← Isla Busuanga
Chapter 14 of 14
KABANATA 14

CHAPTER 14- DIKDIKANG DIGMAAN.

Hindi na umimik si Juarez sa parunggit ni Garuda. Parang mabigat ang mga paang sumunod na lamang sa hakbang ng indones. Umakayat sila sa tuntungan ng bakod at payukong sumilip sa siwang. Nakita nila ang maraming tao na kumikiwal sa dilim.

“Gagamit sila ng escalera de mano.! Aakyat sila rito.“ sabi ni Juarez nang makita ang ilang lalaking pauklo ang paglapit sa bakod at may pasang hagdanan.

“Sila ang humahanap ng kanilang kamatayan.!“ sabi ni Garuda upang mahikayat ang nag-aatubiling kausap.

Umiling-iling ang mestisong kastila. Alam niyang marami ang mamamatay.

“Hindi ka ba naaawa sa kalahi ng ating ina.?“ tanong pa niya kay Garuda.

Umiling din ang indones. Ibinaba ang tinig sa kasabihang hindi masama ang magtanggol upang mabuhay ang sanggol. “Ayoko pang mamatay.!“ sabi pa niya.

Tumango si Juarez. Gusto na ring kumapit sa patalim. Parang nanghihina ang tinig. “Grabe na ang situacion. Nasa harap na natin ang problema. Wala nang remedio kundi ang lumaban.” sabi pang kasunod ang hudyat sa kanyang mga tauhan. Sundin ang nakatakdang pangyayari.

“Tama.!“ nasisiyahang sabi ni Garuda. Pagdaka’y hinarap ang pangkat ni Sultan Kalagara upang tumalaga sa gawing likuran ng kuta. Pinakadiin pa ang gagawin nilang pagtatanggol upang pagandahin sa pandinig ni Juarez.

Pauklong namaybay sa nakapalibot na tuntungan sina Garuda at Juarez. Gumitna sila sa gawing harapan at nakita nila ang napakaraming kalaban. Magkaiba ang anyo ng kanilang mukha. Malungkot ang mestisong espanyol at nakangisi naman ang indones.

Ang mga tauhan nila ay handa na rin. Hudyat na lang ang hinihintay kay Garuda upang ibugnos ang mga punglong magmumula sa kani-kanilang baril.

Gayon din ang pangkat ng Anak-Parang. Ibig na nilang simulan ang pananalasa upang makamit na ang minimithing paghihiganti.

Sa ganoong katayuan, ang malaking bahagi ng lambong ni Kamatayan ay nakasaklob sa panig ng mga Anak-Parang. Para silang gamu-gamong susugba sa nag-aalab na kuta.

Handa na ang lahat. Hinudyatan ni Wana ang ilang lalaking maghahagis ng pampasabog sa pinto ng kuta.

Tumindig ang mga nakadapang lalake. Sila ang sinanay sa malayuang pagpukol. Sabay-sabay nilang hinugot sa pagkagat ang pinakasusi ng pampasabog.

Ang lahat ng kilos sa ibaba ng paltok ay nasubaybayan ni Juarez. Nakita niya ang panganib. Kailangang mangibabaw ang tungkulin niya kay Don Q, bagamat alam niyang iyon ay nakakulong na. Agad siyang nagbabala. “Granada ang gagamitin nila.!“ sabay turo.

“Ha.!?“ nabiglang sambit ni Garuda at pagdaka’y pinaputukan ang mga itinurong lalake. Walang taros at pasumala.

Nangabuwal ang mga tagapagpasabog. Hindi umabot ang kanilang ipinukol at sumambulat lamang sa kalagitnaan.

Naganap ang kabi-kabilang putukan. Gumanti ang mga Anak-Parang. Nakakabingi. Dumadagundong ang paligid. Kabilaan ang bugnos ng kamatayan. Sala-salabat ang angil ng mga punglo. Umuuka sa matigas na kahoy at tumatagos sa katawan ng tao.

Nalibang naman si Garuda sa pamamaril. Ang bawat sambulat sa pinto ng kuta ay siya ring nagpapayanig sa baba ng indones. Nakita niya ang dahilan. Nanlisik ang kanyang mga mata at walang patumanggang pinaputukan ang mga nagpasabog.

Magkayakap pa ang dalawang babaing Anak-Parang nang malugmok sa lupa. Sila ang nakapagbukas sa pinto ng kuta. Ang mag-inang Aling Sinang at bidang.

Parang iisang dugong lumukso sa galit ang mga nakakitang Anak-Parang. Magkakasabay silang tumakbong papasok sa pinto ng kuta. Nakipagsabayan sa kamatayan at hindi na minahalaga ang hiram nilang buhay, maipukol lang ang hawak nilang sibat. Isa na roon si Mang Binong sa mga nasawi. Marami siyang dalang sibat at naipukol ang lahat bago siya nalugmok.

Naging madugo ang pintuan ng kuta. Ilan din sa tauhan ni Garuda at Juarez ang natuhog ng sibat bago nasalanta ang mga maninibat.

Halos mamaos sa kasisigaw si Wana. Sumala ang balangkas nila sa pagsalakay. Ang dapat na maunang pumasok sa kuta ay iyong may baril at hindi ang maninibat lamang. Napayuko siya at pumatak ang luha, ngunit malalim kung magmahal at magbigay ng katuwiran sa mga nalagas na tauhan.

“Alam ko ang dahilan.” sabi ni Alfon habang kinakanlungan ang nililiyag niyang pinuno. “Hindi aabot ang kanilang sibat kung sila’y nasa malayo. Ayaw nilang mahuli sa paghihiganti.“

“Bigo tayo, Alfon. Kung buhay lang si Torio, malalaman kong marami pa ang ating kalaban.“ sabi ni Wana sa pagitan ng hikbo at haging ng punlo, pagkat halos kalahati ng mga Anak-Parang ay nangbuwal sa dilim.

Ang hibo ng pagtataka ay nilagom lamang ng putukan. Wala silang kamalayan sa pagdating ni Juarez.

Nalingid ang bagay na iyon dahil sa maramihang paglikas ng mga taga roon. Natakot sila sa paulit-ulit na pamimihag ni Garuda sa mga mamamayan.

“Ayokong masabak sa kamatayan ang iba pa nating kasamahan.” sabi ni Alfon.

“Ako na lang ang magbabakasakali.!“ sudlong pang kasabay ang pagpapaputok nang makita ang mga kilabot sa wasak na pintuan.

“Huwag.!“ awat ni Wana at akmang susunod sa lalake.

Ang mapilit na paglusob ni Alfon ay napigilan. Narinig niya ang daing ni Wana. Nakita niyang nalugmok ang nilalangit na dilag. Agad siyang nagbalik at muli silang nangubli sa isang nakausling bato.

“Natapilok lang ako.“ pagkakaila ni Wana. “Mauubos tayong lahat.! Mabuti pa.! Humingi ka ng tulong kay Leo.!“ ang sudlong at pilit na ikinukubli sa kadiliman ang tunay niyang kalagayan.

“Hindi kita maiiwan.!“ sagot ni Alfon. “Ikaw na ang magtungo sa Nayong Dalisdis.!“ ang dugtong sa nasang makaiwas ang babae sa panganib.

Umiling si Wana. “Ako ang pinuno.! Hindi ko maiiwan ang mga kasamahan natin sa ganitong kalagayan.!“

Binago ni Alfon ang panukala. “Marami ang namamatay.! Mabuti pa.! Umurong na kayong lahat.! Maiiwan ako upang hadlangan ang sino mang hahabol.!“

“Hindi.!“ matigas na tutol ni Wana. “kailangang mailigtas din natin ang mga bihag sa loob ng kuta. Hangga’t madilim, sundin mo ang utos ko.! Ikaw ang pinakamagaling mangabayo sa buong isla.! Madali mong mararating ang Nayong Dalisdis.!“

Saglit na tumahimik ang paligid. Nagpakiramdamam ang magkabilang panig. Walang kumikilos liban sa isang Anak-Parang na patalilis ang paglayo. Nakamasid lang si Juarez sa mga kaganapan. Ang totoo, kahit isang punglo, wala siyang pinatamaan. Pakunwari lamang ang kanyang kilos.

Sa dilim ng gabi, yabag lang ng kabayo ang maririnig. Mabilis. Rumaragasa at tumitilamsik ang ilang bato sa sabana.

“Huwag sanang mangyayari ang kinatatakutan ko. Huwag siyang mapahamak.” bulong ni Alfon nang muling marinig ang sunud-sunod na putukan sa gitna ng bayan. Nasa isip niya si Wana. At sa kalaunan, narating niya ang Nayong Dalisdis sa pagitan ng mga alalahanin at pangamba.

Tuluy-tuloy si Alfon sa nakaawang na pinto ng bakuran at saka siya sumigaw.

“Tata Nario.!“ sabay talon mula sa kabayo.

Namamangha namang lumapit ang tinawag at si Desto. Hindi sila makatulog sa naririnig nilang putukan. Kanina pa sila nag-uusap sa loob ng bakuran.

“Ikaw pala, Alfon.! Bakit.?“ nababahalang tanong ni Mang Nario.

Sumagot ang bagong dating. “Nilusob namin ang kuta.! Kailangan namin ang tulong ni Leo. Nasa tagibang kaming kalagayan.!“

Lalong nagimbal ang dalawang nakikinig. Napanganga si Mang Naraio at si Desto nama’y umigting ang bagang. Gusto niyang makibahagi sa ganoong pagkakataon. Siya na ang nagsabing nasa kabilang pulo si Leo.

Nalarawan sa mukha ni Alfon ang pagkabigo at pangamba. Naalala niya ang mga lumipas na araw. Ang pagiging abala nila sa pakikidigma kaya hindi nila nabalitaan ang pag-alis ni Leo. At ang isa pang dahilan ay ayaw na niyang isipin pagkat para siyang sinusumbatan sa pagiging makasarili nila sa karapatan. Sinadya nilang iwasan ang pamayanan ng Nayong Dalisdis upang hindi malaman ng sino man o ni Leo ang gagawin nilang paglusob sa kuta. Gayon man, gusto na niyang bumalik sa labanan pagkat sa pagsikat ng araw, lalong malalagay sa panganib ang Anak-Parang.

“Huwag kang mag-alala, Alfon. Nababasa ko ang nasa isip mo.” sabi ni Mang Nario at saka bumaling kay Desto. “Kung si Alfon ang pinakamagling sa pangangabayo. Ikaw naman, Desto ang pinakamagaling at mabilis sa pamamangka.! Kaunin mo si Leo.!“ dugtong pa sa binatang bangkero.

Ni gaputok ay hindi nagsalita si Desto. Kabud na lang tumakbo at nagtungo sa ilog.

Si Alfon naman ay ayaw paawat sa pag-alis.

“Kapag umalis ka. Walang masasakyan kabayo si Leo.!“ paalala ni Mang Nario pagkat napakawalan na niya ang mga kabayong ginamit ng pangkat ni Buryas.

Muling natigilan si Alfon. Mawawalan ng saysay kung siya’y magmamadali. Kailangan pa niyang mag-isip ng paraan sa dahilang mabagal din kung sa iisang kabayo lang ang sasakyan nila ni Leo. Napasulyap na lang siya sa bukas na durungawan at nakita niyang sumungaw ang dalawang matandang babae.

“Magandang madaling araw ho sa inyo.“ sabi pa niya.

“Gayon din sa iyo, Alfon.” Halos sabay na sagot ng dalawang matanda sa durungawan at sabay din sa pagmamadaling nanaog ng bahay.

“Ano ba’ng nangyari.?“ bungad ni Aling Maling. Nangangapa sa dilim.

“Nasa panganib ho ang pangkat ng Anak-Parang. Kailangan namin ang tulong ni Leo.“ sagot ni Alfon.

“Mabuti pa, Alfon. Maupo ka muna at maghahanda ako ng kape.” sabi naman ni Aling Moreng at dali-daling nagbalik sa itaas ng bahay.

“Hindi na rin ho ako magtatagal.” sansala ni Alfon at nilinga na lamang si Mamg Nario. Akay ang sinakyang niyang kabayo upang painumin ng tubig.

Samantala, pinairal nga ni Desto ang galing niya sa pamamangka. Palipat-lipat ang sagwan niya sa kaliwa’t kanan ng bangka. Paayon ang agos ng tubig at nakatulong pa sa bangka niya ang walang katig hanggang sa marating niya ang Pulong Masle. “Leo.!“ pagdaka’y sigaw niya nang makasadsad sa pantalan. Inulit pa niya ang panawagan habang itinatali ang lunday sa isang tulos.

Ang malakas na panawagan ay nagpabalikwas sa natutulog na si Leo. Ang akala niya ay bahagi pa iyon ng kanyang panaginip. Luminga-linga siya na parang naghahanap. “Salamat, Perenya. Ngayon, kahit sa panaginip lamang. Binuksan mo ang aking muni. Naniniwala na ako sa iyong pahiwatig.” sabi pa niyang pabulong. Naalala niya ang nakaraan nilang pagtatalo tungkol sa panaginip. Tinuran niya ang kasabihang baligtad ang kahulugan niyon.

Ayaw maniwala ni Perenya. Lumuluha pang sinabi noon ang kanyang napanaginipan. Hindi raw magtatagal ang kanyang buhay. Natupad nga at pagsiya ang nagsabi, totoo ang panaginip.

Muling nagpasalamat si Leo sa kanyang sarili. Ang suliranin niya ay nagkaroon ng kasagutan. Magaang dalhin pagkat sa pakiramdam niya, nagpakita si Perenya at hindi sa panaginip lamang.

Sa labas ay humangos namang nakalapit sa kubo si Desto. Inulit ang panawagan, kasunod ang katok sa pinto.

Nabuksan ang pinakabibig ng bahay. Magkahalong sabik at pagtataka ang salubong ni Leo pagkat natinigan niya ang bagong dating.

“Leo.! Salamat at nariyan ka.!“ bungad ng binatang nayon.

“Desto.! Bakit.? “ agad namang tanong ng binatang siyudad.

“Ginto ang bawat saglit.!“ humihingal pang sabi ni Desto. “Pinatatawag ka ni Tata Nario. Ayon kay Alfon, nasa bingit ng kamatayan ang buong pangkat ng Anak-Parang. Nilusob nila ang kuta sa bayan.!“

“Hindi.! Hindi dapat mangyari ang gayon.!“ nahihindik na sabi ni Leo at agad na gumayak.

Ang manaka-naka at mahihinang putukan sa bayan ay umaabot din sa pandinig ng dalawang binata. Sa gayong pagkkataon, wala ang tinggang ipinupulupot sa kamay ni Leo. Iniwan niya sa bulsa ng tsaketang nakasabit sa dingding.

Nauna pa sa pagtakbo si Leo, patungo sa pantalan. Nauna ring sumakay sa lantsa at pinaandar ang motor.

Sumakay na rin si Desto at tinanaw na lang ang lunday niyang nakatali sa isang tulos. Palibhasa’y dalawa ang makina ng lantsa, mabilis nilang natawid ang dagat at ang pagsalunga sa malakas na agos ng ilog.

Sa tulong ni Desto, lihim na nasiyahan si Leo sa natuklasang ilog na patungo sa Nayong Dalisdis. Nasasabik siyang makibalita, ngunit sa ganoong pagkakataon, nakakahiyang magtanong, hanggang sa itinuro ni Desto ang lunsaran na patungo sa bahay ni Mang Nario.

Pagkaibis ay nauna pang lumakad si Leo. Nagmamadaling tinalunton ang gasgas na damuhan at namumuti pa sa dilim ng gabi. Sa pakiwari. Madali niyang matutunton ang bahay ni Mang Nario kapag nakalabas siya sa kakahuyan.

Sumunod si Desto, matapos maitali ang lantsa sa isang nakayungyong na punong bakawan. Tumakbo siya at nagpauna pang naging gabay ni Leo sa kadiliman.

Ngayon ay malakas-lakas na ang naririnig nilang putukan mula sa bayan. Paminsan-minsan ay may dumadagundong at kung minsan nama’y mahaba ang katahimikan.

Mabilis man ang hakbang, nagagawa pa rin ni Leo ang magnilay tungkol kay Lumin. Nasasabik siya ngayon na makita ang dalaga o kahit mabalitaan man lamang, ngunit wala nga sa tamang oras ang patatanong kay Desto.

Nagulantang ang muni ni Leo nang ituro ni Desto ang harapan ng bahay ni Mang Nario. Kumaba ang kanyang dibdib. Nauumapaw ang tuwa at lalong bumilis ang pintig ng kanyang puso, dahil sa nadaramang kalayaan sa pag-ibig.

Kahit madilim, pilit inaaninag ni Leo kung bukas ang durungawan sa silid ni Lumin. Ang silid na laging tigmak sa patak ng luha nang siya ay umalis. Di kawasa’y muli na namang napukaw ang kanyang nila’y nang makita niya si Mang Nario sa pinto ng bakuran.

“Salamat sa Diyos at dumating ka ,Leo.!“ salubong ng matandang lalake. Nasisiyahan at ‘di malaman ang gagawin sa pagkilos. Isinaloob na lamang ang katanungan kung bakit mas maaga sa kanyang inaasahan ang pagdating ng dalawang binata.

Nagmamadali namang bumaba sa hagdan sina Aling Maling at Aling Moreng. Natutuwa rin sila sa pagdatimg ng kanilang hinihintay.

Nang matapos ang pabibigay galang ni Leo sa tatlong matanda. Namalas sa pagkakataong iyon ang taal na ugali ng lahing silangan. Nagmano siya at magiliw na pinaglipat-lipat ang paningin. Parang may hinahanap at nasasabik. ”Nasaan ho si Alfon.?” ‘di kawasa’y tanong pa niya nang hindi makita ang tunay na hinahanap.

“Hindi ko napigilang umalis.” sagot ni Mang Nario. “Iniwan ang kanyang kabayo at sinakyan naman ang kalabaw ko. Mauuna na raw siya at humabol ka na lang. Maaring abutan mo pa siya sa bukana ng bayan.”

Agad namang nagpaalam si Leo. “Kailangang abutan ko ho siya.”

“Sandali lang.!“ pigil ni Aling Maling. “Uminom ka muna ng kape.“ ang dugtong saka inilublob ang panabong bao ng niyog sa palayok na ginagatungan sa lilim ng punong mangga.

“Oo nga naman.” katig ni Aling Moreng. “Kailangang mainitan ang sikmura mo at naglaga rin ako ng maraming itlog ng manok.”

“Salamat na lang, ho.“ iwas ni Leo. “Kailangang samantalahin ko ang kadiliman. Mapanganib kung mahantad sa liwanang ang mga Anak-Parang.

“Matagal pa ang umaga.!“ sabad ni Mang Nario. “Labanan ang pupuntahan mo. Kumain ka muna at ihahanda ko pa ang kabayong iniwan ni Alfon.!“ pagdadahilan pa ni Mang Nario upang kumain ang binata.

“Sasama ako, Leo.” sabad rin ni Desto. “Sandali lang, may kukunin ako.“ dugtong pang nagmamadali at karakang tumakbo.

Si Leo nama’y walang nagawa kundi ang paunlakan ang tatlong matanda. Nakita pa niyang nabalatan na ni Aling Moreng ang ilang itlog. Kumain siya kasabay ang paglinga. Halatang may hinahanap. Hinihintay na makita ang dalagang halos magkakanggagahol sa paglilingkod kapag siya ay kumakain. “Bakit wala siya.” bulong pa niya.

“Nasa kaingin si Lumin.” bilang sagot ni Aling Maling sa matalas niyang pakiramdam.“ Lagi siyang malungkot mula nang umalis ka,“ ang sabi pang gumagaralal at parang maiiyak.

Nasaling ang puso ni Leo, di naipagkait ang maagang pagtatapat sa ganoong pagkakataon. “Maganda ho ang pahiwatig ni Perenya sa aking panaginip. Pakakasalan ko si Lumin.“

Hindi nakakibo si Aling Maling. Parang nahirinan sa biglang datal ng kaligayahan.

Si Aling Moreng ang hinulagpusan ng kataga. Halos pabulong. “ Maraming salamat po, Panginoon.“ at para pang nanlalatang naupo sa nakahandusay na punong mangga.

Pabalik na si Mang Nario. Akay ang kabayong nanginain ng damo at uminom sa likuran ng bahay. Agad siyang nagtanong. “Wala pa ba si Desto.?“

Luminga muna si Aling Maling bago sumagot. “Siya na yata ‘yong tumatakbo sa dilim.“

Naghintay ang kanilang paningin. Si Desto nga ang dumarating at may dalang thompson.

“Umiiyak si Inang.” humihingal na bungad ni Desto. “Laban sa kanyang kalooban ang pagsama ko sa labanan.

“May sakit ang Inang mo. Sundin mo siya.“ naaawang sabi ni Mang Nario at tinapik-tapik pa sa balikat si Desto.

Tumango si Leo, bago nagwika. “Ang labanan ay maaaring lumawak. Kahit dito, maipakikita mo Desto, ang pamamahal sa ating karapatan. Isa kang tunay na silanganin.“ parangal pa niyang makatotohanan, matapos kamayan ang nakatungangang si Desto. Nagpaalam din siya sa matatanda habang kumakaway na palabas sa bakuran ang sinasakyan niyang kabayo.

“Leo.!“ habol ni Aling Maling. “Alang-alang kay Lumin.! Mag-ingat ka sa pakikipaglaban.!“

Muling kumaway si Leo, bilang pangako at pasasalamat.

Napatingin si Mang Naario sa kanyang asawa. Lakip ang bahagyang pagtataka kung bakit nabadya ang ganoong kataga.

Natawa si Aling Maling. Hindi na hinintay ang magtanong pa ang kanyang asawa.

Sinabi na niya ang kagustuhan ni Leo at ang mga pangyayaring nagpabago sa nakalipas na kasaysayan.

“Kailangan palang masundo ko si Lumin.!“ nasisiyahang wika ni Mang Nario. Agad iginayak ang kareta at kinuha ang isa pang kalabaw sa lilim ng kawayanan.

Halos paliparin ni Leo ang sinasakyan niyang kabayo. Hinahabol ang ilang sandaling antala sa Nayong Dalisdis. Ang namumuting lansangan ang nagsilbing ilaw sa madilim na landasin at umalikabok ang kaparangan.

Sa likod ng bundok at dakong silangan, bahagya nang nakasungaw malagintong silahis ng araw. Hindi magtatagal, kukupas ang dilim at lulutang ang bagong liwanag.

Lagpas na ang bukana ng bayan nang abutan ni Leo si Alfon. Nakita niyang patalun-talon ang kalabaw sa pagtakbo. Kung hindi sanay ang nakasakay, tiyak na mahuhulog.

“Salamat sa pagdating mo.!“ unang bati ni Alfon at lalong pinabilis ang pangangalabaw.

Umagapay si Leo. Nag-usisa sa kalagayan ng digmaan. Kung saan ang pinakamalakas na panig ng kuta at saang panig naman napupuksa ang maraming Anak-Parang.

“Nasa harapan ang puwersa ni Garuda, at sa panig ding iyon nasasawi ang ating mga kababayan.!“ sagot ni Alfon at lalong tinulinan ang pangangalabaw.

“Bakit si Torio.? Hindi ba siya nagbigay ng babala.?“ tanong ni Leo.

“Huli na ang lahat. Pinatay siya sa taga ng kalaban.!“ ani Alfon.

Saglit na nag-isip si Leo. Parang alam na niya ang nangyari. Pinabilis na lang ang pangangabayo.

Sa kabilang dako ng mapanglaw na kagubatan ng kaingin ay naroroon si Lumin. Patungo roon si Mang Nario upang siya ay sunduin. Bakas sa dalaga ang pangungulila. Kulang sa tulog at sa tuwina’y natitigilan. Kahit malayo ay naririnig din nila ang putukan at dagundong ng pagsabog na nagaganap sa bayan.

“Talaga nga palang magulo na roon.” sabi ni Mang Imoy na kapatid ni Mang Nario. Nakatayo siya at nakasilip sa awang ng durungawan.

Natatakot ako. Baka umabot dito ang gulo.?“ kinakabahang sabi ni Aling Ebeng. Asawa ni Mang Imoy. Namamaluktot sa sulok ng dampang angkop lamang sa kagubatan. Hindi sila makatulog sa gitna ng aandap-andap na ilawang de langis ng niyog na may halong asin upang maging matipid at maliwanag.

“Marahil ay hindi po, Inang. Umasa na lang po tayo sa tagumpay ng Anak-Parang pagkat maaaring sila ang may gawa ng putukan.” si Lumin ang nagsalita. Mahina at matamlay habang nakalupaging nakaupo sa sahig na kawayan ng munting silid na nababanigan ng ibus. Katabi niya ang dalagang si Azon na may hawig sa kanya.

“Sana nga, Ateng.” katig ni Azon. “Kaya lang, lalo sanang matatag ang ating pag-asa kung hindi umalis si Kuyang Leo.“ dugtong pa niya.

Hindi kumibosi Lumin. Itinaas ang dalawa niyang tuhod at doon isinubsob ang kanyang noo.

“Te-Teka, Ateng.!“ karakang sabi ni Azon sa pangambang may umagos na luha sa pisngi ni Lumin. Naglalambing pang ipinatong ang kanyang mukha at kamay sa balikat ng kanyang pinsan.

“Ikaw kasi.! Pinaalala mo pa si Kuyang Leo.!“ wari’y naninising sabad ng batang babaing si Ikang at katabi ring namamaluktot ng kanyang ina.

“Hoy.! Huwag ka ngang makialam.! Basta ang alam ko, babalik si Kuyang Leo at magkakatuluyan din sila ni Ateng.!“ bulyaw ni Azon sa kapatid na animo’y lalake kung kumilos.

“Si Kuyang Desto na lang ang hanapin mo. Isang taon na kayong ‘di nagkikita.!“ tukso pa ng bunsong kapatid at pinanay ang kindat ng mga mata pagkat alam niyang may lihim na pagtatangi ang Ateng niya kay Desto.

“Napakapilya mong talaga.!“ bulas ni Azon at nanggigigil na dinukwang ang kapatid niya at saka piningot.

“Huwag kayong maingay.!“ saway ni Mang Imoy, habang nakasilip sa awang ng durungawan. Nakita niyang may papalapit na kareta at natatanglawan ng liwanag.

“Bakit, Tang.?“ tanong ng batang babae sa paglapit at nakisilip din sa durungawan.“ Babalik na si Kuyang Leo.!“ dugtong pang kumikilig ang balikat.

Agad namang napatindig si Azon. Nakisilip din sa bintana. “Kareta ‘yan ni Tatang Nario.!“ halos pasigaw niyang wika.

“Oo nga.! Bakit kaya.?“ namamanghang sabi ni Mang Imoy. Karakang lumabas ng bahay, kasunod ang buong mag-anak at sinaway ang asong tumataking sa pinto ng bakuran.

Si Mang Nario ang dumating. Naiilawan ng kingkeng nakakalubkuban ng babasaging kristal ang apoy. Nagmamadali sa paglapit at tuwang-tuwa sa nakikitang pagsalubong ng mga taga kaingin.

“ Kuyang.! Ba’t napasugod ka sa ganitong oras.?“ kinakabahang salubong ni Mang Imoy habang nakahawak sa ulo ng kalabaw.

“Magandang balita.!“ halos pasigaw ding bungad ni Mang Nario upang mawala agad ang pangamba ng mga dinatnan at kasalukuyang pababa siya sa kareta.

“Bumalik si Leo at pakakasalan daw si Lumin.!“ dugtong pang aligaga sa pagbibigay bendisyon sa mga nagmamano. Nakatingin siya kay Lumin.

“Marami pong salamat, Panginoon.!“ nagagalak na hinaing ni Aling Ebeng at niyakap pa si Lumin.

“Natutuwa rin ako, Kuyang at matatapos na ang kalungkutan ng aking pamangkin.!“ sabi naman ni Mang Imoy habang nakatingin kay Lumin.

Ngunit nakatulala si Lumin. Parang tinitimbang ang mga pangyayari. Nag-aalinlangan.

“Totoo ang sinabi ko, anak. Nagbalik si Leo at kasalukuyang nakikipaglaban sa bayan.!“

“Diyos ko.!“ mahinang hinaing ni Lumin. “Iligtas mo po siya.“ dugtong pang gustong pumatak ang luha.

Napalundag naman si Ikang at palit-palitang itinaas ang dalawang kamay. “Tama ang sabi kong babalik si Kuyang Leo at magkakatuluyan din sila ni Ateng.!“ sabi pang kinikindatan si Azon. Nanunukso at nagyayabang.

“Talagang burot at mapagmalaki ang sinungaling na ito.!“ madiing sabi ni Azon.

“Naka.! Hindi ako mayabang at sinungaling.! Totoo ang sinabi kong babalik si Kuyang Leo.!“ giit pa ni Ikang. Parang nang-iinis sa paulit-ulit na pagkindat ng mata kay Azon.

“Ako ang may sabing babalik si Kuyang Leo, hindi ikaw,!“ giit din ni Azon at piningot pang muli si Ikang.

Nagtawanan na lang ang magkakaharap. Hindi na sila pumasok ng bahay at doon ay naririnig nila ang manaka-nakang dagundong mula sa bayan.

“O, sige Lumin. Gumayak ka na. Uuwi na tayo.” ani Mang Nario at ipinatong pa ang kanyang palad sa balikat ng anak.

“Sasama ako, Ateng.!“ sabi naman ni Azon at niyugyog pa ang kamay ni Lumin.

“Sasama rin ako.!“ sabi rin ni Ikang at nakihawak din sa kamay ng kanyang pinsan.

“Hoy.! Eskolastika.! Maiwan ka rito at walang mauutusan si Inang.!“ sansala ni Azon at muling hinila ang tainga ni Ikang.

“Oo nga naman, anak. Susunod na lang tayo roon.” ayon ni Aling Ebeng.

“Suya.!“ dabog ni Ikang. “Laging si Ateng na lang ang nagtatagal sa pamayanan.!“ dugtong pang pumapadyak sa lupa.

“Naku, Kuyang.!“ sabi ni Mang Imoy. “Iyan ang suliranin ko sa mga batang iyan. Naiinip sila rito.”

“E, sino ba naman ang ‘di maiinip sa kagubatang ito. Walang kapit-bahay at napakalungkot sa tulad nilang kabataan. Babalik ako at muli nating pag-usapan ang bagay na iyan.” sagot ni Mang Nario.

“Basta mamaya.!“ nagmamaktol pang kulit ni Ikang. “Pagsikat ng araw, susunod ako roon.!“ dugtong pang kumikindat ang mga mata kay Mang Nario. Para bang nakakita siya ng kakampi at tinanaw pa ang paglabas ng isa pa niyang kakampi na si Lumin. May dalang tampipi ng damit.

Nang oras ding iyon. Sa loob ng kuta ay patuloy ang pangangalit ng kalooban ni Pandong habang sila ay nakakulong. Napaglalangan sila ni Garuda pagkat hidi natupad ang pangakong palalayain ang kani-kanilang mag-anak sa piitan kapag nabitag nila si Marcaida.

Kailangang makatakas tayo, habang abala sila sa labanan.“ sabi pa ni Pandong sa apat niyang kasama at ubos-lakas na niyugyog ang pintuang rehas na kahoy. Ang kulungang iyon ay niluma na ng panahon. Hindi kayang pigilan ang lakas ni Pandong. Ang pinakamalaklas na tao sa Isla Busuangga. Ang lakas na lalong nag-iibayo kapag galit.

Nabuksan ang pinto ng kulungan. Nagtakbuhang palabas ang maraming bihag. Nangunguna si Pandong. Kasunod ang asawa niya at dalawang paslit na anak.

Tahimik ang paligid. Walang nagpapaputok sa gawi ng mga kilabot. Wari’y hinihintay nila ang pagsikat ng araw.

“Hindi makakaalis sa kinadadapaan ang mga kalaban.! Uubusin ko sila sa pagsungaw ng liwanag.!“ nakangising sabi ni Garuda. Pilit na inaaninag sa ibaba kung sino ang buhay sa naghambalang na bangkay .

“Kung sila’y aatras, hayaan mo na silang mabuhay.” sabi ni Juarez. Nakasilip din sa siwang ng bakod.

“Mahirap mangyari ang sinabi mo, Juarez. Ang labanang ito ay ubusan at alam kong sila ay ganoon din. Hindi ako papayag na hindi sila malipol pagkat sila ang banta sa ating organisasyon.!“

“Ikaw ang bahala, Garuda. Pero may conciencia ako. Hindi ko mapapatay ang kabaro ng aking ina.

“Kailangang pumatay, Juarez. Ayokong mamatay.!“ sabi ni Garuda sabay baling nang makita sa wasak na pintuan ang mga tumatakas na bihag.

“Huwag, Garuda.! Hindi sila lumalaban. Hayaan mo na.! Gusto lang nilang umuwi.“ awat ni Juarez nang makitang handang paputukan ni Garuda ang mga tumatakas.

“ Pagbibigyan kita, Juarez. Pero hindi ko maipapangakong ligtas sila makakalabas.!“ sagot ni Garuda at sinilip na lang ang galing sa kulungan.

Hindi nagkabula ang sapantaha ni Garuda. Ilang tauhan ang nakita sa mga tumatakas. Pinaputukan.

“Huwag.!“ malakas na sigaw ni Wana nang makita ang walang kalaban-laban mga bihag. Ang mga paslit na gusto rin nilang iligtas sa kulungan, ngunit ngayon ay nasasayang lang ang kanilang paghahangad na mapalaya ang mga iyon dahil sa maramihang pagkabuwal sa dilim.

Gumanti ng putok ang mga Anak-Parang. Gustong sa kanila mabaling ang panunudla ng mga kilabot.

Damay sa kamatayan ang mag-iina ni Pandong. Nangabuwal na magkakayakap at sabay-sabay ding nalagutan ng hininga.

Halos mabaliw si Pandong sa nakitang iyon. Paduhapang na niyakap ang buo niyang mag-anak at palahaw na nagsisigaw. “Magbabayad kayo.!“ at saka siya tumindig na umiigting ang bagang. Luminga-linga. Parang may hinahanap. Di kawasa’y tinakbo ang nakahanay na de makinang baril ng mga nakabulagtang Anak-Parang. Tig-isang kamay na dinampot ang dalawang nasabing baril at pabalik na sumugod.

Muling namalas ang pambihirang lakas ni Pandong. Umalsa ang kanyang kalam’nan at parang walang ano mang bigat na pinaputok ang dalawang de makinang baril na may tatlumpung kalibre at sadyang kasado na. Matatag ang malalaki niyang bisig at sa gawing iyon ng bantayan na kung saan nagmula ang mga punglong kumitil sa kanyang mag-anak, doon niya ibinugnos ang ganting pangitil sa kalaban. Wasak ang bantayan.

Hantad si Pandong. Nakatayo. Nakikipagsabayan sa paraang tila walang kamatayan. Hindi alitana ang tilamsik ng dugo na nagmumula sa kanyang katawan. Walang tigil ang kanyang pagpapaputok, habang pasugod na naglalakad at hila-hila ang nakalawit na suksukan ng bala.

Muling pinasok ni Pandong ang wasak na pintuan ng kuta. Parang taong bato kung siya ay maglakad. Naliligo sa sariling dugo at kabi-kabila ang sugat sa katawan.

Nabigla ang magkakahalong pangkat ng mga kilabot nang manalanta ang punglo ni Pandong. Marami ang nahulog sa lupa, bago napansin ni Garuda.

“Sobra na.! Kailangan na siyang tapusin.!“ sigaw ni Garuda kay Juarez at agarang pinagsunud-sunod ang pagbaril sa kalaban.

Saka lang bumagsak si Pandong nang sagaping lahat ng kanyang ulo ang punglo ni Garuda. Nangingisay man ay patuloy pa rin ang kanyang pagpapaputok.

Doon natapos an magiting na buhay ni Pandong panday. Ipinakit ang likas na ugali at ligaya ng isang silanganin. Ang sumama sa kanyang mag-anak maging iyon man ay sa kabila pa ng kamatayan.

Kasabay sa malakas na halakhak ni Garuda ay umanag-ag ang liwanag ng umaga. Nakatakdang mahantad ang mga Anak-Parang. Iyon ang hinihintay ng indones upang maging tila lawin na maninila ng sisiw sa malawak na bukirin.

“Lalaban tayo ng sabayan.!“ sigaw ni Wana sa mga kasama. May sigla na ang kanyang tinig pagkat marami rin sa mga bihag ang nakatakas.

Samantala, patuloy ang paglapit nina Leo at Alfon sa harapan ng kuta. Abot-tainga na nila ang mahahalay na paghahamon ng mga kilabot sa naggagandahang dilag ng silangan. Binuhat ni Alfon ang isang de makinang baril na naghambalang sa daan. Doon pa lang, kita na ang nagkalat na bangkay.

“Huwag ka munang magpapaputok.!“ saway ni Leo kay Alfon sa hangaring mailingid sa kalaban ang kanilang kinaroroonan. Sila’y nasa malayong halamanan at mga punong kahoy.

Tumango si Alfon. Inaninaw sa kadiliman ang batong kinakanlungan ni Wana. Nakita niyang nakadapa at patuloy pa ring humuhudyat sa kanyang mga kasama.

Hindi naman niya malapitan at baka maging daan lang siya kung nasaan si Wana. Hantad na sila sa liwanag ng umaga.

“Lumiliwanag na, Leo. Lalo silang malalagay sa panganib.“ kinakabahang sabi ni Alfon. Minamasdan ang mga Anak-Parang na kasalukuyang nakadapa sa kalagitnaan ng paakyat sa burol at ‘di pa matiyak kung buhay ang mga iyon.

Hindi umimik si Leo. Patuloy lang ang pag-uugpong ng mahabang silindrong tubo at teleskopyo sa kanyang baril na kulay ginto. Ang sandata na kung wawariin ay parang nagbabanta. Babaguhin ang mga pangyayari. Sa pagkakataong iyon, hindi na sa ugat ng lahing kayumangging kaligatan magmumula ang dugong dadanak sa lupang hinirang.

Lihim namang humanga si Alfon nang mamataan ang ginagawa ni Leo. Ngayon lang siya nakakita ng baril na maaaring sudlungan upang humaba.

Nang mga sandali ring iyon. Nanlalaki ang mga mata ni Garuda habang nakatanaw sa silangan. Umaasa siyang mauubos ang mga kalaban sa sandaling lumaganap ang liwanag sa paligid. “Ang gustong mabuhay.!“ sigaw pa niya. “Isa-isang pumasok dito at isuko ang baril.!“

Ang panawagan ay nilunod lamang na katahimikan. Walang umayon kahit ang kaganapan ay malapit ng matupad sa mga Anak-Parang. Mamatamisin pa nila ang mamatay na lumalaban, kaysa sa humihingang nasa loob ng kuta.

Ngunit nadarama rin ni Wana ang gipit nilang kalagayan. Hinawakan niya ang de makinang baril na iniwan ni Alfon at pinaputok na walang patumangga. Ang layunin, palakasin ang loob ng kanyang mga tauhan.

Muling sumigabo ang putukan. Kabi-kabila ang sugatan. Lumalamang ang nasa itaas at nasasalanta ang nasa ibaba.

Ang alab ng lahing kayumanggi ay lumaganap. Nakipagsabayan din si Alfon. Walang takot sa kamatayan. Ang nasa’y maapula ang pamiminsala ng mga nasa kuta. Gayon din si Leo. Ang una niyang sinawata ay yaong nasa bantayan. Bawat kalabit ng kanyang baril, isang mapamuksang de makinang baril ang tumatahimik. Nabubulagta ang may hawak o kaya’y nahuhulog sa ibaba.

Tumingala si Garuda nang mapansin ang ganoong pangyayari. Halos mag-abot ang kanyang kilay sa galit, dahil wala nang gumagalaw sa harapang bantayan. Ang nasa bakod na lang ang inaasahan niyang mananalanta, ngunit ‘di pa man siya nakapag-uutos, sunud-sunod nang nangabuwal ang mga iyon. “Kumubli kayo mga tarantado.!“ sigaw pa niya sa mga tauhan. Alam niyang nasa labas ang pinakamabigat niyang kalaban. Ang tao na kung magpatama ng punglo ay sa tungki ng ilong. Si Leo Ladoza.

Hindi naglaon, naparam ang manipis na kadiliman. Lumaganap na ang liwanag at pansamantalang katahimikan. Mula sa malayo ay maririnig pa rin ang tilaukan ng mga tandang. Ang pagakpakan ng mga pakpak na para bang kalahok din sila sa labanan at ibinabadya rin ang panibagong umaga.

Saka lang nahantad ang tunay na anyo ng digmaan. Kabi-kabila ang patay at higit na napinsala ang lahing puti na kababayan ni Juarez.

Nahantad rin kay Leo ang kaawa-awang kalagyan ng mga Anak-Parang. Marami ang duguan. Ang iba nama’y wala nang buhay, datap’wat paulit-ulit pa ring tinatamaan ng punglo. Parang sasabog ang kanyang dibdib sa matinding galit. Hindi niya maatim na sa ganoong paraan lamang masasawi ang mga dalagang hiyas ng tahanan.

Patuloy ang paninigaw ni Garuda. Pinakukubli ang kanyang mga tauhan sa mabilis na pagkalagas. Batid niyang nasa malayo si Leo. Nasusukat niya ang agwat sa pamamagitan ng putok. Alam din niya ang katangian ng baril na ginagamit ni Leo. Maaring pangmalayuan at may teleskopyo.

Nasindak ang mga kilabot sa ganoong uri ng labanan. Ayaw nilang mamatay na walang laban. Hindi nila nakikita ang kalaban na pawang tiyak ang panunudla. Nag-ukluan sila sa bakod at nag-iisip ng magandang paraan.

Sinamantala naman ni Alfon ang katahimikan sa loob ng kuta. Patakbo niyang nilapitan si Wana at pagdaka’y kinalinga.

Sa ganoong pagkakataon, hindi nagpabaya si Leo. Hindi niya tinulutang makasungaw ang mga kalaban. Bawat masilip niya sa teleskopyo, kahit sa siwang lang ng bakod, patay din dahil nabibiyak ang kahit matigas na troso sa lakas ng baril ni Leo.

“Delicado ang situacion natin.” sabi ni Juarez kay Garuda, habang magkatabi silang nakaupo at nakasandal sa bakod.

“Kailangang mamatay si Leo Ladoza.!“ pabulong na sabi ni Garuda at tinangka pang paputukan ang ilang babaing nasilip niya sa siwang ng bakod.

“Huwag.!“ pasigaw na saway ni Juarez. Baka gusto na nilang sumuko.?“ dugtong pa at hinilang pababa ang baril na isinungaw ni Garuda sa ibabaw ng bakod.

Naudlot din ang tangkang pagtudla ni Leo sa ulo ni Garuda. Kung nagkataon, butas ang saklob sa ulo ng isang indones. Nakaligtas si Garuda at ‘di nakilala ni Leo sa saglitang pagsilip sa teleskopyo.

Dagli namang nagpaputok ang mga babaing may hawak na baril. Wari’y naamoy nila kung saang gawi naroroon si Garuda o kaya nama’y sadyang alam nila ang amoy ng taong nagsamantala sa kanila. Ang taong ‘di kanais-nais ang amoy.

Natadtad ng punglo ang kinasasandalan nina Garauda at Juarez. Agad silang dumapa pagkat nauka ang bakod at tumatagos ang punglo. Sa gayong pangyayari, naninisi ang sulyap ni Garuda kay Juarez, ngunit hindi maihayag sa buka ng bibig. Para siyang nangingilag kahit nakikita niyang patuloy ang pagkalagas ng kanyang mga tauhan.

Ang nangangalit na kalooban ni Garuda ay napukaw nang lumigid sa bakod si Mostafa.

“Wala nang gumagalaw sa gawing likuran at tagiliran. Dahil sa dilim, ‘di ko nakita ang kanilang pag-alis. Parang naamoy nilang naririto ka sa harapan.!“ parang kantiyaw ni Mostafa kay Garuda.

“Tarantado.! Huwag kang sumungaw.! Nasa labas si Leo Ladoza, may teleskopyo ang kanyang baril.!“

Hindi pa man natatapos ang iba pang sasabihin ni Garuda, umilandang na ang saklob sa ulo ni Mostafa sa bigla niyang pagyuko. Butas at nahulog sa ibaba. Naupo na lang siya at nanlilisik ang mga matang pinagmasdan ang ilang tauhan na uka ang tungki ng ilong.

“Marami na ang nalagas sa ating tauhan.!“ baling ni Garuda kay Juarez.

“Sayang lang kung hindi natin mapapangalagaan ang dala mong kargamento. Gumamit tayo ng mortar.!“ dugtong pang pasigaw na may galit.

Matagal na napatitig si Juarez kay Garuda. Nag-iisip. Di kawasa’y tumango. Tinanggap ang mungkahi pagkat hindi nga nila alam kung saan nagungubli si Leo at kung gaano pa ang pinsalang lilikhain sa kanila.

Sa labas ng kuta ay namamanaag na rin ang aandap-andap at nanghihinang hininga ng mga Anak-Parang. Kailangan na nilang ipagpaliban ang igting ng paghihiganti. Gusto pa nilang makita ang kamatayan ni Garuda at iyon ay mangyayari lamang kung sila’y makakalayo sa tagibang na kalagayan yamang nakatakas na ang ilang bihag na sadya nilang ililigtas.

“Pansamantala tayong uurong sa labanan.!“ sigaw ni Leo sa nadaramang kalagayan ng mga Anak-Parang. “Hahanap tayo ng magandang kanlungan upang maging parehas ang labanan.!“ sudlong pa niya sa pangambang higit na mapanganib ang gagawing ganti ng mga kalaban.

Pangko ni Alfon ang duguang si Wana. Nagmamadali. Kasabay ang mga tauhan na may alalay ding sugatan. Ang iba nama’y pinipilit pa ring buhatin ang mga bangkay na nalugmok sa dilim.

Patuloy ang pamumutok ni Leo. Hinahanap sa teleskopyo ang mga kalaban, kahit sa siwang lang ng bakod. “Mauna na kayo, Alfon.!“ sabi pa niya. “Isakay sa kareta ang mga sugatan. Madali,!“

Nagmamadaling tumalima si Alfon. Alam niyang hahanapin pa ang mga kalabaw na nagulat sa putukan.

Doon naman sa loob ng kuta ay bumaba si Juarez sa lupa. Mabagal ang kanyang kilos sa pag-uutos na ihanda ang sandatang almires na kung tawagin nila ay mortar. Mabigat sa kanyang kalooban ang gagawing pamiminsala sa kabaro ng kanyang ina.

Mahabang katahimikan bago naganap ang kagustuhan ni Garuda. Narinig sa labas ang humuhuning pampasabog. Bumagsak at sumambulat sa dating kinadadapaan ng mga Anak-Parang. Dumagundong ang paligid at nayanig ang lupa.

Lalong napabilis ang takbo ng mga kalabaw na humihila sa kareta. Nangagulat sa nakakabinging putok ng mortar.

Nang matapos ang bugso ng pagsabog sa harapan ng kuta, nalingunan ni Leo si Alfon na humahangos sa paglapit.

“Dalawa tayong pipigil sa gustong humabol.!“ anang binatang parang. Hawak ang isang de makinang baril.

Nasiyahan si Leo sa sinabi ni Alfon. Isinuksok sa baina ang kanyang baril at saka nilapitan ang isa pang kauring sandata na sadyang iniwan ng mga nagsilikas upang may magamit si Leo sa labanan.

Pinagkiskis ni Alfon ang kanyang daliring hinlalaki, hintuturo at hinlalato, bago nagbanta. “Kung sakali, ngayon lang ako babawi.!“

Sa itaas naman ng bakod ay naunang sumilip si Mostafa sa ibaba. Iginala ang paningin at napamulagat nang mapagtantong wala na ang pangkat ng Anak-Parang, kasama ang mga bangkay. “Wala na sila.!“ sigaw pa niya.

Agarang sumilip si Garuda sa labas ng bakod. Nanlumo siya nang makita ang kaganapan. Naisip niyang kasama si Leo sa umurong na kalaban. Agad din niyang inihanda ang isang kabayuhang pangkat na tututgis sa mga Anak-Parang. Gusto niyang makatiyak. Hindi lulubayan ang kalaban hanggang sa maubos, pagkat alam niyang kayang abutan ng kabayo ang kalabaw na may hilang kareta.

Isa pang pangkat ang binalingan ni Garuda. Ang mga nakakaretang kilabot na abala sa pagsasakay ng mga mabibigat na sandatang nasa lupa. Walang itinira sa pangambang kunin ng sinuman at maagaw ang kanilang kuta.

“Puersahang tatakas sa kulungan si Don Q.“ sabi ni Juarez. “Malakas ang conexion niya sa lahat. Hindi magtatagal, pupunta siya rito para kunin ang kanyang armamentos. Delicado ka, Garuda.!“ dugtong pang nagbabanta ang pagsipat sa kanyang kausap.

“Manood ka na lang, Senyor Juarez.” sabi ng pinunong indones. “Malakas ang utak ko. Nakaplano na ang dapat mangyari.“ nakangisi pang wika at minadali ang utos na sumamang lahat ang mga tauhan.

Ilang ulit na umiling si Juarez. Hindi siya sampalataya sa utak ni Garuda, hindi dapat iwan ang kuta at ilabas ang lahat ng armas. Nagbigay siya ng panukala.

“Bakit kailangan pang tugisin ang mga kalaban.? Paralisado na sila. Wala nang magagawa upang atakihin tayong muli.!”

“Iba ang dugo ng lahing asya. Habang nasusugatan, lalong tumatapang. Hangga’t humihinga, babalik at babalik ang mga asyanang iyon. Alam ko pagkat asyano rin ako. Kailangang tapusin na ang aming katapangan at ito’y para din sa ating organisasayon.“

“Marami ang mamamatay sa iyong katapangan. Kapag hindi umubra ang sinasabi mong utak.! Mananagot ka sa akin.!“ madiing banta ni Juarez.

“Kung kailangan, handa akong managot para sa ating organisasyon.!“ mariin ding angal ni Garuda. Parang gusto nang makipagtagisan ng galing kay Juarez, ngunit bigla rin siyang natigilan nang maalalang kahit magtulong pa sila ni Mostafa sa larangan ng desapyo, hindi sila mananalo kay Juarez.

“Nabanggit mo ang ating organisacion, comporme ako sa sinasabi mong plano, dahil ikaw ang pinuno rito.” ayon na rin ni Juarez pagkat si Garuda ang may basbas kay Don Q.

Biglang humalakhak ang pinunong indones, gayon din sa pagtigil upang magpaliwanag. “Gusto ko lang mabawi ang mga baril sa ano mang paraan.”

Naunang lumabas sa wasak na pinto ng kuta ang pangkat na pawang nakasakay sa kabayo. Ang karamihan sa kanila ay purong kastila. Malulupit at sumasabay sa mga tauhan ni Sultan Kalagara na parang mga baliw. Naghihiyawan sa kagustuhang abutan agad ang pangkat ng Anak-Parang at masalasa ng harapan ang pinakamabigat nilang kalaban.

Napakislot si Alfon sa biglang paglabas ng mga kalaban. Parang nangati ang kanyang kamay. Muling pinagkiskis. Ngayon, kasama na ang daliring palasingsingan at ang kalingkingan. Ibig sabihin, patay kung patay.

“Ngayon na , Alfon.!“ sigaw ni Leo, bilang hudyat.

Magkasunod na bumuga ng kamatayan ang de makinang baril nina Leo at Alfon. Walang puknat. Para bang umaayon sa malaking galit ng dalawang silanganin. Nayuyugyog ang kanilang katawan sa pagpapapulandit ng mga punglo na kung sumisid sa katawan ng kalaban ay tagusan.

Parang inimpiyerno ang paligid ng mga manunugis. Ilang kabayo rin ang nadamay sa kamatayan bago natapos ang putukan.

“Nag-aalala ako sa sugat ni Wana.!“ humihingal na sabi ni Alfon. “Sundan na natin sila.” nakikiusap pa niyang sudlong kay Leo sabay lapit sa kausap habang bitbit ang de makinang baril.

Sumang-ayon si Leo. Nadarama niyang kailangan nga sa ganoong pagkakataon ang tulong ng isang lalake. Isinampay niya sa balikat ang mahabang saluksukan ng punglo upang buhatin din ang ginamit niyang baril.

Samantala, nakita ni Garuda mula sa wasak na pintuan ang kinaroroonan ng mga nanambang. Nasa kulumpon ng halaman at punong kahoy. Pinigilan niya ang mga nakakaretang kilabot na halos lahat ay sarili niyang tauhan. Gusto niyang hawanin ang tinik sa landas na kanilang tatahakin. Agad niyang tinungo ang hagdan na paakyat sa itaas ng bakod.

Pagsapit sa sadya, karakang ipinihit ni Garuda ang naroroong machinegun at itinapat sa gawing tinandaan niya na malapit sa isang malaking punong kahoy.

Umaasa rin siyang naroroon pa ang kanilang kalaban at nag-aabang. Dagling naningkit ang kanyang mga mata sa pagpapaputok. Sinuyod ng punglo ang kasukalan at ibig tiyakin na walang makakaligtas sa pook na iyon.

Malayo na sa panganib sina Leo at Alfon. Nakasakay na sila sa tig-isang kabayo at may kandong na de makinang baril.

“Ba-Baka maubusan ng dugo si Wana.?“ gumagaralgal na sabi ni Alfon nang mapunang bantulot ang kanyang kasama sa paglayo.

Hindi kumibo si Leo. Pinagbigyan na lang ang nag-aalalang kasangga. Hinaplit na lang ang kanyang kabayo hanggang sapitin nila ang mabahay na bahagi ng bayan.

“Mag-antabay na lang tayo, Alfon.!“ sabi pa niya. ”Baka madamay ang mga sugatan kung mayroon pang hahabol.

Si Alfon naman ang ‘di kumibo. Gayon man, naging marahan ang kanilang pangangabayo at dumalas ang paglingon sa likuran. Tahimik ang kapaligiran. Mapapansin ang bawat maraanan nilang tahanan ay pawang nakapinid at walang tao.

Noon nama’y papasok na sa pamayanan ng Nayong Dalisdis ang kareta ni Mang Nario. Ang bawat putukan ay maliwanag nilang naririnig.

“Diyos ko.! Huwag po ninyo siyang pabayaan.!“ hinaing ni Lumin. Nagdarasal na patungkol kay Leo. Nakalupagi sa kareta at katabi si Azon.

Sa taglay na liwanag ng bagong umaga, kita na ang tunay na kaanyuan ni Lumin. Bahagyang nangayayat sa katamilmilang kumain. Nangingitim ang paligid ng mga mata sa ‘di pagkakatuog. Para sa kanya, ngayon lang nagkaroon ng buhay ang natatanaw niyang paligid. Gusto rin niyang sumigla agad ang kanyang katawan sa muli nilang pagkikita ni Leo.

Lumuluha sa kaligayahan si Aling Maling nang sumalubong sa karetang nasa loob ng bakuran. Halos masubsob sa pagmamadaling mayakap si Lumin dahil sa nakitang anyo ng anak. Alam niyang iyon ay dahil sa pangungulila ng pusong nagmamahal. Agad niyang ibinalita ang napag-usapan nila ni Leo. May sigla kahit may luha ang kanyang mga mata.

“Inang, maghihintay po ako sa pagbabalik ni Leo.“

“Hindi lang ikaw, anak. Tayong lahat.! O, Diyos ko.! Huwag po sanang magbago ang kasabikang ito.!“ panalangin ni Aling Moreng sa nasang ligtas na makabalik si Leo at iginala pa ang kanyang paningin sa mga kapit-bahay na nakamasid sa kanila.

Saka lang nagkaroon ng pagkakataon si Azon. Agad inapuhap ang kamay ni Aling Maling para magmano. Gayon din kay Aling Moreng, bago nagwika. “Ngayon, simula na upang maging masaya si Ateng Lumin. Kakain siyang mabuti at mahihimbing sa pagtulog. Kasi, pakakasalan na siya ni Kuyang Leo.!“ sigaw pa niyang humahagikgik.

Tumawa na rin si Lumin at yumakap pa kay Aling Moreng.

“Huwag ka nang malungkot. Ligtas na darating si Leo at hindi na kayo magkakawalay.“ alo ni Aling Moreng kay Lumin. Gusto pang umiyak sa kaligayahan habang paakyat sila sa baitang ng hagdan.

Nanungaw si Lumin at sumulyap sa landas na patungong bayan. Ang ligayang nababakas sa kanyang mukha ay nadadaig ng pangambang baka maulit ang pagdating ni Alfon. Humahangos. Siya ang tinatawag sa pagbabalitang napahamak si Leo sa palikong landas. Napatulala siyang muli at nangalog ang tuhod sa paghihintay.

Sa kuta naman ay nakangisi pang bumaba sa hagdan si Garuda. Pinalapit ang kanyang mga tauhan at inutusang ibaba ang lahat ng machinegun na nasa itaas ng bakod. Ipinagyabang din niya ang ginawang panunudla sa kasukalan. Sa dami ng punglong kanyang pinawalan, butas maging ang kaluluwa ng dalawa niyang kalaban.

Makaraan ang pagyayabang. Sa hudyat ni Garuda, nagsunurang lumabas sa kuta ang ikalawang pangkat ng mga manunugis. Limang kareta ang kanilang sinasakyan at umaasang patay na ang tatambang sa kanila.

Nakasakay sa kabayo si Garuda at nagpaunang tinungo ang pook na kung saan ay pinaulanan niya ng punglo. Subalit ang inaasahan niyang tanawin ay hindi umayon sa kanyang kagustuhan. Isa mang bangkay sa halamanan ay wala siyang nasungawan. Nanghinayang siya sa kanyang kayabangan at bilang pagtatakip, sinigawan ang magagaling niyang tauhan na pawang nakasakay sa kabayo. Kailangan nilang mabawi ang mga sandatang hindi iniwan ng mga Anak-Parang sa ginawa nilang paglusob sa kuta.

Ang mabagal na habulan ay naganap. Nakaantabay lang ang kabayuhang pangkat ni Garuda sa mababagal na kareta. Sinusubaybayan nila ang nag-uumigting na lakas ng kalabaw. Ang mabibigat na sandata at ang nagsisiksikang kilabot na nagpapalangitngit sa gulong ng mga nasabing sasakyan.

“Bilisan pa ninyo.!“ nagdudumali pang sigaw ni Garuda sa mga nakakareta. Alam niyang sa malaot-madali, mag-aabot ang labanan. Hindi makakaiwas ang kalaban pagkat nasusundan nila ang patak ng dugo sa lupa.

Nakamasid lang si Juarez. Alinlangan siya sa mga pangyayari, ngunit kailangan din niyang maghintay kung mababawi ang mga sandatang pag-aari ni Don Q.

Sa nauunang dako ng lansangan ay narating nina Leo at Alfon ang bukanang palabas ng bayan. Nakita nila roon sina Abueg, Bertong Damulag at si Tata Inggo. Ang ninong ni Lumin sa binyag at isa ring Tenente sa bayan. Nakakila-kilala sila pagkat sa ganoong pagkakataon, ang lahat ay magkakaibigan.

“Sasama na kami, Leo. Gusto kong makatulong sa ating bayan.!“ sabi ni Abueg at agad umangkas sa kalabaw na sinasakyan ni Berto.

“Ako rin, Leo.! Ang tibay ng damulag sa gaano mang hirap ay siya kong gagamitin sa pakikibaka.!“ sabi naman ni Berto. Ang taong matagal mahapo at walang pagod ‘ika nga ng mga kakilala.

“Kahit matanda na ako.! Handa ko ring ihandog ang aking buhay sa ating Inang bayan.!“ sabi rin ni Tata Inggo. Nakasakay din sa kalabaw.

“Kailangan kayo sa ating bayan.!“ tanggap ni Leo.

“Sumunod kayo sa amin.” amuki naman ni Alfon.

Sa unahang dako pa roon, minabuti ni Wana ang magpatuloy pa sila sa Nayong Dalisdis. Kasalukuyang silang nagdaraan sa dalawang burol na kanilang pinagkukutaan. Naroon pa rin ang iniwan nilang bantay na si Doro. Ang kapatid ni Huling ng Baryo Wawa. Humabol sa kanila at sumakay sa kareta ni Wana.

Ang kalagayan ng mga manghihimagsik ay nakakabahala. Kailangan nila ang tulong ng mga taga nayon. Marami na ang nasasawi sa mga sugatan. Naubusan ng dugo at nahihibang na sa lagnat.

Sa bungad pa lang ng nayon ay agad sumalubomg ang doo’y nagbabantay. Ang pangkat ni Desto. Nagkakagulo sa pagmamadali.

“Halikayo.! Maluwag doon kay Tata Nario.!“ nababagabag na turo ni Desto sa kanilang Tenente del Nayon. “Kailangang madamayan kayo ng mga taga nayon.”

“Salamat, Desto“ mahina at paos na sagot ni Wana.

Tumango lang si Desto at nagpaunang lumakad, Hawak ang isang thompson at iniwan ang mga tauhan niya upang magbantay.

Mula roon ay natatanaw sila ng mga taga nayon. Nagkakagulo sa paghihintay. Ang iba namang nainip ay nagsitakbo sa paglapit. Gustong makibalita at agad makatulong.

Hindi nagtagal, naging aligaga sa pagsalubong ang mag-anak ni Mang Nario. Kanya-kanyang kilos. Nagmamadali at humihingi ng saklolo sa mga kapit-bahay upang tumulong sa pangangalap ng damong panlunas sa sugat at pampaampat ng dugo.

Nasa ibaba na rin si Lumin. Palinga-linga at parang may hinahanap. Kasunod niya si Azon sa kagustuhang makita rin si Leo.

“Ipasok sa kamalig ang mga may sugat sa katawan.!“ ani Lumin sa mga taga buhat na binatang nayon. “Azon, tumulong ka rito sa labas.!“ baling pa niya sa pinsan.

“Oo, Ateng.” sagot ni Azon. Ngayon lang nahantad sa liwanag ang kanyang anyo, at masasabing hindi naman mahuhuli ang ganda kay Lumin.

Sa loob ng kamalig ay inuna ni Lumin ang paglingap kay Wana. Sa tingin niya ay mas malubha ang sugat ng pinunong Anak-Parang. Mabilis ang kilos ng dalagang nayon. Nahahabag sa dalagang bayan na kasalukuyang nakatukop ang palad sa madugo niyang tagiliran.

Binuksan ang damit ni Wana. Nahantad ang sugat. Malaki ang gawak at bahagya pa ring binabalungan ng dugo. Pinunasan at maingat na nilinis sa tubig na mainit ang paligid. Wala siyang kibo at hindi dumaraing. Ang alam niya, hindi kaya ng ganoong paraan sa paggamot ang ganoon ding uri ng kapansanan.

“Pumanatag ka lang, Wana. Gagaling ka rin.“ pampalakas-loob na sabi ni Lumin.

“Pipilitin kong mabuhay kahit sa araw lang na ito. Gusto kong mabalitaan man lang ang kamatayan ni Garuda.“ mahinang sagot ni Wana.

Hindi, Wana. Huwag kang magsalita nang ganyan. Kailangan ng ating bayan.“ malungkot na sumamo ni Lumin.

Nauntol ang kanilang pag-uusap nang pumasok sa kamalig ang ilang dalagang parang. Sila ang umasikaso sa dalawa pang hindi nalulubasan. Halos magpang-abot ang kanilang siko sa kadudukwang. Nahihirapan, pagkat nakapahalang ang tatlong sugatan at nakasandal sa sako-sakong palay.

“Mabuti na lang at buhay kayong nakarating dito.” wikang pasasalamat ni Lumin sa kawaksing babae.

“Nasawi sa daan ang mga abot-dili. Sa tulong ng mga naraanan naming mamamayan, inako nila ang paghahatid sa kamag-anakan ng mga kapus-palad.“ paliwanag ng isang dalaga habang gumigisi ng saplot.

Nanlumo si Lumin. Nakagat pa ang ilalim ng kanyang labi nang malaman ang sinapit ni Bidang. Ang kaawa-awa niyang kaibigan na nalugmok sa dilim. Sa pakiramdam niya. Napigtal ang isang bituin. Nabawasan ang luningning sa langit, ngunit pansamantala lamang pagkat ‘di maglalao’t ninikat ang panibago at maliwanag na umaga.

Di kawasa’y hindi napigilan ni Lumin ang magtanong sa kanyang kawaksi. “Nasaan si Leo.?“

“Naiwan sa labanan upang kami’y pansamantalang makalayo at makarating dito.“ sagot ng tinanong.

Ang pangamba ni Lumin ay dagling naparam nang mula sa labas ay narinig niya ang sigaw na dumarating sina Leo at Alfon. “Salamat po, Diyos ko.“ usal pa niyang naliligayahan, ngunit tagibang ang kanyang kalooban. Hindi malaman kung lalabas o hindi sa kamalig.

Sa labas ay patalong bumaba sa kabayo si Leo. Minasdan ang mga sugatan na sadyang natunton lamang sa patak ng dugo.

Agad namang sumalubong si Aling Moreng. Sumunod si Azon. “Nasa kamalig si Lumin.“ aniya at nakatawang lumigwak ang nganga sa bunganga.

Nabuhay ang kislap sa mga mata ni Leo. Sumilay ang ngiti at hindi na nakapangusap. Dagling tinungo ang dating tinutuluyang kamalig at tuluy-tuloy na pumasok, ngunit dagli ring lumabas sa dahilang bukas ang pang-itaas na damit ng mga babaing sugatan.

Buong tamis namang napangiti si Lumin. Kaligayahan sa saglit nilang pagkikita ng binatang sinisinta.

Muling nagbalik si Leo sa umpukan ng mga sugatang nakaupo sa lilim ng iba’t ibang punong kahoy. Sa tingin niya’y nagmistulang ospital ang maluwang na bakuran ni Mang Nario. Nakita rin niya ang magandang samahan ng mga taga nayon. Tulung-tulong sa ganoong pagkakaaon. Gayon din ang pag-aalala ni Alfon kay Wana. Ang pabalik-balik at paikut-ikot na paglakad sa harapan ng kamalig. Nag-aalala sa minamahal. Nasulyapan din niya si Mang Nario, kasunod ang ilang taga nayon. May dala silang sari-saring halamang damo na panlunas sa maraming kapansanan. Hindi sinasadya’y namasdan niya ang pagdaraan ng batang si Doro, kasama ang ilang batang babae. Muli siyang napangiti, habang minamasdan ang paglakad ni Doro. Umiimbay ang balakang.

“Ikaw pala si Kuyang Leo.?“ ang bating pumukaw sa pagmamatyag ni Leo.

“Ako nga. Ikaw.?“ nakangiting baling ng binata at bahagyang kinapa sa dilim ng isip kung sino ang kanyang kausap. May wangis kay Lumin at para bang napagtanto niya ang dahilan.

“Ako si Azon. Taga kaingin at pinsang buo ni Ateng Lumin.!“ ang sagot at namimilog ang mga matang itinitig sa binata. Natatawa pagkat hindi lang isa ang kanyang itinugon.

“Galing siya sa inyo.?“ tanong ni Leo. Walang katiyakan kung sino ang tinutukoy.

Ang matalas na kawil ni Azon ay tumimo sa dulo ng dila ni Leo upang magtanong tungkol kay Lumin. Nagkaugnay ang kanilang isip at nahuli ng dalagang kaingin ang katanungan ng binatang siyudad sa pamamagitan ng bahagyang pagtango.

Natawa si Leo at inalok niyang maupo si Azon sa nakasubsob na kareta upang sila ay lubusang magkausap.

“Alam mo.“ sabi ni Azon matapos maupo. “Naikuwento ka niya sa akin. Maginoo ka raw. Mabait at higit sa lahat, napakakisig mo. Di ba.?“ suglong pa niyang umiral ang kabataan sa edad na labing walo. Mahaba ang buhok at anyong makaluma ngunit galawgaw kung kumilos.

“Binibiro ka lang niya.” tanggi ni Leo at nanatiling nakatayo sa harapan ni Azon.

“Hindi yata..!“ tanggi ng dalaga. “Lagi nga siyang walang kibo at napilit ko lang na magtapat.“ paingos pang sudlong bago bumaling sa iba. “Ano raw ang dahilan.?“ habol ni Leo.

“Ikaw.!“ sagot ni Azon at humgikgik pa sa kawalang susi ng kanyang bibig.

“Sa pakiramdam ko. Gusto ka niyang sundan sa Pulong Masle, baka raw kung napapaano ka na roon. Pero, halata ko ring nahihiya siya, hindi niya magawa. Kaya tuwing hapon, nagyayaya na lang siyang umakyat kami sa burol. Akala ko’y nais lang niyang lumanghap ng hanging-dagat, ngunit hindi pala. Doon ay lagi siyang nakatanaw sa dagat at nahuli kong sa Pulong Masle nakatutok ang kanyang pananaw. Umiiyak, kaya pala. Hinahanap ka niya roon. Pati ako ay napaiyak sa sinabi niyang baka hindi na raw kayo magkita.” nakayukong dugtong ni Azon.

Gustong umiyak kung hindi napipigilan. Kung ano ang saya niya kanina ay siya namang lungkot ngayon.

Natigilan si Leo. Napatulala at tumanaw sa malayo. Awang-awa siya kay Lumin. Pakiramdam niya ay lalong lumaki ang kanyang pagkukulang. Kailangang niyang magsumakit sa panunuyo.

Sa loob naman ng kamalig ay tapos na ang ginagawa ni Lumin. Bantulot at mandi’y nahihiyang humarap kay Leo hangga’t hindi nakikita sa salamin ang kanyang mukha. Nagpaalam siya kay Wana matapos ayusin ang nakalugay niyang buhok.

“Si Ateng.!“ biglang turo ni Azon nang bumukas ang pinto ng kamalig.

Dagling napabaling si Leo at halata ang kaligayahan sa pagsalubong. Nakangiti si Lumin. Ibig sungawan ng luha ang nangingislap niyang mga mata. Hindi maitago ang kanyang tuwa kahit napuna niyang nangayayat din si Leo sa kanilang pagkakawalay.

“Lumin.” mahinang sambit ng binata at karakang niyapos ang dalaga.

“Hu-Huwag, Leo.!“ paanas ding saway ng dalaga pagkat maraming tao ang nakatingin sa kanila.

Ang pananabik ng dalawa ay nauwi na lang sa tawanan, lalo na nga’t ganoon din ang mga nakamasid. Pigil ng dalaga ang kamay ng binata.

Ang mga nakasaksing naroroon ay nasisiyahan din. Ang ilan ay pumapalakpak at maririnig ang mahinang hiyawan. Puntong tanggap nila ang tagpong iyon.

Datap’wat iba ang nasa isip ni Lumin. Ang dalagang silangan ay hindi nagpapayakap at nagpapahalik sa harap ng balana. Patuloy pa rin siyang humuhulagpos sa kamay ni Leo.

Sa pagkakataon iyon, malawak ang pang-unawa ni Mang Nario. Nakikita niya ang panliliit ni Lumin at ang hantad na pananabik ni Leo. Agad siyang nagpaliwanag. “Mga kanayon.! Ang nababakas nating liwanag sa kanilang mga mata ay kislap ng kaliayahan at pagsisimpan ng pangarap. Malapt na silang ikasal. Sige mga anak.!“ baling pa niya sa dalawang magsing-irog. “Umakyat kayo sa bahay. Doon ninyo pag-usapan ang nalalapit na kasalan.!“

Muling naulit ang mahinang palakpakan ng mga taga nayon. Ang lahat ay natutuwa liban kay Desto na nasa likuran ng mga tao. Nakayuko at hindi matagalang tingnan ang pagkikita ng dalawang nagmamahalan.

Nakatawang lumuluha si Aling Maling. Magkatalukop ang dalawang kamay sa kaligayahan habang nakatanaw kay Lumin. Parang alam niya ang ibig mangyari ni Mang Nario. Ang magkasarilinan ang dalawang kapwa sabik sa isa’t-isa.

Dinalas naman ni Azon ang paghudyat ng kamay. Kinikilig. Pinapaakyat sa bahay ang dalawang nakatakda ng ikasal.

Sumigla naman si Leo sa pangyayaring iyon. Agad niyang hinawakan ang kamay ni Lumin. Niyaya. Alam niyang sa itaas ng bahay, masusubhan ang kanyang pananabik sa dalaga.

Ngunit ang tadhana ay nakatakda na. Nasa ganoong kaligayahan ang karamihan nang paragasang dumating ang isang lalaking parang. Sakay ng kabayo at galing sa bukana ng nayon at sa palikong landas. “Mga kasama.! May papalapit na kalaban.!“ humahangos pang sigaw habang umiikot ang kanyang kabayo sa biglang pagtigil.

Naunang lumapit si Alfon. Galing sa loob ng kamalig. Nag-usisa tumanaw sa landas na bahagyang natatanaw sa siwang ng mga punong kahoy.

Lumapit din si Leo. Nagkakamot sa batok pagkat naunsiyami ang kanyang pananabik kay Lumin. Datap’wat dagli ring naparam nang maalala ang kaganapan. Naisip niyang nagsusumigasig na si Garuda upang tapusin ang digmaan. Nag-aalala rin siyang baka madamay ang mga sugatan at ang walang kamuwangang mamamayan. “Sa bukana tayo mag-aabang.!“ sabi pa niya.

“Mag-ingat ka, Leo.“ mahinang bigkas ni Luminat saka dumikit sa lalaking pinakamamahal. Naiiyak.

“Huwag kang mag-alala. Babalik ako.“ sabi ni Leo at bahagya pang pinisil ang kamay ng dalagang nayon.

“Sasama rin ako.!“ habol ni Abueg. Agad dinampot ang baril ng isang sugatang Anak-Parang. Alam niya ang paggamit .

Humabol din si Desto. Ang hinihintay niyang pagkakataon ay dumating na. Ibig niyang ipakita ang pagmamahal sa Nayong Dalisdis.

Sa kabilang dako. Tumigil sa palikong landas ang pangkat ni Garuda. Nasilip niya sa largabista ang magkatabing burol na ginawang himpilan ng mga Anak-Parang. Nagtaka siya. Dati ay wala siyang nakikitang kubol at damara sa mga burol.

Ang palitan ng kuru-kuro ay nagkaroon ng kasagutan sa mga kilabot. Naghinala silang doon namumugad ang pangkat ng kalaban. Doon nagkakanlong at sila ang inaabatan.

Upang makatiyak, inulit ni Garuda ang kahilingang paggamit ng sandatang almires. Dudurugin nila ang himpilan at maging ang masukal na paligid.

Ilang sandali lang. Sunud-sunod na humuni ang mga bombang pampasabog. Nagsipuslit na paitaas at parang may isip na tinungo ang dalawang burol.

Ang bawat sambulat ay sinusubaybayan ni Garuda sa largabista. Humahalakhak pagkat nasisiyahan sa nakikitang pagkawasak ng mga kubo at damay ang lumang kamposanto.

Ang mga dagundong at pagyanig ay maliwanag na umaabot hanggang sa Nayong Dalisdis. Napapaantanda ang mga matatanda. Umiiyak ang mga bata at nakahanda naman ang matatapang na tagapagtanggol ng mga mahihina.

Marami ring pananambulat ang naganap bago pinatigil ni Garuda ang paggamit ng almires. Malubhang nasalanta ang magkabilang burol na kung tawagin ng balana ay dibdib ng dalaga ayon sa pagkakalimbutod.

Ang diwa ng tagumpay ay nasa isip ni Garuda. Agad nilang tinaluntonang landas na patungo sa mga burol. Nasisiyahan at umaasang ubos na ang kanilang kalaban.

Ang tuwa ay dagling naparam nang marating ng mga kilabot ang sinalantang pakay. Inilibot ang kanilang paningin at sinuyod ang paligid.

“Walang tao.!“ mahinang bulalas ni Garuda. Naniningkit ang mga matang ipinako sa kawalan. Naisip niyang marami ang nasayang sa almires at kakaunti na lamang ang natira.

“Hindi sila tumigil sa lugar na ito.!“ sabi ni Juarez. “Ang patak ng dugo ay nagpatuloy sa dako pa roon.!“ang sudlong na may sarili palang pagsisiyasat.

“Mostafa.!” sigaw ni Garuda. “Sa Nayong Dalisdis sila nagtuloy.! Bombahin mo ang pook na iyon.!“ utos pa niyang gamitin ang almires.

“Hindi.!“ saway ni Juarez. “Marami ang madaramay na mamamayan. Hindi sila ang iyong kalaban.!“ galit na si Juarez.

“Wala akong pakialam kung madamay sila.! Ang mahalaga, maubos ang aking kalaban.! Sige, Mostafa. Gawin mo ang gusto ko.!“ bulyaw ni Garuda at hindi pinansin si Juarez.

“Sa unang sikad ng bombang almires, hudyat upang tayo ay magdesapio.!” tanto ni Juares kay Garuda. Naniningkit ang mga mata sa galit.

Biglang nagbago ang kilos ni Garuda. “Ang gusto ko ay magdalawang pangkat tayo, Mostafa.! Kayo ni Sultan Kalagara ang mamumuno sa mga nakakareta at kami ni Maestro Juarez ang bahala sa kasukalan.!“ ang sabing tila nanunuya pagkat totoong Maestro si Juaraez sa larangan ng desapyo sa baril.

Sa bukana ng nayon ay handa na ang mga tagapagtanggol. Nakaumang sa kalaban ang ilang de makinang baril. Nabigyan din nila ng pansin ang pagkawatak-watak ng mga lumulusob. Ang mga nasa kareta na lang ang kanilang nakita sa makapal na usok mula sa mga nasunog na kubol at damara.

Sa kabilang panig, napatalong pababa mula sa kareta si Mostafa matapos sumilip sa largabista. Nakita niya ang pangkat na nag-aabang sa bukana ng nayon. Pagdaka’y iniutos niyang ibaba ang mabibigat na sandata upang doon na simulan ang digmaan. Nangubli sila sa kasukalang nasa gilid ng lansangan.

Umaayon lang si Sultan Kalagara sa mga kapasiyahan ni Mostafa. Alam niyang higit na mabisa ang baril kaysa sa kanyang kampilan. Kailangan niyang sumunod kapag ganoong patayan ang magaganap.

Sa bukana ng nayon ay unang sumilakbo ang galit ni Alfon nang mapagkurong nakita sila ng mga kalaban. Nalarawan sa kanyang mukha ang kabangisan at hindi napigilang ibugnos ang galit. Pumulandit mula sa hawak niyang de makinang baril ang maraming punglo at nakisabay naman ang kanyang mga tauhan.

Marami sa alagad ni Mostafa ang sumagap sa unang bugso ng kamatayan. Nagpanting ang kanyang tainga. Agad sinunggaban ang isang de makinang baril at walang pagsawang pinaputukan ang bukana ng nayon.

Tumilansik ang maraming punglo sa panig ng Anak-Parang. Marami ang napinsala ngunit lalong sumigabo ang kanilang damdamin sa pakikitalad.

Namayani ang putukan. Sumasagitsit ang mga punglo. Salubungan ang kapara. Nagbabaga at bumabaon sa katawan ng tao, hanggang sa dumami ang nangabubuwal sa magkabilang panig.

Malikot sa labanan sina Desto at Abueg. Palipat-lipat. Bawat Anak-Parang na masawi, nilalapitan at inaako ang paggamit ng mga sandatang nakatiwangwang lamang.

Ganoon din si Bertong Damulag. Bawat malingunang pagkakataon ay sinasamantala. Walang kapaguran kung buhatin ang mabibigat na sandatang ‘di mahirap gamitin pagkat kasado na sa labanan. Paiba-iba ang kanyang pinangungublihan at ‘di alintana ang panganib sa pagtakbo.

Gusto namang makatiyak nina Mostafa at Sultan Kalagara. Pinagamit nila ang mga sandatang almires upang madaling puksain ang kalaban.

Muling humuni ang unang pinasirit ng mga kilabot. Sinubaybayan sa largabista kung saan babagsak upang masukat ang susunod na pampasabog. Sila ang pangkat ni Datu Budjik na ‘di gaanong bihasa sa paggamit ng almires.

Sumambulat ang unang panganib. Dalawampung dipa ang layo. Ang susunod ay mas malapit. Yumayanig ang sikdo ng pangamba. Napapatili ang mga babaing manghihimagsik sa nakatakdang papalapit na kamatayan. Nakakabingi, ngunit iba sina Pule at Omeng. Walang humpay ang pagpapaputok upang makaganti.

Hindi nagpabaya si Leo. Dagling binitawan ang hawak na de makinang baril at mabilis na inihanda ang sarili niyang sandata na may teleskopyo. Mabilis din niyang hinanap sa pamamagitan ng panilip ang pook na kinaroroonan ng almires. Nasa talahiban. Kailangan niyang makipaghabulan sa bawat kurap ng mga mata. Isa-isa niyang pinaputukan ang mga kilabot na kasalukuyang inihahanda ang nakatakdang pamiminsala.

Mabilis ang pagkapuksa ng mga kilabot na taga pagpasabog. Huling nasalanta si Datu Budjik. Subalit ipinakita muna niya ang likas na katapangan ng asyano sa labanan. Nakabulagtang nagwawasiwas pa ng kampilan kahit nangingisay sa pagsigaw.

Binaybay nina Mostafa at Sultan Kalagara ang kasukalan sa gilid ng lansangan. Pasugod sila sa nayon. Ang lagim ay nagbabanta sa kanilang mga mata. Animo’y uhaw sa pagpatay, ngunit handa rin namang mangamatay, kasama ang kanilang mga tauhan.

Ang pangkat naman ni Garuda at Juarez ay bumagtas sa gitna ng kasukalan. Dahil sa pagmamadali, lumikha sila ng kaluskod at halinghing ng kabayo.

Doon naman sa bakuran ni Mang Nario ay hindi nalingid sa mga sugatang Anak-Parang ang lilikhaing panganib ng mga kilabot. Agad silang nagpaputok. Walang tantan sa malaking galit at mabigyan ng babala ang mga nasa bukana ng nayon.

Si Leo ang unang napabaling at nakita niya ang nagaganap sa gawing likuran. Agad niyang binuhat ang de makinang baril at doon sa mga nangungubling kilabot ibinugnos ang napakaraming punglo.

Parang pinutakti ang pangkat ni Garuda. Kabi-kabila ang punglong sumasalasa. Marami ang nasalanta pagkat sila’y nasa tagibang na kalagayan. Manipis ang kublihan.

“Nabigla tayo, Juarez.!“ ani Garuda sa katabi. “Hindi karuwagan ang umiwas sa tiyak ng kamatayan.!“

Tumango si Juarez. Kailangan nila ang pansamantalang kaligtasan at makapanganlong sa isang natatagong kublihan pagkat bilang na sa daliri ang kanilang dami.

Isang lumang pintungan ng uling ang naraanan ng mga kilabot. Bukas ang pinto at mahihinuhang walang tao kahit may usok sa loob.

Ang mga babaing parang ay patuloy ang panunugis. Hindi titigil hangga’t nababanaagan nilang isa si Garuda sa mga nagsiurong. Hindi lulubayan kahit saan man pumaroon.

Ang napasukan nina Garuda at Juarez ay dapugan ng uling. Maraming nakasalansang bakawan at sa tingin ay parang hindi kayang tagusan ng bala. Ang usok ay galing sa pugon na ang gatong ay ipa ng palay at tulyapis. Wala ang may-ari. Maaaring lumayo sa naririnig na putukan at ‘di na inalintanang malapit ng mapalda ang bakawan sa pugon.

“Humanda kayo.!“ ani Garuda sa mga tauhan upang tambangan ang paglapit ng mga Anak-Parang. Kapagkuwa’y binalingan niya si Juarez. Hinudyatan at nilinga ang paligid ng pintungan upang humanap ng kaligtasan.

Ang mga tauhang kilabot ay nagsidapa. Inilusot sa gapok na sawaling dingding ang dulo ng kanilang baril. Sinipat ang papalapit na panganib at hudyat na lamang ang hinihintay.

Naging mabangis ang panunugis ng mga babaing parang. Nasasabik silang mapatay agad si Garauda, kahit malagay sa alanganing katayuan. Nag-uunahan sila sa paghahanap. Sinasagasa ang bawat lipumpon ng mga halaman.

“Dumapa kayo.!“sigaw ni Leo sa paghabol nang biglang magsimula ang putukan. Nakita niyang marami ang nasalantang babae.

“Nasa loob sila ng pintungan.!“ sigw naman ni Alfon at iniumang ang dalang de makinang baril sa nasabing imbakan.

Ganoon din ang ginawa ni Leo. Tatadtarin nila ng punglo ang pinangungublihan ng mga kilabot.

Ang tangka ay natigilan nang maglapitan sa dalawang binata ang mga dalagang parang. Nagsusumamo at nakikiusap na sila ang gagamit ng dalawang de makinang baril. Gustong sila ang papatay kay Garuda.

Nagpaubaya ang dalawang binata. Unang bumitaw si Alfon at saka lang sumunod si Leo.

Pagdaka’y humanda ang mga babae matapos ihagis sa lupa ang sandata nilang ubos na ang bala. Binuhat ang dalawang de makinang baril. Tulung-tulong na pinaputok at patakbong sinugod ang pintungan. May humahawak sa mahabang saluksukan ng bala. May taga higit sa kalabitan at iba pa rin ang taga umang.

Sabayan ang putukan sa magkabilang panig. Umaangil ang mga punglo. Tumitilamsik ang dugo at lumalatag ang katawan ng bawat tamaan.

Pagapang na ang sugod ng mga babae. Marami ang napinsala sa kanila. Mga agaw-buhay. Datap’wat patuloy pa rin ang walang patumanggang pagpapaputok. Walang sawa. Nanggigigil at gustong mawindang ang patatamaan. Ang iba’y wala nang buhay, subalit patuloy pa ring nakahawak sa de makinang baril.

Mariing napapikit si Leo sa kanyang pinangungublihan. Hindi matagalang masdan ang kalagayan ng mga Anak-Parang. Mga dalagang silangan na kung mahandusay sa lupa ay tila hayop ang kawangis.

Gumewang ang pintungan. Nabiyak ang mga haligi at sumambulat ang uling sa nawasak na pugon. Kumalat ang gatong na ipa at lumaganap ang apoy sa nasusunog na bakawan. Matagal din bago natupok ang buong kublihan ng mga kilabot.

“Nagtagumpay sila.!“ sabi ni Alfon. “Nagwakas din ang kasamaan ni Garuda.!“ ang sudlong pang may tuwa at lungkot pagkat dalawa na lang ang natira sa babaing parang.

Hindi nakuhang sumagot ni Leo nang biglang namayani ang putukan sa gawing likuran. Nanghinala silang baka nakapasok ang mga kalaban.

Sabay na tumakbo ang dalawang binata sa tabing bakod ni Mang Nario. Nakita nilang papalapit ang mga kampon ni Kamatayan.

Matagumpay na napasok nina Mostafa at Sultan Kalagara ang bukana ng nayon. Marami pa silang tauhan at parang mga baliw na sa paglusob. Nagsisigawan na para bang mga gutom.

Napilitang umurong sina Desto, Abueg, Pule at Omeng. Sila na lang ang natitirang buhay at sabay-sabay pang naubusan ng punglo ang kanilang sandata.

Ang mga pangyayari ay nasaksihan ni Leo. Agad niyang pinakuha kay Alfon ang de makinang baril na nasa kamalig, at siya naman ay nanganlong sa isang puno upang pigilan ang mga kalaban. Bawat punglong nawala sa kanyang baril na kumikisap ay katumbas ng isang kilabot. Walang pasumala at tiyak ang kamatayan.

Lalo pang narindi ang mga kilabot nang manalasa ang de makinang baril ni Alfon. Higit siyang tumapang sa hangaring huwag nang mapinsala ang pinakamamahal niyang si Wana sa loob ng kamalig.

Parang pinalis ang mga nakahantad na kilabot at nagbaligtaran sa kasukalan. Doon nag-init ang punong tainga ni Sultan Kalagara. Marami sa kanyang tauhan ang nasawi. Ang natitira’y inatasan niyang lumigid sa kasukalan upang gapangin at biglain ang kalaban.

Ang mga tauhan ni Mostafa ay pumakabila sa makitid na daan, patungo sa bakuran ni Mang Nario. Sila ang nagsilbing pain upang manatili ang pansin ng mga tagapagtanggol. Sa bawat malapitang kanlungan ay nagpapaputok.

Hindi nagpabaya si Leo. Batid niyang nasa pangkat ni Mostafa ang malakas na maminsala pagkat sila ang ang magagaling sa baril. Bawat silip niya sa teleskopyo ay katumbas ng isang kamatayan.

Si Alfon naman ang sumusubaybay sa pangkat ni Sultan Kalagara. Naligaw ang kanyang pangmasid nang humadlang ang kasukalan. Nakalapit ang panganib na ‘di niya namalayan.

Ang apat na binatang sina Desto, Abueg, Pule at Omeng ay namalagi na lang sa pangungubli. Gulok na lang ang kanilang hawak at nag-aabang na lang sa malapitang labanan.

Gayon din sina Mang Nario at Tata Inggo. Nag-aabang sila mga halamanang malapit sa pinto ng bakuran. May hawak din silang gulok at handang magtanggol sa kapakanan ng Nayong Dalisdis.

Sa loob naman ng kamalig ay balisa ang dalawang sugatan na kasama ni Wana. Kinuha ng isang sugatan ang maliit na de makinang baril na nakasabit sa dingding ng kamalig. Ang baril na ginamit noon ni Lumin sa pagpatay ng sawa sa kagubatan. Nais nilang makita ang ibinalita ni Alfon. Ang kamatayan daw ni Garuda sa kamay ng mga babaing Anak-Parang. Lumabas sila matapos sulyapan si Wana. Napagkuro nilang nahihibang sa lagnat ang kanilang pinuno, pagkat paulit-ulit na inuusal ang katagang patay na si Garuda.

Sa labas ay lumilingang nagtanong ang isang sugatang babae nang wala silang makitang kasamahan na nakasandal sa mga punong kahoy. “Nasaan sila.?“

“Maaaring sila ang sumugod kay Garuda.” sagot ng kasama, tuwid ang tingin sa kasukalan at bitbit ang baril.

Lumabas sa bakuran ang dalawang sugatang babae. Mapilit kahit sawayin ni Mang Nario. Magkaakbay sila at kapwa tutop ang sugat sa kanilang katawan. Ibig nilang lumapit sa pinangungublihan ng mga tagapagtanggol.

Madali namang nalipol ni Leo ang mga tauhan ni Mostafa, ngunit patuloy pa rin ang pagsilip sa teleskopyo upang hanapin ang pinuno ng mga iyon .

Humihingal ding pinagala ni Alfon ang kanyang paningin. Wala siyang makitang kaaway. Butil-butil ang pawis sa kanyang mukha at doon mababakas ang labis na pag-aalinlangan. Alam niya na kung minsan, ang labis na katahimikan ay may kabuntot na panganib. Kailangang nagkaroon ng dahilan upang makita niya ang mga kalaban. Naiinip.

Di kaginsa-ginsa’y nagkaroon nga nang katuparan ang kagustuhan ni Alfon. Umalingawngaw ang sunud-sunod na putukan. Ang mga punglong nanggaling sa kasukalan ay walang awang naglagusan sa katawan ng dalawang babaing may sadya ng sugat na nararamdaman. Sila ang naging dahilan upang madama ni Alfon ang kinaroroonan ng mga kalaban.

Biglang napalingon si Leo. Nakita niya ang huling aringking ng dalawang Anak-Parang at ang dagling kamatayan. Napayuko na lang siya na umiigting ang bagang.

Animo’y bigla na lang ang pagkulo ng dugo ni Alfon sa saglitang pagkakakita sa mga kalaban. Naniningkit ang mga mata sa galit at walang patumanggang pinaputukan ang kasukalan.

Isa rin si Desto sa nag-aalumpihit. Tinakbo niya ang baril na nabitawan ng babaing parang. Dinampot at nakipagsabayan din kay Alfon upang sa kasukalan din ibugnos ang kanang galit.

Tumama ang bugso ng panunudla. Walang nakaligtas sa mga halang ang kaluluwa at pabalibag silang nangisay sa kasukalan.

Napabayo sa lupa si Sultan Kalagara. Gusto nang maghuramentado pagkat nag-iisa na lang siya sa balat ng lupang tinalupan sa bagsik ng digmaan.

“Ubos na rin ang mga tauhan ko.!“ hiyaw naman ni Mostafa kay Sultan Kalagara. Magkalayo ang kanilng agwat ngunit nagkakatanawan. “Dalawa na lang tayo at ganoon din sila.! Akin si Leo Ladoza.!“ ang sudlong pang nangangalit ang bagang habang gumagapang sa kadawagang pantay tuhod ang taas.

Humawak ng isang de makinang baril si Sultan Kalagara upang ipanapat kay Alfon na ganoon din ang hawak. Pauklo siyang lumipat-lipat sa kasukalan at sadyang humiwalay kay Mostafa upang bigyan ng daan ang sariling paraan sa paglaban.

Muling lumaganap ang katahimikan. Maging ang mga kuliglig na nakadapo sa punong kahoy ay kanina pa nagsitigil sa paghuni. Ganoon din ang mga kagaykay at kauring kulisap ay tila nakikiramdam sa kanilang kinaroroonan. Nagsusumiksik sa mga bato at sa nangangalukabkab na balat ng patay na punong kahoy.

Ang magkasalubong na gapangan ng magkabilang panig ay nagtagpo sa talabisbis ng dalawang burol. Biglang nagkatanawan sina Alfon at Sultan Kalagara. Sabay silang umunat sa pagkakayuko. Marahan, ngunit mailap ang kanilang mga mata. Tinitiyak kung sila lang ang magkaharap sa pagkakataong iyon. Kalaunan, nagtagpo ang nanlilisik nilang mga mata.

“Mayuyurakan lang ninyo ang lupang silangan, kung babad na sa dugo ng lahing kayumanggi.!“ sigaw ni Alfon.

“Gago.! Talagang palalanguyin kita sa sarili mong dugo.!“ bulas din ni Sultan Kalagara, bago humalakhak.

Ang igting na namamagitan ay karakang nasubhan sa biglang bugnos ng mga punglo. Mabilis si Alfon. Nauna siyang nakapagpaputok at naitama sa kalaban.

Nawindang si Sultan Kalagara sa pagkakatayo. Gumewang at bago nalugmok nakuha pa ring magpaputok kahit wala sa tamang puntirya, ngunit isang bala rin ang naitama niya sa kalaban.

Napurong din sa pagkakatayo si Alfon. Bumagsak na paluhod danga’t patuloy pa rin ang pagtudla sa kalabang nasa kasukalan.

Ganoon din si Sultan Kalagara. Patuloy pa rin ang pagpapaputok kahit wala sa tamang tudlaan. Patunay lang na isa rin siyang asyano sa pakipaglaban.

Kapwa yumuyugyog ang katawan ng dalawang naglalaban sa paggamit ng de makinang baril. Para bang wala silang kamatayan, hanggang sa agasan sila ng dugo sa ilong at bibig, tanda sa nalalapit nilang kamatayan.

Si Leo ang unang nanghinayang nang masaksihan ang naganap na subukan sa de makinang baril. Humanga siya kay Alfon. Kahit nakalupasay na sa lupa, patuloy pa rin ang pagpapaputok. “Isa kang bayani ng Isla Busuangga.” usal ni Leo habang minamasdan ang unti-unting paglatag sa lupa ng duguang katawan ni Alfon.

Ang lahat ay nakita rin ni Mostafa. Humanga siya sa katapangan ni Sultan Kalagara. Naisip niya ang lahing asayano ay sadyang nagpapakamatay sa tungkulin. Hindi umuurong at lalong bumabangis kapag nasusugatan. Saglit lang siyang nagdili-dili at biglang sumigaw. “Leo Ladoza.! Ako si Mostafa.! Hinahamon kita ng duwelo.! Lumabas ka.!“ saka siya lumantad at naglakad sa lansangan.

Ang paghahamon ay nakarating sa pandinig ni Lumin na kasalukuyang nagrorosaryo. Kasama niyang ngdarasal ang dalawang matandang babae at si Azon. Nanginginig ang kanyang tuhod sa pagkakaluhod at iniukol niyang lahat ang panalangin sa kaligtasan ni Leo.

Umabot din sa pandinig ni Wana ang pangalang Mostafa. Ang taong hindi rin niya malilimutan. Napadilat siya at nakangiting bumangon na para bang may binabalak sa sarili.

Sa larangan ng labanan ay gumitna na rin sa lansangan si Leo. Tinanggap ang hamon ng kalaban.

Naningkit ang mga mata ni Mostafa. Sinipat ang katotothanan. Ang dating bantay ni Marcaida sa kubo ay kaharap na niya ngayon. “Ikaw pala si Leo Ladoza.“ ang sabing magilas at pinagkiskis ang mga palad upang ipagyabang ang kanyang galing.

Nanalim lang ang mga mata ni Leo. Hindi umimik. Humanda siya ngunit biglang naudlot nang sumulpot mula sa kasukalan ang dalawang naggagandahang dilag ng Anak-Parang.

“Nasunog ang bangkay ni Garuda.!“ sigaw na inuulit-ulit ng dalawang babae habang tumatakbong palapit sa bahay ni Mang Nario.

Si Leo ay nanatiling nakatitig kay Mostafa. Hindi pansin ang mga nagbalita.

“Kasamang nasunog ng pintungan ang bangkay ni Garu…!“ hindi naituloy ng babaing parang ang gustong sabihin nang mamataan nila sa malayo si Mostafa. Nabigla sila. Kung may hawak lang silang baril, muling dadanak ang dugo.

“Mga baliw.!“ bulyaw ni Mostafa. “Hindi papayag si Garuda sa ganoong paraan lamang.!“ ang sudlong pang humahalakhak habang ang mga mata’y nakapako kay Leo.

Ang matimbang na pagpansin sa kalaban ay nagsilbing dahilan upang hindi nila mapansin ang isa pang kumikilos sa malayo.

Muling namayani ang sunud-sunod na putok ng de makinang baril. Iyon ay namula kay Wana. Kandong ang nasabing sandata habang nakaupo sa tabi ng bangkay ni Alfon.

Ang pulandit ng mga punglo ay iisa ang gawing pinatunguhan. Kay Mostafa humantong. Karamihan ay sinagap ng kanyang katawan. Pabalibag siyang umilandang at sumalalak sa isang masangang halaman.

Walang puknat pa rin ang pagpapaputok ni Wana. Nangangalit ang kanyang mga mata sa nakikitang pagkagutay ng katawan ni Mostafa. Umuuga ang kanyang katawan at hindi pansin ang bawat sikad ng de makinang baril na malakas magpadugo sa kanyang sugat.

Saka lang tumigil si Wana nang maubusan ng punglo ang sandatang ginamit din ni Alfon kay Sultan Kalagara. Nakangiti siyang hinintay ang paglapit ng binatang siyudad. “Pa-Patawarin mo ako, Leo dahil naunahan kita kay Mostafa. Marami ring salamat sa pagdating mo.” sabi pang nanghihina ngunit bakas sa kanyang mukha ang kaligayahan sa nalalapit na hantungan.

Hindi kumibo si Leo. Inalis muna ang mabigat na de makinang baril sa kandungan ni Wana, bago umalalay at nagsalita. “Kailangang mapigil ang pagdanak ng dugo mo.“

Umiling lang si Wana at hindi nagsalita.

Mabilis ding nakalapit ang dalawa pang babaing parang kay Wana at nakialalay sa pagkakatingkayad. “Kasama mo kami sa kaligayahan pagkat nakaganti na tayo kay Garuda. Patay na siya. Sunog ang buong katawan.!“ masiglang wika ng isa sa kanila at sabay pa nilang niyakap ang babaing pinuno. Tumutulo ang luha.

Kahit nanghihina, muling napangiti si Wana. Kumalas sa dalawang tauhan at payupyop na lumipat sa dibdib ni Alfon. “Ka-Kasama mo akong maaagnas sa tiyan ng lupa.!“ ang sabi pang lumuluha at saka niyakap ang bangkay ng kanyang sinisinta.

Natigilan ang balak na pangkuin ni Leo si Wana upang dalhin sa kamalig at muling makapagpahinga. Napayuko siya. Hindi niya matagalang tingnan at sukatin kung gaano kawagas magmahal ang isang lahing silangan. Masakit magkahiwalay at mamarapatin na lamang ang magsama sa iisang hukay.

Sabay namang dumukmo sa likuran ni Wana ang dalawang babaing parang. Tumatangis at nagbabadya ng pamamaalam.

Nauntol ang pagmumuni ni Leo nang magsimulang maglabasan ang mga tao. Bumaling siya at unang nakalapit sina Desto at Abueg.

Pahangos ding lumapit sina Mang Nario at Tata Inggo. Palinga-linga. Hawak pa rin ang kanilang gulok at tinitiyak kung mayroon pang panganib.

Bumaba rin ng bahay ang mag-anak ni Mang Nario. Tila gustong makaragdag sa ganoong umpukan.

“Leo.!“ tawag ni Abueg. “Patay na si Wana.!“ gulilat pang dugtong nang makapagsiyasat sila ni Desto.

Malungkot ang pananaw na bumaling si Leo. Parang alam na niya ang mangyayari. Gayon ma’y lumapit siya at nagpatunay sa sarili.

“ Hesusmaryang mahabagin.!“ sabay pang bulalas nina Aling Maling at Aling Moreng, kasunod ang pag-aantanda nang angatin ni Leo ang lungayngay na katawan ni Wana at mahantad ang bangkay ni Alfon.

Samantala. Nakatayo ang dalawang dalagang parang. Magkayakap at umiiyak.

“Pinilit ni Wana ang mamatay sa labanan. Hindi ko napigilan.” naguguluhang wika ni Mang Nario. “Minarapat pa niyang samahan si Alfon sa kamatayan. Napatay nga ba nila si Garuda.?“ nasasabik pang dugtong ng matanda at padukwang na inino ang mga bangkay. Bakas ang pagkaawa.

Hindi karakang makasagot si Leo. Sumulyap muna sa kasukalan bago nagwika.

“Iyan nga ho ang narinig kong balita.“

“Sana nga’y totoo.“ sabad ni Aling Moreng. Kanina pa nangangatal pagkat takot siya kay Garuda.

Nabakas sa anyo ni Leo ang pag-aalinlangan pagkat tulad ni Mostafa, siya man ay hindi naniniwalang mamamatay si Garuda sa ganoong paraan lamang. Ngunit hindi siya sumalungat, lalo na kaninang nakangiti si Wana sa kaligayahan.

Hindi nakatiis ang dalawang dalagang parang. Kumalas sa kanilang pagkakayapos at isa ang nagwikang umiiyak. “Nang masunog ang imbakan ng uling. Nakita namin ang maraming bangkay. Natabunan sila ng nagbabagang bakawan at uling. Nasunog sila. Kasama si Garuda sa nakita naming pumasok sa nasunog na pintungan. Ang alam namin, patay na si Garuda.”

“Mabuti naman at tapos na ang ating suliranin.” maluwag ang paghingang sabi ni Mang Nario at binalingan ang ilang kanayon upang balikatin ang pagsisinop sa bangkay ng mga dakilang Anak-Parang.

Kumilos ang ilang kalalakihan at inunang isinakay sa kareta ang bangkay ng mga manghihimagsaik upang dalhin sa kani-kanilang kamag-anak.

Ang mga kilabot naman ay napagkasunduang ilibing sa lumang kamposanto na bihira nang marating ng tao. Kinatatakutan pagkat pugad daw iyon ng mga maligno, ayon sa kuwento ng mga nagagawi roon.

Ang balanang kagustuhan ni Mang Nario ay nasunod dahil siya ang kinikilalang Tenente del nayon. Walang palitan at tumanda na sa ganoong tungkulin pagkat matulungin at takbuhan ng mga nangangailangan.

Nagmungkahi rin si Leo. Titipunin niya ang mga sandatang nagkalat sa Nayong Dalisdis.

“Huwag ka nang mag-alala, Leo.” pamayapa ni Mang Nario. “Ako ang bahala sa bagay na iyan.”

“Salamat ho, Tatang.“ ani Leo. “Kailangang maisuko sa kinauukulan ang mga puslit na baril.”

“Ganoon ba.?“ nanunuring tanong ni Mang Nario. Nag-iisip na kung ano talaga ang pagkatao ni Leo. Hindi na lang siya kumibo at binalingan ang dapat utusan.

Doon naman sa dulong bahagi ng palayan ay makikitang nagtitiyakad sa malawak na tubigan ang nakakabatang kapatid ni Azon. Si Ikang. Kahanga-hanga ang galing niya sa paggamit ng tiyakad. Ang nasabing bagay ay tamang-tama sa ganoong pagtawid sa tubigan. Hindi mababasa ang mga paa pagkat ang tiyakad ay yari sa dalawang putol na kawayan. Pantay tao ang haba at katamtaman ang payat. May tuntungan ng paa at magkabilang kamay na hahawakang patayo ang nasabing bagay. Sa gayon, malalaking hakbang ang magagawa at madaling mararating ang paroroonan.

Nang matawid ni Ikang ang tubigan, umakyat siya sa burol at doon iniwan ang ginamit niyang tiyakad. Natatakot pagkat hantad siya kapag nakatuntong sa tiyakad at baka tamaan ng ligaw ng bala, lalo na kaninang sunud-sunod ang naririnig niyang putukan. Pagbaba niya sa burol, patakbo namang tinalunton ang pilapil na kung saan ay tinakbo rin ni Lumin nang kasalukuyan siyang hinahabol ni Garuda.

Mabilis ang pagtakbo ni Ikang patungo sa bahay ni Mang Nario. Pasukut-sukot sa pangambang magkaroon uli ng putukan. Sa edad niyang sampung taon, maliksi ang kanyang kilos at dahil sa laking bundok, bumagay sa kanya ang damit na bekwa, walang kuwelyo at manggas. Ang pang-ibaba naman ay putot na salawal.

Sa pamayanan ay patuloy pa rin ang umpukan ng mga taga nayon. Kanya-kanyang usapan at pagtulong sa bayanihan.

“Siyanga pala mga Ineng.” baling ni Aling Maling sa dalawang dalagang parang, matapos magmatiyag sa paligid. “Ano nga pala ang pangalan ninyo at saang baryo nanggaling.?“

“Ako po si Aring. Taga Baryo Tala. Ang pook na hindi narating ni Garuda. Nakisimpatiya lang po kami sa mga babaing napariwara ang kapurihan. Ulila na pong lubos at pinsan ko po si Kuyang Senyong na katipan ni Ateng Bidang. Kay Amang Binong po ako naninirahan, ngunit kaninang madaling araw, namatay siya sa harapan ng kuta.”

Ako naman po si Miding. Taga Baryo Tala rin po at ulila ring lubos. Pinsan ko po si Ateng Bidang. Magkapit bahay lang po kami. Nag-iisa lang po ako sa buhay at umaasa lang sa tulong ni Inang Sinang na Inang naman ni Ateng Bidang. Ngayong patay na sila, paano na kami ni Aring.?”

“Kawawa naman kayo.” may habag na sabi ni Aling Maling. “Sana, maging taga rito na kayo.”

“Sa ganda ninyong iyan.” sabad ni Aling Moreng. “Hindi kayo pababayaan ng mga binatang taga rito.” sudlong pang nagpapatawa, kasunod ang pagbaling sa mga binatang kanina pa nakamasid sa dalawang dalaga.

“Gusto po naming makipagkilala sa kanila.” halos iisang katagang bigkas ng dalawa ring binata ng Dalisdis.

“ Hoy, Pule at Omeng.!“ bulas ni Aling Moreng. “Kung kayo’y manliligaw.! Gusto ko’y totohanan.! Walang kasiraan.! Sayang ang kisig ninyo kung masisira lamang.!“ dugtong pang biro kasunod ang pagtawa.

Ang biruan ay naging totohanan. May ngitian ang pagkikilala, datap’wat may dahilan ang hinayang. Uuwi ang dalawang dalaga sa kanilang baryo upang asikasuhin at damayan ang mga namatay nilang kamag-anak.

“Gusto ko.” muling sabi ni Aling Maling. “Sa kasal ni Lumin. Kayong dalawa ay maging abay din.”

“Aba’y opo.!“ iisang bibig ding bigkas ng mga dalagang baryo. “Kailan po.?“ dugtong pang tanong ng isa at mababakas sa kanilang mukha ang kasabikan.

“Hindi na magtatagal. Malalaman din ninyo kapag nag-usap na sina Leo at Lumin.” sagot ni Aling Maling at magkakasabay pa silang bumaling sa dalawang ikakasal.

“Kami na po ang magsasadya sa kanilang baryo upang magbalita.!“ masiglang pag-ako ng dalawang binatang nayon sa biglang pagsinta. Sasama rin sila sa baryo upang malaman ang tahanan ng dalawang dalaga at makiramay din sa mga yumao, dahil alam nilang sa ganoong malayong lalawigan, isang gabi lang ang paglalamay.

Noon nama’y mahabang sandali ring nagsikip ang dibdib ni Lumin. Namimighati siya sa nakikitang kalagayan ni Wana. Nagpahid siya ng luha bago bumaling kay Leo at bumulong. “Salamat po, Diyos ko at nakaligtas siya.”

Niyugyog ni Azon ang kamay ni Lumin. Iginiit ang gustong mangyari. “Ateng.! Ba’t ‘di mo siya lapitan.! Lumabas tayo.!“

Umiling si Lumin. Nahihiya pagkat maraming tao. Maghihintay na lang siya yamang papasok na sa bakuran ang mga nasa labas.

Nauntol ang pag-uusap ng dalawang dalaga nang sumulpot mula sa likurang bakuran si Ikang. Pawisan at humihingal sa pagod.

“Ateng.!“ bungad ni Ikang. Hinahabol ang paghinga at humawak pa sa kamay nina Lumin at Azon.

“Alam ba ni Tatang ang pagpunta mo rito.?“ karakang sita ni Azon.

“Hindi.“ namimilipit na sagot ni Ikang. “Tumakas lang ako. Kasi ayaw nila akong payagan.“

“Ano.?“ galit na tanong ni Azon at kapagkuwa’y piningot si ikang. “Umuwi ka ngayon din.! Tiyak.! Naghahanap na sila ngayon.! Ang tigas ng ulo mo.!“ at saka hinilang paitaas ang tainga ni Ikang.

“Pakainin mo muna.” saway ni Lumin at inakbayan ang nakakabatang pinsan, matapos ilayo kay Azon.

“O.! Pinayagan ka ba ng Tatang mo.?“ bungad ni Mang Nario nang makita si Ikang at pinagmano pa niya.

“Hindi po, Tatang.“ si Azon ang sumagot. “Tumakas po ‘yan. Hindi nagpaalam. Sabi ko nga’y umuwi na ngayon din.” ang dugtong at muling piningot ang kapatid,

“Sige. Tama na ‘yan.“ sabi ni Mang Nario. “Pagpahingahin mo muna. Isang kilometro din ang nilakad niyan. Pakainin mo muna at saka ko na lang pahahatid sa kareta.“ sudlong pang kasunod ang paglinga sa paghanap ng mauutusan.

“Aba.! Dumating pala si Ikang.!“ natutuwang sabi ni Aling Maling at saka inabot ang kamay sa pagmamano ng bata, gayon din kay Aling Moreng.

“Kahit ganoon ang pangyayari kay Ikang, masigla pa rin ang kalooban ng mga nasa paligid, liban sa batang si Doro. Malungkot at dalawang kamay na nakapangalumbaba sa lilim ng isang punong kahoy. Lumapit sa kanya si Aling Moreng, kasunod si Ikang.

“Bakit, totoy.?“ tanong ni Aling Moreng sa batang nakaupo at tila gustong umiyak.

“Kasi po. Patay na si Ateng Wana. Saan na po ako pupunta.?“ sagot ng bata.

“Wala ka na bang magulang.?“ muling tanong ni Aling Moreng.

“Dahil po kay Garuda. Namatay ang mga magulang ko at kapatid. Ulila na po ako.” sagot uli ng bata.

“Aba e, dumito ka na lang sa nayon.” ani Aling Moreng at saka nilinga ang paglapit ni Aling Maling. Sinabi ang sulirnin ni Doro.

“Ako ang aampon sa iyo. Mag-aasawa na ang Ateng Lumin mo at ikaw na lang ang makakasama namin ng Tatang Nario mo.“ masiglang sabi ni Aling Maling.

“Naku.! Magiging taga rito ka na.!“ sabad ni Ikang at hinilang palayo ang bata at sinamantala ang kalibangan ng mga kinauukulan upang ‘di siya pauwiin sa kaingin.

“Halika, maglaro tayo.!“ yakag pa niya at nagpaunang lumakad na parang pinalalaki ang katawan.

Sumabay si Doro at noon lang napagtuunan ng pansin ang paglakad na kumekendeng.

“Naku.! Bakla ka pala.!“ mulagat na bulalas ni Ikang.

“E, ikaw naman. Tomboy.!“ ganting tudyo ng batang bakla at lalong pinaimbay ang balakang sa paglakad.

Napamulagat din sina Aling Maling at AlingMoreng. Nagtatawanan.

“Ano nga pala ang pangalan mo.?“ tanong pa ni Ikang.

“Teodoro, pero ang tawag sa akin ay Doro.

“Ang pangit pala ng pangalan mo.! Pagandahin natin.!“ kumikindat pang sabi ni Ikang.

“Ano ang maganda.?“ masugid na tanong ni Doro.

“Ang Doro ay pangit, kasi bakla ka. Gawin nating During.“ang sabing kasunod ang halakhak

“Maganda nga.! Kasi naman ang Tatang ko.! Pinapangit ang pangalan ko. Ginawang Doro para daw maging matigas at pangalang lalake. Ang Tatang ko kasi, matigas ang pangalan. Lalaking lalake raw ang tunog.

“Bakit.? Ano ba’ng pangalan ng Tatang mo.?“ tanong pa ni Ikang habang nakapamaywang.

“ Teodulo.! Ang palayaw naman ay Dulo.! Mabilis ang bigkas kaya ang tawag sa kanya ay Tata Dulo.! Matapang at parang barako kung tawagin.”

“ Pangit din ang palayaw ng Tatang mo.! “ ani Ikang.“ Pagandahin natin. Ang Tata Dulo ay matigas nga.! pero kung siya ay bakla rin, tatawagin natin siyang Tata Duling.! Maganda, ‘di ba.?“

“Wa-a-a.! Hindi bakla ang Tatang ko at lalong hindi siya duling.!“ sabi ni Doro at pinagkukurot si Ikang.

Halos malaglag naman ang saya nina Aling Maling at Aling Moreng sa labis na pagtawa. Magiging masaya raw sa kanilang tahanan kung makakasama nila sina Ikang at Doro.

Noon nama’y kasalukuyang papasok sa bakuran sina Leo, Desto at Abueg. Naunang lumapit si Leo kay Lumin na nasa likuran ng mga matatanda. Nakangiti sa kanya at ‘di niya napigilan ang tangkang kasabikan sa dalaga, ngunit naudlot siya nang marinig ang tinig ni Mang Nario.

“Azon, lagyan mo ng gamot ang sugat ni Desto.”

Tumango si Azon at agad na bumaling kay Desto. Dumalas ang kurap ng kanyang mga mata nang magsalubong ang kanilang paningin. May kung anong bagay ang bumundol sa kanyang puso at hindi matagalan ang titig ng binata.

“A-Ateng, samahan mo ako. Nasa kamalig ang gamot.” ang sabi pang tila nahihiya sa sarili pagkat agad nagbalik ang dating pintig na kanyang puso kay Desto.

Napangiti si Lumin, matapos ang pagkakatitig kay Leo. Pahiwatig na sandali lang at lalabas siya agad sa kamalig upang masubhan at maidampulay ang ang kanilang kasabikan. Sa pagmamadali, nauna pa siyang pumasok sa kamalig.

Sa labas naman ay tila nahihiyang nanawagan si Leo. “Ta-Tatang , may kasama ho ako. Si Abueg.”

“Aba’y halika, Abueg.I“ baling pa ng matanda. “Huwag kang mahihiya sa amin. Ang kasama ni Leo ay hindi na rin iba sa amin.” ang sudlong at inakbayan pa ang katutubo na halata ang kasiyahan.

Si Leo ay hindi na makakapaghintay sa paglabas ni Lumin. Karaka siyang sumunod sa kamalig. Inabutan niyang pinupunnasan ni Azon ang dugo ni Desto mula sa nagasgas niyang braso, at naghahanda naman ng damong ligaw si Lumin.

Nagtama ang paningin nina Leo at Lumin. Lipos ng pagmamahal at kasabikan sa isa’t-isa, danga’t hindi maipadama sa dahilang may ibang tao.

Kamusta’ng sugat mo, Desto.?“ pabaling na tanong ng binata.

“Mabuti naman, Leo. Gasgas lang ito sa pagdapa ko sa batuhan. Dahil nga rito. Nabuksan ang mata ko kay Azon. Dalaga na pala siya at maganda.“ sagot ni Desto. Dinaan sa lihim na pagsulyap sa dalagang kaingin ang kanyang biro. Nakatawa.

Natawa rin ang mga kaharap, liban kay Azon. Nakayuko at hindi maingat ang paningin.

“Paano ba ‘yan, Desto.?“ paibang tanong ni Leo. “Wala yata akong maigaganti sa iyo, kundi ang tulong ng mahal ko.“ ang dugtong na kasabay ang pagkamot sa batok at pagtawa.

Natawa rin si Desto. Wala na ang panibugho sa kanyang kilos. Natutuhan na niyang tanggapin ang katotohanang hindi siya ukol sa ligayang taglay ni Leo.

Bagya namang sumimangot si Lumin at pairap na nilampasan si Leo habang hawak ang dinikdik na dahon. “Azon, pagtapal nito, saka mo bigkisan.” sabi pa niya.

“Oo, Ateng.“ mahinang sagot at panakaw pang sinulyapan si Desto pagkaraang linisin ang sugat ni Desto.

“Bahala ka na sa kanya.“ sabi pa ni Lumin. ”Aasikasuhin ko pa ang ating pagkain.” ang dugtong at pakalabit pang hinudyatan si Leo upang sila’y lumabas. “Sa palagay ko, nalipat kay Azon ang simpatiya ni desto.” mahinang bigkas pa niyang muli nang makalabas sila sa kamalig.

Tumango si Leo. Nakatawa. Nasa salita ang panunudyo. “Talaga ngang matalas ang pakiramdam ng mga babae.”

“Tama ka na nga.! Kung hindi ko pa nakitang nagkindatan kayo si Desto.” pigil ang tawang sabi ni Lumin at palihim pang kinurot si Leo habang papalapit sila sa tatlong matandang kausap ni Abueg.

Agad na ngumiti si Lumin nang makita si Abueg. “Mabuti naman at nakarating ka sa amin. Huwag ka nang aalis.!“ natutuwa pang sabi at agad ipinatong ang kanyang palad sa balikat ng katutubo.

“Sumama ako kay Leo.” tila nahihiyang sabi ni Abueg at halatang palihim ang sulyap sa binatang kasabay ni Lumin.

“Napasubo yata sa kuwento ang kasama kong mahiyain.?“ nakatawang parinig ni Leo kay Abueg.

Si Mang Naraio ang sumagot. “Oo nga, Leo. Nabanggit niyang isa ka palang inhenyero sibil at may malaking kompanya na humahawak ng malalaking balangkasin sa siyudad.”

Makailang ulit na lumunok si Abueg. Paraang nahihiya. Alam niyang ayaw ni Leo ang gayong pamamarali.

“Hindi lang ‘yon, Leo.” sabi pa ni Mang Nario. “Ikaw pala ay reserbadong pinuno ng hukbong pamahalaan. Isa ka palang militar.!“

Napakamot sa batok si Leo. Nakakunot ang noo kahit nakangiting nakatitig kay Abueg.

Matagal namang napatitig si Lumin kay Leo. Ang karagdagang paghanga sa binata ay sinarili na lang niya.

“Maiba ho ako, Tatang.“ baling ni Leo. “Gusto ko sanang samantalahin ang pagkakataong ito. Nasasabik lang ho akong malaman ninyo agad ang aking nadarama.“ ang sudlong na pagdaka’y natigilan. Naisip niyang wala yata sa tamang pook ang gusto niyang sabihin.

“Ituloy mo, Leo.!“ nasasabik at nakatawang utos ni Mang Nario.

“I-Ibig ko sanang pakasalan si Lumin.“ bantulot pa ring sagot ni Leo.

Kahit inaasahan, nanlaki pa rin ang mga mata ni Mang Nario. Dinalasan pa ang pagtango bilang pagsang-ayon.

Napangiti ang dalawang matandang babae at sabay pa nilang nilingon si Lumin. Nanunuri ang paningin.

“Ano’ng masasabi mo, Anak.?” nagmamadaling tanong ni Aling Maling.

“Hindi na po ako magkakaila, Inang. Talaga namang iyan ang hinihintay ko. Kaya lang.!“ biglang baling ni Lumin kay Leo. “Nakakainis ito.! Kasalan agad, hindi ka pa naman nanliligaw sa akin.!“ mariing sudlong ni Lumin at nakatawang niyugyog ang bisig ni Leo, ngunit bigla ring pinigil ang pagtawa pagkat hindi niya masabing ilang ulit na siyang nahagkan ni Leo. “Aakyat nalang po ako sa itaas.“ nasabi ng lang niya.

“Parang napika ang aming dalaga.“ sabi ni Mang Nario. “Sige nga, Leo. Sundan mo siya at manligaw ka muna.!“ humahalakhak pang utos ng matanda.

Pagkakataon ang nasa isip ni Leo. Sa likurang hagdan siya umakyat. Alam niyang doon matatagpuan ang dalaga at nakita niyang nagpaparikit ng apoy sa kalan. Nakatalikod. Marahan siyang lumapit at walang babalang hinagkan ang nakahantad na batok ng dalaga dahil sa pagkakapugong ng buhok.

Sabay na napataas ang magkabilang balikat ni Lumin. Parang kinilabutan. Nakiliti siya sa balbas ni Leo, pagkat totoong talusaling ang kanyang batok, ngunit hindi siya nagpahalata. Nakangiting humarap, kunwa’y napamaang gayong sa katunayan, bukas ang kanyang malay sa paglapit ni Leo. “Para kang salipawpaw sa tulin.! “ tudyo pa niya. “Sana, inuna mo muna ang panliligaw, bago ang kasalan.“ ang sudlong na may pahiwatig upang ipabatid na ang dalagang silangan ay maligaya kapag unang sinusuyo. “Pero, hindi bale, dama ko naman ang iyong pagmamahal. Sapat na ‘yon.!“ nakangiti pa ring dugtong.

“Bakit.?“ nasisiyahang tanong ni Leo habang hinihimas ang kanyang balbas. “Di ba’t ang sabi mo. Ako ang nagturo sa’yo ng pag-ibig.?“ sudlungang urirat at dalawang kamay na hinapit sa baywang ang dalaga.

“Oo.” sagot ni Lumin, kasabay ang tango. Hindi siya tumutol sa ginawa ni Leo at itinuring niyang iyon ay bahagi lamang ng panliligaw. Bukod doon, wala na siyang ipangingilag, pagkat kung ilang ulit na siyang niyakap at hinagkan ng binata. Gayon man, kailangan niyang sagutin ang tanong ng lalaking nakayapos sa kanya. “Kasi, noon ay may sakit kang amnesya. Iba ang isip mo noon kaysa ngayon.”

“Hayaan mo.!“ ani Leo. “Kapag pumayag kang makasal tayo sa linggong darating, araw-araw kitang liligawan.!“

Natawa si Lumin, kasunod ang bahagyang pagtulak kay Leo. Damdam niya’y nasa kanya na ang tinatawag na rurok ng ligaya. Wala nang balakid at nakatitiyak na siya sa isang pangarap, ngunit may bigla siyang naalala, kasalungat sa taglay niyang adhikain. “Nang iwan mo ako at magtungo ka sa Pulong Masle. Parang nagunaw na sa akin ang daigdig. Parang ayoko nang mabuhay. Hindi ko na inaasahan ang pangako mong ipagtatanggol mo ako kay Garuda.

“Patawarin mo ako, Lumin. Nawala sa isip ko ang bagay na iyon. Magulo ang diwa ko at para bang wala nang umagang sisikat sa aking buhay.“ sabi ni Leo at nabakas sa kanyang mukha ang kalumbayan.

Agad na nagbago ang pakiramdan ni Lumin. Ayaw niyang magumon sa lungkot ang nagsisimula pa lamang nilang katiwasayan. Iniba ang paksa at ibinalik sa dati. “Sa linggo ba’ng sabi mong kasal natin.?“

“Oo, kung payag ka.!“ sagot ni Leo. May ngiti na sa labi.

“Dahil sa kaguluhan, nalimutan namin ang pistang nayon sa linggong darating.!“ sabi pa niyang natutuwa sa pangyayaring iyon. Muling napatunayan ang likas na ugali ng kambal. Tulad ni Perenya, nalimutan din niya ang pistang bayan ng Isla Busuangga dahil sa labis na pag-aalala kay Leo.

“Talaga.? Pista sa linggo.? Lalong mainam para masaya ang ating kasal.!“ magkakasunod pang usisa ni Leo. Namamangha at lalong inilapit ang kayakap na dalaga upang bulungan. “Siguro naman, hindi ka na iilag kapag kita’y hahagkan.“

Muling natawa si Lumin at pabulong ding sumagot. “Paano nama’y ako ang hahagkan mo, ngunit ibang pangalan ang binabanggit mo.!“

“Hindi na.“ ani Leo at nanunukso pang inulit-ulit ang pangalan ni Lumin kasabay ang paghigpit na yakap upang paglapatin ang kanilang mga labi, subalit bigla silang naudlot nang lumangitngit ang sahig na kawayan sa kabahayan. Dagling bumaklas ang isa’t-isa at hinintay sa pinto ang papalapit na tinig.

“Ateng.!“ tawag ni Azon nang makasungaw sa silid-kainan. “Ay.! Nariyan pala si Kuyang.!“ naudlot pang sudlong at balak pa sanang umurong.

“Tumuloy ka.“ nakangiting alok ni Leo at idinahilang pababa na siya upang kausapin ang matatanda ni Lumin.

Tumuloy naman si Azon, ngunit parang nahihiyang kinagat ang kanyang daliri at halatang napasubo lamang sa pagpasok.

Muli, sa likurang hagdan nagdaan si Leo upang bigyan daan kung ano ang ibabalita ni Azon kay Lumin. Datap’wat sa sulok ng kanyang puso, naroon ang naunsiyaming hangarin at panghihinayang na ‘di niya nahagkan si Lumin. Nakita rin niya ang tatlong matanda na naghatid kay Desto sa pinto ng bakuran. Naisip niyang iyon ang dahilan kung kaya hindi nasabihan si Azon na may nagaganap na ligawan sa itaas ng bahay.

“O, Leo.! kamusta’ng paniningalang pugad.?“ baling ni Mang Nario nang makaalis si Desto, kasama si Abueg.

Naupo muna sa isang mahabang likmuang kawayan ang apat bago sinabi ni Leo ang napag-usapan nila ni Lumin.

Nabigla ang mga nakarinig. Napamulagat at napatulala sa pag-iisip. Si Aling Maling ang unang nagbadya. “Sa linggo nga pala ang kapistahan ng Nayong Dalisdis. Nawala sa alaala natin dahil sa mga nakaraang pangyayari. Magiging masaya ang araw na iyon.

“Talaga.!“ sabad ni Mang Nario.“ Sa tanang buhay ko, ngayon lang magkakaroon ng kasalan dito sa nayon.“ sudlong pang tila nangangarap sa daratal na pagdiriwang.

“Nasasabik na akong dumating ang araw na iyon.“ nangangaligkig namang sabi ni Aling Moreng. Ngumunguya ng nganga.

Napatayo pa si Aling Maling sa kasiyahan. Humarap siya kay Leo at sinabing isabay sa misa ni Padre Domingo ang tagpong darating upang masaksihan ng mga taga roon.

Tumango si Leo at parang nahihiyang nagpanukala. “Napasukatan ko na ho ng damit pangkasal si Perenya. Sana, iyon na rin ho ang gagamitin ni Lumin.“

“Aba, oo.!“ magkasabay pang sagot ng mag-asawa.

Muling sumabad si Aling Moreng. Nakatawang nagtanong. “ Talaga bang tunay silang magkawangki.?“

“Wala hong pinag-iba. Maging sa taas at hubog ng katawan.” sagot ni Leo.

Natigilan si Aling Maling. May naalala. “Leo, noon pa ay may gusto akong hilingin sa iyo. Kaya lang, lagi kang abala. Sana, dalawin natin ang puntod ni Ima o ni Perenya.”

“Oho.!“ biglang sagot ni Leo. “Kung gusto ninyo, bukas ng umaga. Maghapon ho tayo sa pulo.”

“Sige nga, Leo. Gusto ko ring makita ang puntod ng anak ko.” ayon din ni Mang Nario at nabakas din sa mukha ang lungkot.

Ilang sandali rin ang lumipas bago nanungaw mula sa itaas ng bahay ang dalawang dalaga at niyaya na silang kumain.

Agad na luminga si Aling Maling. Hinanap ng tanaw si Doro upang yakaging umakyat na rin ng bahay. Nakita niyang nasa halamanan ang batang bakla at sinasamyo ang mababangong bulakalak na tanim ni Lumin. Nag-iisa lang pagkat umuwi na sa kaingin si Ikang.

May nahigingan si Lumin kaya isinunod ang tanong. Parang narinig kong dadalaw tayo sa puntod ni Perenya.?“

“Oo.” sagot ni Leo sa hangaring makita ng mga iyon ang kahit mumunting alaala ni Perenya.

“Maliit lang ang lunday na maaaring hiramin kay Desto. Kakasya kaya tayo.?“ alinlangan pang tanong ni Lumin.

“Oo nga naman.!“ matamlay na sabad ni Mang Nario.

“Mayroon ho tayong masasakyan.“ muling sagot ni Leo.

Napamaang si Mang Nario. Naalala ang kanyang pagtataka kung bakit madaling nakarating sina Leo at Desto mula sa kabilang pulo.

“Nasa tabing ilog ang lantsa ni Leo.“ sabad ni Desto na kahit kararating lang nila ni Abueg ay nalaman niya ang suliranin sa ibayong dagat.

“Malaki ang lantsa ni Leo. Kakasya ho tayong lahat.“ sabad din ni Abueg kay Mang Nario.

Hindi na nakapagsalita si Leo, pagkat may naunang nagwika. Tumingala na lang siya sa durungawan upang makitang ganap si Lumin.

Si Mang Nario ang nagsalita. “O, ano.? Bakit kayo naghatiran.?“ natatawang tanong ng matanda.

“E, kasi po. Ipinakilala ko siya kay Inang.“ sagot ni Desto. “Sinabi kong naging kasangga ko si Abueg sa labanan. Nabigla si Inang at umiyak. Akala ko’y galit siya sa akin dahil abut-abot ang takot niya sa putukan ngunit hindi pala, bagkos ay ikinararangal niya ako, bilang isang mapagmahal sa bayan at mabuting mamamayan.

Gusto niyang sa amin matulog si Abueg upang maging lubos ang aming pagkakaibigan.“ dugtong pa niyang lumilinga sa mga kaharap.

“Napakabait ng Inang niya.” sabi naman ni Abueg. “Sana’y gumaling na siya pagkat nararamdaman kong mahirap mawalan ng isang Ina.“

“Naaawa nga ako saiyo, dahil ulila kang lubos. Dahil magkatulong tayo sa panganib, itinuring na kitang kapatid.” sabi ni Desto kay Abueg.

“Ganoon din ako, pero lahing bundok ako at isang katutubo. Alangan ang balat ko sa iyo.” nakatawang sabi ni Abueg.

“Hindi dahilan ‘yon. Ang mahalaga, isang lahi tayo.” sabi ni Desto.

Napangiti ang mga nakikinig. Nasisiyahan at tumatangong maisakatuparan ang kahilingan ng Inang ni Desto na si Aling Selya.

Ngunit kasunod niyon ay marahang napayuko si Leo. May naalala na dapat niyang ipabatid. Malungkot siyang nagwika. “Ayoko sanang baguhin ang diwa ng sandaling ito, ngunit mahalaga sa ating lahat ang taong babanggitin ko. Sumakabilang buhay na si Marcaida.”

“Ha.! Bakit.?“ halos sabay-sabay na tanong ng mga nakarinig. “Napatay ba siya sa digmaan.?“ unang bugso ni Mang Nario.

Pahapyaw na nagpaliwanag si Leo. May damdamin. Nakakasaling at nakakalumbay sa mga kaharap. “May bilin pa siya sa akin, Lumin.“ baling pa ng binata. “Kamusta ka raw at darating ang araw na magkikita pa kayo at magkakasama sa nayong ito. Nakapagtataka, ngunit iyan ang bilin niya sa akin.“

Noon naman ay nakatulala si Lumin. Napakapit sa pasamano. Mariin at pinipigil ang malakas na hagulgol. “Diyos ko naman. Bakit ganoon ang nangyari sa’yo. Marcaida.?“ tanong pa niya at doon na bumugnos ang dalamhati. Dumukmo siya sa pasamano at malayang pinaagos ang luha ng kalungkutan pagkat kailan man, hindi na niya malilimot si Marcaida at handa rin siyang maghintay sa pagkikita nilang muli.

Ang mahabang pagdadalamhati ay pinukaw ng tikhim ni Mang Nario. “Halina kayo sa itaas ng bahay, baka lumamig ang hinapon nating pananghalian.” ang sabi pang naunang namaitang sa hagdanan.

Takipsilim pa lamang ay naghanda na ang mag-anak sa pagtulog. Hindi na sila naghapunan. Nagmeryenda na lang ng sumang kamoteng kahoy na galing sa kaingin. Gusto nilang mabawi ang pagod at puyat sa maagang paghahanda sa patutunguhang pulo.

Nasunod ang kagustuhan ni Leo. Sa kamalig pa rin siya nahimlay na tanging nakasanayan at lumikha nang maraming karanasan.

Bago pa lamang namumukadkad ang malagintong liwanag na araw ay paspas na ang lantsang inuugit ni Abueg, katabi niya si Desto. Bukas ang ilaw sa loob ng lantsa at malayo naman ang inaabot na liwanag ng ilaw sa harapan upang tanglawan ang binabaybay nilang kahaban ng ilog.

“Kanino ba ang napakagandang sasakyang ito at may bubong pa.?“ hindi napigilang tanong ni Mang Nario kay Abueg.

“Sa kanya ho.“ sagot ni Abueg at patalikod na itinuro si Leo. “Lalo kayong hahanga pag ang yate niya ang nakita ninyo.” dugtong pang wika at sinadyang hinaan ang tinig pagkat natatakot siyang makagalitan ni Leo sa ganoong pangangalandakan.

Napalingon sa likuran si Mang Nario. Katabi niya si Aling Maling at kahanay sa upuan nila sina Aling Moreng at Doro. Lihim siyang humanga sa katahimikan ni Leo. Parang ilog na taglay ang kalaliman kapag walang ingay.

Ang nalingunan ni Mang Nario ay sina Leo, Lumin at Azon. Nasa hulihan at nakalikmo sa tatluhang upuan. Panatag lang sa pagkukuwentuhan at pabaling-baling lang sa paligid.

“Patuloy ang mabilis na pingkian ng lantsa at ng patag na ilog. Umangat-angat ang nasabing sasakyan hanggng sa iluwa ng ilog patungo sa karagatan.

Patuloy din ang pag-uusap nina Leo at Lumin tungkol sa Pulong Masle. Maramdamin ang bawat buod ang kataga at manaka-nakang napapatango na lamang ang dalaga. Halata sa kanila ang kalungkutan, ngunit higit na kapansin-pansing nasa baywang pa rin ni Leo ang kumikisap na baril. At kung wawariin, tila may pinaghahandaan pa siyang kalaban.

Nakamasid lang si Azon. Nalulumbay rin, ngunit manaka-naka ring napapasulyap sa mukha ni Leo. Higit na makisig sa dahilang nakapag-ahit na ng balbas.

Hindi naman nagtagal, natawid nila ang kabilang pulo. Pagtuntong pa lang ng mag-anak sa pantalan, agad luminga ang kanilang paningin. Para bang dinarama sa kapaligiran ang alaala ng isang pumanaw. Ang bawat hakbang nila ay may kasukat na pamamahal. Alam nilang iyon ang hinakbangan din ni Perenya. Kung maaari lang, gusto nilang yakapin ang bawat ginalawan ng babaing naging alabok sa kanilang gunita. Ang magkaroon ng himala. Ang makita nila si Perenya sa pook na iyon.

Si Aling Maling ang higit na naghihinagpis. Ang pusong Ina sa tawag ng pagmamahal. Palinga-linga at parang may hinahanap.

Gayon din si Aling Moreng. Dalawa ang dinadala niyang lumbay. Awa kay Aling Maling at kay Perenya. Akay din niya si Doro.

Tahimik lang si Mang Nario. Nag-iisip at balatkayo lamang ang kasiyahan sa pagtanaw ng magagandang kalikasan.

Lagi namang mababa ang pananaw ni Lumin. Halata ang pamumula ng mga mata ay laging handang sungawan ng luha. Katabi niya si Azon sa paglakad.

Nakaantabay lang sina Leo, Abueg at Desto. Nadarama rin nila ang lumbay ng mag-anak. Nagpauna silang lumakad upang maging sundanan sa patutunguhan. Pinapalis nila ang mga sangang halaman sa daraanan upang maging mabilis ang paglakad.

Sa banda pa roon ay may natanaw silang kurus na sanga ng punong kahoy. Doon nagsimulang manungaw ang luha ng mga babae. Binilisan nila ang paghakbang at nilagpasan pa ang tatlong lalaking nangunguna. Nilapitan nila ang sadyang pakay.

Matamlay sa gawing iyon, ngunit manaka-nakang maririnig ang pagkabasag ng alon kapag sumasalpok sa batuhan. Ang huni ng mga ibon sa punong kahoy. Ang malakas na dapyo ng hanging habagat na dumarampi sa kanilang katawan. Ang lahat ay biglang naparam sa panamdam.

Pagkakita pa lamang ng mag-anak sa puntod ni Perenya ay bumalot agad ang kalungkutan sa kapaligiran. Naging mahalumigmig ang tanawin at tila sandaling tumigil ang pag-inog ng daigdig.

Naunang bumukal ang luha ni Aling Maling. Ibinulalas ang damdamin. “Anak ko.! Kay tagal kong inasam ang pagkikita natin.! Bakit ganito ang nangyari.? Pakita ka sa akin, kahit sandali lang. Maghimala ka, o Panginoong Diyos.!“

Sa tagpong iyon, namalas kung gaano magmahal ang matapat na magulang. Kahit ang lupang nakaumbok sa puntod ay niyayakap, madama lang ang bakas ng anak sa kinaroroonan.

Hilam naman ang mga matang ipinatong ni Lumin sa ibabaw ng puntod ang dala niyang bulaklak. Dinakot ang buhaghag na lupa at dalawang kamay na kinuyumus. Ibig sabihin, lupa mang maitututring ay naging banal ding alaala at himlayan ng kanyang kakambal sa pag-ibig.

Nagsindi ng kandila si Azon. Itinulos sa paanan ng puntod at saka pinulot ang ilang yagit na nagkalat sa paligid. Katulong niya sa pagyayaman ng puntod ang batang si Doro.

Nakamasid lang ang apat na lalake. Halata sa kanilang mukha ang kapanglawan. Mga timping hinanakit kung bakit naganap ang gayong pangungulila.

Di kawasa’y tumikhim si Aling Moreng. Inilabas mula sa kanyng bulsikot ang dalang rosaryo at sinimulamg mamuno sa pagdarasal patungkol sa mga namayapa, kasama na sina Mang Baste at Aling Gelang.

Pumailanlang at nanaig sa katahimikan ng pulo ang panambitan ng panalangin. Nagsasagutang dasal at pagmmakaawang patnubayan ang kaluluwa ng mga namayapa. Paulit-ulit at may bahagi pang umaawit ang mga nagdarasal habang sila’y nakatayo.

“Gusto ko siyang makita.!“ taghoy ni Aling Maling nang matapos ang kanilang panalangin. “O, Diyos ko.! Gusto ko siyang makita. Maghimala po kayo kahit sandali lamang. Leo, maaari mo ba siyang hukayin.?“

Natigilan si Leo sa hiling ni Aling Maling. Bumaling siya kay Mang Nario at para bang humihingi ng payo.

Sumagot ang pinag-uukulan at tumutol. “Huwag na lang, Maling. Lalo lang sasama ang loob mo at lalong hindi na rin siya dapat gambalain.“

“Kung gusto ho ninyong makita si Perenya. Nasa kubo ang kanyang larawan.“ namimikig na sabi ni Leo.

Maimit na ang araw nang pumasok sa kubo ang mga nangungulila. Luminga-linga sila sa kabahayan at wari’y may binabakas sa paligid.

Itinuro ni Leo ang malaking larawan ni Perenya. Nakasabit sa dingding at may lantang bulaklak na nakaipit sa sawali.

“Leo.” Tawag ni Aling maling. “Ibaba mo. Gusto kong mayakap.” ang sudlong na pakiusap kasabay ang yugyog sa kamay ng binata.

Naganap ang kagustuhan ni Aling Maling. Niyakap at tinangisan ang larawan. Bumubugso ang damdamin nang magwika. “Ang ganda ng anak ko. Iuwi natin. Gusto kong makapiling siya kahit sa ganitong larawan lamang.“

Agad tumango si Leo. Ilang ulit bago nagwika. “Saan man naroroon si Perenya, maligaya na rin siya ngayon. Siya ang nagmulat upang sundin ko ang tibok ng aking puso.”

“Ano’ng ibig mong sabihin.?“ tanong ni Lumin, makaraan ang paulit-ulit na pagsulyap sa larawan ni Perenya at tigmak sa luha ang mga mata.

“Nakita ko siya sa panaginip. Lumuluha. Nasasaktan sa ginagawa kong pagpapakasakit. Ayaw niyang magdamdam ka. Iisa lang daw ang damdamin ninyo sa pag-ibig. Naniwala ako sa pahiwatig ni Perenya pagkat ilang ulit ko siyang napapanaginipan.”

Napabuntong hininga si Aling Maling bago nagwika. “Mabuti naman at tulad din kitang naniniwala sa panaginip.

Agad namang kinuha ni Mang Nario ang larawan ni Perenya. Sabay-sabay na tinunghayan ng mga naroroong hindi pa nakakakita kay Perenya. Nabakas sa kanilang mukha ang pagkatulala.

Makaraan pa ang ilang sandali nang mapuna ni Mang Nario ang malimit na pagsulyap ni Desto kay Azon. Lihim siyang napangiti pagkat maaaring naibsan na ang suliranin ni Lumin sa tangkang pagligaw sa kanya ni Desto. Sumabad na lang siya sa usapan tungkol sa panaginip. ”Talagang ganyan kung magparamdam ang isang yumao. Mahiwaga.”

Tumangu-tango si Aling Moreng. Nakiayon. Kapagkuwa’y niyaya si Azon upang ihanda at iluto ang dala nilang pananghalian.

Makaraan ay nagbuntong hininga si Lumin, bago binago ang paksa. “Kaya pala ganoon na lamang kung makatingin sa akin si Tata Baste. Siya pala ang susi ng isang lihim.”

Napahawak naman si Mang Nario sa kanyang baba, habang nakaupo sa upuang kawayan. Nag-iisip. Naalala niya nang minsang masalubong niya si Mang Baste. Hindi sila nag-usap ngunit hindi mapaknit ang salubungan ng kanilang mga mata. Nadama niya ang ilap sa sulyap ni Mang Baste. Gayon man, nagpapasalamat din siya pagkat kung hindi sa mag-asawang iyon. Hindi mabubuhay ang kanyang anak noong maganap ang sakuna sa dagat at hindi magiging dalaga na tulad sa larawang hawak ni Aling Maling.

Walang kibo si Leo. Sinarili na lamang ang nabuong hinala kung bakit pinagbabawalang magtungo sa bayan si Perenya. Alam niyang nagkasala si Mang Baste at dapat lang na magbigay ng pampalubag-loob kay Mang Nario. Mula sa sulok ng kabahayan. Hinugot niya mula sa dingding na buho ang isang putol na kawayang bumbong. Inalis ang sumpal na kahoy at itinaktak ang nakabalumbon na papel. “Ito ho ang titulo ng pulo.” sabi pa niya kay Mang Nario. “Kailan lang ho isinalin sa pangalan ni Perenya. Kayo ho ang magulang, dapat lang na kayo ang mag-ingat.”

Agad umiling si Mang Nario bago nagwika. “Hayaan nating dito na lang maitago ang kasulatang iyan.”

“Lalong matatahimik ang kaluluwa ni Perenya kung mabibigyan ng halaga at pagmamahal ang kanyang mana. Kunin ninyo.” samo pa ni Leo at inakbayan si Mang Nario kasabay ang alok sa bumbong na may kasulatan.

Pagkatapos nilang kumain at makapagpahinga, ipinasyal sila ni Leo sa paligid. Itinuro ang magagandang tanawing may kaugnayan kay Perenya liban sa burol na patag ang ibabaw at talampas na kung saan ay doon tumalon si Perenya. Naroon din ang patay na punong kahoy na pinagtalian kay Leo. Nilaktawan niya ang burol upang ‘di na mag-usisa si Aling Maling at lilikha lang ito ng labis na hinagpis.

Bago sila gumayak sa pag-alis, isa-isang pinili ni Leo ang mga damit niyang nakabalumbon sa loob ng aparador. Inilagay sa isang sisidlan upang dalhin sa Nayong Dalisdis. Di kawasa’y dahan-dahan siyang napayuko mula sa pagkakatingkayad. Halata ang kalungkutan nang simulan ang pagsamsam sa mga damit ni Perenya sa loob din ng damitan. Nakabalumbon din at sininop lang ni Abueg.

“Kaninong damit ‘yan.?“ tanong ni Aling Maling. Kumakab ang dibdib. Malakas ang hinala at bahagya pang sumungaw sa pinto ng silid. Katabi niya si Lumin sa pagkakatayo.

“Kay Perenya ho.” mahinang sagot ni Leo. Wala na siyang nagawa kundi tanggapin ang muling paghihinagpis ni Aling Maling.

“Ang anak ko.!“ humahagulgol na sigaw ng isang Ina at paduhapang na niyakap ang mga damit.“ Dalhin natin Leo. Lahat ng gamit niya ay sisinupin ko.“

Lumuha rin si Lumin. Hinaplos ang mga damit. Kung aayon lang ang tadhana at magiging kasiya-siya kay Leo, gagamitin niya ang lahat ng bagay na pag-aari ni Perenya upang mabuhay man lang ang isang alaala.

Ganoon din ang nasa isip ni Leo, ngunit nag-aalinlangan sa pangambang manaig ang hinalang nagmamahal siya sa isang nakalipas na gunita. Tumindig siya at mula sa bulsa ng gutay-gutay niyang tsaketa na nakasabit sa dingding, dinukot ang tinggang naroroon. lkinama sa magkabila niyang kamay na para bang dapat pa siyang magpatuloy sa pagsasanay. Parang alam niyang may darating na higit ang panganib.

Dapit hapon na nang sila’y makabalik sa nayon. Mapapansing nakatali sa tagiliran ng lantsa ang bankang iniwan ni Desto sa Pulong Masle, at nagpahuli namang bumaba sa pampang ang magsing-irog.

Bitbit ni Leo ang pulang maleta na kinalalagyan din ng kanyang mga alahas na nakalagay sa lihim na taguan nang nasabing bagay. Kapagkuwa’y inatasan niya si Abueg. Pinababalik sa lungsod upang ihanda at ipaalam kay Mang Pulo ang tungkol sa nalalapit na kasalan. Gayon din ang buong pangyayari sa Isla Busuangga.

Nakamasid lang si Lumin. Walang imik pagkat ang diwa niya ay naiwan sa Pulong Masle. Mababakas sa kanyang mga mata ang kalumbayan at kung maaari lang, gusto niyang mayakap ang kahit alaala lamang nang namayapang kakambal.

Ang kalikasan ay nakiayon. Naging matamlay sa mag-anak ang gabing iyon. Tipid ang kanilang ngiti. Kumibo-dili at malimit tanawin ang larawang isinabit ni Leo sa dingding ng kabahayan. Hindi man sabihin, nasa dulo ng kanilang dila ang katagang nakauwi na si Perenya sa talagang tahanan at sa tunay na mga magulang kahit sa larawan lamang.

Saka lang sumigla ang galaw ng buhay nang sumapit ang umaga. Itinuon ng mag-anak ang kanilang pansin sa iba’t-ibang gawain. May kibot na ang kanilang labi sa bahagyang biruan.

Dalawang matandang anluwage ang lumapit kay Mang Nario at tumatawang pinanood ang ginagawa ng sadya nila bago binanggit ang tungkol sa gagawing arko.

Umunat sa pagkakaupo si Mang nario. Binitawan ang suso ng ginagatasang kalabaw at nilinga ang dalawa niyang kabungguang balikat bago nagwika. “Aakyat lang ako sa lutuan. Hintayin ninyo ako sa duluhan at sasabak tayo sa putulan ng kawayan.”

Sa ‘di kalayuan ay makikitang patuloy pa rin ang tila paninilbihan ni Desto. Ngayon ay hindi na kay Lumin. Nagbago ang pangyayari. Nalipat kay Azon ang hiwaga ng pag-ibig. Ang bawat timba ng tubig na sinasalok niya sa balon ay patungkol na kay Azon at masasabing walang kapaguran.

Nakamasid lang si Azon sa ginagawa ni Desto. Nagwawalis siya sa bakuran nang marinig niya ang usapan nina Mang Nario at ng dalawang anluwage. Agad siyang umakyat sa batalan at sumusungaw pa lang sa silid-lutuan ay nagwiwika na. “Ateng.! Gagawa sila ng arko.! Gaganda ang araw ng iyuong kasal.!“

Natawa si Lumin, kasunod ang wika. “Likas lang sa pistahan ang may arko sa daan. Sayang, kung hindi lang nagbalik sa bayan si Ninong Inggo, siya ang pinakamagandang gumawa ng arko.

“Oo nga, Anak.“ sabad ni Aling Maling. “Kailangang asikasuhin daw ni Pareng Inggo ang kanyang kabuhayan sa bayan. Marahil, siya na rin ang magbabalita sa nalalapit mong kasal kay Leo.” ang sabi pang kasabay ang pagsusulong ng gatong sa kalan.

“Talagang ito na ang pinakamasayang pista ng nayon. Darating pala ang tribong dignayan ni Leo.“ sabad rin ni Aling Moreng, bago humigop ng kape.

Nauntol ang kanilang pag-uusap nang umakyat si Mang Nario at ilapag sa mesa ang isang maliit na timba ng gatas. “Lumin.” tawag niya. “Magdagdag ka ng dalawang pinggan. Dito mag-aagahan ang dalawa kong bayani.” ang sudlong at saka hinagilap ang isang matalas na gulok.

Nang araw ding iyon, kumalat ang balitang sabay sa pistahan ang kasal nina Leo at Lumin. Sa nayon gaganapin at sa bisitas na maliit lamang ngunit nakatirik sa maluwang na lupang ipinagkaloob ni Mang Nario sa kapakanan ng kanilang nayon. Ang mga mamamayan ay nagkaisang palakihin at pagandahin ang bisitas para sa nalalapit na kasalan.

Naging masigla ang mga tao. Tulung-tulong din sa paggawa ng arko, banderitas, mahahabang lamesa at upuang gawa rin sa kawayan. Sila’y nasa bakuran ni Mang Nario.

Naging tampulan ng tukso si Lumin sa umpukan ng mga dalaga na kung sumulyap kay Leo ay kalakip din ang paghanga. Ang mga dalagang iyon ay galing sa pagtatago mula sa kabundukan. Nagsibalik lamang nang mapabalitang patay na si Garuda at ang kanyang mga tauhan.

“Bagay na bagay kayong dalawa.“ nakatawang sabi ng isang dalaga.

“Sana, sampung lalake ang maging anak ninyo.” sabi naman ng isa pang nagbibiro kahit abala sa ginagawang banderitas.

“Oo nga naman.” ayon ng isa pang dalaga sa kagustuhang maglahi roon ang kakisigan ni Leo.

Lalong lumakas ang tawanan. Ang tuksuhang madalas ikalingon ni Leo. Natitigilan at nababalam ang pagtulong sa pagtitilad ng kawayan.

“Marinig kayo.!“ saway ni Lumin sa pag-aalalang kung ano ang isipin ni Leo. Nagpatuloy na lang siya sa paggupit ng mga lumang damit na iba-iba ang kulay.

Lalong namayani ang mahinang hagikhikan nang madama ng mga dalaga ang pangamba ni Lumin.

Maging si Azon ay napabaling at napatudla ang pananaw kay Leo. Doon lang nawalay ang kanyang paningin kay Desto na kasalukuyang katulong ni Mang Nario sa pagkakalis ng kawayan. Gusto rin niyang makitukso kay Leo. Ngumiti muna bago ipinagpatuloy ang paghiwa ng kakaning malagkit sa bilao. Alan na niya kung sino ang unang bibigyan.

Biglang natahimik ang mga dalaga nang walang abog na lumapit si Leo. Dala ang kakaning nakabalot sa sinalab na dahon ng saging. “Sabi ni Azon, hati na lang daw tayo rito. Tabi tayo, ha.?“ nakatawa pang tanong at hindi na hinintay ang sagot, kabud na lang naupo sa tabi ni Lumin.

Nakangiti namang tumango ang dalaga nang sumiksik sa upuan niya ang binata. Pagkaraa’y marahang isinulyap ang kanyang paningin sa mga mapanuksong kababaro. May pahiwatig. Tigilan na ang panunukso, lalo na si Azon.

Ang mga dalaga nama’y binago ang kilos. Isa-isang umabot ng pamatid-gutom na bigay ni Azon, kasunod ang mga nakabasong sabaw ng buko, ngunit pagdating sa dalawang magkatipan, isang malaking sartin na puno ng tubig-buko ang sa kanila’y ibinigay upang pagsaluhan. Napatingin si Lumin kay Azon na may pagpipigil.

Ikom ang bibig ng mga dalaga ngunit halata ang timping pagtawa, bahagya silang lumayo upang bigyan ng daan ang maaaring subuan ng magkasintahan, danga’t hindi nangyari ang kanilang inasahan. Maging sa paghigop sa sartin ay naghilian pa ang dalawa kung sino ang mauuna. Hindi pumayag si Leo na ‘di mauna si Lumin, saka siya sumunod. Walang naganap na tawanan.

Kinagabihan, sinadya ni Leo ang inantalang paglipat sa kamalig. Kausap niya ang dalawang dalaga.

“Hindi ka ba nabibigatan sa kamay mo.?“ tanong ni Lumin pagkat nasa kamay pa ni Leo ang tinggang pabigat sa pagkilos.

“Hanggang sa bespiras lang ito.” sagot ng binata. ”Para bang gusto kong masanay ang kamay ko na may pabigat.” ang sudlong na sadayang iniba ang paksa. “Napamahal na sa akin ang nayong ito. Ang mga bundok at kagubatan ay bahagi na ng aking buhay. Gusto ko sanang dito na manirahan.”

“Talaga.?“ natutuwang tanong ni Lumin. Halos mapaangat sa upuan. “Paano ang bahay mo sa lungsod.?“ tanong pang muli.

“Gagawin nating bakasyunan.“ sagot ni Leo.

“Sama ‘ko.!“ sabad ni Azon sa pakikinig.

“Oo naman. Kayong lahat.!“ sagot uli ni Leo. Nakatawa.

“Hayan.! Makikita ko rin ang lungsod.!“ ani Azon at pinagtalukop pa ang mga kamay at saka sumandal sa upuan na para bang nangangarap sa kaligayahan.

“Maganda sana kung may pantalan sa ilog upang madaling makalunsad ang ano mang sasakyan na magpupunta rito.” ani Leo bago nagbuntong hininga. Kapagkuwa’y ngumiting tila nanunukso at saka iniba ang paksa. “Kaya lang… Ilang araw na lang, pista na. Hanggang ngayon, hindi pa tayo nagkakasarilinan.“ pabulong pang sudlong sa dahilang baka marinig ni Azon.

“Bakit.?“ bulong din ni Lumin. “Manliligaw ka ba.?“ tanong pang kasunod ang tawa.

Nakahalata naman si Azon. Kalabisan na siya sa tagpong iyon. Naghikab siya bago nagwika. “Inaantok na ako, Ateng. Mauuna na ako sa inyo.”

“Sige, Azon. Susunod na rin ako.” sagot ni Lumin.

Nakangiti naman si Leo nang tumango kay Azon. Ngiting may kahulugan pagkat inakbayan pa niya si Lumin nang makatalikod ang dalagang kaingin.

“B-Baka magbalik si Azon.?“ nag-aalalang saway ng dalaga at saka bumaling sa pinto ng kabahayan na pinagmumulan ng liwanag patungo sa balkonahe.

“Matutulog na ‘yon.“ pilit ni Leo at dalawang kamay na iniharap ang mukha ng dalaga upang hagkan.

“Magandang gabi po.” tinig na nagpapitlag sa dalawang magkasuyo at naudlot ang labi nilang uhaw sa isa’t-isa.

Tumayo si Lumin. Kinilala ang tinig at inaninag sa dilim bago nag-anyaya. “Tuloy ka, Desto,”

Napakamot sa batok si Leo. Umiiling na tumawa at sumalubomg din sa bagong dating.

“Nariyan ka pala, Leo.?“ nakikiming bungad ni Desto. “Nakaabala yata ako.?“ ang sudlong at ibig pa sanang umurong.

“Tumuloy ka, Desto.” anyaya pa ni Leo. “Huwag kang mag-alala, Tapos na ‘kong manligaw.“ pabirong dugtong upang tumatag ang loob ng panauhin.

“Teka’t tatawagin ko si Azon.” nakangiting sabi ni Lumin at saka pumasok sa kabahayan.

Nauwi sa tawanan at biruan ang paghaharap nina Leo at Desto sa balkonahe hanggang sa lumabas si Lumin, kasunod si Azon.

Muling nagmagandang gabi si Desto at iyon ay patungkol kay Azon. Tumindig pa siya at bahagyang yukod.

Nakangiti lang si Azon at parang nauumid ang dila. “Ma-Maupo ka.” tangi niyang nasabi ngunit nangingislap ang mga mata sa ligaya.

Lumayo sina Leo at Lumin upang bigyan ng daan ang pakay ni Desto. Nanungaw sila sa gawing dulo ng balkonahe at nakatalikod na nanungaw. Kunwa’y ang mga alitaptap sa dilim ang pinuna.

“Paano mong natiyak na si Azon ang sadya ni Desto.?“ mahinang tanong ni Leo.

“Tinutoo niya ang ibinalita sa akin ni Azon.“ bulong din ni Lumin.

“Ano ‘yon.?“ nagtatakang tanong ni Leo at lalong dumikit sa kausap.

“Nagpahiwatig daw nang kasalukuyang ginagamot niya sa kamalig ang sugat ni Desto. Sa katuwaan ni Azon. Pahangos siyang umakyat at nagtungo sa kusina, kaya naudlot ang tangka mong paghalik sa akin.“

Napangiti si Leo, bago nagtanong na paanas . “May pagtingin siya kay Desto.?“

“Oo.” sagot ni Lumin. “Inamin niya noon pang nakaraang pista rito. Pero, hindi siya pansin ni Desto dahil bata pa raw at napakagalawgaw.”

Palihim namang sinulyapan ni Leo ang dalawang masaya ang pag-uusap. Para niyang nakikita ang isang magandang kasaysayan sa pag-ibig. “Kaya lang, may sakit ang Inang ni Desto. Nakakaawa.“ sabi pa niyang mahina ang tinig.

“Si Wana sana ang pag-asa, ngunit nabigo siya sa kanyang pangarap na maging duktura at makapagtayo ng ospital sa bayan.“ ani Lumin.

“Inaalala ko ang kinabukasan ng ating magiging anak. Nais ko sanang ipagpatuloy ang pangarap ni Wana. Kung ipagkakaloob ng tadhana, ako ang magpapatayo ng ospital sa bayan at kukuha rin tayo ng duktor sa lungsod.“

“Naku, Leo. Matutuwa ang buong mamamayan ng Busuangga sa katuparan ng ospital. Mababago ang lumang kabihasnan sa paggagamot.“ nagagalak na wika ng dalaga at napahawak pa sa bisig ng binata.

“Pagkatapos ng ating kasal, isusunod ko na ang pagpapagawa ng ating bahay, kasabay din ang ospital sa bayan. Gusto ko ring isunod ang pagpapatayo ng mababang paaralan dito sa nayon. Ang haiskul at kolehiyo ay sa bayan. Kaya lang, gusto ko sanang huwag makalabas sa tahanang ito ang aking balakin. Nakakahiya, baka isipin nilang mataas akong magsalita. Pero sa abot ng aking kaya, nais kong makatulong dito sa Isla Busuangga.“ dagdag pa ni Leo. Makatotohanan pagkat talagang kaya ng kanyang kompanya ang gayong gastusin at marami pang taga Busuangga ang magkakaroon ng trabaho.

Panay lang ang tango ni Lumin. Siya man ay nangangarap sa sinabi ni Leo. Mahigpit siyang kumapit sa bisig ng binata. Naniniwala pagkat nakakabigla ang katangian ng kanyang mahal.

Mahina rin ang pag-uusap nina Desto at Azon pagkat hindi marunong manligaw si Desto kung hindi isinasaulo ang sasabihin. Natatawa lang si Azon pagkat talagang umid ang dila ni Desto sa panliligaw. Parang takot ihayag ang damdamin at urung-sulong sa gustong sabihin.

“Iba ang dahilan kung bakit ako kinakabahan ngayon kaharap kita.“ sabi ni Desto.

“Baka isipin mong hindi ako masugid sa pagpunta rito. Takot si Inang . Ayaw niya ‘kong lumayo, baka buhay daw si Garuda.”

“Paano kang nakapunta rito.? “ natatawang tanon ni Azon.

“Hinintay kong makatulog si Inang saka ako tumakas upang makita ka.”

“Ba-Bakit.?“ biglang tanong ni Azon, kasabay ang kaba ng dibdib.

“Kung minsan, kailangang mabunggo ka muna bago ka magising. Ngayon lang ako namulat nang gamutin mo ang sugat ko.“ sagot ni Desto na bahagyang dumulas ang dila pagkat ang ibang katagang sinabi niya ay saulado na niya para kay Lumin.

“Kasi naman, sa iba ka nakabaling noon. Hindi mo ‘ko nakikita at kapag napapaharap sa akin, lagi mong sinasabing bata pa ako, pero ang ‘di mo alam, marunong na akong magmahal sa isang torpeng katulad mo.“ sabi ng dalagang napalakas ang ipit na pagtawa.

Biglang pumitlag ang puso ni Desto. Hindi na pinansin ang panunudyo sa kanya. Tila ba agad niyang nabilang ang bituin sa langit. Madaling makita pagkat ang mga iyon ay pawang bituing marikit sa dilim ng kanyang pandiwa. Ibig sabihin, malaki ang kanyang pag-asa.

Bigla ring nahampas ni Lumin ang balikat ni Leo. Pinipigil ang pagtawa sa sanhing naririnig nila ang usapan ng dalawang may pagtatangi sa isa’t-isa.

Ang gabing iyon ay naging matimyas sa lundo ng pag-ibig. Matimbang ang pagmamahalan at mahirap sagkaan. Subalit lalong mahirap hadlangan ang lumalalim na gabi. Kailangang magpaalam na si Desto na walang maliwanag na kasunduan sa pag-ibig.

Muling nagkaroon ng pag-asa si Leo upang makahalik kay Lumin. Hatid pa niya ng tanaw ang pagbaba ni Desto sa hagdan na laging nakalingon kay Azon. “Ingat ka lang, baka ka mahulog.?“ paalala pa niya sa lalaking tila lumulutang sa kaligayahan.

“Naku.! Nahulog na nga.!“ sigaw ni Azon at nakipag-unahan pa kay Leo sa pagbaba ng hagdan.

Napaupo sa lupa si Desto pagkat sumala ang paa niya sa huling baitang ng hagdan, ngunit nakatawa pa ring tumayo sa tulong nina Leo at Azon.

Bulahaw ang nagpabangon kay Mang Nario at nagtanong habang pababa sa hagdan. “Ano ba’ng nagyari.?“

“Si Desto po kasi. Nahulog sa hagdan dahil sa kalilingon sa akin.!“ sagot ni Azon.

Pigil ang pagtawa ni Mang Nario. “Hindi ka ba napilayan.?“ tanong pa nito.

“Hindi naman po.” nahihiyang sagot ni Desto pagkat nakabulahaw siya sa natutulog habang pinapagpag ang lupang dumikit sa kanyang pantalon.

“Ikaw kasi, hindi ka nag-iingat.” naaawang sabi ni Azon at nakipagpag pa siya kay Desto.

“Dahil sa iyo, uuwi akong maligaya. Paalam na po.” anang Desto at napayukod pa nang makitang nakadungaw ang dalawang matandang babaing nakangiti sa kanya.

“Sige na Desto. Walang kasama ang Inang mo at kami nama’y matutulog na rin.” sabi ni Mang Nario sa dahilang malalim na raw ang gabi.

“Lilipat na rin ho ako sa kamalig.” ani Leo sa dahilang nahihiya na siyang umakyat pang muli. Kumaway na lang siya kay Lumin at ipinahiwatig ang panghihinayang sa paulit-ulit na pag-iling ng ulo.

Nginitian lang siya ni Lumin habang nasa itaas ng balkonahae. Alam niya ang pahiwatig ni Leo pagkat ganoon din siya.

“Baka hindi ka pa tapos manligaw.?“ tila birong sabi ni Mang Nario sa pag-akyat ng hagdan.

“Tapos na ho.” tumatawang sabi ni Leo sa pagkamot ng batok.

Kinabukasan, lalong naging abala ang mga taga nayon sa paglilinis ng kani-kanilang bahay at bakuran. Masigla sila pagkat ang tawag nila sa araw na iyon ay Santa Marya at ang susunod na araw ay bespiras na ng pista.

Maagang gumayak si Mang Nario, patungo sa kaingin upang sunduin ang kapatid niyang mag-uuling at ituloy ang kanilang pag-uusap. Di tulad sa nakaraan niyang pagpunta roon. Ngayon ay araw at maliwanag ang kanyang dinaraanan sa pangangareta. May buhay na at sigla ang kanyang paningin sa magagandang tanawin na sadyang nilikha ng kalikasan.

Hindi nagtagal, narating ni Mang Nario ang may isang ektaryang kaingin ni Mang Imoy. Iyon ay natatamnan ng mga namumungang punong kahoy. Mayroon ding gulayan. Maliit na kural ng baboy at ang maliit ding pugon ng uling. Nasa bukana ang munting dampa na salat sa pangkaraniwang kaayuan. Nakagiray ngunit masasabing matatag pagkat sagana sa bundok ang gamit sa paggawa ng kubo.

“Kuyang.!“ salubong ni Mang Imoy nang lumapit sa pinto ng bakuran ang kareta ng Mang Nario. Nagdudumali siyang lumapit at siya na rin ang nag-asikaso sa tali ng kalabaw sa may bakuran.

“Mag-ayos kayo at humanda.!“ bungad ni Mang Nario. “Luluwas tayo sa pamayanan.!“ dugtong pang masigla ang pagtawa.

“Maiba ako, Kuyang.!“ sawata ni Mang Imoy. “Nang marinig naming malapit lang ang putukan. Naguluhan na kami rito. Inatake ng nerbiyos si Ebeng. Hindi mkahinga at halos mapupot sa takot. Nag-aalala kaming baka kung napapaano na kayo roon. Pero, hindi ko naman maiwan si Ebeng, baka lalong nerbiyusin kung nag-iisa. Wala naman ang saragateng si Ikang. Iyon pala, nasa inyo at ‘di man lang nagpaalam sa amin, pero nakabuti rin. Siya ang nagbalitang tapos na ang labanan. Talaga bang patay na si Garuda.?“ tanong pa ni Mang Imoy.

“Iyan nga ang sabi nila. iguro nga’y patay na si Garuda.” sagot ni Mang Nario.

“Mabuti naman, Kuyang at noon lang kami natiwasay. Kinabukasan lang, nagsadya ako sa inyo upang makibalita. Subalit ayon sa napagtanungan ko. Nasa pulong Masle kayo at maghapon daw kayo roon.”

“O, sige.“ pamayapa ni Mang Nario.“ May mahalaga tayong pag-uusapan.”

Naudlot pagkat humahangos sa paglapit si Aling Ebeng. Galing sa gulayan. “Kuyang, ba’t ‘di mo isinama si Ateng.?“ sabi pa niyang humihingal.

“Ay naku.! Abala ang Ateng mo sa nalalapit na kasal ni Lumin. Kasabay ng pistang nayon at kayo na lang ang hinihintay.” sagot ni Mang Nario habang papasok sa bakuran.

“Alam mo, Kuyang.” sabi pa ni Aling Ebeng. “Natakot ako sa narinig naming putukan. Ang akala koy…”

“Tapos na ‘yon, Ebeng. Ngayon ay dapat na tayong magsaya.!“ masiglang agap ni Mang Nario sa pananalita at dahil sa pagkumpas ng kanyang kamay, nadagil niya at nauga ang tulos ng bakuran na kung saan ay napakutok ang katsaw na nakatuntong sa dalay rayan ng bakod. “Kay laking tandang nito.” Dugtong pa niyang natutuwa sabay himas sa pakpak ng manok.

“Kahit paano’y nakahanda ‘yan sa pistang nayon.“ natatawang sabi ni Mang Imoy. “Kaya lang, ikakasal na pala ang pamangkin ko. Kulang ‘yan. Magdadala rin tayo ng isang baboy at isa pang dumalagang manok.”

“Oo nga naman.” ani Aling Ebeng at agad na lumapit sa nakasogang baboy. “Ito ay malaki at mataba. Itinali ko dahil laging sinusungkal ang siwang ng bakuran.” sabi pa niyang nakatawa, kasunod ang paghimas sa ulo ng baboy. Napagukgok at nagsimulang mag-ingay sa pag-iyak na para bang humihingi ng pagkain. Upang maawat, agad kinamot ni Aling Ebeng ang baboy at pabagsak na nahiga nang makalamkaman ang tiyan.

“Mga kapatid.” Natatawa ring sabi ni Mang Nario. “Alam naman ninyong marami akong alagang hayop at ang sa inyo ay kakaunti lamang. Huwag na lang.” sabi pang pakiusap.

“Kuyang.“ napapakamot sa ulong tawag ni Mang Imoy. “Iba ang sa iyo at iba rin ang sa amin. Huwag mong tanggihan ang maliit naming makakayanan. Taal sa ugali natin ang magdamayan sa ganyang pngyyari. Maligayang masasabi kung kami’y magiging bahagi sa inyong kaabalahan.

“Totoo ‘yan, Kuyang.” sabad ni Aling Ebeng. “Lagi mo kaming binibigyan ng saku-sakong bigas at iba pang pangangailangan. Wala kaming maiganti sa inyo. Laging kayo ang nagbibigay at iyan ay tila mali yata. Nakakahiya.”

“Hindi, Ebeng. Lalong sumasarap ang ugaling silangan kapag nagbibigay.” natatawa ring sabi ni Mang Nario.

“Tama ka, Kuyang. Pero, masarap din ang gumanti kahit paano lamang.”

“O sige na nga.! Suko na ‘ko.!“ lalo pang lumakas ang tawa ni Mang Nario. Binaluktot ang dalawang siko at palahad na iniharap ang mga palad.

Nauntol ang tawanan sa pagdating ni Ikang. Humahangos, kasunod ang asong si Bantay. Tumataking sa pagtahol pagkat kilala niya si Mang Nario.

“Saan ka galing.?“ tanong ni Mang Nario, matapos magmano sa kaya ang bata.

“Diyan lang po sa burol.” sagot ni Ikang at ipinahiwatig sa pagbanat ng goma ang paninirador ng kung ano.

“Talagang ikaw, bata ka. Hanggang ngayon, larong lalake pa rin ang ginagawa mo.” sabi pa ni Mang Nario at kinusot ang buhok ng bata. “O, sige na. Gumayak na kayo at may pag-uusapan tayo, Imoy.” dugtong pa niya at tumulong sa mga gagawin.

“Natutuwa ako at masusulit ang panghihinayang ni Ikang sa pagdalaw sa inyo. Bitin daw dahil agad siyang pinauwi ni Azon.” sabi ni Mang Imoy.

“Oo nga.“ ayon ni Mang Nario. “Nag-aalala kaming naguguluhan na kayo sa paghahanap kay Ikang. Ngayon, kahit ilang araw lang, mararanasan niyang makihalubilo sa maraming tao, lalo na kay Doro. Ang batang naging kaibigan niya agad. Kaya lang, paano itong bahay ninyo.?“ tanong pa niya.

“Bahala na rito si Bantay. Sanay ‘yan sa kabundukan. Hindi nagugutom at nauuhaw.“ sagot ni Mang Imoy habang nakaturo sa asong nakatingala at kumakawag ang buntot.

Ilang sandali pa ay pabalik na ang kareta ni Mang Nario. Nasa unahan sila ni Mang Imoy at nag-uusap. Nasa likuran naman si Aling Ebeng. Nakalupagi sa sahig ng kareta, katabi ang mga nakatiklis na mangga at iba’t-ibang bungang kahoy na hinog sa panahon.

Nakasunod sa hulihn ang kareta ni Mang Imoy at nirerendahan ni Ikang. Doon nakasakay ang matabang baboy na nakatali ang mga paa sa pagkakahiga at madalas mapagukgok kapag nalulubak ang gulong ng kareta.

“Mahirap ang kalagayan ninyo sa kaingin. Naiinip ang mga anak ninyo.“ sabi ni Mang Nario habang inaayon ang lubid ng kalabaw.

“Naaawa nga ako sa kanila, Kuyang. Ayoko namang isipin na sila’y anak ng dalita. Kung kami lang na mag-asawa, maligaya na kami rito. Sapat na sa amin ang pakikipagpalitan ko ng pananim at uling sa mga kalapit na baryo. Nagkakaroon kami ng gamit sa pang-araw-araw na pangangailangan.

“Imoy, iba ang kabataan. Gusto nilang mamuhay sa pamayanan. Ang makasalamuha ang maraming kapit-bahay at lumagi sa kanayunan.”

Napayuko si Mang Imoy. Hindi masabi ang tunay na dahilan. Parang nahihiya at matagal siyang napatulala.

“Noon pa ay sinabi kong bibigyan kita ng lupang sakahan at lupang pagtatayuan mo ng bahay. Nasa kabilang kalsada at ginugumok lamang ng kasukalan. Linisin mo at magiging magkatapat pa ang ating bahay.” sabi ni Mang Nario.

“Kuyang, napag-usapan na namin ni Ebeng ang bagay na iyan. Kaya lang, nahihiya kami. Halos dugo na ang pinagpawisan mo sa pagsasaka para lang lumaki ang mabibili mong lupa. Pagkatapos, ibibigay mo lang sa akin ang sakahan mong galing kay Bertong Damulag.! Nakakahiya kay Ateng. Karamay mo rin siya sa hirap at ginhawa.”

“Huwag kang mag-alala sa ateng mo. Taos sa kanyang kalooban ang kayo’y magbalik na sa kanayunan. Dadalawa lang tayong magkapatid at dalawa rin silang magkapatid ni Ateng Moreng. Hindi ba’t lalong masaya kung tayong lahat ay magkakasama-sama sa iisang pook.?“ pasumamong sabi ni Mang Nario habang patawid sa tubigan ang karetang sinusundan ni Ikang.

“Salamat, Kuyang. Kaya lang, hanggang ngayon. Hindi ko nalilimutan ang sinabi ko noon. Ayokong maging magsasaka ng palay dahil matrabaho. Inaamin kong tamad ako. Ayokong mag-araro sa tigang na lupa. Magsuyod sa tubigan. Magbinhi at magtanim. Magbunot ng damong ligaw. Gapasin ang uhay at ligisin sa pamamagitan ng dalawang paa kung wala kang maraming kalabaw na tatapak sa bunton ng uhay upang mawalay ang palay. Pagkatapos, saka mo babayuhin para isaing ang bigas bago mo makain. Ang talagang gusto ko noon. Magtanim ng mga namumungang punong kahoy. Kusang lumalaki at namumunga. Pagnahinog, pagkain na. Pero ang kasabihan kong iyon ay tila mali yata. Pagkat hanggang ngayon, sapat lang ang aming kabuhayan. Higit palang mahalaga ang bigas.”

“Kalimutan mo na ang pagtatalong iyon, Imoy. Mahalaga ang kinabukasan ng iyong mga anak. Ayoko ring matawag silang taga bundok.”

“Tama ka, Kuyang.“ ayon ni Imoy at palihim pang sinulyapan ang asawa niyang nasa likuran bago nagpatuloy ang salita. “Danga’t ayoko ring mapingasan ang kasabihang ikaw ang may pinakamalawak na sakahan dito sa atin.”

“Aba’y hindi, Imoy. Magkasinglaki lang ang lupa namin ni Desto. Ang iba lang nga ay ginawa niyang palaisdaan.“

“Alam ko, Kuyang. Ang sinasabi ko’y mas malaki ang hasikan mo kung kay Desto lamang.

“Siyanga pala, Imoy. Napag-usapan din lang natin si Desto. May ibabalita ako sa iyo.“

“Ano ‘yon, Kuyang.?“ nakamaang na tanong at napabaling pa sa kapatid

“Ayon sa nakikita ko at naririnig. May gusto si Desto kay Azon. Kung ako sa iyo, hindi ako tututol pagkat napakabait ng batang iyon. Hindi na iba ang turing ko kay Desto.”

Matagal na ‘di nakapangusap si Mang Imoy. Nag-isip bago nagsabi. “Na kay Azon ang pagpapasiya kung talagang gusto niyang maiba ang kanyang kapaligiran. Kaya lang, magtotoo kaya si Desto.?“

“Malaki ang paniniwala ko, Imoy. Nagsabi na sa akin si Desto. Kung papayag daw si Azon. Sila naman ang susunod na ikakasal. Natawa pa nga ako sa pag-aakalang biro lang iyon. Pero talagang masugid si Desto. Magsasabi rin daw siya sa inyo.“

“Ang bilis naman.!“ nangungunot noong sabi ni Mang Imoy.

“Talaga, pagkat iyon ang gusto ng Inang ni Desto. Ang makapag-asawa ang kanyang anak, bago man lang siya pumanaw. Kailan lang, dinala ni Wana sa kapitolyo ang mag-inang Selya at Desto. Pinasuri sa mga dalubhasang manggagamot at napatunayang malala na ang kanser ni Selya. Sumuko na rin ang mga albularyo pagkat may taning na nga ang kanyang buhay.“ malungkot na sabi ni Mang Nario.

“Kawawa naman si Selya.” ‘di kawasa’y sabad ni Aling Ebeng.

“Oo nga.” ayon ni Mang Nario. “Kung may ospital lang dito sa Busuangga, maaagapan at magagamot ang Inang ni Desto.” dugtong pa niyang nanghihinayang sa pangarap ni Wana. Ang magkaroon ng ospital sa bayan.

Noon naman ay aligaga at gumagagad sina Aling Maling at Aling Moreng sa pamimili ng mga hayop na gagamitin sa handaan. Mga tatsaw na malalaki ang bulas. Masisigla habang sinasabuyan ng panukang mais. Gayon din ang mga baboy na bagong paligo at nagpapaligpigan habang humahabhab ng darak sa labangan.

“Ilan ba ang kakatayin at lilitsunin.?“ ‘di kawasa’y tanong ni Aling Moreng na kasalukuyang hinihimas sa ulo ang isang baboy na nakatingkayad sa kural.

“Ewan ko ba kay Nario.” sagot ni Aling Maling. “Ang gusto niya’y anyayain natin ang buong taga nayon.“

“Ku.! E, Kayang-kaya naman ni bayaw ang malaking handaan, kahit magkatay pa siya ng kalabaw.!“ ayon ni Aling Moreng pagkat gusto rin niyang maging maligaya ang pagsasama ng dalawang haharap sa magaling.

Sa itaas ng bahay ay ganoon din ang tanawin. Masigla ang dalawang dalaga dahil may katulong silang binata.

Walang kapaguran si Lumin sa paglilinis at pagpapaganda ng kanilang tahanan. Laging nakangiti at ang mga mata’y nangingislap sa kaligayahan.

Masigla rin si Azon sa pag-iisis ng pasamano. Bawat kuskos niya’y tila haplos ng pagmamahal. Malumanay ang hagod sa nagbagong pangarap na pahirapan muna si Desto sa panliligaw bago sagutin. Iyon ang panuntunan ng dalagang silangan upang makatiyak sa kasabihan na ang pinaghirapan ay hindi karakang iwawaglit lalo na sa pag-ibig.

Si Leo naman ang taga usod ng mga mabibigat na kasangkapan. Taga kabit din ng kurtina sa pinto at durungawan. Siya rin ang akyat manaog sa pag-igib ng tubig sa balon. Para siyang walang kapaguran, lalo na nga’t si Desto ang taga timba sa balon.

Ang batang si Doro ay wala ring tigil sa paglilinis ng bakuran. Nagwawalis, nagsisiga at nag-iipon ng kahoy na panggatong.

Si Azon ang unang napukaw sa wagayway ng banderitas na hinihila ng ilang lalaki sa lansangan. Ang iba nama’y umaakyat sa mga puno upang itali ang leteng ng banderitas. Nakita rin niya sa bukana ng nayon ang isang matandang lalake na namumuno sa pagtatayo ng arko. Bigla siyang nanawagan. “Ateng.! Nagsasabit na sila ng banderitas at parang arko ‘yong itinatayo sa bukana..!“

“Te-Teka.!“ pitlag naman ni Lumin at pilit na kumawala sa pagkakayakap ni Leo. Nangangambang baka hawiin ni Azon ang kurtina at sila’y makita.

Napakamot na lang sa batok si Leo. Natatawang ‘di mawari pagkat kung ilang ulit na niyang tinangkang hagkan si Lumin, ngunit parang tuksong nauudlot sa kaluskos ni Azon.

“Sa makalawa na ang ating kasal. Maghintay ka na lang.!“ sabay tawang sabi ni Lumin, kasunod ang paghila kay Leo upang manungaw.

Sumunod na lang si Leo pagkat hantad sila kay Azon. Nakita niya ang maraming tao sa lansangan.

“Wala pa si Tatang, pero sino ‘yong nagtatayo ng arko sa bukana.?“ tanong ni Lumin sa pagdaraan ni Aling Maling.

“Si Ninong Inggo mo ‘yon. Tinupad niya ang pangakong siya ang gagawa ng arko sa kasal mo.” sagot ng tinanong at nakidungaw na rin pagkat alam nilang si Tata Inggo ang pinakamagaling sa paggawa ng arko na may pangalan ng ikakasal.

Hindi nagtagal, nakita ni Lumin ang pagdating ng dalawang kareta na galing sa kaingin. Agad siyang nagbalita kay Aling Maling na kasalukuyang nasa silid.

Kahit alam na nang binalitaan ang pagdating ng mga taga kaingin, nasasabik pa ring nagpauna si Aling Maling upang sumalubong. Sa harapang hagdanan siya bumaba at halos matisod sa pagmamadali.

Pababa pa lang sa kareta ang mga bagong dating nang maganap ang marubdob na salubungan.

“Ateng.!“ sigaw ng mag-asawang taga kaingin.

“Ebeng.!“ bulalas din ng tinawag at hinawakan pa sa kamay ang Inang ni Azon upang alalayan sa pagbaba.

“Naku, Ateng.! Kaya nga ba’t ganito na lang ang kasabikan kong makarating dito dahil sa nakikita kong pagsalubong ninyo sa amin.!“ nakatawang sabi ni Aling Ebeng nang makatuntong sa lupa. Naka baro’t saya at namumula ang bibig sa nganga.

“Ganyan ka rin sa amin.!“ sabi ni Aling Maling. “Taal sa ugali nating silanganin ang ganitong pagsalubong, di ba.?” sudlong pang tanong na nauwi sa tawanan.

Nauntol ang kasabikan ng magbilas nang magmano ang dalawang dalaga kay Aling Ebeng.

“Siya ba si Leo.?“ tanong ni Aling Ebeng nang ang binata naman ang nagbigay ng galang sa pamamagitan ng magandang umaga sa mga bagong dating.

“Opo, Inang.” nakangiting sagot ni Lumin.

“Bagay kayong dalawa. Tama ang balita ni Ikang. Napakakisig mo raw, Leo. Pero ang hindi tama sa balita ni Ikang, magkamukha raw kayo.” humahagalpak pang sabi ni Aling Ebeng na may gitla ng paghanga sa binata.

Napangiti si Leo. Kinindatan si Lumin sa paraang biro.

Natawa naman ang ama ni Azon, matapos alisin sa pagkakasingkaw ang mga kalabaw sa dalawang kareta at itali sa puno.

“Nakakalibang na kasama si Ikang.” sabi ni Aling maling. “Kaya lang, agad pinauwi ng Kuyang mo. Hindi pala nagpaalam sa inyo.“

“Oo nga, Ateng.“ sagot ni Mang Imoy. “Pero nakabuti naman at nalaman ko agad ang kalagayan ninyo rito.”

“Siyanga pala, nasaan si Ikang.?“ tAnong pa ni Aling Maling.

“Ay naku, Ateng.! Bumaba sa bnda roon at nakiusap pang ako na lang ang umakay sa lubid ng kanyang kalabaw at magtitiyakad na lang daw siya. Hayun na pala.!“ turo pa ni Mang Imoy sa anak na kitang-kita sa daan.

Nakita nga ni Aling Maling ang itinuro ni Mang Imoy. Ang pinagkakaguluhan ng mga bata na ngayon lang nakakita nang tulad nilang paslit na magaling tumindig sa tiyakad.

“Kamusta, Leo.” baling ni Mang Imoy sa binata at agad kinamayan.

“Mabuti naman ho at sana’y gayon din kayo.” sagot ni Leo na may pagsusuri. Naisip niyang kamukha ni Mang nario. May kakisigan din at tipong magilas na magsasaka.

Tumango lang si Mang Imoy. Pinigil ang salita at inantabayanan ang paglapit ng kanilang hinihintay. “Hayan ang bunso namin na parang lalake kung kumilos.!“

“Kuyang, Leo.!“ bungad ng batang babae matapos ihagis kung saan ang hawak na tiyakad. “Turuan mo ‘kong humawak ng baril.!“ ang dugtong at humawak pa sa kamay ng binata, kasabay ang pagkindat-kindat ng mga mata pagkat nakagawian na niya ang ganoong maliit na ugali. Para bang nilalaro ang kilay.

“Nakita na ninyo.! Paraang matagal na niyang kilala ang kuyang Leo niya.!“ nakatawang sabi ni Mang Imoy.

Si Aling Moreng ang pinakamalakas tumawa, gayong kalalapit lamang.

“Kamusta na Ateng Moreng.?“ halos iisang bibig na bigkas nina Mang Imoy at Aling Ebeng.

“Sana’y pare-pareho tayong masaya at walang kalungkutan.“ sagot ni Aling Moreng at natutuwang tinaggap ang gayong salubungan.

“Hoy, Ikang.!“ hindi napigilang bulas ni Azon. “Lumagay ka nga sa dapat mong ikilos.!“ sudlong pang kasabay ang pagpingot sa tainga ng kapatid.

“Ateng naman.!“ padyak ng bata. “Hindi Ikang ang pangalan ko. Ang pangit.!“ nagmamaktol pang dugtong at saka pinaigting ang kalam’nan sa hita at braso na para bang may binubuhat na mabigat. “Ang gusto ko’y pangalang lalake. Iyong matigas pakinggan.!“

“O, sige.” ayon ni Azon. “Dahil ang pangalan mo ay Eskolastika.! Mamili ka.! Isko, Kulas o Tiko.!“ pasigaw na ang bulyaw ni Azon.

“Wa-a-a.! Ayoko nga.! Gusto ko ‘yong pangalang matapang at matigas.!” nagpapapadyak na sigaw ni Ikang.

“Baka, Bruno ang gusto mo.?“ sabad ni Doro sa paglapit at nakatawang nagtago sa likurang saya ni Aling Moreng at ibinalabal pa.

“Naka.! Ang batang bakla ay nagtago pa sa saya ni Apong Moreng.!” nagtatatalon pang sigaw ni Ikang at itinuturo si Doro.

“E, ikaw.! Tomboy.! Mas bagay sa’yo ang pangalang Bruno, matapang at ang matigas naman ay bakal at bato. Gawin nating Bruno bakal bato ang buo mong pangalan, pero pangit pakinggan. Gawin kaya nating Bruno batong bakal.?“

“Talagang dalahira ang baklang ito. Ang haba ng daldal. Bimbangin kita riyan, e.!“ sabi ni Ikang at umastang pinalalaki ang katawan.

Hindi napigilan ni Aling Moreng ang magtanong kay Ikang sa gitna ng pagtawa.

“Ano nga pala ang gusto mong pangalan.?“

“Max po. Ang siga-sigang maton sa radyong de pila sa bayan.”

“Talagang tomboy ang kunehong ito.“ sabad ni Azon sa pagpapaliwang. “Minsan ay isinama ko siyang mamili sa tindahan ni Mang Pasyo. Hindi ko mabaklas sa pakikinig ng drama. Hangang-hanga siya kay Max.“

“Ganoon naman pala, e di pagbigyan.” tumatawang sabi ni Aling Moreng at ayaw nang tingnan ang pagsimangot si Azon. Inis kay Ikang.

Abala naman si Mang Imoy sa kanilang dala-dalahan. Kinalagan ang baboy at pinatalon sa nakasubsob na kareta. Tumulong din sa kanya si Leo sa kabila nang pagtutol ng mga naroroon. Madali nilang naibaba ang mga nakakaing na bungang kahoy at maiayos sa dapat na kalagyan.

“Nasaan nga pala ang Tatang mo, Lumin.?“ naghahanap na tanong ni Aling Maling.

“Nakita ko pong nagpunta sa bukana. Kasama ni Ninong Inggo sa pagtatayo ng mga arko.” sagot ng anak.

Nang gabing iyon, lalong naging mailap kay Leo ang pagkakataong magkasarilinan sila ni Lumin. Dumami na sila sa bahay. Wala na siyang magawa kundi ang sumulyap-sulyap na lamang sa dalagang kinasasabikan. “Sana, magbalik ang panahong nasa kabundukan tayo at magdamag na magkatabi sa loob ng isang kuweba. Sayang ano.?“ bulong pa niya kay Lumin nang malingat ang mga kausap sa harapang magkakatapat sa salas ng bahay.

“Marinig ka.!“ pigil ang tawang sabi ni Lumin at palihim pang siniko ang binata.

“Siyanga pala, Kuyang. Tiyak na daragsain ang kasalan.“ sabi ni Mang Imoy.

“Ako’ng bahala.” sagot ni Mang Nario. “Kahit maubos ang alaga kong hayop.! Hindi ko panghihinayangan, basta’t magkaroon lang ako ng apo.!“ ang sudlong na nakatawa at kinindatan pa si Leo.

“Tama ‘yon, Pare.” sabad naman ni Tata Inggo. “Natutuwa ako sa pangyayaring ako pa rin ang magiging ninong ni Lumin sa kasalan.“

“Talagang ikaw ang karapat-dapat, Pare. Gusto kong pag-ibayuhin ang ugat ng ating pinagsamahan.“ may katapatang sabi ni Mang Nario at hindi pinansin ang lumalalin na gabi pagkat marami pa silang pag-uusapan.

“Tatang.” nakikiming sabad ni Azon. “Mag-Magtutungo raw dito si Desto. M-May sasabihin daw sa inyo.” may garalgal pang dugtong.

“Bakit wala pa siya.?“ nakatawang tanong ni Mang Imoy at sandaling bumaling sa kanyang asawa. Parang may pinapaunawa o dili kaya’y kanina pa lumubog ang araw. Sa ganoong lalawigan, ang pakiramdam nila kapag tapos na ang hapunan at hindi pa sila natutulog, malalim na ang gabi.

“Baka hindi pa po natutulog ang kanyang Inang.“ sabi ni Azon.

“Kawawa naman si Selya. Hindi man lang naipaglaban ang kanyang sakit sa wastong gamutan.” sabi naman ni Aling Ebeng habang nagsasangkap ng nganga sa langguway ni Aling Moreng. Ang kahon na lalagyan ng nganga.

“Tatang.“ sabad ni Lumin. “May nabanggit po sa akin si Leo, tungkol sa ospital.” dugtong pa niya at saka bumaling sa katipan kung dapat niyang ipagpatuloy ang gustong sabihin.

Ngumiti lang si Leo at tumango sa dalaga. Talagang taos sa kanyang kalooban ang mga gagawing balangkasin sa islang iyon.

“Ano ‘yon, Lumin.?“ nasasabik na tanong ni Mang Nario at luminga pa kay Leo.

“Ganito po ‘yon, Tatang.“ simula ni Lumin at inilahad ang mga napag-usapan nila ni Leo tungkol sa magagandang balakin. Lahat ay sinabi maging ang kagustuhang makapanirahan ni Leo sa Nayong Dalisdis.

Pawang nagulantang ang mga nakikinig. Ang iba’y nagsipagtalukop ang mga kamay sa pasasalamat at walang patid ang pagkakatingin kay Leo.

Si Aling Moreng ang unang nagsalita, habang lumiligwak ang nganga sa bunganga.

“Isang ektarya ang lupa ko sa bayan. Kung gusto mo, Leo. Doon mo itayo ang ospital at ang mga paaralan.”

“Nakakahiya naman ho sa inyo Inang.” ani Leo. “Balak ko sanang makabili ng lupa sa bayan at dito sa nayon.”

“Huwag na, Leo. Tama na ‘yong lupa ko sa bayan. Nasa sentro at malapit pa sa munisipyo. Para din sa mga tao ang itatayo mo at ligaya ko na rin ang maging makabuluhan sa mamamayan ng Isla Busuangga.

“Tamang-tama, Kuyang. “ sabad ni Mang Imoy. “Ang lupang inaalok mo sa akin, ibigay mo kay Leo. Hindi malalayo si Lumin at magiging magkatapat pa ang inyong bahay sa pagitan lamang ng kalsada.“

“Buong puso kong ibibigay.“ tumatangong sabi ni Mang Nario at idinagdag pa ang lupang nabili niya kay Bertong Damulag ay para naman sa mababang paaralan.

“Maraming salamat ho sa inyong lahat.” sabi ni Leo. “Lalong nag-ibayo ang hangarin kong matupad ang pangangailangan ng Busuangga.“

“Hindi ikaw ang dapat magpasalamat, Leo.“ sabad ni Aling Maling. “Ikaw ang pasasalamatan ng mga mamamayan kapag nasimulan na ang iyong balakin.”

“Pagkatapos ho ng kasal. Ipapakuha ko kay Abueg ang mga makinaryang gamit ko sa lungsod.“ sabi pa ni Leo.

“Saan mo isasakay.?“ tanong agad ni Mang Imoy. Nakamulagat.

“Nakakahiya mang aminin. Mayroon ho akong gabara na maaaring maglulan ng traktora, pison at ibang mabibigat na gamit sa kontruksiyon, kasama na ang isa kong kotse na magagamit natin sa pabalik-balik na patungo sa bayan.” sagot ni Leo. Parang hirap sa ganoong pangangalandakan, ngunit kailangan niyang sabihin ang katotohanan at sagutin ang mga tanong, lalo na nga’t si Abueg ang nangunang ipangalandakan ang kabuhayan niya sa lungsod.

“Ano ang gagamitin ng kompanya mo sa siyudad.?“ si Mang Nario ang nagtanong. Hindi dahil sa pag-uusisa kundi dahil sa tamang pag-uusap lamang.

“Hindi lang ho iisa ang gamit ko sa lungsod. Ako na lang ho ang mangangasiwa sa plano ng mga gawain.” sabi pa ni Leo.

“Talaga palang napakayaman mo, Leo.” napapalatak pang sabi ni Mang Imoy. Natutuwa pagkat damay ang kapatid niya sa kasaganaan.

“Hindi naman ho.” napapailing na sabi ni Leo. “Mapalad lang ho ako sa pagkakaroon ng mga tauhan kong inhenyero na nagpaunlad sa aking kompanya.” dugtong pa ng binatang malimit mapayuko. Parang naaalinsanganan sa ginagawa niyang pagtatapat, ngunit kabalintunaang hindi niya masabing sa kompanya niya namasukan si Perenya sa pangambang maging malungkot ang gabing iyon.

Walang kibo si Lumin. Palihim ang sulyap niya kay Leo. Subalit sa kaibuturan ng kanyang puso, naroroon ang karagdagang paghanga sa minamahal niyang katipan.

“Alam mo, Leo.” sabi ni Aling Moreng. “Kapag kumandidato kang Alkalde rito. Siguradong panalo ka. Kuha mong lahat ang boto hanggang doon sa kabilang pulo.“ dagdag pang biro ngunit biglang natigilan. Tinakpan ang bibig at marahang bumaling kay Aling Maling. Nakita niyang nakayuko at malungkot.

Nakatungo si Aling Maling. Gustong humagulgol ngunit idinaan na lang sa tahimik na pagdarasal ang pagdadalamhati. Ang panalangin na higit pa dalawampu’t tatlong taong paulit-ulit sa hangaring makita ang anak niyang si Ima sa katauhan ni Perenya. Taos ang adhikain at malaki ang paniniwala niyang diringgin ng Panginoon ang kanyang kahiligan sa pamamagitan ng isang himala. Gusto niyang mabuhay si Ima. Makita at sa paraang patuloy siyang mananalig na iyon ay magkakatotoo. Hindi siya bibiguin ng panginoong Diyos.

Ang paninimdim ni Aling maling ay pinutol ng isang nagmamagandang gabi na dili’t iba kundi si Desto. Nagkatinginan ang magkakaharap. Nabanaag sa kanilang ngiti ang napipintong pag-asa.

Si Azon ang ‘di mapakali. Hindi malaman ang gagawin kung tatayo at sasalubungin si Desto. Basta ang alam niya sa gabing iyon masisira ang nagbago niyang pangarap na pahirapan muna si Desto sa pangliligaw bago sagutin ng oo.

Si Leo ang unang umagap sa panawagan at inayunan ni Mang Nario. “Tuloy ka, Desto.” sabi niya nang makitang nasa puno ng hagdan ang nagpatao po.

“Salamat, Leo.” ani Desto nang makaakyat sa balkonahe. “Ma-Magandang gabi po sa inyong lahat.” dugtong pang bigkas nang maunang pumasok sa kabahayan ang kanyang pananaw.

“Magandang gabi rin sa iyo, Desto. Tuloy ka.” nangunang bigkas ni Mang Nario at bahagya pang inayos ang isang upuan na sadyang laan sa kanilang inaasahan.

Lahat ay ngumiti kay Desto, liban kay Azon. Nakayuko at parang hindi malaman ang gagawin. Lumikot ang mga mata at dumalas ang kurap.

“May sadya ka yata sa Tatang ni Azon.?“ nagpaunang tanong ni Mang Nario, matapos paupuin ang panauhin.

“M-Mayroon nga po.” sagot ni Desto at marahang bumaling sa kanyang sadya.

“Ano ‘yon, Desto.?“ tanong ni Mang Imoy at palihim pang sumulyap sa katabi niyang asawa.

Ang lahat ng paningin ay napatutok kay Desto. Sabik na hinintay ang kasagutan, ngunit higit na namayani ang nagsasagutang huni ng ibong bundok at kulisap ng kabukiran. Para bang sila ay naghihintay rin sa kasagutan nang nakatakdang pangyayari. Nagmamadali sa kaliwanagang magaganap.

“Bakit ‘di ka magsalita, Desto. Huwag kang mahihiya sa amin.” puna ni Mang Nario at palihim ang tawa sa nakayukong binatang nayon.

Alumpihit si Desto. Hindi malaman kung paano magsisimula ang salita. Palihim ding sinulyapan ang dalagang kaingin bago napilitang magbadyang may bikig sa lalamunan. “G-Gusto ko sanang pakasalan si Azon.”

Napahumindig ang mga nakarinig. Walang nakapagsalita at saglit ding tumigil sa paghuni ang mga gising na nilalang sa paligid. Para bang iyon na sukdulan sa kanilang paghihintay.

Si Mang Nario ang ‘di nakatiis. “Damuhong bata ito.! Ginaya pa si Leo.!“

“Tatang.!“ parang saway ni Lumin, habang pinipigil ang pagtawa.

Si Aling Moreng ang bumigay. Bumunghalit ng tawa at hinampas pa sa balikat ang katabi niyang si Aling Maling.

Iyon ang simula upang tumawa ang lahat. Pinipigil ngunit hindi mapigilan. Ayaw masabing tinatawanan nila si Desto.

“Ito kasi ang pasimuno.” ani Lumin at hinampas din sa balikat ang katabi niyang si Leo. Parang sinisisi, subalit naisip din niya na talagang hindi marunong manligaw si Desto kung hindi pa naisasaulo ang sasabihin.

Si Azon naman ay tila nagmamaktol. Halos mapunit ang panyolito niya sa kapipilipit. Gustong matawa ngunit pilit na ikinukubli. Inirapan niya si Desto at sadyang hininaan ang salita. “Hindi ganoon ang simula. Manligaw ka muna.! Nakakainis ‘to.!“

“Bakit si Kuyang Leo, umari ang sinabi niya kay Ateng Lumin, ikakasal na sila sa linggo.?“ katuwiran ni Desto, ayaw masabing mali siya sa kanyang ibinungad.

Nanliliit naman ang mga mata ni Leo sa pinipigilang pagtawa. Bumaling siya kay Lumin at ibinulong na talagang magaling siyang pasimuno.

Nangurot si Lumin at pairap ang ginawang pagtawa kay Leo. “Tama na.! Huwag ka nang magbiro.! Masakit na ang tiyan ko.!“ paputol-putol na saway ni Lumin.

Saka lang nakabawi sa kasayahan si Mang Imoy nang magsalita. “Talaga bang gusto mo si Azon.?”

Makailang ulit na tumango si Desto bago sumagot. “Mahal ko po siya.“

“Sagot na Ateng,” sabad ni Ikang. Wala na ang antok. “Talaga namang mahal mo si Kuyang Desto, ‘di ba.?“

“Ikaw-w-w.!“nanggigigil na bulas ni Azon at padukwang na piningot ang kapatid.

“Sige lang, Ateng. Kahit lalo pang humaba ang tenga ko, paris ng kuneho, basta kasama lang kita rito, ayos na.!“ sabi pang kumikindat ang mga mata ni Ikang.

Muling nagkatawanan. Maging si Desto ay nakitawa na rin.

“Ako rin ay gusto ko na rito. Ayoko na sa bayan.” sabi ni Aling Moreng. “Para bang sa pakiramdam ko, naroroon pa si Garuda.!“

“Mabuti pa, Ateng Moreng. Sumama ka sa kaingin. Kumpleto tayo sa nganga roon.“

“Maganda ang alok mo Ebeng. Sasama ako sa pag-uwi ninyo. Para kong nakikitang buhay pa si Garuda.” pabulong pa niyang sabi.

“Kung payag si Azon, ganoon di ako.” ‘di kawasa’y tumatangong sabi ni Mang Imoy. “Payag ka ba, Azon.?“ tanong pa niya.

Matagal na napatunganga si Azon. Nagpalinga-linga ang paningin at napayukong tinakpan ng dalawang palad ang kanyang mukha, saka tumango.

Muli’t-muli ang tawanan, habang nakatanaw sila kay Azon.

“Ayos.! Talagang maiiwan ako rito.!“ napapalatak pang sabi ni Ikang. Pinagdikit ang hinlalato at hinlalaki saka ipinitik na may tunog.

“Ikaw, Ikang. Huwag kang sasabad sa usapan ng matatanda.!“ saway ni Aling Ebeng sa anak na noo’y nakalipat na sa kanyang tabi.

“Opo.” sagot ni Ikang ngunit halata ang tampo. Hindi dahil sa siya’y napagsabihan kundi dahil tinawag siya sa ayaw niyang pangalan.

Nang gabing iyon ay patuloy ang tawanan. Masaya at parang wala nang suliraning darating sa araw ng pista at kasalan nina Leo at Lumin.

“Kailan ang balak ninyong pagpapakasal.?“ tanong ni Mang Imoy.

“Gusto ko po sana, sa lalong madaling panahon. Kahit sa isang linggo.” sagot ni Desto at palihim pa rin ang pagsulyap kay Azon.

“Bakit nagmamadali ka yata.?“ tanong ni Aling Ebeng at matamang sinipat ang magiging manugang.

“Gusto ko po sanang matupad na ang bilin ni Inang. Ang malagay na ako sa tahimik, bago man lang siya lumisan. Sa pakiramdam ko. Si Azon ang nais kong makasama sa habambuhay.” sagot ni Desto sa muling pagyuko.

“Kuyang Desto.!“ sabad na naman ni Ikang. “Sama rin ako kay Ateng.!“

“Aba, oo.! Gusto ko ‘yan, para may makasama ang Ateng mo kapag ako’y nasa palaisdaan at palayan.!“ nabiglang sagot ni Desto, napaangat ang mukha at kalata ang kasiyahan.

Iba naman ang ibinadya ni Aling Ebeng. “Kawawa naman ang magiging balae kong Selya. Bakit naging ganoon ang ang sakit niya.?“

“Nang dalhin ko po siya sa bayan. Sinuri siya ni Wana, kahit hindi pa siya tapos sa pagkaduktora. Parang alam na niyang malala na ang kanser ni Inang at mapalad na raw ang isang buwan para para kay Inang.“

Nahalata sa harapang iyon ang kalungkutan. Walang nakapagsalita at hinintay na lamang kung ano pa ang kanilang maririnig.

“Kanina ay bigla pong sumigla si Inang.“ sabi pa ni Desto. ”Halos ipagtabuyan niya akong pumunta rito upang kayo’y kausapin tungkol kay Azon. Nagmamadali siya, pero ang higit kong ipinagtataka kung bakit gusto niyang maging ninang ni Ateng Lumin sa darating na kasalan gayong hindi na nga po siya makabangon.

“Aba.! Sabihin mong oo.“ biglang sagot ni Mang Nario. “Buong puso kong tinatanggap ang maging Inang din ni Lumin sa kasalan. Natutuwa ako, Desto.”

“Ganoon din ako. Kaming lahat.!“ ayon ni Aling Maling, masigla ngunit sa sulok ng kanyang isipan naroroon ang hinalang iyon na ang huling hiling ni Aling Selya ang maging anak din niya si Lumin, kahit hindi nagkaroon ng katuparan ang lihim na pag-ibig ni Desto.

Nakangiti rin si Lumin pagkat pareho ang hinala nila ni Aling Maling. Gayon man, nagkatotoo ang lagi niyang sinasabi na kapatid lang ang turing niya kay Desto. Ngayon ay magiging kinakapatid na niya, babayawin pa niya.

Ang isa pa pong balak ko.“ patuloy ni Desto. ”Pagkatapos ng pista, magpapatayo ako ng bahay sa lupa kong katabi lang ng lupa ni Tatang Nario. Gusto kong magkatabi kami ng bahay ni Kuyang Leo at Ateng Lumin. Nakakahiya po kay Azon kung ititira ko siya sa Gubatan na walang kapit-bahay.” dugtong pa ni Desto, makaraang ituro sa bukas na durungawan ang lupang nasa kabilang kalsada lamang.

“Lalong magaling.!“ nasisiyahang sabi ni Mang Nario. ”Malaki nga pala ang lupa mong nasa tabi ng lupa ko.”

“Hindi naman po, Tatang.” sagot ni Desto. “Sa katunayan. Magkasukat lang ang lupa natin sa tapat.“

Panay lang ang tawa ni Mang Nario at panay din ang kindat kay mang Imoy na tila may ibig sabihin.

Iisa nga ang pang-unawa nina Mang Imoy at Aling Ebeng. Naisip nilang tumama nga sa panlasa ni Azon ang makapamuhay sa maraming kapit-bahay. Hindi tulad sa kaingin. Nag-iisa lang ang kanilang bahay at gayon din sa Gubatan na panirahan nina Desto at Aling Selya.

Sa usapang iyon, balana’y tumatango at umaasang magiging masaya rin ang kasalan nina Desto at Azon, ayon sa linaw ng kanilang pag-uusap.

Kinabuksan. Bago pa lamang nag-aagawan ang dili at liwanag nang magulantang ang mga taga nayon sa sunud-sunod na dagundong ng mga tambol.

Sina Leo, Lumin at Aling Moreng ang unang nakaunawa sa ingay na iyon. Naging masigla ang daloy ng ligaya sa kanilang isipan.

Naunang lumabas sa kamalig si Leo upang maghintay sa pinto ng bakuran. Nakatanaw siya sa landas na patungong ilog.

Ang sumunod na lumabas ay si Lumin. Agad naglaro sa kanyang isipan ang nakaraang pistang bayan. Ang muntik nilang pagkikita ni Perenya. Ang naging karanasa niya kay Leo nang siya ay hagkan. Ang lahat ay hindi na niya malilimutan. Napahawak siya sa bisig ni Leo at nagagalak na naghintay sa papalapit na dagundong.

Nalarawan sa umagang iyon ang masayang pagsikat ng liwanag. Nagulantang ang mga taga nayon. Nagbalikwasan sa higaan at hindi malaman kung ano ang unang gagawin. Nasasabik silang makita ang napabalitang tribo ng dignayan.

Bumubungad pa lamang sa malabay na halaman ang tribong pinakahihintay sa lansangan ay nagsigawan na sa tuwa ang mga matatanda. Ang mga bata naman ay nagsikubli sa likuran ng kani-kanilang magulang. May natatakot at may nagtataka kung saan galing ang mga katutubong bago sa kanilang paningin.

“Si Tata Pulo ang nangungunang iyon.“ turo ni Leo kay Lumin sa matanda na tanging walang pangkulay sa balat.

“Siya pala.” tumatangong sabi ng dalaga, kasabay ang panunuri. Ilang ulit na niyang narinig ang pangalang iyon at ngayon ay papalapit sa kanya.

Namayani ang kasayahan. Naudlot sa pag-uusap ang magkatipan nang sumigaw ang isang matandang mali-mali na naglalakad sa daan. “Ay apo ko.! Nagbalik na si Garuda.! Siya nga ba ‘yan, Ineng.?“ tanong pa niya kay Lumin.

“Hindi po, Nana Selang. Sila ang tribong magpapasaya sa ating pista.!“ pasigaw na paliwanag ni Lumin nang lumapit sa kanila ang matandang nagbigay nang pangitaing buhay si Garuda at tila walang narinig sa paglayo.

“Sila ba ang tribo ni Leo.?“ tanong ni Mang Nario sa paglapit at saka sumilip sa lansangan kasunod sina Mang Imoy at Tata Inggo.

“Opo, Tatang.” sagot ni Lumin.

Pumalatak ang matanda. Nagandahan sa lukso ng indakan. Parang gusto niyang gumaya sa mga katutubomg may kulay ang balat. Lumabas siya sa bakuran at pinagbuti ang panonood.

Sumunod rin si Aling Maling. Pinagala ang paningin sa mga ka-nayon. Tuwang-tuwa at gustong ipagparangalan ang araw na iyon.

Lumapit naman si Aling Moreng kay Aling Maling. Inalintulad niya ang kaguluhan sa bayan nang una nilang makita ang tribo ng Leo. Para bang napakagandang pagkakataon ang pangalawang pangyayaring iyon. Ngunit nagbabadya rin na tanging kalikasan lamang ang magtatakda kung ang kasayahang iyon ay walang kaakibat na pangamba.

Humahangos din si Aling Ebeng habang ipinupugong ang mahaba niyang buhok, kasunod sina Azon, Ikang at Doro, palapit sa bakuran.

Kakaiba ang katuwaan nina Ikang at Doro. Nag-uunahan. Hindi takot. Naglulundagan sa kasabikan at nakataas pa ang mga kamay sa pagtakbo.

Lalong lumaganap ang sigawan ng mga bata nang tumapat sa bakuran ni Mang Nario ang nag-iindakang tribo. Paikut-ikot at iisa lamang ang tinitingnan. Parang alam nila kung saan ang bahay ni Mang Nario, ayon sa himaton ni Abueg.

Doon na nanlaki ang mga mata ni Mang Pulo nang makita sa siwang ng mga dahon si Leo. Nakatayo sa malagong halaman na nakayungyong sa bakuran. Bigla ang ginawa niyang hudyat upang tumigil ang nakakayanig na dagundong ng tambol. Mistulang lumaganap ang nakakabinging katahimikan, ngunit iyon ay pansamantala lamang. Tila ba nag-iipon lamang ng lakas ang tribo upang gawing marubdob ang kapanapanabik na salubungan.

“Kuya Leo.!“ sabay-sabay na sigaw ng mga batang dignayan, kasunod ang muling dagundong ng mga bombo bilang pagbati sa kinikilala nilang matalik na kaibigan o kapatid. Muling tumahimik sa isang kumpas lamang ng matandang katutubo.

“Tata Pulo.!“ natutuwang salubong ni leosa pinto ng bakuran at hinawakan sa balikat ang matanda habang kumakaway ang isang kamay sa mga batang katutubo.

“Leo.!“ wari’y naiiyak na sagot ni Mang Pulo. “A-Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo. Salamat, Apo ko.!“ dugtong pang gumagaralgal ang tinig at saka niyakap ang binata.

Higit na mainit ang salubungan naganap, kaysa noong galing sa ibang bansa si Leo. Bawat isang katutubo ay kumakamay, yumayakap, humahalik pagkat nabalitaan nila ang sinuong na panganib ng binata.

“Pumasok kayo.!“ masayang yaya ni Mang Nario kay Mang Pulo kahit hindi pa sila nagkakakilala. Inakbayan at malugod na binati na para bang matagal na niyang kabungguang balikat si Mang Pulo.

Umagap si Leo. Ipinakilala ang isa’t-isa. May sigla ang salita. Gusto niyang ipagparangalan ang mga matatanda ng Nayong Dalisdis na ‘di maglalaon, magiging magulang din niya.

“Maraming salamat at nakarating kayo rito.!“ natutuwang bati ni Mang Nario kay Mang Pulo at dalawang kamay pang pinagdaop ang kanilang palad.

“Maraming salamat din kay Apo at sa inyo nakipanuluyan si Leo.!“ masaya ring bati ni Mang Pulo na biglang nanlaki ang mga mata sa pagbaling. Nakita niya ang nakakagulat na tanawin. “Apo ko.! Parang nabuhay si Perenya.! Ikaw ba si Lumin.?“ tanong pa niya sa dalagang nakangiti sa kanya.

“Ako nga po.!“ masayang sagot ni Lumin at hinawakan pa sa kamay ang matandang katutubo.

Biglang nagtilian ang mga babaing kabilang sa tribo nang lubusang makita si Lumin sa malagong halamanan. Naglapitan sila at buong pagsambang hinaplus-haplos ang kamay at ang mahabang buhok.

Muling dumagundong ang tambol ng mga lalake. Masigla nilang tinapatan si Lumin at humihiyaw sa tuwa. Sumasamba sa paraang alipin ng panginoon.

Hindi makapagsalita si Lumin. Lagi lang kumakaway sa bawat bumabati.

“Mga kaibigang dignayan.!“ muling bungad ni Mang Nario nang tumahimik ang paligid. “Kahit paano lang, mag-agahan tayo.!“ ang dugtong pang nagyayakag at muling inakbayan si Mang Pulo.

“Paano ‘yan, Leo.? Baka hindi sila mabusog at kulangin ang inihanda ni Inang.?“

“Huwag kang mag-alala. Walang problema.!“ nakatawang sagot ni Leo.

Nakangiti namang umiling ang matandang katutubo. Tinapik ang balikat ng kanyang kaakbay. “Salamat, balae. Tapos na kaming mag-agahan sa yate.“ sabi pa kay Mang Nario na tinawag niyang balae.

Naputol ang iba pang pag-uusap nang sumabad ang humahangos na si Abueg. Tinawag si Leo habang kasunod ang isang matabang pari.

Napabaling si Leo. Nakita niyang nagkakandahirap si Abueg sa dalang mga kahon. Nakita rin niya ang nagmamadaling pari. Nilagpasan si Abueg at gustong mauna sa patutunguhan.

“Kaibigang Leo.!“ bulalas ng pari at karakang inilahad ang kanang kamay.

“ Father Alberto.!“ ganting tawag ni Leo at idinaop ang kanyang palad sa mahigpit na kamayan.

“Ang sabi mo noon.!“ anang humahalakhak na pari. “Ang lahing silangan ay malalim kung lumingon sa kaibigan. Ganyan din ako, Leo. Matutupad ang pangako ko. Saan ka man naroroon, ako ang magkakasal sa iyo.!“

Natawa si Leo, bago nagpasalamat. Sinabi niyang noon pa man at hanggang ngayon ay nananalig siya sa isang pangako. Una niyang itinuro si Lumin at ipinakilala. “Siya ang magiging maybahay ko at sila naman ang magiging gabay namin sa buhay.“

Napangiti ang mga matandang ipinakilala. Isa-isang humalik sa kamay ng pari at nanguna pa si Mang Nario. Pang huli si Lumin.

“Sa tingin ko.” anang pari. “Muling nabuhay si Perenya. Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.!“ dugtong pang nanlalaki ang mga mata sa pagkakatitig at pagkamangha kay Lumin. Nag-antanda pa ang italyanong pari na lubhang palabiro. Laging nakatawa at matagal na ring naninirahan sa lungsod.

“Leo.” muling tawag ni Abueg. “Dala ko ang damit ninyong pangkasal, mga kasootang pamasyal at ang isusuot ng mga abay.” ang sudlong matapos ilapag sa naroroong karetaang mga dala-dalahan. Pinakamalaki ang kahon na ang laman ay masasabing gamit sa entorahe ng mga abay.

Kinuha ni Leo ang isang malaking kahon at pabirong nagwika sa pagbaling kay Lumin. “Ito ang tanda ng pag-ibig kong hindi nagbago at nagpatuloy sa iyo.”

Napangiti si Lumin. Payakap na tinanggap ang damit pangkasal at buong pamamahal na tumitig sa kausap.

“Leo.”pukaw uli ni Abueg. “May nakalaang parangal sa iyo ang pamahalaan.”

“Ano ‘yon.?“ nag-aalinlangang baling ng binata.

“Kahit wala kang lubos na pahintulot.“ ani Abueg habang nagkakamot sa ulo.

“Ipinagtapat ko sa kinauukulan ang nangyari dito at napatunayan pa nang tumawag sa radyo ang hepe ng Busuangga na si Kapitan Magat. Nagimbal sila at bukas darating daw ang Ninong mong Sekretayo upang dumalo rin sa inyong kasal.” ang dugtong at kapagkuwa’y binago ang paksa. Kailangan niya ang ilang kareta upang gamiting panghakot.

Si Mang Imoy ang umako sa bagay na iyon. Sa tulong pa ng ilang taga nayon, naging masigla ang katuparan ng isang bayanihan.

Sa pagkakataong iyon, namagitan ang kanya-kanyang gawain. Si Mang Pulo ang unang kumilos sa pagpapasaya ng paligid. Hinudyatan ang tribo ng dignayan upang gumala sa lansangan.

Lalong naging kaiga-igaya ang sigla ng tribo sa dahilang nakilahok ang ilang kabataan sa nayon upang matutuhan ang gayong pag-indak sa pangunguna nina Ikang at Doro.

Habang papalayo ang dagundong ng mga tambol. Nagyaya naman si Lumin kay Leo sa itaas ng bahay upang tingnan ang damit nilang pangkasal.

Natutuwang tumango si Leo. Dinampot ang iba pang kahon at tumugon sa kagustuhan ni Lumin. May pag-asa na siyang makahalik.

Sa gayong pagkakataon, gusto ring makita ni Azon ang laman ng mga kahon. Sumunod siya sa itaas ng bahay.

Hindi nagpahalata si Leo sa nabigong pag-asam. Nagpahuli na lang siya sa hagdan at doon nabanaag sa kanyang mukha ang panghihinayang.

Unang binuksan ni Lumin ang kahon ng damit pangkasal. May sigla at pananabik. Nahantad ang isang napakagandang trahe de boda, kulay puti sa kabusilakan. Malasutla ang himaymay at ang budlis ay hindi pangkaraniwan. Kapansin-pansin ang ilang nagkikislapang bato sa harapang dibdib na ang halaga ay hindi matatawaran.

“Nakakainggit ka, Ateng.!“ pumapalatak na sabi ni Azon. “Maging ang panyapak mo ay puting-puti.!“ sabi pang nanunuri sa sapatos.

Kapagkuwa’y binuksan ni Leo ang isa pang malaking kahon na para sa kanya. Nakapaloob doon ang isang kasootang abrigo. Binusilak din sa kaputian at malamig ang haplos. Kasama rin sa kahon ang sapatos na katad. Balahibuhin at ganoon din ang kulay.

Nangngislap ang mga mata ng dalawang dalaga. Humanga sila sa pangkasal ni Leo. Pambihira at hindi pa nakikita sa ganoong pook.

Wala sa loob na hinawakan ni Azon ang isa pang malaking kahon. Mabigat at wati’y marami ang laman.

“Sige, Azon. Buksan mo.” sabi ni Leo sa nakikitang tuwa ng dalagang kaingin.

“Ay, Nanang ko.!“ papitlag na sabit ni Azon nang mabuksan at makita ang lamam ng kahon. Mga magagandang bestida at sapatos na iba-iba ang kulay. Muli siyang napapalatak habang hinahalungkat ang may anim na kasootang kakulay din ng mga panaping paa.

Natawa si Leo at malugod na nagwika kay Azon. “Para sa Ateng mo ang mga bestidang iyan. Sige, pumili ka ng tatlong kulay. Sayo na.”

“Talaga.? Pati sapatos, Kuyang.?“ kumikilig pang tanong sa nasang makapagpasikat kay Desto.

Tumango lang si Leo, bago bumaling kay Lumin. Kumindat ang isang mata habang nakatawa.

“Kung talagang magkasukat kami ng katawan ni Perenya.“ ani Lumin. “kasya rin kay Azon ang mapipili niyang damit.“ ang dugtong habang pinanonood ang paulit-ulit na pagladlad ni Azon sa mga bestida at pagbiling-biling sa mga sapatos.

“Nalilito ako, Ateng. Lahat ay maganda.!“ nagsasalawahan pang sabi ni Azon at bandang huli, nagwakas din ang pamimili sa tatlong damit na kulay dilaw, lila at luntiang seda.

“Hindi lang ‘yan, Azon.“ ani Leo. ”Dahil isa ka ring abay. Ang isusuot mong damit ay para din sa iyo.!“ dugtong pang nakatawa at itinuro si Abueg na kasalukuyang pumapasoksa kabahayan at kipkip ang pinakamalaking kahon. Ang damit at sapatos ng mga abay.

“Salamat, Kuyang.” natutuwang sabi ni Azon. “Magiging apat ang magagamda kong damit at sapatos.!“ kinikilig pang dugtong at karakang sumalubong kay Abueg upang umalalay sa kahon.

Di kawasa’y mabibigat na yabag ng narinig sa balkonahe. Sumungaw sa kabahayan si Aling Maling. “Ay salamat .!“ aniyang may kaba. “Akala ko’y isinukat ninyo ang damit pangkasal.!“ at nag-antanda pa ang matanda.

“Hindi po, Inang.” sagot ni Lumin. “Alam ko namang masama ‘yon sa ating kaugalian. Hindi raw matutuloy ang kasalan sa iba’t-ibang dahilan.“

Tumangu-tango lang si Aling Making bago nagwika. “Magbihis kayo. Magmimisa si Padre Alberto sa bisitas, patungkol kay Ima o ni Perenya.

“Hayan.!“ biglang sabi ni Azon. “Maisusuot ko agad ang isa sa damit ni Kuyang at ang isa pa ay pagkatapos ng kasalan.!“ tila nagyayabang pang sudlong kahit nakita niya ang lihim na paghikbi ng kanyang inale.

Sumunod si Leo sa pagbaba ni Aling Maling. Dala niya ang isa sa kahon na para sa kanya.

“Leo.” tawag ni Aling Maling bago nakapasok sa kamalig ang binata. “Mauuna na kami ni Padre Alberto, para malaman ng mga tao ang gagawing misa.” nagmamadali pang dugtong upang maihanda rin ang paglalagyan ng larawan ni Perenya sa bisitas.

“Oho“ sagot ni Leo at sinabi pang susunod na lang sila matapos makapagbihis.

Ilang sandali pa. Humanga sa isa’t-isa sina Leo at Lumin nang sila ay magkaharap. Kapwa suot nila ang damit na galing sa lungsod.

“Kay kisig mo, Leo.” anang dalagang nagniningning ang mga mata sa paghanga.

“Lalo ka na, Lumin.” ganti ng binata at kung hindi lang may ibang taong nakaharap, nahagkan niya ang dalaga.

“Ako ba’y hindi mo pupurihin, Kuyang.?“ pabirong tanong ni Azon na may halong hagikgik. Suot ang kulay dilaw na bestida.

“Kay Desto mo malalaman ang bukal na katotohanan kapag kayong dalawa lang ang magkaharap.“ sagot ni Leo at sabay pa silang natawa ni Lumin.

Makaraan pa ang ilang sandali, nasalubong ng magkasi sa labas ng bakuran ang pawisang si Abueg. Nakasakay sa kareta at may katabing ‘di mawari kung lalake o babae.

Nasa likuran naman ang iba pang kareta na ang isa ay sinasakyan ni Mang Imoy. Hinahakot nila ang mga inuming pampalamig na nasa bote at serbesang nakalagay naman sa bari-bariles na kahoy. Gayon din ang bultu-bultong bigas na nakalagay sa sako.

“Leo.!” tawag ni Abueg. “Kasama nga pala si Karla. Ngayon ko lang nabaklas sa pagpipintura ng muka.!“

“Ganoon ba.?“ nakatawang tanong ni Leo at inilahad ang isang kamay upang abutin ang bagong dating.

“Siyempre naman. Mag-aayos ako para lalong tumingkad ang iwi kong kariktan.!“ sagot ng binabae, kasabay ang malanding pagbaba sa lupa.

Walang hindi natawa sa mga taong nakakita. Lumapit sila at nakinig sa usapan. Kabilang din sina Ikang at Doro sa mga nag-usyoso. Higit sa lahat, si Doro ang labis na natuwa. Ngayon lang siya nakakita nang paris niyang bakla.

Ang bawat kilos ni Karla ay lumilikha ng tawanan. Ang bawat igkas ng daliri at kending ng balakang ay nagbibigay ng kasabikan sa mga naroroon. Isang matandang babae ang natutuwang niyugyog ang binabaing makabago ang kasootan. Naka blusang pula na litaw ang pusod at pantalong maong na gutay-gutay ang laylayan na para bang nginatngat ng aso.

Nanlaki pa ang mga mata ni karla nang makita si Lumin sa likuran ni Leo. “Diyos me.! Kahit ‘di sabihin.! Tiyak kong siya ang kakambal ni Perenya.!“ sabi pang may kasamang tili at imbay ng balakang.

Tumangu-tango lang si Leo pagkat pinipigil din ang pagtawa sa nakakailang na kilos ng kanyang kaharap.

Lalo pang lumakas ang tili ng binabae sa pagtango ni Leo. Halata ang inggit kay Lumin. Hindi mabaklas ang titig sa dalagang nayon na kahit walang papula sa mukha, talagang napakaganda.

Hindi rin makapangusap si Lumin. Pinipigil din ang may tunog na pagtawa. Ayaw niyang lumabis ang tuwa at baka isipin na pinagtatawanan niya ang bagong dating na bakla. Pumayag na lang siyang payapos kahit naiilang dahil lalaki rin itong maituturig, ngunit ang pahalik ay tumatawa siyang umilag.

Si karla ang mag-aayos kay Lumin sa araw ng kasal. Lalo siyang pagagandahin sa pamamagitan ng mga papulang sa siyudad lamang makikita. Ngunit ang ‘di niya alam, naranasan na ni Lumin ang bagay na iyon dahil kay Marcaida para akitin si Garuda.

Kinausap naman ni Abueg si Leo. Ipinamarli ang napakaraming pagkain na galing pa sa isang sikat na lutuan sa lungsod ng ibayong dagat. Handaang sapat ‘di lang sa isang pamayanan.

Sa bisitas naman ay higit na matao ang ginawang misa ni Padre Alberto pagkat ngayon lang nakakita ng isang italyanong pari ang mamamayan ng Nayong Dalisdis. Bukod roon, gusto rin nilang makita ang malaking larawan ni Perenya na dinala ni Leo sa bisitas at isinabit sa tagalirang dingding upang maging sanhi sa gagawing misa.

Naging kapuna-puna ang kagandahan ng bagong yaring bisitas. Pinagbayanihan ng mga mamamayan at halos tatlong araw lang ay natapos. Kahit isang daang tao ay makakaupo sa mahabang likmuang kawayan na ganoon din ang sandalan. Maluwang ang mga durungawan sa magkabilang tagiliran.

Mapapansin din sa pinalaking bisitas ay pawang yari sa kawayan, sawali at kugon.

Magkatabi sa upuan sina Leo at Lumin. Nasa gawing harapan at nakatanaw sa pinagandang munting altar.

Tumabi rin si Desto kay Azon. Lalo siyang humanga sa kagandahan ng dalagang kaingin sa bago nitong kasootan. Kahit nasa harap ng misa, hindi mapigilan ng binatang nayon ang paglinga sa katabi.

Nadarama rin ni Lumin ang malimit na sulyap sa kanya ni Leo. Nagtatama ang kanilang paningin. Nauunang bumabawi ang dalaga pagkat naiisip niyang ang lahat ng sandaling iyon ay para sa alaala ni Perenya.

Nagsabog ng bendisyon si Padre Alberto sa mga nagsisimba. Madalang at mabagal ang salita. “Mga piling saksi sa araw na ito. Mga magulang at kapatid. Dinggin ninyo ang panambitang ito. Isang kaawa-awang kaluluwa ang ating ipanalangin. Sumakanya nawa ang buhay na walang hanggan sa sinapupunan ng Maykapal. Si Imaculada y Perenya ay pumanaw sa kagustuhang manatili ang kanyang kalinisin sa lalaking pinakamamahal sa buhay. Ganyan siya kabusilak sa tingin ng mga dalagang silangan. Siya ang huwaran ng mga Anak-Parang na nalugmok sa dilim. Pagpalain silang lahat sa kaharian ng Panginoong Diyos. Siya nawa, Amen.” at saka nagpatuloy sa panalangin ang maka-Diyos na pari. Nakayuko at pinagdaop ang mga palad sa harap ng altar.

Matapos ang balanang panalangin ay isa-isang lumapit ang mga tao sa larawan ni Perenya. Nalulungkot man ay nalulugod rin pagkat parang si Lumin din ang kanilang nakikita. Palipat-lipat ang tingin sa kambal.

Lumuluha si Aling Maling habang tumatayo mula sa luklukang tulad nang dati, ang anak pa rin niyang namayapa ang umubos sa kanyang panalangin pinanabikang makita kahit sa anong paraan. Kasabay niya sa pagtayo ang asawang halata rin ang kalungkutan. Kung maaari lang, gusto nilang ibalik ang pistang bayan upang makita si Perenya. Ang kinasasabikan nilang anak na kakambal ni Lumin. Isang himala ang kanilang hiling.

Nang matapos ang misa at makauwi ang mag-anak, napalunok si Mang Nario sa nabungarang tanawin. Nakita niyang halos mapuno ng pagkain ang kanilang bakuran. “Napakalaking handaan ito.” bulong pa niya sa kanyang asawa.

Tumango si Aling Maling at hinanap sa tanaw kung bakit lumabis sa inaasahan ang nakahandang pagkain.

Sumalubong si Mang Pulo. Pawisan at galing sa lansangan nang magsalita. “Para sa dalawang araw ang handaan at inaasahan naming dadalo ang buong taga nayon o kahit na taga iba pang baryo. Ang gastos ay nagmula sa tesorero ng kompanyang pag-aari ni Leo. Ang perang laan sana sa kasalang Leo at Perenya na balak nilang gawin sa pulong Masle ay hindi natuloy pagkat dadalawa lang ang tao sa pulong iyon, lalo na’t ang gusto ni Leo, maringal at masagana ang handog niyang kasal kay Perenya. Dito ay pamayanan at maraming tao. Tuloy ang maringal at masaganang handog niyang kasal kay Lumin.

Halata ang pagkamangha ni Mang Naraio. Umunat ang katawan at nasisiyahang nagpasalamat sa kanyang nalaman. Natupad ang iglap na pangarap sa kanyang balintataw. Para niyang nakikita ang pinakamarangyang kasalan sa kasaysayan ng Nayong Dalisdis.

Nabigla rin si Aling Maling. Naisip niyang ganoon pala kayaman si Leo. Napangiti siya at agad nilinga ang mga kanayon na nanggigilalas din sa nakikitang kaanyuan ng kanilang paligid.

Sumakdal pa ang kasayahan nang dumating ang pangkat ng musikong bumbong na galing pa sa Baryo Tala sa anyaya ni Mang Nario. Sakay ng tatlong kareta ang mga batang babae na ang gamit sa pagtugtog ay pawang yari sa kawayan. Pagsayad pa lang ng kanilang paa sa lupang kaharap ng bakuran ni Mang Nario, agad sinimulan ang masayang tugtugin na kung ano ang ipinarinig nila sa nakalipas ng pistang bayan ay siya rin nilang tinugtog sa nayon.

Naroon din ang dalawang dalagang taga Baryo Tala. Sina Miding at Aring. Sila ang inatasan ni Aling Maling upang sabayan ang musikong bumbong sa paroroonan pagkat siya ang hermana mayor ng kapitahan at sagutin niyang lahat ang pangangailangan ng naturang banda ng musiko.

Masila rin ang dalawang binatang sina Pule at Omeng. Sila ang sumundo kina Miding at Aring upang umabay din sa kasalan. Si Miding ang pumalit sa pinsan niyang si Bidang sa pagiging batonera ng musikong bumbong. Kung ano ang galing ni Bidang sa pagkumpas ay siya ring husay ni Miding sa pagwasiwas ng baton, at kung ano ang soot ni Bidang sa pistang bayan ay siya ring anyo at damit ni Miding sa paggala nila sa lansangan, kasama si Pule bilang alalay.

Naiwan naman sa bakuran ni Mang Nario si Aring at masayang inasikaso ni Omeng sa ano mang dapat gampanang tulong.

Sa oras na iyon, nagsimulang mamahagi ng nakakahong pagkain ang mga katulong ni Mang Pulo. Ang bawat taong maparaan ay kanilang inaalok ng isang katamtaman at parisukat na lalagyan.

Ang kahon ng pagkain ay naglalaman ng pira-pirasong manok na pinirito sa arina. Isang malaking tinapay na may palamang hamon at dahong gulay na pinahiran ng mantikilya. Isang tumpok na pansit sa pupuniting pinggan at isa pang kopang plastik ng sorbetes. Ang kabuuan ng pagkaing ay sapat upang mabusog ang isang tao.

Nagkalat din ang inuming pampalamig. Nakababad sa yelo na galing sa palamigan ng yate. Ang gusto namang uminom ng serbesa ay sasahod na lang sa patuluan ng bariles na kahoy.

Ang mga tao ay namamangha. Nakikita nila ang mga nakatuhog na baboy sa mahabang kawayan. Marami ang lilitsunin at marami rin ang kakatayin. Naroon din ang maraming kahon na nabibigkisan ng lubid. Ang laman ay karne ng baka at mga pagkaing sangkap sa kasalan. Naisip nilang iyon ay kalabisan na upang hindi na sila maghanda sa kinabukasang pista.

Nagpakuha ng kahon si Leo upang sila naman ang kumain sa lilim ng punong mangga. Umaaso pa ang pagkain na sadyang pinainit sa lutuan ng yate. Katabi niya si Lumin sa upuang kawayan. Kaumpok nila ang mag-anak ni Mang Nario, si Aring at si Padre Alberto.

Masila si Aling Maling. Laging nakatanaw sa paligid. Sa mga kanayon pagkat sa kaunaunahang pagkakataon, ngayon lang magaganap sa Nayong Dalisdis ang isang maringal na kasalan.

Pagkatapos nilang kumain, nagkataon namang nagsalubong sa pinto ng bakuran ni Mang Nario ang dalawang pangkat na tagapagpasaya sa kapistahan. Ang tribo ng dignayan at ang musikong bumbong. Pinapasok sila ni Mang Nario upang makapagpahinga at kumain.

Sinamantala naman ni Mang Nario ang pagkakataon upang makapagsalita sa harapan ng mga tao. “Ang kasayahan at katiwasayan sa ating nayon ay dapat nating pasalamatan. Una sa Panginoong Diyos. Kay Leo at sa dalawa nating magigiting na Anak-Parang. Sila’y sina Miding at Aring. Ang mga natatanging Anak-Parang na hindi nailugmok sa dilim ng digmaan. Bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan at ako nama’y bilang Tenente del nayon, isang parangal ang ipagkakaloob ko sa kanila. Ang kapiraso kong lupa sa gawing hilaga ay buong puso kong ipinakakaloob sa kanila upang pagtayuan ng bahay. Gusto kong dito na sila manirahan at maging mamamayan ng Daisdis. Palakpakan natin sila.!“

Sa tinurang iyon ni Mang Nario, sumigabo ang palakpakan at hiyawan ng mga tao, lalo na sina Pule at Omeng. Nangangakong pagbubutihin ang panliligaw dalawang dalaga upang maging taga roon na rin sa nayon.

Sa pagkakataong iyon, sinadya naman ni Leo ang humiwalay sa umpukan upang mag-isang magnilay. Naglakad-lakad siya at sinamantala ang pagkalibang ni Lumin sa mga biro ni Padre Alberto. Nagtungo siya sa ilog at pinagmasdan ang malaki at marangya niyang sasakyan na nakasadsad na malalim na pampang.

Napalundag sa galak ang dalawang bantay na lalaking katutubo nang makita si leo. Niyakap nila ang tila nalulumbay na binata at sinuyong mamahinga muna kahit sandali lamang.

“Pumunta kayo roon at makisaya sa pistahan.!“ utos ni Leo sa dalawang katutubo, bago siya pumasok sa isang silid na kung saan ay doon natulog si Perenya sa tabi niya.

Hinimas ni Leo ang kamang naroroon. Para bang binabakas ang lumipas. Ang paglalambing sa kanya ni Perenya. Ang ‘di pagtulog kung wala ang dantayan unan. Sinusuyo niya at inaamo kapag nagtatampo. Matagal siyang napatulala.

Nang mga sandaling iyon, dumalas ang paglinga ni Lumin at halatang may hinahanap. Nagtanong siya kay Abueg. “Nasaan si Leo.?“

“Nagpunta siya sa ilog. Sa kanyang yate.” sagot ni Abueg.

“Ba’t ‘di niya ‘ko isinama.?“ bulong ng dalaga at mabilis na lumabas sa bakuran. Halos takbo ang lakad.

Nagkamot sa ulo si Abueg, bago itinuloy ang pagkain. Napatingin siya kay Mang Nario. Nakatingin din sa kanya. Nagtatanong ang mga mata kung saan pupunta si Lumin.

“Lumin.! Hoy.!“ tawag ni Mang Nario kasabay ng tindig nang ituro ni Abueg ang gawing ilog. “Naku.! Hindi na ‘ko narinig.!“ patuloy pang bulas ng matanda habang humahabol.

Lakad, takbo si Lumin. Nagmamadali. Para bang mawawala sa kanya si Leo. Nasalubomg niya ang dalawang katutubo na patungo naman sa kanila. “Nasaan si Leo.?“ tanong pa niya.

Naglundagan sa tuwa ang dalawang katutubo. Gustong manga yupapa sa nakitang anyo ni Perenya. Yakapin, ngunit hindi magawa pagkat silay nahihiya. Gayon ma’y magkasabay nilang itinuro ang yate sa ilog bago nilandas ang sadya, kasabay din ang maraming paglingon sa dalagang nayon.

Narinig ni Leo ang panawagan ni Lumin. Agad siyang lumabas sa kamarote at nakita niyang nag-iisa ang dalaga. “Halika.!“ aniya at ngumiting may ibig sabihin nang akayin niya sa amdamyo ang kasintahan.

“Nakakasuya ka naman.” parunggit ni Lumin.”Bakit mo ‘ko iniwan.?“

Tumawa si Leo bago sumagot. “Lagi ka kasing nasa umpukan.“ may hinampo pa niyang dahilan.

“Si Padre kasi. Kahit kaliit-liitang karanasan natin, tinatanong. Maging si Garuda ay nabanggit. Para akong nangungumpisal.“ sagot ni Lumin kasabay ang paglinga sa ganda ng yate.

Muling natawa si Leo at marahang hinila ang kamay ni Lumin patungo sa isang silid saka nagwika. “Ngayo lang kita masasarili.!“

“A-Ano’ng gagawin natin diyan.?“ kunwa’y nagtataka pang tanong ni Lumin.

Ngumiti lang si Leo. Bahagyang pinatulis ang labi bago nagwika. “Nasasabik na ‘ko sa iyo.”

“Hayan ka na naman.“ pairap ng wika ni Lumin. Tumatanggi sa salita ngunit sumusunod naman ang katawan. Gusto niyang pagbigyan ang binata.

Isinara ni Leo ang pinto. Niyapos si Lumin at nanunuksong bumulong. “Ngayon, wala nang sagabal sa atin.”

“ Mayroon.!“ sagot ni Lumin. “Hindi ako makahinga sa higpit ng yakap mo.!“

Natawa si Leo. Niluwagan ang mga bisig. Parang tinatakaw ang sariling pinagkiskis muna ang tungki ng kanilang ilong at nilanghap ang likas ng bango ng dalaga.

“Lumin.!“ sigaw sa labas. “Nariyan ba kayo.?“

“Ang Tatang.!“ gulantang na sabi ni Lumin at mabilis na umalpas sa bisig ni Leo. Ayaw niyang abutan sila sa loob ng silid. Kailangang makalabas agad at sa kubyerta na lang maghintay.

Nanlalambot na napabuntong hininga si Leo, bago lumigid sa kubyerta at anyayahang umakyat sa yate ang mag-anak ni Mang Nario.

“Ay salamat.!“ sambit ni Aling Maling. “Akala namin ay kung napaano na kayo.” sudlong pa ng isang inang matiim ang paniniwala sa pamahiin na ang sino mang ikakasal ay malapit sa kapahamakan. Akay siya ni Leo sa malapad na amdamyo.

“Bigla ko namang naalala si Garuda nang habulin ang anak mo.!“ sabi naman ni Mang Nario habang inaakay sa pinakatulay ng yate ang dalawang magkakawing na babae.

“Azon.! Hawakan mo akong mabuti.!“ napapatiling sigaw ni Aling Moreng na dahil sa katabaan, nayuyugyog ang tulay.

Pag-akyat pa lang ng mag-anak sa yate, nangaral agad ang dalawang matandang babae tungkol sa mga panganib na maaaring suungin ng mga ikakasal.

Iyon naman ang sinamantala ni Mang Nario. Luminga-linga sa paligid. Humanga sa kagandahan nang napakalaking yate at ‘di maiwasang lakad sa palibot. Para siyang ‘di makapaniwala sa ganoong katikas na sasakyan ni Leo.

Nang araw ding iyon. Dumagsa ang maraming tao sa bakuran ni Mang Nario. Ang iba ay galing pa sa kabi-kabilang baryo. Ganoon din sa bayan at sa mga inabutan ng balita. Napabantog ang pagkilala nila kay Leo at Lumin kung kaya ang bawat panauhin ay may bitbit na handog sa ikakasal.

Ang kasayahan ay lumawig hanggang sa dumilim. Nagsindi ang mga ilaw-dagitab. Nagliwanag ang paligid ng bakuran ni Mang Nario dahil sa mahahabang kawad na kumukuha ng kuryenta sa yate.

Masaya rin ang umpukan ng mag-anak sa harapan ng bakod, nalilibang silang panoorin ang kasiyahan ng mga tao sa maringal na hapagan. Natatawa sila sa ilang matatandang lalake na sumabak uminom ng serbesa, at kapag nalasing, agad umuuwi upang matulog.

Sumubok din sina Mang Nario, Mang Imoy at Tata Inggo pagkat naiiba raw ang lasa ng serbesa kaysa tuba. Ang iba naman ay inuming pampalamig ang sinimsim pagkat naiiba rin daw ang lasa kaysa sa katas ng prutas na ginagawa nilang inumin ng Busuangga.

“Bukas ng gabi.“ sabi ni Mang Nario. “Mayroon tayong sarsuwela.!“

“Talaga.? Paano.?“ tanong ni Mang Imoy. “Ang alam ko. Walang nakapag-ensayo dahil sa kaguluhang likha ng mga dayuhan.” dugtong pa niyang nagtataka.

“Sinabihan ko na ang mandudulang taga rito upang ulitin na lang ang dramang tinanghal nila noong isang taon. Maganda at tiyak na magugustuhan ng mga taga lungsod lalo na ang katutubong awitin ng mga manganganta natin.”

“Totoo nga ‘yan, Kuyang. Noong nakaraang pista, kahit tumanggi si Lumin na magbida sa dulaan, masigabo pa rin ang palakpakan ng mga nakipamista nang si Lumin ay kumanta na lamang. Humanga sila pagkat totoong maganda ang boses ng pamangkin ko.!“

Paraang nahihiyang sumulyap si Lumin kay Leo, bago nagtakip ng pamaypay sa mukha at nagwika. “Hindi po yata.!“

Natatawang kinabig ni Leo si Lumin. Gustong yakapin kahit sa harap ng mga tao, pagkat lalong naragdagan ang kasabikan niya sa dalaga.

Natawa rin si Mang Nario sa nakitang pag-iwas ni Lumin na mayakap sa harap ng balana. Agad siyang nagsalita. ”Bukas, magpapapunta ako ng tao sa bayan upang umarkila ng makina at mga gamit sa sarsuwela.!”

Tila naalimpungatan si Leo nang magsalita. “Tatang, magagamit natin ang makina ng yate. May radyo at mga kagamitan sa pagtatanghal.”

“Aba, e ‘di lalong magaling. Nasa tabi lang ng bisitas ang ginawang entablado at ayos na rin ang mga telon na ginamit noong isang taon.“

“Parang pinagtugma, Kuyang. Magiging masaya ang panoorin. Kailangang tayong lahat ay manood upang makapagsarili ang bagong kasal sa unang gabi nilang pinakahihintay.” nagpapatawang sabi ni Mang Imoy na para bang tumalab na ang nainom niyang serbesa.

“Talaga.! Lahat tayo ay magdamag na manonood ng sarsuwela upang magkasarilinan ang bagonmg kasal.!“ sabad ni Aling Moreng. May hawak na baso ng serbesa at pasuling-suling ang paningin.

Natatawa lang si Lumin, ngunit nakikimi. Nais niyang baguhin ang usapan. Kinalabit niya si Leo nang mabalingan ang ilang katutubo na paindak-indak sa saliw nang mahinang dagundong ng tambol.

“Bakit.?“ tanong ni Leo at lalong dumikit sa likmuan ni Lumin.

“Gusto ka sanang matutuhan ang sayaw ng tribo.” Sagot ng dalaga.

Natawa ang binata. Tinitigan ang kausap ngunit hindi nagsalita.

“Sa palagay ko.” anang dalaga. “Madaling matutunan ang sayaw kung ikaw ang magtuturo.”

Namalagi ang tawa ni Leo. Tumindig at hinudyatan si Mang Pulo upang ihanda ang mga mananambol.

“Ay.! Ayoko rito.!“ nabigla pang sabi ni Lumin. “Gusto ko sa walang nakakakita. Doon tayo sa kamalig.”

Nagulantang si Leo. Masasarili niya si Lumin. Agad naglaro sa kanyang isipan ang isang magandang pagkakataon. Hinawakan niya sa kamay ang dalaga at hinilang patungo sa kamalig.

Nagtawanan ang mga matatanda sa umpukan. Hinatid na lang ng tanaw ang dalawang papalayo.

Ang tawanan ay dinugtungan pa ng mapagbirong salaysay ni Padre Alberto.

“Magaling ang kakambal ni Lumin sa pagsayaw. Ako ang nagturo kay Imaculada y Perenya. Biro pa ng pari na kahit mataba, sinabakan ang yugyog sa malaki niyang tiyan habang nakatayo. Kapagkuwa’y nilapitan pa si Aling Moreng at inalok magsayaw sa dagundong ng tambol. Sila ang magkabagay. Parehong mataba at tiyak na hahangaan ng madla sa lansangan.

Lalong lumaganap ang tawanan nang magsimulang sumyaw ang dalawang sagana sa kalusugan. Halos dumausdos ang saya ni Aling Moreng na kung hindi aagapan, tuluyang malalaglag.

Masila rin ang ilang katutubo sa paghataw ng tambol. Lumgay sila sa duluhan upang hindi gaanong lumikha ng ingay ang bawat dagundong.

Nanggigigil na sumabak sa pagsayaw ang mali-mali at malagihay sa serbesang si Aling Moreng. Bumagay sa kanyang indak ang hakbang at talon ni Padre alberto na bahagya ring nakainom ng serbesa sa dahilang hindi raw bawal sa pari ang pag-inom ng alak.
Sa loob ng kamalig ay nagpaunang umindak si Leo. Banayad ang angking gilas. Ang bawat hakbang ay patalon palapit ka Lumin.

Nakatawa namang naghintay ang dalaga. Gustong sumabay sa dagundong ngunit parang nahihiyang ‘di mawari. Hinawakan siya ni Leo sa baywang at mahigpit na niyakap.

“Ganito ang simula,” ani Leo at akmang hahagkan ang dalaga.

“Ano ka ba.?“ sabi ni Lumin. “Ganito ba ang ituturo mo sa akin.?“ nakatawa pang tanong ng dalaga.

Tumango si Leo. Sinapo sa batok si Lumin upang igawad ang kinasasabikang halik subalit naudlot sila sa langitngit ng pinto.

Pumasok sina Ikang at Doro. Ang batang tomboy ang nagsalita. “ Kuyang, turuan mo rin kami. Gusto naming makasama sa iyong tribo.!“

“Sige na, Kuyang.!“ sabi naman ni Doro at bumira agad ng kendeng. Sayaw bakla.

“O, ano kuyang.? Umpisahan ko na ba.?“ walang kagatul-gatol na tanong ni Ikang habang sumasayaw na pamali-mali kasabay ang kindat ng mga mata.

Nangulimlim ang mukna ni Leo sa tuluy-tuloy na salita ng dalawang bata. Wala na siyang magawa kundi ang tumawa at pagkamot sa batok. Pagkara’y hinudyatan ang dalawang bata upang umagapay kay Lumin at gayahin ang kanyang gagawin.

Hindi naman mapigilan ni Lumin ang pagtawa. Hindi lang malaman kung ano ang dahilan. Iyon kaya ay sa namamali nilang hakbang sa pagsayaw o ang muli na namang naunsiyaming tangka ni Leo sa pahalik.

Sa labas naman ay patuloy ang mga tagapagluto. Sila’y galing pa sa lungsod. Mga lalaking sanay sa ganoong gawain. Sabay-sabay ang pihit sa mga litsong baboy na ang balat ay nagsisimulang maluto sa init ng nagbabagang uling na galing pa sa kaingin ni Mang Imoy pagkat ang uling ng Dalisdis ay naging abo, kasama na ang balitang pagkasunog din ni Garuda.

Masigla ang lahat hanggang sa lumalim ang gabi. Nagbalik sa yate ang taga lungsod upang doon magpalipas ng dilim.

Si Leo ay sa yate rin natulog pagkat ang kamalig ay ginawang imbakan ng samot-saring pagkain. Bukod pa roo’y doon siya magbibihis para sa kinabukasang kasalan.

Si Abueg ay inanyayahan ni Desto sa Gubatan. Doon sila matutulog at sa kinabukasan ay sabay silang magbibihis pagkat mga abay din silang naturingan. Kasama rin sa gayak ang Inang ni Desto. Si Aling Selya ang magiging ninang ni Lumin sa kasalan.

Nang gabing iyon, hindi gaanong nakatulog ang dalawang ikakasal. Alumpihit sila sa higaan pagkat nasasabik silang masilayan ang unang silahis ng liwanag.

Dumating ang sandaling pinakahihintay ng lahat. Namilaylay na ang araw ng kapistahan. Ang marangyang sandali na ang pinakatampok ay ang kasalang Leo at Lumin.

Sumirit sa langit ang napakaraming kuwitis na galing pa sa lungsod. Nagsunud-sunod ang putukan at napabangon ang maraming mamamayan.

Dumating sa bahay ni Mang Nario ang mga dalagang aabay sa kasalan. Ang Ninong na si Tata Inggo ay ngayon lang gumilas ang tindig sa soot na barong silangan. Panay ang biro sa katuwang niyang si Aling Selya na kahit may sakit ay pinipilit gumanda sa kasootang baro’t saya ng silangan.

Aali-aligid naman sa ibaba ng bahay ang mga abay na lalake. Sinisipat ang naggagandahan nilang kapareha. Panay ang pakisig nina Pule at Omeng para kina Miding at Aring.

Nakabihis na rin si Lumin. Nagayakan na siya ng baklang si Karla. Ang ganda niya’y walang kawangis. Para siyang anghel na bumaba sa lupa sa kasootang pangkasal na bumagay sa kanya. Suot din niya ang mamahaling alahas ni Perenya. Mga ginto at batong kumikisap na isinamong pinagamit sa kanya ni Leo.

Sa yate naman ay ganoon din ang kaganapan. Ang balitang kakisigan ni Leo ay lalo pang nag-ibayo sa kadsootan niyang puting abrigo. Magilas ang kanyang tindig at napakagandang magdala ng amerikana.

May pagbabago ring makikita sa anyo nina Desto at Abueg. Ngayon ay nakaabrigo rin sila na kulay abuhin. Matikas din ang kanilang tindig habang naghihintay sa bukana ng lansangang patungo sa ilog. Hinihintay nila ang paglabas ni Leo upang sabayan sa bisitas.

Ang kasootan ng mga abay na babae ay galing din sa lungsod ng kabisera. Maraming sukat na pamimilian. Kulay murang abuhin at tunay ngang malasutla sa kanipisan. Ang panloob na sapin ng bestida ay binusilak sa kaputian at maipagkakamali sa damit ng isang diwata sa panagimpan.

Ang sa mga lalake ay pawang abrigo o amerikanang pare-parehong kulay abuhin at may kurbatang puti. Ang mga kasootang iyon ay pawang pasadya at nakatala sa kagustuhan ni Perenya noong siya ay nabubuhay pa.

Ilang sandali pa ay bumaba sa yate sina leo at ang abay na babaing pinakamalaki sa mga katutubo. Bagay sila ni Abueg. Mga nilalang na kahit galing sa kabundukan ay taas ang noo sa kaligayahan, pagkat sila ang napiling pangunahing abay nina leo at Lumin.

Sumakay sina Leo at ang dalagitang katutubo sa karetang nagagayakan at binubungan ng dahong anahaw. Patungo sila sa bisitas at kasunod ang kareta ni Desto. Sakay din si Abueg at ang apat na binatang nayon. Sila ang kabuuan ng mga abay na pawang magkakabungguang balikat sa panghaharana.

Naglalakad lang sa hulihan ang tribo ng dignayan sa pangunguna ni Mang Pulo. Kakaiba na ngayon ang kanilang gayak. Mula s kasootan, pinta ng balat hanggang sa sibat at kalasag, pawang puti ang kulay. Humahakbang sila sa paraang mahinhin ang indayog. Tumatambol na para bang katugma sa mapanglaw na dapit-hapon. Mahina ang dagundong. Madalang at kung pakalilimiin ng mga matatanda, wari’y may darating na daluyong sa oras ng kasalan.

Pagsungaw pa lang nila sa mabahay na lansangan ay nagtilian na ang mga taong nag-aabang. Nagkakagulo ang mga bata at itinuturo sa matatanda ang tila nagbubunying lundagan ng mga katutubong masaya ang pagsulpot sa malagong halamanan.

Walang hindi humanga sa katanyagan ni Leo bilang bayani ng Busuangga. Napapatigil ang mga dalaga at nakatingalang humahanga sa kakisigan ni Leo sa ibabaw ng kareta. Kumakaway at ngumingiti sa mga tao. Nakaupo siya sa pasadyang likmuan na nasa gitna ng kareta at paharap sa dalawang rumerenda ng kalabaw na taga nayon.

Maging ang mga nasa bahay ni Mang Nario ay napadungaw. Hinahabol nila ng tanaw ang pagliko at paglayo ng pangkat ni Leo patungo sa bisitas.

Kumakaba ang dibdib ni Lumin habang nakasilip sa durungawan ng kanyang silid. Nagdarasal na wala sanang panganib ang daratal sa oras na iyon. Hindi niya maiwasan ang matakot sa isang nadaramang pangitain. Gayon man, nakita niya ang pagbaba ng babaing katutubo. Sa kanya sasabay ang dalagitang iyon.

Hindi nagtagal, sumunod na rin ang karetang nagagayakan ng mga bulaklak at palamuting hindi pangkaraniwan sa tingin. Maging ang kalabaw ay nakabihis din ng saklob na puti at binalibiran ng tila kadenang bulaklak ang sungay. Ang mga gulong ay kinabitan at tinambakan ng nagbabanguhang bulaklak-parang. Ang lahat ay pinagtulungang gawin ng mga taga nayon.

Nakasakay sa karetang iyon ang namumukod tanging tala ng Isla Busuangga. Si Lumin. Ang mayuming bulaklak na namukadkad sa nayon at minsan lang kung magmahal. Kasama niya ang mga abay na kinabibilangan ni Azon. Nakaupo sila sa pasadyang likmuan sa magkabilang tagiliran ng kareta. May sarili ring upuan si Lumin na nakaharap sa lalaking rumerenda ng kalabaw. Nasa gawing hulihan ng kareta at sadyang mataas ang luklukan.

Dumagsa ang mga tao. Nagsunuran. Balana’y sa dalawang ikakasal nakatunganga. Walang patid ang kanilang papuri. Nagbubulungan. Sumasang-ayon na magkabagay ang dalawang magsing-irog hanggang sa harap ng altar.

Doon naman sa pinakahuling bahagi ng tila prusisyon ay nakasunod rin ang musikong bumbong na walang sawa ang pagtugtog ng mga kinaugaliang balitaw ng Isla Busuangga. Masaya at napapaindak ang mga matatandang babae na para bang binabagay sa sinaunang estilo ng kasalan.

Nang sapitin nila ang bisitas, saka lang nagsalubong ang paningin nina Leo at Lumin. Kapwa natigilan nang makababa sa kareta ang dalagang alalay ng binata. Hindi man nangusap, halata ang paghanga sa isa’t-isa. Nangingislap ang kanilang paningin sa sikdo ng pag-ibig.

Makaraan ang ilang sandaling pagsasaayos ng kasalan, ginampanan nina Mang Nario at Aling Maling ang katayuan ng mga magulang sa anak na ikakasal. Nakaputing barong silangan ang matandang lalake at pantalong madilim ang kulay. Ang matandang babae naman ay nakabaro’t sayang puti na sagana sa burda. Ang kasootan nila ay pasadyang pinatahi ni Perenya at kinuha ang sukat sa damit nina Mang Baste at Aling Gelang. Para namang sinadya ng tadhanang kasya rin kina Mang Nario at Aling Maling, bagamat may kaunting kamalian ay hindi na suliranin pagkat mayroong silang makinang panahi.

Mula sa labas ng bisitas ay makikitang nagigitnaan sa paglakad nina Mang Nario at Aling Maling si Lumin. Ang nilalakaran nila ay sinabuyan ng mababangong bulaklak sa pagitan ng mga upung kawayan na sagana rin sa mga palamuti. Patungo sila sa harap ng altar. Sinusundan nila ang entorahe ng mga abay, ng Ninong at Ninang, ng mga batang sina Ikang at Doro na mahalaga rin ang tungkulin nila sa kasalan.

Sinalubong ni Leo ang magiging asawa. Inabot ang kamay at saka iniharap sa altar.

Naroon na rin ang dalawang paring sina Padre Alberto at Padre Domingo. Kasalukuyan silang nakaluhod sa harap ng altar nang dumating ang takdang oras. Tumindig sila at humarap upang basbasan ng panalangin ang dalawang haharap sa magaling.

Ang loob ng bisitas ay napuno ng tao. Nasasabik silang makita ang natatanging kasalan sa nayon. Sa labas ay gayon din. Sa harap at tagiliran ng bisitas ay siksikan sa tao. Dinayo sila ng mga taga bayan at kalapit-baryo.

Naroon din si Nana Sepa. Ang Inang ni Alfon na gustong makita sa huling sulyap ang lupang kinalugmukan ng kanyang anak at tanggapin ang parangal na igagawad sa kanya ng Tenente del nayon sa araw ng Dalisdis bilang ina ng bayaning si Punong Alfon.

Ang lahat nang may kaugnayan o kamag-anak ng mga namayapang Anak-Parang ay dumalong ganap sa anyaya ni Mang Nario upang kilanlin at bigyan din ng parangal. Nagtipun-tipon sila sa loob at labas ng bisitas na may likmuan ding kawayan. Ang mga mata nila’y nakatanaw sa nagaganap na kasalan.

Ang masaya at mabirong paraan ni Padre Alberto ay hindi nawawala kahit sa ganoong kaganapan. Katulong niya si Padre Domingo na halos sinaklaw ang mahabang lundo ng kasalan. “Sa araw na ito.” sabi pa niya. “Pagtataliin ang puso nina Leo at Lumin. Hindi ko hihigpitan ang tali upang madaling kalagin kung may hahabol at tututol sa kasalang ito. Wala ba.?!“ pasigaw pang tanong at nakalinga sa mga taong nagtatawanan. “Kung walang tumututol.! Tuloy ang kasalan. Akala ko kasi, nariyan si Garuda.!“

Pigil naman ang pagtawa nina Leo at Lumin. Nagsulyapan lang sila at ngumiti. Para bang gusto nilang matapos agad ang kasalan.

Masigla rin ang dalawang sakristang bata sa kanilang tungkulin. Mataginting ang kanilang kampanilya hanggang sa magpanay-panay ang dupikal ng kampana upang ibadyang tapos na ang tagpong iyon.

Ang araw na dumatal ay sadyang iniadya kahit kulang pa ang kanilang kasulatan sa munisipyo. Walang Alkalde ang naturang pamahalaan at may batas na pansamantalang pumapayag kung ang kasalan ay nasa malayong kabihasnan.

“Lalake, hagkan mo ang iyong asawa.” panghuling wika ni Padre Alberto at nakangiting kinindatan si Leo.

Napangiti rin si Leo. Iyon ang hinihintay niyang pagkakataon. Marahan niyang inangat ang belo sa mukha ng asawa at may panunudyong bumulong. “Sa wakas, wala nang pipigil.”

Nakatitig lang si Lumin. Pinipigil ang pagtawa at tumalaga na lamang upang tanggapin ang halik ng asawa.

Bigla ang kasabay. “Tigil.!“ malakas na sigaw mula sa likuran ng altar. Tila kulog na nakakatulig sa mga nangangamba. Nakakabigla ang pagsulpot ni Garuda, kasunod si Juarez at hawak nila ang tig-isang baril na de rapido.

Muli na namang naudlot si Leo. Nanalim ang kanyang mga mata at nilinga ang tinig na sadyang ‘di na niya malilimutan. Nakita niya ang dalawang bagong sulpot.

“Talagang mahirap patayin ang tulad mong hayop.!“ mariin pa niyang bigkas habang nangangalit ang bagang at kalam’nan.

“O.! Diyos ko naman.!“ nanghihinang sambit ni Lumin. Ang pangamba ay muling sumilay sa kanyang mukha at nahilam ang mga mata sa nagbabantang pagluha.

“Tarantado.!“ bulyaw ni Garuda. “Marunong akong umiwas sa panganib.!“ sabi pa ng kilabot na nagawang tungkabin ang sawaling dingding sa likuran ng bisitas. Doon ay masukal, dahil sa halaman.

Nabigla ang mga tao sa bilis ng pangyayari. Walang nagawa ang tribo ni Leo. Nakaumang sa kanila ang baril ni Juarez. Marami ang mamamatay kung hindi nila pag-iisipang mabuti ang paglaban.

“Sa akin pa rin ang tagumpay.!“ nakatawang sabi ni Garuda kay Leo. “Papatayin kita at tatangayin ko ang iyong asawa.!“

“Hindi ka makakatakas sa islang ito.!“ sagot ni Leo.

Humalakhak si Garuda at bigla ring tumigil.” Alam kong nasa ilog ang iyong yate. Maaari akong tumawid ng bansa, kasama si Lumin.!“

Akmang susugod si Leo, ngunit matatag ang yakap sa kanya ni Lumin.

“Kasama mo akong mamamatay.“ sabi pa ng babae habang tumatangis sa dibdib ng lalake.

Ngumisi si Garuda. Hinudyatan si Leo upang lumayo kay Lumin. Ayaw niyang mabahiran ng dugo ang puting damit pangkasal ng babae. Gusto niyang magkunwaring sila ang ikinasal.

“Bitawan mo ‘ko, Lumin. Ayokong madamay ka.”

“Ayoko, Leo. Mamatamisin ko pa ang mamatay, huwag lang mapasakanya.!“ anang Lumin at lalong humigpit ang yakap kay Leo.

Naging halakhak ang ngisi ni Garuda. ”Sayang na pag-ibig ng lahing silangan.“ sabi pa ni Garuda kasabay ang pag-iling ng ulo. Pagkaraa’y binitiwan ang hawak niyang maliit na de makinang baril at saka binunot ang pistol sa kanyang baywang bago nagtanong kay Lumin. “Kaya mo bang takpan ang buo niyang katawan.?“

Nagdudumipa namang lumapit si Padre Alberto sa nag-uumigting na panganib at nakiusap. “Sa ngalan ng Diyos. Maghunos dili ka, Lalake.”

Humalakhak muna si Garuda bago inalimura ang mabait na pari. “Tarantado.! Di ba’t ako ang hinahanap mo kanina.? Sige.! Tutol ako sa kasalang ito.! Pawalang bisa mo o baka gusto mong magmisa sa impiyerno.?“

Napasigaw si Leo nang makitang itinulak ni Garuda ang pari. “Bakit ‘di mo subukang pahawakin ako ng baril.? Magduwelo tayo.!“

“Tarantado.! Ayoko nang makipaglaro sa iyo.!“ sagot ni Garuda. “Dalawang ulit na kitang sinubukan.!“ sabi pang pasigaw at sinimulang sipatin ng baril ang binti ni Leo.

“Totoo ang sinabi mo, Garuda. Una. Noong may sakit ako. Pangalawa. Noong ako ay pagaling pa lamang. Ibig sabihin, mahina pa ang aking katawan.!“

Natawa lang si Garuda. Hindi pinansinang mga dahilan. Lumagitik ang kalabitan ng baril.

“Garuda.!“ patlang ni Juarez sa mahabang pagmamasid lamang. “Walang silbing pumatay ng tao kung ito’y humihingi ng parehas na labanan. Wala ka bang compianza sa abilidad mo.?“ pakutyang dugtong ni Juarez na may sinusunod palang pamantayan sa paghawak ng baril.

Nagkibit lang ng balikat si Garuda. Iginiit ang kagustuahan sa malakas na tinig.

“Sayang ang panahon.! Nagmamadali ako.!“

“Hintay, Garuda,!“ sansala pa ni Juarez. “Bigyan mo ‘ko ng ilang segundo para magtanong sa iyong kalaban.”

Yamot na natigilan si Garuda. Ibinaba ang kamay na may hawak na baril at tumangong may kasunduan. “Bilisan mo lamang.!“

Nagpasalamat si Juarez kay Garuda bago bumaling kay Leo at nagwika. “Amigo, kailan lang ako dumating. Pero contra sa consencia ko ang mamatay ka nang walang laban. Ngayon, gusto kong malaman kung umabuso ba rito si Marcaida kaya ninyo pinatay.?“

Napakunot ang noo ni Leo. Tinitigang mabuti si Juarez at hindi karakang nakapagsalita. Nagtataka.

Si Lumin ang unang sumabad at malakas na nagsalita. “Isa si Marcaida sa pinagkakautangan ko ng buhay. Mabait siya at itinangis ko rin ang kanyang kamatayan.”

“Totoo ang sinabi ng anak ko.“ ayon ni Aling Maling na kanina pa nagdarasal.

“Nakarating na rito si Marcaida at naging kaibigan ang balanang makilala niya.”

“May utang na loob din ako kay Marcaida.” ‘di kawasa’y dugtong naman ni Leo.

“Masakit din sa loob ko ang hindi matupad ang huli niyang kahilingan sa akin.“

Naningkit ang mga mata ni Juarez. Agad nagtanong. “Ano’ng kahilingan, Amigo.?“

Maasim naman ang mukha ni Garuda habang palipat-lipat ang tingin sa dalawang nag-uusap.

“Sa kandungan ko nalagutan ng hininga si Marcaida.!“

“Bakit.? Sino’ng pumatay sa kanya.?“ magkasunod na tanong ni Juarez

“Binaril siya ng tauahan ni Garuda. Bago siya namatay. Hiniling niyang ipaghiganti ko siya sa hayop mong kasama. Pinagsamantalahan siya ni Garauda.!“

“Tarantado,!“ sigaw ng indones. “Alam mo pala, ha.? nabigla pang sudlong at anyong babarilin si Leo, ngunit nakapagtatakang naunahan pa siya ni Juarez.

“Huwag mong tapusin ang gusto kong malaman. Isuksok mo muna ang iyong baril.!“ utos ni Juarez. Nakatutok ang kanyang baril kay Garuda.

“Maestrong Juarez.!“ sambit ni Garuda. “Kampi ka yata sa kanya.?“

“Naniniwala lang ako sa sinabi niya.!“ sagot ni Juarez. “Bigyan mo siya ng pagkakataong lumaban ng parehas, o tayong dalawa ang magdesapio.!“

“Bakit, Juarez.? Tayo ba’y magkalaban na.?“

“Oo, Garuda.!“

“Sa ano’ng dahilan.?“ kunwa’y maang na tanong ni Garuda.

“Sa impierno mo na lang malalaman kapag tayo’y naglaban.!“ sagot ni Juarez at ilang hakbang na patalikod ang ginawa.

“Ginoo.” sabad ni Leo. ”Kami ang dapat na maglaban.!“

“Discumpiado ako, Amigo.“ sagot ni Juarez. “Kabisado ko kung hanggang saan ang talento ni Garuda. Baka madisgracia ka.?“

“Susubukan ko, Ginoo. Kung talagang may malasakit ka kay Marcaida. Hayaan mong mapagbigyan ko ang hinihingi niyang paghihiganti, kahit sa pagsubok lamang.”

Nag-isip si Juarez. Bumaling at pinagmasdan muna si Garuda, bago tumango. Inilahad ang pagsisimula.

“Kunin mo ang iyong baril.!“ bulyaw ni Garuda nang matiyak na sila ni Leo ang maglalaban.

Lumayo naman ang mga katutubo. Hindi na itinuloy ang tangkang sabay-sabay nilang pukulin ng sibat na kahoy ang dalawang dayuhan.

“Heto ang baril mo, Leo.” namamadaling sabi ni Mang Pulo at hindi na rin itinuloy ang balak nila ni Mang Nario na paputukan ang mga kalaban.

Binuksan ni Leo ang damit niyang abrigo. Isinuot ang sinturon na may baril at itinali sa kanyang hita ang baina.

Buong gilas na lumabas sa bisitas ang tatlong may baril sa baywang. Nahawi ang mga tao. Naglayuan at umiwas sa nakatakdang landas ng punglo. Nagbubulungan. Hindi nila matatanggap na muling mangibabaw ang kapangyarihan ni Garuda.

Paurong na naglakad ang dalawang magsusubukan sa baril. Nagbigay ng agwat sa bawat isa at kapwa nanlilisik ang mga mata.

Matikas ang tindig ni Leo sa anyong nakapangkasal. Bumagay din ang baril na kumikinang sa kulimlim na araw. Mistula siyang panginoon ng mga mananandata..

Si Garuda nama’y kumakayangkang sa pagtindig na animo’y laging bubunot ng baril. Laging nakangisi at panay ang lura sa lupa pagkat sa pakiramdam niya’y may suliranin siya kay Juarez tungkol kay Marcaida. Naisip niyang unahin ito sa pataksil na paraan at saka lang isunod si Leo.

Nasa kalagitnaan si Juarez ng dalawang maglalaban. Malikot ang mga mata at may kimkim na paghanga sa gilas ni Leo, ngunit sayang lang pagkat si Garuda ang pinakamagaling sa tinuruan niyang humawak ng baril.

“Dahil sa iyo.!“ sigaw ni Garuda. “Nagpakamatay ang kapatid kong si Turla.! Hiniya mo siya sa harap ng maraming tao.!“ dugtong pang nakaturo ang kaliwang kamay at nakahanda naman ang kanan sa pagbunot ng baril.

“Hindi.!“ sigaw din ni Leo. “Nagpakamatay ang kapatid mo dahil tinalo ko siya sa isang malinis na paligsahan. Samantalang si Perenya ay nagpakamatay sa masama mong pagnanasa.! At ngayon, ang kakambal niyang si Lumin ay gusto mo ring angkinin.!“

“Ano.?“ mulagat na tanong ni Garuda. “Kambal sila ni Perenya.?“

“Oo.!“ sagot ni Leo. “Tulad ni Perenya.! Handa rin siyang magpakamatay .! Huwag lang mapasaiyo.!“

Nangulimlim ang mukha ni Garuda, ngunit kapagkuwa’y biglang tumawa at bigla ring tumigil. Tinanggap na lamang na siya’y talagang pangit bago nagsalita. “Ang pagkakataon nga naman.! Parang nabuhay si Perenya upang ako ay paligayahin.!“

Ang lahat ay narinig ni Juarez. Naisip niya kung gaano kasama si Garuda. Dinakila niya si Leo na hindi dapat mawala sa kasalang iyon, ngunit hindi niya matutulungan pagkat ang desapyo ay itinuturing niyang marangal na labanan.

Halos bitin sa paghinga ang mga nanonood, ang hindi makatagal ay lumayo na lamang. Maging si Mang Nario ay hindi mapakali. Inaalo sa panginginig si Aling Maling sa pagrorosaryo. Buhul-buhol din ang paghinga ni Lumin habang nakayakap kay Azon. Paulit-ulit ang panalangin na huwag magdilim ang umagang iyon. Sina Desto at Abueg lang ang may matatag na kalooban. Umaasa silang matatadtad ng punglo ang mukha ni Garuda. Nasasabik silang makita ang magaganap na paghihiganti. Hindi na rin itinuloy ang balak nilang pagsubok. Lulundagin ni Desto ang unang babaril kay Garuda. Ganoon din si Abueg. Sa magkabila niyang kamay, may hawak siyang ga-kamaong bato at handang ipukol sa dalawang kalaban. Mapapansin din ang karamihan sa mga taga nayon ay may hawak ding iba’t-ibang uri uri ng pambato at handang isubo ang kanilang buhay, makatulong lang kay Leo.

Ang nag-uumigting na sandali ay pinatid nang malakas na sigaw ni Garuda. Hindi kataga kundi pagbugnos ng hangin sa kanyang dibdib kasabay ng ‘di masubaybayang pagbunot ng baril.

Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw. Tumilansik ang dugo. Nagkauka-uka ang mukha ni Garuda sa mga punglong nanggaling kay Leo. Wasak ng tungki ng ilong. Uka ang dalawang mata. Butas ang noo. Pinasok ng bala ang bunganga at hindi na nakuhang kalabitin ang kanyang baril. Tumilapon siyang paurong at nakatakdang maghirap sa paghihingalo.

“Bravo.!“ sigaw ni Juarez. “Pinahanga mo ako, Amigo.!“ dugtong pa ng mestisong espanyol at binitawan ang hawak niyang maliit na de makinang baril upang pumalakpak. “ Ngayon ay alam kong malaki ang galit mo lay Gatuda. Pero sa maginoong desapio, puso ang pinatatamaan at tig-isang bala lang ang ginagamit.“

Hindi nagsalita si Leo. Nakatingin lang kay Juarez. Isinuksok ang hawak niyang baril habang gumigitaw sa kanyang alaala ang sinapit nina Perenya at Marcaida. Ngayon lang natupad ang kanyang paghihiganti.

SI Lumin naman ay halos panawan ng ulirat dahil sa labis na kaligayahan. Nagtalukop ang dalawa niyang palad at pumatak pa ang luha.

Datap’wat naudlot ang pagbubunyi ng mga tao nang muling magsalita si Jurez.

“Serado na ang parte ni Garuda. Bago ang lahat, obligacion muna sa aming organisacion. Walang dahilan upang hindi tayo maglaban. Humanda ka, Amigo.“ hamon pa at saska inalisan ng punglo ang kanyang pistol. Matamlay ang kilos at pananalita.

Napakislot si Leo. Bumuntong hininga nang makita ang ginawa ni Juarez. Nakatakda na naman siyang makipagsubukan.

Nabigla rin si Lumin sa kanyang narinig. Panaghoy nang magsalita. “Gi-Ginoo, dahil dahil sa’yo, nakapagtanggol si Leo. Bakit kailangan pa ninyong maglaban.?“

“Senorita.” ani Juarez. “Contra sa aming costumbre ang umiwas sa labanan kapag ganito na ang situacion.“ dugtong pang may bahid-lungkot ang tinig.

Napaurong si Lumin patungo kay Leo. Lalo siyang kinabahan pagkat mabagal mangusap si Juarez at kahinahinalang higit itong mapanganib.

Tahimik lang si Leo. Lihim siyang humanga sa mga katangian ni Juarez. Gayon man, hindi siya umimik at humanda na lamang sa ano mang magnyayari.

Matapos maglagay ng isang natatanging punglo si Juarez sa kanyang baril, muli niyang isinuksok sa baina at nanlalamlam ang mga matang sinulyapan si Leo, saka nagwika. “Nabilang ko ang putok ng iyong baril. Alam kong nagtira ka ng isang bala para sa akin.”

Napakunot ang noo ni Leo. Totoo ang kanyang narinig. Naisip niyang hindi pangkaraniwang tao ang kanyang kaharap. Mabilis din sa bilangan kahit halos isang putok lang ang naganap.

Muli na namang nag-anasan sina Desto at Abueg. Tiniyak nilang tulad ni Garuda, mamamatay din si Juarez, ngunit bandang huli, pumasok din ang alinlangan sa kanilang isipan.

“Kinakabahan ako, Abueg. Nakita niya ang nangyari kay Garuda. Hindi siya natakot. Ibig sabihin, higit ang kanyang kagalingan.“

Hindi sumagot si Abueg. Sinarili na lamang ang isang nakakatakot na pangitain at nakinig na lamang sa salita ng dayuhan.

“Bago ang desapio. Gusto kong makilala mo, Amigo kung sino ang kaharap mo ngayon. Ako si Professor Juarez ng espanya. Solong kapatid ni Marcaida.“ paliwanag ni Juarez at saglit na tumigil sa pagsasalita. Iginala ang paningin at nakita niyang nagimbal ang karamihan sa harapang iyon. “Hindi man dapat.” patuloy ni Juarez.

Nadestino ako sa bayan nina Garuda at Mostafa para maging maestro nila sa paghawak ng pistol. Ibig kong sabihin, mag-ingat ka Amigo, pagkat tulad mo sa asya, ako naman ang nomero unong pistolero ng europa.

Si Lumin ang unang nagimbal. Nasambit niya ang pangalan ng Panginoon, kasunod ang pakiusap. “P-Professor Juaraez. Nagmamakaawa ako. Huwag na kayong maglaban. Alang-alang din kay Marcaida. Itinuring ko siyang kapatid at gusto kong ganoon ka rin sa akin.“ dugtong pa niyang napahagulgol.

“Sana nga, Ginoo.” sabad ni Mang Nario. “Nakikiusap din ako sa iyo. Nag-iisa ka na lang. Sumuko ka na. Matutulungan ka ng buong nayon at ni Leo, pagkat isa siyang militar ng pamahalaan.

Hindi kumibo si Juarez. Nanatiling nakakiling ang ulo na para bang pinapakinggan ang pagrorosaryo nina Aling Maling at ng mga matatandang naroroon.

“Senor Juarez.“ sabad rin ni Padre Alberto. “Alang-alang sa Dios, makinig ka sana.”

Umiling ang pistolero bago nagwika. “Wala sa aming escuela ang tumallkod sa ganitong sistema. Patay na ang kasama ko. Dapat ko itong ipaglaban. Mahirap mabuhay kung nagsosolo na lamang.

“Hindi, Senor Juarez. Hindi ka nag-iisa.!“ agarang sagot ng pari at ipinagmalaking galing din siya sa isang tangway ng europa.

“Iba ka sa akin, Padre.! Lumayo ka.!“ sigaw na sagot ni Juarez at naging mabalasik ang mukha.

Muling kumunot ang noo ni Leo, kasunod ang matamlay na salita. “Pagbigyan natin ang kanyang kagustuhan, ngunit tulutan mo sanang gamitin ko ang baril ni Garuda sa ating subukan, pagkat ang baril ko ay laan lamang sa tunay kong kalaban at hindi sa kapatid ni Marcaida.

“Mucho gracias, Amigo. Kunin mo ang baril ni Garuda. Pero, pilitin mong lagpasan ang galing ko. Kung hindi, pareho tayong mamamatay pagkat nakita kong pantay lang ang galing natin sa desapio.” ani Juarez at lumakad na palayo. Nilagpasan ang bangkay ni Garuda, kasunod si Leo.

Natigilan si Leo. Saglit na nag-isip at matapos niyang ibigay kay Mang Nario ang kumikinang na baril, ang kay Garuda naman ang isinuksok sa kanyang baina at saka siya nagbuntong hininga.

Matatag ang tayo ni Juarez. Nakabuka ang mga kamay at nasa anyo ang biglang pagbunot ng baril.

Pinatatag din ni Leo ang kanyang pakiramdam. Buong ingat na pinadaloy ang karagdagang sigla ng kanyang bisig. Kumibot ang mga daliri at nakipag-unahan sa bilis ng mga pangyayari pagkat nararamdaman pa rin niyang ang sandatang galing kay Garuda ay higit na magaan kaysa sa baril niyang kumikinang.

Parang malikmatang bigla na lamang ng magkasabay na putok. Iisa lamang sa pandinig. Nagitla amg madla at mandi’y kinakabahang bumaling-baling at sinipat nila kung sino ang unang babagsak.

Tuwid pa rin ang tayo ni Juarez. Hindi nagbago ang anyo ng mukha. Kapagkuiwa’y ngumiti at marahang isinuksok ang kanyang baril. Pinagmasdan ang pagkakayuko ni Leo. Ang pagtutop ng kamay sa tapat ng puso.

Nanlulumong napayuko si Abueg. Parang mababaliw. Gustong ibulalas ang pangamba. Nagpipigil. Luha ang ‘di nasawata. Bigo siya sa inaasahang pananagumpay ni Leo.

Nagtakbuhan namang palapit kay Leo ng buong tribo ng dignayan upang siya ay alalayan pagkat nagkulay dugo ang tinamaan ni Juarez.

“O, Diyos ko.!“ palahaw ni Lumin nang alisin ang palad niyang nakatakip sa mukha at makitang pinagkakaguluhan si Leo. Bumaling siya kay Juarez upang makatiyak, ngunit lalong nadurog ang tangi niyang pag-asa. Nginitian pa siya ng dayuhan.

Di kawasa’y dinampot ni Juarez ang maliit na de makinang baril na nasa lupa. Sinipat ang bangkay ni Garuda habang nakasandal sa isang puno at walang patumanggang pinaputukan sa tapat ng puso hanggang may punglo. Pagkatapos, bumaling siya kay Leo. “Adios, Amigo. Hindi ko magagawang putulin ang kaligayahan ninyong mag-asawa.!“ aniyang pasigaw at malakas na humalakhak. Subalit bigla siyang inubo. Dumaloy ang dugo sa kanyang bibig at tila nabulunang nahandusay sa lupa.

“May sugat ang dayuhan.!“ sigawan ng mga tao nang mahantad sa kanila ng likod ni Juarez. Tigmak sa dugo at naisip nilng doon naglagos ang punglong galing kay Leo.

Tulalang napatakbo si Lumin patungo kay Leo. Hinawi ang mga katutubo na anyong nagbubunyi at pinagtataasan pa ang kanilang kalasag at sibat. Nakita niyang nakatindig pa rin ang tinatanging asawa.

Agad namang umagwat ang mga katutubo at binigyan ng daan ang nalarawang kaligayahan ng mag-asawa.

“O, Leo.! Akala ko’y…” ang sabing ‘di naituloy at pinagmasdan ni Lumin ang pulang bagay na dumikit sa abrigo ng kanyang asawa.

“Ito ang gamit ng mga nagsasanay sa duwelo.” ani Leo habang patuloy na pinapagpag ang nasabing bagay. “Sa halip na tingga, kandilang pula ang nakasuksok sa kanyang punglo. Budhi ko na rin ang nag-utos upang ‘di ko patamaan sa puso ang kapatid ni Marcaida. Ngayon ko lang nalaman na ipinagparaya niya ang kanyang buhay, huwag lang maputol ang ating kaligayahan. Dakila siya.“ dugtong pa niya at isinaloob na lamang ang higit pang paghanga kay Juarez pagkat hindi siya pinaalalahanan nang makaligtaan niyang bawasan ng punlo ang baril ni Garuda at magtira lamang ng isa. Gayon man, tinupad rin niya ang kasunduan na isang bala lamang ang kanilang gagamitin.

“Maraming salamat, Professor Juarez.“ ani Lumin. “Tulad ka rin ni Marcaida na may pusong dakila. Hindi pababayaan ng mga taga nayon ang labi ng iyong katawan.“ dugtong pa niyang nakatanaw sa bangkay ni Juarez at kapagkuwa’y agad niyang hinagilap ang dibdib ni Leo upang doon papatakin ang luha ng kaligayahan at pagpapahalaga kay Juarez.

Kagyat namang niyakap ni Leo si Lumin. Inangat ang mukha at tila ayaw na niyang bigyan pa ng pagkakataong humadlng ang tadhana. Hahagkan niya si Lumin sa mabilis na paraan.

Subalit nakakagulat ang biglang pagtambol ng mga dignayan at musikong bumbong. Naghiyawan ang mga tao at nagpalakpakan. Pang ipinagbubunyi nila ang magaganap na halikan.

Nagulantang si Lumin at wari’y biglang natauhan. Nabadha sa mukha ang pangingimi. Inawat niya ang asawa. “Huwag, Leo. Nahihiya ako sa harapan ng maraming tao.” sabi pa at marahan siyang umagwat sa pagkakayakap.

“Naku naman.!“ nanghihinang sabi ni Leo. “Asawa na kita, pero hindi pa rin kita mahagkan.“ sudlong pang hinaing at dinaan na lang sa buntong hininga ang pagsulyap sa paligid ng ingay.

“Sa bahay na lang.” natatawang sagot ni Lumin at tinakpan ng kanyang daliri ang labi ni Leo.

Sa pangyayaring iyon, umugong ang tawanan at palakpakan. Lalong lumakas ang dagundong ng mga bombo. Nagpanay-panay ang silbato ni Mang Pulo habang humihiyaw sa galak ang mga katutubo.

Sanhi ng ingay, nalingid ang ugong na dalawang helikapter sa papawirin. Malalaki ang elisi. Ang isa ay may tatak ng hukbong pangkalangitan at ang ikalawa’y Ladoza ang nakatatak. Paikut-ikot at wari’y may hinahanap.

Nagsimulang umindak ang mga katutubo. Parang ginigising nila ang pagbubulungan ng mag-asawa.

Natawa pa sina Leo at Lumin nang maghiwalay ang kanilang katawan sa pagkakayakap. Nakahanay na sa kanilang likuran ang tribo ng dignayan at para bang sila na lang ang hinihintay na manguna sa pag-indak. Nagkatinginan sila at at pangiting sinimulan ang pagsayaw.

Nagsigawan at nagtilian ang pangkat na nasa hulihan nang maganap ang gusto nilang mangyari. Sa kanilang paningin, tila nabuhay si Perenya sa galing ni Lumin. Para bang bukal sa isip ang ipinakitang pag-indak at umayon sa hampas ng kanilang tambol ang pinaghalong curacha at apalachicola.

Napakagandang tingnan ang tribo ng dignayan at ang bagong kasal sa kasootan nilang kulay puti. Ang lahat ay naganyak na gumaya sa ikasasaya ng araw na iyon.

Di kawasa’y sumilbato si Mang Pulo. Mahaba at nang kapusin ng hininga, tumigil kasabay ang biglang hudyat ng kamay at padyak ng paa sa lupa. Naparam ang kaingayan. Tumigala si Mang pulo at balana’y napataas ang paningin. Nakita nila ang dalawang sasakyang panghimpapawid na animo’y tutubing umaaligid sa paghahanap ng madadapuan.

Agad lumapit si Mang Nario kay Abueg. Ang taong bukas ang bibig sa ano mang pagtatanong. “Saan ba galing ang mga iyon.?“ sabay turo sa langit.

“Ang una hong helikapter na kasalukuyang bumababa ang lipad ay sinasakyan ni Sekretaryo. Ang kasunod naman ay pag-aari ni Leo. Gamit sa kanyang kompanya kapag malayo ang tinatayo nilang gawain. Diyan ho nakasakay ang mga kawani ni Leo.” may pangangalandakang sagot ni Abueg.

Muling nabakas sa mukha ni Mang Nario ang panibagong pagkamangha sa pagiging tahimik ni Leo. Magiging maunlad ang Isla Busuangga sa darating na panahon.

Maging sina Aling Maling at Aling Moreng ay lumabis din ang kaligayahan sa pakikinig kay Abueg. Damang-dama sa mukha nila ang pagmamarangal habang nililinga ang kanilang mga ka-nayon.

Ang mga mamamayan naman ay nakikigalak din sa kanilang nakikita. Ang ibang kabataan at paslit ay napapatalon sa pagkamangha. Mayroon ding nagtatago sa likuran ng kani-kanilang magulang pagkat ngayon lang nangyari sa Nayong Dalisdis ang makakita sila ng sasakyang lumilipad sa langit at maingay ang ugong.

Humugos ang maraming tao sa pangunguna nina Leo at Lumin. Patungo sila sa bahay ni Mang Nario. Sumusunod rin ang tinitingala nilang sasakyan at tama namang tumapat sa malinis at maluwang na lupa ni Desto sa tabing kalsada.

Lumaganap ang katahimikan ng mga taga nayon nang halos magkasabay na lumapag ang dalawang helikapter. Manghang-mangha sila sa nakikitang sasakyan na lumikha ng ingay sa paligid. Malakas ang haging ng hangin. Nahahapay ang mga halaman at sanga ng punong kahoy sa tila buhawing likha ng helikapter.

Saka lang naparam ang kaingayan nang sabay ding tumigil ang malalaking elisi ng dalawang sasakyan.

Bumaba mula sa abuhing helikapter ang maraming militar. Mga kadete at opisyales ng hukbong pamahalaan.

Mula naman sa maliit at kulay puting helikapter ay naunang bumaba ang apat na nilalang. Dalawang lalaking inhenyero at dalawang babaing arkitekta. Sumunod ang dalawa pang piloto ng sasakyan. Silang lahat ay kawani ni Leo. Kumakaway.

Napayakap si Lumin kay Leo dahil sa labis na kaligayahan. Wala na siyang mahihiling pa sa nilikhang kapalaran ng Maykapal.

Nakatawa naman si Leo. Nakatanaw sa mga bagong dating. Nakita rin niya si Desto sa maluwang na damuhan habang akay si Azon. Para bang ipinagpaparangalan na pag-aari niya ang nilapagan ng mga panauhin.

Nauna namang sumalubong si Mang Nario. ”Magandang umaga sa inyong lahat. Ako ang biyanan ni Leo.” ang sabi pa at isa-isang kinamayan ang mga nangunguna sa kanyang harapan.

Magandang umaga rin sa inyong lahat. Kayo pala ang Tatang nina Perenya at Lumin.?“ humahalakhak na bungad ng Sekretaryo. “Ako si Carlos Salasar.” Ang dugtong gabang nakikipag-daop palad.

“Ako nga, kaibigan. Bilang ako ang Tenente del nayong ito. Ako si Nario dela Cruz. Malugod ko kayong inaanyayahan sa aba kong tahanan.” humahalakhak ding dugtong bago ipinakilala ang iba pa niyang kasamahan.

Mabilis namang nagpugay-kamay ang mga kadete kay Leo. Labing dalawa sila at pawang puti ang kasootang uniporme. Matitikas at walang galaw sa pagkakatayo.

Pigil ang pagtawang sumaludo rin si Leo at naunang nagbaba ng kamay.

Ibig sabihin, mataas ang ranggo niya sa mga kadete.

“Colonel Ladoza.!“ malakas na bungad ni Sekretaryo Salasar ng hukbong pambansa nang masalubong niya ang bagong kasal. Humahalakhak siya sa tuwa at makikita sa matikas niyang tindig sa kasootang asul na amerikana.

Nagpugay-kamay si Leo at tumikas din ang tindig. Hindi nagbaba ng kamay hangga’t hindi pa nagbibigay ng saludo ang kanyang kaharap.

“Panibagong kabayanihan ang nagawa mo, Leo. Napuksa mo ang mga kontrabandistang pumasok sa ating nasasakupan. Ikinararangal ka ng ating bansa.!“ anang Sekretaryo at saka lang naalalang magbigay-pugay sa kanyang kaharap.

Saka lang nagbaba ng kamay si Leo nang maunang magbaba ng kamay si Sekretaryo. “Ginampanan ko lang ho ang tungkulin ko. Ninong.“

“Tumuloy kayo mga kaibigan.!“ masiglang aya ni Mang Nario sa mga panauhin at nagpauna pang pumsok sa bakuran.

Sumunod na rin ang mga inanyayahan. Naraanan nila ang mga nagpaunang kadete na nakatikas-pahinga sa magkabilang panig ng pinto. Wari’y hinihintay nila ang pagpasok ng bagong kasal.

Kapagkuwa’yb iglang sumilbato si Mang Pulo at halos sabay-sabay namang bumarada ang mga katutubo. Dumagundong din ang mabagal na tunog ng tambol na para bang sumabay sa bawat hakbang ng mag-asawa.

Sumaliw din ang musikong bumbong sa tugtuging angkop sa kasalang iyon. Nagpalakpakan ang mga tao. Nagbunyi sa udyok ng sigabo.

Napangiti si Leo sa tagpong iyon. Nasa labas pa sila ng bakuran at alam niyang daraan sila sa ilalim ng magkakurus na sable ng mga kadete. Dati na niyang nararanasan ang bagay ng iyon kapag may ikinakasal na opisyales ng kanilang samahan.

Handa na ang mga kadete. Matitikas ang tindig. Anim sa magkabilang panig ng pinto at nakataas ang mga kamay na may hawak na sable sa pagdaraan ng bagong kasal.

Lalong tumindi ang palakpakan at hiyawan ng mga mamamayan pagkat ngayon lang sila nakakita ng gayong pangyayari. Gayon din si Mang Nario. Halata ang katuwaan pagkat sila mang mag-anak ay namangha sa pagdaraan nina Leo at Lumin sa ilalim ng mga sable.

Nagsaboy din ng bigas sina Aling Moreng at Aling Ebeng sa dalawang ikinasal nang ang mga iyon ay lumagpas na sa hanay ng mga kadete. Balana’y bumabati at marami rin ang nakisaboy ng bigas sa paniwalang magiging masagana sa kabuhayan ang bagong kasal ayon sa makalumang kaugalian ng Isla Busuangga, bagamat dapat sana ay sa pinto ng bisitas ang sabuyan ng bigas kung hindi naganap ang nakaraang pangyayari.

Di kawasa’y muling sumilbato si Mang Pulo. Mahaba at sa pagtigil, sabay ding tumahimik ang mga katutubo at ang musikong bumbong. Ngayon ay maliwanag nang maririnig ang usapan ng mga tao. Pinupuri nila ang masayang kaganapan.

Hindi matapus-tapos ang ngiti ni Lumin sa mga inhenyero at arkitektang kawani ni Leo. Lahat ay bumabati. Nakikipagdaop-palad. Yumayakap at humahalik ang mga babae. Bakas ang pagkamangha at panunuri sa magkapilas na mukha nina Lumin at Perenya.

“Sayang.!“ sabad ni Sekretaryo. “Kung hindi kami naantala sa paghahanap ng simbahan, umabot kami sa kasalan. Bumaba pa kami sa bayan at itinuro ni Kapitan Magat ang lugar ng Nayong Dalisdis. Pero, bakit mula sa malayo, may nasagap kaming putukan. Ano ba ‘yon.?“

“Tama lang sa oras ang pagkaantala ninyo, Ninong dahil may balakid na naganap sa bisitas. Kami man ho ay naabala.” sagot ni Leo.

“Ano’ng balakid.? Buhay pa ba si Garuda.?“ tanong pa ng Sekretaryo sa inaanak na lalong naging abala sa mga bumabati.

“Ginoong Sekretaryo.” tawag ni Mang Pulo. “Ako na ang sasagot sa gusto ninyong malaman. Doon tayo sa tabi ni Kumpareng Nario.“ ang dugtomg at itinuro pa ang mahabang likmuang nalililiman ng punong mangga na hitik sa bunga.

Halos mapuno ng tao ang maluwang na bakuran ni Mang Nario. Umpok-umpukan at kumakain sa lilim ng mga punong kahoy. Ngayon lang nangyari sa buong Isla Busuangga ang naiibang kasaysayan tungkol sa kasalan.

Makikita namang magkasalo sa mahabang mesang kawayan ang mag-anak ni Mang Nario. Ang mga taga lungsod. Ang dalawang pari. Ang mga abay, kasama na ang Ninong at Ninang. Sa ganoong harapan, ang pinakatampok sa lahat ay nasa gitna ng kainan ang dalawang bagong kasal.

Sa ikalawang hanay ng mga mahahabang mesa ay magkasalong kumakain ang pinaghalong pangkat ng musikong bumbong at katutubong dignayan. Masasaya sa dahilang naging palagay ang loob nila sa isa’t-isa. Nagbibiruan pagkat iyon na ang pinakamasayang pangyayari sa kanilang buhay. Sa araw na iyon, hindi na sila gagala sa lansangan pagkat ang buong pamayanan ng Dalisdis ay kumbidadong lahat. Bukod pa roon, halos mapuno ng kareta ang kalsada dahil sa mga dumarating na panauhin.

Ang mga taga bayan, taga nayon at mga taga baryong kanugnog ng Nayong Dalisdis ay magkakasalo rin sa mahahabang mesa. Masaya ang kanilang batian na para bng tapos na ang kanilang agam-agam.

Ngunit iba si Leo. Laging nkatanaw sa kawalan. Tila ba may hinihintay na kaganapan. Kung wawariin, higit pa kay Garuda ang kanyang nilalayon. Tapos na silang kumain ni Lumin ngunit inaantabayanan nila ang hindi pa nagsasawa sa hapag-kainan. Patuloy lang ang paglinga at pagpansin ni Leo sa bawat paligid.

Oras na upang magpalit ng damit si Lumin. Huhubarin na niya ang damit pagkasal upang isuot naman ang isang magandang bestida sa ikagiginhawa sa kanyang pagkilos at pakikisalamuha sa mga panauhin. Napapitlag si Leo sa kanyang nararamdaman. Gaano na lang bang sabihin na siya rin ay magpapalit ng ibang kasootan. Aakyat sila ni Lumin sa bahay upang sabay ding magbihis, ngunit nahadlangan ang kanyang nilalayon.

“Mga Ineng na babaing abay.!“ anang isang matandang babaing taga nayon din.

“Abayan ninyo si Lumin sa pagpapalit ng damit. Mahirap hubaring mag-isa ang damit-pangkasal. Tulungan ninyo siya.!“ dugtong pa ng matandang nagmamalasakit sa ganoong pangyayari.

Nanguna si Azon sa pagtalima. Sumunod siya kay Lumin. Umakyat sa bahay at humabol naman si Karla upang muling ayusan ang bagong kasal sa panibagong kasootan.

Ngunit sa pinto pa lang, pinigilan na ni Lumin ang bakla. Papasok lamang kung siya’y nakapagpalit na ng damit.

Nakamasid lang si Leo. Di kawasa’y nagpasiya. Sa yate na lang siya magbibihis.

Sa pangyayaring iyon, sinamantala naman ni Sekretaryo ang pagkakataon upang parangalan ang labi ng pangkat Anak-parang. Isa-isang tinawag ang pangalan nina Nana Sepa, Miding, Aring at iba pang kaanak ng mga nasawi. Binigyang puri ang pangalan ng mga namatay sa pangunguna nina Alfon at Wana. Pinasalamatan at pinangakuan na makakarating sa pangulo ng bansa ang kanilang kabayanihan upang makilala sa santinakpan.

Kiling na ang araw nang bumaba at magpakita sa madla si Lumin. Nagpalakpakan ang mga naroroon sa paghangang ‘di mapantayan. Talagang napakaganda nang tinaguriang tala ng Busuanggadahil sa bagong kasootan.

Napatindig si Leo sa kanyang kinauupuan. Kanina pa siya naghihintay sa pagbaba ng kanyang asawa. Hindi niya pinansin ang mga papuring sinabi ng kanyang mga panauhin. Panay lang ang ngiti pagkat nahihiya siyang tanggapin ang kabayanihang ikinakapit sa kanyang pagkatao. Lumayo siya at ginawang dahilan ang pagsalubong kay Lumin.

“Napakaganda ng asawa ko.!“ mahinang sambit ng Leo at hinawakan ang dalawang kamay ni Lumin. Nasa puno sila ng hagdan.

“Lalo ka na.!“ sabi ni Lumin at hindi na hinabaan ang papuri. Nahalata na lang sa kislap ng kanyang mga mata.

Dapithapon na nang tumahimik ang paligid pagkat humanda na sa paglisan ang pangkat ni Sekretaryo, ganoon din ang mga kawani ni Leo, ngunit bago ang lahat. Isang lalake ang agad na sumapa sa nakasubsob na kareta at malakas na nagsalita. “Ako si Engineer Gomes.! Punong inhenyero ni Engineer Ladoza, inaatasan ko ang tatlo kong kasama upnag maiwan dito. Bukas, sisimulan na ang pagbalangkas ng mga gagawing proyekto ni Leo. Ang aming kaibigan na ayaw matawag na siya ang aming Big boss.! Mula sa bayan hanggang dito. Lahat ng lalaking gustong magtrabaho, magpatala lamang upang mamasukan. Kung magkano ang arawang suweldo sa lungsod, siya ring ibibigay sa inyo ni Leo.

Biglang sumigabo ang lukso ng palakpakan at hiyawan ng mga mamamayan. Ang nabalitaan nilang ipatatayo ni Leo ay maisasakatuparan na. Kasiya-siya pagkat kahit kumakain sila sa oras, kulang naman sila sa pera.

“Gamitin ninyong panuluyan ang bahay ko sa bayan.!“ sigaw ni Aling Moreng.

“Gawin ninyong opisina.!“ dugtong pang may pagmamalaki.

“Salamat ho.! Salamat .!“ natutuwang sabi ni Gomes pagkat kailangan nga nila ang matutuluyan sa bayan. “Kasama akong uuwi sa lungsod upang ihanda ang mga sasakyan at materiales na dadalhin dito.!“ dugtong pa niyang nakatawa.

Natutuwa rin ang mga maiiwang kawani ni Leo, pagkat ang pakiramdam nila ay magiging masaya ang buhay nila sa Isla Busuangga. Kakaiba kaysa sa lungsod dahil sabik at mahilig din sila sa buhay-lalawigan.

Nagsalita rin si Mang Nario. Malakas ang boses at anyong nagmamagaling. “Sagot ko ang pagkain ng mga magtatrabaho rito sa Nayong Dalisdis. Tutulungan ko si Leo sa maganda niyang hangarin para sa ating lahat.

Nagbunyi ang mga taga nyon. Lahat ay masaya, liban kay Leo. Hindi pansin ang nagpapasalamat na sulyap ng mga mamamayan. Ligalig pa rin siya na para bang may hinihintay na kung sino at siya lamang ang nakakaalam.

Hindi naman nagtagal, pagkaalis ng dalawang helikapter, patuloy pa rin ang masayang kainan ng mga taga roong panauhin. Nagdudumali. Para bang ayaw na nilang makita ang tanging pinakahihintay ni Leo. Ang digmaan ng damdamin. Ang nag-uumalab na hangaring matupad na ang kinasasabikang sandali.

Patuloy pa rin ang paglinga ni Leo. Minamasdan ang bawat galaw ng mga naroroong panauhin. Halatang ‘di malaman ang gagawin kung tatayo o mananatiling nakaupo sa tabi ng kanyang asawa. Gustong magsalita ngunit nauumid ang dila sa nakakaalangang pangyayari.

Si Mang Imoy ang nakapuna sa kilos ni Leo. Papasilim na rin lang kaya siya nagsalita. “Tulad nang sinabi ko kahapon. Manonood tayo ng sarsuwela at tanging ang bagong kasal lamang ang maiiwan dito.! Payag ba kayuo.?“ tanong pa niya.

“Aba, oo.!“ naunang sambit ni Mang Nario. “Tara na mga ka-nayon at karatig baryo hanggang sa bayan, mag-uumpisa na ang sarsuwela.! Siyang pala, Leo. Madaling araw na ang balik namin. Huwag kang magkandado ng pinto upang ‘di na kayo maabala sa aming pag-uwi.“

“Tama ‘yon, Leo.!“ ani Mang Imoy. “Dito sa lalawigan, walang makikialam sa bukas na pintuan. Kahit maiwan ang mga gamit mo sa labas ng bahay, hindi mawawala. Matulog kayong mahimbing.!“ sudlong pang tila lalong naging madulas ang dila sa patuloy na pag-inom ng serbesa.

Namanaag ang biglang kasiyahan sa mukha ni Leo. Iyon talaga ang pinakahihintay niya at inaasam. Ang masarili ang pinakamamahal niyang asawa. Kaya, agad niyang hinawakan sa kamay si Lumin at marahang hinilang paakyat sa tahanan.

Nakangiti lang si Lumin. Damang-dama niya ang pagmamahal ni Leo. Nagpatianod na lang siya upang pagbigyan ang kagustuhan ng tadhana.

“Ito ang talagang pinakahihintay kong sandali.!“ nakatawang tudyo ni Leo nang sila’y nasa loob ng ng kabahayan at dagli pang pinagsasara ang mga durungawan liban sa pintuan.

Natatawa rin si Lumin sa kilos ni Leo. Nanunukso. “Taong ito. Parang mauubusan. Akala ko pa naman, may hinihintay kang kalaban.!“

“Talaga.! Ang sino mang hahadlang sa pagkakataong ito, babarilin ko.!“ nakatawa pa ring biro ni Leo at luminga pa mandin upang matiyak na wala ngang pipigil sa sandaling iyon.

May tunog naman ang tawa ni Lumin sa biro ni leo. Walang agam-agam. Sunud-sunuran siya sa kilos ni Leo. Nagpaubaya na lang nang siya ay yakapin.

“Sa wakas, ito na ang sandali nang katuparan.!“ bulong ni Leo at para pang sinasabik ang sarili. Pinagkiskis ang kanilang ilong bago nilamukos ng halik ang labi ng asawa.

Napapikit si Lumin. Hindi na inalintana ang madlang kalikasan. Para siyang nakalutang sa lundo ng kaligayahan. Tila walang malay at muling nilasahan ang ika-apat na halik sa kanya ng lalaking pinkamamahal.

Walang sawa si Leo. Hindi mabaklas ang kanilang mga labi kahit nang itulak ni Leo ang pintong kawayan ng silid ni Lumin. Pumasok silang magkalapat pa rin ang kanilang panghalik.

Sa sandaling iyon, doon napatunayan na tila hindi naniwala si Leo sa sinabi ni Mang Imoy. Isinara niya ang pinto ng silid ni Lumin at inilagay pa ang sagka sa pangambang nakawin ang kanyang kaligayahan.

WAKAS

May part 2. Bilang mayor, pinaunlad ni Leo ang Busuangga, ngunit may horror sa lumang kamposanto. Binuhay ng demonyo ang mga kilabot na nakalibing doon bilang mga zombies. Sina Garuda, Mostafa at Buryas ay nabuhay sa totong tao upang maghasik ng kasamaan. Bandang huli may kabutihang gagawin sa mamamayan. Nabuhay din sina Perenya, Baste at Gelang sa himala ng Diyos dahil sa dasal ni Aling Maling. Dumating si Don Q, kasama ang dalawang anak. Sina Vijandre, matador ng toro at ugaling sadista. Si Marguerita naman ay kamukha ni Marcaida, mabait at makaluma. Naging kaibigan nina Lumin at Perenya na may taning ang buhay. Dumating din ang manliligaw ni Marguerita, si Zapanta, batikang pistolero ng Vera Cruz Mexico. Naging problema ni Leo si Perenya pagkat mag-asawa na sila ni Lumin.