← Don Donaio
Chapter 14 of 18
KABANATA 14

Pawang alipusta ang natamo

Samantala, lipos ng pagtataka ang kaisipan ni Naia nang mag-isang umuwi sa Mahikalandia ang kalabaw na sinakyan ni Donaio sa pagtakas. Nakatanaw siya sa bunganga ng kuweba at dinidili-dili ang mga nagdaang taon. Para pa niyang nakikita ang pagpasok ng kanyang ampon sa lagusang iyon upang tumakas. Wala na rin ang tikbalang na doo’y nagbabantay.

“Ano na kaya ang kalagayan ni Donaio sa pastulan? Bakit hindi kasamang nagbalik ang kabayong tikbalang?” mga katanungang gusto niyang malaman mula pa kaninang makita niya ang pagbabalik ng kalabaw. Alam niyang hindi kayang lupigin ninuman ang kabayong tikbalang. Hindi mamamatay o maglalaho kung hindi rin lang ang kanilang Reyna Aia ang maggagawad ng parusa.

Dahil sa kasabikang malaman ang kalagayan ni Donaio, nagtungo si Naia sa loob ng templong kristal at muling pinanood sa mahiwagang salamin ang naging buhay-buhay ni Donaio sa labas ng Mahikalandia. Ang mahalagang bagay ay nakita niya sa salamin ng buhay. Nainis siya sa mag-iinang Salina. Naawa siya kay Donaio at humanga naman sa kabaitan ni Dayang Hirang.

“Malapit na ang katuparan ng mga pangyayari.” bulong ni Naia. “Hindi ako papayag na magkaraoon ng sagabal ang magandang pagmamahalan nina Donaio at Dayang Hirang. Isusumbong ko sa mahal na Reyna ang kasamaan ni Soraia. Pipilitin ko siyang panoorin sa mahiwagang salamin ang naging buhay at kasakiman ni Soraia sa kaharian ng Mauritanya.” dugtong pa nang magdaan siya sa himlayan ni Reyna Aia. Saglit din niyang pinukol ng sulyap ang kinatutulugan ni Soraia. Kailangan niyang makipag-unahan. Kung hindi, malulusaw siyang hahalo sa tubig ng batis, kapag napasakanya ang parusa ni Soraia.

Pagkaraan ng araw din iyon. Nagpasama si Dayang Hirang kay Donaio upang magtungo sa kastilyo. Ilalahad niya roon ang nagbabantang panganib. Parang bulkan na umuusok. Yumayanig at ano mang sandali, handang sumabog kapag lumusob ang lahing Ulikba.

Sa bayan pa lang ay nagkakatuwaan na ang mga mamamayan at ilang kawal ng kastilyo. Hindi dahil sa nililibak nila ang anyo ni Donaio kundi sanhi ng maganda nitong kapalaran. Nakapag-asawa ng napakagandang Dayang sa tulong ng kanilang pagbibiro. Alam nila kung sinong kawal ang sumipa kay Donaio para maipasok sa loob ng arena.

Noon nama’y nagkataon din namang nasa bayan ang mag-asawang Konde Orolfo at Dayang Giliw. Sakay sila ng karosa at wari’y galing sa pamamasyal. Agad napamulagat ang kanilang mga mata nang makita ang mag-asawang taga pastulan. Unang humalakhak si Dayang Giliw. Matinis at mahaba, kasabay ang pagbaba sa karosa. Parkara’y dagli niyang dinutdot ng daliri ang dibdib ni Dayang Hirang, isang pahiwatig na mababa ang kanyang kaharap. Kailangang sabihan. “Anong ligaya ang nalasap mo sa piling ng iyong asawa? Hindi ka ba binangungot sa kanyang tabi?”

Hindi nakakibo si Dayang Hirang. Nilingon lang si Donaio at ipinamalay sa tingin na huwag pansinin ang kanyang pinsan.

Tumango-tango lang si Donaio at saka itinaas ang baba. Para bang nagmamalaking higit na maganda ang kanyang asawa. Mabait at kaakit-akit dahil sa bagong kasootan na galing sa kanyang mahiwagang tungkod. Ang damit na hiniling niyang maganda sa tingin. Maraming kumikisap na batong hiyas at angkop lamang sa isang dalagang Mora.

“Saan galing ang soot mong damit?” naghihinalang tanong ni Dayang Giliw sa panyang pinsan.

“Ito’y galing sa palitan. Ang kalabaw ni Donaio ang naging kapalit.” sagot ni Dayang Hirang.

Kasabay niyon, umugong ang tawanan ng mga mamamayan. Sila na ang nagpaliwanag na talagang mapagbigay ang pastol pagkat mapalad sa pagkakaroon ng asawang maganda pa sa sino mang Dayang ng Haranggani.

Ang tudla ng mga mamamayan ay tumama sa mukha ni Dayang Giliw. Ibig sabihin, talagang higit na maganda si Dayang Hirang at iyon ay hindi mapapasubalian sa hatol ng bayan.

“Hoy, pastol!” sabad ni Konde Orolfo. “Huwag kang magmalaki. Dapat kang magmaliit dahil sa mababa mong pagkatao! Gusto mo bang maging pastol din ang iyong asawa?” tanong pang taglay ang pagkarimarim sa kausap.

Hindi pa rin sumagot si Donaio. Talagang ayaw nilang patulan ang pamamayagpag ng mag-asawang Konde at Dayang. Bumaling na lang siya at humudyat kay Dayang Hirang upang ipaalam sa mga naroroon ang nakatakdang panganib.

“Mga minamahal kong mamamayan!” simula ani Dayang Hirang. Nakataas ang dalawang kamay upang payapain ang kaingayan. “Ang lahing Ulikba ay naglisaw na sa ating hangganan! Pinasok nila ang pastulan at pumatay pa ng isang kawal!”

“Sinong kawal?” karakang sabad ni Dayang Giliw. “Bakit ngayon lang ninyo pinarating ang balita?” dugtong pang panunuligsa.

“Ang tinutukoy kong kawal ay ang tagapagdala ng pagkain sa pastulan. Siya ay ulilang lubos at walang kamag-anak, doon na lang siya inilibing ng asawa ko. Ngayon lang kami nakarating dito, dahil inuna niya ang pagbabakod sa pastulan, pagkat laging nakaabang ang mga Ulikba at nagbabata pang lusubin ang ating kabayanan. Dapat tayong maghanda sa pagtatanggol. Ayon sa kaalaman ng asawa ko, wala na tayong maipagmamalaking sandata, laban sa kanila pagkat sila man ay mayroon ding pana. Malakas at gawa sa puno ng balantukan na sagana sa kanilang kagubatan. Samantalang ang pana rito ay gawa lang sa kawayan. Mahina.”

Kagyat na umugong ang bulungan ng mga mamamayan. Marami ang nag-alinlangan. Nangangambang iyon na ang kanilang katapusan, pagkat alam nilang higit na mabilis magparami ang lahing ulikba kaysa lahing Moro. Natatakot din silang matalo. Kaawa-awa ang kanilang mga anak at kalipi kapag kinain ng mga lahing pusa.

“Huwag kayong matakot, mga hangal!” sigaw ni Orolfo sa mga mamamayan. “Marami akong tauhan sa aking kaharian. Dadalhin ko sila rito!” pagyayabang na dugtong at pakiling na sinipat si Donaio, saka muling nagsalitang malakas. “Ang pastol na ito ay walang magagawa. Ang kaharian niya ay ang pastulan. Walang masasabing tauhan kundi baka!”

“Nakakahiya ka, Dayang Hirang.” sabi naman ni Dayang Giliw. “Kay saklap ng iyong kapalaran at kay babaw ng iyong kaligayahan. Ang natitiyak ko. Kung hindi ka ipagnakaw ng iyong asawa, hindi ka mabibihisan!” dugtong pang paismid kasabay ang paglura sa harapan ni Donaio at saka nagdudumaling sumakay sa karosa.

Panay lang ang pamamayapa ni Donaio kay Dayang Hirang. Sinasabing huwag nang pansinin ang naririnig nilang salita, pagkat tanggap niyang mababa nga siya ngunit hindi magnanakaw.

Gustong magsiklab ni Dayang Hirang, ngunit siya’y nagpapigil sa kanyang asawa. Hinudyatan na lang si Donaio upang sila ay magtungo na sa kastilyo. Naglakad lang sila at wari’y sinadya ng pagkakataon. Pauwi na rin sa kastilyo ang karosang sinasakyang ng kanyang pinsan at di man lang sila inalok na sumakay.

“Dumating na sana ang panahong maisakay kita sa karuwaheng ginto.” sabi ni Donaio sa Dayang habang nakakubang humahakbang at may hawak na tungkod.

Sanay akong maglakad, aking Donaio. Hindi ko tatanggapin kahit alukin pa tayong sumakay sa kanilang karosa kung ikaw naman ay pangingilagan.” nagdaramdam na sabi ni Dayang Hirang. Nahihiya siya kay Donaio. Parang basahan lang sa tingin ng pinsan niyang si Dayang na maglalaon, kikilalaning Kondesa ng Borgandi.

Di nagtagal. Dahil kay Dayang Hirang, nabuksan ang pinto ng kastilyo. Tuluy-tuloy sila sa luklukan ng Rahana.

“Ano’ng masamang hangin ang tumangay sa inyo upang kayo ay mapadpad rito?” kunot ang noong tanong ni Salina.

Nakatawa sina Duke Rendon at Dayang Sinta. Ang Dayang na di rin maglalaon ay kikilalaning Dukesa ng Batalya. Nakaupo sila sa tabi ng Rahana at nangungutya ang mapanuri nilang mga mata.

Si Dayang Hirang ang nagsalita, matapos ang bahagyang pagyuko at ginaya naman siya ni Donaio sa anyong paggalang. “Mahal na Rahana. Sana. Laging maganda sa inyo ang umaga, ngunit ipagpatawad ninyong sabihin kong may nagbabantang panganib sa ating kabundukan. Ang lahing Ulikba ay pumasok na sa ating pastulan. Kung hindi sa maagap na pagkilos ng asawa ko, nakakuha sila ng baka.”

Napatindig si Salina mula sa kanyang trono at nagsalitang pabigla. “Akala ko ba’y galing sa lahing Ulikba ang asawa mo? Bakit di niya palayasin ang mga iyon, tulad ng ginawa niya sa mga malignong Ulikba?”

Biglang nagtawanan ang bagong mag-asawa. Si Duke Rendon ang sumagot. “Mahal na Ina naming Rahana. Ang mga malignong Ulikba ay natakot sa anyo ng pastol, pero ang mga buhay na Ulikba ay galit sa taong higit ang kapangitan sa kanila. Talagang lulusubin tayo ng mga Ulikba. Huwag kayong mag-alala, mahal naming Rahana. May sarili akong hukbo na handang magtanggol sa kahariang ito.”

Nagmamalaki ring tumindig si Dayang Sinta at kulang na lang ang palakpakan ang pagmamagilas ng kanyang asawa. Nakataas ang baba sa pagsasalita “Purihin mo o Ina kong Rahana ang kagalingan ng asawa kong Duke. Kami talaga ang pinagtugma ng kapalaran. Pero ang pinsan kong Hirang ay sawing kapalaran. Hindi sila magkabagay ng Ulikbang pastol.”

“Totoo ang sinabi ng anak kong Dayang. Talagang karapat-dapat ang makisig na Duke sa anak kong Dayang. Samantalang ang pangit na asawa ni Dayang Hirang ay nakakasulasok ang lahing pinagmulan. Wala siyang magagawang paraan upang ang bayan ng Haranggani ay maipagtanggol pagkat higit niyang kikilingan ang kanyang kamag-anak. Wala siyang kabuluhang tao. Dapat lang sa kanya ang mababang kalagayan!” sigaw pa ni Salina sa paraang paglait.

Si Donaio ang pinatutungkulan ngunit Kay Dayang Hirang siya nakatanaw.

“Talagang napakababa ang pagtingin ninyo kay Donaio at gusto ninyong ako ay maging ganoon din kababa.” umiiyak na sabi ni Dayang Hirang.

“Ano ang ibig mong sabihin?” nakapamaywang na tanong ng Rahana.

“Bago nalagutan ng hininga ang kawal na tagapagdala ng pagkain sa pastulan ay nasabi niyang kayo ang may pakana upang makapasok sa arena ang pastol. At sa bisa ng iyong batas, ang sinasabi ninyong nagmula sa lahi ng Ulikba ay naging asawa ko. Nagtagumpay kayong mag-iina upang ako ay maging mababa sa tingin. Ngunit hindi ako nagdaramdam na maging kapilas ng aking buhay ang pastol. Bagkos ay nagpapasalamat pa ako sa napakagandang kapalaran na ibinigay ninyo sa akin. Ang lalaking tapat kong minahal ay maipagmamalaki ko rin pagdating ng tamang araw ng pagtatapat.

Nagtawanan ang mag-inang walang sigla sa pakikinig, at tumama pa sa pagkakataon ang paglapit ng mag-asawang Konde Orolfo at Dayang Giliw. Narinig nila ang sinabi ni Dayang Hirang. Lalong umugong ang halakhakan.

“Kung susuriin ang sinabi mo, “nakatawang bungad ni Dayang Giliw. “Higit kang mapalad kaysa sa amin! Nababaliw na yata ang pinsan kong Hirang. Pero, tatandaan ko at hihintayin ang araw na sinasabi mong tamang sandali ng iyong pagmamalaki!”

“Kailan kaya iyon?” nakabungisngis na tanong ni Dayang Sinta.

“Kapag pudpod na ang bukol sa katawan ng pastol!” humahagikgik pang sagot ni Dayang Giliw.

Lalong namayani ang tawanan. Ang lahat sa harapang iyon ay nakatanaw kay Dayang Hirang. Isa lang ang may habag kung sumulyap.

Iyon ay si Donaio. Nakatunganga. Palipat-lipat ang paningin sa bawat nagsasalita. Hindi sumasabad at naging tagapakinig lamang.

“Nasaan ang bangkay ng kawal?” paibang tanong ni Salina. “Kinain ba siya ng asawa mong pastol o ng mga Ulikbang kalahi ng asawa mo?”

Lalong umugong ang tawanan. Malakas habang itinuturo ng mga bagong mag-asawa ang natitigilang pastol.

“Inilibing siya ng asawa ko, nanghihinang sagot ni Dayang Hirang. “Ngunit mahal na Rahana. Mali ang inyong hinala. Ang asawa ko ay galing sa mataas na uri ng dugo.”

Biglang nagsiklab si Salina. Sumigaw. “Kailan man! Ang Rahana ay hindi nagkakamali sa pagsasalita! Pag sinabi kong ang pastol ay lahi ng Ulikba, doon nga siya galing! Maliwanag?”

Hindi na kumibo si Dayang Hirang. Sinarili na lamang ang sama ng loob. Higit siyang naaawa kay Donaio, at sa tingin niya, talagang hindi sasalag kahit na hamakin.

Si Dayang Giliw ang muling sumabad. “Kung ang pastol ay tunay ngang galing sa lahi ng Ulikba, higit niyang papanigan ang kanyang ka-tribo. Mauubos ang ating mga baka.”

“Ano’ng ibig mong sabihin, pinsan kong Giliw?” tanong ni Dayang Hirang matapos na iyon ay balingan.

“Ipamimigay ang baka sa kalahi niyang nagugutom.” Sagot ng tinanong.

“Nagkakamali ka, pinsan kong Dayang. Hindi magagawa ng asawa ko ang sinabi mo at lalong hindi siya Ulikba!” paliwanag ni Dayang Hirang na para bang gusto nang umiyak.

“Talagang hindi niya magagawa ang gayon!” sabad ni Salina sabay tayo.

“Simula sa araw na ito, hindi na kayo babalik sa pastulan. Wala na rin lang ang kinatatakutang maligno roon, ang mga mandirigmang Moro na ang magbabantay sa aking hayupan at haharang sa sinasabi mong pagpasok ng mga Ulikba sa ating hangganan!”

“Pero, mahal na Rahana. Saan kami maninirahan?” nagugulumihang tanong ni Dayang Hirang.

“Noon ay nabanggit mong gawin kong hardinero ang Ulikbang iyan. Hanggat wala pa kayong malilipatang kubakob, doon muna kayo manirahan sa kuwadra ng mga kabayo na nasa likuran ng kastilyo!” sabi ni Salina sa mariing pangungusap. Gustong ipagmalaki ang kanyang kataasan at kapangyarihan, gayong ang totoo, may iba siyang layunin.

Muling naramdaman ni Dayang Hirang ang kirot sa kanyang dibdib. Bakit ganoon ang kanyang Inale? Lagi siyang itinataboy sa mababang kalagayan.

Inaapi at kinaiinisan. Gayon man, nagsawalang kibo na lang siya at tinanggap ang nakita niyang pagtangu-tango ni Donaio sa bago nilang gawain.

“Lagi mong didiligin ang mga bulaklak na nakakapit sa punong kahoy!” utos na nagmula kay Dayang Giliw. Nakapamaywang sa pagkakatayo.

“Ang mga Orkidyas ay mahal pa sa buhay mo, Pastol! Alagaan mong mabuti at huwag mong tatakutin, baka magtampo!” humahalakhak pang habol ni Dayang Sinta nang Makita ang pamamaalam ni Dayang Hirang sa Rahana.

Namaywang din si Salina bago ang muling pag-upo sa trono kasabay ang turo ng daliri kay Donaio. “Ikaw ang bagong sota ng mga kabayo. Lagi mo silang bubusugin. Hanapin mo sa kanila kung sino ang simaron. Palayasin mo, tulad ang ginawa mo sa mga maligno ng pastulan. Marami na ang napatay ng kabayong iyon na kasabay mong dumating dito sa Haranggani!”

Napamaang si Donaio sa kanyang narinig. Nag-isip kung sino ang kasabay niyang dumating. Hindi ang kalabaw pagkat iyon ay pinabalik na niya sa Mahikalandia at ang sinasabi sa kanya ng Rahana ay isang kabayo. Kapagkuwa’y muli na lang siyang tumango at nangakong gagawin sa lalong madaling panahon ang ipinag-uutos sa kanya. Nagpaalam.

“Natatakot ako sa kuwadra, aking Donaio.” ani Dayang Hirang nang marating nila ang malawak na hardin sa harap ng kastilyo at maupo sa likmuang nasa lilim ng punog kahoy.

“Bakit aking Dayang? Tanong ng bagong hardinero na, sota pa. “Marami na ang kabayong namatay sa sipa. Ganyan din ang mga tagapag-alaga. Namamatay sila sa paraang mahiwaga. Hindi malaman kung sino ang may gawa.” sagot ni Dayang Hirang. Nangangamba pagkat sa panahong hindi pa sila mag-asawa ni Donaio ay ganoon nga ang naririnig niyang usapan tungkol sa kuwadra. May maligno.

“Huwag kang matakot, aking Dayang. Muli akong mapapalaban nang takutan. Kung sino ang mas pangit, siyang panalo.” nakatawang sabi ni Donaio sa anyong napakapangit.

Napatitig si Dayang Hirang kay Donaio. Nakatawang pairap at parang sinusukat ang narinig na kataga, ngunit nabawasan din ang kanyang pangamba pagkat may katotohanan ang sinabi ng dating pastol. Natakot nga ang mga maligno sa pastulan at nagsilayas.

“Hindi na ako matatakot.” sabi ng Dayang. “Kung saan ka naroroon, doon din ako pagkat alam kong ligtas ako sa piling mo.” dugtong pang kasabay ang paggagap sa kamay ng bukuling tao.

Marahang kumalas sa pagkakahawak si Donaio. Parang nandidiring hinila ang kanyang kamay. Wari’y natatakot siyang madantayan ng mamula-mula at makinis na balat ng babae.

Nakatawa lang si Dayang Hirang sa ginawa ni Donaio. Alam niya ang dahilan. Ang asawa niya ay nandidiri sa sarili niyang kamay. Ayaw magkadaop ang kanilang panghawak.

Kalahating araw ang pinalipas ng mag-asawa sa hardin. Diniligan ang mga halaman at pinagyaman ang paligid. Si Donaio ang taga salok ng tubig sa balon. Dalawang timbang kahoy ang kanyang dala-dala at si Dayang Hirang ang kumakalinga sa mga bulaklak.

Pagkatapos ng mag-asawa sa ganoon gawain, saka sila naglakad patungo sa likuran ng kastilyo. Isang kawal ang nasalubong nila at napagtanungan tungkol sa titirhan nilang kuwadra.

“Mag-iingat lang kayo, mahal na Dayang.” anang kawal. “Hanggang ngayon, hindi pa natutuklasan kung sino at ano ang pumapatay sa kabayo kapag sumasapit ang hatinggabi. Maririnig na lamang sa katahimikan ang nakakapangilabot na halinghing ng kabayo. Kinabukasan, may patay na tao o kabayo.”

“Sino sa akala ninyo ang may kagagawan? Tanong ni Hirang.

“Isang malaki at malakas na kabayo.” sagot ng kawal. “Iyon lang ang may kakayahang humalinghing ng malakas at tumalo sa mga kabayong naririto.” dugtong pang napasulyap sa dating pastol.

Napapatanga lang si Donaio sa kanyang naririnig. Lumiit-lumaki ang butas ng ilong at ganoon din ang mga mata. Napapangiwi at larawan ng kapangitan.

“Ganoon pala.” Nag-iisip na anyo ni Hirang. “Bakit hindi ninyo alisin o ilayo sa kuwadra ang kabayong iyon?” tanong pa ni Hirang.

“Hindi lang ganoon ang ginagawa naming, mahal na Dayang. Pinapana namin at pinapatay ang mapaghinalaan naming halimaw na kabayo, ngunit lagi kaming nagkakamali dahil muli’t muling nauulit ang ganoong patayan. Maraming ulit na rin naming binantayan ang pagsapit ng hatinggabi. Kapag marami ang bantay, walang nangyayari. Mahirap hulihin ang pagkakataon. Parang may isip ang halimaw.

Naging palaisipan kay Dayang Hirang ang ganoong pangyayari. Nagsimula lang iyon nang dumating si Donaio, at para bang sa salita ng Rahana, ang malignong iyon ay dala ng kanyang asawa.

Bago sumapit ang dilim, nagawa agad ni Donaio ang isang tulugan sa itaas ng kuwadra. Iyon ay sa tulong ng kanyang mahiwagang tungkod, at mula rin doon, makikita ang kabuuan ng paligid. Tanaw ang may isang daang kabayo sa loob ng kuwadra.

Habang kumakain ng hapunan, nagtatanong sa sarili si Dayang Hirang kung saan galing ang masarap nilang pagkain at ang malambot na himlayan. Pilit niyang sinasagot ang tanong sa sarili. Baka dala ng isang kawal at nakaligtaan lang niyang sandali sa pagkakalinga’t ngunit malakas din ang kanyang kutob. Ang pinanggalingang kaharian ni Donaio ay alam niyang katatagpuan ng hiwaga at kapangyarihan. Hindi na siya umimik.

Nang gabing iyon ay walang naganap na kababalaghan. Mahimbing ang tulog nina Donaio at Hirang. Ang una ay naglatag ng kung anong sapin sa sulok ng kuwadra. At ang ikalawa naman ay tiwasay pagkat punong hagdan lang ng kanyang himlayan ang bagong sota ng kaharian.

Kinabukasan, saka lang nagpadala ng pagkain si Salina sa dalawang nasa kuwadra. Sinadya niyang kaligtaan ang nasabing pamatid-gutom na dapat sana ay kahapon pa nagsimula. Wala siyang nadaramang damdamin ng pagmamahal kundi pagkapoot lamang mula nang mamatay sa panganganak ang kapatid niyang Ina ni Dayang Hirang. Dahil doon, kailangan niyang pahirapan ang mag-asawa. Pinalinis niya ang kuwadra at pinagawang maganda sa tingin pagkat may inaasahan siyang panauhin.

Noon naman, matapos pasarapin ni Donaio ang kanilang pagkain sa pamamagitan ng mahiwagang tungkod, lumabas siya sa bakuran ng kastilyo upang alamin kung saan at paano bubusugin ang mga kabayo. Sa pagkakataong iyon, kailangan niyang muli ang paggamit ng mahiwagang tungkod upang di siya mahirapan sa suliraning iyon. Ang paggapas ng maraming damo.

Si Dayang Hirang naman ay nagtungo sa hardin. Pinagpala ang mga halamang naroroon. Mula sa isang maliit na balon at mababaw lamang ang sibol, tumimba siya ng tubig. Nagdilig sa paligid at marahang sinabuyan ang mga orkidyas na nakakapit sa punong kahoy. Gusto niyang tumulong kay Donaio. Naawa siya sa itinuring niyang asawa. Ganoon na nga ang anyo, inaapi pa sa kanilang kaharian.

Nang mga sandali pa ring iyon, sa tulong nga ng mahiwagang tungkod ni Donaio, madali niyang napuno ng sakate o damo ang kariton na hinihila ng mga kabayo. Dahil doon, bago mananghali, tapos na ang kanyang gawain. Nakapaghanda na rin siya ng masarap na pananghalian at doon sa hardin dinala upang pagsaluhan nilang mag-asawa.

“Nagtataka ako sa mga pagkaing inihahain mo.” ani Dayang Hirang. “Pambihira ang lasa. Masarap at kaiba ang linamnam sa pagkaing luto sa kastilyo.” dugtong pang sabi habang nakaupo sila sa lilim ng malagong punong kahoy.

Tumawa lang si Donaio. Hindi sumagot. Dinaan sa pagsubo ng pagkain ang katahimikan. Kapagkuwa’y umanyo pang nahirinan upang di makapagsalita.

Hindi na rin kumibo si Dayang Hirang. Ipinagpatuloy na lang ang pagnguya at idinaan sa mababaw na paghihinala ang gustong malaman.

Nagkataon namang nagdaraan ang mag-asawang Konde Orolfo at Dayang Giliw. Galing sila sa labas ng kastilyo na may hugis moski at umuwing nagugutom. Natanaw nila ang nanananghaliang mag-asawa. Nilapitan at tangkang gambalain sa panunudyo.

“Napakagandang masdan ang magsing-irog na magkasalo hanggang sa tipid na pananghalian.” malayo pa’y bungad na ni Dayang Giliw. Nagmamadali kasunod ang asawa.

“Kumain tayo.” magkasunod na alok nina Donaio at Hirang.

“Ano?” bulyaw ni Giliw. “Gusto ninyong sumalo kami sa inyong kainan? Pagkaing tira-tira lamang sa kusina!” sudlong pang sabi at saka inusisa ng paningin kung ano ang nakahaing pagkain.

Si Orolfo naman ay nakatanaw lang kay Hirang. Gandang-ganda siya sa kanyang hipag. Naiingit siya kay Donaio, kung bakit hindi siya ang nagkaroon ng pagkakataong makapamili kung sino ang gusto niyang mapangasawa. Pinagsisisihan niya ang bagay na iyon. Kung tutuusin, higit na makapangyarihanang kanyang kaharian kahit maliit lamang ang bayan ng Borgandi. Ganoon din ang pinsan niyang si Duke Rendon. Kaya lang, dahil sa kayabangan nilang magpinsan na ayaw masapawan, ipinangalandakan ang kanilang pagkatuso sa larangan ng buno at makapag-asawa rin ng isang Dayang na sa panahong iyon, wala nang dalagang maharlika sa bawat kaharian ng kapuluan. Sa bahaging iyon, saka lang napukaw ang pagdidili ni Orolfo nang biglang magsalita ang kanyang asawa.

“Aba! Saan kayo kumuha ng ganyang pagkain?” tanong ni Dayang Giliw. Nakapamaywang at nandidilat ang mga mata.

Biglang natigilan si Donaio. Nagipit at di malaman ang isasagot. Ngayon ay hindi na siya maaaring magsawalang imik at talagang uusigin sa pagsagot.

Si Dayang Hirang ang nagpahiwatig. “Galing yata siya sa pananakate at sa damuhan ay kung anong makakain ang kanyang hinuli.”

Parang may nakuhang kasagutan si Donaio. Sumigla at sumagot. “May nahuli akong sawa. Kinatay ko at niluto sa sarili niyang taba. Nilahukan ko ng sari-saring sangkap na galing din sa mga halamang angkop sa ganitong lutuin. Kumain kayo, kamahalan at tikman.”

“Ano?” gulat na sagot ni Giliw. “Ano’ng palagay mo sa amin? Patay-gutom!” dugtong pang naduduwal at karakang hinila ang asawang nakatunganga sa magandang tinatanaw.

Gusto ring maduwal ni Hirang. Nakatitig sa kanyang asawa.

“Huwag kang mag-alala, aking mahal. Nagsinungaling ako. Hindi totoo ang sinabi ko. Hindi ko magagawang pakainin ka nang ganoon lamang.” sagot ni Donaio nang makalayo ang dalawang palamara.

Saka lang napanatag ang loob ni Hirang. Ngumiti at gusto pa sanang magtanong kung hindi naunahan ni Donaio.

“Sa ngayon, hindi ko masasagot ang gusto mong malaman. Ngunit umasa kang malapit na ring dumating ang kaliwanagan. Sa ngayon, manalig kang hindi ko gagawin ang ayaw mo.”

Ngumiti lang si Hirang at maganang ipinagpatuloy ang pagkain. Malimit din niyang sulyapan si Donaio.

Bandang hapon. Kasalukuyang ipinapasyal ni Salina ang mga panauhin niyang galing pa sa ibang kaharian nang maparaan sila sa hardin.

Patungo naman sa balon si Donaio upang sumalok ng tubig. Nasalubong niya ang mga maharlikang panauhin. Nagulat siya. Napamaang at tumigil sa paglakad.

Higit na nagulat ang dalawang babaing maharlika. Nagtilian at nangagsiurong, samantalang ang dalawa ring lalake ay umakmang bubunot ng kanilang sable upang tapusin ang inaakala nilang impakto na gumagala sa hardin.

Sa pagkakataong iyon, parang iisang taong kumilos ang mga alalay na kawal. Hudyat lang ang hinihintay upang pawalan ang kanilang palaso.

“Hintay! Huwag kayong mag-alala.” sansala ni Salina. “Siya ang panakot namin sa mga maligno. Kaya niyang palayasin ang mga iyon sahil sa kanyang kapangitan.”

Sandaling natigilan ang mga panauhin ni Salina. Nag-isip. Wari’y gustong tiyaking kung balatkayo lamang ang soot ni Donaio. Kung hindi, dapat silang maghanda kung may panganib.

Noon nama’y nakamata lamang ang taong bukulin matapos ang bahagyang pagyukod. Hindi malaman ang gagawin kung uurong o susulong. Tumatalab na sa kanyang damdamin ang bawat pang-aalipusta ni Salina. Naghihimagsik na ang kanyang kalooban. Kung tutuusin, sa taglay nyang pagkatao, ang lahat ay mangangayupapa sa kanyang paanan. Siya ang tunay na dugong bughaw ng Mauritanya. Ngunit hindi pa panahon upang siya ay magpakilala.

Sa puntong iyon, isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Salina upang mabawasan ang namumuong galit sa kanyang dibdib. Palihim siyang sumulyap kay Donaio at kumilos na tila makapangyarihan sa lahat.

Dama ng taong bukulin ang pangyayaring iyon. Matamlay siyang bumaling sa Rahana at naghintay kung ano ang ibabadya. Ngunit hindi iyon nagsalita. Humudyat lang sa pamamagitan ng kamay upang siya ay itaboy. Agad naman siyang lumisan upang lumayo sa mga panauhin na kung tingnan niya ay higit ang kapangyarihang taglay. Ayaw na niyang maragdagan ang nadaramang pagkabalisa. Parang may kung anong paghihimagsik ang sumusikil sa kanyang kalooban. Kung maaari lang, gusto na niyang tumindig sa tamang kalagayan. Kaya lang, hindi niya alam kung kailan matatapos ang kapangyarihan ni Soraia at kung paano din niya iyon maiiwasan. Tungo na lang ang ulo niyang lumisan.

Pinuntahan ni Donaio si Hirang na kasalukuyang nanunulyap sa paghahanap ng uod sa mga orkidyas. “Doon na lang ako sa kuwadra.” bungad niya sa asawa. “May panauhin ang Rahana at patungo na sila rito.” dugtong pang matamlay ang kataga. May timping hinanakit.

Nahalata ng Dayang ang katamlayan ng kanyang asawa. Dagli siyang nagtanong. “Nakita ka nila at hindi naging maganda ang pakikitungo sa’yo?”

Hindi na sumagot si Donaio. Naging mailap at agad na lumayo nang marinig ang papalapit na yabag at tawanan ng mga panauhin.

“Hintay!” anang Dayang at umanyong hahabol kay Donaio. “Sabay na tayo!” dugtong pang sabi at saka binitawan ang hawak niyang gunting pagkat naaawa siya sa kanyang asawa. Ayaw niyang mag-isa iyon sa kuwadra at kailangan ng karamay.

“Huwag kang lumayo, pamangkin kong Dayang Hirang.” sansala ni Salina at isang daliring hinudyatan ang ibig na pabalikin.

Natigilan si Dayang Hirang. Hindi makakilos at nginitian na lamang ang mga panauhin bago nagwika. “May maipaglilingkod ba ako sa mahal kong Rahana at sa mga kasama niyang kamahalan?” at bahagya pang yumukod ang naturang Dayang.

Humanga naman ang mga panauhin sa nakita nilang kagandahan, liban sa dalawang babae. Sila ay bantog din sa kapangyarihan pagkat taglay nila ang dugong malabughaw at malayo ang kaharian.

“Napakagandang pamangkin ng matimtimang Rahana.” bungad ni Haring Hugo ng kahariang Curcuerra, karatig ng Mauritanya.

Muling yumukod si Dayang Hirang sa nasabing Hari bilang pasasalamat kahit bakas pa rin ang lungkot sa kanyang mukha.

“Dapat kang matuwa, Dayang Hirang at pinuri ka ng esposo kong Hari.” anang Reynang halata ang pagkamataas at tinitigan ang naturang Dayang sa pamamagitan ng kalahating bukas ng mga mata.

Totoo ang sinabi ng esposa kong Reyna Aguerra!” nakangiting sabi ng Hari. Hindi mahuhuli sa’yo ang ganda ng anak kong si Prinsesa Agata. Asawa ni Prinsipe Daladanan ng kahariang Fortuna.”

Muli’t muling yumukod si Dayang Hirang sa Prinsipe at Prinsesa ng nasabing kaharian. Gumagalang pagkat nakatatak sa anyo ng mga panauhin ang mataas na uri ng dugo.

Ang Prinsipe ay nakatawa. Maging ang mga mata ay pinapupungay sa pagkakatitig. Halatang nabihag siya sa ganda ni Dayang Hirang.

Ang Prinsesa naman ay tipid ang ngiti at nakataas ang baba pagkat talagang mahirap tanggapin na kasingganda niya si Dayang Hirang dahil mukha siyang bakla na pinilit lang magbihis ng pambabae.

Sumabad si Salina. Kanina pa siya nakangiting lihim. “Gusto kong makilala ninyong lubusan ang pamangkin kong Dayang. Asawa niya ang tila malignong nakita ninyong sumasalok sa balon!”

“Ha?!” bulalas ng Hari at ng kanyang mga kasama. Pare-parehong bumaba ang labi sa pagkakanganga. Larawan ng sindak at pagtataka.

Unang tumawa si Prinsesa Agata bago nagsalita. “Sayang na kagandahang ipinaris sa akin ng Ama kong Hari. Napakaasim pala ng iyong panlasa.”

“Oo nga naman.” nakatawa ring sabi ni Reyna Aguerra. Ngayon ay nandidilat na ang kanyang mga mata sa anyong umaaglahi at bahagya pang umurong sa maarteng paraan. Kunwa’y takot.

Matigas ang mukha ni Prinsipe Daladanan nang nagwika. “Sabihin mo kung dinaan ka niya sa dahas! Ako ang magpaparusa sa kanya!”

“Huwag kang makialam, esposo kong Prinsipe!” kapagkuwa’y sabad ng Prinsesa. “Para kay Dayang Hirang, iyon na ang tamang lalake sa kanyang pag-ibig!” sabi pang kasunod ang malutong na halakhak, ngunit naninibugho.

Hindi makapagsalita si Haring Hugo. Panay lang ang iling at ang pinipigil na pagtawa. Di kawasa’y binago ang usapan at ang talagang layunin ang binanggit. ‘’Kapag nakita ko ang lahi ng kabayong ginagamit ninyo, ganoon ding lahi ang ibibigay ko sa inyo.”

“Mabuti naman, mahal na Haring Hugo at umasang ang mga iyon ay tutumbasan ko ng matatabang baka. Pansamantala, habang nilalanghap natin ang nagbabanguhang bulaklak sa hardin, inihanda naman ang karosang sasakyan natin patungo sa kuwadra.” sabi ng Rahana pagkat totoong kulang sila sa kabayo.

Patalilis namang umalis si Dayang Hirang nang siya ay talikuran ng mga kausap. Nagmamadali siyang nagpunta sa kuwadra na may bahagya ring kalayuan. Kakausapin niya si Donaio. Aaliwin at hindi na sasabihin ang tinanggap niyang alipusta. Ang mahalaga, mapaglubag niya ang kalooban ng kanyang asawa.

Nakaupo sa loob ng kuwadra si Donaio. Nakatulala at sakbibi ng lumbay. Hindi niya gaanong napansin ang paglapit ni Hirang.

“Mula pa sa iyong pagkabata, napagtiisan mo ang iyong anyo.” sabi ng Dayang. “Huwag kang mainip. Ngayon pang ilang araw na lang ang sinasabi mong paghihintay upang muling magbalik ang likas mong pagkatao.”

“Hindi naman aking Dayang.” sagot ni Donaio. “Naalala ko lang ang mga kalaro kong hayop sa Mahikalandia. Mabuti pa sila, mababait. Walang pakialam kung pangit man ako. Di tulad dito. Liban sa iyo aking mahal. Marami ang mapanghamak.” dugtong pang hindi inaangat ang ulo sa pagkakayuko.

“Hindi nga lahat, aking Donaio. Nang una kitang makita, agad nabagbag ang aking kalooban. Naawa ako sa iyong kaanyuan at naging magaang ang damdamin ko sa’yo.” pagtatapat ng Dayang at tumabi pang naupo sa baitang ng hagdan.

“Talaga?” nabiglang tanong ni Donaio at namilaylay sa pangit niyang mga labi ang pagtawa. Gustong tumalon sa ligaya.

“Talaga?” sagot ng Dayang at kumapit pa sa bisig ng kanyang asawa. “Nakita ko sa kilos mo ang kababaang loob, kabaitan at pagsasabi ng tapat. Alam mo bang nang mga sandaling iyon, hindi ko nakita ang panlabas mong kaanyuan. Higit na mahalaga sa akin ang iyong pagkatao.”

“Salamat, aking Dayang. Ang lahat ng hinanakit ko ay biglang naparam. Laitin man ako ng santinakpan, di mahalaga. Huwag lang ikaw aking mahal.” ang sabing pinipigil lamang ang sarili upang yakapin ang asawang maganda na, mabait pa.

Ang iba pang pag-uusap ng mag-asawa ay nagambala sa yabag ng mga kabayong papalapit sa kanila. Unang lumabas sa kuwadra si Donaio, kasunod si Dayang Hirang. Nakita nila ang papalapit na karosa at ang maraming kawal-Curcuerra na naglisaw sa paligid.

Unang bumaba sa karosa si Salina at masuyong inalalayan sa pagbaba si Reyna Aguerra.

Nakapamaywang namang sinipat ni Haring Hugo ang malaking kuwadra nang siya ay makababa sa kabilng panig ng karosa. Ngunit ang nabungaran niya ng tanaw ay si Donaio, katabi ang magandang Dayang.

Muling yumukod ang mag-asawa, bilang paggalang at pagsunod sa magandang asal.

“Ikaw pala ang asawa ni Dayang Hirang. Mapalad ka, lalake.” sabi pa ni Hugo bago lumapit sa pinto ng kuwadra.

Nagkagulo naman ang mga kawal sa pagbibigay alalay sa kanilang Hari. Ang iba ay naunang pumasok sa kuwadra at gumala sa loob. Kapansin-pansin ang hawak nilang sandata. Makabagong uri ng pana. Malaki at tatlong mahahabang palaso ang nakakasa sa bagting. Ang ibig sabihin, sa bawat panunudla, di lang isang palaso ang iigkas kundi tatlo at maghihiwa-hiwalay habang lumalayo. Mapapansin din ang ilang kawal na nakasakay sa kabayo. Malalaki ring baril de pana ang hawak at tatlo ring palaso ang nakakasa sa bagting ng sandata. Masasabing makapangyarihan din ang hukbo ni Haring Hugo pagkat sa labas ng kastilyo ni Salina, naroroon ang napakalaking bilang ng mga kawal-Curcuerra.

Ang mag-asawang Prinsipe at Prinsesa ay lumapit kina Donaio at Hirang. Nanunudyo ang kanilang ngiti. Lumigid-ligid sila at tinanaw na may kunot ang mga noo sa anyong nagtataka.

“Paano mong nasikmura ang makapag-asawa ng isang sota at dati pa palang pastol ng mga baka?” bungad ng Prinsesa kay Hirang. “Hindi ka ba naaasiwa kapag siya ay katabi mo sa pagtulog?” dugtong pang tanong.

“O, baka dinaan ka lang niya sa dahas masama ‘yan” sabad ng Prinsipe, ngunit kay Donaio nakatanaw at handang bumunot ng sable.

Pabaling-baling lang ang tingin ni Donaio. Ikom ang bibig. Humihingang malalim na parang nanghihina ang kapara.

Muling nanalasa ang kataga ni prinsepe Dalandanan. “Dapat kang tawaging Sotang Bastos! Hindi ka nararapat makapag-asawa ng isang Dayang. Mababa lamang ang iyong uri. Dugong burak na kapag sumanib sa dugong maharlika, magiging putik na rin. Maawa ka sa kanya. Anong uri ng kabuhayan ang maaari mong ipagkaloob sa kanya. Palayain mo na siya!” malakas pang sigaw na tila may layunin.

“Kusa ko siyang minahal at hindi ako dinaan sa dahas!” salag ni Dayang Hirang na parang pigil ang panggigigil. Kung maaari lang, gusto niyang manakit, ngunit nasa kanyang pagkatao pa rin ang pagkamagalang.

Wala pa rin kibo si Donaio. Nilulon lang ang mga pang-aalipustang naririnig. Subalit sumasarap ang lasa dahil sa pagtatanggol ni Dayang Hirang.

“kung gayon ay baliw ka!” bulyaw ni Prinsesa Agata. “Sabihin mo sa akin kung anong katangian mayroon ang asawa mo! Kaya ba niyang humarap at makipagtitigan sa tulad naming may dugong malabughaw?” tanong pang nagmamalaki, ngunit kung iisipin, hindi pa sila tunay na dugong bughaw tulad ni Donaio.

“Darating ang araw na mapapahiya ka sa iyong tinuran!” mariing sabi ni Dayang Hirang. Bahagyang tumaas ang tinig pagkat sila lamang ang magkakaharap at nasa loob ng kuwadra ang Rahana, kasama ang Hari at Reyna.

“Kailan man! Hindi mapapahiya ang tunay na Prinsesa, at tandaan mo! Hindi mo ‘ko matataasan sa iyong pagiging Dayang! Mas makapangyarihan ang aming kaharian! Kaya mas mataas ang dugo ko sa’yo!” nanggagalaiting sabi ni Prinsesa Agata at dinutdot pa ng daliri ang mukha ni Dayang Hirang.

Agad namang pumagitna si Prinsipe Dalandanan upang hindi na mag-abot ang dalawang babae. Sinuyo ang kanyang Prinsesa.

“Huwag mo ‘kong pigilan!” naguumalpas na sabi ni Prinsesa. Halata ang pamumula dahil sa selos. Kanina pa niya nakikita ang mga makahulugang sulyap at paghanga ni Prinsipe Dalandanan kay Dayang Hirang. Iyon ang nagbunsod upang siya’y mamuhi at muling balingan ang magandang Mora.

“Sa susunod nating pagkikita, lalo kang magiging mababa sa aking paanan. Hindi mo maaabot ang kakisigan ng aking asawa. Hanggang diyan ka na sa pangit mong asawa!”

“Kailan man, hindi ko hahangaring hangaan ang pangkaraniwang kisig ng isang lalake. Para sa akin, ang asawa ko ang nakahihigit sa lahat!”

Bigla ang tawanan ng mag-asawang may dugong malabughaw. Hindi na nagsalita nang makitang lumabas sa kuwadra ang tatlong nilalang na may angking kapangyarihan sa pamumuno. Ang Hari, Reyna at ang Rahana.

Sa tagpong iyon, walang pangambang naramdaman ang tatlong nanggaling sa loob ng kuwadra. Tiwasay sila pagkat nakita pa nilang nagtatawanan ang dalawang maharlika ng Curcuerra. Hindi tinakot o natakot kay Donaio at magkagayon man, sa di kalayuan ay nakabantay ang mga kawal ni Hugo.

Sa pangyayari ding iyon, nagkaroon ng puwang upang tumalilis ang mag-asawang Donaio at Hirang. Pumasok sila sa loob ng kuwadra at doon na lang hinintay ang paglisan ng mga nasa labas.

Bago dumilim, isa-isang sinuri ni Donaio ang mga kabayo sa kuwadra. Isa roon ang napagtuunan niya ng pansin. Ang kabayong payat na sa tingin niya ay galing sa kumunoy. Bakas pa sa katawan ang kumapit na luad. Bahagyang pipis ang katawan. Wari’y naipit sa matigas na bagay at sa tingin niya, nanlilisik ang mga mata.

Nang gabing iyon, naging palaisipan kay Donaio ang naturang kabayo. Gusto niyang maliwanagan ang isang nabubuong hinala, ngunit hindi kayang linawin kung sa isip lang niya manggagaling. Kapagkuwa’y tumingala siya at tiniyak kung talagang tulog na si Dayang Hirang. Nang mapatunayan, hinugot ang tungkod sa kanyang baywang at itinutok sa kanyang ulo. Ibig niyang malaman kung sino ang kabayong maligno at saan nanggaling.

Naglaro sa isipan ni Donaio ang isang pangitain noong hinahabol siya ng tikbalang at mahulog sa kumunoy. Parang nakikita niya ang paghihirap niyon sa malabnaw na luad. Subalit dahil sa kapangyarihan ni Soraia, hindi iyon nalagutan ng hininga. Patuloy na nakipaglaban sa kamatayan hanggang sa maparam ang bisa ng mahiwagang luad. Tumigas ang kumunoy at muling nagbalik sa kapatagang lupa. Datap’wat bago iyon, nagkakawag na umahon ang tikbalang at dahil doon, nabawasan ang kapangyarihan ni Soraia. Nagbalik sa dating anyo ang tikbalang. Naging likas na kabayo at sinundan na lamang kung saan nagtungo ang taong pinababantayan sa kanya ni Soraia. Subalit nasilo siya ng mga kawal at ipinasok sa kuwadra ng kabayo. Nahayag din sa gunam-gunam ni Donaio ang pangyayaring kung minsan, nagbabalik sa pagkatikbalang ang kabayo at sa hatinggabi nagaganap. Pumapatay.

Biglang napatindig si Donaio nang malaman ang katotohanan. Matapos luminga sa itaas ng kuwadra at matiyak na talagang tulog na si Dayang Hirang, muli siyang nagbalik kung saan naroroon ang kabayong tikbalang.

Halos magbaga ang nanlilisik na mata ng kabayong galing sa kaharian ng Mahikalandia nang makita si Donaio. Humahalinghing at nagdadamba. Bawat singasing ay nakikita ang parang usok na nagmumula sa kanyang ilong.

Bahagyang napaurong si Donaio. Tumatag sa pagkakatayo at hinugot sa baywang ang mahiwagang tungkod kasabay ang usal. “Labanan natin ang kanyang kapangyarihan.”

Patuloy ang kabayo sa nakakapangilabot na paghalinghing. Umaalma at itinaas ang dalawang paa sa unahan, kasunod ang unti-unting pagbabago ng anyo. Naging mabulas at nanindig ang balahibo sa batok. Pumula ang mga mata. Tila nagbabaga at doon naganap ang pagiging tikbalang kahit hindi pa sumasapit ang hatinggabi. Galit siya kay Donaio.

Nabulabog ang mga kabayo sa kuwadra at sabay-sabay na naghalinghingan. Mga takot at nagsiksikan sa sulok. Malaki na ang takot nila sa tikbalang pagkat alam nilang nakamamatay kung iyon ay sumipa.

Nagkagulo rin ang mga kawal na malapit sa kuwadra. Urong-sulong. Hindi malaman kung susugod o hindi pagkat alam nilang maligno ang humahalinghing sa bahay ng mga kabayo.

Kanina pa gising si Dayang Hirang. Sumisigaw sa takot. “Donaio! Umalis ka riyan! Halika rito!”

Ang mga sigaw na iyon ay nalunod lamang sa malakas na halinghing ng tikbalang. Sinugod si Donaio. Patalong sumipa. Nag-uumigting at tangkang tapusin na ang labanan, maibalik lang kay Soraia ang pinababantayang bukuling tao. Patay o buhay.

Ang mahiwagang tungkod ay hubad sa pagkatao, ngunit sadyang may kapangyarihan sa ganoong pagkakataon. Iyon ang nagpapakilos kay Donaio. Parang timon na umuugit, kung saan pumaling, doon bumabaling.

Nagmistulang eskrimador si Donaio. Sunud-sunuran lang ang kanyang kamay sa mahiwagang tungkod. Isang matinding palo ang ipinansalag niya sa paa ng tikbalang at saka sinundan ng walang humpay na pananalasa. Walang tantan, walang habas at wala ring taros.

Nabigla ang tikbalang. Nayanig. Hindi sukat akalain na tatalab sa kanya ang gayong kapangyarihan. Nataranta siya sa animo’y dagitab na tumatama sa kanyang katawan.

Walang masulingan ang tikbalang kundi ang tumakbong patakas. Gumawa siya ng sariling pintuan sa dingding ng kuwadra. Kailangan niyang makalayo sa mapanakit na kalaban.

Sa bisa rin ng mahiwang tungkod. Agad nakasakay sa kabayo si Donaio at hinabol ang tikbalang. Umabot sila sa umpukan ng mga kawal. Rumaragasa ang kanilang pagsulpot.

Nagkakagulo sa pag-iwas ang mga tauhan ng kastilyo, ngunit maliksi rin silang nakapagkasa ng palaso sa pana at halos sabay-sabay na tinudla ang tikbalang.

Nagtalbugan lamang sa balat ng naturang halimaw ang mga palaso. Hindi tumalab pagkat may nalalabi pa siyang kapangyarihan na galing kay Soraia. Hindi kayang talunin ng pangkaraniwang sandata lamang.

Kasunod naman ang rumaragasang kabayo ni Donaio. Nasa kanyang pagpipigil ang kapangyarihan ng tungkod. Gusto niyang ibalik sa Mahikalandia ang tikbalang bilang isang pangkaraniwang kabayo. Sa bisa ng kung anong paraan, ipinaabot niya sa pandinig ng tikbalang ang paalalang hindi dapat katakutan si Soraia. Sa kanya kakampi ang katas-taasang Reyna ng mga Mahikantada.

Nagsigawan naman ang mga kawal nang makitang napatakbo ni Donaio ang tikbalang. Ang halimaw na ngayon lang nila nakita ng harapan. Nakakapangilabot ngunit kahiya-hiyang isipin na iyon ay natakot habang tinutugis ng bukuling tao, samantalang sila ay nakatunganga lamang.

Animo’y nagkapakpak ang paa ng tikbalang sa bilis ng pagsibad. Takot na takot siya sa mahiwang tungkod ni Donaio, at sumusumpang kailan man, hindi na siya lalabas sa kaharian ng Mahikalandia.

Kinabukasan, naging usap-usapan sa Haranggani ang katapangan ni Donaio. Ang lahat ay may halong biro ang paghanga. Natakot daw ang tikbalang dahil sa kapangitan ng taong marami ang bukol sa katawan. Maging ang mga nasa kastilyo ay ganoon din ang sinabi, liban kay Dayang Hirang na ang paghanga sa kanyang asawa ay lubusan at bukal sa kalooban.

Noon nama’y nasa hardin ang mag-asawang Donaio at Hirang. Ang una ay hindi na nanguha ng damo pagkat marami pa sa imbakan at lalong dumarami sa kagustuhan ng mahiwagang tungkod. Ang ikalawa nama’y namimigtal ng tuyong dahon sa pumpon ng mga bulaklak.

“Sana kapag may panganib, kung maaari lang, iwasan mo.” nag-aalalang sabi ni Dayang Hirang.

“Tungkulin ko ang pangalagaan ang mga kabayo.” sagot ni Donaio. “Marahil, totoo ang sabi nilang natakot sa anyo ko ang tikbalang.” dugtong pa niyang nakatawa habang bitbit ang isang timba ng tubig.

“Hindi totoo ‘yon, Donaio. Huwag mong tawaran ang iyong sarili. Talagang ang masama ay takot sa kabutihan.” sabi naman ni Dayang Hirang na ngayon ay kasalukuyan namang pinupupol ang ilang lantang bulaklak sa halaman.

Masaya ang biruan ng mag-asawa nang mula sa isang karosa ay bumaba ang Rahana. Masaya rin ang dating at may ngiting patago.

“Habang napapakinabangan ko ang iyong kapangitan, huwag kang aalis. Palayasin mo ang mga impakto sa aking kastilyo. Pero, huwag kang pakikita sa aking mga panauhin. Ayokong isipin nila na may alaga akong maligno.” natatawa pang sabi ni Salina.

“Mahal na Rahana.” tawag ni Hirang. “Huwag mo namang pakahamakin ang aking asawa. Ang kapangitan niya ay panlabas lamang at hindi ang nasa loob.”

“Talagang napakababa ng pangarap mo. Hindi ka tumulad sa dalawa mong pinsan. Konde at Duke ang naging asawa.”

“Mahal na Rahana. Sapat na sa akin ang nakikita kong pagkatao ng aking asawa. Sa kanya pumintig ang puso ko. Hindi mahalaga sa akin ang kung siya man ay dugong bughaw o isa lamang dugong pula.”

“Huwag mo akong patawanin. Ang asawa mo ay hindi dugong pangkaraniwan. Siya ay lahing dugong putik! Tandaan mo ang sinabi ko!” sigaw pang kasabay ang paglisan. Nagmamadali.

“Patawarin mo ang Rahana. Hindi niya alam kung sino ka.” anang Dayang at masuyong ginagap ang kamay ni Donaio. “Gusto ko sanang sabihin ang tunay mong pagkatao, ngunit wala kang pahintulot.” dugtong pang gustong tumangis. Isinubsob ang mukha sa balikat ng kanyang asawa, subalit sinawata siya ng kanyang mapagkumbabang kapilas.

“Huwag aking Dayang. Hintayin na lang natin ang itinakdang panahon. Ibig kong mahantad ang tunay kong pagkatao kapag lubusan na kong lumaya sa kapangyarihan ni Soraia.”

Samantala, sa malayong bayan na kung saan ay isinilang si Donaio ay abala ang lahat ng kinauukulan. Naghahanda sila sa isang mahalagang paglalakbay. Isang layunin na magpapatighaw sa kanilang hangarin.

“Kailangan ng kahariang Mauritanya ang tagapagmanang si Don Donaio. Sa kanya mapupunta ang aking setro at korona.” sabi ni Radam Cordova kay Mahalya Arminya, habang sila ay nakapanungaw sa beranda ng palasyo.

“Ilang araw na lang at dalawampung taon na siya. Nasasabik akong makita ang ating anak.” wika naman ng butihing Mahalya.

“Pagsapit niya sa panahong iyon, maaari na tayong magtungo sa bayan ng Haranggani. Wala na ang bisa ng kapangyarihan ni Soraia. Maaari na tayong lumapit sa ating anak.” anang Radam habang nakatanaw sa mga tauhang nasa ibaba at abala sa paghahanda ng mga makabagong sandata.

“Paano kung hindi pa siya nakakalabas sa kaharian ng Mahikalandia?” At paano rin tayong makakapasok upang makaharap si Reyna Aia?” mga tanong ng Mahalya. Nag-aalinlangan.

“Ang pinto ng kaharian ay tinambakan ng malalaking tipak ng bato upang hindi makalabas ang mga mahikantada sa lagusang iyon. Iyon daw ay kagagawan ng mga Burukantada. Sila ay nakapalibot sa kabundukan at ayaw nilang mahantad sa mga taga Mahikalandia ang masama nilang gawain.” paliwanag ni Cordova.

‘’O, dakilang Radam. Paano nga tayong makakapasok?” inulit na tanong ng Mahalya. Nababalisa.

“Kung talagang hindi pa nakakalabas ang ating anak,” sabi ni Cordova. “Dudurugin ko ang mga batong nakaharang sa pinto ng Mahikalandia. Pasasabugin ko sa pamamagitan ng kanyon.” dugtong pang sabi at itinuro ang mga nakahilerang kanyon na nasa ibaba ng beranda. Mahahaba. Maluwang ang mga bunganga at may gulong na magagamit sa paghila.

Napasunod ang tanaw ng Mahalya sa itinuro ng Radam. Ang mga makabagong sandata na matagal ding pinag-aralan bago nagawang mahusay. Napabaling din ang kanyang tanaw sa mga kawal. Dati ay baril de pana ang hawak. Ngayon, ang hawak nila ay baril de pulbura. Isang dipa ang haba. Napakalakas at maaasahan sa pangmalayuang labanan. Subalit nagtatanong din sa sarili ang Mahalya. Ang mga sandata bang iyon ay may bisa sa mga Burukantada o sa Mahikantada?

“Huwag kang mag-alala, aking Mahalya. Sa tulong ng ating panginoong dakila, muli nating makukuha ang ating anak.”

“Sana nga aking Radam. Kay tagal akong nanabik sa muli naming pagkikita, at ngayong nalalapit na ang sandaling iyon, parang lalong lumalakas ang kaba sa aking dibdib.”

Natawa lang si Cordova. Niyakap ang asawa at masuyong inalo sa nadarama nilang pagkainip. Siya man ay nasasabik sa araw na iyon.

Sa ibaba ng beranda ay abala naman si Ogbinar sa paghahanda at pagsasanay sa may isang libong kawal na kasama sa mahalagang paghahanap kay Don Donaio.

Sinadya ng kapulungan na kaunting kawal lamang ang kailangan sa paglalakbay dahil hindi naman digmaan ang kanilang patutunguhan. Bukod roon, tunay ngang kaasa-asa ang makabago nilang sandata.

Isang makulimlim pang araw ang lumipas sa bayan ng Haranggani. Nasa loob ng hardin ang mag-asawang Donaio at Hirang. Magkatulong sila sa pagdidilig ng halaman. Maligaya at nagtatawanan pa nang lapitan sila ni Rahana Salina. Halatang mainit ang dating.

“Nagiging kasiraan sa kastilyo ang pananatili niyo rito! Marami sa mga panauhin ko ang mga nandidiri. Nasusulasok sa anyo ng taong nakakarimarim. “Ikaw! Sota o pastol ng mga hayop! Lumayas ka rito! Isama mo ang iyong asawa!” paasik pang sigaw.

“Mahal na Rahana.” samo ni Dayang Hirang. “Saan kami tutungo? Ako’y isa ring Dayang at natatangi mong pamangkin. Bakit mo kami pinalalayas?” naiiyak pang dugtong at bahagyang lumapit sa Rahana upang manikluhod.

“Talagang hindi ko matanggap na maging pamangkin kita. Sa tuwing makikita kita! Naaalala ko ang namayapa mong Ama. Pagkat siya ang kawangis mo. Kayong mag-ama ang naging dahilan kaya namatay ang kapatid ko sa panganganak!”

“Wala kaming kasalanan sa pagkamatay ng Ina kong Rahana.” salag ni Dayang Hirang at tuluyang namalisbis ang luha sa mga mata.

“Lumayo na kayo! Ano man ang sabihin mo, hindi na magbabago ang pasiya ko! Dahil sinabi mong pamangkin kita. Magbalik kayo sa pastulan. Ang balita ko, muling nagbalik ang mga maligno nang malamang wala roon ang asawa mong Radam ng mga impakto. Lumayas na kayo.” mababa na ang tinig ng Rahana, ngunit naroon pa rin ang paglait.

Gusto pa sanang sumagot ni Dayang Hirang kung hindi naagapan ni Donaio.

“Halika na aking Dayang. Kung ipinagkait man sa iyo ang karapatan sa kahariang ito. Doon sa dakong malayo, tatanggapin ka ng aking mga magulang.” anang pastol at masuyong niyaya ang kanyang asawa.

Biglang napahalakhak si Salina. Pasigaw ang salita upang marinig ng papalayong mag-asawa. “Anong uri ng magulang ang tatanggap sa’yo, Dayang Hirang? Mga dugong putik ding tulad ng asawa mo!”

Lalong bumukal ang luha ni Dayang Hirang. Kagat ang labi. Awang-awa siya sa kanyang asawa na kahit hamakin ay hindi nagtataas ng tinig.

Lumingon lang si Donaio. Tinanaw ang Rahana. Sulyap na lipos ng sakit at timping hinanakit. Nasa anyo niya ang pagtatanong kung bakit may taong ganoon kung umalipusta.

Naglakad lamang ang mag-asawang Donaio at Hirang. Nasalubong nila ang ilang kawal na galing sa kubo ng pastulan. Iika-ika ang lakad at halatang sugatan.

“Bakit? Ano’ng nangyari sa inyo?” tanong ni Dayang Hirang sa limang kawal.

“Mahal na Dayang. Muli kaming sinalakay ng mga itim na kalansay. Pinangbabato nila ang kubo. Nagkabutas-butas ang bubong at dingding. Maraming bato ang tumama sa amin, at kung hindi pa nag-umaga, hindi kami lulubayan.” sagot ng punong kawal. Halata ang panghihina.

“Natatakot ako, aking Donaio. Sila ang mga ligaw na kaluluwa o maligno. Ayokong makakita ng ganoong katatakutan.” nanginginig ang tinig ng Dayang.

“Huwag kang matakot, aking mahal. Muli silang mamumundok pag nalaman nilang nagbalik na ako.”

Bahagyang natawa si Dayang Hirang sa pabirong sagot ni Donaio. Lumakas ang loob at umasa na lamang sa pagtitiwala.

Habang naglalakad, lihim na binulungan ni Donaio ang kanyang mahiwagang tungkod upang ibalik sa dating ganda ang kubo.

Ganoon nga ang nangyari. Niligid muna ng mag-asawa ang nasabing tahanan bago nagsipasok upang sa loob naman magsiyasat.

“Akala ko ba’y sinira ng mga maligno ang kubong ito?” nagtatakang tanong ng Dayang nang makita ang maayos na kabahayan.

“Sabi nga ng mga kawal.” kunwa’y ayon ni Donaio. “Baka naman sa kadahilanang sakit na dinanas nila at sa matinding takot, nagbago ang kanilang pangmalas.” dugtong pa sa paraang di malaman ang idadahilan.

Mabuti na lang at hindi mausisa si Dayang Hirang o sadyang pinagbibigyan niya ang bawat salita ng kanyang asawa. Naupo na lamang siya sa himlayan upang alisin ang nararamdamang pagod sa paglakad. Gayon man, lihim din siyang nagsiyasat kung marumi ang nasabing higaan. Napatunayan niyang malinis at mabango. “Nakapagtataka!” ang nasambit na lang sa sarili.

“Magpahinga ka muna habang inihahanda ko ang ating pagkain.” ani Donaio kasabay ang paglabas sa kubo.

“Saan ka kukuha ng ating pagkain?” habol pang tanong ng Dayang. Nag-aalinlangan pagkat gahol na sila sa pananghalian.

“Maghahanap ako sa bundok.” sagot ni Donaio. “Matulog ka muna. Ligtas ang kubakob sa ano mang panganib.”

Tumango na lang ang Dayang at bahagyang naghikab. Isinara ang pinto ng kubakob at ang tangka, maghintay na lamang sa kanyang asawa. Takot siya sa pag-iisa.

Ang alam ni Dayang Hirang, bago pa lamang lumilipas ang ilang sandali nang kumatok sa pinto si Donaio.

“Handa na ang ating pananghalian.” bungad ng pastol nang makaharap ang asawang nililiyag.

Minasdan ni Dayang Hirang ang hapagan sa lilim ng puno. Umaaso pa ang inihaw na patong bundok at lumilikha ng masidhing linamnam na amoy. Nakakagutom ngunit iba ang pumasok sa kanyang isipan. Paanong nakapaghanda ng ganoong pagkain si Donaio? May isda at gulay na tamang-tama ang sarap sa pagkakaluto.

“Huwag kang magtaka. Sa gitna ng kagubatan ay naroroon ang ganyang pagkain.” sabi ng pastol sa nakikitang pag-aatubili ng kanyang asawa.

Halata sa mga mata ng Dayang ang pagtatanong. Nag-aalinlangan. Naisip niyang hindi magagawa ng isang pangkaraniwang tao ang gayong kabilis na paghahanda ng pagkain kung walang taglay na kapangyarihan. Gayon man, tinimpi na lang ang kanyang hinala at pinagbigyan ang nararamdamang kalam ng sikmura.

Kinabukasan. Kumalat sa bayan at hangganan ng Haranggani ang mga paskil na nagmula sa kastilyong moski. Doon ay nakasaad ang balitang magtataas na naman ng buwis ang mga mamamayan.

Ang pangyayaring iyon ay muli ring ikinagalit ng mga tao. Ngayon ay gusto na nilang mag-alsa at lumaban sa ginagawang pagmamalabis ng Rahana. Subalit ang lahat ay nanatili pa ring nakakuyom ang mga kamao, pagkat hindi pa buo ang kanilang pagkakaisa.

Ang dahilan naman ng Rahana sa lumaking buwis ng mga mamamayan ay para sa kaunlaran ng kanilang bayan. Ngunit ang totoo, bumagsak ang kayamanan ng kastilyo, sanhi ng pagiging bulagsak ng Rahana. Laging may pagdiriwang at kasayahan na ginugugulan ng ginto. Huli na nang mapunang gumagaan na ang timbangan ng kayamanan. Kailangang bawiin sa pagtataas ng buwis.

Naging masigasig ang Rahana sa pagpapairal ng bagong buwis. Kung minsan, sumasama pa siya sa paniningil upang lubusang takutin ang ayaw magbayad., hanggang umabot sa sukdulan ang kanyang pagkagahaman. Maging sa mga liblib na pook ay umaabot siya, kasama ang maraming kawal.

Sa isang maliit na pamayanang nasa paanan ng bundok ay namayagpag ang kasakiman ni Salina. Una niyang pinasok ang may pinakamalaking kubo sa pook na iyon.

“Kailangan ko ang karagdagang buwis.” bungad ng Rahana sa matandang babaing sumalubong sa kanya.

“Ngunit kamahalan, mahirap ang buhay naming dito. Hindi sapat ang kinikita ng asawa ko sa pangangahoy.”

“Wala akong pakiaalam sa inyong kahirapan. Ang mahalaga! Magbayad kayo ng dalawang ulit sa dating halaga ng buwis, ngayon din!” singal ni Salina at marahas na iwinaksi ang kamay ng matandang nagsusumamo.

“Maawa kayo, kamahalan. Wala akong pambayad. Kung maaari lang, hintayin natin ang asawa kong nasa gubat. Pag-usapan natin ang bagay na ito.”

“Hindi na kailangan!” asik ni Salina. “Kung wala kayong pambayad, ang alaga mong baka ang aming kukunin!” bulalas ni Salina at agad ipinatupad ang kanyang gusto sa mga tapat niyang kawal.

“Huwag kamahalan. Maawa kayo. Iyan lang ang pag-asa namin sa buhay at katulong ng asawa ko sa hanap-buhay.” habol pa ng matandang marusing ang kasootan. Nakasabog ang mahabang buhok at tila inaagiw sa di pagkakasuklay. Siya ay matangkad at payat.

“Huwag mo ‘kong hawakan!” sigaw ni Salina at patulak na umiwas sa pinandidirihan.

Natumba ang matanda at napalupasay sa lupa. Ang kanina’y nagmamakaawa niyang mukha ay napalitan ng galit. Nanlilisik ang mga mata habang tinatanaw ang papalayong Rahana, patungo sa ibang kubo.

Sa pangyayaring iyon, marami ang nagtanim ng galit sa Rahana. Sa di malamang dahilan, bigla siyang nagkasakit at hindi na makalakad. Laging nakahiga. Hindi makabangon at nagmistulang larawan ng isang bangkay. Nangitim at nagkabitak-bitak ang balat. Hindi kayang gamutin ng kung sinu-sinong manggagamot at marami rin ang pinagbibintangang mangkukulam na may likha ng ganoong karamdaman.

Ang pinakamasigasig sa pagbibintang ay ang magkapatid na Dayang Giliw at Dayang Sinta. Pinaratangan nilang mangkukulam si Donaio ayon sa kanilang pagmamasid.

Nang araw din iyon, dumalaw ang mag-asawang Donaio at Hirang sa may karamdamang Rahana. Sa pinto pa lang, hinarang na sila ng magkapatid na Dayang.

“Ikaw lang ang maituturing na may pinakamatinding galit sa Ina naming Rahana. Ikaw ang mangkukulam!” salubong ni Dayang Giliw kay Donaio. Tinitiyak ang paratang.

“Tama ang kapatid kong Giliw. Ikaw lang ang may kapangyarihan upang gantihan ang aming Inang Rahana!” katig ni Dayang Sinta. Nandidilat ang mga mata.

Bahagyang napaurong si Donaio. Nabigla sa kanyang narinig. Hindi makapagsalita o makapangat’wiran pagkat wala siyang alam sa masamang gawain.

Si Dayang Hirang ang namula sa galit. Siya ang sumalag. “Hindi mangkukulam ang asawa ko! Malinis ang kanyang budhi at kailan ma’y wala siyang kapangyarihan upang gumawa ng masama.”

Katigan mo ang iyong asawa, pagkat ikaw man ay may binabalak na masama. Gusto mo ring mawala ang Ina naming Rahana!” bulyaw ni Dayang Giliw. Naniningkit ang mga mata sa galit.

Nakapamaywang din si Dayang Sinta at nagtutungayaw na nagbadya. “Hindi ninyo madadalaw ang mahal naming Rahana! Lumayas na kayo hangga’t hindi pa ipinag-uutos ni Dayang Giliw ang pagdakip sa inyo!”

“Talagang napakababa ang pagtingin ninyo sa amin.” Namamalisibis ang luhang sabi ni Dayang Hirang. “Kailan man, hindi ko natikman ang ituring ninyo akong pinsan. Aalis kami, at sana, loobin ni Allah ang paggaling ng ating mahal na Rahana.

Ismid lang ang isinagot ng magkapatid na Dayang. Agad na tumalikod at pumasok sa pintong ipinagkait sa mag-asawang Donaio at Hirang.

Nang sandali ring iyon, agad nagkaroon ng sanggunian ang lupon ng matatanda at matatalinong tao na nagmula sa iba’t ibang pook ng Haranggani. Sinuri nilang Mabuti ang sakit ng Rahana, hanggang sa matuklasan nilang ang karamdamang iyon ay likha ng may maitim na budhi. Lahing mangkukulam na maaaring naninirahan sa malayong kabundukan at hindi ang pastol. Ang suliranin. Hindi nila alam ang gamot sa kulam.

“Mahiwaga ang karamdaman ng ating Rahana. Kung hindi maaagapan, tatlong araw na lamang ang itatagal ng kanyang buhay. Matutuyo ang katawan at magmimistulang ibinilad sa araw.” anang pinakamatandang manggagamot.

Sa dahilang iyon, agad nagpatalastas ang kastilyo sa iba pang manggagamot sa loob at labas ng Haranggani. May pabuya sa sino mang makapagsasabi sa tamang panlunas sa kulam. Kaya ng araw ding iyon, isang matandang lalake ang nagsadya sa kastilyo. Nagpakilalang manggagamot, ngunit hindi sinabing dati rin siyang mangkukulam na nakatira sa paanan ng bundok.

“Alam ko ang lunas sa karamdaman ng Rahana.” Ang sabi pang ngumunguya ng dahon sa bunganga. “Ngunit gusto kong liwanagin ang nais kong pabuya.”

“Ano ‘yon, katanda? Sabihin mo’t matutupad kapag tama ang iyong panlunas.” sagot ng isang matandang lupon.

“Natitiyak kong gagaling ang Rahana. Ang gusto kong pabuya ay dalawang baka, isang toro at isang dumalaga.” sagot ng manggagamot sa kulam.

“Matutupad ang gusto mo katanda. Ano ang gamot? ‘tanong uli ng lupon.

“Ang bunga ng pandagiri. Mabisang panlunas sa kulam.” sagot ng matanda.

“Saan makukuha ang bungang iyon?” tanong uli ng lupon.

“Ang puno ng pandagiri ay matatagpuan lamang sa kagubatan ng Pinta Puyo. Nasa kapusuran at naliligid ng iba’t ibang mababangis na hayop. Bukod roon, higit na mapanganib ang tinuran kong puno. Kapag nilapitan, ang baging niyon ay parang latigong nanghahagupit. Napakalakas. Kayang tapyasin o putulin ang katawan ng sino mang tamaan.” anang matandang taga bundok at saglit na tumigil sa pagsasalita. Nilinga ang kapulungan ng bayan upang ipahiwatig ang mga bakang panghila ng kariton, bago nagpatuloy sa pagnguya na kung anong dahon sa kanyang bunganga.

“Sino ang kukuha ng bungang iyon?” patlang na tanong ng kapulungan.

“Ikalat sa buong bayan ang balita!” sagot ng isa sa isang matandang lupon. “Kung mahal nila ang Rahana, magkukusa ang mamamayan na kunin ang tanging lunas. At ikaw naman katanda, pag gumaling ang Rahana, kunin mo sa pastulan ang dalawang baka.”

Kumilos ang madlang nasa kastilyo. Tulung-tulong sa pagbabalita. Kumalat ang kahilingan at may gantimpala pang nakalaan sa sino mang makakakuha ng nasabing bunga. Ang puno ng pandagiri na tanging iisa lamang sa pusod ng kabundukan.

Naghintay ang madlang kalikasan sa darating na pangyayari. Maghapong umasa na makukuha ang nag-iisang lunas sa ganoong sakit kahit batid nilang mahirap matamo ang hangaring iyon.

Tahimik ang bawat sandali sa mga nakapaligid, habang ang Rahana ay nahihirapang mag-isa sa taglay na karamdaman. Dumaraing. Hindi makakilos na para bang ang katawan ay nagiging tuod. Tumitigas at pumapayat. Dalawang araw na lamang ang nalalabi sa kanyang buhay. Dumidilim at wari’y iyon na ang parusa sa kanyang mga pagkakasala.

Nang gabi ring iyon, nag-iisang nag-iisip si Donaio kung paanong gagaling ang Rahana. Nakaupo siya sa kanyang himlayan na nasa lilim ng punong kahoy. Nag-aalala. Gustong makatulong. Kahit sa isip, hindi siya nagbalak na maghalukipkip lamang ng kamay at maghiganti kaya hiniling niya sa mahiwagang tungkod ang paggaling ng Rahana at iyon ay alang-alang din kay Dayang Hirang. Ngunit parang may naririnig siyang tinig mula kung saan. Nakatakda na raw ang tadhana. Gagaling ang Rahana sa ikatlong araw at iyon ay sa tulong din ni Donaio. Kailangan na niyang matulog.

Noon naman, ang dalawang Dayang na anak ng Rahana ay nakabantay sa may sakit. Umiiyak ngunit nagngingitngit ang kalooban dahil sa kinamulatang kaugalian ng Haranggani. Natatakot sila sa batas ng bayan.

Ang kaharian ay may panuntunan. Kapag ang isang namumuno sa kastilyo ay biglang namatay at hindi naisalin ang kanyang kapangyarihan sa sino mang ninanais, ang lupon ng matatandang Moro ng Haranggani ang hahatol kung sino ang hahawak sa kastilyo. Sila ang mamimili sa mga taong may karapatan at malapit ang ugnayan sa katungkulan.

“Kapag namatay ang Inang Rahana, tiyak na makakasama sa pagpipilian si Dayang Hirang!” paangil na wika ni Dayang Giliw.

“Ganoon nga ang mangyayari. Alam ng mga matatanda ang talagang nararapat lumuklok sa trono. Si Dayang Hirang ang kanilang pipiliin.” sagot ni Dayang Sinta. Umaasik at pairap ang tingin sa Inang may karamdaman.

“Kailangang mabuhay ang ating Ina. Kailangang makuha ang bunga ng pandagiri. Magdaragdag tayo ng gantimpala sa sino mang makakakuha.” sabi ni Dayang Giliw, kasabay ang pamamaywang. Nilinga ang paligid ng silid at tila nagpaparinig sa kanyang asawa.

Lumipas ang dilim at muling lumiwanag. Ang hinihintay na bunga ng pandagiri ay hindi dumating. Bagkos, katotohanang ang kanilang napatunayan.

“May kimkim na galit ang mga mamamayan!” anang punong matanda sa kapulungan. Tumindig mula sa kinauupuan at naglakad na paikot sa hapagan.

“Utusan ang hukbo ng kastilyo upang gawin ang nararapat!” mungkahi ng isang matanda.

“Matutupad ang sinabi mo, katanda. Kung ang lahat sa lupong ito ay papayag, matapos akong magpaliwanag.” sabi ng punong matanda at bahagyang lumayo habang nagsasalita. “Sa batas ng Haranggani. Ang lupon ng matatanda ang masusunod kapag hindi makapagpasiya ang pinakamataas na pinuno ng kastilyo. Payag ba kayong lumayo ang hukbong tagapagtanggol ng mga mamamayan, gayong nasa tabi lamang ang panganib? Ang lahing Ulikba ay nasa labas lamang ng hangganan. Alam nating lahat ang kasaysayan. Napapanahon ang paglusob ng mga Ulikba. Ano mang araw. Ano mang sandali, mauubos ang mamamayan ng Haranggani. Kulang ang hukbong maiiwan sa kastilyo. Payag ba kayong mabuhay ang isang pinuno at mamatay naman ang buong nasasakupan nito?” tanong pa ng matandang pinuno ng lupon at humakbang na palapit sa hapagan.

Natigilan ang kalupunan. Hindi nagsalita ngunit sabay-sabay na umiling at ipinahiwatig ng kamay ang pagtanggi.

Humingang malalim ang tagapagsalita bago nagwika. “Gayon man, alang-alang sa Rahana, kahit kaunting kawal ay uutusan nating magtungo sa bundok ng pinta puyo. Kailangan magkaroon ng pag-asa ang buhay ng Rahana. Makikipagsapalaran tayo.”

Nang araw pa ring iyon, kasalukuyang nagsasaya ang kaharian ng Mahikalandia dahil gising na si Reyna Aia, at nakangiting naupo sa kanyang tronong kristal.

“Naia.” baling niya sa butihing Ada. “Nakita kong natutulog si Soraia. Bakit siya naririto? Bakit iniwan niya ang pook na kung saan ay doon ko siya itinalaga?” tanong pang nauwi sa galit ang pagngiti.

“Mahal na Reyna Aia. Mahaba pong salayasayin.” sagot ni Naia habang nakalupasay sa malambot ng hagdanang tila alpombra ang kapara.

“Hindi ko mahihintay ang mahabang salaysayin.” anang Reyna Aia at nahalata sa maganda niyang mukha ang pag-aalinlangan. Nag-isip at kapagkuwa’y muling nagsalita. “Kunin ang orasan ng mga taon at ibigay sa akin!”

Pumalakpak si Naia at karakang tumalima ang maraming lambana. Kinuha nila sa patungan ang nasabing bagay at tulung-tulong nilang inilipad, patungo sa ulunan ng Reyna.

Ang tinaguriang orasan ng mga taon ay hugis korona. Diyamante ang kapara at may hiwagang taglay.

Nang maiputong sa ulo ng Reyna ang tila koronang orasan, may liwanag na umikot sa paligid. Mabilis na nagbalik ang mga taon. Kung ano ang gustong malaman ay siyang ipapasok sa isipan nang sino mang may putong sa ulo at parang naroroon siya nang iyon ay maganap.

Si Soraia ang tampok sa gustong malaman ni Reyna Aia. Simula sa pagiging malapit at pagkakaroon ng ugnayan ni Soraia kay Cordova hanggang doon sa sinapit ni Don Donaio, mula sa labas at loob ng Mahikalandia.

Nagngingitngit ang kaloobang pinalis ni Reyna Aia ang nakaputong sa kanyang ulo. Nasusuklam na di mawari sa mabilis na paghagod sa kanyang buhok. Nagdadabog ang kilos.

Nakamasid lamang si Naia. Sinusukat ang magiging poot ng Reyna at handa siyang tumalima sa ano mang ipag-uutos.

“Bukas! Sa paggising ni Soraia! Iharap siya sa akin upang maparusahan! Wala siyang karapatang parusahan ang mga nilalang na tao, lalo na si Don Donaio!” sigaw ng Reynang tumataginting dahil sa mga kristal nagsabit sa paligid.

Laganap na ang anag-ag ng dilim sa bayan ng Haranggani, ngunit hindi pa rin nagbabalik ang limang kawal na naatasang magtungo sa bundok ng Pinta Puyo. Ang pag-asa ng mga nasa kastilyo ay nilamon ng dilim. Naging hating-gabi hanggang sa sa muling sumilay ang bagong umaga.

Lulugu-lugo sa antok ang pinunong matanda nang magsalita. “Mayroon pa bang kabataan ang handang sumabak sa ganitong pagkakataon? Bukod sa mga kawal, mayroon pa ba?” inulit ang tanong upang marinig bagama’t umalsa ang sigabo sa tawag ng pangangailangan.

“Kami!” pasugod na sigaw ni Konde Orolfo, kasunod niya si Duke Rendon. “Alang-alang sa ating mahal na Rahana, ibibingit namin ang sariling buhay makuha lang ang bunga ng pandagiri!” dugtong pang nagyayabang.

“Handa akong maghantad ng buhay sa mapanganib na kagubatan ng Pinta Puyo!” sabi naman ni Duke Rendon. Namamayagpag ang anyo.

“Mapalad ang Rahana sa pagkakaroon ng manugang na tulad ninyo. Pagpalain kayo ni Allah.” nagkakaisang puri ng mga matatanda.

Lalong lumiyad ang didib ng dalawang pinapurihan. Nasa kanilang mukha ang kasigasigan sa pagkuha ng bungang pandagiri, ngunit sa ubod ng kanilang kaisipan, gagawin nila ang bagay na iyon, dahil kung mamamatay ang Rahana, maliwanag na si Dayang Hirang ang pipiliin ng mga matatanda bilang kapalit sa kapangyarihan.

Nagtaas din ng baba si Dayang Giliw at Dayang Sinta. Pahiwatig sa katapangan ng kani-kanilang asawa, at iyon ay hindi kayang gawin ng asawa ni Dayang Hirang.

Nagpalakpakan ang kalupunan ng mga matatanda. Binigyan dangal ang harapang iyon sa magagandang papuri.

Kinabukasan. Madilim pa ay gumayak na sina Konde Orolfo at Duke Rendon. Baon nila ang pagbubunyi ng dalawang Dayang na kanilang kataling damdamin sa pag-aalalang mamamatay ang Rahana nang wala sa panahon.

Maging sa labas ng kastilyo ay naroon pa rin ang pagyayabang sa anyo ng dalawang may dugong berde. Nakataas ang mga noo. Nakasakay sa kabayo, kasunod ang may dalawampung kawal na pawang may baril de pana. Ang mga iyon ay galing pa sa kaharian ng Borgandi at Batalya.

Iba ang nasa ngiti ng mga mamamayan. Ang pag-uyam at panalangin na sana ay mabigo ang layunin ng kastilyo. Gustong mapalitan na ang kanilang Rahana, at iyon ay ipinagsisigawan nila sa kapakanan ni Dayang Hirang. Ang tunay na karapat-dapat sa luklukan ng kapangyarihan. Ang Dayang na sa ngayon ay alam nilang umabot na sa tamang gulang, ngunit tila malabo pa ring maihayag ng Rahana sa ganoon niyang kalagayan. Batid rin nilang sa kagustuhan ng Rahana, hindi tataas ang pagkatao ni Dayang Hirang kundi lalo pang bababa. Iyon talaga ang ikinaaayaw ng mga mamamayan at pangalawa na lamang ang pagtataas ng buwis.

Malakas ang loob ng dalawang dugong berde sa susuungin nilang panganib pagkat subok sa tapang at galing ang mga kawal na sa kanila ay magtatanggol. Bukod roon, marami ang dala nilang palaso. Matatalas ang kanilang sable at may punyal pang nakasuksok sa baywang.

“Uubusin natin ang sinasabing mababangis na hayop sa Pinta Puyo.” humahalakhak pang sabi ni Konde Orolfo at tinapik-tapik pa ang kanyang sable na ang hugis ay may bahagyang pagkabaluktot at nakasuksok sa tagiliran ng kabayo.

Sa ganoong pagkakataon, hindi padadaig si Duke Rendon. Agad ring nagyabang at pinatigas pa ang kalam’nan sa braso bago nagwika. “Kahit sa buno, hindi tatagal ang mababangis na hayop. Babalian ko sila ng buto!”

“Ipaghahampasan at ibabalibag ko sila sa malayo!” muling pamamayani ni Konde Orolfo sa pag-asang sila ni Duke Rendon ang pinakamagaling sa larangan ng buno.

“Pero, teka!” sabi ni Duke Rendon. “Isama natin ang pastol. Gawin nating pain sa mga mababangis na hayop!”

“Mabuti nga!” nakatawang sabi ni Konde Orolfo. “Pero, ang natitiyak ko, iluluwa rin ‘yon kapag nalasahan ng mga hayop!” dugtong pang naging halakhak ang tawa at inanyo ang malakas na paglura sa lupa upang ipakita ang sinasabing masamang lasa.

“Ang mahalaga,” ani Rendon. “mayroon tayong pain at baka sakaling lunukin din siya ng mga masisibang buwaya sa katihan.”

Nasunod ang kagustuhan. Dumaan nga sa pastulan ang pangkat na patungo sa Pinta Puyo. Inabutan nilang nakahiga ang pakay sa upuang nasa lilim ng puno.

“Hoy, Pastol!” bungad ni Orolfo kasabay ang pagbaba sa kabayo. “Upang maging kapakipakinabang ka sa mata ng Rahana. Sumama ka sa amin!”

“Bakit? Saan tayo pupunta?” tanong ng pastol, halata ang katamlayan sa marahang pagbangon. Namumula ang mga bukol na parang hinog na sa panahon.

“Kailangan ng mahal na Rahana ang bunga ng pandagiri upang siya ay gumaling. Iyon ang tanging makakapigil sa kanyang kamatayan!” sagot naman ni Rendon.

“May sakit din ako, o mga bilas kong may dugong berde. Nagpuputukan ang mga bukol ko.” daing ni Donaio pagkat totoong mabigat ang kanyang pakiramdam.

Malakas na humalakhak si Rendon bago muling nagwika. “Pasalamat ka, o bilas naming may dugong burak. Papanaw na at mapaparam ang mga bukol mo sa katawan. Sumama ka sa amin nang magkaroon ng kabuluhan ang nakakapag-alinlangan mong pagkatao.”

“Nahihirapan ako, o mahal kong mga katoto. Nanginginig ang tuhod ko at hindi mahihakbang.” samo pa ni Donaio.

Bahagya namang sumungaw sa kubo si Dayang Hirang. Agad nangatuwiran habang hawak ang kumot na ibabalabal sa pastol. “May sakit ang asawa ko. Huwag ninyong pilitin!” may galit pa ang huli niyang bigkas.

“Hindi maaari!” giit ni Orolfo. “Sa paningin ng mahal na Rahana at sa ngalan ng kastilyo, kaming tatlong manugang ang nararapat na magtulungan at magdamayan upang mahango siya sa karamdaman.”

“Gusto ko sanang maglingkod sa Inale kong Rahana. Pero, ayaw niyang tumuntong kami kahit sa paligid lamang ng kastilyo. Paanong makakatulong ang asawa kong may karamdaman din kung sa pinto pa lang ay pinagsasarhan na upang hindi makapasok?” giit din ng Dayang nang makababa at makatuntong sa lupa.

“Mahalaga ang buhay ng Rahana. Huwag na tayong magtalo at baka magahol lang kami sa patutunguhan!” yamot na sabi ni Orolfo.

“Sasama na lang ako, aking Hirang.” awat ni Donaio sa asawang handa na namang mangatuwiran.

“Mahihirapan ka!” habol ni Hirang sa asawang nagpauna pa sa pag-alis.

“Hindi aking mahal. Sapat na ang pag-aalala mo upang ako ay lumakas.” ani Donaiol sa paglingon at hawak pa ang mahiwagang tungkod.

“Dakilang dula ng buhay!” sigaw ni Rendon kasunod ang malakas na halakhak.

“Siyang tunay, aking bilas. Ngayon lang ako nakarinig ng labis na pag-aalala ng isang asawa. Isang dula ng pag-ibig mula sa puso. Nakakainggit ka pastol!” nanggigigil na hagikhik ni Orolfo at itinulak pa ang kaagapay sa kabayong si Rendon.

Nakitawa rin ang mga kawal na nakasakay din sa kabayo. Isa man ay walang gustong mag-angkas kay Donaio. Hinayaan nilang maglakad at pinauna pa mandin bilang tagapagturo ng landas.

“Bilisan mo ang paglalakad!” sigaw ni Orolfo kay Donaio nang magsimulang pasukin nila ang kagubatan. Masukal at maraming sanga ng puno ang nagsalabid sa kanilang daraanan. Kailangan nilang bumaba sa kabayo upang maglakad lamang.

Matapos maitali ang kani-kanilang kabayo sa mga puno, muling nanguna si Donaio sa patutunguhan. Alam niya ang daan dahil sa pagtuturo ng mahiwagang tungkod. Nasa likuran niya ang kawal na sadyang alam ang landas na kinaroroonan ng punong pandagiri.

Lumitaw ang likas na karuwagan ng dalawang may dugong berde. Lagi silang nasa gitna ng mga kawal at ayaw mahahantad sa kinatatakutang panganib.

Sa pagkakataong iyon, nalubos ang pagputok ng mga bukol ni Donaio dahil sa malimit na pagkakasabit sa tinik ng mga halaman. Parang lobo na ang laman ay hangin. Alam niyang iyon na ang katapusan ng kapangyarihan ni Soraia at babalik siya sa tunay na anyo. Ayaw niyang masaksihan ng mga kasama ang pangyayaring darating. Nagkunwa siyang nanghihina at walang malay na natimbuwang. Kahit anong pilit, hindi siya bumangon sa pagkakasubsob.

“Walang pakinabang!” ani Orolfo at tinadyakan pa si Donaio.

“Iwan na lang siya!” sabi naman ni Rendon sa nasang marating na agad ang pakay, pagkat sa anyo, matatagalan ang pilitan. Magagahol sila sa panahon at lalong mapanganib kung sila’y gagabihin sa gitna ng gubat.

Nang araw ding iyon, gising na si Soraia at nasa harap na ng kanilang Reyna. Pinagagalitan at hinatulan ng isang kaparusahan.

“Tatlong nilalang ang nagdusa dahil sa ginawa mong kasakiman. Noon pa ay sinabihan na kitang huwag makilaguyo sa di mo kauri. Wala tayong karapatan na umibig pagkat nilikha tayong walang kasamang lalake.”

“Ngunit may puso ako, mahal na Reyna.” sagot ni Soraia at idinikit pa ang palad sa tapat ng kanyang dibdib.

“Siyang tunay upang tayo ay maging maawain sa mga taong kailangan ang kalinga. Ngunit ano’ng ginawa mo? Sinaktan mo ang kanilang damdamin at pinutol mo pa ang ugnayang magulang at anak. Pinaglayo mo sila sa gitna ng dusa.” madamdaming usig ng Reyna.

“Sinaktan ako ni Cordova. Dapat lang na magdusa rin sila at umaasa naman ako na sa akin ka aayon, dahil sa matagal nating pinagsamahan.”

“Baliw!” sigaw ni Reyna Aia at muling tumaginting ang kalansing ng mga nakabiting kristal sa paligid. “Ugaling Burukantada ang lumalabas sa iyong bibig. Mula ngayon, ipinagbabawal ko sa iyo ang lumabas sa kahariang ito. Ayokong pakialaman mo ang buhay ni Don Donaio. Isusumpa kita!” banta pa ni Reyna Aia. Namumula ang mukha sa tindi ng galit.

Nakasilip naman ang mga lambana sa kinakapitan nilang nakasabit na kristal. Ang mga Ada ay palihim ding nakikinig habang naglilimayon sa paligid at ang mga diwata ay ganoon din si Naia. Masaya ang lahat.

Ang pinakamasidhi ay si Naia. Nakaupo sa tabi ng trono ni Reyna Aia. Maluwag ang kalooban dahil sa kasiyahan, at pakiramdam niya, ligtas na si Donaio.

Samantala, mainit na ang sikat ng araw nang tumawid sa isang maluwang ngunit mababaw na ilog ang pangkat nina Orolfo at Rendon. Handa ang kanilang baril de pana sa ano mang panganib. Hawak naman ng dalawang pinuno ang kanilang sable at handa ring iwasiwas kung may darating na labanan.

Bigla. Nakakapangilabot tingnan mula sa ibayong pampang ng ilog ang paglusong ng mga naglalakihang mga buwaya. Bumulusok sa tubig at bumula ang paligid.

Nagtatalon sa tubig ang dalawang duwag sa tiyak na kamatayan. Nagkubabawan at itinuturo ang papalapit na buwaya.

Nagliparan ang maraming palaso. Umiral ang kasanayan ng mga manunudlang taga Borgandi at Batalya. Magigilas. Walang pasumala sa malapitang agwat ng puntirya. Kitang-kita nila ang mabilis na paglapit ng mga buwaya. Mata at ilong lamang ang nakikita sa ibabaw ng tubig. Ang iba ay nakikita nilang hantad ang likod sa mababaw na pagsisid. Nagmamadali upang sila ay silain at gawing pamatid-gutom.

Subalit nakatakda ang malupit na hagupit ng tadhana. Nagpapasag ang mga buwaya nang magsitusok sa kanilang mata ang matutulis na palaso. Bumaon at umabot hanggang sa utak ng kanilang bungo. Tumihaya sila sa tubig at humantong sa biglaang kamatayan habang inaanod ng tubig. Ngunit ang mga nasa ilalim ay mabilis na nagsulputan. Nanagpang at pinagdikdikan sa ilalim ang bawat mahagilap.

Lumaban ng sabayan ang mga kawal. Hawak ang punyal at payakap na nilaslas ang tiyan ng buwaya. Nalabusaw at nagkulay dugo ang tubig. Kalaunan, nanaig ang galing ng tao sa larangan ng labanan, ngunit apat rin ang nalagas sa mga kawal.

Pag-ahon pa lang nila sa kabilang pampang ay saka lang nila napagmagsdan ang kinakaharap na kagubatan. Ang Pinta Puyo. Ang bundok na bihirang marating ng tao. Higit na masukal. Kailangang gamitin ang kanilang sable upang tabasin ang mga sangang nakaharang. Ang nilalakaran nila ay madamo at tahanan ng mababangis na hayop. Doon ay nakita nila ang bangkay ng limang mandirigmang Moro. Magkakalayo ang agwat at pawang nangingitim ang balat.

Tumindi ang sindak ng dalawang may dugong berde. Natatakot sa di malamang panganib ang kanilang tatahakin. Nanghihinayang din pagkat kung naisama lang nila si Donaio, mayroon silang pain at hindi sila mababawasan ng kawal, ngunit wala namang gustong bumuhat sa taong bukulin.

“Mag-iingat kayo!” babala ng nauunang kawal. “Naglipana sa damuhan ang ahas na walang buntot. Magkabila ay ulo!” dugtong pa habang hawak ang sableng panagpas ng ahas at iwinawasiwas sa damuhan.

Lalong natakot sina Orolfo at Rendon. Magkahawak at pilit na nangungunyapit sa bawat isa upang hindi sumayad sa damuhan ang kanilang paa. Napapasigaw. Parang babaing napapatili pagkat alam nila kung gaano kabagsik ang kamandag ng ahas na dalawa ang ulo. Namalagi sila sa gitna ng mga kawal.

Di kaginsa-ginsa’y narinig ang magkakasabay na huni ng kung ano. Matinis. Mistulang pinupunit na dahon ng niyog. Gumalaw ang damuhan at nahawi ang mga dahon, papalapit sa kanila.

“Humanda kayo!” sigaw ng nauunang kawal at tumalaga sa pananalasa. Nakita niya ang mahahaba at nangingintab na kaliskis ng mga humuhuning ahas. Nakapabilog at tila gulong na umiikot sa pagsugod.

Nakahanda ang mga kawal. Alam nilang lumulukso ang mga ahas at pumupulupot sa leeg ng tao, kasunod ang pagtuklaw sa mukha ng kung sino man.

Ganoon nga ang nangyari. Mistulang nagliparan ang mga ahas. Handang manuklaw, subalit bihasa sa pagwasiwas ng sable ang mga kawal. Bumagsak sa damuhan ang mga ahas na putol ang katawan.

Napilitang makigaya ang mag-pinsang Orolfo at Rendon. Tagpas dito at tagpas doon ang ginawa. Kailangan nilang lumaban upang mabuhay, ngunit laging kasabay ang pagsigaw at parang nandidiri.

Maraming ahas ang namatay at nagkalat sa damuhan. Ang iba nama’y gumagapang pa kahit hati na ang katawan. Pilit ang pagnanasang makaganti. Ang makalapit sa kalaban.

At iyon ang pagkakamali ng anim na kawal. Nalingat sila. Biglang bumula ang kanilang mga bibig at bumagsak na nangingisay.

Muling nanlupaypay sa panghihinayang ang mag-pinsang Orolfo at Rendon. Kung kasama lang daw nila si Donaio, madali nilang mauutusang manguna at ipain sa tuklaw ng ahas, at di sana nabawasan ang kanilang kawal.

Nagpatuloy na nanuot sa kasukalan ang pangkat na may layunin. Labing dalawa na lamang sila. Anim ang kawal ni Orolfo at apat ang kay Rendon. Ngayon ay nasa loob na sila ng kakahuyan. Mga punong kahoy na nagtatayugan sa taas at ang katawan ay hindi mayayakap ng dalawang tao. Sa pagkakataong iyon, inalis nila sa balikat ang nakasakbat na baril de pana. Kinasahan ng palaso. Iniharap sa panibagong panganib at naging mailap ang mga mata sa pagkakatingala.

Hindi nagkabula ang sapantaha. Bumagsak ang lupit ng kamatayan. Mula sa punong kahoy, naglawitan ang maraming sawang bitin. Mga dambuhalang ahas na ga-hita ang kabilugan ng katawan, kahit kalabaw, kayang angatin sa lupa.

Nabigla ang pangkat. Pinana ang mga sawa, ngunit hindi sapat ang kanilang palaso upang mapabagsak ang maraming ahas na kasalukuyang nakalawit sa mga punong klahoy. Apat sa mga kawal ang nasambitla. Pinuluputan. Inangat sa lupa. Niligis ang lumalagutok pang buto sa katawan at narinig ang nakakakilabot na daing.

Bilang ganti, muling nagkasa ng palaso ang mga dayuhan at pinagpapana ang ilan pang sawang nakabitin sa punong kahoy. Ang kahusayan nila sa ganoong sandata ay walang pasumala. Mistulang naging tuhugan ng palaso ang katawan, ang bunganga ng mga nasabing dambuhala. Lumagabog sa lupa, kasama ang apat na kawal. Wala nang buhay.

Bawat pagkalagas ng mga tauhan, kay Donaio naibubunton ang sisi. Talagang gustung-gusto nilang isabak sa unahan ng panganib ang kaawa-awang pastol. Walang halaga sa kanila kung mamatay man iyon.

Ngayon ay walo na lang sila. Lima pa ang kawal ni Orolfo at isa na lang ang kay Rendon. Ang tanging tauhan na nakakaalam sa landas, patungo sa punong pandagiri.

“Sa kabila ng burol na iyon, nasa ibaba ang kapatagan.” anang nangungunang kawal. “Doon ay malinis ang paligid. Sa gitna niyon, makikita ang nag-iisang puno ng pandagiri.” dugtong pa sa pagitan ng paghingal.

“Kung gayon, malapit na tayo!” nasasabik na wika ni Orolfo at agad naparam ang pangamba. “Ganoon lang pala ang sinasabing panganib. Kayang-kaya nating lusutan!” dugtong pang hindi napigilan ang paghalakhak.

“Talagang hindi mananaig ang hayop sa tao, lalo na kung tayo ang makakaharap!” pagyayabang ni Rendon pagkat katibayang ngang masasabi, may anim pa silang tauhan.

Sa kabilang dako ng kaparangan at gawing paanan ng kagubatan, unti-unting naparam ang pamimigat ng katawan ni Donaio. Dumating na ang takdang panahon. Naglaho na ang kapangyarihan ni Soraia. Nagbalik na sa tunay na anyo ang tinaguriang pastol.

Bumangon sa pagkakadapa si Donaio. Magaang na ang kanyang pakiramdam. Mistulang nalimbag sa kanyang isipan ang likas na katalinuhan. Lumawak ang kanyang kaalaman sa ano mang bagay. Hindi na siya kababakasan ng kamangmangan at pagiging katatawanan.

Matikas na ngayon ang tindig ni Donaio. Nawala ang bukol sa katawan. Naunat ang likod. Pumuti ang dating maitim at magaspang na balat. Makinis na ngayon pagkat lumitaw na ang likas na anyo. Mamula-mula ang mukha at larawan ng higit pang kakisigan na walang kapara at sino mang dilag ay hahanga kapag siya ay namalas.

Labis ang kaligayahan ni Donaio sa nararamdaman at nakikitang pagbabago ng kanyang anyo. Ilang ulit na inunat-unat ang kanyang likod at hinaplos ang kanyang mukha bago napatingala bilang pasasalamat sa natamong kagalakan.

Kalauna’y biglang naalala ni Donaio ang pinakamamahal niyang Dayang. Ibig na niyang makaharap at mayakap, ngunit bigla ring natigilan nang pumasok sa kanyang isipan ang mga bilas na tampalasan. Agad niyang hinugot sa baywang ang mahiwagang tungkod at nagwika. “Ipagkaloob mo sa akin ang tunay na kasootan ng isang tunay na Don ng Mauritanya. Bigyan mo rin ako ng kabayong may pakpak na siyang maglilipad sa akin, patungo sa punong pandagiri.

Pagkawika, parang dumaan lamang ang malakas na hangin. Naganap ang kahilingan. Mistulang naukit sa talaan ng tadhana ang likas na katuparan. Nakasakay sa kabayong puti si Donaio at lumilipad sa ibabaw ng kakahuyan.

Ilang sandali lang ay malayo agad ang lumilipad na kabayo. Pagaspas lamang ang maririnig sa lilim ng mga punong kahoy. Lumilikha ng malakas na hangin at nagpapahapay sa mga sangang madahon.

Napatingala sina Orolfo at Rendon, sampu ng kanilang mga kawal. Ngunit wala silang makita, dahil sa masinsing dahon ng kakahuyan. Nakabakas sa mukha ng mag-pinsan ang panibagong sindak. Hindi nila alam kung ano ang nagdaan. Kapagkuwa’y sabay pa silang napangiti. Baka daw iyon ay daluyong lang ng hangin at patunay naman ng nawala ang inaakala nilang panganib. Hindi na narinig at naramdaman na lang nila ang paglayo. Gayon man, nakahanda pa rin ang hawak nilang sable.

Ang mga kawal naman ay saka lang nagbaba ng baril de pana, matapos itutok sa itaas. At ngayon, ang puntirya nila ay ang kinakaharap na landasin. Handang panain kung may sasalubong.

Nang mahimasmasan ang pangkat, saka lang nagpatuloy ang pag-akyat nila sa burol. Nangunguna pa rin ang kawal na tagapaghimaton. Nagmamadali. Gustong makita agad ang kabila ng burol. Ang kinaroroonan ng namumungang puno ng pandagiri. Ang bunga na kapag biniyak at ipinahid ang dagta sa balat ng may sakit, kusang gagaling sa isang iglap lamang.

Malilikot ang mata ng mga dayuhang nasa burol. Ang ilan ay nakatingala sa malalaking sanga ng punong kahoy. Tinitiyak kung may nakalawit na sawang bitin. Ang iba nama’y sa ibaba nakatingin. Tinitiyak din ang kaligtasan sa palanas at walang damong kapaligiran.

“Wala akong makitang kalaban!” pasigaw ni wika ni Orolfo. Natutuwa ngunit nanginginig pa rin ang tinig dahil sa pangambang may darating pang hindi nila inaasahan.

“Wala rin akong makitang hayop na maaaring sumalakay sa atin!” ayon din ni Rendon. Ang paningin ay tuwid hanggang sa malayo. Walang makakalapit na hindi nila makikita.

Naparam ang kaba ng dalawang magpinsan. Nagpatuloy sila sa paglakad. Wala na ang sumasalabid na kasukalan. Maaliwalas sa paningin, sanhi upang maging maaliwalas din ang kanilang mukha. Nasasabik na makalapit agad sa sinasabing puno ng pandagiri na ayon sa kawal na tagapaghimaton, nasa kabilang burol lamang.

Nasa gayong tagpo ang kasabikan nang biglang sumigaw ang isang kawal. Pinapapag ang isang munting panganib na lumalakad sa kanyang katawan at kasabay sa pagkaligis ng kung anong iyon, natimbuwang ang kawal. Bumubula ang bibig at pagdaka’y pumanaw.

Nanghilakbot ang pangkat. Nakita nila ang gumagapang na panganib. Mga gagambang balahibuhin. Balbon at mabagsik ang kamandag.

“Akala ko, wala na tayong kalaban!” sabi ni Orolfo habang tumatalong paiwas sa mga gagamba.

Gayon din si Rendon. Palundag-lundag upang kung may gagambang nakakapit sa kanyang damit, agad na mahuhulog.

“Nang huling magawi kami rito, bihira lamang ang mga gagambang balbon. Bakit ngayon ay dumami?” nagtatakang tanong ng tagapaghimaton kasabay ang pagtapak sa mga balahibuhing kalaban.

Ang lahat ay sa lupa nakatutok ang pananaw. Hindi nila napansin ang mga nakalawit na gagamba mula sa itaas ng punong kahoy. Dahil doon, nagsisigaw ang lima pang nalalabing kawal. Agad binukalan ng bula sa bunganga at bangkay na tinanghal.

Parang mga baliw na nagtatakbo ang magpinsan. Hindi na inalintana ang mga balakid na maaari nilang ikadapa. Ang nasa isip nila ay tapakan ang nararapat na pisain upang sila ay mabuhay. Panay ang padyak hanggang sa marating nila ang kabilang dalisdis ng burol. Doon ay patuloy pa rin ang mabilis nilang pagtakbo.

“Ligtas na tayo!” humihingal na sabi ni Orolfo pagkat sa pahapyaw at nagwawating niyang paningin, ang natatanaw niyang paligid ay malinis. Walang puno. Hindi damuhan. Hindi batuhan kundi patag na lupa.

“Talaga?” nagkakandasubasob na tanong ni Rendon at saka lang binagalan ang pagtakbo.

“Hayun!” turo ni Orolfo. “Ang nag-iisang puno ng pandagiri sa gitna ng kapatagan!”

“Iyon nga!” ayon ni Rendon at sinipat na mabuti ang sadya matapos punasan ng palad ang pawis sa paligid ng kanyang mga mata.

Gayon din si Orolfo. Maliwanag niyang nakita ang taong nakaupo sa lilim ng punong pandagiri.

“Baka siya ang may ari ng puno?” sabi ni Rendon. “Dahil kung hindi, balitang nanghahagupit ang baging niyon at natatagpas ang tamaan.”

“Sasaksakin ko siya pag di nagbigay ng pandagiri.” sabi naman ni Orolfo sa anyong nagyayabang at gustong ipaghantaran ang natakluban niyang katapangan.

“Halika!” aya ni Rendon. “Ako ang gugulat sa kanya.” dugtong ding may kayabangan habang hawak ang puluhan ng kanyang sable at naglalakad sa matatag na paraan.

Si Don Donaio ang nakaupo sa tila tronong yari sa lantay na ginto. Mabikas ang anyo at larawan ng walang kapantay na kakisigan. Agad siyang humiling. “Mahiwagang tungkod. Kung ito’y kasalanan, huwag mo akong sundin. Kailangan ko ang mga leon at tigre. Ipahabol mo sila pero, huwag sasaktan. Takutin lamang.” nag-aalinlangan pa niyang hiling habang nakatitig sa dalawang nagmula sa malayo at papalapit.

Pagdaka’y bigla na lang lumitaw ang dalawang leon at dalawa ring tigre. Mabubulas. May angking bagsik at bihasa sa pagtugis. Tumindig silang kumakamot sa lupa ang isang paa na sadyang itinulad sa toro, ayon sa kagustuhan ng mahiwagang tungkod. Pagkatapos, sabay-sabay silang lumundag na paitaas at pagbagsak, magkasabay ding sumibad upang manakot.

Bigla ring napalundag sa takot ang magpinsan nang makita ang sa kanila ay pasalubong. Tumakbo silang pabalik. Nag-uunahan at ayaw paiwan ang bawat isa. Ganoon din sa naraanan nilang puno sa paanan ng burol. Nag-uunahan sila sa pag-akyat at ayaw magpahuli sa takot na makatay.

“Abutin mo ‘ko!” sigaw ni Orolfo nang malapit na siyang abutan ng dalawang leon.

“Kumapit kang Mabuti!” sigaw din ni Rendon habang nakapangabayo sa malaking sanga ng puno. Pilit na itinataas ang pinsan at isinasampa sa kanyang kinauupuan.

“Paanong nagkaron ng leon at tigre sa ating kabundukan?” humihingal na tanong ni Orolfo, matapos maupo sa tabi ng pinsan.

Hindi kumibo si Rendon. Nanginginig. Ang nasa isip niya ay ang kaligtasan. Nakatutok ang paningin sa dalawang leon na nakatingala at sa kanila umuungol.

“Mga ulol!” nagtatapang-tapangang sigaw ni Orolfo. “Hindi ninyo kami maaabot pagkat mahina kayo sa akyatan sa ganitong payat na sanga!” dugtong pang pilit ang pagtawa, kasunod ang paglura sa dalawang leon. Palit-palitan.

Papalapit naman ang dalawang nahuhuling tigre. Sinipat ang tinitingala ng mga leon. Kapagkuwa’y umikot-ikot sa paligid ng puno ang dalawang tigre. Dumadagundong ang ungol. Malakas, lalo na kapag sumasabay ang ungol ng dalawang leon.

Sumasabay din ang halakhak ni Orolfo sa bawat ungol ng mga hayop. Nagpapakitang tapang sa pag-asang ligtas na sila sa itaas ng puno. Ngunit ang pabugso-bugso niyang pagtawa ay nahalinhinan ng sindak. Nanlaki ang mga mata at napapaiyak na binalingan ang pinsan niyang paakyat sa ikalawang sanga ng puno.

Nagdudumali si Rendon sa higit na mataas at madahong sanga ng puno. Nakita rin niya ang kinatatakutan ni Orolfo. Hindi ang mga gagamba kundi ang dalawang tigre na tila pusang umaakyat sa puno.

Nagkakandairi si Orolfo habang umaakyat sa ikalawang sanga. Parang nakikipagbuno pagkat pantay tao ang agwat sa unang sanga na kanilang sinampahan. “Paraanin mo ako!” sigaw pa niya sa nakababatang pinsan. Halos mahulog sa pakikipaggitgitan. Nalubos ang kanyang takot pagkat sa sandaling abutan siya ng tigre at lundagin, tiyak, mahuhulog siya at lalong tiyak na sasaluhin siya ng dalawang leon na nakaabang sa ibaba.

Nasa kataas-taasan na ng puno ang magpinsan at dahan-dahan din silang inakyat ng dalawang tigre nang sumigaw si Orolfo. Nakita niyang nakatindig si Don Donaio at nakatingin sa kanila. “Mahal na katoto! Kung ikaw man ang panginoon ng mga leon at tigre, sawayin mo sila!”

Dinig sa kinaroroonan ni Don Donaio ang panawagan. Nakita niyang nakalundo na ang sangang tinatapakan ng magpinsan. Kanina pa niya pinagmamasdan ang pag-akyat ng mga tigre sa puno at talaga namang hindi niya tutulutang malapa ang kanyang mga bilas. Sumipol siya. Malakas at may ibig sabihin.

Umabot sa leon at tigre ang pasiyok na iyon. Parang nakaunawang lumundag na paibaba ang dalawang tigre at sumunod sa mga leon, pabalik kay Donaio. Nagmamadali at nag-uunahan.

Saka lang nakahinga ng maluwag sina Orolfo at Rendon. Marahan silang bumaba sa puno na nagkataong hindi pinamamahayan ng mababagsik na gagamba, o sadyang iniadya lamang ng mahiwagang tungkod.

“Mabuti na lang at natawagan mo ang kanilang panginoon!” ani Rendon sa pagitan ng hingal at hinaing habang tinatanaw ang mga kinatatakutan nilang hayop na kasalukuyang pumupuyupoy sa paanan ni Don Donaio.

Lumakad ang magpinsan, lumapit sa taong inakala nilang panginoon ng mga hayop at umastang matatapang.

“Kung hindi tayo pinakinggan ng kanilang panginoon, sa pagbunot ko ng aking sable, patay ang mga tigre.” pagyayabang ni Orolfo at kumindat-kindat pa ang mga mata.

Umayon si Rendon. Gusto ring magbangon-puri sa nahantad nilang karuwagan. Pinalaki pa ang boses sa pagsasalita. “Gusto ko na ring bumunot ng sable kung hindi pa lumayo ang mga tigreng iyon.”

Tumawa si Orolfo at nangantiyaw. “Paano kang makakabunot ng sable, e, kapit tuko ang dalawa mong kamay sa sanga ng puno?”

“Iyon din ang tingin ko sa’yo, pinsan. Takot ka ring mahulog sa lupa at baka saluhin ka ng mga leon.” ganting bintang ni Rendon.

“Huwag kang maingay.” Saway ni Orolfo pagkat malapit na sila kay Donaio.

Tumahimik naman si Rendon at tuwid ang ginawang tingin sa patutunguhan. Saka bumulong na lamang. “Bigyan kaya tayo ng pandagiri?”

“Pag di siya nagbigay, tagpas ang kanyang lalamunan. Kasama ang alaga niyang tuta at kuting.” bulong din ni Orolfo. Malakas na ang loob at ang tingin niya sa leon ay tuta at sa tigre naman ay kuting.

“Ngayong nasa patag na lupa ang ating mga paa, matataranta sila sa galing natin sa pagwasiwas ng sable.” ayon pa ni Rendon at higit na hininaan ang bulong pagkat malapit na sila sa harapan ni Donaio.

“Kaibigan naming at katoto. Magandang umaga sa’yo.” bungad ni Orolfo at buong gilas na namaywang, ipinatong pa ang isang paa sa batong naroroon. Ayaw tanggapin sa isipan na ang kaharap nila ay lubhang napakakisig at dahil doon, nagmistula silang mga pangit kapag pinahatulan sa larangan ng pakisigan.

Ganoon din ang nadarama ni Rendon. Gayon ma’y gumaya rin siya kay Orolfo. Taas noo. Nilinga ang paligid. Sumulyap sa mga leon at tigre. Tiniyak na hindi galit at panatag lamang sa pagkakadapa sa magkabilang tabi ng trono na kung saan ay nakaupo ang taong kanilang binati. Pinagmasdan din niya ang punong pandagiri at doon napatunayang hitik na hitik sa bunga.

“Magandang umaga rin sa inyo, mga dayuhang maharlika.” ganting sagot ni Don Donaio at tumindig sa pagkakaupo.

Lalong napaangat ang baba ni Orolfo sa narinig niyang karangalan bilang isang maharlika. Ngumiti at nagwika. “Kami ang tinaguriang dugong berde. Ako si Konde Orolfo. Hawak ko ang mayamang kaharian ng Borgandi.”

“Ako naman si Duke Rendon. Ang makapangyarihan sa kaharian ng Batalya. Maraming mandirigmang kawal na handang sumunod sa utos ko. Magsabi ka lang katoto sa iyong kagipitan at handa ka naming tulungan.”

“Maraming salamat mga kaibigan. Ano’ng sadya ninyo rito?” tanong ni Donaio. Bahagyang nakangiti.

Si Orolfo ang sumagot. “Ang Ina ng asawa ko ay si Rahana Salina ng Haranggani. May malubha siyang karamdaman. Ayon sa manggagamot, ang tanging bunga ng pandagiri ang makakalunas sa kanya.”

“Bigyan mo kami at babayaran ko ng ginto.” sabi naman ni Rendon at kinalog sa pagkakatali ang isang lukbutan.

Bahagyang tumawa si Donaio bago sumagot. “Hindi ko kailangan ang inyong ginto. Tumingin kayo sa lupa.”

Yumuko ang dalawa at sabay pang nanlaki ang kanilang mga mata. Nakita nila ang kayamanang nagkalat sa lupa. Mga batong hiyas at ginto na biglang sumulpot sa bisa ng mahiwagang tungkod. Maging ang tipak ng batong kanilang tinutuntungan habang nakapamaywang ay naging diyamante. Kayamanang sakdal dingal at walang kapara.

“Magturing ka o dakilang Hari ng mga hayop.” sabi ni Orolfo at ngumising nakakatuya. “Sabihin mo kung anong halaga ang katapat ng iyong pandagiri.”

Tumingala si Don Donaio. Tinanaw ang punong namumunga. Umanyong nag-iisip at hindi muna nagsalita.

Ang katahimikan ay sinamantala ni Rendon. Palihim na dinampot ang isang ga-kamaong diyamante at tangkang ipalukbutan.

Maliksing tumindig ang isang leon. Umungol at tila kulog na dumagundong ang boses. Parang ipinahihiwatig na kapag hindi binitiwan ang diyamante, lalamunin niya ang may hawak.

Dagling binitiwan ni Rendon ang nasabing batong hiyas. Pangiti-ngiting nilinga si Don Donaio bago nagwika. “Sabihin mo ang kapalit at aming tutupdin. Kailangan naming ang dalawang bunga na pandagiri.”

“Kahit isa lang ay sapat na.” sabi naman ni Orolfo sa nasang siya lang ang hahawak ng bunga upang ipangalandakan ang kanyang pagiging bayani’

“Hindi maaaring isa lang katoto ko’t pinsan.” giit ni Rendon. “Pag nangyari ang gayon, ikaw lang ang magiging tanawin sa ating pag-uwi. Ikaw lang ang hahangaan dahil ikaw lang ang may hawak ng bunga.” dugtong pang labas ang litid sa leeg.

“Talagang ganoon!” humahalakhak pang sagot ni Orolfo. “Sa akin lang dapat mabunton ang lahat ng papuri, dahil ako ang pinuno sa layuning ito!”

“Pareho lang ang taglay nating kapangyarihan.” sagot ni Rendon. “Dapat ay hati tayo sa karangalan!”

“Karamay ka sa karangalan, o pinsan kong magilas.” sabi naman ni Orolfo. “Pero, sa akin lang nababagay ang paghawak ng pandagiri.”

Natawa di Don Donaio bago nagpalipat-lipat ang paningin sa dalawang nagtatalo. Ang dating mayayabang niyang bilas ay lalong yumabang sa pagkakataong iyon.

“Isa lang ang sinasabing bunga ng pandagiri.” sabi pa ni Orolfo. “Baka makasama kung lumabis!” dugtong pang nakatawa sa anyogn tuso.

“Mabuti na ang labis kaysa kulang!” galit na tugon ni Rendon.

Muling natawa si Donaio bago nagwika. “Nagtatalo na kayo gayong hindi pa ako sumasang-ayon sa inyong kagustuhan.”

“Hindi maaaring ipagkait mo ang aming kailangan!” agad na sagot ni Orolfo. “Buhay ang nakataya rito, at handa naman kaming makipagkasundo kung ano ang gusto mo!” galit pang sudlong.

“Ikaw na rin lang ang nagsabi ng isang kasunduan.” mababa ang tinig ni Donaio. “Nais kong itatak sa inyong pigi kung sino ang nagbigay ng pandagiri.”

“Anong tatak ang ibig mong sabihin?” singhal ni Orolfo at akmang bubunot ng sable upang ipanakot.

Nakamata lang si Rendon ngunit handa ring bumunot ng sable. Nagtapang-tapangan tulad ng kanyang pinsan.

Hindi kumibo si Don Donaio. Naglakad patungo sa likuran ng trono at hinugot sa isang pugon ang nagbabagang bakal na may panatak.

“Ano ‘yan?” singhal ni Orolfo at bahagyang napaurong.

“Masakit ‘yan!” sabi naman ni Rendon. Nanlalaki ang mga mata habang umiiling. Hindi siya papayag na mapaso.

“Makakamit ninyo ang dalawang bunga ng pandagiri kung papayag kayong matatakan nito.” malumanay na wika ni Don Donaio.

“Hindi! Hindi kami papayag!” sigaw ni Orolfo. “Magkakamatayan muna tayo kapag hindi mo kami binigyan ng aming kailangan!”

Sabay-sabay na umungol ang apat na alalay ni Don Donaio. Pinaikutan nila ang mayayabang na magpinsan at akmang sasagpangin.

Maliksing nakapagbunot ng sable ang dalawang dayuhan at nanginginig na iwinasiwas. Mapipilitan silang lumaban pagkat hindi uurong ang mga leon at tigre sa ganoong harapan.

“Papatayin naming ang mga alaga mo!” namamaos na sigaw ni Orolfo. Nanginginig ang tinig at wari’y humihingi ng saklolo.

Pumalakpak si Don Donaio at pagdaka’y bahag ang buntot na nagsitabi ang mga leon at tigre. Nagbalik sila sa dating kinadadapaan.

“Kung hindi rin lang kayo papayag sa aking kagustuhan,” ani Don Donaio, “maaari na kayong umalis.”

“Oo, pero sa aming pagbabalik, malilipol ang lahat ng hayop sa kagubatang ito, kasama ka na!” banta ni Orolfo at agad na sumiksik sa kanyang isipan ang pagsisisi. Dapat sana ay umuwi muna sila sa kani-kanilang kaharian upang makakuha ng malaking hukbo at pataying lahat ang sagabal sa kanilang layunin. Ngunit naisip din niyang wala nang panahon upang mangyari ang ganoon. Hinahabol nila ang huling sandali ng buhay ni Rahana Salina.

“Tama ang tinuran ng pinsan ko at katoto!” sabad ni Rendon. “Magdadala kami ng maraming kawal at kayong lahat ay masasalanta!” dugtong pang nagyayabang at bahagya pang lumapit sa puno ng pandagiri. Tumingala. Binilang ang ilang bungang nagbitin at ka-hugis ng abokado.

Parang may isip ang puno ng pandagiri. Biglang humalibas ang taglay na baging. Iyon ay mistulang latigong asero. Sumisiyok sa bilis.

Kung hindi nakailag si Rendon, tapyas ang kanyang ulo. Dahil doon at sa biglang gulat, hinugot na muli ang kanyang sable sa baywang at sinalubong ng taga ang sumunod na hagupit ng baging.

Sumugod rin si Orolfo at ginaya ang ginawa ng pinsan. Nanalasa sa pagtaga ngunit kisap mata lang, tumilapon ang kanilang sable at kapwa putol sa gitna.

Napaurong ang magpinsan. Nanggilalas. Sabay na natigilan at matagal na napatulala sa inaakala nilang Hari ng ng mga hayop.

“Inuulit ko.” sabi ni Donaio. “Kung hindi kayo papayag sa aking kasunduan, ako naman ay aalis na. Maiiwan ang mga bantay ko rito. Wala nang aawat sa kanila. Pero, kung sakaling makaligtas kayo sa mga leon at tigre, pagbalik ninyong kasama ang maraming kawal, wala na ang bunga ng pandagiri. Ipapakain ko sa mga hayop.” dugtong pang patungo sa pugon upang ibalik ang hawak niyang panghero, o pantatak na may salitang nakaukit.

“Sandali lang!” nabiglang sabi ni Orolfo. “Baka puwede pang baguhin ang gusto mong kasunduan? Baka kahit isa lang, pagkalooban mo ako ng pandagiri.”

Umiling si Don Donaio. Ibinaba sa pugon ang hawak na bakal at humakbang na palayo. Tuluy-tuloy at anyong nagmamadali.

Tumayo sa pagkakadapa ang mga leon at tigre. Tumitig sa magpinsan at nagsiungol na labas ang pangil.

Napalundag sa takot ang dalawang duhagi. Humabol kay Don Donaio at sabay pang nagwika. “Payag na kami, o panginoon ng mga hayop1”

Muling nagbalik sa pugon ang makisig na lalake. Hindi nagsalita at dinampot na lamang ang nagbabagang panatak.

“Ano ba’ng nakasulat diyan?” tanong ni Orolfo. Nanlalaki ang mga mata.

“Huwag ka nang mag-usisa. Ang mahalaga, ibigay ang ating kailangan.” sambit ni Rendon sa pangambang magbago na naman ang usapan.

“Kanina,” ani Don Donaio. “gusto mong ikaw lang ang mabigyan ng pandagiri. Ipinagpipilitan mong kahit isa lang ay puwede na. masusunod, subalit kung sino ang may hawak, siya lang ang tatatakan ko ng nagbabagang bakal.”

“Tama ‘yon!” maliksing sagot ni Rendon. “Payag akong maging Karamay lamang sa karangalan, huwag lang masunog ang tumbong kong matimtiman.” dugtong pang kasunod ang halakhak.

“Aba! Hindi ako papayag! Kailangan ay dalawa kaming magpapatatak. Kailangan ay dalawang bunga ng pandagiri ang ibibigay mo sa amin!” giit ng Konde.

“Kanina, gusto mo ay isa lamang. Talagang tuso ka, Pinsan!” kantiyaw pa ng Duke.

“Oo na!” bulyaw ni Orolfo. “Sige! Ikaw ang mauna!” nanduduro pang sabi at pinairal ang pagkamatanda sa katotong pinsan.

Napangiwi si Rendon bago tumango. Pumayag na siya pagkat saan man sukatin ang kanilang kagustuhan, hindi maaari dahil wala na silang sable at tiyak na doon na rin hihimlay ang kanilang kalansay, matapos papakin ng mababangis na hayop.

“Ibaba ang soot niyong salawal at tumuwad ng patalikod sa aking harapan!” utos ni Don Donaio habang hawak ang nagbabagang bakal.

Nakangiting maasim ang mukha ni Rendon. Tinupad ang utos at pikit-matang tumuwad kasabay ang wika. “Dahan-dahan lang, ha!”

Hindi kumibo si Don Donaio. Pigil pa rin ang pagtawa nang iduldol at ilapat sa pigi ng Duke ang mainit na bagay.

Napalundag si Rendon. Pigil ang paghiyaw sa pangambang matakot si Orolfo at hindi na pumayag patatak. Nangangamba rin siya na matamo man niya ang isang bunga ng pandagiri ay sapilitan namang kunin ni Orolfo upang iyon ay hawakan at ipagyabang. Ganoon ang nakikita niyang mangyayari.

“Masakita ba?” agad na tanong ni Orolfo. Kinakabahan. Hindi mawari ang mukha sa malaking takot.

“Hindi naman.” sagot ni Rendon. “Nakakagulat lang kaya ako napalundag. Ganoon pala ang apoy, kapag sobra ang init at labis ang pagbaga. Parang kagat lang ng langgam.” dugtong pang namamaos at namamasa ang ilalim ng ilong dahil sa pinipigilangpag-atungal.

Dahan-dahang tumuwad si Orolfo. Nag-aalinlangan sa tinuran ni Rendon ngunit wala na siyang mapag-uurungan kundi tanggapin ang nakatakdang kapalaran at pakiramdaman na lamang ang papalapit na kintal sa kanyang puwitan.

Ang katahimikan ng paligid ay ginambala ng nakakatulig na atungal ni Orolfo. Daig pa niya ang mga leon at tigre sa lakas ng ungol nang lumapat na sa kanyang pigi ang nagbabagang bakal. Sumagitsit at naging sanhi upang magmistulang kabayo na sinulsulan ng apoy ang tumbong. Sumirit sa pagtakbo nang paikot-ikot habang itinataas ang salawal.

“Demonyo ka, Rendon!” wika pang may kasamang lundag. “Sabi mo’y kagat lang ng langgam, ‘yon pala’y sagpang ng leon!”

“Totoo, pinsan kong Orolfo. Talagang masakit!” anang Rendon at doon na ibinugnos ang tinitimping sakit. Umatungal na rin at sinabayan ang kanyang pinsan. Gayon man, lihim din siyang nagpasalamat at hindi naisip ni Orolfo ang panlalamang na kanyang pinangangambahan.

Iiling-iling lang si Don Donaio sa pagtawa habang pumipigtal ng dalawang bunga ng pandagiri. Pagkatapos, saka niya inabot sa magpinsan. “Tanggapin ninyo ito at umasang sa pag-uwi, hindi na kayo pipinsalain ng mga hayop-gubat. Makakarating kayo sa Haranggani nang walang panganib at matiwasay.” sabi ni Don Donaio sa dalawang tahimik na ang kalagayan.

Agad namang lumisan sina Orolfo at Rendon. Hawak ang tig-isang bunga ng pandagiri at wala nang sinabi kahit katiting na kataga.

Nakamasid lang si Don Donaio. Hinatid ng tanaw ang dalawang may tatak sa pigi habang nagbubulay-bulay sa sarili. Tahimik lang siya hanggang sa maparam ang tanawing iyon nang makapasok sa kagubatan ang kanyang tinatanaw. Kapagkuwa’y tumindig siya. Kinuha ang mahiwagang tungkod na nakasandal sa tagiliran ng trono at muling kinailangan ang kabayong may pakpak.

Samantala, hindi matapus-tapos ang kabubulong ni Orolfo dahil sa kirot ng kanyang pigi. Ramdam niya, sa kanya ipinagdiinan ni Don Donaio ang nagbabagang panatak at banayad lang kay Rendon. Madalas din niyang haplusin ang bahaging tinatakan ng nakakapasong bakal. Doon ay nakasaad ang katagang “Ang pandagiri ay galing kay Don Donaio.”

Tatawa-tawa lang si Rendon. Kapagkuwa’y nagwika. “Napakasakit nga ang mapaso, pero, sikat naman tayo sa bungang ito.” at hinimas pa niya ang nasabing panlunas. Hindi na pinansin ang masasamang kataga na paulit-ulit niyang naririnig sa bunganga ng kanyang pinsan.

“Kung hindi nagkasakit ang ating biyenan, hindi mapapaltos ang ating tumbong!” ang sabing nakabusangol ang mukha ni Orolfo.

“Sabi ko nga. Sikat naman tayo sa kastilyo.” Paliwanag pa ni Rendon.

“Sikat nga tayo! Pero, hindi man lang natin nabasa kung ano ang itinatak sa ating pigi!” bulas pa ni Orolfo.

“Hindi na mahalaga kung ano man iyon.” ani Rendon. “Nakatago ang ating pigi. Walang makakakita. Walang makakabasa at lalong walang gustong tumingin sa nangingitim nating tumbong.” dugtong pang kasunod ang malakas na halakhak at pilit na iwinaksi ang nararamdaman din niyang kirot.

Matiwasay ang kanilang paglalakad kahit paliyad-liyad dahil sa paltos na kumikirot kapag nasasagi ng kanilang kasootan. Wari’y totoo nga na walang panganib silang daraanan, hanggang sa marating nila ang tatawiring ilog na kung saan ay doon sa kabilang pampang naiwan ang dating bukuling pastol.

Sa tulong naman ng kabayong lumilipad, agad narating ni Don Donaio ang pook na kung saan ay iniwan siyang nakadapa sa damuhan. Agad niyang pinaglaho ang kabayong may pakpak at humiling ng panibago sa mahiwagang tungkod. Ibig niyang magbalik sa dati ang kanyang anyo bilang isang nakasoot lamang ng balatkayo.

Hindi nagtagal, natanaw ni Donaio ang papalapit niyang mga bilas. Napangiti siya at marahang dumapa sa damuhan. Kunwa’y may sakit at dumaraing sa taglay na kapansanan.

“Hoy! Pastol!” bungad ni Orolfo at bahagyang sinipa ang taong nakadapa.

“Aray ko, masakit.” daing ni Donaio at kunwa’y hirap sa pag-upo. “Bakit? Ano’ng nangyari?” dugtong pang tanong at nagkunwang lumilinga.

“Patay nang lahat ang mga inutil naming kawal. Hindi sila tumagal sa pakikipaglaban!” maliksing sagot ni Rendon sa nahalatang paghahanap ni Donaio.

Pagdaka nama’y umismid si Orolfo, bago nagsalita. “Ang mahalaga, dahil sa galing at tapang natin sa pakikipaghamok, nakuha natin ang bunga ng pandagiri.”

“Mabuti pa.” pabulong na sabi ni Rendon kay Donaio. “Dumikit ka sa amin nang madamay ka sa mga papuring tatanggapin namin mula sa Rahana.”

“Mahina pa ang katawan ko.” sagot ni Donaio. “Mauna na kayo upang hindi mabalam ang gamutan at mga papuring tatanggapin ninyo.”

“Mabuti pa nga at baka itakbo ka ng kabayo kapag nasulasok sa iyong anyo.” Nakatawang sabi ni Orolfo.

Nakatawa ring nagsalita si Rendon kay Donaio, habang pasakay sa kabayo. “Ang magagawa mong tulong sa amin, bilang dakilang pastol at Hari ng mga hayop. Itaboy mo ang mga kabayong walang sakay upang sumunod sa amin!”

Agad namang tumalima si Donaio upang mapadali ang paglisan ng magpinsan. Nasasabik na rin siyang makauwi upang makita ang pinakamamahal niyang asawa, at sa tulong din ng mahiwagang tungkod, parang taong sumunod ang mga kabayong walang sakay sa nangungunang sina Orolfo at Rendon. Hiniling din niyang matuyo agad ang paltos sa pigi ng dalawang maharlika upang maginhawahan sa pangangabayo at makalayo agad.

Masigla nga sina Orolfo at Rendon habang sakay ng kabayo. Nalimutan na nila ang sakit ng paltos na naging kapalit ng pandagiri. Ang alam nila, hindi nasasaling sa kanilang pag-upo ang tatak na nilikha ni Donaio.