Naging Pastol sa Haranggani
Kiling na ang araw nang marating ni Donaio ang bukana ng Haranggani. Natigilan siya at hindi malaman ang gagawin. Ang alam niya, ngayon lang siya makakakita ng taong tulad niya at naghihinala pa rin na baka ang mga iyon ay marami ring bukol sa katawan, ngunit parang naalala niyang hindi ganoon ang kwento ng kayang ina-inahang Diwata.
Bumaba sa kalabaw si Donaio at pinagsawa ang mga mata sa tanawing naiiba sa kanyang pangmalas. Higit na malawak ang kanyang namamasid at tila doon nabagbag ang sarili niyang pakiramdam.
Matapos maigala ni Donaio ang kanyang paningin, itinutok naman sa landas na kanyang haharapin. Matagal. Parang iniisip kung ano ang kanyang magiging kapalaran. Minsa’y nasabi sa kanya ni Naia ang dalawang ugali ng tao. May masama at may mabuti. Kailangan gumawa siya ng anyong hindi kaiinisan. Iyong hindi siya pag-iisipang gawan ng di mabuti, pagkat pawang kabutihan lamang ang natamo niyang pangaral mula sa Ina-Inahang Diwata. Gusto niyang ipakita ang likas na kabutihan ng isang tao na kahit pangit, may magandang ugali.
Ikinumpas ni Donaio ang mahiwagang tungkod at itinapat sa inahing kalabaw. Ngayon niya masusubok kung may taglay ngang kapangyarihan ang kaloob ni Naia. Hiniling din na gawing bukulin ang naturang hayop at saglit na hinintay ang katuparan. Nabigla pa siya sa pag-amin na totoo ang ibinadya ni Naia. Naging bukulin nga ang kalabaw at natutuwang sinakyang patalikod. Sa buntot siya humarap at umanyong katawa-tawa.
Naging katatawanan nga si Donaio nang pasukin niya ang kabayanan ng Haranggani. Kinabahan siya at gusto nang umurong. Nabakas sa kanyang mukha ang pag-aalinlangan. Nag-aalalang baka hindi siya tanggapin sa pook na iyon dahil naiiba ang kanyang anyo lalo na nga’t nagsisigawan ang mga bata sa takot at naghahalakhakan naman ang mga matatanda pagkat ngayon lang nakakita nang tulad niyang pambihira ang itsura at nakasakay pa sa kawangis niyang bukulin.
Ang kaguluhan ay nagambala sa pagdaraan ng isang magadang karosang hinihila ng dalawang kabayo. Mahihinuhang maharlika ang mga sakay.
“Ano ang pinagtatawanan ninyo riyan?” pabulyaw na tanong ng taong walang iba kundi si Salina. Sakay ng karosa, kasama ang dalawa niyang anak na Dayang at si Dayang Hirang.
Ang tanong ay sinagot ng isang matabil na lalaking mamamayan, matapos magbigay galang sa nagtatanong. “Sila po’y magkapatid na dayuhan.”
Tumaas ang kilay ng Rahana Salina at gustong magsiklab kung hindi nahantad ang taong pinagtatawanan. Napatulala siya at tinimpi ang sarili. Sinuri ang nilalang na papalapit sa kanya.
Nakangiti si Donaio. Kita sa bukulin niyang labi ang maputi at pantay-pantay na ngipin. Ang tanging bagay na hindi nakuhang papangitin ni Soraia pagkat tago sa loob ng bunganga. Makikita sa anyo niya ang kasootang kakulay ng kalabaw. Walang manggas at bilugan lamang ang tabas sa leeg. Maiksi ang salawal na hanggang tuhod at may kurdon pang panali sa baywang.
Maasim ang mukha ni Salina nang magtanong. “Saang lupalop ka nanggaling?”
“Galing po ako sa kabundukan at naghahanap ng trabaho upang mabuhay.” sagot ni Donaio. Anyong lumiit sa pagkakauklo at pagkakakuba.
Napasungaw sa durungawan ng karosa ang dalawang Dayang na anak ni Salina. Sabay pang nagtawanan sa nakita nilang kapangitan.
“Anong uri ng hayop ang nagsasalitang iyan ina kong Rahana?” tanong pa ni Dayang Giliw na ang kariktan ay kawangis din ng kanyang kapatid.
“Baka turuang bakulaw. Kinayas ang dila kaya nagsasalita!” si Dayang Sinta ang sumagot at saka sinundan nang tawa ang pang-aalipusta.
Napasungaw din si Dayang Hirang. Nahantad ang nakakahigit na kariktan kahit ang damit niya ay di tulad sa marangyang kasootan ng dalawang anak ni Salina pagkat alalay lamang ang kanyang kapara. Sa bahaging iyon, nalarawan sa kanyang mukha ang habag nang makita si Donaio. Lumamlam ang kanyang mga mata.
Suminghal naman si Salina, matapos bumaba sa karosa. Namaywang bago nagwika. “Hindi mo ba naisip na ang bayang ito ay walang puwang sa tulad mong di mawari kung anong uri ng tao?”
“Isa rin po akong tao. Mabait po ako at kahit anong uri nang marangal na gawain, tatanggapin ko.” sagot ni Donaio habang nililimi ang isang katanungan kung bakit naiiba ang kanyang anyo sa mga kaharap. Gayon man, naalala din niya na pinapangit lang siya ni Soraia.
Tumapang ang mukha ni Salina habang nag-iisip.
“Ina kong Rahana.” sabad ni Dayang Giliw. “Wala rin lang tumatanggap sa trabahong pastol, kunin mo siya.”
Biglang humalakhak si Salina. Umiral ang likas na ugali. Ang pagiging palalo mula nang pagkalooban siya ng malaking kayamanan ni Cordova. “Bakit nga bang hindi kita tatanggapin?” sabi pa niyang patuya. “Ikaw ang nararapat na maging pastol sa paanan ng bundok. Ikaw ang mag-aalaga sa mga hayop na alam kong madaling susunod sa iyo.” dugtong pang may kahulugan at hindi lang pinagdiinan ang pahiwatig na kauri ni Donaio ang mga nasa pastulan.
“Huwag naman po, mahal na Rahana.” sabi ni Dayang Hirang nang makababa sa karosa. “Kawawa naman siya. Ang mga naunang mga pastol ay nangamatay sa lupit ng mga malignong naroroon.”
“Huwag kang makialam, Dayang Hirang!” singhal ni Salina. “Hindi siya mamamatay pagkat ang mga multong gumagala roon ay higit na matatakot sa kanya!”
“Tao rin po siya, mahal na Rahana. Hindi tulad ng lahing Ulikba. Malupit kahit sila’y multo na lamang.” giit ni Dayang Hirang.
“Tinatanggap ko po, mahal na Rahana.” sabad ni Donaio. Ginaya lang ang itinawag kay Salina. “Hindi nga po ako natatakot sa multo.” dugtong pa niya.
“Magaling!” ani salina. “Magsisimula ka sa araw na ito. Ang upa mo sa trabaho, araw-araw, dadalhan ka roon ng pagkain. Maliwanag?”
Pinanay naman ng taong bukulin ang pagtango, tuwang-tuwa.
“Hindi ko na itatanong ang pangalan mo, pagkat natitiyak kong katulad rin ng pangit mong katauhan. Mula ngayon, ang dapat mong pangalan ay pastol. Nagmamadaling sabi sa pag-asang nakapanloko na naman siya ng tao. Kapagkuwa’y agad na tumalikod ang Rahana upang muling sumakay sa karosa. Hindi na niya nakita ang pagkakatitig ni Donaio kay Dayang Hirang.
Sa unang pagkakataon, ngayon lang nakaramdam si Donaio nang ganoong damdamin. Ngayon lang siya humanga at ngayon lang din nakakita ng kariktang higit pa sa mga taga Mahikalandia. Kumaba ang kanyang dibdib at hindi na pinansin ang mga taong tumutudyo sa kanya habang nagtatawanan.
Iba naman ang damdamin ni Dayang Hirang sa pagkakatitig kay Donaio. Awang-awa siya sa napakaabang kalagayan ng taong nababalot ng bukol ang anyo. Ang alam niya, may hiwaga ring nakabalot sa pagkatao ni Donaio. Maaaring iyon ay kagagawan ng Burukantada o ano mang kauri na batid niyang tagapaminsala ng mga mamamayan.
Ang mga alalahaning iyon ay dala ni Dayang Hirang hanggang sa loob ng karosa. Madalas din niyaang lingunin sa likuran ng sasakyan ang umpukan ng mga taong nagkakatuwaan kay Donaio.
Maging ang isang kawal na iniwan ni Salina upang maghatid kay Donaio sa pastulan ay nakikigulo rin sa umpukan at madalas manukso ng katatawanan. Sumisigaw at iniikut-ikutan ang bagong pastol habang nanunudyong patula.
“Doon sa pastulan ay may kaharian.
Ang hari ay ikaw. Reyna mo’y kalabaw.
Alagad mo’y baka at saka mayroon pa.
Malignong Ulikba ang iyong kapara.”
Nakatunganga si Donaio. Hindi mawari kung tatawa o iiyak. Sa anyo niya, lalong umugong ang tawanan.
“Huwag kang mag-alala, katoto kong pastol. Ang mga malignong gala ay mangangayupapa sa taglay mong kisig.” sabi pa ng kawal na palikwad-likwad ang lakad kasabay ang hudyat na sundan siya sa paglakad.
Saka lang tumahimik ang mga mamamayan, nang di na nila maabot-sigaw ang papalayong si Donaio. Kahit sandali lang, nakaranas sila ng kasiyahan sa paraang inanyo ng taong bukulin.
Nangunguna sa paglakad ang kawal. Talunton ang madamong landas sa gitna ng kakahuyan at palayo sa kaharian ng Mahikalandia.
“Kaibigan.” tawag ni Donaio sa kawal. “Hindi ka sana mapapagod sa paglakad kung sumakay ka sa aking kalabaw.” dugtong pang sabi habang naglalakad rin sa damuhan pagkat ayaw niyang maging mataas sa pagkakataong iyon.
“Ano?” umiiling na singhal ng kawal. “Gusto mo bang mahawa ako ng bukol?”
Hindi na kumibo si Donaio. Nanahimik na lamang at iningatang huwag matinik ng siit ang kanyang talampakan.
“Sa kubakob na iyon, doon ka matutulog.” sabi ng kawal habang nakaturo ang daliri.
Wala ring kibo si Donaio. Minasdan lang ang paligid. Nakita niya ang kawan ng mga baka. May nanginginain ng damo, may nagtatakbuhan at may nag-aaway. Anyong mababagsik pagkat ang iba roon ay toro.
“Mapalad ka, Bokling,” tuksong tawag ng kawal kay Donaio. “kapag nabuhay ka ng tatlong araw sa pastulan.”
“Bakit naman, kaibigan?” maang na tanong ni Donaio.
“Ang mga naunang pastolero dito ay agad umayaw makaraan lang ang isang gabi. Ang iba namang may katapatangan, namatay sa ikalawang gabi. Dilat ang mga mata.”
“Ano ang ikinamatay nila?” tanong pa ni Donaio at nabakas sa kanyang mukha ang pagtataka.
“Pinatay sila ng mga maligno. Mga Ulikbang hindi matahimik ang kaluluwa sa matinding galit. Gusto nilang gumanti sa kanilang pagkamatay.
“Bakit sila namatay?” tanong pa ni Donaio. Palinga-linga.
“Pinatay sila ng mga taga-Mauritanya. Wala kang alam doon. Huwag ka nang magtanong!” nagmamadaling sagot ng kawal at natatakot na nilinga ang paligid. Nangangamba siyang abutin ng dilim sa pook na iyon. Kapagkuwa’y walang paalam na lumisan.
Naiwan ang nakatungangang si Donaio. Nag-iisip tungkol sa bayan ng kanyang Amang Radam. Samut-samot na gunam-gunam, hanggang sa humakbang siyang palapit sa kubo matapos ibalik sa dating anyo ang kalabaw na nagkabukol ang buong katawan.
Bago pumasok si Donaio sa naturang kubo, sinubukan niyang itaboy ang isang daang baka sa kural, ngunit siningahan lang siya ng mga toro at anyong ayaw sumunod. Natigilan ang bagong pastol. Nakita niyang lalo lang lumayo ang mga baka. Naghiwa-hiwalay at nagtakbuhang paikut-ikot.
Nilakasan ni Donaio ang pagbulas sa mga baka. Idinipa ang mga kamay at hinarang ang ibang lumalayo. Subalit binangga siya at gumulong-gulong sa lupa. Pagdaka nama’y agad ring tumayo, humabol kahit nagkakandahirap sa pagtakbo, hanggang sa siya ay mapagod at mapaupo sa isang nakatumbang puno.
Sa anyong iyon, wari’y nagtawanan ang mga baka. Parang nakakaloko at nagtipun-tipon sa harap ng pastol. Sa ganoong pagkakataon, lumabas ang katotohanan. Ang mga baka ay kumikilos sa kapangyarihan ng malignong Ulikba.
“Mga salbahe kayo! Matitigas ang inyong ulo. Sa Mahikalandia ay mababait ang mga tulad ninyong baka. Hindi mailap at sumusunod sa akin.” hinagpis ni Donaio at napayukong nalulumbay. Subalit agad ring nagtaas ng ulo sabay tindig. Nakita niyang nangunguna sa harapan ang ilang toro at wari’y nanunuksong kumakahig ang isang paa at anyong susugod.
Panay nga ang singa ng mga toro. Parang usok ang ibinubuga sa butas ng ilong. Urong-sulong ang pagsugod. Nananakot.
“Talagang salbahe kayo!” sabi pa ni Donaio at mabilis na hinugot mula sa kanyang baywang ang mahiwagang tungkod, kasunod ang paglinga sa katabing kalabaw at saka nag-utos. “Ikaw na ang bahala sa kanila. Gamitan mo sila ng tungkod at piliting itaboy sa kural.” dugtong pang kasabay ang hagis ng tungkod sa nasabing hayop.
Agad namang lumutang sa hangin ang makapangyarihang kahoy, patindig sa harapan ng kalabaw. At natupad ang kagustuhan ni Donaio.
Parang may isip na tumindig ang kalabaw at pasipat na inipit ng kanyang kuko ang nauutusang tungkod. Kapagkuwa’y nagmistula siyang eskrimador na pinagpapalo ang mga toro. Bawat hataw ay may kakaibang sakit sa balat ng mga simarong baka. Lumalatay kaya lalong nanalasa ang kalabaw ng Mahikalandia. Tila ipo-ipo sa bilis.
Dahil sa malaking takot, nagtakbuhan ang mga baka. Nag-uunahang nangubli sa kanilang kural. Iyon ang tanging alam nila na maaaring pagtaguan kapag nagbabanta ang unos. Natakot sila sa lupit na tungkod at sa paninipa ng kalabaw.
Saka lang pumasok sa kubo si Donaio, matapos magbalik sa kanya ang mahiwagang tungkod. Sinulyapan niya ang munting kabahayan ng kubo. Silat-silat ang sahig na kawayan at halos isang dangkal lang ang taas sa lupa. Butas-butas ang dingding na pinagtagni-tagning dahon ng niyog at gayon din ang bubong na kugon. Sa sulok na may haliging punong kahoy, nakita niya ang kapirasong banig na yari sa dahon na buli. Kalas-kalas ang pagkakalala ng mga gilid at marumi ring tulad ng kumot na nakabalumbon lamang.
Naupo si Donaio at nanungaw, pagkaraang buksan at gawing panukod ang tungkod sa pinakatakip ng durungawan. Nagmuni siya at inisip ang magiging kalagayan niya. Ngayon ay nakaramdam na siya ng gutom. Di tulad sa Mahikalandia, kahit patak lang ng hamog, nabubusog na sila roon. Doon din ay maganda ang himlayan. Malinis at kaaya-aya sa pagtulog, ngunit sa ganitong kubo, paano siya kakain at matutulog? Pero ang lahat ay ikinibit lang niya ng balikat at saka umiling na nakatulis ang nguso.
Gayon man, para kay Donaio. Gaano na ba ang gutom at pagtulog kung ihahambing sa nararamdaman niyang kaligayahan. Nasa kanyang gunita ang kariktan ni Dayang Hirang. Ang lahat ay nalilimutan pagkat ang puso niya ay ngayon lang masusunod. Walang makasusuway at palaging ang pintig ng kanyang puso ang dapat niyang sundin.
Higit na makapangyarihan ang tinatawag na pag-ibig. Hindi niya inalintana ang katatakutang binanggit sa kanya ng kawal ni Salina. Mas masarap mangarap ng gising at masusunod ang kahit na anong uri ng kagustuhan.
Saka lang nalingat sa pangarap si Donaio nang dumilim ang kanyang pananaw. Lumubog ang araw at kumalat ang makutim na kapaligiran. Tumindig siya at masiglang nilundag ang higaan. Nagbalot siya ng kumot. Walang pakialam kung mabaho man iyon. Ang mahalaga, doon ay mas masarap mangarap.
Ang katahimikan ng gabi ay ginambala ng mahinang halinghing. Dumaraing at sa labas ng kubo nanggagaling. May nananaghoy. May tumatawa at nakakapangalisag ng balahibo sa sino mang matatakutin.
Subalit sa taong tulad ni Donaio na ngayon lang nakaramdam ng kakaibang tibok ng puso, ang lahat ay walang halaga. Para siyang bingi. Hindi pansin ang mga dumaraing na wari’y itinataboy siyang lisanin ang kubo.
Nang oras ding iyon ay gising pa si Dayang Hirang. Hindi makatulog pagkat naaalala niya ang kapakanan ni Donaio. Naaawa siya na baka kung napapaano na iyon at hindi na magisnang buhay sa kinabukasan. Bumangon siya at nanungaw mula sa mataas na tore ng kastilyo. Tinanaw niya ang gawing pastulan, ngunit hindi naman abot ng kanyang tanaw. Wala siyang maaninag liban sa kumpol ng mga punong kahoy.
Kinabukasan, maagang bumangon si Dayang Hirang. Hindi na sininop ang higaan pagkat nag-iisa lang siya sa kanyang tulugan. Agad siyang nag-abang sa pintong palabas ng kastilyo at kinausap ang kawal na maghahatid ng pagkain kay Donaio. Kahit patago, ipinadala niya ang isang supot ng pagkain upang makaragdag man lang sa meryenda.
“Dalhin mo itong gamot.” sabi ng Dayang. “Baka sinugatan siya ng mga maligno. Sabihin mo rin, iwan na niya ang pastulan pagkat mamayang gabi, hindi na siya paliligtasin ng mga Ulikbang ligaw ang kaluluwa. Dugtong pa niyang lipos ng pag-aalala pagkat talagang kahabag-habag ang nakita niyang anyo ni Donaio, at nangako pa siyang kakausapin niya ang Rahana upang gawing hardinero na lamang ang nabanggit na pastolero.
Natatawang lumayo ang kawal na siya ring naghatid kay Donaio sa pastulan. Naghihinalang kung ano at isinaloob na lamang ang nasa isip.
“Bokling!” sigaw ng kawal nang marating ang pastulan, “Buhay ka pa ba?” dugtong pang tanong ng kawal at tuloy-tuloy sa bukas na pintuan. Nakita niyang nakabalot pa sa kumot ang pastol at bagong gising.
“Mabuti naman at dumating ka kaibigan. Gutom na nga ako.” sabi ni Donaio at hindi pa rin pinansin ang itinawag sa kanya. Agad inabot ang pangnan na may pagkain.
“Itong nasa supot ay bigay ni Dayang Hirang. Mga pagkain at gamot.” anang kawal. “Palagay ko, may gusto siya sa’yo. Hanga siya sa iyong kakisigan. Ibig niyang iwan mo ang pastulan at doon ka sa kastilyo magtrabaho. Alam mo ba kung bakit? Para kayo ay magkalapit. At alam mo pa? Makikiusap daw siya sa mahal na Rahana upang gawin kang hardinero. Kaya lang, alam kong hindi papayag sa dahilang mabubulabog ang mga tao roon.” dugtong pa ng kawal na laging pigil ang pagtawa.
Umiling si Donaio bago nagwika. “Dito na lang ako. Ayokong mabigo ang mahal na Dayang. Alam ko ring hindi papayag ang makapangyarihang Rahana. Gagawin lang akong katatawanan doon at laging haharutin sa dahilang malaki ang kaibahan ko sa mga taga-rito. Dito ako nababagay at malaya pa akong makakapangarap.”
Biglang tumawa ang kawal. Hinatak muna ang bagting ng kanyang pana sa gawing harapan at saka binitiwan. “Ikaw rin, baka hindi mo na makita ang muling liwanag ng umaga. Dapat mo ring malaman, ang lahat nang naging pastol dito ay nangamatay sa ikalawang gabi. Pinatay sila ng mga maligno. Sila ang makapangyarihan. Kahit ang buong lakas ng kastilyo ay walang magawa upang sila ay lumayas.” sabi pang paliwanag ng kawal at sinipat sa durungawan ang mga bakang nakakulong sa kural.
Napasunod ang paningin ni Donaio sa kawal na nakapanungaw. Gayon man, hindi pa rin siya nagsalita.
“Aba!” gulat pang sabi ng kawal. “Paano mo napasunod sa kulungan ang mga baka?”
“Mababait naman sila.” matamlay na sagot ni Donaio at itinuro pa ang kalabaw na siyang bantay sa pinto ng kural.
Lalo pang napamulagat ang kawal nang makitang tila pinunong humuhudyat ang kalabaw at nagsunurang lumabas ang mga baka. “Kataka-taka!” sabi pa niya. “Baka lang ang inaalagaan dito! Saan galing ang kalabaw na iyan?”
“Iyan ang sinakyan ko kahapon.” sagot ni Donaio.
“Kalokohan!” sabi ng kawal. “Ang sinakyan mo kahapon ay kulay itim at tadtad ng bukol. Bakit iyan ay puti at makinis ang balat?”
Nabigla si Donaio ngunit nagawa ring mangatwiran. “Dahil galing siya sa putik.”
“Ah-h! hindi ako maaaring magkamali! Aalis na ako at pagkasiyahin mo sa maghapon ang iyong pagkain!” nagdadabog na wika ng kawal at tuluy-tuloy na lumisan.
Nakatawa lang si Donaio habang tinatanaw ang papalayong kawal. Di kawasa’y tumungo siya at tiningnan ang supot na bigay ni Dayang Hirang. Binuksan. Nakita niya ang hinornong tinapay na ang bango ay nakakagutom. Nakita rin niya ang ilang garapa na may lamang pamahid na gamot kung sakaling siya ay may sugat.
Inunang kinain ni Donaio ang bigay ni Dayang Hirang. Lalong sumarap pagkat galing sa panlasa ng kanyang puso. Maligayang-maligaya siya at totoong hindi na inalintana ang katatakutang sinabi ng kawal.
Maghapong nangarap si Donaio habang nakahiga sa lilim ng punong kahoy. Madalas ngumiti at hindi nakakaramdam ng gutom. Higit na makapangyarihan ang kanyang puso upang lalong gunitain ang anyo ni Dayang Hirang at ang pag-aalala sa kanya.
Nang mga sandali ring iyon ay nagtataka si Dayang Hirang sa ibinalita ng kawal. Naisip niyang baka bigla ring magbago ang anyo ng pastol tulad ng kalabaw. Nahihiwagaan din siya sa pangyayaring umamo ang mga baka sa pastulan. Ngunit ang lahat nang iyon ay biglang naparam. Naalala niya ang pagtatakipsilim. Ngayon ang mapanganib na gabi. Walang nabuhay sa dating mga pastolero. Naaawa siyang baka mangyari iyon kay Donaio. May kapansanan na nga, ganoon pa ang mangyayari. Hindi siya mapalagay.
Lumaganap ang gabi. Muling namaluktot sa higaan si Donaio. Gusto na niyang matulog ngunit muling naulit ang mga halinghing na nagmula sa labas ng kubo. Nagkulubong si Donaio at tangkang hindi pansinin ang mga naririnig, ngunit papalapit sa kanya ang nakakakilabot na panaghoy at tawanan. Maging ang mga yabag ay narinig din niya, subalit hindi lang malaman kung anong nilalang ang mga iyon.
Hindi kumilos sa pagkakakulubong si Donaio. Nakiramdam lamang at balak na ipagpatuloy na lang ang pagmumuni kay Dayang Hirang. Datap’wat hindi ganoon ang kanyang inaasahan. Biglang lumusot sa dingding ang isang malaking bato at tumama sa kuba niyang likod. Napabalikwas siya at naupo sa sahig. Namimilipit sa sakit ngunit namalaging nakatanaw sa bukas na durungawan. Kapagkuwa’y nagitla siya at napaurong sa pagkakaupo. Nakita niya ang palit-palitang pagsilip ng mga kalansay. Kulay itim ang mga buto at parang baliw na nag-iikutan sa kubo.
“Maawa na kayo mga kaibigan.” samo ni Donaio at nagtakip ng kumot sa mukha. “Maawa na kayo sa aba kong kalagayan. Dito lang sa pastulan ang nalalaman kong trabaho upang ako ay mabuhay. Tigilan na ninyo ang pambabato.” dugtong pa niyang nakikiusap. Naninikluhod.
Lalo lang naging malupit ang mga kalansay, ang iba’y pumasok na sa loob ng kubo. Naglalagitikan ang panga at nagtatagis ang ngipin na parang tumatawa. May hawak na pamalo at tangkang basagin na ang bungo ni Donaio.
Sa labas ay patuloy ang pambabato ng mga kalansay. Walang patumangga hanggang sa tamaan ang tungkod na nakatukod sa bintana.
Umilandang ang mahiwagang tungkod at gumulong sa tabi ni Donaio. Kapagkuwa’y parang naalimpungatang tumayo ang nasabing tungkod at naghintay ng utos.
Parang nagising din si Donaio. Naalalang may kapangyarihan ang kanyang tungkod at agad ring nag-utos. “Paluin mo ang mga Ulikbang kalansay. Mga salbahe sila!”
Di pa man natatapos ang utos, lumutang na sa hangin ang tungkod at parang kidlat na pinagpapalo ang mga kalansay. Walang humpay hanggang sa magkabali-bali ang buto ng mga maligno.
Nagsimula ang tunay na daing ng mga kalansay. Nagmamakaawa upang tigilan na sila sa pagpalo pagkat napatunayan nilang higit na makapangyarihan ang tungkod kaysa sa kanilang pagkamaligno. Sumuko silang nakataas ang kamay.
Lumabas sa kubo si Donaio. Nakita niya ang napakaraming kalansay na naglulumuhod sa tungkod.
“Ako’y magpapatawad kung mangangako kayong hindi na magbabalik dito.” Para namang asong umalulong ang mga kalansay at nagtindigang lumayo. Papilay-pilay sa pagtakas. Nagmamadali sa pangambang magbago pa ang isip ni Donaio at sila ay ipahagupit sa tungkod.
Saka lang tumiwasay ang loob ni Donaio. Ngayon lang lubos na sumampalataya na may angkin siyang kapangyarihan. Agad niyang sinubukan sa sarili ang paghiling upang ibalik siya sa dating anyo, ngunit walang nangyaring katuparan. Natawa na lang siya nang maalalang higit na makapangyarihan si Soraia kaysa kay Naia.
Kinabukasan, maagang dumating ang kawal na walang dalang pagkain. Ang dala niya’y panghukay ng lupa. Agad na sumigaw na nakatawa. “Bokling! Saan mo gustong ilibing?”
Walang sumagot sa loob ng kubo. Tahimik.
Pumasok ang kawal. Tangka’y pangkuin ang nakakulubong na si Donaio. Akala ay bangkay.
“Bakit?” maang na tanong ng pastol at maliksing bumangon.
Napaurong ang kawal. Hindi matiyak kung multo ang kanyang kaharap. Nangangatal na nagwika. “B-Buhay ka pa?”
“Ano’ng akala mo kaibigan? Buhay pa ako.” sagot ni Donaio at agad ibinalumbon ang kumot.
“A-Anong ginawa mo? Paano kang binuhay ng mga maligno? Hindi ka ba sinaktan?” sunud-sunod na tanong ng kawal at nandidilat pa ang mga mata sa pagtataka.
“Naawa sa akin ang mga itim na kalansay. Hindi nila ako pinatay at nangako pa silang hindi na magbabalik dito.” pagkakailang paliwanag ni Donaio.
Napatunganga ang kawal. Maya-maya’y biglang tumawa at nagwika. “Natitiyak kong sila ang natakot sa iyo, di ba?”
“Baka nga.” matamlay na sagot ni Donaio.
“Huwag kang malungkot. Dapat kang magsaya.” sabi pa ng kawal. “Muli kong nakausap si Dayang Hirang. Naiiyak siya. Sana raw, walang masamang nangyari sa’yo. Nag-aalala siya. Talagang mahal ka niya at gusto pang magpadala ng pagkain kung di ko sinabing sayang lang at sa pangakong magbabalik ako upang dalhin ang gusto niyang ipadala, kung ikaw ay buhay pa!”
Hindi makapagsalita si Donaio sa biglang bugso ng kaligayahan. Napatitig siya sa kawal at nangambang biro lang ang kanyang narinig. Gayon man, tumingala siyang tila nangangarap.
Lihim na tumawa ang kawal. Totoo ang kanyang sinabi at ang pagtawa niya’y dahil lamang sa anyo ni Donaio. “Aalis na ako. Ipagmamalaki kita sa kastilyo. Sasabihin kong wala na ang mga maligno. Natakot sila sa bagong pastolero.” sabi pang tumatawa sa paglayo.
Madali namang kumalat ang balita. Dinagdagan pa ng kawal ang mga pangyayari upang lalong maging katawa-tawa ang pagkatao ng pastol.
Saka lang nakahinga nang maluwag si Dayang Hirang. Agad niyang pinabalik ang kawal upang magdala ng pagkain kay Donaio. Naging palaisipan din sa kanya ang nasagap na balita. Naragdagan ang kanyang hinala. Bata pa siya ay naririnig na niya ang pangalan ng isang anak ng Radam. Parang isang alamat na noon ay hindi niya maunawaan. At ngayon, wari’y nagdurugtung-dugtong sa kanyang hinala ang pagkatao ng pastol, baka iyon si Donaio. Isang nilalang na pinaglaruan lamang ng mga Burukantada o Mahikantada, pagkat sa panahong iyon, hindi pa sila nakakakita ng taong naipon ang lahat ng kapangitan. Kuba, maitim at may bukol pa ang buong katawan.
Muling nanungaw si Dayang Hirang at tinanaw ang pook na kung saan ay may pastulan. Manaka-naka ay naaaninag niya ang anyo ni Donaio. Nakasakay sa kalabaw at inaantabayanan ang kawan ng mga baka habang nanginginain ng damo sa kaparangan.
Si Donaio ay ganoon din. Laging tinatanaw ang kastilyo, kahit hindi niya alam kung saang panig namamalagi si Dayang Hirang. Para sa kanya, kung saan naroon ang dalagang nililiyag, doon naliligayahan ang kanyang pananaw.
Isang hapon, nagpasama si Dayang Hirang sa ilang kawal upang manguha ng bulaklak sa parang. Iaalay niya iyon sa altar ng kanyang yumaong Ina at bukas ay kaarawan pa nito sa pagsilang. Tinalunton nila ang landas na patungo sa pastulan, pagkat lagpas doon, marami ang ligaw na bulaklak.
Napamaang si Donaio sa papalapit na sasakyan. Kasalukuyan siyang nagpapaligo ng kalabaw sa isang sapa. Ang kalabaw na sadyang napamahal sa kanya pagkat natulungan siya sa pagtakas mula sa kaharian ng Mahikalandia. Kaya naman, tuwing hapon, pinalulublob niya sa tubig ang naturang hayop.
Pilit na inunat ni Donaio ang kanyang likod sa pagtayo. Hinintay kung sino ang sakay ng maliit na karosa.
Paglapit ng sasakyan, nanungaw si Dayang Hirang. Nakangiti at kumakaway.
“Magandang hapon po, mahal na Dayang Hirang.” nagpupugay na bati ni Donaio at bahagya pang yumuko habang nasa tubig.
“Sumaiyo nawa ang pagpapala.” sagot ni Dayang Hirang habang patuloy ang kabayong humihila sa karosa. Bigla. Ang Dayang naman ang napamaang. Habol ang paglingon sa paglayo.
Nagtaka si Donaio sa inanyo ng kanyang hinihirang. Gusto niyang humabol, ngunit nahihiya namang d mawari. Kapagkuwa’y umahon siya sa tubig. Tinanaw na lamang ang nililiyag at nangakong hindi siya aalis doon hangga’t hindi nagbabalik ang karosa. Naupo siya sa isang nakaumbok na bato at yumuko. Minasdan ang basang paa na para bang binibilang kung ilan ang bukol niya roon.
Kung ilang ulit na tumayo at naupo si Donaio bago nagbalik ang karosa. Nasasabik siyang malaman kung bakit biglang nagulantang ang Dayang nang mapatapat iyon sa sapa.
Bumaba sa karosa si Dayang Hirang at humarap kay Donaio. Tinitigan ang pastol mula ulo hanggang paa. Halatang gustong magtanong ngunit hindi niya magawa. Iniba na lang ang sinabi. “Mag-ingat ka at baka magbalik ang mga maligno”
“Salamat, mahal kong Dayang.” tanging nasambit ni Donaio at pilit na inunat ang baluktot na likod upang makitang malapitan ang sinisintang dilag, kahit mahaplos man lang ng tanaw.
“Aalis na ako. Maaga kang magpahinga.” ang sabing kasabay ang paghawak sa kamay ng pastol. Walang pangingimi.
Parang nahihiyang napayuko si Donaio. Tinanaw ang kamay nilang magkahawak. Kakulay ng gabi at araw. Ang kamay ng Dayang ay parang bulak sa kanyang pakiramdam. Hindi siya makakatulog ngayong gabi.
Ganoon din ang nangyari kay Dayang Hirang. Pabiling-biling sa himlayan. Iniisip ang nakita niyang hiwaga sa tubig ng sapa. Naalala niya ang madalas sabihin ng matatanda. Ang tao raw na pinapangit nang kung anong kapangyarihan ay masasalamin sa tubig ang tunay na kaanyuan. Nakita niyang biglaan ang kakisigan ng pastol sa tubig. Kung siya’y mag-aasawa, ang tulad ng pastol ang kanyang pipiliin, pagkat iyon ang biglang itinibok ng pihikan niyang puso.
Napabangon si Dayang Hirang at muling nanungaw. Sumalubong sa kanya ang malamig na dapyo ng hanging nagmumula sa pastulan at malayang inilugay ang mahaba niyang buhok. “Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Ayon sa balita, gula-gulanit daw ang kanyang tinutulugan at hindi masarap ang kinakain. Kawawa naman siya.” bulong pa niya at muling naupo sa bingit ng himlayan. Gustong gawin ang nararapat ngunit hindi maaari pagkat mababa ang pagtingin sa kanya ng Rahana. Ayaw siyang palabasin lalo na kung sa bayan. Pinayagan lang siyang makapanguha ng bulaklak, dahil ang pinuntahan niya ay kabundukan at ang namayapa pang kapatid ni Salina ang aalayan ng bulaklak.
Ang sapantaha ni Hirang ay kabaligtaran sa tunay na kalagayan ni Donaio. Nakahimlay ang pastol sa isang malambot na tulugan. Iyon ay yari sa lantay na ginto at nabubudlisan ng mga nagkikislapang mga diyamante ang paligid. Ang loob ng kubo ay mistulang silid ng isang dugong bughaw at may ilawang mahinhin ang kulay at nagsasabog ng liwanag na para bang nagmumula sa kulimlim na kabundukan. Sa gawi pa roon ay may hapagang pilak na kinapapatungan ng mga pinggang yari sa malalaking batong hiyas at mahahalatang pinaglagyan ng masasarap na pagkain. Ang ganoong karangyaan ay galing sa kapangyarihan ng tungkod ni Donaio. Ibig niyang maranasan ang buhay ng isang Radam.
Hindi lang si Donaio ang natutulog na nakangiti. Si Dayang Hirang din ay ganoon din. Laging nasa isip ang bukuling pastol at kalauna’y naging marubdob ang pag-ibig ng isat-isa. Lagi silang nangangarap sa dilim ng gabi at nagkakasundo ang kanilang puso sa pagsintang nabuo sa pangarap lamang.