang patuloy na tawanan ng mga manginginom.
“Huwag kang manakot, Inyang.! Pag ganitong naninibugho ako, baka madurog sa suntok ang mukha ng lalaking iyan.!“ sabay bayo ni Imo sa hapagan.
Umingos lang ang dalaga. Tumuloy sa hapagan ng dalawang singkit at mapitagan ang ginawang paglilingkod.
Matapos uminom, dumukot sa bulsa si Kenji habang nakatitig sa dalaga. Isang bungkos na salaping papel ang inilabas at isa roon ang inipit sa ilalim ng tasa kasunod ang marahang pagtindig, Sumunod rin ang kanyang alalay.
“Aba, Ginoo.!“ nabiglang sabi ni Inyang. “Wala akong isusukli sa pera mo.!”
Napangiti si Kenji. Umiling-iling. Ikinaway ang dalawang palad at para bang sinasabing ang sukli ay katumbas lamang ng magandang paglilingkod ng dalaga kasunod ang pagyuko bilang pamamaalam.
“Yabang.!“ sigaw ni Imo nang dumaan sa tapat nila ang dalawang singkit. Kailangang gumawa siya ng karahasan upang ‘di na magbalik ang kanyang kinaiinisan.
Panay din ang pang-uudyok ng tatlong kasama ni Imo. Ipakita ang pagiging butangero.
Agad namang sinawata ni Kenji ang kasamang gustong manalasa. “Kaunting tiis na lang at makakalabas na tayo.” sabi pa niyang kasunod ang pagngiti at pagyukod kay Imo.
Lalong nag-init ang butangero. Agad dinampot ang kakaning malagkit sa bilao at padaskol na ibinalibag sa dalawang nagdaraan.
Si Nau ang nahuhuli. Sa batok niya sumalpak ang kakaning malagkit. Nagdilim ang kanyang paningin. Marahang nilinga ang may kagagawan habang tinatanggal ang nakadikit sa kanyang batok, ngunit sinalubong siya ng tudyong halakhakan at pagturo sa kanyang mukha ng mga butangero. Nanlaki ang butas ng kanyang ilong. Sumingsing at muling umalingawngaw ang nakapangingilong sigaw na kung tawagin sa kanilang bansa ay karate.
Ang pangyayaring iyon ay naging sapat na dahilan upang mag-usyuso ang mga tao. Lumabas sila sa kani-kanilang tahanan at pagdaka’y lumapit sa pondahan.
Natatawang tumangu-tango si Kenji. Naunawaan niya ang gustong mangyari ni Nau. Hindi na kayang palagpasin ang ginawa ni Imo. Ibinigay na niya ang pagsang-ayon sa paraang hindi niya papatayin ang kalaban.
Tinantuan ni Nau si Imo at naghamon. ”Harika sa rabas.!” mariin pa niyang bigkas na ang pagbaybay ng kataga ay naging garil sa pandinig.
Napapitlag si Kenji. Siya ang nakahalata. Dumulas ang dila ng kanyang kasama sa likas nilang pagbigkas, kaya pabulong siyang nagpaalala.
Nakangisi si Imo. Hindi pinansin kung ano ang narinig. Tinanggap ang hamon. Nagyayabang na lumabas at pumagitna sa harapan ng pondahan at nagwika. “ Minsan ka lang abutan ng kamao ko, tulog ka.!“ singhal pa niya at pinanay ang suntok sa hangin habang ang malakas niyang tinig ang siyang nagbigay ng karagdagang pansin upang manood ang mga tao.
“Umpisahan na natin.!“ nanggigigil na sigaw ni Nau. Naiinip. Gustong mailabas agad ang kanyang galit.
Patuloy lang ang pagsasanay ni Imo. Animo’y tunay na manununtok sa ibabaw ng entablado. Pagala-gala at minsang malingat si Nau, inasbaran ng suntok. Bigay katawan at gustong tapusin agad ang labanan.
Kahit singkit, matalas ang paningin ni Nau sa ganoong katusuhan. Bigla siyang umurong at patalong umikot. Pagharap, humalibas ang kanyang kanang paa.
Dahil sa hindi tumamang suntok ni Imo, nakatakda sana siyang mapasubsob. Hindi natuloy. Sinagap niya ang paa ni Nau. Bumagsak siyang tihaya. Sumasago ang dugo sa bunganga at agad nakatulog.
Mula sa upuang kawayan na nasa harapan ng pondahan, napatindig ang tatlong kasamahan ni Imo. Binitawan ang hawak nilang baso ng tuba.
“Karatista ang nakalaban ni Imo.!“ ana ng isa sa tatlo at agad na humarap kay Nau. Ipinakita ang mabilis na pagsuntok sa hangin, habang ang ulo ay papaling-paling na animo’y umiilag.
Ang dalawa nama’y lumapit kay Imo upang umalalay. Hindi nila sukat akalaing nagbago ang pangyayari. Sanay na silang si Imo ang nananakote.
Ang unang humarap kay Nau ay nagsalita. “Tayong dalawa ang maglalaban. Karate laban sa boksingero. Humanda ka.!“ hamon pa nito at agad nagpamalas ng karagdagang gilas sa sining ng boksing.
Sumulyap muna si Nau kay Kenji upang maghintay ng tango bago ang sagupaan.
Isang magandang panoorin ang nakatakdang masaksihan ng mga taong galit kay Imo. Nagpalakpakan sila dahil sa udyok ng sigabo. Ang iba’y gustong makaganti kahit sa pamamagitan man lang ng ibang tao.
Unang nanalasa ang boksingerong taga siyudad. Ipinakita ang galing niyang natutuhan sa ibabaw ng entablado. Ang panununtok na walang patumagga. Gusto niyang pahangain ang mga nanonood.
Panay lang ang sangga ni Nau. Ayaw pang gumanti. Parang sinusubok ang lakas ng kalaban. Hanggang siya ay mag-init. Mistulang dapog na ginatungan ng kugon at agad nagsabog ng alipato.
Nagbangga ang lakas ng dalawang naglalaban. Umiigting ang tibay ng kanilang mga bisig, ngunit nakakalamang ang karate, pagkat pati paa at siko ay gumagana.
Hindi nakayanan ng boksingero ang tadyak ni Nau. Nakakatigagal hanggang bumagsak siyang duguan at wala ring ulirat.
Hayagan ang katuwaan ng mga nanonood. Para na silang nakaganti sa pangkat ni Imo, kahit sa pamamagitan man lang ng ibang tao.
Muling tumalaga si Nau sa susunod na kalaban. Naghintay ngunit walang lumalapit. Nagtaka siya at nakayukong nakiramdam.
Si Kenji ang lumapit at naghimaton. “Naglalagot ang dalawa pang kalaban. Nag-uunahan na para bang magkatulong silang sasagupa. Ako naman.!“ sabi ni Kenji.
Ang susunod na labanan ay higit na naging tampok sa mga manonood. Lalong dumami ang tao. May matanda at may bata sa paligid.
Higit na magaling si Kenji sa larangan ng karate. Kahit dalawa ang kanyang kalaban ay para lang pinagwagwagan sa mabilis niyang pagsipa at suntok sa kalaban. Saglit lang ay nakalugmok na sa lupa ang dalawang boksingero.
“Halika na, Nau.” yaya ni Kenji at nagpaunang lumayo. Tinalunton nila ang landas na sa tingin nila ay daanan ng mga sasakyang hinihila ng kalabaw.
Samantala. Naiwan sa galak ang mga taga baryo nang ihatid nila ng tanaw ang dalawang papalayong singkit. Humanga sila sa nakita nilang labanan. Ang iba nama’y bumaling sa pangkat ni Imo. Nagtatawanan. Malakas na ang loob nilang lumaban at kailan ma’y hindi na pasisiil.
“Iyan ang napapala ng mga taong mayayabang.!“ bulyaw ni Inyang sa gawi ni Imo sabay talikod upang pumasok sa kanyang pondahan.
Sa gawi pa roon na palabas sa bungad ng baryo, nagtanong si Kenji sa isang lalaking nagsisingkaw ng kalabaw sa kareta. “Kaibigan, sa halaga ba ng perang ito, maaari mo ba kaming ipasyal sa bayan.?
“Aba, oo kaibigan. Sakay na kayo, kahit walang bayad pagkat sadyang doon din ang punta ko.!“ sagot ng lalake at ‘di pinansin ang perang papel ni Kenji. Nagpilitan sila ngunit sadyang ‘di nagpapabayad ang lahing silangan kung ganoon lang ang dahilan.
Matapos magpasalamat, naupo ang dalawang singkit sa isang bultong bigas na gagamitin sa kapistahan ng Busuangga “Malayo ba ang bayan.?“ tanong pa ni Kenji.
“Malapit lang. Puwedeng lakarin kung wala kang sasakyan. Kasabihan pa nga rito, katumbas lang daw ng dalawampung laktaw-laktaw na tilaok ng tandang ang paglakad, nasa bayan ka na.“ nakatawang sabi ng lalaking ka-edad ni Kenji.
Napangiti ang pinunong singkit. Naisip niyang nahuhuli sa kabihasnan ang baryo Wawa. Gusto niyang magtanong ngunit naunahan siya ng lalake.
“Saan ba kayo galing, kaibigan.? Sa tingin ko, hindi kayo taga rito.”
“Diyan lang sa kabilang pulo“ sagot ni Kenji na kung diringgin ay parang nasa malapit lamang.
Saglit na bumaling ang lalake kay Kenji. Nagtataka kung bakit doon galing ang dalawa niyang sakay. Alam niyang balita ang kasungitan ni Mang Baste. Ayaw na may ibang tao ang tutuntong sa kanyang pulo. Iniba na lang niya ang paksa.
“Mamimista ba kayo sa bayan.?” hindi sumagot si Kenji. Wari’y hindi naunawaan ang tungkol sa pista pagkat nawiwili siyang tanawin ang magandang kapaligiran. Ang malawak na palayan at ang kagubatan sa kabilang bahagi ng lansangan.
Hindi na kumibo ang lalake. Ayaw na niyang mag-usisa. Pinanay na lang ang haplit sa kalabaw. Sa ganoong pangyayari, matulin nilang nilandas ang palanas na lansangan, at hindi nagtagal, sinapit nila ang bukana ng bayan.
Nakita ng dalawang singkit ang arko na siyang sagisag ng kapistahan. Ang masinsing banderitas sa lansangan na may iba-ibang kulay. At higit sa lahat, abala ang mga tao sa kanilang gawain. Bawat bakuran ay may umuusok na kalanang bato. Kabi-kabila ang litsunan at masasabing masagana ang daratal na handaan dahil sa sinaunang kaugalian.
“Iyan ang likas sa mga taga rito“ sabi ng lalake. “Kahit mahirap ang buhay, pipiliting maghanda upang ipakain lamang sa ibang tao“ anyong kasudlong ang paglingon sa dalawang singkit.
Muling napangiti si Kenji sa kanyang narinig. Saka lang niya nawatasan ang tinatawag na kapistahan sa silangan. Tinanaw na lang niya ang karamihan sa bahay ay malalaki at sadyang naaayon sa kalsada ang pagkakahanay. Pawang yari sa kawayan at pawid.
Higit sa kanila, si Nau ang natawa at pabulong pang nagwika kay Kenji.” Siguro, alam nilang masisiba ang pangkat nina Garuda at Sultan Kalagara.
Magtatawanan sana ang dalawang singkit, kung hindi narinig ang dagundong ng tambol at sigawan ng lahing dignayan. Napabaling sila sa may panulukan at doon, hindi nila napigilan ang paghanga.
Napakagandang tingnan sa lansangan ang pagsasayaw ng tribo. Ang masiglang bayo ng bombo at ang sunud-sunod na barada sa gawing likuran.
“Ganyan din ang pinta sa mukha ng magkasintahang bihag ni Garuda. “
Nagtatakang bulong ni Nau sa kasama.
Tumango si Kenji. Naghinala siyang doon nga nanggaling ang dalawang bihag na nasa kabilang pulo. Hindi na niya pinalaliman ang dahilan kung bakit napawalay ang dalawang iyon sa mga kasamahang nasa bayan. Nagkibit na lang siya ng balikat at ang talagang layunin ang isinaulo.
Samantala, sa maluwang na bakuran ng mababang paaralan ay abala ang ilang kababaihan sa paghuhugas ng pinggan. Nagpapasalamat sila at nairaos ang huling pagpapakain sa tribo ng dignayan.
“Sayang. Aalis silang ‘di man lang natin nakita si Perenya.” nanghihinayang na wika ng Punong Guro na si Ginang Sta. Ana. Matanda na at may katabaan. Nakaupo sila sa lilim ng punong mangga at kapulong ang ilang Guro.
Nagmungkahi ang isang kinatawan.“ Pagkatapos ng pista, maaari tayong magsadya sa kabilang pulo. Naroroon si Perenya at doon, magdadala tayo ng pasalubong.
Tumangu-tango ang Punong Guro. Payag siya sa mungkahi ng kinatawan na dili’t iba ay si Binibining dela Paz. “Kaya lang, nag-aalala akong baka totoo ang balitang masungit si Mang Baste.”
“Baka naman hindi kung isasama natin si Binibining Dela Cruz.” amuki pa ng Guro sa kausap.
Muling tumango ang Punong Guro sa narinig na balak. Siya man ay nagtataka kung bakit tuwing magdaraan si Mang Baste ay hindi mapaknit ang kanyang paningin kay Binibining dela Cruz. “ Ano nga pala ang nangyari sa Gurong iyon at hindi man lang nagpaalam sa akin.?” Nagtataka pang tanong nang maalala ang dalagang inutusan niyang mamupol ng bulaklak.
“Talagang magpapaalam sa inyo.” sagot ng Guro. “Kaya lang, kausap ninyo ang Alkalde. Sa akin na lang siya nagbilin. Nilalagnat siya.” pagtatakip ni Binibining dela Paz sa kaibigan.
Muli na namang tumango si Ginang Sta. Ana. Naalala ang bilin ng Alkalde bago iyon nagtungo sa Siyudad dahil sa mahalagang pagpupulong. Pinahahanda ang kanilang musikong bumbong, pamalit sa trbo ng dignayan at si Binibining dela Paz ang napiling batonera.
Sa kabilang dako. Makalipas ang ilang oras, nagala na nina Kenji at Nau ang talagang pakay. Wala na ang karetang sinakyan nila at ngayon ay naglalakad na lang sila sa lansangan. Marami silang napagtanungan tungkol sa gusto nilang malaman. Pabalik na sila sa Baryo Wawa.
“Mabuti naman at nagbalik kayo.” nakangiting salubong ni Inyang. Kumakaba ang dibdib sa tuwa. Hindi mapakali lalo na nang malamang doon maghahapunan ang dalawang singkit.
“Paano ba ‘yan.? Kasasalang ko lang ng sinaing.” Naguguluhang sabi ni Inyang. Kung gusto ninyo, may natira pang kakaning malagkit.” dugtong pang pigil ang pagtawa habang nakatingin kay Nau.
Dahil sa gutom, panay lang ang tango ni Kenji. Agad silang naupo ni Nau sa harap ng hapagan.
Habang kumakain, hindi maiwasan ni Kenji ang malimit na pagsulyap kay Inyang.
Madalas din niyang mahuling nakatingin sa kanya ang dalaga. Parang nahihiya sa kanya kapag nagsasalubong ang kanilang sulyapan. Damang-dama. Umuusbong ang pag-ibig. Hindi maitago at kusang lumalapit.
Upang matakpan ang nadaramang damdamin, nagsalita at nagtanong si Inyang.
“ Kanina, nakita ko kayong patungo sa bespirasan ng pista sa bayan. A-Ang ibig
kong sabihin, w-wala ba kayong kilala roon.?” dugtong pang pinaligoy lang ang salita. Hindi masasabing mukhang gutom ang dalawang lalake.
Umiling-iling lang si Kenji. Hindi sumagot at iba ang binigkas. “ Ano ang pangalan
mo.?“
Natawa ang dalaga bago sumagot. “Inyang. Ikaw.?“
“Tawagin mo na lang akong Kenji.“
“Ha.! Pambihira naman ang pangalan mo.!” magkahalong gulat at taka ang nalarawan sa mukha ni Inyang. Siya na rin ang nagbigay ng paliwanag. “Bagay naman sa singkit mong mga mata.” Natatawa pang sudlong kahit ‘di gaanong nawatasan ang pangalang kanyang narinig dahil sa malayo at liblib ang kanilang baryo. Walang ganoong pangalan.
Sa Lungsod, pangkaraniwan na ang paggaya sa pangalang dayuhan.” sagot ni Kenji upang ‘di na mag-usisa ang dalaga. Subalit kung iba ang nagtanong at maaaring magbigay ng panganib, iba ang sasabihin niyang pangalan.
“Aalis na kami, Inyang.” sabi ni Kenji pagkat kailangan nilang makabalik sa kabilang pulo, hangga’t may liwanag pa. Muli siyang nag-ipit ng pera sa ilalim ng tasa, bago tumindig.
“Saan ba ang punta ninyo.?” nagtatakang tanong ni Inyang habang pinagbibilhan ang ilang tao sa labas ng pondahan.
“ Diyan lang sa bukana.” nagmamadaling sagot ni Kenji.
Tumaas ang kilay ni Inyang, ngunit hind na nag-usisa sa kakulangan ng oras. Iba ang sinabi. “Mamimista ba kayo bukas.?” Habol pa niya at halatang gusto pang makipagkuwentuhan.
“Oo.” sagot ni Kenji. “Mamayang hatinggabi, daraan kami rito.“
“Mag-ingat ka kay Imo. May banta siyang gaganti. Baril daw ang gagamitin.!”
“ Salamat sa paalala mo, Inyang. Aalis na kami.“ ani Kenji kahit nararamdaman
niyang gusto pang magsalita ang dalaga.
Mabilis na nakalayo ang dalawang singkit. Wala sa kanilang hinagap na may pakpak ang balita, lalo na sa kinauukulan.
Hindi nga nagtagal, pumasok sa pondahan sina Imo at ang tatlong alalay.
“Nagbalik daw dito ‘yong dalawang singkit.? Nasaan sila.?” bulyaw ni Imo.
“Wala akong nalalaman sa tinatanong mo.! Teka, may giyera ba rito at de baril kayong lahat.?“ galit pang puna ni Inyang nang makitang may armas sa baywang ang pangkat ni Imo.
“Wala kang pakialam kung may baril man kami.! Ang tanong ko ang sagutin mo.! Huwag kang magkakaila. Nabalitaan ko ring babalik sila rito. !”
“E, ano ngayon.?“ tanong ni Inyang. Nang-uusig at isang bakol ang mukha.
“Magbukas ka ng isang galong tuba at maghihintay kami rito.! Huwag kang tututol at pag ganitong naglalagot ako, baka masunog ang pondahan mo.!“ malakas na sigaw ni Imo at hinudyatan ang tatlo niyang kasama upang pumasok sa loob.
Noon lang natakot si Inyang. Alam din niyang patapon na ang buhay ni Imo, mula nang matanggal sa pagkapulis dahil sa pamamaril.
Samantala. Noon nama’y parang dinapurak ng mga hayop ang kubo ni Mang Baste dahil sa paghahalughog nina Garuda at Mostafa. Mga bagong gising mula sa pagtulog ng tanghali.
Sa labas naman ng kubo, sa pangunguna ni Buryas, natagpuan nila ang tuba sa isang tapayan. Nagkakagulo sa pagtungga.
Tanging ang mga tauhan ni Kenji ang ‘di nakihalo sa ganoong kaingayan pagkat kahit pinakuluang dahong halaman ay kanilang iniinom, kapalit ng tsaa.
Isa pang tapayan ang inalisan nila ng takip. Nagbunyi sa katuwaan ang pangkat ni Sultan Kalagara. Nag-agawan. Bawat makasalok sa tapayan at makainom, umaasim ang mukha pagkat iyon ay suka.
“Hoy.! Mga tarantado.! Huwag ninyong labisan ang pag-inom. Baka masira ang balak nating pagsalakay sa bayan.!“ sigaw ni Garuda. Nakadunghal sa durungawan at hawak ang isang kahon ng tabako.
“Garuda.!“ tawag ni Mostafa. Nakatingala sa dingding at may hawak na gasera.
“ Tingnan mo ang kuwadrong ito. Siya kaya si Perenya.?“
“ Baka nga.!“ sabi ni Garuda kasabay ang palatak ng dila. “Sayang siya. Napakaganda niya. Mag-aasawa lang ako kapag nakakita ako ng katulad niya.” umiiling pang dugtong dahil kahit takipsilim, banaag pa rin ang kagandahan sa malaking larawan.
Pumasok din ang dalawang indones sa nag-iisang silid na kung saan ay doon nakatago ang pulang maleta ni Leo. Iyon ang magpapatunay kay Garuda na si Leo ang nakalaban ni Turla dahil sa tila gintong baril na kung ilang ulit na ibinalita sa radyo.
Isang kahita ang nakuha ni Garuda sa aparador ni Perenya. Binuksan niya at agad namilog ang kanyang mga mata sa malaking halaga na naroroon. Mga gintong alahas na pambabae. Tulad ng orasang panggalang. Mga pulseras, hikaw, kuwintas at singsing. Ang bawat ay natatampukan ng diyamante at magagandang bato na pambihira ang tapyas at budlis.
Nainggit si Mostafa. Inapura ang pagsambulat sa bawat mahawakan, ngunit sadyang mga damit na lamang ang naroroon. Luminga-linga siya hanggang sa ibabaw ng aparador. Doon niya nakita ang kinalalagyan ng baril ni Leo at nasasabik na dinukwang ang maleta.
“Hoy.!“ bulyaw ni Garuda. “Akin din ‘yan.! Huwag mong kukunin.!“ dugtong pa ng suwapang na pinuno at itinulak pa si Mostafa. Makaraa’y bigla siyang tumawa at bigla ring umikom ang bibig nang makitang may kandado ang nasabing lalagyan. Kumulimlim ang kanyang mukha at agad bumunot ng baril upang paputukan ang seradura, ngunit naudlot ang kanyang tangka, nang marinig mula sa labas ang pagdating ni Kenji at siya ang hinahanap.
Bago lumabas ng kubo si Garuda ay pasipa niyang itinulak sa ilalim ng papag ang pulang maleta. Nag-aalala siyang baka makita ni Kenji at kunin sa kanya.
“Hindi mo sana pinayagang mag-inuman ang mga bata mo sa ganitong oras.!“
bungad ni Kenji nang makaharap si Garuda.
“Ang mga bata ko’y subok sa pag-inom. Mahirap malasing kung may lakad.! “
“Magaling.!“ tila nanunuyang sabi ni Kenji. “Humanda kayo.! Ngayong gabi ang salakay natin sa bayan.!“
Tumangu-tango si Garuda. Nag-isip at iniba ang paksa. “Kamusta nga pala ang lakad ninyo.?“
“Mabuti naman.“ sagot ni Kenji at naupo sa nakabuwal na lusong.
“Nakakatiyak tayo ng tagumpay. Makaluma sila sa ano mang bagay. Karamihan sa kanila ay babae. “
Biglang tumawa si Garuda at bigla ring tumigil bago nagsalita . “Mapapalitan ko na si Perenya. !”
“Bakit.? Kamusta nga pala ang mga bihag mo.?“
“Patay na ‘yong tatlo, liban doon.!” sabay turo ni Garuda kay Leo. Ang bihag nilang natatanaw sa kaunting liwanag ng buwan.
Matagal na ‘di kumibo si Kenji. Halatang nagtatagis ang bagang bago nagsalita.
“Alam mo ba kung gaano kahirap ang maghapong nakabilad.?” saka niya hinarap ang kausap.
“Alam ko Kenji. Sa ganyang paraan ko siya papatayin hanggang sa matuyo ang tubig at dugo sa kanyang katawan.!“
Sa pagkakataong iyon, sumabad si Sultan kalagara. Kanina pa siya aali-aligid sa dalawang nag-uusap. “Hindi ba ang hanap natin ay pulong mapag-iimbakan ng ating kontrabando.? Bakit hindi na lang dito at sariling-sarili pa natin.? “
“Maganda ang tanong mo, Sultan Kalagara. Kaya lang, hindi mo naisip ang magiging kalagayan natin tungkol sa pagkain. Mahigit na isang daan ang bilang natin, baka ilang araw lang, maging damo ay maubos.!“
“Mangulimbat sa bayan at dalhin dito.!“ giit pang mungkahi ni Sultan Kalagara.
“Maaari din.“ tumatangong sabi ni Kenji. “Pero sa katagalan, malalaman din nilang ang magnanakaw ay naririto. Alam mo ba ang kalalabasan noon.? Buong bansa na ang makakalaban natin. Kailangang mahawakan natin ang bayan upang tayo ay magtagal.
“Gaano ba ang itatagal natin ditto.?“ muli pang tanong ni Sultan Kalagara.
“Hangga’t hindi kinukuha ni Don Q ang mga kargamento, maghihintay tayo. Siya lang ang nakakaalam kung kailan niya ibibigay sa bansang nangangailangan ng baril. Maaari din namang magtagal tayo rito kung magiging magandang imbakan ng kontrbando ang Busuangga kaysa ibang bansa. Pansamantala, magmasid ka na lang sa gagawin ko, Sultan Kalagara.! “ mariin ang huling bigkas ni Kenji.
Biglang tumawa si Garuda at bigla ring tumigil nang magsalita. “Palibhasa’y pangit kaya hindi naisip na walang babae rito, ‘di ba.? “ at sinadya pang hinaan kay Mostafa ang kanyang sinabi.
Ngunit sa ganoong senyasan, malakas ang pandinig ni Sultan Kalagara. “Hoy, Garuda.! Dahan-dahan ka sa pagsasalita.! Kung hindi pa naging balat baybay dagat ‘yang mukha mo, lalo kang yumabang.!“
Nangatal ang baba ni Garuda, bago nagsalita. “Ano’ng palagay mo sa mukha ko, buhanginan.! Baka gusto mong maging salaan ‘yang mukha mo.!“ sabay bunot ng baril.
“ Tama na ‘yang kalokohan.! Tawagin ang mga bata.! Aalis na tayo.!“ bulyaw ni Kenji.
Isinuksok ni Garuda ang kanyang baril. Inuna ang pag-akyat sa burol. Namaywang at sinipat ng tingin ang binatang nakatali sa puno.
“Hindi mo pa ba ako papatayin?” nanghihinang wika ni Leo.
“Tarantado.! Mula sa aking pagkabata, tuwa ko na ang makakita ng taong naghihirap. Maiiwan ka rito sa bilaran at hamugan upang mamatay ka sa gutom at uhaw.!“
“Kung gayon, pipilitin kong mabuhay, maihatid lang kita sa pinto ng impiyerno.”
Biglang tumawa si Garuda at saka nagwika. “Doon nga ang punta ko, pero mauuna ka para ibalita kay Satanas na darating si Garuda. Ang indones na kilabot sa kasamaan.!“
“Ikaw si Garuda.? Isa kang indones.!” Nabiglang tanong ni Leo. Tiyak na ang kanyang hinala.
“Ako nga, at para madali mong marating ang impiyerno…!“
Suntok na walang patumangga ang tinanggap ni Leo. Kaliwa’t kanan. Natagtag ang kanyang ulo hanggang sa siya’y marindi at mawalan ng malay. Mistula siyang patay nang iwan ni Garuda.