Ganti ng Masamang Mahikantada sa Paglusob
Kaalinsabay sa malayong dako ng Mahikalandia ay nagbabanta ang isang kaganapang magbibigay ng suliranin sa kinauukulan. Lalaganap ang kasamaan.
Muling napasakamay ni Soraia ang mahiwagang baston na kinuha sa kanya ni Reyna Aia. Ang lahat ay dahil sa isang magandang pagkakataon. Ang pagiging abala ng lahat sa pagdating ng mga dugong bughaw. Noon pa ay lihim na inalam ni Soraia ang pook na kung saan ay doon nakatago ang kanyang baston. Ilang ulit niyang pinagtangkaang kunin at ngayon lang nagkaroon ng pagkakataon nang malingat ang kanilang Reyna. Nagbalik ang dating kapangyarihan ni Soraia at binalak niyang makipag-ugnayan sa mga Burukantada. Makipagkaibigan at pagsanibin ang kanilang kapangyarihan upang lalong lumakas at tumatag ang lilikhain nilang kasamaan. Bukod doon, talagang ibig niyang talunin ang kapangyarihan ni Aia. At ngayon nga. Nang sandali ring iyon, lihim siyang tumalilis. Nagpaimbulog sa kaitaasan upang tawirin ang kabundukan at makalabas ng kaharian. Ngunit namataan sya ng mga gumagalang lambana. Nagtitili ang mga iyon at tangka siyang pigilan.
Ang mga lambana ay may taglay ding kapangyarihan. Agad silang nagpalipad ng kung anong bagay na mistulang sapot ng gagamba. Malagkit at sadyang may patutunguhan upang gawing ikiran.
Nabigla si Soraia nang pagdaka’y umikid sa kanyang katawan ang mga hiblang galing sa maliliit na nilalang. Nagpapalag siya at tangkang patirin ang mga nakapalupot na bagay. Subalit matibay at hindi kayang patirin kung lakas lamang ng katawan ang gagamitin. Sa pangyayaring iyon, nagbago ang kulay ni Soraia. Ginamit na ang hawak niyang mahiwagang baston. Nagbaga ang kanyang katawan at nasunog ang taling nakapulupot.
Nabigla ang mga lambana. Hindi nila inaasahan ang gayong pangyayari. Hindi nila alam na muling nagkaroon ng kapangyarihan si Soraia. Natakot sila at tangkang magsitakas.
Datap’wat ang poot ni Soraia ay may halong kasamaan. Dati na siyang namumuhi sa mga lambana mula nang alisan siya ng kapangyarihan at laging matiyagan ng mga iyon, kung kaya nahirapan din siyang makatakas. Sa pangyayaring naganap, hindi na niya inalintana ang mga kampon ng Mahikalandia. Sumagitsit ang sinag mula sa kanyang baston at nagsanga-sanga sa patatamaan.
Ang tila kidlat na liwanag ay tumama sa mga lambana. Nalusaw sila at naging hamog na dumilig sa mga halaman. Malupit na kamatayan. Nabura sila sa balat ng lupa. Natuyo at hindi na maaaring magbalik sa pagkatubig. Tubig na maaari pa sanang tumigas at muling maging lambana, ngunit ang tubig na iyon ay sinipsip na ng mga halaman.
Ang pangyayaring iyon ay hindi na umabot sa kinauukulan. Sinadya ni Soraia ang gumawi sa malayong kabundukan ng Mahikalandia upang doon dumaan sa pagtakas at magtungo rin sa kaharian ng mga Burukantada.
Subalit ang pangyayaring iyon ay nakita ng Lorong matabil. Namamahinga siya sa isang punong kahoy at manaka-nakang nagpapakitang gilas sa nililiyag niyang kauri. Nagyayabang.
Di kawasa nga ay napamulagat ang loro sa kanyang namalas. Nanindig ang kanyang balahibo sa batok sanhi ng takot. Nagmamadali siyang lumipad upang magbalik sa templong kristal.
Natawid ni Soraia ang kabundukan at nakalabas siya ng Mahikalandia. Ngayon ay malaya na siya sa ano mang kapasiyahan. Nagtungo siya sa kagubatang hindi nararating ng tao, liban sa mga lahing Ulikba na walang kinikilalang panginoon kundi ang burukang si Buringkingking. Ang Reyna ng madilim na kagubatang bulubundukin at laging mausok ang kapaligiran. Palapit na siya sa kaharian ng mga Burukantada.
Sa isang lumang kastilyong itim nagtuloy si Soraia. Ang paligid ay amoy bangkay at nakakasulasok sa ilong.
“Tumabi kayo, mga pangit na nilalang!” sigaw ni Soraia sa mga huklubang buruka. ”Gusto kong makausap ang inyong Reyna!” dugtong pang panay ang tabig sa mga naroroong bukul-bukol ang mukha at gutay-gutay ang kasootang itim.
“Paraanin siya!” sigaw ng Reyna sa mga kampon. Garalgal ang tinig at nakapangit pakinggan. Nakaupo siya sa isang trono na anyong bungo at sa likuran naman ay may rebulto ng tikbalang na may mahabang sungay. Nakakapangilabot din ang kapaligiran.
Mabilis na tumalima ang mga Burukantada at umiwas sa landas ni Soraia. Takot silang madaiti sa katawan ng kararating na panauhin. Nakakapaso at tila dagitab na nanonoot sa kanilang katawan.
“Ano’ng masamang kabag ang nagtaboy sa makapangyarihang Mahikantada upang suminghot sa aming baho?” bungad na tanong ni Reyna Buringkingking, kasabay ang pagtaas ng isang tuhod sa likmuan.
“Gusto kong magsanib ang ating kapangyarihan upang makaganti kay Cordova at sa anak niyang si Donaio.” sagot ni Soraia habang nakatakip ang kamay sa kanyang ilong.
“Hindi mahirap ang hinihiling mo.” sagot ni Buringkingking. “Talagang galit ako kay Cordova. Inubos niya ang lahi ng mga kampon kong Ulikba. Walang natira. Bata, matanda, pinatay niya! Maging ang mga paslit ay nangaubos na rin, pagkat bago nilusob ng mga Ulikba ang kaharian ng Haranggani, nilamon na nila ang mga batang hindi pa puwedeng sumama sa digmaan, kahit na iyon ay anak pa nila! Sayang ang ibinigay ko sa kanilang kapangyarihan upang madali silang dumami!” dugtong pang sumasabog ang laway sa nangangatal na bunganga at nangangalit ang mukhang tila naaagnas na sa katandaan.
“Kung gayon! Tayo ang tunay na magkasangga! Nagkakaintindihan kahit sa palipad-hangin lamang!” sabi ni Soraia. Nakasibangot dahil sa baho. Gayon man, kahit ngayon lang sila nagkaharap ni Buringkingking ay parang matagal na silang nagkakaunawaan. Iyon ay dahil sa malimit magkaugnayan ang kanilang diwa sa pamamagitan ng hangin. Nag-uusap sila ayon sa kani-kanilang kapangyarihan.
Nagkasundo ang dalawang maitim na budhi. Sa araw ding iyon, lulusubin nila ang Mauritanya, sa nasang makamit ang isang hangarin. Gustong mapatay ni Buringkingking si Cordova at si Soraia naman ay ang mabawi si Donaio. Nagsanib sila upang makatiyak na magiging higit ang lakas ng kanilang kapangyarihan, kaysa sa pinangangambahan nila, tiyak ang kagapihan.
Katanghaliang tapat. Pagkatapos ng masayang pananghalian sa Mauritanya ay m ay bagabag na lumapit si Donaio sa kanyang Amang Radam at nagwika. “Ayon sa pahiwatig ng tungkod, papalapit dito ang mga kampon ng kadiliman sa pangunguna nina Soraia at Buringkingking. Masama po ang tangka nila sa atin.”
Napadakot ang palad ni Cordova at nilinga sina Arminya at Hirang na kasalukuyang nababalot ng pangamba. Kapagkuwa’y binalingan niya si Rancudo at nag-utos. “Ipakuha mo sa simbahan ang pinakamalaking krus na pilak at itayo sa ibabaw ng pinakamataas na tore ng palasyo.”
“Masusunod ang dakilang Radam.” Sagot ni Rancudo habang nakapugay-kamay sa pamamagitan ng pagtaas na tila ba nanunumpa, at pagdaka’y kumilos pagtalima.
Muling bumaling si Cordova at minadali ang isa pang Heneral na tulad ni Rancudo ay sagad na rin ang bilang ng medalyang tala sa dibdib. Iyon ay si Ogbinar. Ang madalas niyang isabak sa digmaan. “Bumuo ka ng isang hukbo na gagamit ng punglong pilak, benditado at may nakaukit na krus.”
“Ngayon din, aking kadakilaan.” sagot ni Ogbinar at madali niyang naunawaan ang gustong mangyari ni Cordova. Punglong sagrado ang gagamiting nila sa kampong ng kadiliman. Kay Reyna Buringkingking.
Nagmamadali ang kilos ng mga Heneral na may iilang bilang ng tala sa dibdib. Bawat utos sa kanila ni Ogbinar ay agarang nasusunod.
Nabalisa rin ang mga Haring panauhin. Nag-iisip at nagkaisang tutulong kay Cordova kahit bakas sa kanilang mukha ang pangamba, pagkat hindi pangkaraniwang nilikha ang sadyang makakalaban. Mga Burukantada at Mahikantada. Alam nilang mahirap talunin.
Si Haring Hugo ay halatang bantulot ang kilos. Nagpahuli sila sa paglabas ng palasyo. Hinayaan niyang manguna ang masigasig na si Haring Gustavo. naisip niyang bakit siya susubo sa panganib gayong ang talagang nais niya ay masalanta ang kaharian ni Cordova.
Ilang sandali pa ay makikita sa labas ng palasyo ang libu-libong kawal ng iba’t ibang kaharian. Pawang nakasakay sa kabayo at nakahanda ang kanilang baril de pana. Malakas ang tiwala nila sa sinabi ni Cordova. Hindi makakalapit ang mga kampon ng kadiliman pagkat parang sulo na nakatunghay sa ibabaw ng tore ang isang Malaki at benditadong krus na pilak. Takot doon ang mga lahing demonyo. Gayon man, alam din nila na maaaring lumikha ng ibang panlaban si Soraia. Mga nilalang na hindi takot sa krus pagkat wala silang muwang sa larangan ng kadiliman.
Sa paanan ng bundok at kagubatan ay nakahanda ng lumusob ang pangkat ng mga masasamang nilalalang. Ngunit sila’y natigilan nang mula roon at matanaw nila ang malaking krus sa tore ng palasyo. Unang nangalisag ang buhok ng mga Burukantada. Nag-ukluan at nangubli sa kasukalan. Ipinikit ang mga matang nakaramdam ng silaw na nagmumula sa tanawing nasa tore ng palasyo.
“Hindi kami makakalapit sa kaharian.” nangangatal na wika ni Buringkingking sa katabing Mahikantada at ayaw nang iangat ang mukha sa pagkakasubsob sa lupa.
Maging si Soraia ay unti-unti na ring natatakot sa kislap ng krus, pagkat humalo na sa kanyang katawan ang kasamaan. Nabibilang na siya sa lahi ng mga Burukantada mula nang makipagkasundo kay Buringkingking. Gayon man, higit na tumapang ang bagsik ng kanyang kapangyarihan. Damdam niya, kahit ang buong daigdig ay kaya niyang lupigin. Maging si Reyna Aia.
Di kaginsa-ginsa’y napahiyaw ang isang Burukantada. Inangat ang kanyang ulo mula sa pagkakadukmo sa lupa at pinagpag ang maraming langgam na gumagala sa baku-bako niyang mukha. Gustong bugahan ng apoy ang maumbok na lupang pinamumugaran ng mga itim na langgam.
“Huwag!” sigaw ni Soraia at tinabig ang magbubuga ng apoy mula sa bunganga ng buruka at karaka naman niyang pinasinagan ng mahiwagang baston ang umbok ng lunggang iyon at sumagitsit ang liwanag.
Ang kagustuhan ni Soraia ay naganap. Ang mga langgam na itim ay nagsilaking tulad ng baboy. Napakarami at padausdos na bumaba sa kapatagan.
“Lusubin ninyo ang palasyo at kagatin ang sino mang haharang!” sigaw ni Soraia sa paraang makapangyarihan. Subalit bigla rin siyang natigilan. Nainip. Nakita niya ang kabagalan ng mga langgam sa paglakad. Matatagalan bago makarating sa palasyo.
Ang pagkainip ni Soraia ay dagling naparam nang sa paglinga niya ay matuon ang pansin sa isang bahay-pukyutan. Iyon ay nakasabit sa sanga ng isang punong kahoy. Pinasinagan niya iyon sa pamamagitan ng mahiwagang baston at namutawi sa kanyang mga labi ang isang kahilingan kung ano ang dapat mangyari.
Nabiyak ang bahay-pukyutan at nalaglag sa lupa. Naglabasan ang mga putakte o pukyutan sa nasang makaalpas sa maliit nilang kinalalagyan. Nagsilaki silang tila kalabaw ang kapara. Lumilipad at wari’y may espadang panusok sa nguso. Umaligid sila sa kapatagan at nagparinig ng sabay-sabay na paghuni. Malakas at masakit sa tainga.
Kumalat sa katahimikan ng kaparangan ang nakakayamot na huni ng mga pukyutan. Parang may isip na nagsihanay at lumikha ng kahandaang sisibad sa paglipad kapag nagbigay ng hudyat ang bago nilang Reyna.
Si Soraia ang nag-adya ng pang-unawa sa mga langgam at sa pukyutan. Maging ang mga bubuyog na ligaw ay nahagip din ng kanyang kapangyarihan. Higit pa sa kalabaw ang laki at lalong mahahaba ang panusok.
Parang baliw na humalakhak si Soraia. Nagkakandalabas ang litid sa pagsigaw. “Lusubin ninyo ang palasyo! Bilisan ninyo ang paglipad at puksain ang sino mang haharang!”
Hindi mapakali si Reyna Buringkingking. Sinabi ang gusto niyang ipaalala. “Hangga’t nakahantad ang krus sa palasyo, hindi natin mapupuksa ang mga kalaban.”
“Alam ko, mabahong Buruka. Walang bisa ang ating kapangyarihan hangga’t hindi tayo nakakalapit.” sabi pa ni Soraia at itinuro na lang ang mga panagupa niyang nagsahiganteng kulisap.
Sa kabilang dako, sa pangunguna ni Gustavo, sinalubong nila ang dumarating na kalaban. Gusto niyang mailayo sa palasyo ang kaguluhan upang hindi matakot ang ibang panauhin.
Nakasunod rin si Hugo. Tatawa-tawa. Pangkaraniwan na sa kanya ang gayong tanawin. Mga pinalaking kung anu-anong nilalang na panlaban ni Soraia. Tulad nang napabalitang si Dambu. Ang higanteng tinatablan din ng palaso at namamatay sa tamang kalagayan.
Ang mga Hari ng iba’t ibang kaharian ay nagsama-sama sa isang layunin. Puksain ang lumilipad na kalaban at hadlangan ang mabilis na paglapit sa kanila. Kailangang maitaboy at huwag makalusot sa kanilang tanggulan.
Handa ang mga kawal. Nakaumang ang kanilang baril de pana at hinihintay na lamang ang hudyat ng mga Hari.
Sa pangunguna ni Gustavo, ibinigay ang hudyat nang matiyak ang kalapitan ng mga lumilipad na kalaban. Pumailanlang ang maraming palaso at sinundan pa nang higit na bilang mula sa ibang kawal.
Nawindang ang unang sigwada ng mga pukyutan. Sinagap nila ang maraming panuhog. Di lang apat kundi limang palaso ang tumarak sa kanilang malambot na katawan, at sanhi noon, bumagsak silang umiikot sa lupa.
Patuloy ang halakhak ni Hugo sa nakikitang kalagayan ng labanan. Nangungutya, minamaliit ang ibang kaharian dahil ang gamit na sandata ay mahina lamang at kailangan pa ang limang palaso bago mapabagsak ang lumilipad na kasinlaki ng kalabaw. At saka lang tumigil ang kanyang pangungutya nang makita niya ang mga papalapit na bubuyog. Higit na malalaki at malakas kung humuni. Kailangan niyang magpakitang gilas upang hangaan ng balana. Agad hinudyatan ang manugang niyang si Prinsipe Dalandanan upang ihanda ang ilang kawal Curcuerra.
Ang utos ay dagliang nasunod. Sumalipadpad ang mahahabang palaso na galing sa malalaking panang de balantok. Sumisiyok sa hangin at tagusan kung tumarak sa katawan ng higanteng bubuyog na mas malaki pa sa kalabaw.
Hindi na tumulong ang malaking bahagi ng mga kawal ni Dalandanan. Nagmasid na lamang hanggang sa maubos ang mga naturang bubuyog na iilan din ang bilang. Sa gayong pangyayari, nagpalakpakan ang mga kawal-Curcuerra. Parang ipinagmamalaking higit na magaling ang kanilang sandata. Nasa anyo nila ang pagyayabang lalo na si Hugo. Madalas bumaling sa palasyo at waring ipinakikita niya kay Cordova ang galing nila sa labanan.
Naubos ang lumilipad na kalaban. Nagbalik sa dati ang kanilang laki at naging malinis sa tanaw ang kapatagan. Ngunit ibang kalaban naman ang nakita nilang papalapit. Ang mga gumagapang na langgam. Kasinlaki ng baboy at nakabuka ang pangil.
Natigilan ang nauunang hukbo ni Gustavo. halos mapuno ng langgam ang natatanaw nilang kapatagan sa paanan ng bundok. Gayon man, nagpakitang sigla at tapang ang mga Hari. Kumalat sila at iniumang ang sandata nilang baril de pana.
Papalapit ang mga humuhuning langgam. Naririnig pagkat sumabay din sa paglaki ang kanilang tinig. Nakakapangilo ring pakinggan ang mga pangil nilang tila sipit sa pagbuka at pag-ikom. Handang mangagat.
Muling humalakhak si Hugo. Gustong ipakita ang kanilang talino sa pakikipaglaban. Ang ipamalas sa taga Mauritanya ang galing nila sa pamamaraan. Rumagasa silang nagpauna sa hanay ng mga tagapagtanggol. Naghuhumiyaw sa kayabangan at sinadya pang ipahiwatig na hindi sila gagamit ng palaso at espada sa labanang iyon. Ang patunay, isinukbit sa balikat ang kanilang mga pana.
Nakamasid lang ang hukbo ni Gustavo. nagtataka sila sa gustong ipakita ni Hugo. Naghihintay na lang siya sa magaganap, yamang sa tingin ay inagawan sila ng puwesto upang maunang manalasa sa kalaban.
Nagpakita nga ng galing ang mga kawal ni Hugo. Humanay sa unahan ang dalawang daan na mandirigma. Sumunod sa likuran ang gayong ding bilang. Ang pangatlo at pang-apat hanggang sa mabuo ang sampung hanay na pawang nakasakay sa malalaking kabayo. Nakaharap sila sa mga langgam na kasalukuyang papalapit. Ibinigay ang takdang panahon at sa isang hudyat lang ni Dalandanan, rumagasang pasugod ang mga kawal-Curcuerra. Mistulang binuhawi ng alikabok ang paligid ng kapatagan. Dinapurak ng dalawang libong kabayo ang mga gumagapang na kalaban.
Napisat sa tapak ng kabayo ang mga pinalaking langgam ni Soraia. Tumitilapon ang bawat madagil. At kapag namatay, agad nagbabalik sa dating laki, hanggang sa dagling umaliwalas ang kapatagan at magsauli sa likas ang tanawin, pagkat ang itim na langgam ay madaling mamatay kaysa sa pulang langgam.
Ang labis na pagkasuklam ay nakita sa mukha ni Soraia. Nagsisigaw sa galit habang nakakubli sa isang punong kahoy. Nasisilaw siya sa malaking krus na nakatayo sa tore ng palasyo. Para siyang napapaso sa bahagyang pakiramdam pagkat ang kalahati ng kanyang kapangyarihan ay galing pa rin sa pagiging Mahikantada ng Mahikalandia. Agad naganap ang kanyang kautusan. “Mga Burukantadang sakdal sa nakakarimarim na kapangitan! Magtungo kayo sa sapang bato na pinamumugaran ng mga buwaya. Paahunin sila at itaboy dito!” sigaw pa niyang kasunod ang tulak sa mga katabing kampon ng kadiliman.
Dagli namang tumalima ang ilang Burukantada. Sumunod sila dahil sa takot na gawin silang maganda ni Soraia. Ang magmukhang tao. Mabango at maging uliran sa kabaitan.
Walang kibo naman si Reyna Buringkingking. Takot din siya kay Soraia na ngayon ay alam niyang higit na bumagsik ang taglay na kapangyarihan. Namalagi siyang nakasiksik sa kasukalan, kahit dutdutin ng dalawang bubuli ang mabaho niyang puwitan.
Nakita ni Soraia ang dalawang kalahi ng butiki. Hinudyatan niyang lumapit ang mga iyon, dahil siya pa rin ang Reyna ng mga hayop. Nasunod ang kanyang kagustuhan. Pinapunta niya sa kapatagan ang mga bubuli at doon ginawang higante. Ang kapangyarihan ng baston ay muling natupad. Bigla na lamang sumulpot ang mga dambuhalang butiki. Kasing taas ng kubo kahit nakadapa. Nakakayanig ang bawat hakbang at tila gigibain nila ang hanay ng mga tagapagtanggol sa kapatagan.
Napahumindig ang magkakahalong kawal ng iba’t ibang kaharian. Lumatay sa kanilang mukha ang labis na pagkasindak. Maging si Hugo ay natigilan. Iniutos ang pag-urong dahil nakikita niya ang malalaking hakbang ng mga bubuli.
Sa kabila ng nakakasindak na pangyayaring iyon, nagawa pa rin ni Gustavo ang namamaos na sigaw. “Panain ang mga dambuhala!”
Ang gayong kautusan ay ginaya rin ng ibang Hari. Sumabay din sila sa pagpana. Pumailanlang ang napakaraming palaso. Magkakahiwalay ang patutunguhan at dalawang dambuhala ang tinuwiran.
Bumaling-baling lang ang mga pinatamaan. Nagtalbugan lamang sa kanilang makakapal na kaliskis ang mga palaso. Walang tumusok ngunit sila’y nasaktan din sa paraang binugbog ang katawan. Lumabas-masok ang dila sa kanilang bunganga at gustong gumanti. Ang tingin nila sa kabayong sinasakyan ng kawal ay tipaklong lamang na maaaring ipamatid-gutom sa hungkag nilang sikmura.
Sa tawag ng kayabangan, muling nagpakitang gilas si Hugo. Sila ang pumana sa dalawang bubuli. Higit na malaki ang kanilang pana. Sadyang may puwersa kpag isinagad ang pagbinit. Isa lamang ang ginamit nilang palaso sa panang de balantok. Umigkas at lumipad ang mahabang panusok at hindi tumalbog sa mga pinatamaan. Nakatusok sa katawan ng dalawang dambuhalang bubuli, ngunit mababaw at bahagyang tumagos lamang sa kaliskis.
Lalong nagalit ang kalaban ng tao, nanalasa sa pagsalakay. Hinabol ang mga tauhan ni Haring Hugo at naganap ang nakakahindik na pagsagpang ng dambuhalang bubuli sa kabayo, kasama ang nakasakay na kawal.
Mula sa palasyo ay narinig nila ang biglang tunog ng mga trumpeta. Hinuhudyatan silang magbalik sa loob ng kaharian. Kinakawayan sila sa pamamagitan ng mga bandilang kulay puti. At dahil na rin sa kanilang takot, nanguna pa si Hugo sa pag-urong.
Sumunod na rin si Gustavo. Alam niyang doon na gagamit ng kapangyarihan si Cordova, nakikita niya ang mga kawal-Mauritanya sa ibabaw ng pader. Nakahanda ang mga baril de pulbura at talagang hinihintay lang silang makalayo sa pook na papuputukan.
Tatawa-tawa lang si Hugo habang nakatingalang tinatanaw ang may sampung kawal-Mauritanya sa nasabing pader ng palasyo. Hawak at nakaumang ang kung anong uri ng sandata na sa pang-unawa niya ay walang saysay. Mauubos lang sila kung hindi tatakas sa pook na iyon. ngunit bigla siyang nagulantang sa malalakas na putukan. Napauklo siya at gusto pang dumapa sa biglang pagkatakot. Nanginig ang kanyang katawan nang makita ang apoy sa dulo ng kung anong sandatang di niya maunawaan. Bumaling siya sa kinaroroonan ng kanilang kalaban at doon, lalong nanlaki ang kanyang mga mata.
Ang dalawang dambuhalang bubuli ay kumikisay. May tama ng bala sa ulo. Pabiling-biling sa lupa. Humahagok at nanghihinang naubusan ng hininga.
Sa pagkakataong iyon, muling naganap ang isang hiwaga na hindi maiiwasang mangyari. Bago lumiit ang dalawang bubuli, pumutok ang kanilang tiyan at lumabas ang tig-isang kabayo at ang sakay na kawal. Parang mga luno at hinahabol ang paghinga.
Ilang sandali pa, sumigabo ang palakpakan ng karamihan sa mga nakasaksi. Lalo silang humanga sa sandatang gamit ng Mauritanya. Naisip nilang hindi lang pala tao ang kayang patayin, kahit dambuhalang hayop ay maigugupo. Mabubutas ang tamaan.
Si Hugo ay hindi mapakali. Hindi makapaniwala sa kanyang nasaksihan. Ang inaakala nilang pambayo o pamalong sandata ng Mauritanya ay bumubuga pala ng apoy. At sa di pa nila maunawaang ganap, bakit nangingisay ang matapatan niyon, maging dambuhala man o lalo na kung tao. Dahil doon, napagkuro niyang hindi nila kayang gapiin ang kapangyarihan ni Cordova.
Noon nama’y lalong sumulak ang galit ni Soraia nang makita ang kabiguan ng dalawang bubuli. Naisip niyang iyon ay dahil sa manipis lamang ang kaliskis ng mga nasabing nilalang at sadyang mahina ang buhay. Hindi tulad ng mga natatanaw niyang buwaya na kasalukuyang papalapit sa bulyaw at pagtaboy ng ilang Burukantada.
Bahagyang naibsan ang galit ni Soraia nang bumaba sa kapatagan ang malalaking buwaya. Pagdaka’y kinumpasan niya at pinasinagan ng liwanag ang mga gumagapang na nilalang, at saglit lang, nagbago ang tanawin sa kapatagan. Dahil doon, naging malutong ang halakhak ni Soraia. Ngayon ay natitiyak niyang hindi tatablan ng ano mang sandata ang makakapal na kaliskis ng buwaya.
Nagmistulang burol sa kapatagan ang likuran ng mga dambuhalang buwaya. Nagsilbing kapantay ng mataas na punong kahoy. Lalong higit na malaki sa naunang dambuhalang bubuli at lalo ring higit ang yanig sa lupa kapag humahakbang.
Agad hinudyatan ni Cordova ang mga Hari at kawal na nasa labas upang pumasok sa pinto ng palasyo. Nangangamba siyang pumalaot sa labanan ang mga kaibigan niyang Hari. Alam niyang lalaban ang mga iyon hanggang sa kamatayan lalo na si Gustavo.
Nagdudumaling umakyat ang mga Hari sa kinaroroonan ni Cordova. Ang malapad na ibabaw ng pader na kung saan ay nakahanay ang mga kanyon na dalawang ulit ang laki sa mga kanyong dinala sa Haranggani. Gusto rin nilang makita sa malapitan ang mga baril na pumuputok. Nakangiti lamang si Gustavo pagkat alam niyang higit na kagugulatan ang mga kanyon kapag pumuputok.
Si Hugo ang pinakamasigasig sa pagsusuri. Lagi siyang nakaantabay kay Cordova. Bawat kilos ay kanyang minamanmanan. Ngunit wala siyang makitang pag-uutos pagkat si Ogbinar ang nakakaalam sa bagay na iyon. Lumakad siyang palapit kay Ogbinar at doon naman nagmatyag. Ang paningin niya ay palipat-lipat sa mga baril na hawak ng may isang daang kawal. Nakahanay sa pader at anyong iyon ang tutudla sa may dalawampung buwaya.
Sa ikatlong palapag ng palasyo ay nakatanaw sa maluwang na beranda sina Don Donaio at Dona Hirang. tinatanaw nila ang mga buwaya na kasalukuyang papalapit sa palasyo. May pangamba sa mga mata ni Donaio pagkat kung ilang ulit na niyang hiniling sa kanyang mahiwagang tungkod ang pagpanumbalik sa dating laki ang mga dambuhalang gumagapang sa lupa. Ngunit higit na makapangyarihan ang baston ni Soraia, kaya walang pagbabagong naganap.
“Ano mang pagtatanggol ang gawin ng Ama kong Radam, mananaig pa rin ang kapangyarihan ni Soraia.” Sabi ni Donaio habang akbay ang sinisintang asawa.
“Mabuti pang mamatay na lang ako, huwag ka lang mapunta kay Soraia.” lumuluhang sabi ni Hirang.
“Mag-dasal tayo, mga anak kong nililiyag.” wika ni Arminya. “Hindi itutulot ng Panginoong Diyos na manaig ang kasamaan.” bigkas pa niyang kaagapay sa likuran ang mga Reyna ng iba’t ibang kaharian.
Ang mga maharlikang iyon ay may lakas ng loob sa nakitang paraan ng palasyo sa pakikipaglaban sa dalawang dambuhalang bubuli. Umaasa rin silang matatalo ang mga buwaya kahit hindi na tumulong ang kani-kanilang Hari.
Sa di kalayuan ay naroroon si Hagibis, kasama ang ilang kawal ng Moro. Nakatalaga silang magtanggol sa kapakanan ng kinikilala nilang si Dayang Hirang, si Rahana Hirang o Dona Hirang.
Sa gawing likuran ng mga buwaya at sa paanan ng bundok ay panay ang sigaw ni Soraia. “Sige! Wasakin ninyo ang palasyo! Patayin silang lahat, huwag lang si Donaio!” sabi pang humahalakhak, kasaliw ang Reyna ng kadiliman. Si Buringkingking.
Muling umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Walang nagsasalita liban kay Ogbinar. Isinisigaw ang pagkakasa ng baril at ang pagpapaputok. Paulit-ulit hanggang sa mag-amoy pulbura ang paligid at kumapal ang usok.
Sandaling tumigil ang pagpapaputok upang suriin ang kaganapan. Dahil sa ihip ng hangin, numipis ang tumatabing na usok. Muling lumiwanag sa tingin ang kapatagan at naaninag ang papalapit na buwaya. Hindi tumalab ang nagbabagang punglo. Tumatalbog lamang sa makakapal na kaliskis ng mga dambuhala.
Nanlaki ang mga mata ni Hugo. Ang inaasahang pagkamatay ng mga buwaya ay hindi natupad. Umasa rin siya sa isang daang kawal na ang anyo kanina ay talagang hindi sasablay, ngunit ngayon, sa kanyang pang-unawa, paano pang maaawat ang papalapit ng panganib? Kinabahan siya at hinanap sa paningin ang mga nagsisigawan at naghihilakbutang Reyna sa itaas ng beranda.
“Gamitin ang mga kanyon!” nagmamadaling sigaw ni Cordova. Nakikita niya ang mabilis na paglapit ng mga dambuhala.
Mabilis ding tumalima si Ogbinar sa isang pag-uutos, matapos hudyatan ang mga maharlikang babae sa ikatlong palapag ng palasyo. Ang magtakip ng tainga upang di sumagad ang pagkabingi.
Halos lahat ay sumunod sa babala ni Ogbinar, liban kay Hugo sa anyong mayabang. Pahiwatig na kaya niya ang magaganap na putukan.
Handa naman ang mga kanyonero. May takip na rin ang kanilang mga tainga. Sunud-sunod ang bawat kilos at saglit lang, nakatakda na ang pagpapaputok.
Aligaga ang paningin ni Hugo. Sinusubaybayan ang bawat kilos ng mga kanyonero. Nagtataka kung anong uri ng sandata ang kanyang nakikita. May bolang bakal na di niya maunawaan kung bakit isinusubo sa bunganga ng kanyon at may sulo pang hawak ang mga kawal habang nakahanay sa tabi ng sampung makabagong sandata.
“Paputukan!” malakas na sigaw ni Ogbinar.
“Pa-pu-tu-kan!” sumunod na sigaw ni Sotelo. Mabagal ang bigkas.
Dumagundong ang paligid. Nayanig ang dibdib ng balana. Nagulantang ang mga kababaihan kahit nakatakip ang palad sa kanilang tainga.
Saka lang namalas ang likas na pagkatao ni Hugo. Nagtatarang at nagtitili sa matinding gulat. Gayon man, parang nahihiyang nagtakip na lang ng tainga at saka pinagilas ang tindig upang mapagtakpan ang muntikang pagkahayag ng kanyang pagkalalaki.
Naparam lang ang gulat ng karamihan nang matanaw ang ilang buwayang sumasambulat ang katawan dahil sa bolang bakal na sumasabog. Nagsigawan sila sa udyok mg katuwaan at nawala na ang pagkagulat.
Patuloy pa rin ang pandidilat ng mga mata ni Hugo. Bawat putok ng kanyon ay kanyang sinusubaybayan. Lalong nagtataka kung bakit may pumuputok pa rin sa gawi ng mga dambuhala. Lumapit siya kay Gustavo at nagtanong. “Ano’ng uri ng sandata ang gamit ng Mauritanya?”
“Ayon sa dakilang Radam. Iyon ay baril at kanyon. Ang sandatang ipinamuksa nila sa lahing Ulikba.”
“Ganoon ba?” natitigilang sabi ni Hugo, saka niya naisip na talagang mapupuksa ang lahing Ulikba sa ganoong digmaan. Dagli rin siyang lumapit kay Albarado na kasalukuyan ding nakatanaw sa mga pangyayari. Doon niya sinabi ang kawalang pag-asa na talunin nila ang kahariang Mauritanya. Dalawampung taon na singkad pa ang kanilang palilipasin upang sila ay magkaroon din ng ganoong sandata. Ngunit sa panahong iyon, natitiyak din niyang lalong magiging makabago ang sandata ni Cordova, dahil matatalino ang mga Paham nang nasabing kaharian.
Hindi na nakuhang makalapit sa palasyo ang mga dambuhalang buwaya. Sa kalagitnaan pa lang, nasalanta na ang kanilang buhay. Bumalik sa dating laki at nagkawarat-warat pa ang tumitilapong laman sa malayong paligid.
Sumilakbo na naman ang galit ni Soraia. Hindi mapakali. Sumisigaw. “Nadaig mo ang mga nilikha kong dambuhala, pagkat sila’y pangkaraniwang nilalang lamang. Humanda ka, Cordova. Tayong muli ang maghaharap.” tinig niyang napakalakas dahil sa kapangyarihan at abot hanggang sa palasyo.
Napaangat mula sa pagkakadukmo sa kublihan ang mga kampon ng kadiliman. Tinanaw nila ang makapangyarihang Mahikantada at hinintay kung ano ang gagawin.
“Lumusob kayo, mababahong Burukantada!” sigaw pa ni Soraia. Nangangalit ang litid sa leeg at halos pagsisipain ang mga katabi.
“Hindi maaari, maganda at mabangong Soraia.” sagot ni Buringkingking. “Masusunog kami kapag lumapit sa krus na iyon!”
“Alam ko, mabahong Reyna. Ngayon din ay ipaaalis ko ang inyong kinatatakutan!” ani Soraia habang nakatanaw sa isang ibong agila na pasuling-suling ang paglipad at halatang nabulabog sa lakas ng putukan. Kapagkuwa’y binasbasan niya ng mahiwagang baston at inatasang dumapo sa mataas na punong kahoy. Tinitigan at saka winisikan ng makapangyarihang dagitab na nagmumula sa kanyang mahiwagang baston. Sumagitsit ang mas makislap na kislap ng liwanag at tumama sa ibon na di kalayuan ang kinadadapuan.
Napabaling ang paningin ng mga Burukantada sa kinaroroonan ng agila. Humahagikgik sa kasabikan.
“Sa bisa ng aking kapangyarihan,” mahinang bigkas ni Soraia at tanging siya lamang ang nakakarinig. “Magiging dambuhala ka lamang kapag narating mo na ang krus sa tore ng palasyo!”
Luminga-linga ang agila. Parang may isip na binigyan ng dahilan kung bakit saka lang siya magiging dambuhala kapag narating na niya ang sadyang pakay. Alam niya na ang pagiging higante ay punahin at madaling mawiwindang ang kawawa niyang katawan. Samantalang kung siya’y pangkaraniwang agila lamang, maluwalhati niyang mararating ang gustong ipatupad sa kanya.
Ilang sandali lang ay mabilis na natapatan ng agila ang kinatatayuan ng krus. Walang pumansin sa kanyang paglipad, pagkat higit na mataas at di inaasahan sa palasyo ang pag-imbulog niya na may layunin.
Sa gayong pagkakataon, bigla na lamang ang pagiging dambuhala ng nasabing ibon. Isang higanteng agila na umikot ikot sa tapat ng tore na kung saan ay doon nakatali ang sagradong krus ng Mauritanya. Bawat kampay ng agila ay lumilikha nang napakalakas na hangin. Parang bagyo kung ituring at nangulimlim pa ang kapaligiran dahil sa lapag ng kanyang pakpak.
Nagulantang ang mga kawal-Mauritanya sa biglaang pangyayari. Nakita nila ang katuparan nang dagitin ng agila ang banal na sagisag ng Panginoon. Nalagot ang tali at napunggal ang kinakabitan. Gayon man, hindi na naghintay ng utos ang libu-libong kawal. Matapos ang malakas na hangin, pinaputukan nila ang higanteng agila habang dakut-dakot ang nasabing pananggalang sa kasamaan.
Magkasaliw ang halakhak nina Soraia at Buringkingking nang makita nilang papalayo na ang agilang dala ang naturang panakot sa masasama.
“Ngayon!” sabi ni Soraia kay Buringkingking. “Lusubin ninyo ang palasyo! Patayin ang lahat, liban kay Donaio!”
“Matutupad ang kagustuhan mo, magandang Soraia. Pero, hindi ba dapat lang na gawin mo kaming higante para maging madali ang iniuutos mong pamumuksa?”
“Hindi na kailangan!” sagot ni Soraia. “Sapat na ang inyong baho para sila mamatay!”
“Totoo ang sinabi mo, mabangong Soraia!” sagot ni Buringkingking. “Sa bagsik at baho lang ng aming kilikili, patay na silang lahat!” dugtong pang nagmamalaki habang humahagikgik at pinagtataasan ang dalawang kamay.
“Hindi lahat!” galit na sigaw ni Soraia. “Itira ninyo si Donaio. Ayokong madamay siya sa baho ng inyong kilikili! Maliwanag?”
“Masusunod ang kagustuhan mo, Reyna ng kagandahan.” umaayong sabi ni Buringkingking kasabay ang laging paghagikgik at tinig nitong gumagaralgal ay sadyang angkop lamang sa tulad niyang buruka.
Sa utos din ni Reyna Buringkingking, madaling naihanda ang paglusob ng mga Burukantada. Nakasakay sila sa kanya-kanyang sanga ng punong kahoy at palapa ng niyog.
Samantala, ang higanteng agila na may dalang krus ng Mauritanya ay unti-unting pumapaibaba sa paglipad. Nanghihina sa dami ng punglong tumama sa kanya. Gayon man, nasunod pa rin niya ang utos ni Soraia na dalhin sa malayo ang kinatatakutan ng mga Burukantada. Narating niya ang malayong kagubatan na sakop pa rin ng Mauritanya.
Noon nama’y nagkakanggagahol din ang mga burukantadang ligaw sa kagubatang iyon. Sila ay mga kampon din ni Reyna Buringkingking at sadyang itinilagang maghahasik ng lagim at panakot sa mga Mauritanian.
Galing sa ilalim ng lupa ang mga Burukantadang ligaw at nagtipun-tipon upang sundin ang panawagan na sila’y sumama sa kataas-taasan nilang Reyna Buringkingking.
Sa isang maluwang at hantad sa araw na kapatagan nagpulong ang iba’t ibang uri ng maligno. Mga laman lupa na pinamumunuan ng bruhang Baradabekwek. Ang Burukantadang galit din kay Cordova pagkat hindi sila makalapit sa pamayanan ng Mauritanya. Takot sila sa malaking krus na pinagawa ni Cordova. Ang krus na yari sa pilak at ikinabit sa tuktok ng simbahan.
Umabot din sa kaalaman ng mga Burukantadang ligaw ang pagpapatapon ni Soraia sa krus na kanilang kinatatakutan. Ngayon na ang pagkakataon upang sila ay makapaminsala sa ibabaw ng lupa.
Naghagikgikan, naghalakhakan, nananaghoy at nagdaraingan sa nakakakilabot na paraan ang iba’t ibang uri ng maligno habang nakapaikot sa dinadakila nilang rebultong gumagalaw. Isang tikbalang na may sungay. Ang pinapanginoon nilang iyon ay nakapagsamantalang humantad sa sikat ng araw mula nang iwan ni Soraia ang pook na ngayon ay kanilang pinagtitipunan.
Ang anyo ng mga Burukantadang ligaw ay lubhang nakakatakot, at tanging sa bangungot lamang makikita. May malalaki at may maliliit. May payat at may mataba. Maluluwang ang bunganga at may matutulis na pangil. At sa kanilang pang-unawa, madali nilang masasaid ang dugo ng mga tao. Utos na lang ang kanilang hinihintay upang manakot at makapamuksa.
Ang malakas na kaingayan ng mga maligno ay dagling naparam nang pasisid na magdaan sa kanilang ulunan ang naghihingalong agila. Bumagsak iyon sa di kalayuan, matapos mabitiwan ang krus na laang itapon kung saan, ngunit sadyang itinadhana ang kapalaran, sa gitnang umpukan ng mga maligno bumagsak at patayong tumusok sa lupa.
Sa tama ng araw, nagsabog ng liwanag ang krus na nakatayo sa lupa. Masasabing iyon ay himala pagkat nanoot sa paligid ang taglay na kisap.
Nabigla ang mga maligno. Nanlaki ang mga mata. Nagtayuan ang buhok sa ulo at nagtatarang na nagtilian sa nakakapangilabot na paraan. Para silang binagsakan ng pagkalaki-laking bolang apoy. Iglap lang, natupok ang mga maligno at naging tumpok ng abo. Nalanos ang mga kampon ng kadiliman sa kagubatan ng Mauritanya, kasama ang ibong agila na nagbalik din sa dating laki.
Sa kabilang dako, bigla ang balitang nasagap ng kapangyarihan ni Buringkingking. Naging abo ang mga kampon niyang malignong ligaw sa kagubatan dahil sa krus na ipinatapon ni Soraia. Naparam ang pag-asa niyang darating ang mga iyon upang sila ay tulungan sa pagpapatupad ng kasamaan.
Lalong naging masigasig sa paglusob ang hukbo ng mga Burukantada. Nananaghoy sa galit at sabik na makapanglipol sa ngalan ng paghihiganti. Nangulimlim ang kapatagan sa dami ng mga masasamang nilalang ng demonyo. Sakay sila ng mga sanga at palapang nagliliparan sa papawirin, kung pagmamasdan ang kapara, tila nagkaroon ng kagubatan sa kalangitan.
Napahumindig ang mga kawal-Mauritanya nang mapaglimi ang tanawing dumarating. Mga Burukantadang sa tingin nila ay parang nakakabayong nakasakay sa papalapit na kagubatan. Dahil sa pagmamadali, agad silang nagpaputok sa pangambang magahol sa mabilis na paglapit ng mga burukantadang nabubuhay sa kadiliman, ngunit ang gayong paggamit ng baril ay walang saysay. Walang nangyaring katuparan sa kanilang layunin, liban sa maliliit na sanga at dahon ang bumagsak sa lupa.
“Kanyunin!” nagmamadaling sigaw ni Sotelo. Hindi na naghintay ng utos sa hangaring huwag makalapit ang kanilang kalaban.
Dumadagundong ang putukan. Kabi-kabila ang pagsabog at sa gawing itaas ay naganap din. Sumambulat ang tila kagubatan sa papawirin at nangalaglag na paibaba.
Naghiyawan ang mga nilalang na nakasaksi sa pangyayaring iyon. natutuwa sila sa pag-asang nanaig ang kabutihan sa kasamaan. Subalit nang mahawi ang usok sa pulbura, nahantad ang mga Burukantadang patuloy ang paglapit. Nakaipit pa rin sa kanilang hita ang mga sanga at palapa na wala ng dahon. Ngayon ay hantad na sila sa balana at dinig ang hagikgikan.
Nasindak ang mga nakasaksi. May napapatili sa takot lalo na ang mga maharlikang kababaihan ng ibang kaharian. Tumangis ang karamihan sa kawalang pag-asa, pagkat hindi man lang nasaling ang kanilang kinatatakutan. Hindi tumalab ang pinakamalakas na sandata ng Mauritanya.
Sa pangunguna ni Haring Gustavo, hinudyatan ang kanyang hukbo na sila’y lalaban hanggang kamatayan. Magbabakasakaling tumalab sa Burukantada ang kanilang palaso. At kung hindi, espada naman ang kanilang gagamitin.
Si Haring Hugo ay hindi rin mapakali. Nagsisisi kung bakit nasuong sila sa ganoong kalagayan. Alam niyang mahirap talunin ang mga Burukantada dahil sa taglay na kapangyarihan. Kailangan nilang tumakas, kasama ang kanyang Reyna at Prinsesa. Daraan sila sa gawing harapan ng palasyo pagkat nasa likuran ang nagaganap na labanan. Luminga-linga siya sa paghahanap ng daan at minadali ang paghakbang.
Sa ikatlong palapag ng kaharian, sa gawing beranda ay nangasindak ang karamihan sa mga panauhin. Umurong sila at tangkang pumasok sa loob ng palasyo upang magtago. Tanging si Reyna Onova lang ang naiwan sa piling ni Arminya. May hawak silang maliit na krus na galing sa altar ng palasyo.
“Susubukan kong gamitin ang mahiwagang tungkod at baka sakaling makatulong.” sabi ni Donaio at marahang binaklas ang pagkakayakap sa kanyang asawang ginigiliw.
“Nananalig din ako sa hawak ng ating Inang Mahalya.” sabi naman ni Hirang habang nakatanaw sa krus ng mga kristiyano.
Doon naman sa kinaroroonan ni Cordova ay walang sindak na mababanaag sa kanyang mukha. Nakatunghay lang siya kay Ogbinar na kasalukuyang nakatingala sa ikaapat na palapag ng palasyo. Hinuhudyatan ang naroroong hukbo na sadyang panlaban sa ganoong pagkakataon.
Ang mga kawal na iyon ay kanina pa nakahanda ang kanilang baril na may benditadong punglo na yari sa pilak at doon nakaukit ang krus sa dulong unahan. Doon din nakatalaga ang pari ng simbahan na siyang magsasaboy ng agua bendita sa mga Burukantada at ngayon na nga ang pagkakataon. Nahantad ang mga kalaban dahil sa panganganyon ni Sotelo.
Ang hudyat ni Ogbinar ay karakang nasunod. Unang sumungaw sa pader ang kalahati ng hukbong panlaban sa mga Burukantada. Ngunit bago sila nakapagpaputok, sumalubong na sa kanila ang kumikisap na liwanag mula sa mabubutong daliri ng mga Buruka. Nauka ang pader at sumandaling nagdingas. Mabuti na lang at mabilis na nakapanganlong ang unang hanay ng mga kawal, dahil kung hindi, tagos sa kanilang katawan ang tila dagitab na nagmumula sa mga mababahong nilalang.
Sa ganoong pagkakataon, bumawi sa kabiglaanan ang ikalawang hanay ng mga kawal. Mabilis na nagsisungaw sa pader kasabay ang pagpapaputok ng baril sa mga nahantad na kalaban.
Ang may pagtitiwalang anyo ng mga Burukantada ay nahalinhinan ng pagkagulat. Ang dating hindi tumatalab na punglo ng kalaban ay kung bakit bumaon sa kanilang katawan at lubhang nakakapaso. Nakapanghihina at nakakapanginig hanggang sa mag-apoy sila at pabulusok na nangahulog sa lupa kasunod ang kanilang sasakyan.
Higit na malakas ang tili ni Reyna Buringkingking habang nagliliyab ang katawan. Hindi na binitiwan ang sanga ng kahoy at parang baliw na ibinangga sa pader ng palasyo, bago naging uling nang bumagsak sa lupa.
Hindi na rin nilubayan ng mga kawal ang pagpapaputok ng kanilang baril. Palitan ang dalawang hanay, sanhi upang bumagsak sa lupa ang lahat ng Burukantada. Naging abo at humalo sa maalikabok at tigang na kapatagan.
Muling nagbunyi ang mga mamamayan ng Mauritanya. Nakita nila ang pagkaubos ng kalaban. Walang hindi naging alabok at muli ring umaliwalas ang papawirin.
Sa pagkakataong iyon, lalong lumaki ang pananalig ng mga maharlikang panauhin ng Mauritanya. Alam nila ang katibayan. Dalawang sagwil sa katahimikan ang pinuksa ni Cordova. Una, ang lahing Ulikba at ngayon, ang lahing Burukantada.
Doon na sumagad ang poot ni Soraia sa nakita niyang pangyayari. Halos lumuwa ang kanyang mga mata. Ngayon ay para na siyang baliw. Wala na ang pagsasaalang-alang. Siya na ang papatay kay Cordova. Siya na ang dudurog sa kaharian ng Mauritanya at patayin ang sino mang makita kahit tila maging iyon man ay si Donaio. Pagkaraa’y umangat ang paa niya mula sa lupa at muling namalas ang dati nang ginagawa. Lumalapit kahit hindi humahakbang.
Panibagong sindak na naman ang namalas sa anyo ng mga mamamayan. Nagsungawan sila sa tahanan nilang yari din sa matitibay na bato. Nangangamba pagkat alam nila ang taglay na kapangyarihan ni Soraia. Mahirap talunin kung pangkaraniwang tao lamang ang haharap.
Naging abala rin ang mga kawal-Mauritanya. Walang kabaling-baling ang mga matang nakapako kay Soraia. Handa ang kanilang sandata at hudyat na lamang ang hinihintay.
“Paputukan!” sabi ni Ogbinar. Paulit-ulit at panay ang hudyat sa buong hukbo ng Mauritanya.
Naganap ang lalong nakakatulig na putukan. Sabay-sabay. Lahat ay ginamit. Ang kanyon. Ang benditadong baril at ang pangkaraniwan lamang.
Sa buga ng apoy, kabi-kabila ang pulandit ng punglo. Ngunit ang lahat nang iyon ay hindi nagbigay ng pinsala kay Soraia. Mistula siyang taong usok na ang bawat punglong tumama sa kanya ay lumulusot lamang at muling naghihilom ang dinadaanang butas. Ganoon ang taglay na kapangyarihan ni Soraia. Higit na malakas pagkat magkahalong kasamaan at kabutihan. Hindi pa ganap ang sinapian niyang ugali ng mga Burukantada at nakakalamang pa rin ang likas na pagka-Mahikantada, kung kaya kahit ang benditadong punglo ay hindi siya pininsala, bagamat may bahagyang init din ng kabanalan ang kanyang nararamdaman, kayang tiisin. Patuloy ang kanyang paglapit sa palasyo at siya naman ang humandang maminsala.
Pansamantalang tumigil ang putukan. Wari’y ibinabadya ang isang panibagong paraan upang gawin ang nararapat. Sa isang pamantayan, ang tunay na mandirigma, lalong tumatapang habang nagagapi. Handa pa rin ang hukbong Mauritanya hanggang sa huling sandali.
“Uubusin ko kayong lahat kapag hindi ko nabawi si Don Donaio!” malakas na sigaw ni Soraia. Dinig ng lahat kahit malayo pa pagkat dumadagundong ang tinig sa taglay na kapangyarihan.
“Mamamatay kaming lahat, bago mo makuha ang aking anak!” sigaw din ni Cordova. Nakahantad sa papalapit na Mahikantada.
Ang gayong sigaw ni Cordova ay pangkaraniwan lamang at sadyang hindi aabot sa malayong kinaroroonan ni Soraia. Ngunit dahil sa kapangyarihan, umabot at narinig ng kinauukulan.
“Talagang malalanos kayong lahat. Masusunog!” sagot ni Soraia. Pakutya at sinimulan ang paglikha ng napakalaking apoy na gagapang at magtutungo sa palasyo. Tumigil din siya sa paglakad at pinanood na lamang ang tila burol ng apoy sa kanyang unahan. Humalakhak bago hinipan ang malagablab na apoy upang itaboy sa paroroonan. Susunugin niya ang palasyo at pipiliin na lamang ang ililigtas.
Naghiyawan sa labis na sindak ang karamihan sa panauhin ng Mauritanya. Naramdaman na nila ang ang init na papalapit. Unti-unti na silang nasasalab at talagang kailangan na nilang magkanlong.
Maging si Cordova ay nangulimlim ang mga mata. Ayaw ipahalatang natitigatig siya sa papalapit na dambuhalang apoy. Hindi siya aalis sa pagkakatayo at makikitang handa na rin siyang matupok sa pakikipaglaban, huwag lang makita ang kasasapitan ng kanyang mga mahal sa buhay. Hindi na rin niya pinakinggan ang panawagan ni Arminya. Nagtutumangis sa sumamong iwan na niya ang kaharap na kamatayan.
Hawak naman ni Donaio ang kanyang mahiwagang tungkod. Nakayakap sa kanya si Hirang at anyong namamanglaw sa pakikiramdam.
“Mauunang mapugto ang aking hininga bago ka maangkin ni Soraia.” Lumuluha pang pang sabi ng babaing ikakasal sana sa araw na iyon.
“Hindi, aking Hirang.” sagot ni Donaio at agad kinausap ang kanyang tungkod. “Lalabanan natin si Soraia. Harangan mo ng tubig ang papalapit na apoy!”
Ang utos ay agad natupad. Isang ga burol ding alon ng tubig ang sumalubong sa apoy. Nagmamadali. Rumaragasang bumangga at sumabog sa nagdiringas na bagay.
Naglaho ang liwanag at naparam ang init. Nawala ang apoy at usok lang ang nalabi. Kalian man, ang apoy ay takot sa tubig.
Napigil ang panganib at ang tubig ay tila agos ng ulan na umuho sa tigang na lupa. Kumalat at umagos hanggang sa kagubatan upang mapanariwa ang naluluoy na halaman.
Naghiyawan sa galak ang mga nakasaksi. Ang nakita nilang pangyayari ay naituon sa kinikilala nilang Panginoon. Isang himala ng Diyos na ang ginawang hagdan ay nakita at dumating sa pamamagitan ni Donaio.
Nakita ni Cordova ang ginawang tungkulin ng kanyang anak, tuwang-tuwa siyang namaitang sa hagdang paakyat sa ikatlong palapag ng palasyo. Nasasabik siyang makapiling ang mga mahal sa buhay. Hindi na niya inalintana ang di kaginhawahang pag-akyat sa makitid na hagdang gamit lamang sa sandali ng panganib.
Sumunod rin ang ibang Hari sa pangunguna ni Gustavo at panghuli na lamang si Hugo. Hindi na niya itinuloy ang tangkang pagtakas sa pag-asang may kapangyarihan din pala ang nasabing anak ng Radam. May laban sila sa papalapit na Mahikantada.
Muling nag-init ang nagpupuyos na damdamin ni Soraia nang makita ang nangyari sa nilikha niyang apoy. Ngayon, higit na mabilis ang kanyang paglapit. Gusto niyang makaharap agad ang mga taong nais niyang salantain. Ang makitang malapitan ang mga nilalang na dapat tumanggap ng kanyang parusa.
Muli na namang namayani ang putukang mula sa unang palapag hanggang kataas-taasan ng palasyo. Sumalipadpad rin ang maraming palaso ng iba’t ibang kaharian, bilang tulong sa punglo ng Mauritanya. Nais nilang itaboy ang kalaban ng madla at ipagtanggol ang kapakanan ng mga dugong bughaw, ngunit tulad nang dati, nasayang lang ang kanilang punglo at palaso, pagkat sadyang umiiwas sa patatamaan.
“Ikaw ang mauuna, Cordova!” nakakatulig na sigaw ni Soraia nang sumayad ang kanyang paa sa pasimano ng beranda.
“Hindi!” sigaw din ni Arminya at karakang yumakap sa kanyang asawa.
“Mabuti naman at isang sinag lang ang kailangan upang dalawa kayong matupok!” natutuwang sabi ni Soraia at ipinanturo ang hawak niyang baston upang ligaligin sa takot ang mag-asawa.
Agad namang humarang sa landas ng kamatayan ang mga tapat na kawal ni Cordova, nangunguna si Ogbinar at Rancudo. Naroroon din si Gustavo. handang itaya ang kanilang buhay, mailigtas lang ang kinikilalang Hari ng mga Hari.
Gayon din sin Onova. Umiiyak na yumakap kay Arminya upang sumama na kay Gustavo sa kamatayan.
Naging mailap ang mata ng mga panauhin. Palipat-lipat kay Soraia at Donaio. Hinihintay kung ano ang gagawin ng huli. Umaasa sila sa isang panibagong himala.
“Wala kang pakikinabangan!” sabad ni Donaio. “Mamamatay kaming lumalaban!” sabi pang kasabay ang hakbang palapit sa Mahikantada.
Luminga si Soraia at tinanaw si Donaio habang naglalakad na pasalubong sa kanya matapos siyang lumapag sa beranda. Humalakhak at nagwika. “Nasa iyo pala ang tungkod ni Naia?”
Agad sumagot si Donaio. “Ito’y kaloob niya sa akin. Gamitin ko raw sa kabutihan at ipanlaban sa kasamaan.”
Malutong ang halakhak ni Soraia bago nagwika. “Ikaw pala ang bumanli ng tubig sa nilikha kong apoy! Pero, patutunayan ko sa’yong hindi madadaig ng tungkod ang taglay kong baston. Kalian man. Hindi makakapantay ang pahamak na si Naia sa aking mahika. Dahil sa kanya, nasira ang mga pangarap ko sa’yo. Susunugin ko ang hawak mong tungkod.
Hindi na sumagot si Donaio. Binulungan ang nasabing tungkod. “Pilitin mong lumaban. Sa awa ng Panginoong Diyos, tutulungan niya tayo.”
Nagkulay baga ang hawak na baston ni Soraia. Iniumang ang dulo at pumuslit ang sinag na kulay pula. Parang kobra na luminga-linga at saka marahang bumaba ang liwanag patungo kay Donaio.
Nagkulay berde naman ang tungkod ni Donaio at sumulpot din ang sinag na kulay lunti. Sinalubong ang pasinag ni Soraia at nagbanggaan sa kalagitnaan.
“Tandaan mo, Donaio ang sasabihin ko?” wika ni Soraia. “Walang kapangyarihan ang tungkod ni Naia upang ako ay talunin. Sumuko ka na at di ka madaramay sa kamatayan.” dugtong pang kasunod ang halakhak.
“Hindi!” sagot ni Donaio. “Iibigin ko pa ang mamatay, huwag lang maging alipin mo!” sudlong pang nahihirapan habang pinipigilan ang tungkod na di makakailang naitutulak ng baston ni Soraia.
Kailan ma’y hindi kita gagawing alipin, at kapag hindi mo binitiwan ang tungkod ni Naia, kasama kang masusunog!” banta pa ni Soraia at lalong pinagibayo ang lakas ng kanyang baston.
Nahalata ang panghihina ni Donaio. Unti-unting napapaurong at mababakas sa mukha ang paghihirap. Umuurong ang kanyang paninag samantalang ang kay Soraia ay humahaba. Papalapit sa anak ng Radam.
Agad namang inagapayanan ng pangkat ni Hagibis ang kanilang Rahana, mamamatay silang kapiling at itinuturing nilang panginoon. Handa ang kanilang kampilan at sadyang iwawasiwas kapag lumapit ang panganib.
Sa ganoong kalagayan, muling nagpaputok ang mga kawal-Mauritanya. Tinudla nila si Soraia. Tumulong sa kanila ang mga kawal ni Gustavo. Pinana ang dapat patamaan, ngunit tulad nang dati, ang lahat ay nasayang lamang. Nagsiiwas at walang tumama sa punglo at palasong pinawalan.
Humalakhak lamang si Soraia. Hindi binago ang kilos at nanatiling pinalalakas ang sinag ng kanyang baston.
Lubusan nang umurong ang pansinag ni Donaio at sumagad na sa kanya ang kay Soraia. Umiinit ang tungkod at di maitatatwang sandali na lamang ang itatagal bago matupok.
Halata na ang paghihirap ni Donaio. Namamaltos na ang kanyang palad dahil sa init, ngunit sumagad na sa kanyang isipan ang pangakong hindi niya bibitiwan ang tungkod, sukdang kasama siyang masunog.
Umalsa ang damdamin ni Cordova. Sumugod siyang patungo kay Soraia.
Subalit inunahan siya nina Ogbinar, Rancudo at Gustavo. sinunggaban nila ang palalong Mahikantada at tangkang pigilin sa pamamayagpag.
Tumulong din ang maraming kawal. Kinubabaw nila si Soraia, ngunit wala rin silang nagawa. Hindi nila masaling ang baston na lumilikha ng sinag pagkat nagbabaga ang kapara.
Wala ring magawa sina Arminya, Hirang at Onova kundi ang yumakap sa isa’t isa. Tumatangis at humihingi ng saklolo sa kinikilala nilang Panginoong Diyos.
Di kaginsa-ginsa’y nagsibitaw ang mga pumipigil kay Soraia. Bigla silang napaso sa katawan ng Mahikantada. Nakita nila ang unti-unting pagbabaga ng babae habang humahalakhak.
Ngayon ay nakatiklop na ang mga tuhod ni Donaio. Nakayuko at tila handa nang tanggapin ang kanyang kamatayan, bagamat patuloy pa ring ipinangsasanggalang ng mahiwagang tungkod ni Naia. Bukod dito, patuloy din niyang naririnig ang hiyawan ng mga panauhin at ang panangis ng mga mahal niya sa buhay.
Bigla ang katahimikan. Walang humahalakhak at lalong walang tumatangis. Iyon ay dahil sa pagdating ng himala at saklolo. Nagliwanag ang paligid. Higit na nakakasilaw at bago napapikit ang karamihan, namalas nila si Reyna Aia, kasama si Naia.
Natigilan din si Soraia at wala sa loob na pinaram ang sinag mula sa kanyang baston. Dahil doon, naginhawahan ang kalaban niyang si Donaio.
“Sagad na ang iyong kasamaan!” bungad ng Reyna sa dati niyang kaakbay sa kabutihan, bago naglaho ang nakakasilaw na liwanag.
“Huwag kang makialam dito!” sigaw din ni Soraia at nagsimulang lumukob sa kanyang katauhan ang kaanyuan ng isang Burukantada. Maganda pa rin, ngunit mabalasik ang mga mata at nagtatayuan ang buhok.
“Isa ka nang Burukantada. Hindi ka na nabibilang sa kaharian ng Mahikalandia. Isang masamang nilalang na dapat masugpo! Nakita namin sa mahiwagang salamin ang pangyayaring ito at nararapat ka nang mabura sa ibabaw ng lupa!”
“Kung kaya mong gawin!” humahalakhak pang sabi ni Soraia at pansamantalang tinalikdan si Donaio. Pinag-ibayo na lang ang pagpapabaga sa kanyang katawan. Magkasabay at magkatulong niyang gagamitin ang kapangyarihan ng Mahikantada at Burukantada. Pinasinag ang kanyang baston at sumagitsit din ang tila dagitab na liwanag mula sa lima niyang daliri na may mahahabang kuko. Kay Reyna Aia niya pinatungo, subalit ang lahat nang iyon ay bumaluktot at hindi tumalab sa pinatamaan.
Si Reyna Aia naman ang humalakhak bago nagwika. “Nalimutan mo yatang higit na matingkad ang kapangyarihan ko sa’yo, lalo na sa mga Burukantada?”
Napaurong si Soraia. Saglit na napagkuro ang kanyang kahinaan. Gayon man, sumugod siyang muli sa pag-asang mananaig sa dukwangan ang nagbabaga niyang katawan.
Noon nama’y naging kasiya-siya kina Cordova, Arminya, Donaio at Hirang ang pagdating ng mga Mahikantada. Nakahinga sila nang maluwag sa dahilang si Aia lamang ang makakatapat ni Soraia.
Sa tagpong iyon, nag-utos na si Reyna Aia kay Naia. “Wisikan mo ng tubig ang bruhang ito!”
Ang kanina pang nagpigil na alalay ng Reyna ay kumilos. Isinawak ang kamay sa saro ng tubig at pasalubong na winisikan ang dumadaluhong na bruha.
Sumagitsit ang lamig at init. Naghihiyaw sa sakit si Soraia. Pilit na umiilag at di malaman kung saan susuling.
“Tatapusin ko na ang iyong kasamaan!” sigaw ni Reyna Aia. “Sige! Buhusan mo na!” dugtong pa niya kay Naia.
Ang tinitimping galit ni Naia ay pinahulagpos. Itinuwad ang saro at hinayaang bumuhos ang napakaraming tubig na kung iisipin, hindi magkakasya sa maliit na lalagyang saro, ngunit dahil sa mahiwagang kapangyarihan, tila iyon ay hindi nauubos at kayang bumasa sa nakaluhod na katawan ni Soraia.
“Patawad, mahal na Reyna. Hindi na ‘ko uulit.” Nanghihinang daing ni Soraia nang magsimulang maging uling ang kanyang katawan at magkabitak-bitak sa paghiga.
“Hindi!” galit na sigaw ni Aia at lalo pang pinatindi ang parusa. Siya naman ang gumamit ng baston. Pinasinagan niya si Soraia at pinaglaho sa paningin. Walang nalabi, kahit bakas ay naparam at parang bulang humalo sa hangin.
“Tapos na ang kasamaan ni Soraia!” pamamayagpag ni Reyna Aia at hinarap si Cordova. Ang Radam na sa tingin niya ay batbat nang pagkabigla at pasasalamat.
“Purihin ng Panginoong Diyos ang pagdating mo, Reyna Aia!” natutuwang salubong ng Radam at yumukong handa sa pagpugay.
“Huwag, Dakilang Radam ng Mauritanya. Inuulit ko. Nasa amin ang pagkakasala. Ako ang dapat magpugay at humingi ng paumanhin sa mga ginawa ni Soraia.” Sabi ni Aia kasabay ang pagluhod.
Mabilis namang nakalapit si Arminya. At muli, karaka niyang inalalayan sa pagtayo si Aia, tulad nang ginawa niya sa Mahikalandia kasabay ang wika, “Maraming Salamat sa iyo, O, butihing Reyna ng mga Mahikantada.”
Humugong ang hiyawan at palakpakan ng mga naroroong nilalang. Nagpapasalamat at dumadakila sa naganap na pangyayari.
Nanghihina namang napatindig si Donaio, habang inaalalayan ni Hirang. Nilapitan din siya ni Naia at binigyang sigla ang nanlulupaypay niyang katawan. Pinaram din ang paltos sa kanyang mga palad at masuyong inakbayan silang mag-asawa.
Di kawasa’y nagsalita si Reyna Aia “Mapalad ang kaharian ng Mauritanya. Ang lahat ng Burukantadang ligaw sa kagubatan ay naglaho nang ganap, dahil sa krus na ibinagsak doon ng higanteng agila. At ibig ko ring malaman ninyo, ang kasamaang inihasik ni Soraia ay mahahalinhinan ng kabutihan. Sa pamamagitan ni Naia. Siya ang diwatang magiging gabay ng sino mang maliligaw sa kagubatan ng Mauritanya!”
Muling nagpalakpakan ang mga nakarinig. Nagpapasalamat lalo na ang taga roon, pagkat magiging tahimik at hindi na katatakutan ang kanilang kagubatan dahil sa mga malignong ligaw.
Namamayagpag naman sa kaligayahan si Cordova nang magsalita. “Ako ay lubos na nagpapasalamat sa itinadhana ng maykapal. At sa pangyayaring ito. Wala nang makakaawat sa nakatakdang kasalan, lalo na ngayong nagkaroon ng dahilan upang ang butihing Reyna ng Mahikalandia at ang mapagpalang Ina-inahan ni Don Donaio ay maging panauhing pandangal sa araw na ito. Mabuhay tayong lahat!” sigaw pa niyang halos mamaos sa kaligayahan.
Natawa si Reyna Aia sa itinakdang pangyayari. Pagkakataon na nga upang di sila makaiwas sa kasalang iyon at makasalamuha ang mga mortal na tao.
Matapos ang masigabong pagbubunyi, nagsalita si Naia patungkol sa dalawang ikakasal. “Magiging maligaya ang inyong pagsasama. Iyon ay maliwanag kong nakikita, ayon sa taglay kong kapangyarihan at sa tulong na rin ng mahiwagang tungkod na lubusan ko nang ipagkakatiwala sa inyo. Kaalinsabay nito, magiging matahimik ang kahariang Mauritanya pagkat kayo ang lahing pinagpala ng Panginoong Dakila, at iyon ay makakarating sa pamamagitan ng butihing Reyna Aia.”
“Maraming salamat, O, mabunyi kong Ina-inahan.” sabi ni Donaio habang kaakbay si Hirang. “Ngunit Ina kong Diwata, gusto ko nang isauli ang mahiwagang tungkod. Sapat nang malaman kong nakatakda na ang aming kinabukasan. Gusto kong mabuhay sa likas na paraan. Sa sariling sikap upang walang aasa sa tulong ng sino man. Tulad ng tikbalang at kalabaw, nais ko ring makabalik sa Mahikalandia ang mahiwagang tungkod pagkat doon ang tunay niyang tahanan.” ang sabi pang lipos ng katotohanan at katiyakan. Kapagkuwa’y marahan niyang ibinigay kay Naia ang nasabing bagay, matapos na iyon ay himasin at pabulong na magpasalamat.
Napangiti si Naia. Nasisiyahan sa dahilang wasto ang naging pasiya ni Donaio. Ang maging maligaya sa sariling guhit ng tadhana.
Di kaginsa-ginsa’y nagambala ang saglit na katahimikan. “Tuloy ang kasalan!” natutuwang hiyaw ng mga maharlikang panauhin sa pangunguna ni Haring Gustavo at Reyna Onova ng Portagesa.
Ganoon din si Haring Hugo. Nakikigalak sa tingin ngunit nanonoot din sa kanyang isipan na kailan man, hindi na niya babalakin ang makipagsubukan sa kaharian ng Mauritanya, lalo na nga’t kapanalig pa nito ang kaharian ng Mahikalandia.
Bago nangulimlim ang sikat ng araw ay naganap ang walang kahulilip na kaligayahan. Muling ikinasal sa simbahan ang dalawang pinagbuklod na sa kaharian ng Haranggani, ngunit iyon ay basbas lamang nang dating namayapang Rahana Salina. At ngayon, lalong pinagtibay ang kanilang pagiging mag-asawa sa simbahan ng katoliko, habang inuulan ng mababangong bulaklak ang labas ng simbahan sa kagustuhan ni Reyna Aia ng Mahikalandia.
Dinudupikalan ng kampana sina Don Donaio at Dona Hirang sa kanilang walang hanggang kaligayahan.
“ WAKAS “