Ang Bagong Haranggani
Nalagas pa ang ilang tangkay ng panahon. Sa bayan ng Haranggani ay umusbong ang maunlad na kabihasnan dahil sa kayamanang tinanggap nila kay Cordova. Ang palasyong kawayan noon ni Rahana Salina ay naging kastilyong bato at kaporma ang mosking dalanginan ng mga Moro at Mora. Malaki at maganda ang pagkakayari. Maging ang pamayanan ay nagkaroon din ng kaularan. Naging maayos ang kalakalan. Nabuksan ang pinto ng mga kaharian at dumaloy ang masaganang pamilihan sa bawat sulok ng Haranggani. Nagbago ang lahat. Nawala ang kahirapan, ngunit isang bagay lang ang hindi nagbago. Mabigat pa rin ang loob ni Salina sa kanyang pamangkin na si Dayang Hirang. Anak ng yumaong Raha at asawa ng kapatid ni Salina.
“Dahil sa’yo, namatay ang kapatid ko sa panganganak. Isinilang kang may kakambal na kamalasan sa bayang ito. Sunod-sunod na kapahamakan. Namatay ang aking asawa. Ang iyong ama, kasunod ang pagsalakay ng lahing Ulikba at kung hindi sa dakilang Radam, maging ikaw, alabok na ngayon!” ang sabing pabulyaw ni Salina.
Ang katagang iyon ay paulit-ulit na naririnig ni Dayang Hirang. Lumagi sa kanyang isipan ang bintang na siya’y walang kabuluhan sa bayan ng Haranggani. Hindi niya namulatan na sa takdang panahon, siya ang magiging Rahana sa bayang iyon. Minsan ma’y hindi niya narinig kay Salina ang bilin ng kanyang Ama. Ang kagustuhan na kapag siya ay naging ganap na dalaga, isasalin sa kanya ang pinakamataas na tungkulin at pinakamakapangyarihang Mora ng Haranggani.
Bata pa lamang ay mababanaag na sa anyo ni Dayang Hirang ang kabaitan at ang taguring pinakamagandang dilag ng lahing kamorohan, ngunit iyon ay pilit na tinatakpan ng tiyahin niyang si Salina. Hindi siya pinagsusuot ng magagandang damit. Kung alin ang pinaglumaan ng mga pininsan niyang anak ni Salina, iyon ang pinagagamit sa kanya. Mistula siyang alipin o abay ng mga iyon.
Ang mga anak ni Salina ay mapagmataas. Laging nakataas ang baba kapag naglalakad. Sila ay sina Dayang Giliw at Dayang Sinta. Kung susuriin, pumapangalawa lang sila sa ganda ni Dayang Hirang at iyon ang labis na ikinayayamot ng Rahana.
Kapag dumarating ang panahon na may panauhin ang kaharian ng Haranggani, nakalaan ang pagpapapiging o naghahanda ng marangyang pagtitipon si Salina. Nagmamalaki. Ipinagpaparangalan ang pagiging mayaman ng kanyang nasasakupan. Lagi siyang nag-aanyaya ng mga dugong berde. Iyon ay mga Hari, Prinsipe, Konde o Duke ng iba-ibang kaharian. Sa ganoong pagkakataon, ipinagmamalaki ni Salina ang dalawa niyang Dayang at hindi pinahaharap si Dayang Hirang upang itago ang angking kagandahan.
Ang gayong pangangalandakan ni Salina ay may kahihinatnan. Hindi niya namalayan ang unti-unting pagbagsak ng kanilang kabuhayan sa kastilyong Moske. Malaki ang nawawaldas kaysa pumapasok na buwis ng mga mamamayan.
Gayon man, patuloy pa rin ang mga mararangyang kasayahan sa kastilyo. Halos araw-araw ay mayroong panauhin si Salina.
“Ikinararangal ko ang mapabilang sa mga bisita mo, Rahana Salina.” sabi ni Haring Gustavo, kasama ang asawa niyang si Reyna Onova. “Nakahanda rin akong sumaklolo kapag ikaw ay nasa gipit na kalagayan.” dugtong pang pangako mula sa Hari ng Portagesa. Mahigpit at dalawang kamay kung makipagkamay.
“Nagpapasalamat din ako sa pagpapaunlak ninyo, o mga kamahalan ng Portagesa. Gusto kong maging matalik ang ating pagkakaibigan. Handa rin akong tumulong sa inyong kagipitan.” ani Salina habang hawak sa kamay si Onova.
“Sa amin, wala ang ganitong kasayahan. Ayaw ng mahal kong Hari.” paibang sabi ni Onova nang malingat sa usapan si Gustavo.
“Bakit?” natatawang tanong ni Salina.
“Gusto niyang makaipon at mapalakas ang aming hukbo. Ayaw na niyang maulit ang nangyari noon.” sagot ni Onova at muling nilinga ang asawang kausap ng ibang dugong berde.
Hindi na nag-usisa si Salina. Ngumiti na lamang at nag-isip. Naalala niya ang lahing Ulikba na maaaring umagaw sa kanyang kapangyarihan. Nagbuntong hininga siya at nagkibit na lang ng balikat, pagkat alam niyang nasa kanila na ang makapangyarihang sandata. Ang pana at maraming imbak na palaso. Hindi na rin niya sinabi kung saan nanggaling ang kanyang kayamanan upang manatili siyang nagmamalaki.