Ang masayang pagkikita
Nang araw pa ring iyon. madilim pa ang bukang liwayway, ngunit handa na ang isang bahagi ng puwersa ni Radam Cordova ng Mauritanya. Ang layunin. Tunguhin ang kaharian ng Haranggani upang alamin kung naroroon si Donaio o sadyang nakakulong pa sa kaharian ng Mahikalandia. Ang naturang puwersa ay binubuo ng mahigit isang libong kawal na totoong angkop sa ganoong paglalakbay.
Nakasakay sa isang marangyang karuwahe ang mag-asawang Cordova at Arminya. Nilandas nila ang may kaluwangang lansangan na talagang bagay sa ganoong pagkakataon.
Maganda ang pagkakahanay ng mga kawal na pinamumunuan ni Heneral Ogbinar. Ang kalahati sa kanila ay nasa gawing unahan ng karuwahe.
Ang lahat ng kawal ay nakasakay sa kabayo at may kanya-kanyang kulay ang kasootan. May pula, may abuhin, may bughaw at mayroon ding luntian. Ngunit lahat sila ay may iisang kulay puting ispenderahe. Iyon ay nakapaekis sa kanilang harapan at likuran. Ang sumbrero nila ay kakulay din ng damit at nakatatlong tupi ang laylayan.
Ang isa pang nakaganda sa tingin ay ang hanay ng mga kabayong nakadamit. Tila ba kasootan na isinaklob lamang. May dalawang butas sa tapat ng mata at ganoon din sa tainga. Nakalabas din sa butas ang malagong buntot ng kabayo. Ang damit ay may habang isang dangkal pa bago sumayad sa lupa. Maraming pakisap at kung anu-anong palawit sa katawan. Napakaganda ring tingnan ang magkakulay na kasootan ng kabayo at ang nakasakay na kawal.
Ang pagkakaayos ng hanay ay iniangkop sa kagustuhan ni Ogbinar. Pinauna niya ang malaking pangkat ng mga nakapulang kawal. May hawak na mahahabang baril at may bayoneta sa dulo.
Ang sumunod na hanay ay pawang naka-abuhin. Ganoon din ang hawak na sandata at nagsisilbing sagisag na pang kadiliman.
Sa gawing likuran ng mga naka-abuhin ay sumusunod ang maharlikang karuwahe ng mag-asawang dugong Bughaw. Iyon ang nakikisapan ng mga batong hiyas at hinihila ng anim na kabayong kulay puti.
Pinili ni Cordova ang araw na iyon ng paglalakbay upang matiyak na masalubong man nila si Donaio, ligtas sila sa kapahamakang idudulot ni Soraia.
Umagapay naman sa tagiliran at likuran ng karuwahe ang mga kawal na nakabughaw. Baril de pulbura din ang kanilang hawak at higit na mahahaba ang mga bayoneta. Sila ang sumasagisag sa pagiging dugong bughaw ng mga nakasakay sa karuwahe.
At ang panghuling hanay ay mga nakaluntiang kawal na lalong mabagsik ang hinihilang sandata. Limang mahahabang kanyon. Malalaking baril na ang bala ay sumasabog kapag tumama sa matigas na bagay. Mga kanyon na may gulong at gagamitin lamang kung kinakailangang pasabugin ang malalaking tipak ng batong nakabunton sa pinto ng Mahikalandia.
Ang magandang tanawing iyon ay nagaganap lamang kapag kasama sa paglalakbay ang sakdal timtimang Mahalya ng Mauritanya. Sa ganoong pagkakataon, ang paglalakbay ay mabagal lamang.
Ang unang bayan na naraanan nila ay ang kaharian ng Curcuerra. Kaugaliang tinatawag noon ay ginagawa sa pamamagitan ng trumpeta. Sampung kawal sa unahan ang walang tigil sa paghudyat ng himig na tanging sagisag ng kahariang Mauritanya.
Nataranta sina Haring Hugo at Reyna Aguerra. Nagdudumali silang lumabas sa palasyo upang mangayupapa sa karuwahe ng mga dugong bughaw.
“Sumainyo ang maaliwalas na umaga, o dakilang Radam at mabunying Mahalya ng Mauritanya.” bungad ni Haring Hugo at Reyna Aguerra, matapos ang nakaparipang pagyukod.
“Sumikat din sa inyo ang magandang umaga.” sagot ni Cordova habang nakapanungaw sa karuwahe. Kumakaway at parang pinagpayapa ang mga sumasamba.
Nakadungaw din si Arminya. Kumakaway ring nakangiti at kay Aguerra nakatingin ang mga matang tila bumabati.
“Sa aking pakiwari, mahabang ganap ang paglalakbay ng dakilang Radam.” sabi ni Hugo nang makalapit sa durungawan ng karuwahe.
“Tulad ng sinabi ko noon.” sagot ni Cordova. “Ngayon ang tamang panahon upang hanapin ko si Don Donaio sa bayan ng Haranggani.”
“Inyong kamahalan.” sabi ni Hugo. “Kailan lang, galing kami roon at wala kaming nakitang dugong bughaw sa bayang iyon.”
“Wala?” nanghihinang tanong ni Arminya. Lumilinga ang paningin at wari’y naghahanap ng tamang kasagutan. Naghihinagpis pagkat ganoon din ang ulat ng mga kawal Mauritanya na inutusang magmanman at magtanong sa bayan ng Haranggani kung may dugong bughaw na nagawi roon.
“Wala nga, mabunying Mahalya Arminya. “Si Aguerra ang pumukaw. “Walang binanggit si Rahana Salina, tungkol sa inyong hinahanap.” dugtong pang mababa ang tinig at paindayog ang salita.
Agad nangulimlimang mukha ni Arminya at napayukong lumuluha.
“Patawad sa kanyang kabunyian.” agap ni Aguerra. “Hindi ko nais na kayo’y palungkutin. Pero, baka naman nasa labas ng kastilyong moski ang kagalang-galang na si Don Donaio.” sabi pang halos di malaman ang gagawin upang aluin ang pinakamataas na Reyna ng mga Reyna.
“Baka nga.” sabi ni Cordova at pinilit ang masayang ngiti. Hinudyatan si Ogbinar upang paghandain sa paglisan ang mga nauunang kawal.
“O, Dakilang Radam ng mayamang kaharian ng Mauritanya handa akong magpasama ng karagdagang kawal upang tumulong sa inyong paroroonan.”
“Hindi na, Haring Hugo. Walang kaguluhan sa aking patutunguhan. Pagpalain ka ng maykapal sa iyong pag-aalala.” sabi ni Cordova at hinawakan sa magkabilang balikat ang naturang Hari, matapos siyang bumaba sa karuwahe.
Muling yumukod si Hugo bilang pagtanggap sa sinabi ni Cordova. Nagtataka rin siya kung bakit kakaunti lamang ang kawal na umaalalay sa Radam. Ngunit napansin din niya ang kakaibang sandata na hawak ng mga iyon. Sa kanyang pakiwari, iyon ay makabago pagkat laging nangunguna ang Mauritanya sa lahat ng bayan. Isa pang pinagtataka niya ay kung anong bagay ang de gulong na hinihila ng mga kabayo. Gayon man, winalang bahala na lang niya ang di alam na kanyon…
Ang tagpong iyon ay nagambala sa paglapit ng mag-asawang Prinsipe Dalandanan at Prinsesa Agata. Humahangos.
“Kamtan po ninyo ang maaliwalas na sikat ng araw.” bati ng Prinsipe at nauna namang yumukod ang Prinsesa habang nagsasalita. “Sana, maging matagumpay ang inyong paglalakbay.”
“Harinawang magkatotoo ang hiling sa tadhana at makasama namin sa pagbabalik si Don Donaio.” sabi ni Cordova.
“Nasasabik po akong makita siya.” sabi ni Agata at nagpakitang giliw sa mga dugong bughaw. Gusto rin niyang makita si Donaio at kainggitan ang magiging asawa niyon.
Nauntol ang iba pang sasabihin ni Agata nang lumapit si Ogbinar sa kanyang Radam at ipinahalata ang katuparan sa utos. Handa na ang kanilang paglisan.
Nagpatuloy ang paglakad ng mga kabayo, matapos hintaying makasakay sa karuwahe ang mga dugong bughaw.
Sa tagpong iyon, bumuhos ang napakaraming bulaklak mula sa itaas ng palasyo ni Hugo. May nagsasaboy din ng mababangong bulaklak sa lansangan na daraanan ng karuwahe.
Naging maaliwalas ang paglalakbay. Nasa unahan ang malaking benditadong krus na sagisag ng pagkakristiyano ng kahariang Mauritanya. Gayon din ang kaagapay na sampung watawat na sadyang dinadakila ng bawat maraanan nilang kaharian at kabayanan.
Lumaganap ang sikat ng araw at umabot ang dapyo ng hanging dalisay hanggang doon sa kabilang dako. Nagtatawanan pa sina Orolfo at Rendon nang muli nilang maraanan ang kubo sa pastulan.
“Nasaan si Donaio?” tanong ni Hirang. kumakaba ang dibdib sa pangambang kung anong kapahamakan ang ginawa ng dalawa niyang bayaw.
“Naiwan sa bungad ng kagubatan.” Sagot ni Orolfo habang inihahagis-hagis at sinasalu-salo ang bunga ng pandagiri.
“walang pakinabang sa asawa mo.” sabi naman ni Rendon. “Natulog lamang at kalahating araw na nahiga sa lilim ng punong kahoy.” dugtong pang ipinagyayabang ang nasabing bunga sa pamamagitan ng palipat-lipat na paghagis sa magkabila niyang palad.
“Mahabaging Allah!” hinaing ng Dayang. “Talagang mabigat ang kanyang pakiramdam.” dugtong pang labis ang pag-aalala.
“Sabihin mo! Talagang tamad ang asawa mo!” asik ni Orolfo. “Ayaw tumulad sa amin. Kahit sa gitna ng panganib, sapilitan naming kinuha ang tanging makakalunas sa mahal na Rahana!”
“Tama ang sinabi ng pinsan ko at katoto. Pinuksa naming lahat ang mababangis na hayop sa kagubatan.” ayon naman ni Rendon.
“Bakit kabayo na lang ang kasama ninyong nagbalik? Nasaan ang mga kawal?” nag-aalalang tanong ng Dayang at kinakabahang tumanaw sa gawi ng kagubatan.
“Ang mga kawal ay hindi tulad naming na bihasa sa pakikipaglaban. Napuksa rin silang lahat.” sagot ni Orolfo at saka kinindatan si Rendon. May kahulugan at itinuro pa ng kanyang nguso ang kagandahan ni Hirang.
Ngumisi si Rendon at tumangong umayon sa binabalak ng kanyang pinsan.
“Sayang ka, Dayang Hirang.” paibang sabi ni Orolfo. “Ano’ng nagustuhan mo sa pastol, samantalang kung kami ang susubukan mo, ibang ligaya ang mararanasan mo.” dugtong pang sabi at nabakas sa kanyang mga mata ang silaw ng masamang paghahangad. Luminga-linga pa at hinudyatan ang naghahangad ring pinsan.
“Nasa atin nga ang pagkakataon.” sabi ni Rendon. “Higit siyang maganda sa dalawa niyang pinsan. dugtong pang tumatakam at karakang binitiwan kung saan ang pandagiri, ngunit gumulong at bumagsak sa lupa. Nabiyak.
“Ano’ng gusto ninyong gawin? Paurong at natatakot na tanong ni Hirang saka dinampot ang panabak na naroroon at dalawang kamay na hinawakan.
Tumawa si Orolfo ngunit bigla ring kinabahan nang maalalang wala silang sable. Agad siyang umurong at nagwika. “Sa totoo lang. Sa ayaw at sa gusto mo, sapilitan ka naming iuuwi sa kastilyo upang iwalay sa iyong asawa. Doon ay masusubukan mo kung paano ka naming ilalapit sa puso ng Rahana. Ikaw ang hahawakl sa bunga ng pandagiri.”
“Tama ang sabi ng pinsan kong Orolfo.” Kinakabahan ding sabi ni Rendon at agad na inapuhap kung saan inilapag ang pandagiri, ngunit lalo pang nagitla nang makitang nabiyak ang nabanggit na bunga dahil sa pagbagsak.
Nakita rin ni Orolfo ang bagay na iyon. nag-aalala siyang baka mawalan ng bisa ang pinagsakitan nilang panlunas sa Rahana. “Halika na! Baka kulangin ang dala kong pandagiri.” aya pa niya at nagpaunang sumakay sa kanyang kabayo.
Saka lang nakahinga nang maluwag si Hirang. Dahan-dahang naupo sa lilim ng puno. Naghintay habang tinatanaw nag papalayong magpinsan kasunod ang mga kabayo.
Hindi naman nagtagal ang pag-aalala at nagkaroon ng lunas. Dumating si Donaio at kunway pagud na pagod. Wala pa sa kanyang balak ang ipakita kay Hirang ang tunay niyang anyo. Saka na lang kapag ligtas na siya sa kapangyarihan ni Soraia. Alam niyang gising na iyon at kasalukuyang naghahanap sa kanya, ngunit umaasa naman siya sa tulong ni Reyna Aia.
“Bakit hindi ka sumabay sa kanila?” salubong na tanong ng Dayang at halata ang pangamba.
“Nasa mataas na kaligayahan ang ang dalawa mong bayaw. Nakuha nila ang bunga ng pandagiri. Para silang nakatuntong sa balikat ng karangalan. Ayokong sumabay at baka ako pa ang gawin nilang tuntungan sa ikagaganda ng kanilang tagumpay.” matamlay na sagot ni Donaio.
“Ganoon nga ang mangyayari. Lalo ka nilang ibababa upang sila ang tumaas.” ayon ni Hirang at hindi na sinabi ang naramdamang pagnanasa sa kanya ng dalawa niyang bayaw. Pinilit na lang niyang suriin ang anyo ni Donaio. Sa tingin niya ay may ipinagbago. Parang yumuyuko lamang bilang isang kuba at alam din niyang sa araw na iyon, matatapos ang pagiging pangit ng kanyang asawa. Kaya lang, hindi siya lubusang makapag-usisa. Iginagalang niya ang katahimikan ng isang dugong bughaw.
Samantala, sa kabayanan pa lang, taas na ang baba ng dalawang dugong berde. Laging humihiyaw at nagkukuyakoy sa pangangabayo.
“Mga mamamayan ng Haranggani!” sigaw ni Orolfo. “Dala naming ang bunga ng pandagiri. Ligtas na ang ating mahal na Rahana!”
“Siyang tunay!” sigaw din ni Rendon. “Nakipaglaban kami sa mababangis na hayop upang matamo lang ang kailangang gamot!”
Humugong ang hiyawan ng mga mamamayan. Hindi malaman kung paghanga o, panlilibak. Nakadakot ang mga kamao at ipinagtataasan kasabay ang sigaw na di mawatasan pagkat magulo at hindi sabayan ang salita. Pero, ang ibig sabihin, nais nilang mapalitan ang Rahana at ang talagang may karapatan ang kailangang mailuklok sa trono. Si Dayang Hirang.
Sa bungad pa lang ng kastilyo ay sumalubong na agad ang nakayayanig na dagundong ng malaking gong. Bawat palo ay nagbabadya ng kabayanihan. Ang lahat ay patungkol sa matagumpay na pagbabalik nina Orolfo at Rendon.
Habang naglalakad sa loob ng kastilyo ang dalawang tinaguriang bayani ng pandagiri, naging kapuna-puna ang kanilang kayabangan. Laging nakataas ang kanilang kamay. Hawak ang nasabing bunga at sadyang pinaghahantaran sa balana.
“Purihin kayo ni Allah!” salubong ng mga matatandang pamayapa ng kastilyo.
“Ikinararangal ko kayo!” salubong din nina Giliw at Sinta. Taas ang mga baba at masuyong humawak sa kamay ng kani-kanilang asawa, kasabay ang paglinga sa paligid. Agad sinimulan ng mga matatandang babae ang gamutan. Kinatas nila ang bunga ng pandagiri at ipinahid sa katawan ng Rahana. Mabilis ang kanilang kilos at wari’y may katotohanan ang inaasahan nilang paggaling ng may sakit.
Hindi nagluwat, bumukas ang pinto na kung saan ay doon ginamot ang may sakit na Rahana. Dinig sa labas ang kasayahan sa loob. May palakpakan at may hiyawan sa pagtawa.
Nanggilalas ang mga nasa bulwagan nang lumabas at masaksihan nila na ang dating kuluntoy na katawan ni Salina ay naging sariwa. Ngayon ay walang mabakas na bahid dungis nang pagkakasakit sa itinuturing nilang pinakamataas na pinuno ng Haranggani. Masigla at larawan ng isang bagong buhay. Laging nakangiti sa kanila at lagi ring kumakaway sa balana.
“Magaling na ako!” sabi pa ng Rahana. Wala na ang mabagsik na kulam nang kung sino.” dugtong pang nagmamagaling dangat hindi na sinabi ang kanyang hinalang Burukantada ang may likha.
Nagpalakpakan ang malalapit na kabig ni Salina. Walang kibo ang lupon ng matatanda at humahalakhak naman ang karamihan.
“Ang karangalan ay nasa aking asawa!” sigaw ni Giliw.
“Gayon din ang aking asawa!” sigaw rin ni Sinta. “Kung hindi sa katapangan ng aking Duke, hindi gagaling ang mahal na Rahana.” dugtong pang ayaw ipahuli sa karangalan ang kanyang asawa.
“Ako ang nagdugtong ng buhay sa mahal na Rahana.” nakapamaywang na hiyaw ni Orolfo. Itinaas ang isang paa at itinuntong sa isa ring mababang likmuan. Nagmamakisig.
“Pinatay kong lahat ang mababangis na hayop sa bundok ng Pinta Puyo upang makuha ko lang ang bunga ng pandagiri. Sayang ang mga kawal naming nangamatay pagkat kulang sila sa tapang at galing sa labanan!” hiyaw din ni Rendon kasunod ang senyales na tila nag-aantada. Kapagkuwa’y magilas ang ginawang pagluhod. Nakatiklop ang isang tuhod at larawan ng isang tunay na kabalyero.
Muling namayani ang palakpakan bilang papuri sa dalawang magpinsan. Nagpapataasan ng galing at batbat ng kayabangan ang kanilang kapara.
“Di man dapat sabihin, pagkat ako’y isang Rahana. Maraming Salamat, aking mga manugang. Utang ko sa inyo ang aking buhay!” anang malakas ang tinig ni Salina at ipinatong ang dalawang kamay sa balikat nina Orolfo at Rendon.
“Kabaligtaran naman sa mga pangyayari!” sigaw ni Giliw. “Nakakahiya ang asawa ni Dayang Hirang. Gustong makabahagi sa karangalan. Sumama raw sa kagubatan, ngunit dagli ring natakot sa panganib. Nagpaiwan lang siya sa isang ligtas na pook!”
“Duwag siya!” sigaw din ni Sinta. “Natulog lang siya sa paanan ng bundok!” sabi pang nakataas ang isang kamay. Nakadakot at tila may binabayo.
“Hindi ko kailangan ng tulong ng isang hamak na pastol!” mataginting ang tinig ni Salina. “Hindi ko matatanggap na dahil sa kanya, ako ay nabuhay!” dugtong pang sumisigabo ang hiyaw at nangangalit ang bagang.
Naglundagan sa tuwa ang dalawang sagana sa yabang. Mistulang mga bayani sa pagpupugay. Panay ang linga sa paligid at pinaghahantaran ang mukha sa mga nilikhang naroroon.
“Ipagdiwang natin ang araw na ito!” udyok ni Salina at saka luminga bago nagpatuloy ang salita. “Gusto kong ipagbunyi ang mga dakila kong manugang. Ikinararangal ko kayo!”
Nagpalakpakan ang matatapat na kalipi ni Salina. Umugong ang hiyawan. Nagbunyi ang balana. Sumisigaw sa tuwa at nandidilat ang mga mata.
“Ang lahat ng kaganapan ay utang sa aking asawa!” sigaw ni Giliw. “Nangunguna sa pangyayaring ito ang asawa kong Konde!” dugtong pang nakapamaywang.
“Mali ang pahayag mo, kapatid kong Dayang!” sigaw din ni Sinta. “Hindi maaaring pangalawa lamang ang asawa kong Duke. Kung tutuusin, higit siyang magaling sa asawa mo!” sabi pang nakapamaywang din.
Si Salina ang pumayapa sa napipintong pagtatalo. Nagbigay ng pahayag. “Dahil dalawa kayong karapat-dapat sa aking papuri. Pantay lang ang inyong pagkabayani.
Lalong umangat ang baba ng magpinsan. Pumalakpak si Orolfo at yumukod si Rendon. Kapagkuwa’y nagsitindig na buong gilas at parang mga rebultong tumigas ang leeg sa pagkakatingala.
Humalakhak naman ang magkapatid na Dayang. Sinagadsad na ang parangal sa kani-kanilang asawa. At dahil doon, lalong idiniin sa burak ang pinsan nilang si Hirang. wala raw pakinabang, lalo na ang asawang si Donaio. Tamad raw at nagpahinga lang sa bungad ng kagubatan.
Tatangu-tango naman ang lupong ng matatanda. Gusto na nilang maniwala sa kayabangan nina Orolfo at Rendon. Ibig na nilang tanggapin ang pangungusap nina Giliw at Sinta, kahit hindi pa pumapakli ang kabilang panig. Sila’y sina Donaio at Hirang.
“Walang pakinabang sa pamangkin kong si Dayang Hirang!” ani Salina. “Hindi nakakapanghinayang kung siya man ay itaboy ko sa labas ng kaharian pagkat nakapag-asawa ng isang dugong putik. Busabos at hamak na pastol ng mga hayop. Siya rin ang gumawa ng kanyang kapalaran. Kung tumutol lang siya noon sa harap ng arena, hindi niya magiging asawa ang hamak na pastol. Hindi siya katulad ng dalawa kong Dayang. Kapwa matalino at maharlika ang naging asawa!” dugtong pang inilahad ang kanyang palad, paturo sa dalawa niyang manugang.
“Siyang tunay. Mahal na Rahana!” halos sabay pang wika ng magpinsan at sabay ding yumukod sa harap ng biyenan. Hindi nila pinalampas ang gayong papuri at agad tinutugon ang pag-amin.
Walang patid naman ang pagkakangiti ng dalawang Dayang. Naisip na sila pa rin ang mapalad sa paggaling ng Rahana. Sila pa rin ang magiging makapangyarihan sa bayan ng Haranggani, pagkat ayon sa kanilang sarili, wala silang nagagawang pagmamalabis kung kaya sila pa rin ang pinagpala ni Allah.
Sa pagkakataong iyon, agad sinimulan ang paghahanda sa pagdiriwang.
Ngunit sa unang pangyayari, ngayon lang naranasan ng kastilyo ang kakapusan sa ganoong pangangailangan.
“Humingi o kumuha sa mamamayan ang kakailanganin nating handa!” utos ni Salina nang makaalis ang lupon ng matatanda.
“Samsamin ang alaga nilang hayop o ano mang magagamit sa parangal ng aking asawa!” sabi naman ni Giliw sa mga kawal.
“Damihan ninyo ang makukuhang pagkain! Kumuha kayo ng baka sa pastulan. Pero huwag ninyong kukumbidahin ang mag-asawang naroroon!” dugtong pang habol ni Sinta upang maipangalandakan din ang kanyang asawa.
“Ipaskil sa mga hayag na lansangan ang magandang paanyaya. Ipaabot sa mga kalapit nating kaharian ang biglaang pagdiriwang upang makadalo ang mga maharlika!” utos pa ni Salina.
Ang salita ng Rahana ay hindi masusuway. Walang makakatanggi sa kanyang kagustuhan. Agad nasusunod at marami pang mamamayan ang sapilitang tumulong upang maging mabiyaya ang natatanging piging sa kinabukasan at masimulan ang hangarin nilang mabago ang takbo ng buhay.
Takipsilim, laganap na ang anag-ag ng dilim sa pastulan. Ang mga dahon ng akasya sa tabing kubo ay nagsisimula nang umikom. Ang mga ibon doon ay palipat-lipat sa mga sanga upang humanap ng sadyang tuntungan sa kanilang pag-idlip.
Sa likmuang nasa lilim ng puno ay nakapangalumbabang nakatanaw sa kastilyo si Donaio. Nagmumuni-muni. May hiwagang bumubulong sa kanyang tainga mula sa kaharian ng Mahikalandia. Naririnig niya si Naia. Ang kanyang ina-inahang Diwata. Nagsasabi sa kanyang nasa ilallim ng kaparusahan si Soraia. Hindi makakalabas sa Mahikalandia ayon sa kagustuhan ni Reyna Aia. Bukod sa araw ng bukas. Darating ang mga dugong bughaw ng Mauritanya. Ang mga magulang niyang karapat-dapat lang na maunang makakita sa tunay niyang anyo bilang anak.
“Ano’ng iniisip mo?” pukaw ni Hirang sa kanyang asawa. Nakangiti at kalalabas lang sa kubo.
Natigilan sa pagninilay si Donaio. Bumaling at nagwika. “Naiisip ko lang ang gaganaping pagdiriwang sa kastilyo. Kakaunti na lang ang baka rito, binawasan pa ng sampu, kasama na raw ang bayad sa matandang mangkukulam na gumamot sa Rahana.
Natawa si Dayang Hirang bago nagsalita. “Iyon ang gagamitin sa gagawing parangal kina Konde Orolfo at Duke Rendon. Sila raw ang pangunahing sanhi kaya nabuhay ang mahal na Rahana.”
Nakitawa lang si Donaio at iniba ang paksa. “Kung totoo ang sabi ni Inang Naia. Bukas darating ang mga magulang kong Radam at Mahalya. Nasasabik na akong makita sila. Mayakap at madama ang kanilang pagmamahal.
“Para akong naaalangan sa sinabi mo.” ani Hirang. “Sanay na ako sa ganyan mong kalagayan. Sapat na sa akin ang magbalik ka sa tunay mong anyo. Ang kakisigan mong nagpapitlag sa aking puso nang una kitang makita at masalamin sa tubig ng sapa.”
“Mahal mo ang tunay kong anyo?” pagdaka’y tanong ni Donaio.
“Oo.” nakangiting amin ng Dayang. “Di ba ang sabi mo, magbabalik ang dati mong anyo pagsapit ng dalawampung taon?”
“Nagbalik na nga, aking Hirang. balatkayo lamang ang soot kong ito. Maaaring hubarin.” Sagot ni Donaio at tumayong nakaliyad ang tindig. Hindi kuba.
Nanggilalas si Hirang. Parang namamalikmatang nagwika. “Alisin mo, aking asawa. Ibig kong makita ang matagal ko nang pinapangarap.” sabi pa at humawak ang Dayang sa magkabilang bisig ni Donaio. Hinaplos-haplos hanggang sa mukha at nagtuloy-tuloy ang kamay sa likuran ng kanyang asawa. Kinapa ang dating kuba.
“Ayokong sawayin ang bilin ni Inang Naia. Una raw akong mag-aalis ng balatkayo sa harapan ng aking mga magulang, pagkat labis daw ang paghihirap nila nang ako ay mawalay. At sa tagpong iyon, kaharap ka rin aking mahal na asawa.
“O, Donaio. Lalo mo akong sinabik.” sabi pa ng Dayang at hindi napigilang yapusin ang kanyang asawa. Sinamyo at napatunayang angkop lamang sa isang maharlika at makisig na nilalang ang amoy niyon. Hindi tulad ng dati, amoy kalabaw.
Nakalimot din si Donaio. Mahigpit din niyang niyakap ang magandang asawa at pinaghahagkan sa mukha. Ibig din niyang hagkan sa labi ngunit para siyang naaasiwa. Kapagkuwa’y bigla ring binitiwan ang kanyang Dayang.
“Bakit aking asawa?” tanong ni Hirang at kumapit pang mahigpit sa bisig ni Donaio at ipinahiwatig ang pagmamahal.
“Sagabal ang aking balatkayo.” sagot ni Donaio at nalarawan ang kabiguan sa nadaramang kasabikan sa kanyang asawa. “Bukas, maaalis ito sa harapan ng aking mga magulang, gayon din sa’yo.”
“Parang alam mo na ang mangyayari. Parang nakikita mo na rin ang nakatakdang kaganapan. Ang Diwatang Naia ba ang nagbalita?” tanong pa ng Dayang.
“Oo, at saka iyan.” sagot ni Donaio at itinuro ang mahiwagang tungkod na nakasandal sa punong kahoy. Kusang gumagalaw at tila nagsasayaw.
Bahagyang napaatras si Hirang. nangatal at halata ang takot. Nanginig ang tinig nang magsalita. “Anong hiwaga ito, aking asawa? Iyan ba ay galing din sa kaharian ng Mahikalandia?”
Tumango si Donaio bago nagpaliwanag. “Iyan ang makapangyarihang tungkod na bigay sa akin ni Inang Naia. Ano mang kahilingan ko ay kanyang ipinagkakaloob, huwag lamang sa masamang paraan. Iyan din ang malakas magpahiwatig sa nalalapit na pagdating ng aking mga magulang. Itinuturo niya ang dapat kong gawin upang lalong gumanda ang mangyayaring aral sa mga taong mapanghamak. Ayoko sana, ngunit wala akong magagawa kundi ang sumunod.
Saka lang naparam ang pangamba sa mukha ni Hirang. napangiti pagkat ang tungkod ay pag-aari ng kanyang asawa. Ngayon lang nagkaron ng kasagutan ang mga pangyayaring ipinagtataka niya kung bakit napakadaling maihanda ni Donaio ang kanilang masarap na pagkain at ang malambot na himlayan sa kubo.
Hindi na kumibo si Donaio. Hinawakan ang mahiwagang tungkod at ipinarinig sa Dayang kung paano ang paghiling ng kanilang hapunan. Ang lahat ay naganap at sumulpot na lamang sa hapagan ang iba-ibang masasarap na pagkain.
Sa ganoong pagkakataon, magkahalong paghanga at kaligayahan ang nadama ni Hirang. paghanga pagkat nakita niya ang isang kababalaghang likha ng mahiwagang tungkod at kaligayahan naman sa pangyayaring nakaahon na sa pangit na kalagayan ng kanyang minamahal.
Ang gabing iyon ay naging tahimik, ngunit ang diwa ni Donaio ay parang hangin na paiba-iba ang bugso. Tatlong kaharian ang kanyang naiisip. Ang Mahikalandia. Ang Haranggani at ang Mauritanya. Nasa mga kahariang iyon ang takbo ng kanyang buhay. Ang Ina-inahang si Naia. Si Dayang Hirang at ang mga magulang na kay tagal din niyang pinanabikan. Kailangan niyang taimtimin ang pantay-pantay na pagmamahal. Walang pasubali at pag-aalinlangan. Iyon ang nagbibigay ng balisa sa kanyang puso, sa damdamin at pag-iisip.
Madaling araw na nang makatulog si Donaio. Mahimbing at noon lang tumiwasay ang kanyang isipan. Para bang nabuksan ang kasagutan sa kanyang alalahanin. Mistula siyang nakalutang sa isang magandang pangarap. Hindi magigising kung hindi gigisingin.
Kabalitunaan naman si Hirang. Agad nakatulog sa ugoy ng kaligayahan, ngunit pagsapit ng madaling araw, siya naman ang nagising at hindi na nakatulog. Bumangon siya at lumabas ng kubo. “Tulog pa siya.” bulong pa niya sa sarili. May habag na pinagmasdan ang kanyang asawa at hinaplos ng tingin. “Isa siyang dugong bughaw, ngunit namamaluktot sa sahig na kawayan.” sabi niya at saka bumaling sa paligid.
Tagos na ang silahis ng araw sa likod ng bundok. Lumaganap ang anag-ag na liwanag at nagsabog nang malawak na pananaw. Nahantad ang bumubungad na hanay ng hukbong Mauritanya mula sa malagong kakahuyan. Tinutugpa nila ang maligoy na landas at may bahaging natatanaw ang pastulan. Ang mga baka at ang kubakob.
Namamalikmatang napatitig si Hirang sa tanawing iyon. kumaba ang kanyang dibdib at agad na bumaling sa hinihigaan ni Donaio upang sabihin ang pangyayaring iyon. Subalit dagli ring natigilan at naalangang gisingin ang kanyang asawa. Naaawa siyang pukawin sa pagkakahimbing. Wari’y alam nyang bago pa lamang nakakatulog si Donaio at ngayong madaling araw na ang pagbawi sa puyat. At lalong alam niyang nakatakda na ang tadhana sa pamamagitan ng mahiwagang tungkod. Ang nagpapakilos sa mga pangyayari.
Lumakad si Hirang, papalapit sa pook na iyon. Para siyang hinihila. Malakas ang hinala niyang iyon na ang mga magulang ni Donaio. Nasasabik siyang makita ang mga iyon, lalo na ang Radam. Ang Ama ni Donaio na ayon sa kuwento ng matatanda, naging magiliw sa kanya noong siya ay sanggol pa lamang.
Lubos na nahantad sa kakahuyan ang karuwahe ng mga dugong bughaw. Nahawi ang kurtina at nanungaw si Cordova.
“Natatandaan ko ang kabundukang iyon.” sabi ng Radam sa Mahalya. “Tinambangan at pinagtulungan ng mga Ulikba si Raha Udiawan. Ang Ama ni Dayang Hirang.”
Napasungaw sa bintana ang Mahalya at nasasabik na tumanaw. “Kung gayon, aking Radam. Nasa Haranggani na tayo. Ramdam ko’y nasa malapit lamang ang ating anak.”
“Ganoon din ang nadarama ko.” sabi ni Cordova at muling nag-usisa ang kanyang pananaw sa kabundukan. Parang nag-iisip. Naalala ang nakaraan niyang paglalakbay. Sa kagubatang iyon siya nagdaan at nagtuloy sa landas na kasalukuyan nilang dinaraanan. Ang daan na patungo sa kaharian ng mga Moro at patungo rin sa kaharian ng Mahikalandia.
“Mahal kong Radam.” pukaw ng Mahalya. “may taong papalapit dito. Sino kaya siya?” tanong pa at tuwirang sinipat ang nasabing nilalang.
“Isang babaing Mora.” wika ni Cordova nang lubusang mapalapit ang kanilang karuwahe sa tila nagbabantulot na Mora. Pinatigil niya ang sasakyan at pinabuksan sa kutsero ang pintuan. Bumaba siya at anyong nag-unat ng katawan habang nakatanaw sa natitigilang Mora.
Bumaba rin ang Mahalya at pinuno ng sariwang hangin ang kanyang dibdib. Gusto niyang maging matibay sa ganoong paghahanap kay Donaio.
Tumigil din ang buong hukbo ni Cordova. Marami ang bumaba sa kabayo at tumalaga upang pangalagaan ang kanilang Radam at Mahalya. Ilayo kung sakaling may darating na panganib.
“Sumainyo po ang masaganang biyaya ng araw.” bati ng babaing Mora at humalukipkip ang kamay sa pagyuko.
“Sumaiyo rin ang magandang pagsikat ng araw.” Sagot ni Cordova sa nakayukong Mora.
Hindi nagsasalita ang Mahalya. Nagmamadaling lumapit sa babaing Mora at masuyong inangat ang mukha ni Hirang bago nagwika. “Nakita ko ang nunal na pula sa sulok ng iyong labi. Ikaw ba si Dayang Hirang?”
“Ako nga po, mabunying Mahalya.” Sagot ng Dayang. Halata ang pagtataka kung paano siya nakilala.
Nauntol ang nakatakdang pagtatanong nang sumabad si Cordova. Masigla ang bigkas. “Ikaw nga si Dayang Hirang. Ang batang karga ko noon. Ang batang may nunal na pula sa sulok ng labi.” At saka pa siya humalakhak. Lipos ng galak.
“Natandaan kita, Dayang Hirang. napakaganda mo pala.” nakatawang sabi ng Mahalya. “Lagi kang nababanggit ng aking Radam. Sana raw ay naging anak ka namin. Sana nga.” dugtong pang nagmamahal at niyakap ang di nakikilalang manugang.
“Kaya pala may kung anong kapangyarihan ang tila humila sa akin upang bumaba sa karuwahe. Ikaw pala ang nakita kong anak sa pangarap.” maligayang sabi ni Cordova. “Sana wala ka pang asawa.” dugtong pang tanong.
“Mayroon na nga po.” masayang sagot ng Dayang. Gusto niyang sabihin ang katotohanan, ngunit parang nanghihina ang kanyang loob at hindi pa niya tiyak kung ano ang binabalak ni Donaio sa ganoong harapan pagkat ang asawa niya ay kumikilos lamang sa kagustuhan ng mahiwagang tungkod at sa paraang angkop din sa daratal ng paghuhukom.
Matamlay na napayuko si Cordova. Ang alam niya, bigo siya sa isang pangarap. And adhikaing sila lang ng Mahalya ang nakakaalam. Kapagkuwa’y pinilit ang pagtawa. Hinawakan sa magkabilang balikat ang Dayang at saka nagwika.
“Aalis na kami. Sumakay ka na at patungo rin kami sa kastilyo. Hindi dapat na naglalakad kang mag-isa. Nasaan ang mga kawal mo?”
Umiling ang Dayang bago nagwika. “Iba na po ang tahanan ko at lalong wala po akong kawal.”
“Ano? Saan at bakit? Agad na tanong ni Cordova.
“Doon po sa kubakob ng pastulan.” sagot ng Dayang habang nakaturo ang kamay sa gawi ng kabundukan.
Napagulilat si Cordova bago nagtanong. “Hindi ba’t ikaw ang nakatakdang maging Rahana ng Haranggani, ayon sa ama mong Raha?”
“Ganoon po sana, ngunit ako’y nakapag-asawa ng isang pastol. Hamak sa kanilang paningin kaya doon na rin po ako pinasama.” sagot ng Dayang.
Kunot ang noong nag-isip si Cordova. Halata ang kimkim na galit at kumuyom ang kamao. Matigas ang salita. “Aalamin ko kay Rahana Salina ang bagay na ito. Gusto kong maliwanagan ang lahat.”
“Ipagpatawad po ninyo, dakilang Radam.” anang Dayang at bahagya pang yumukod. “Wala po akong kapangyarihan upang ihayag ang sinapit kong kapalaran. Ngunit matitiyak ko pong maliliwanagan ninyo ang lahat at lalo ko pong tinitiyak, hindi po kayo mabibigo sa inyong pakay.”
“Naniniwala ako, Dayang Hirang.” sabad ng Mahalya pagkat nauunawaan niya ang pahiwatig ni Hirang. “Uusigin ko ang Rahana kung bakit hindi man lang siya nagbigay nang kahit pahiwatig lamang na ang anak ko ay naririto. Halika na, aking Radam. Nasasabik na akong makita ang ating anak.”
“Ikaw ang masusunod, mahal kong Mahalya. Paalam na sa pinangarap kong maging anak.” baling pa ni Cordova kay Hirang.
Parang nasaling ang damdamin ni Arminya. Niyakap ang Dayang at bahagyang tumulo ang kanyang luha. Damay siya sa panghihinayang ng Radam.
Mahigpit ding yumakap si Hirang at hilam ang mga matang nagwika. “Uuwi na po ako, mabunyi kong Inang Mahalya. Gayon din po sa dakila kong Amang Radam.” baling pa niya kay Cordova.
Natigilan ang mag-asawang dugong bughaw. Natulala at nag-isip. Tumimo sa kanilang puso ang katagang tinawag silang mga magulang ni Hirang. gayon man, sila na rin ang nagbigay ng pang-unawa kung bakit sila tinawag nang ganoon, dahil sa pinapangarap din nilang maging anak si Dayang Hirang. napabuntong hininga ang mag-asawa nang umikot ang gulong karuwahe.
Malayo na ang sasakyan ay hatid pa rin ng tanaw ni Hirang. magaang ang kanyang pakiramdam pagkat naibsan ang uhaw niya sa pagmamahal ng magulang.