← Don Donaio
Chapter 11 of 18
KABANATA 11

Ang Pagtakas

Patuloy ang takbo ng buhay ni Donaio sa loob ng Mahikalandia. Mula sa kanyang kamusmusan hanggang sa pagbibinata at wala siyang nakasalamuhang mortal na tao kundi pawang mga hayop at mga Diwata, Lambana, Ada at iba-ibang uri ng Mahikantada. Ngayon ay natatakot na siyang abutan sa paggising ni Soraia. Takot na noon pa’y dala niya sa pagkabata. Para siyang nakakakita ng bangkay sa kabaong na kristal kapag nagawi siya roon, hanggang sa matutuhan niya ang humanap ng landas sa pagtakas at nalaman din niya mula kay Naia ang paraan upang siya ay makabalik pinanggalingang kabihasnan ng mga tao. Iyon ay ang pintong bato na nagsisilbing bunganga ng kuweba at may layong limampung dipa bago marating ang kabilang bunganga na sadyang palabas sa kaharian ng Mahikalandia.

Ang lagusang iyon ay hinarangan ng mga Burukantada. Nilagyan nila ng malalaking tipak ng batong itim upang maging malaya ang kanilang kasamaan sa labas ng kaharian. Masakit sa pang-amoy ng mga Burukantada ang mabangong simoy ng hangin mula sa bunganga ng kuweba. Kung hindi tatakpan, kailangan nilang magtago sa ilalim ng lupa upang hindi rin makita ang nilikhang liwanag ni Soraia na sumisilaw sa kanilang mata at nagpapaagnas sa hukluban nilang katawan.

Sa loob ng Mahikalandia ay patuloy pa rin ang pag-uusisa at paghahanap ng paraan upang ang isang likas na tao ay makalabas sa pook na iyon.

“Ina kong Naia. Kung sakali po bang malagpasan ko ang malupit na tikbalang, paano po akong makakaraan sa tipak ng mga batong itim?” tanong ni Donaio nang minsang makita siya ng ina-inahan habang nakamasid sa pintong bukas ang lagusan.

“Anak kong Donaio. Ang tipak ng mga batong itim ay malikmata lamang sa mga taong tulad mo. Lalagus ka roon at hindi man lang masasaling. Ngayon kung binabalak mong tumakas, hindi ko matitiyak sa’yo ang tagumpay. Malakas ang pang-amoy ng tikbalang. Alam na niya ang singaw ng katawan mo, lalo na ang mga bukol sa balat mo”

Tumango-tango si Donaio. Nasubukan na niya ang gayong pangyayari. Kahit natutulog ang tikbalang, dumidilat ang mga mata kapag siya ang lumalapit, ngunit kapag kawan ng mga hayop ang nadaraan, patuloy pa rin sa pagtulog ang nasabing bantay sa pintuan sa kuweba, lalo na kung ang mga ito ay bagong paligo sa putikan.

“Samahan mo po akong makalabas o Ina kong Diwata.” nagsusumamong wika ni Donaio at hinawakan pa sa balikat ang ang mabait niyang Ina-inahan.

“Hindi ko magagawa, anak kong Donaio.” sagot ni Naia. “Ang tipak ng batong itim ay mas malakas ang kapangyarihan kaysa sa akin. Hindi ako makalalabas ng kaharian. Ang Reyna at si Soraia lamang ang ang maaaring makagapi sa mga Burukantada, ngunit sila’y kapwa tulog at malamang na magalit ang Reyna kay Soraia sa pakikisabay nito sa pagtulog.” dugtong pang paliwanag. Nahahabag at gustong tulungan ang anak-anakan, ngunit natatakot din siya kay Soraia. Baka siya parusahan.

Sa malayong dako naman ay patuloy pa rin ang mga Paham at Mauritanya sa pagpapaunlad ng bagong tuklas nilang sandata. Higit na matalino si Flavio. Ang Paham na humalili sa namayapang si Kiosko. Ang kanyon na lantaka ay ginawa niyang Malaki. Malakas at ang bala ay bolang bakal na sumasabog kapag tumama sa matigas na bagay. Siya rin ang nakatuklas sa paggawa ng pulbura. Inilalagay sa basyong tanso ginawang bala. Kalaunan, naging tagumpay ang bawat pagsubok sa kanilang baril de pulbura.

Ang gayong tagumpay ay karagdagan din sa maalab na hangarin ng taong may layunin. Ang dakilang Radam ng Mauritanya ay malaon nang naghihintay sa katuparan ng isang pangarap, at iyon ang kinasasabikan niyang maihandog sa butihing Mahalya.

“Ilang buwan na lang ang hinihintay natin at maaari na tayong magtungo sa kinaroroonan ng ating anak.” ani Cordova habang nakaupo sa kanyang tronong nabubudlisan ng iba-ibang batong hiyas.

“Siyang tunay, aking Radam. Kay tagal ko ring pinalipas ang mga taon at ngayon ilang buwan na lamang ay saka ko pa naramdaman ang lalong matagal na paglipas ng mga araw.” sabi naman ni Arminya. Nakaupo rin sa trono.

“Pagdumating ang araw na iyon,” wika ng Radam. “maglalakbay tayo at daraan sa sadyang lansangan upang mausisa ang bawat kaharian kung nasa kanilang kandili si Don Donaio.

“Sana nga ay nakatakas siya sa Mahikalandia at nakipanuluyan lamang sa alin mang kaharian.” sabi ni Arminya.

“Kung hindi,” may banta ang tinig ni Cordova. “kakanyunin ko at dudurugin ang maiitim na tipak ng batong nakatambak sa pinto ng Mahikalandia.”

“Hindi kaya masamain ni Reyna Aia ang gagawin mong panganganyon?” tanong ni Arminya habang nakabaling sa asawa.

“Maaaring hindi, pagkat ang tipak ng mga bato ay nasa labas ng Mahikalandia at iyon ay kagagawan ng mga Burukantada. Hahawanin ko ang itinambak nilang harang upang makita ko ang landas na papasok sa loob ng kaharian.” sagot ni Cordova

Matagal na nag-isip si Arminya. Nakatulala at hindi na nag-usisa pagkat nakita niyang papalapit si Ogbinar kay Cordova upang muling ihayag ang kaunlaran ng kanilang tuklas na sandata.

Dumating ang sukdulang paghahangad ni Donaio sa pagtakas. Dalawang buwan na lamang ay magigising na ang kanyang kinatatakutan. Malapit na niyang marating ang ika-dalawampung taon gulang.

“Ina kong Naia, kung sakali po bang tularan ko ang mga kalabaw at baboy na mahilig maglublob sa putikan, maamoy pa kaya ako ng tikbalang sa aming pagdaraanan?” tanong ni Donaio. Hapis ang mukha sa pangamba.

Naantig ang pusong Ina-inahan ni Naia. Niyapos si Donaio at saka nagwika. “Hindi na anak, pagkat matatakpan ng putik ang butas ng iyong bukol. Hindi makakasingaw ang amoy na kinasanayan ng tikbalang kaya siya ay dumidilat kapag tulog. Tutulungan kita, anak sukdang kamtin ko ang parusahan ni Soraia.”

“Kung talaga pong mabait si Reyna Aia,” ani Donaio. “wala kang dapat ipangamba Ina kong Diwata. Ang sabi mo po, mauunang magising ang Reyna. Tiyak hindi po siya papayag na ikaw ay parusahan.”

“Oo nga aking anak,” tumatangong sabi ni Naia. “ngunit may natatagong kapangyarihan si Soraia na galing kung saan. Sa pamamagitan lamang ng kanyang mga mata, madali niya akong lusawin at ihalo sa hangin, tulad ng mga bulong na naririnig natin sa hangin. Sila ang mga diwatang bigla na lang naglaho sa kahariang ito.”

“Bakit hindi pakialaman ng Reyna ang bagay na iyon?” tanong pa ni Donaio. Natatakot na baka siya ay ganoon din ang kasasapitan.

“Nasa katuwiran si Soraia. Ang mga pinarurusahan niya ay talagang makasalanan, tulad ng mga pagpatay sa tao.” sagot ni Naia.

“Hindi po ba kayang buhayin ng Reyna ang mga pinatay na tao?” ulit na tanong ni Donaio.

“Hindi, aking anak. Wala siyang kapangyarihan upang buhayin ang tao. Natatakot akong mangyari sa ‘yo ang kapahamakang iyon kapag tinanggihan mo si Soraia. Talagang kailangan mong tumakas. Hindi tayo nakatitiyak sa pataksil na kapangyarihan ni Soraia.”

Napayuko si Donaio. Kapagkuwa’y muling inangat ang paningin at ipinako sa pinakapinto ng bunganga ng kuweba. Nakita niyang natutulog ang tikbalang. Iyon na ang pagkakataon. Maliligo siya sa putikan, tulad ng mga hayop na ganoon ang ginagawa.

“Maglublob kang mabuti sa putik, aking anak. Kailangang matakpan ang singaw sa iyong balat.” naluluhang sabi ni Naia.

Tumango lang si Donaio at agad na tinungo ang nasbing lubluban sa pamamagitan ng ilang ulit na paglingon sa tikbalang.

Ilang sandali rin ang lumipas, bago umahon sa putikan si Donaio. Nagmistula siyang taong putik. Sakay ng isang inahing kalabaw kasunod ang iba pang kauri at mga baboy na sadyang mahilig tumulad sa mga kalabaw.

Agad na sumalubong si Naia at nagwika. “Anak kong Donaio, pakinggan mo sana ang ibibilin ko sa’yo.”

“Makikinig po ako, o Ina kong diwata.” sagot ni Donaio habang patuloy sa paglakad ang sinasakyan niyang kalabaw.

“Bibigyan kita ng isang mahiwagang tungkod. Ano man ang hilingin mo ay matutupad, liban kung ito at gagamitin mo sa kasamaan, lalo na sa pagpatay ng tao. Wala ring bisa sa mga Burukantada at kay Soraia. Higit silang makapangyarihan kaysa sa akin. Ganyan din sa tikbalang. Hindi mapupuwersa ng tungkod habang siya ay nasa loob at nasasakupan ng Mahikalandia. Ang tungkod naman ay magkakaroon lang ng kapangyarihan kapag nakapasok ka na sa pamayanan ng tao.” Ang wikang mabagal ni Naia upang madaling maintindihan ni Donaio ang mga pasubali.

Walang kibo ang anak-anakan. Wari’y pinag-aaralan ang mga paalala ng kanyang ina-inahan. Itinatanim sa isip pagkat ang totoo, kasamang nawala ng kanyang kakisigan ang likas niyang talino at maaaring magbalik lamang kapag nagbalik na rin ang tunay niyang anyo.

“Bibigyan pa kita ng tatlong bagay na sadyang makakatulong sa’yo kapag may panganib na dumarating. Ang mga ito’y tinik ng narangha, batong buhay at luad na malagkit. Halimbawang hinahabol ka ng tikbalang at malapit ka nang abutan. Ipukol mo lang sa iyong likuran ang isa nito. Tiyak, magbibigay ng harang sa inyong pagitan.” sabi pang muli ni Naia at ibinigay ang isang maliit na lukbutang kinalalagyan ng mga nabanggit na bagay.

Wala pa ring kibo ang binatang bukulin. Nakatungangang nakatunghay lamang sa Diwatang nagpala sa kanya.

“At ang panghuling kahilingan ko lamang, aking anak. Kung ikaw ay nasa daigdig na ng mga tao, huwag mo sana akong kakalimutan.” naluluha pang wika ni Naia. Naninimdim ngunit hindi naman mayakap ang nasabing anak pagkat taong putik nga ang kapara at mata lamang ang nakikita.

Nauntol ang kanilang pag-uusap nang marating ng kalabaw ang bungad ng kuweba na kung saan, nakatalungkong natutulog ang tikbalang.

Kinakabahang nagmatyag si Donaio kung maaamoy siya ng tikbalang. Nagpabalik-balik sa harapan niyon at laking tuwa niya nang di magising ang bantay-kuweba. Ang paghagok ay ay patuloy niyang naririnig at mandi’y sadyang mahimbing ang sa kanya’y nagtatanod.

Patuloy ang tila paghihilik ng bantay na kauri ng kabayo. Parang humahalinghing sa pagkakayuko. Sanay siya sa amoy ng mga hayop na may putik sa katawan. Hindi niya pinansin ang pagdaraan ni Donaio habang nakasakay sa kalabaw.

“Paalam, anak kong Donaio.” Pabulong namang wika at kaway ni Naia. Lumuluha ngunit may halong galak pagkat makakabalik na sa sariling daigdig ang itinuring niyang supling.

Kumaway din nang pamamaalam si Donaio, ngunit dahil sa paglingon, bahagyang nadagil ng tuhod niya ang nakaharang na tikbalang.

Biglang humalinghing ang nasabing bantay-kuweba. Napatingala ang nguso at anyong sumisinghot.

Kinabahan si Naia. Hindi makakilos sa pagkakatayo. Nakatutop sa bibig ang nakadakot na isang kamay pagkat hindi niya kayang gamitan ng kapangyarihan ang tikbalang.

Patuloy sa nakatingalang pagsinghot ang naturang lahi ng kabayo. Biglang dumilat sa pagyuko pagkat muling may sumagi sa kanyang paa. Nakita niya ang mga baboy na pagala-gala sa harapan ng kuweba. Nanlisik ang kanyang mga mata at pabulyaw na siningahan ang mga baboy. Pagkatapos muli siyang pumikit. Antok na antok.

Saka lang lumuwag ang paghinga ni Donaio nang makapasok siya sa loob ng kuweba. Ang pag-iwas niya sa tikbalang ay marahan at nagkataong hindi siya napagmasdan dahil sa antok.

Ang tadhana ay sadyang may nakalaang kaganapan. Parang tuksong umulan sa labas ng Mahikalandia. Ang bagay na iyon ay hindi pinansin ni Donaio. Ang nasa isip niya ay makalayo agad. Sinagasa niya ang malakas na ulan habang sakay ng kalabaw. Ngunit ang bagay na iyon ay hindi niya inalintanang magbibigay ng panganib sa puntong pagtakas. Nahugasan ng tubig-ulan ang putik sa kanyang katawan. Lumitaw ang mga umbok at sumingaw ang likas na amoy nang nilikhang bukol ni Soraia kay Donaio.

Ang amoy ay kumalat. Umabot hanggang sa loob ng kuweba pabalik sa kinaroroonan ng tikbalang. Parang usok na nanalunton sa pang-amoy ng itinalagang bantay ni Soraia.

Napakislot ang tikbalang nang manuot sa kanyang ilong ang sadyang amoy na kinasanayan. Bigla siyang sumingasing at itinaas ang nguso sa pagsinghot pagawi sa bunganga ng kuweba. Alam niyang doon nagdaan si Donaio.

Agad nanindig ang balahibo sa batok ng tikbalang. Paulit-ulit na suminga at patalong tinakbo ang loob ng kuweba. Rumaragasa sa bilis at saglit lang, narating niya ang dulo. Nilagpasan niya ang maiitin na tipak ng bato. Lumusot siya pagkat iyon ay malikmata lamang na maaaring daanan nang tulad niyang kabayo lamang sa totoong buhay.

Agad natanaw ng tikbalang ang di pa nakakalayong kalabaw ni Donaio. Kung baga sa tao, ngumisi siya pagkat kaya niyang habulin ang mabagal na takbo ng kalabaw.

Humanda sa paghabol ang tikbalang. Malakas na humalinghing at sumingasing. Paulit-ulit na isinikad ang isang paa sa hulihan. Kapagkuwa’y parang sinundot ng karayom ang bahaging natatakpan ng kanyang buntot. Humarurot sa pagtakbong patayo ngunit bigla ring tumigil. Umurong nang marating niya ang sinasakop ng ulan. Takot sa tubig ang tikbalang. Hindi naliligo at madaling kaligkigin.

Hinintay ng tikbalang ang pagtila ng ulan. Nakasilong siya sa isang punong kahoy at patuloy na sinusubaybayan ng tanaw ang mabagal na paglayo ni Donaio. Kailangan maibalik niya ito sa loob ng Mahikalandia.

Di pa man lubos na tumitila ang ulan, napilitan nang humabol ang tikbalang. Takot siyang maparusahan ni Soraia. Hindi na inalintana ang mabasa, huwag lang makatakas ang kanyang binabantayan.

Naganap ang habulan. Tumitilamsik ang putik sa lansangan nang mapalingon sa likuran si Donaio. Narinig niya ang rumaragasang yabag ng tikbalang at ang nagmamadaling lundag. Natakot siya.

Patuloy ang singasing nang mukhang kabayong bantay. Kung maaari lang, agad niyang madaklot ang bukuling tao.

“O, Ina kong Diwata! Ano ang gagawin ko?” bulong ni Donaio sa paraang humihingi ng saklolo. Ayaw na niyang magbalik sa Mahikalandia. Takot siyang makaharap si Soraia na animo’y bangkay sa kabaong na kristal, ngunit paano siyang makakalayo sa bilis ng tikbalang? Ano ang kanyang gagawin?

Dahil sa kalituhan at gustong makatakas, nalimutan ni Donaio ang nararapat gawin. Saka lang niya naalala ang tungkod na bigay sa kanya ni Naia. Ipinanturo niya sa papalapit na tikbalang at saka nagwika. “Madapa ka sana!”

Ang kahilingan ay hindi natupad, bagkos ay lalo lang iyon bumilis sa paghabol. Ang pangyayari ay lumikha ng igting. Nalilito na ang sakay ng kalabaw. Kung maaari lang, gusto niyang lumipad upang madaling makalayo sa tikbalang. Kaya lang, wala pa ang takdang sandali upang ang mahiwagang tungkod ay magkaroon ng kapangyarihan, at iyon ay magkakabisa lamang kapag siya ay nasa pamayanan na ng mga tao.

Di kawasa’y kusang kumilos ang hawak ni Donaio. Tinuktok ang lukbutang nasa baywang ng bukuling tao na para bang may ipinahihiwatig.

Naungkat ang alaalang sinabi ni Naia kay Donaio. Ang tungkod ay walang bisa sa nilikhang tikbalang ni Soraia. Ang halimaw na kabayong higit ang kapangyarihan. Mahirap talunin at nakakaligtas sa kapahamakan.

Tumalab ang pahiwatig. Agad na dumukot sa lukbutan si Donaio. Una niyang nakapa ang tinik ng narangha at karakang ipinukol sa papalapit na manghahabol. Biglang umusok at umalimbukay ang napakaraming matutulis na bagay.

Kapangyarihang taglay, naging bunton ng tinik ang ipinukol ni Donaio. Parang burol na humarang sa daraanan ng tikbalang. Mataas. Hindi maaaring akyatin o alisin dahil sa kapal at animo’y siit ng kawayan. Nakakatusok.

Napasadsad sa pagtigil ang tikbalang. Sandaling tumingala. Hindi niya maakyat ang bunton ng tinik. Kailangan niyang lumigid at iwasan na lang ang bagay na iyon sa paghabol.

Dahil sa pangyayaring abala, lalong sumingasing ang tikbalang. Para bang binunutan ng buhok sa batok at nagkakandaluwa ang mga mata sa galit.

Di naman nagtagal sa pagligid ang halimaw na kabayo, muling naganap ang malapitang habulan, ngunit nag-iwan ng galit nang mapagtanto ng tikbalang na maglalaho rin pala ang bunton ng tinik na likha lamang ng pandaliang kapangyarihan. Napagod siya sa pagligid.

Pinipilit ni Donaio ang makalayo. “Tulungan mo ako, o Ina kong Diwata.” bulong pa niya habang hawak ang dinukot na batong buhay sa lukbutan. Ipinukol niya sa likuran na kung saan ay daanan ng humahabol.

Umusok. Kisap-mata lang, lumaki ang bato. Naging bundok sa tingin at humarang sa landas. Ayaw paraanin ang tikbalang at maiiwasan lamang kung muling liligirin ang inihagis ni Donaio, o hintayin na lamang kung iyon ay kusang maglaho tulad nang nauna. Ngunit alinlangan ang nasabing halimaw. Liligid na lang siya upang makatiyak. At pagnagkagayon, magkakaroon na naman ng agwat ang habulan. Kailangan ang bilis niya sa pagtakbo.

Nagkukumahog si Donaio sa pagtakas. Panay ang dabog ng dalawa niyang tuhod sa tagiliran ng kalabaw. Nagmamadali.

Sumusulak naman ang laway sa bunganga ng tikbalang matapos siyang lumigid sa bundok na bigla ring naglaho. Ang gayong pangyayari ay lalong nagpapuyos sa damdamin ng halimaw. Panay ang singa at sinagad ang bilis sa paglundag. Walang humpay na para bang gustong tapakan na lamang ang kanyang hinahabol.

“Panginoong itinuro ng aking Inang Diwata. Tulungan mo po ako o Diyos ko!” muling usal ni Donaio nang maramdamang papalapit na naman ang lahing kabayo. Agad niyang dinukot sa lukbutan ang mahiwagang luad. Ang malagkit na putik. Ang huling pananggalang niya sa nakaambang panganib. Patalikod na ipinukol at nangamoy ang sinunog na asupre sa paligid.

Wari’y wala nang halaga sa tikbalang kung ano man ang inihgis sa lupa. Kahit anong harang ang lumitaw, sasagasaan niya at hindi uurungan.

Sa nanlilisik na paningin ng tikbalang, wala siyang makitang harang. Hindi nagbago ang bilis ng kanyang pagtakbo. Tuloy-tuloy ngunit bigla siyang nalubalob sa malapot na putik.

Ang luad ay naging kumunoy. Doon bumaligtad ang tikbalang dahil sa bilis ng pagsugod. Napatihaya at unti-unting lumubog.

Ang kapangyarihan ni Soraia ay waring doon na nagwakas. Maaaring hindi mamatay ang tikbalang, ngunit maaari ding hindi na siya makakaahon sa kumunoy lalo na nang maglaho ang bisa ng luad. Sa tingin, hindi na makakaalis sa ilalim ang sino mang mababaon sa ganoong palanas na lansangan.

Saka lang nawala ang pangamba ni Donaio nang sa huling sandali ay makita niyang lumubog ang tikbalang. Pagkatapos, hindi na siya lumingon. Nagpasalamat sa Panginoong Diyos at ipinagpatuloy na lang ang paglalakbay sa paraang naglalakad na lamang ang kanyang kalabaw.